Chapter 56: Access

Dumidistansiya ako sa barkada, pero sila naman ang lapit nang lapit. Hindi ko naman na mababawi ang sinabi ko kasi nasabi ko na 'yon. Kahit naman mag-sorry ako, wala na rin namang magbabago kasi nga nasabi ko na.

Ilang beses akong nag-attempt mag-send ng mahahabang message kay Sabrina, pero wala akong ibang nagagawa kundi tumitig lang sa blangkong screen. Ni isang salita, walang lumalabas sa utak ko kaya lalong sumasama ang loob ko. Puro lang tuloy ako send ng GIF na kung hindi "I miss you," puro "I'm sad" naman. Akala niya yata nakikipaglaro ako, puro GIF lang din ang ni-reply.

Tambay lang ako sa sala nang basta-basta na lang pumasok si Leo sa loob ng bahay ko. Bored na bored ang mukha niya at nakapamaywang pa nang humarap sa akin sa sofa.

"Clark, may rehearsal bukas sa hotel. Baka lang interesado kang mag-reply sa GC."

"Pupunta ako, hindi ka na sana dumaan," bored na sagot ko at ibinalik ang tingin sa phone.

"Alam mo, Clark, gusto kong mapikon dito sa pagdadrama mo, pero malamang na ako pa ang pagsasabihan ni Rico kapag pinatulan kita."

"Rico na naman. Wala kayong ibang bukambibig kundi puro Rico. Lahat na lang ng pagdedesisyon, puro siya na lang. Pati pagkapikon mo, kailangang nakadepende sa sasabihin niya. Sa bagay, siya naman talaga best friend mo, e. Kayo lagi ang magkasundo. Ako? Buwisit lang ako sa buhay mo."

"Huwag ka ngang magpaka-petty diyan, Clark! Hindi ka na Grade 1. Huwag mong pairalin ang pagiging immature mo ngayon."

"Oo na! Ako na petty. Ako na immature. Kasi matured kayong lahat, e. Bawal kasi akong magalit. Bawal akong magtampo. Kayo, okay lang, kasi kayo naman 'yan. Kapag masama loob n'yo, tinutulungan kayo, kino-comfort kayo. Kapag masama loob ko, kasalanan ko pa, sa akin pa galit."

"Paanong hindi magagalit sa 'yo, ganito inaasal mo!" sigaw niya kaya lalong sumama ang tingin ko sa kanya. "Gusto mong pumunta sa delikadong lugar! Pinipigilan ka, kami pa masama! Bakit? Gusto ba naming mapahamak ka, ha?"

Mabilis akong napabangon para sigawan din siya. "Ang problema kasi sa inyo, wala kayong tiwala sa 'kin!"

"May tiwala kami sa 'yo! Lagi kaming naniniwala sa 'yo! Mas inuuna pa nga kitang tawagan kaysa kay Rico kapag may kailangan ako! Pero hindi namin kayang magtiwala kapag ganito ka kasi alam ko! Alam ni Rico! Alam naming lahat na wala ka nang pakialam kahit malagay ka sa alanganin, magawa mo lang ang gusto mo!"

Nag-iwas ako ng tingin kasi ayokong makinig sa kanya. Kukuha lang ako ng records. Kaya kong gawin 'yon. Ayaw lang nilang maniwalang kaya kong gawin 'yon.

"Gusto kong magalit para kay Rico dahil hindi mo siya naiintindihan! Pero paulit-ulit niyang sinasabi na hindi niya kailangan ng simpatya ko dahil mas kailangan mo 'yon ngayon!"

"Siya nga ang walang simpatya! Gusto nga niyang pirmahan ko ang authorization galing sa mama niya, di ba? Nagagalit pa nga siya kasi ang daming babasahing ledgers! Tapos n'ong siya na ang involved, biglang kabig siya? So, 'pag ako ang nasa alanganin, ayos lang sa kanya? Kapag siya na ang apektado, dapat unahin siya?"

"Pinapipirma ka niya ng authorization kasi alam niyang may humahabol sa 'yo at matutulungan ka ni Tita Tess na mahuli ang kung sino mang putang inang 'yon kaysa magsariling hanap ka! Huwag mong ikompara ang sitwasyon mo sa sitwasyon niya kasi hindi lang niya problema ang hawak niya ngayon! Problema 'to ng barkada!"

"Kaya nga ako pupunta sa resto para matapos na'ng problema na 'yan!"

"Ang tigas ng ulo—argh!" Bigla niyang sinipa ang single-seat sofa sa tabi niya at tiningnan ulit ako nang masama. "Hindi ko na alam kung ano pa'ng dapat sabihin sa 'yo. Sarado na utak mo."

