Chapter 55: Monster in the Abyss
Ten days before the wedding, sumuko na ako sa file-collecting journey ng barkada kahit pa sinasabi ni Rico na mahaba pa ang ten days para maging pessimistic ako.
Yes, mahaba pa ang ten days, pero habang tumatagal, wala na akong makitang sense sa ginagawa namin at utak ko na ang kusang sumusuko.
Lalong tumindi ang katamaran ko dahil sa kuwento ni Calvin sa 'kin. Hindi ko alam kung nakatulong ba 'yon or what.
"Pinatay ni Shin si Wei."
Five seconds kong tinulalaan si Calvin bago ako nakapag-react. "Pinatay in what sense?"
"Clark, importante sa mga Yu si Wei kasi assassin siya ng Red Lotus. Siya ang lumilinis ng kalat ng pamilya. Neck and neck na sina Mama at Shin ngayon."
Noong sinabi ni Calvin na pinatay ni Mother Shin ang assassin ng mga Yu, gusto kong idetalye niya ang process. Kasi putang ina, assassin ka tapos napatay ka ni Mother Shin?
Hindi ko alam kung mahina ba ang Wei na 'yon o talagang malakas lang si Mother, partidahan nang mukha siyang dumanas ng poverty crisis.
Doon sa inamin ni Calvin na pagpatay ni Mother sa Wei na 'yon, hindi ako nagulat. Hindi dahil normal ang pagpatay sa sistema ko, pero napunta akong minsan sa sitwasyong 'yon, at aware na aware ako sa capability ni Mother Shin na pumatay ng tao basta gustuhin niya. Nag-dive ako sa mamantikang pansit habang nakikipagpatayan sa kanya makapagpakilala lang!
Pero mabait si Mother Shin. Naniniwala akong mabait siya sa mga taong deserve ang kabaitan niya. At magiging apologist niya ako forever kahit ilang tao pa ang patayin niya kasi alam kong tamad siyang tao. Kung pinatay niya ang Wei na 'yon, for sure kasi 'yon ang dahilan kaya wala na ngayon si Syaho. Eye for an eye, tooth for a tooth.
Hinanap din ako ni Mother Shin para kausapin tungkol sa mga document na natanggap ngayon, at isa 'yon sa dahilan ng matinding katamaran ko sa problema namin. Inaya pa nila ako sa may seaside, doon sa parteng hindi na masyadong dinadaanan ng tao kasi malapit na dead end.
"Kung isusuko ko kay Tessa Dardenne ang lahat ng records na nandoon sa resto, tingin ko, titigil na siya."
"Shin," sita agad ni Calvin sa sinabi ni Mother.
"Si Syaho lang ang humahawak sa mga record na 'yon. Aabutin ng ilang taon bago maintindihan nina Mama kung tungkol saan ang mga dokumento roon sa stock room."
Habang tumatagal na naririnig ko si Mother Shin, mas lalo akong nagiging interesado kung paanong alam agad ni Melanie ang mga 'to bago pa sabihin ni Mother sa akin. At noong sinabi ni Mel 'yon, wala si Calvin kaya walang nakaawat sa kanya para magdaldal.
Pareho ng sinabi sina Mother Shin at Melanie. Mas lamang sa internal si Mother, puro external naman si Mel.
Naiinis lang ako nang slight kasi kung sinabi lang ni Calvin na may alam si Melanie, sana hindi ko na pinakuha si Mother Shin sa kanila.
Although, no regrets. Mukhang nakawala na si Mother sa poder ng pamilya niya. But still, lagi't lagi na lang gine-gatekeep ni Calvin si Melanie mula pa noon at pinaiiwas niya kami sa kanya. Akala ko, dahil ayaw niya lang maging syota namin si Mel, not knowing the fact na binasted na nga kaming lahat ni Melanie during college days. Ang daming alam ni Mel na nagma-match sa sinasabi ni Mother Shin. May kung ano tuloy sa akin na gusto na lang patusin ang alok n'ong manghingi ng tulong kay Uncle Bobby kahit pa pagalitan kaming buong barkada.
"Hindi ka puwedeng bumalik sa resto. May bantay sina Mama roon," warning ni Calvin kay Mother, at halatang wala itong takot kung totoo man 'yon.
