Chapter 54: Daddy

Mid-March pa lang, moving up na sa day care center. Wrong timing pa kasi natapat ng Friday ang moving up ni Luan, tapos may meeting pa sa Recognition Day ni Eugene. Hindi na nga makakapunta sina Leo at Kyline sa magkaparehong okasyon at meeting, hindi ko pa alam kung sino ang dapat kong samahan.

"Meeting lang siya with the other parents naman, Clark," paliwanag ni Ky. "Hindi naman kailangang samahan ako. Ie-explain lang naman daw ang program at mga dadalhing offering."

Habang namimili ako kung sino ang sasamahan: si Eugene ba o si Leo, mas nangingibabaw ang isa ko pang option. Samahan ko na lang si Sab tapos date na lang kami habang hindi pa kami buong barkada para mag-asikaso ng documents.

Nakipag-meet tuloy ako sa kanya two days bago ang moving up nina Luan.

"Alam mo yung . . . dati, eager na eager kang samahan sila tapos magpapabibo ka roon . . . tapos ngayon—hindi naman sa walang gana. Parang hindi mo na makita ang sarili mong nandoon sa lugar na 'yon."

Nakailang suklay sa bangs ko si Sabrina habang tinititigan lang ako. Nakatayo siya sa harapan ko habang nakaupo ako sa bakal na tubo bilang bakod ng parking lot sa tapat ng isang complex center kung saan kami nagkita. Naghihintay naman ako ng feedback sa kanya tungkol sa dinadrama ko ngayon.

"Naisip ko, date na lang tayo sa Friday," natatawang sabi ko. "Hindi naman kami kompleto, e. Hindi naman namin puwedeng tawagan si Leopold habang nasa ceremony."

Habang nakatitig ako kay Sabrina, nakikita kung gaano kaseryoso ang mga tingin niya para sabihing hindi siya papayag sa sinabi ko.

"I may not know you that well as a boyfriend, but I know you too well as a friend, Clark." Tumipid ang ngiti niya at tinusok na naman ang magkabila kong pisngi ng mga hintuturo niya. "Alam kong kaya mo 'kong i-date, pero sure na ang utak mo, nasa kanila."

"Sab . . ." Kinuha ko ang magkabila niyang kamay, at pakiramdam ko, may inilabas siya sa loob ko na ayoko sanang makita niya pero nakita agad niya bago ko pa itago.

Tinitigan ko lang ang mga kamay niya habang himas-himas 'yon ng magkabilang hintuturo.

Gusto kong makasama si Sabrina pero hindi rin siya mali sa posibilidad na baka habang magkasama kami, nasa iba rin ang utak ko.

Ayoko nang mamili. Napapagod na akong mamili kung sino ang uunahin.

"Wala naman akong gagawin sa Friday. If you want, we can attend sa Moving Up ni Luan. Samahan natin si Leo."

Mabilis na umangat ang tingin ko at automatic akong napangiti. Pagkakita ko sa mga mata niya, napalobo ko agad ang pisngi para itago ang tuwa ko sa desisyon niyang 'yon.

"You like that better, I know. I can see it," napapangiting sabi niya.

Hinatak ko na lang siya nang marahan palapit sa akin para yakapin.

"Thank you for understanding, Sab."

"I just know your priorities."

Parang pinatid nang ilang segundo ang paghinga ko ng sinabi niya.

"I just know your priorities."

Na-offend ako sa isang line na wala namang masamang hangad.

Na-offend para sa sarili ko; para kay Sab; para sa relasyong meron kaming dalawa.

Kasi ang dating sa akin, parang wala siyang choice kundi piliin 'to kasi kahit piliin ko siya, ang utak ko, iba pa rin naman ang pipiliin kaya siya na lang ang nag-adjust kasi wala naman siyang magagawa kung hindi ko siya pipiliin unconsciously. Ganoon ko siya naririnig.

Hindi ko siya masasabing cheating kasi si Leo ang topic. Pero ang nagiging siste kasi, hindi ko pa rin kayang piliin si Sab wholeheartedly, na kahit siya, ramdam niya 'yon.