Sinundan ko lang siya ng tingin nang maglakad siya papuntang pintuan palabas ng bahay ko. Pagbukas niya ng pinto, nagpahabol pa siya ng salita.

"Rehearsal bukas, pumunta ka. Hinahanap ka na ni Luan. Huwag mong paiiyakin ang anak ko."



♥♥♥



Buong maghapon, pakiramdam ko, wala akong kakampi kaya nagkulong na lang ako sa bahay. Busy silang lahat sa preparation ng kasal ni Leo at hindi ko kayang makisali pa roon. Hindi naman yata ako kailangan doon.

Ang bilis kong na-bore kaya naisipan kong umalis ng bahay bago lumubog ang araw.

May records daw si Kuya Wing na baka puwedeng ibigay kay Tita Tess para 'yon ang imbestigahan ni Tita. Hindi ko lang sigurado kung ano ba ang records na dapat kong kunin kasi sobrang dami n'on.

Magaling din naman sa computer si Kuya Wing. Mas technical lang siguro ako kasi part ng kurso noong college. Pero kabisado ni Kuya Wing ang pasikot-sikot sa website at sa database ng Red Lotus kasama ng iba pang branch nila.

Wala nang araw nang makarating ako sa Parañaque. Pansin ko na agad ang kaibahan noon sa ngayon nang lakarin ko ang eskinita papuntang resto.

Mas madilim?

Mas tahimik?

Mas walang buhay?

Parang abandonadong lugar na nga kahit hindi naman makalat.

May makukulay na ilaw sa kalapit na resto bar, kita agad na nakakadena ang pinto ng resto sa harapan. Sinubukan kong dumaan sa back door, pero hindi pa man ako nakakalapit sa gilid ng resto, napapihit ako palikod kasi may mga tao roon.

Saglit na nanlaki ang mga mata ko.

May mga tao.

Gusto ko na sanang bumalik na lang sa main road kasi nga, may mga tao sa loob, pero napaisip din ako na kung nakasara ang front door, bakit may mga tao sa likod?

After so many years, eto na naman ako't tatawid sa Manila Bay para lang mag-usisa.

Maliban sa back door, puwede akong dumaan doon sa tapunan ng basura. Gilid 'yon ng resto sa kabilang side. Doon ako sumiksik at tinalon-talunan ang mga garbage bag na nangangasim na ang amoy.

Nakarinig ako ng mga nag-uusap pero hindi ko maintindihan kasi mahina ang mga boses.

Paglampas ko sa mga basura, kumapit agad ako sa metal railing ng mga bintana at naglambi-labitin doon para makatawid sa tubigan.

Putang ina, talo ko pa ang sumabak sa full-course obstacle nito. Paglampas sa pangatlong bintana, tumalon ako sa terrace ng unang kuwarto sa pinaka-visitor's lounge ng loob ng resto. Sarado ang mga pintuan doon nang hatakin ko kaya gumapang ako papunta sa dulo at lumiko sa kaliwa. Sa dulo n'on ang terrace ng office ng resto. Nandoon din ang stockroom. Sarado ang pinto pero bukas ang bintana sa itaas, yung lagayan ng exhaust fan dapat pero hindi na nalagyan. At dahil hindi naman ako higante para maabot 'yon, tumapak ako sa kahoy na bakod ng terrace para maabot ang taas ng bintana.

Sumilip ako sa loob, nagsalubong ang mga kilay ko nang makita ang dalawang taong nandoon sa harap ng computer na madalas gamit ni Kuya Wing dati.

Hindi ko makita nang maayos ang screen pero kapag gumagalaw ang nakaupo sa swivel chair, nahahagip ng tingin ko ang website ng Red Lotus.

"Ayaw pa rin?" sabi ng isang nakatayo.

"Ayaw talaga."

"Hindi ba kayang i-bypass?"

"Kailangan pa rin ng access."

Access? So, sila ang nag-a-attempt buksan ang site? Alam ba ng mga Yu ang ginagawa nila?

"Hindi pa rin ba naghahanap yung Mendoza? Tagal na nating ipinadala yung files sa kanya, a."

"Mahina yata pickup n'on."

"O baka hinarang na naman kaya ayaw bumalik dito."

Lalo pa akong napasilip sa bintana at pinandilatan sila dahil sa narinig ko.

So, sila ang nagpadala ng files ni Leopold sa 'kin? Para saan? Para bumalik ako rito sa resto?

Putang ina, slow nga yata talaga ako ngayon, hindi ko nage-gets.