"Wala na siyang mauutusang tao galing sa side ni Syaho," seryosong sabi ni Mother. "Hindi na rin niya matatawagan ang grupo nina Wei. Kung may bantay man ngayon sa resto, baka sina Taki na lang. Pero hindi rin sila puwedeng magbantay nang ganoon katagal kasi kailangan din nilang magbantay kung nasaan si Mama. Kaya kung nandoon sila sa family meeting sa katapusan, ibig sabihin, walang magbabantay sa resto. Puwedeng pasukin 'yon."
Umiling si Calvin, at gusto ko sanang sumabad sa usapan nila. "Ayoko ng ganitong naiisip mo, Shin. Wala sa usapan 'to. Pupunta pa rin tayo sa meeting kasi kailangan. Hindi ka pupunta sa resto."
"Baka puwede akong pumunta sa resto," putol ko sa pagtatalo nila. "Kabisado ko yung stock room, alam ko kung nasaan ang mga importanteng file doon."
Naging problemado pang lalo ang reaksiyon ni Calvin, napahimas na ng baba. "Dude, paano kang pupunta sa resto sa katapusan, best man ka ni Leo?"
"Pupunta ako after ng kasal, problema ba 'yon?"
"Posible," biglang sabi ni Mother nang ituro ako.
Naghawi ng hangin si Calvin. "Hindi!" Sabay duro sa akin. "Kasal 'yon ni Leo, dude. At kailangan ka sa kasal."
"Kailangan nating mag-compromise. Pili ka na lang, Vin. Ako ang pupunta sa resto o ikaw?"
"Hindi ako puwede kasi pupunta rin ako sa family meeting kasama si Shin. Importante 'yon."
"So, hindi ka pupunta sa kasal ni Leo?"
"Pupunta ako, of course! Tatapusin ko lang ang ceremony."
"'Yon naman pala, e! Bakit pa tayo nagtatalo?"
"Mag-usap nga muna tayo, Clark." Hinakawan niya ako sa balikat at inilayo kay Mother. Dumoon kami sa tapat ng seawall habang sinasalubong kami ng malakas na ihip ng hangin sa dagat. Amoy malansa pa kaya gusto ko sanang lumipat ng puwesto kaso ayoko nang mag-inarte, wala na kaming oras.
"Vin, wala nang sense mag-audit, I'm telling you," sumusukong sabi ko. "Kahit ilang audit pa ang gawin natin, kung hindi naman natin alam ang purpose kung bakit natin 'to ginagawa, wala ring sense."
"E, di ba nga, kailangan nating takasan si Tita Tess at sa sarili niyang auditing?"
"Dude . . ." Nagbuntonghininga ako saka umiling. "Sa tagal kong nag-stay under ng Afitek, malamang na tapos na silang mag-audit habang wala pa tayo sa kalahati ng mga ledger."
"So, ano? Susukuan mo na lang 'to? Ilalaglag mo sina Early Bird?"
"Dude, mama niya ang humahabol sa kanya. Tingin mo ba, dudurugin siya ni Tita Tess dahil lang may hidden account siya?"
"Ipasasara nga ang account natin, makakalkal ang mga record sa Red Lotus! Bakit parang hindi mo na naiisip 'yon, ha?"
Napailing ako kay Calvin. Para akong nabibingi na sa mga rason na 'yon.
"Alam mo, Calvin, magiging honest ako sa 'yo, ha?" Humugot pa muna ako ng malalim na hininga bago sinalubong ang tingin niya. "Araw-araw kong iniisip na pirmahan na lang ang agreement na 'yon. Hindi dahil gusto ko kayong traydurin, pero alam ko . . . sa loob ng utak ko . . . na 'yon ang tamang gawin . . . kasi never tayong ipapahamak ni Tita Tess." Ilang beses kong tinuro ang dibdib ko. "I wanted to treat this as a game against Tita, pero hindi kasi siya si Mickey Mouse! Naiintindihan mo ba?"
"Magagalit si Rico kapag pinirmahan mo 'yon nang hindi kami kinokonsulta," seryosong sabi ni Calvin sa mababa na niyang boses.
Napalunok ako at napailing. Natawa pa ako sa sobrang hopelessness ng situation namin ngayon. "Kapag talagang decision-making, kay Rico talaga, 'no? Parang wala tayong karapatang mag-decide para sa mga sarili natin. Kung ano'ng kakainin . . . kung ano'ng bibilhin . . . kung ano'ng gagawin sa maghapon . . ."