Buong maghapon, dinala ko ang offended feelings na 'yon sa sistema ko at ilang beses kong sinabi sa sarili ko na last na 'to.

Huli na 'to. Kasi ayoko nang maramdaman ni Sabrina na kailangan pa rin niyang makihati sa atensiyon ko dahil alam niyang hindi ko siya priority kahit ano'ng gawin kong pagbibigay ng assurance sa kanya.



♥♥♥



Moving Up ni Luan sa nursery school. Two years old, going three sa May 5. Kindergarten 1 na sa susunod na academic year.

Allowed daw ang visitors pero huwag daw mag-expect ng special treatment. Sinabi ko agad 'yon kay Sabrina kasi baka maghanap ng VIP seat sa ceremony, wala akong maibibigay sa kanya kahit gustuhin ko man.

"Dada, ayaw!" reklamo ni Luan, kanina pa hinahatak ang necktie niya.

"You don't want to have a tie?" tanong ni Leo sa kaswal niyang boses. Mabilis namang tumango si Luan. "But you need that to have your medal. Ayaw mo na sa medal? Bigay na lang natin kay Joshua?"

"I want it!" galit na sigaw ni Luan.

"Then we'll remove that tie after you got your medal. Kunin muna natin medal mo bago natin alisin 'yan."

Wala tuloy nagawa si Luan kundi tiisin ang necktie niya. Hindi naman 'yon masikip, pero hindi kasi sanay si Luan na closed neck ang suot.

Ito namang si Leo, gini-guilt-trip pa ang anak. Hindi niya talaga kayang kausapin si Luan nang mahinahon. Kung paano niya kami kausapin, minus the mura, ganoon din niya kausap si Luan.

Naka-semi-formal suit si Leo. Navy blue long-sleeved shirt na naka-tuck sa itim na slacks. Suot pa niya ang regalong black leather belt ni Kyline sa kanya, e branded pa naman kaya ang slick tingnan. Leather din ang suot niyang relo ngayon, at black leather shoes. Ito namang anak niya, naka-white long sleeves na may black necktie, kapares ng black school pants.

Sabi ko, ako na lang ang magdadala ng pinaka-toga ni Luan na kulay light blue, pero si Leo na ang nagdala ng lahat. Nakasampay sa kaliwang braso niya ang toga ng anak niya habang may bitbit na baby bag sa kabila.

Alas-otso raw ang start ng Moving Up Ceremony. Alas-siyete y medya, nasa location na kami. Doon pa rin naman sa school nina Luan. Sa pinaka-covered court doon na playground din minsan ng ibang estudyante. Marami nang tao pagdating namin. Nakalatag na sa court sa harap ng stage ang mga upuan na uupuan ng mga bata. Kaunti nga lang, parang wala pang thirty ang naroon. Pinaghiwalay sa dalawang set na hindi pareho ang bilang. Inisip ko na lang na baka sa girls at boys 'yon—na hindi naman ako nagkamali.

"So, walang seat para sa mga parent," bulong ni Sabrina nang mapansing ang mga upuan, para lang talaga sa mga bata.

"Uhm . . ." Shet. Napabuga tuloy ako ng hininga sabay kamot sa ulo. Lumingon-lingon pa ako para maghanap ng puwedeng upuan ni Sab. "May bleachers!" pagturo ko sa mahabang hagdanan sa kanan namin. Yung talagang upuan ng audience kapag may paliga.

Habang nakikita ko ang paligid na maraming tao, may mga bata pang nakikiusyoso sa court, may mga nanay at tatay na parang wala namang anak dito sa Moving Up pero nanonood din sa gilid, naisip ko agad na sana hindi ko na lang isinama si Sabrina.

Hindi sa ayoko siyang kasama. Ayoko lang na maging uncomfortable siya sa ganitong environment. Open kasi ang area, mabuti sana kung nasa theater. Private naman ang day care center, kaya nga may sariling court. 'Yon lang, walang sariling bakod kaya bukas sa lahat.