Mga tao ba 'to ni Madame Ai Ling?

"Patay naman na si Wei, baka puwede na nating kunin si Mother."

"Kunin muna natin lahat ng pera bago natin kunin si Mother. Huwag kang bobo. Hindi natin siya puwedeng iharap kay Boss Wing na wala siyang pera."

Sino ba 'tong dalawang 'to?

"Psst!" sitsit ko. "Ano'ng ginagawa n'yo diyan?"

Paglingon nila, pare-parehas pa kaming nagulat sa isa't isa. Nang dumampot ang isa ng baril, ang bilis ng pagtalon ko sa terrace, balewala kung mag-dive ako sa malusak na tubig sa ibaba.

"Abangan mo sa labas!" sigaw sa kuwarto kaya mabilis akong lumangoy papunta sa kabilang dulo para wala silang abangan sa puwede kong pagsampahan pag-ahon.



♥♥♥



Amoy imburnal ako nang makipagkita kay Melanie. Nagulat nga ako, nakakalabas siya ng bahay kahit alas-nuwebe na ng gabi.

Tumawag ako sa mga Lauchengco mula sa payphone, sabi ko, pakausap kay Mel. Nagkita kami sa dating tambayan sa Coastal kasi siguradong walang tao roon. Maliwanag kahit gabi kasi sa dami ng sasakyang natengga sa traffic, lahat ng headlights, tutok sa kalsada at sa paligid n'on.

Nangangasim lang ang mukha niya habang tinitingnan ako mula ulo hanggang paa.

"Gusto mong maligo?" alok pa niya.

Huminga na lang ako nang malalim—na huminto rin bago pa ang peak ng paghinga ko kasi umaalingasaw talaga ang amoy ko, putang ina lang.

"May malapit na hotel, babayaran ko," alok na naman niya.

Ang sarcastic ng ngiti ko nang umiling sa kanya. "Pumunta ako sa resto."

Biglang nawala ang pangangasim ng mukha niya at pinandilatan ako. "Huy, shet ka! 'Ginagawa mo d'on?"

"May nag-a-access ng site ng Red Lotus. Gusto nilang makuha yung pera na naka-stock doon sa site."

"Tao nina Madame Ai?"

Napailing ako. "Duda ako. Gusto nilang makuha ang pera tapos kukunin nila si Mother. Tapos sabi n'ong isa, hindi nila puwedeng iharap si Mother kay Kuya Wing nang wala siyang pera. Hindi ko na sure kung tao ba 'yon ni Kuya Wing o ano."

Gusto na gusot ang mukha ni Mel nang mapatingin sa kanang gilid. "Hindi ko gets."

"Same," segunda ko. "Iniisip ko, baka buhay pa si Kuya Wing."

Napapailing na si Mel habang nakasimangot. "Kung buhay pa si Syaho, siya ang mag-a-access ng site, hindi kung sino-sino. Saka kung tao man 'yon ni Syaho, di ba dapat, madali na lang sa kanilang ma-access ang site?"

Oo nga, 'no?

"Pero alam na 'to ni Shin?" tanong niya.

Umiling agad ako. "Ayoko munang sabihin kasi may pinatay nga raw siya, di ba? Si Wei. Baka lang magka-conflict kapag binigyan ko ng hope na baka buhay pa si Kuya Wing."

Kagat-kagat ni Melanie ang labi at pasimpleng nagtatakip ng ilong habang nakatingin sa malayo. "Ayoko rin munang mag-assume hangga't walang proof. Pero kung ina-access nila ang site para sa pera, sure na hindi sila ang tamang tao na dapat mag-access n'on."

"Sila ang nagpadala sa akin ng envelope ni Leo," pag-amin ko. "Gusto nilang bumalik ako sa resto."

Nanlalaki ang mga mata ni Melanie nang tingnan ako mula sa gilid ng mata, takip pa rin ang ilong gamit ang nakahigang hintuturo, at parang may sinabi akong hindi niya inaasahan pero hindi siya makapagsalita.

"Kaya kita tinawagan kasi parang may nasabi ka sa 'kin before na baka may pakay sila sa 'kin kaya sila nagpapadala ng mga document. Hindi ko lang ma-grasp kung para saan."

Hinawi ni Melanie ang tapat ng mukha niya gamit ang mga daliri. "Alam mo, Clark, may naiisip akong sagot diyan sa problema mo, pero ayokong i-drop."

"Bakit?" naguguluhang tanong ko.

"Kasi delikado. Ako na ang nagsasabi." Tinapik-tapik pa niya ang dibdib niya. "Kung hindi sila connected sa mga Yu, kaya kitang chikahin sa sagot, pero mga Yu kasi."