"Clark, hindi ito about sa pagpili ng lunch, okay? Huwag ka ngang magpaka-petty diyan!"
"Hindi ba ako puwedeng mag-decide para sa barkada? Kahit once lang!"
"Dude, the whole thing wasn't even about your problem! Problema 'to ni Leo, ni Rico, at ni Patrick! You were just there because you're our wingman! Kung may mag-decide man para sa barkada, si Rico o si Leo na 'yon because this is their issue and not yours! You happen to have every evidence against them! At ang gusto mo, isuko sila kasi hawak mo lahat!"
Napatalikod ako para sumagap ng hangin. Ang bigat ng laman ng dibdib ko, hindi ko alam kung ano ba sa mga sinabi ni Calvin ang nagpabigat doon.
Si Rico, si Rico, puro na lang si Rico.
Kailan ba kami puwedeng mag-decide nang hindi na namin kailangan pang hingin ang opinyon niya?
Pagharap ko ulit sa kanya, umiiling akong nagpasabi agad ng plano ko. "Kukunin ko ang mga record ni Kuya Wing. Piliin mo ang lakad n'yo ni Shin, pipiliin ko ang mga file sa resto. Kung gusto mo 'kong pigilan, desisyon mo na 'yon. May choices ka naman."
♥♥♥
Ganoon nga siguro kadaldal si Calvin para mabilis na ibalita kay Rico ang tungkol sa mga sinabi ko. At mukhang marami pa siyang idinagdag kaya galit na galit itong isa pagpunta sa bahay ko.
"Clark!"
Ang sama agad ng tingin ko kay Rico nang humahangos na lumapit sa akin sa sofa.
"Nababaliw ka na ba, ha?" pagkompronta niya nang tumayo siya sa harapan ko. "Pipirmahan mo ang agreement kay Mum? For what?"
"Alam nating dalawa na hindi tayo mananalo sa mama mo. Huwag na tayong magbida-bida rito, puwede ba?"
"Then ano yung sinasabi ni Calvin na pupunta ka sa resto ng mga killer, ha?"
Natawa ako nang mahina hanggang sa lumakas nang lingunin ko si Calvin. "Ang galing mong mag-hype ng kuwento, Vin! Puwede ka nang maging scriptwriter!"
"Walang mali sa sinabi ko, Clark," mahinahon niyang sagot sa sinabi ko kaya napatayo na ako habang naiinis na hinarap si Rico.
"Gusto kong pakasalan ang kapatid mo . . ." naiinis na sabi ko sa kanya, hindi maawat ang pagtagis ng ngipin ko. "Sinusubukan kong i-recall kung ano ang fault ko sa issue na 'to, pero laging bumabalik ang lahat sa paulit-ulit-ulit kong warning na huwag ngang pumusta sa putang-inang karera na 'yon! Pero mapilit ka! Hindi ka marunong makinig kasi pabida ka! Kahit kailan, gusto mong ikaw ang bida! Gusto mong ikaw ang laging nasusunod! Wala kang ibang iniisip kundi makapagyabang lang!"
"Clark!" Inilayo agad ako nina Will kay Rico na matalim lang ang tingin sa akin.
Paulit-ulit ko siyang dinuro habang inaawat ako nina Will.
"Gusto kong piliin si Sabrina pero kailangan kong unahin kayo! Puro na lang kayo! Wala nang para sa 'kin! Ngayon lang ako pipili ng para sa sarili ko pero kailangan ko pa ring isipin kayo! Kailan ba 'ko magkakaroon ng akin kung lahat na lang inaagaw mo!"
"Dude, tama na."
"And you really think na tama ang decision mong pumunta sa resto na 'yon?" galit na ring niyang tanong at nakikita ko sa namumula at namamasa niyang mata ang galit sa lahat ng sinabi ko.
"Ako ang magdedesisyon para sa sarili ko ngayon!"
"Kahit alam mong delikado? Magpapakamatay ka ba?!" sigaw niya kaya nagtaas ako ng mukha at itinulak nang malakas sina Will para sugurin siya.
"Wala kang pakialam kahit magpakamatay ako! Sino ka para utusan ako kung ano'ng dapat kong gawin, ha?!" Marahas kong hinatak ang kuwelyo ng polo niya.