Inaayos na ang stage at pinapatungan ng mesa. Inilapag na roon ang mga certificate at mga medal.

Ang lilikot ng mga bata. May sumisigaw na isusuot na raw ang toga, may nagrereklamo ng init, may umiiyak kasi nagugutom at hindi pa kumakain. Ang aga naman kasi. Pero sanay naman sa maagang gising sina Leo dahil 7 a.m. ang pasok ni Eugene.

"Mainit?" tanong ko kay Sab habang pinapaypayan siya.

"Medyo," sagot niya, pinapagpag ang floral blouse niyang maikli ang sleeve. Pareho kaming naka-casual ngayon. Naka-V-neck shirt nga lang ako at denim jeans. Si Sab, white blouse lang na naka-tuck sa high-waist shorts.

May folding fan si Leo na binibilog at iyon ang gamit ko para hanginan si Sab. Pero meron din siyang baon na rechargeable fan at iyon ang nakatutok naman sa anak niyang nakanguso sa necktie at kinukurot 'yon sa laylayan.

Ang daming mga nanay na naka-makeup, pero karamihan sa kanila, hindi ko masabing "nanay" kasi parang kaedad lang ni Sabrina ang karamihan ng nandoon. Kung hindi man, mas bata pa. Kada lingon ko, ang bilis makita ni Leo. Ang mga katabi niyang nanay, pinakatangkad na ang hanggang balikat niya. May isa akong nakitang hanggang dibdib lang niya. Yung ibang classmate ni Luan, ni hindi man lang umabot sa tuhod niya.

May umakyat nang babaeng teacher, may hawak na mic.

"Parents, pakiupo na po ang mga bata sa puwesto nila. Start na po tayo ng program."

Naupo na ako sa tabi ni Sabrina at pinanood lang namin si Leo na asikasuhin ang bunso niya. Hindi ko puwedeng iwan si Sabrina rito, baka biglang hablutan ng bag out of the blue ng mga nanonood. Saka mainit, walang magpapaypay sa kanya.

Sabay-sabay kaming tumayo para sa national anthem. Nabalik lang sa upuan nang mag-start na ang doxology.

"I barely remember yung graduation ko n'ong kinder," sabi ni Sab. "Hindi ko na rin nakita mga album n'on sa bahay."

"Pahanap mo kina Yaya Beth pag-uwi."

Nagsimula nang tumugtog ang graduation song kaya isa-isa nang umakyat ang mga bata kasama ng mga parent nila. At dahil Scott si Luan, isa siya sa mga nasa pinakadulo ng pila.

"I miss going to school," sabi ni Sab. "But I don't like quizzes and exams and academic pressures. Basta mag-school lang for friends."

Natawa ako nang mahina roon. "Tapos puro tsismisan lang gagawin sa room haha!"

Moving up na ni Luan. Parang kailan lang, si Eugene ang inilalakad ni Leo sa stage.

"Grabe, super laki ni Leo," puna na naman ni Sabrina nang sina Luan na ang naglalakad sa stage. Ang bagal ng lakad ni Leo para lang masabayan ang anak niya. Kung sa iba, hawak sila ng parents nila, sina Luan at Leo, magkasabay lang talagang naglakad. Paghinto sa gitna, may photographer na magsasabi sa kanila ng pose (na kinailangan pang umatras para lang magkasya sa frame itong mag-ama), saka yuyuko si Luan tapos lakad ulit pa-exit.

"'Pag nagka-baby tayo, ikaw maglalakad sa kanya sa stage?" tanong ko kay Sab.

Halatang nagulat siya sa tanong, napataas ang magkabilang kilay niya, nagtatanong kung bakit ganoon ang tanong ko.

"Mas cute kapag ikaw, tapos videographer ako," dagdag ko.

"Hindi ba scary magka-baby?" curious na tanong niya. "Luan's cute, but super sungit."

"Si Eugene, sample. Ako nag-alaga d'on."