"Mel," pakiusap ko.

Mabilis siyang umiling, ayaw pumayag. "Manghingi ka ng tulong kay Papa—sa daddy ni Pat."

"Magagalit nga."

"So?" kibit-balikat na sagot niya. "And besides, baka kaya nila nira-rush ang pagkuha ng pera, kasi matatapos na ang validity ng reforms sa katapusan ng March. Magpapalit na ng hierarchy, marami nang nagkakampihan ngayon. Kung walang pera ang mga Yu, wala silang makukuhang pabor sa mga investor."

Kumunot naman ang noo ko sa sinasabi niya. "Paanong magpapalit ng hierarchy? Saan?"

"Complicated siya, pero isipin na lang nating meron silang brotherhood, at magpapalit na ng mga nasa top of the chain." Itinuro ni Mel ang direksiyon ng resto sa likod niya. "Before, si Syaho ang head niyan. Pinagbobotohan 'yan at laging pinipili si Syaho kasi magaling siyang mag-handle ng tao at negosyo. Si Madame Ai Ling ang isa sa candidates ngayon, at marami ang nag-expect na siya na ang papalit kay Syaho, until mag-file si Bobby Lauchengco ng candidacy para sa pinakamataas na position."

Napapanganga na lang ako sa kuwento ni Melanie. Maliban sa hindi ko maintindihan, hindi ko rin makuha kung ano ang koneksiyon ni Uncle Bobby at sa pagbalik ko sa resto. O baka slow na naman ako?

"Matagal nang ini-invite si Papa diyan, hindi lang niya tinatanggap kasi nga, may mga 'kriminal' na member. Ang kuwento ni Daddy, ngayon lang tinanggap ni Papa ang offer na maging part niyan kasi magulo ang reforms ni Madame Ai at gusto nilang ibalik si Shin. Pero according sa chika ng mga nasa casino, naka-freeze ngayon ang financial status ng mga Yu. May mapagkukunan naman daw sila ng fund kasi maraming lamang pera ang site, kailangan lang maghintay matapos ang validity ng reforms na gawa ni Shin."

Pinandilatan ko si Melanie nang may bumukas na namang light bulb sa utak ko.

"Ang gusto kong mahanap, 'yong mga taong hinahanap ka."

Napatanaw ako sa gitna ng kalsadang naipunan ng mga sasakyan.

"Hindi ba kayang i-bypass?"

"Kailangan pa rin ng access."

Nagtaas ako ng hintuturo kay Melanie saka ako tumango-tango. "Alam ko na . . . alam ko na."

"Alam ang?"

Tumango-tango na lang ako at saka itinuro ang service ni Mel na naghihintay sa paradahan ng bus.

"Uuwi na 'ko. Uwi ka na, baka hanapin ka ni Pat."

Nag-taxi na lang ako kahit pa halos ayaw akong pasakayin ng driver. Kung hindi ko pa alukin ng tripleng bayad dahil sa amoy ko, hindi pa ako ihahatid sa bahay ko.

Kailangan nila ng pera.

Kailangan ng mga Yu ng pera.

Hindi ko pa rin alam kung tao ng mga Yu ang nandoon sa stockroom, pero kung Boss Wing ang tawag nila kay Kuya Wing, baka hindi sila kampi sa pamilya ni Mother.

Pagkatapos kong maligo, umupo agad ako sa harap ng laptop ko.

Access. Kailangan nila ng access sa site para makuha ang pera.

Hinahanap ako ng mga Yu para sa access. Kaya siguro ako pinasusundan noong nakaraang taon.

At kung hindi tao ng mga Yu ang nasa stockroom, ibig sabihin, hinahanap din nila ako at ginamit nila ang laman ng envelope para pabalikin ako sa resto.

Teenager pa ako noong hinack ko ang buong database ng Red Lotus, at hindi ko ine-expect na gagawin ko ulit 'yon.

Buong gabi kong inisa-isa ang mga laman ng database at napanganga na lang ako nang makita ang scanned copy ng nasa huling part ng envelope sa file ni Leo.

"You stepped on the wrong hood. Wait for the rest. We're just starting."

At hindi siya warning sa akin! Death threat siya kay Zeus noong college pa kami! Para talaga siya kay Leo noong Coastal days namin!

"Putang ina . . ." mahinang sabi ko nang mapasuklay ng buhok gamit ang magkabilang kamay. "Files ni Syaho yung mga nasa envelope . . ."

Shet, sino na'ng kakausapin ko ngayon?

♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top