"Tapos ang lakas mong sabihing gusto mong piliin si Sabrina?! Ano'ng ihaharap mo sa kapatid ko? Bangkay mo?!"
"Tama na 'yan!" Tinabig ni Leo ang kamay ko at kinaladkad niya ako palayo kay Rico habang pareho kaming hinihingal sa galit.
"Tell me all your beef with me, I don't care! Kung masama ang loob mo sa lahat ng ginagawa ko, ilabas mo, tatanggapin ko! Pero hindi ka pupunta sa kahit saan nang wala ang barkada!" Dinuro na naman ako ni Rico habang inilalayo na rin siya ni Will. "This is our problem and we will solve this together! At wala akong pakialam kung magalit ka! Hindi ka aalis nang wala kami!"
Huh! Tingnan lang natin kung mapigilan mo 'ko.
♥♥♥
Nag-expect ako na magagalit silang lahat sa akin dahil sa mga sinabi ko nang araw na 'yon. Umasa akong lalayo sila dahil nailabas ko nang hindi inaasahan ang sama ng loob ko.
Pero malay ko na rin sa kanila. Mas lalo pa silang naging makulit kahit halos murahin ko na silang lahat.
Dumaan ako sa bahay ni Patrick kasi nag-chat ako na kailangan ko ng kotse. Hindi nga lang niya inasahan ang kotseng hihingin ko.
"Dude, I—" Ang lalim ng buntonghininga niya habang nagkakamot ng ulo.
Tiningnan kong maigi ang kotse kong inarbor nila ni Leo para nga raw pag-eksperimentuhan. Pinakaunang kotse ko 'to na ibinigay ko sa kanila kasi nakabili ako ng Peugeot, na hindi ko na rin ginagamit ngayon kasi Ford SUV ang madalas kong gamitin kapag may lakad ako.
Project nila 'tong dalawa na balak i-propose ni Patrick sa daddy niya. Nakailang crash test na rin sila sa kotse kaya alam kong bugbog na bugbog na 'to. Pero 'yon din ang reason kaya ko gustong hiramin.
"Sobrang sturdy na ng hood nito. Costly siya, to be honest, and I didn't think Papa would spend a lot for this one. But Leo said we better focus on airbag kasi nakakita kami ng bidding for that. Gusto naming ilaban 'to."
Patango-tango ako habang sinisilip ang interior. Kung tutuusin, wala namang espesyal sa loob kasi simpleng sedan lang 'yon. Kung may binago man, baka itong in-dash stereo kasi radyo lang 'to noong binili ko. In-dash navigation na siya ngayon. Saka binago rin ang upholstery ng mga upuan.
"Dude, magagalit lang lalo si Early Bird sa 'yo," kinakabahang paalala ni Patrick habang inoobserbahan ko ang sasakyan.
"Kung magalit siya, e di magalit. Hindi ko naman 'to ginagawa para sa sarili ko lang."
"Pero, dude—"
Huminto ako sa paglibot at tiningnan nang seryoso si Patrick. "Pat, kukunin ko ang records sa resto para ibigay kay Tita Tess. Para tigilan na niya tayo. Kung hindi 'yon naiintindihan ni Rico, ang tanga na lang niya."
"But Calvin said it was dangerous kasi marami ngang bad guys doon. Once they caught you, puwede ka nilang patayin."
"Walang kaso 'yon! Kayang-kaya ko 'yon! Wala lang kayong tiwala sa 'kin, e."
Nagbuntonghininga na lang si Patrick at umiling sa akin. "You know, Clark, ayokong ganito ka. This is not you."
Itinukod ko ang kamay ko sa bintana ng kotse at bored na tiningnan si Patrick. "Ginagawa ko rin 'to para sa 'yo, Patrick. Para hindi ka pagalitan ng papa mo."
"I can handle Papa's wrath. Sanay na 'ko." Bigla siyang umiling, dismayadong-dismayado. "I just don't know how to handle yours."
Kinatok na lang niya ang hood ng sasakyan at naglakad palabas ng garahe niya.
"We still love you, dude. Hindi kami makokompleto kung wala ka. Just stay safe na lang if ayaw mo talagang makinig kay Early Bird."
Sinundan ko lang siya ng tingin paalis. Hindi na ako nakapagsalita nang hindi ko na siya matanaw pa.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top