"Hmm . . ." Nakanguso siyang nag-isip at biglang ngumiti pagkatapos. "Eugene's a very nice kid. I might consider."

Napangiti na lang ako sa sinabi ni Sabrina. Hinawakan ko siya sa kabilang sentido para ipalapit sa akin saka ko siya hinalikan sa tuktok ng ulo.

Patuloy lang ako sa pagpaypay habang nakikinig kami ng speech ng Dep-Ed official na nakadestino rito sa distrito. Si Leo, nakatayo roon kasama ng mga nanay at tatay sa likuran ng mga upuan kung nasaan ang mga bata.

Nakakailang saway na ang teacher doon sa mga bata sa harap na bored na yata kasi alis nang alis sa upuan. Si Luan, kahit nakatoga na, inaaway pa rin ang necktie niya.

"When you know we're just wasting our time here, but we're still here," biglang sabi ni Sabrina, natatawa pa.

Pinilit ko na lang ding ngumiti sa sinabi niya. Alam kong bored na rin siya. Tumingin ako kay Leo na tutok sa sinasabi ng Kagawad sunod kay Luan na busy sa necktie niya.

"Gusto mo, paalam na tayo?" sabi ko agad.

Ginusot lang niya ang bandang ilong at noo niya saka umiling. "Yung program daw, until 9:45 a.m. lang, and . . ." Tumingin siya sa suot na digital watch. "It's already 8:54. So, kaunting wait na lang."

Napabuntonghininga na lang ako at nilakasan na lang ang pagpaypay habang akbay siya.

Nagi-guilty ako. Kung ako lang, ayos lang 'to, e. Kahit pa abutin kami ng alas-dose, walang problema.

Pero hindi kasi ayos kay Sab. Tapos kahit ramdam kong ayaw niya rito, sinasabi na lang niyang mag-stay pa kami hanggang matapos kasi sandali na lang naman daw.

Ayokong pinatatagal siya sa lugar na hindi naman siya masaya. Ayokong patagalin na siya sa lugar na kaya kong titiisin para sa barkada ko.

Nakaka-bore na habang umaandar ang bawat minuto. Nabuhay lang kami nang magkatawagan na ng mga makakakuha ng medal, ribbon, at certificates.

"Scott, Luke Anakin Chua, Best in Math."

"Dada!" sigaw ni Luan at itinuro ang stage.

Halos yumuko na si Leo, maabot lang si Luan na hawak ang kamay niya, hinahatak siya paakyat sa stage.

Ang lapad-lapad ng ngiti ni Luan habang iniisa-isa ng tingin ang matatandang nasa stage.

Pagtingin niya sa audience, tumili agad siya nang makita ko saka ako itinuro. "Nining Kwerk! Very good si Wuwan!"

Pinigilan ko namang matawa at malakas na pumalakpak para sabihing narinig ko siya.

"Aw, that's cute," sabi ni Sab at kukunin sana ang pamaypay sa akin, pero hindi ko ibinigay. Pinaypayan ko lang siya ulit.

Nakalimang akyat sina Luan at Leo sa stage. Best in Math, Best in Reading, Best in Writing, Most Talkative, at Third Honor ang mga nakuhang award ni Luan. Natawa ako sa Most Talkative. Papalagan ang 4-time Best in Quiet ng Kuya Jijin niya sa bahay.

Matapos ang isa na namang speech, aakyat ang mga bata sa stage para kumanta ng Moving Up Song nila. Ang kaso . . . nagkaproblema.

"Chicher!" tili ni Luan sabay sapak sa classmate niyang lalaki.

Sunod-sunod ang ingay. May humiyaw na nanay, may pumalahaw ng iyak na bata, may sumugod sa gilid ng stage. Napatayo ako kasi si Luan ang inaaway at nang-aaway.

"Clark," awat ni Sabrina bago pa ako makahakbang. "Hayaan mo na ang mga teacher diyan. Magulo na, e."

Nakatingin lang ako kay Sabrina at hindi ko alam kung uunahin ko ba ang sinabi niya o ang sitwasyon.

Hawak niya ako sa braso nang lingunin ko ang gilid ng stage. Nandoon na si Leo at mukhang manunugod na rin.

"Sisipa niya 'ko!" malakas na tili ni Luan, umiiyak na.

"Hindi naman sinasadya," sabi ng nanay ng nanipang bata. "Bakit nanununtok ka?"

"E, sinipa nga ang anak ko, alangan namang mag-celebrate siya?" sagot agad ni Leo at tumalungko na para pagpagin ang pantalon ng anak niya.

"'Yang anak mo naman ang palaaway, e! Sinuntok pa anak ko!"

"Kahit din ako, susuntukin ko rin anak mo, e! At wala akong pakialam kung palaaway 'tong anak ko! Nananahimik ang anak ko sa pila kaya dapat nanahimik lang din 'yang anak mo!" sigaw ni Leo at pagtayo niya para angasan ang nanay, ilan silang babae roon ang sabay-sabay umatras pagtindig niya.

"E, h-hindi nga sinasadya ng anak ko!" kinakabahang sagot ng babae.

"A, talaga?"

"Aaaahhh!" sabay-sabay nilang hiyawan nang akmang tatadyakan ni Leo ang batang kaaway ni Luan.

Natigilan lang ang lahat nang ibaba ni Leo ang paa at dinuro ang nanay ng batang kaaway ang anak niya.

"Isang salita pa, humanda kayo sa 'kin ng anak mo," warning niya at binalikan ang bunso niyang umiiyak.

Pinabalik ang lahat sa malayo sa gilid ng stage at pinaiwan doon ang mga bata. Ultimo si Leo, dumoon na sa kabilang gilid ng stage, malayo sa mga parent na kaninang kasama niya.

Pag-akyat sa stage nina Luan, hindi ko alam ang mararamdaman sa anak ni Leo na umiiyak doon sa sulok, malayo ang distansiya sa mga kaklase niya.

Nag-play na ang music na kakantahin at sasayawin nila pero hindi pa rin tumitigil si Luan sa pag-iyak.

"Wuwan, 'wag na iyak . . ." mahinang sabi ko kahit nasa malayo man. Gusto ko na lang umakyat sa stage at ibaba roon si Luan para huwag nang mag-perform.

Kasi bakit pa nila pipilitin ang bata kung umiiyak na nga.

"We are the children of yesterday's dream
We are the promise of the future we bring . . ."

Sumasayaw na at kumakanta ang mga kaklase ni Luan pero siya, nakatayo lang doon sa sulok, hikbi nang hikbi, pulang-pula na ang mukha.

"Baka puwedeng kausapin ang teacher na ibaba na si Luan," sabi ko pa kay Sab. Hindi ko rin maesplika ang reaksiyon niya, halatang hindi rin alam ang gagawin.

Paglingon ko sa stage, natigilan ako sa paghakbang na sana nang makita si Leo sa harap ng stage, ginagaya ang steps ng mga batang sumasayaw sa stage habang nakaharap kay Luan.

"Helping each other build each other
As long as we're together you and me . . ."

Naglahad si Leo ng mga kamay sa magkabilang gilid habang ginagaya ang mga batang paugoy-ugoy ang katawan sa kanan at kaliwa. Nagmumuwestra siya kay Luan na gayahin siya.

"For together we stand divided we fall . . ."

Umiiyak pa rin si Luan pero ginagaya na niya ang sayaw ng daddy niya. Doon lang siya nakatingin nang mga sandaling 'yon. Para bang silang dalawa na lang ang sumasayaw sa harap, balewala na ang ibang bata.

"Together we climb to the top of the world . . ."

Nalipat ang tingin ko sa mga nanay roon na nakatingin lang din kay Leo na mag-isang sumasayaw sa harapan.

Gusto ko siyang samahan doon kasi para talaga siyang tangang kumekembot kahit ayaw niyang sumasayaw ultimo sa harap naming barkada niya.

Pero . . . sa mismong sandaling 'yon . . .

"We are the world of the restless and young . . ."

Tiningnan ko si Leo hindi bilang barkada kong nagmumukhang tanga sa harap ng maraming audience dito . . .

"And we need a hand to guide us . . ."

Tiningnan ko siya bilang tatay na handang makipagsapakan kapag may umaway sa anak niya pero handa ring sumayaw ng sayaw ng anak niya kasi hindi makasabay sa iba.

"As long as we're together you and me . . ."

May kung anong bara sa lalamunan ko ang hirap akong lunukin. Para akong pinakain ng realidad sa oras na hindi ko naman hinihingi.

Kailan nga ba nagiging selfish tumulong?

Kasi habang nakikita ko si Leo na sumasayaw roon, naiisip ko ang mga panahong gusto kong alagaan si Luan—mga panahong inaagaw ko ang karapatan niyang maging tatay sa anak niya.

Pagkatapos ng kanta, umiiyak pa rin si Luan. Nagsipuntahan sa kanang gilid ng stage ang mga kaklase niya pababa ng hagdanan habang siya, pumunta sa harapan ng stage.

"Dada!" palahaw niya.

Lumapit doon si Leo at saka tumalon si Luan nang ialok ng daddy niya ang braso nito.

Hindi lang ako ang nakatingin kay Leo habang karga-karga niya ang anak niyang umiiyak. Ang amo ng mukha ni Leo habang hinahagod ang buhok ng anak niya para patahanin.

Pagtingin ko kay Sab, nagpupunas siya ng mata habang natatawa. "Naiiyak ako, shet."

Pinabalik ang mga bata sa mga upuan, pero si Luan, karga pa rin ng daddy niya at nakatayo lang sila roon sa likod ng upuan niyang maliit.

Closing message na raw at matatapos na rin sa loob ng ilang minuto ang program.

"Grabe, the drama," natatawang sabi ni Sab kahit maluha-luha pa rin.

Hindi ako makaimik.

Nakatingin lang ako kina Luan at Leo at may kung ano sa loob ko na tinanggap nang hindi ako magiging tatay ni Luan kahit anong pilit ko. Kasi hindi ako ang tamang tao roon sa posisyon na 'yon.

Sa mismong minutong 'yon, sinukuan ko na ang sa kanilang mag-ama habang iniisip na . . . ganoon siguro kalaki ang ninakaw kong karapatan kay Leo mula kay Eugene, na halos hindi niya makilala ang sarili niyang anak kasi hindi niya naman kayang palakihin si Eugene bilang mabait at magalang na bata.

Na habang tinitingnan ko ang paraan ko ng pagpapalaki sa paraan niya, may kinukuha na pala ako sa kanya na hindi ko naman dapat kunin at wala rin akong karapatang kunin.

Yung ngayon lang nag-make sense kung bakit ang lakas niyang bakuran ang bunso niya sa 'kin . . . kasi nakuha ko na yung panganay. Ayaw na niyang makuha ko pa ang bunso.

Natapos ang program na nakatulog si Luan kaiiyak.

"Anak, hubarin na natin necktie, ha?" malambing na sabi ni Leo kahit hindi naman siya sasagutin ng anak niya kasi tulog.

Kandong niya si Luan sa bleachers habang inaalis ang necktie na inaaway pa kanina ng anak niya.

"Kawawa naman ni Luan, inaway pa ng classmate niya," reklamo ni Sabrina. "Hindi man lang mapagsabihan ng mommy n'on."

Walang sinabi si Leo. Inalis lang ang mga ribbon at medal ng anak niya bago ang necktie.

Nandoon lang ako sa harap niya, nanonood. Hindi ako nag-alok ng tulong, hindi ako nagbigay ng kahit anong hindi niya naman hinihingi.

Hinubad niya ang white shirt ni Luan at naiwan ang white sando ng bata. Inilagay niya lahat sa baby bag saka kinuha ang payong.

"Uwi na tayo, 'nak. Hintay natin si Mimy sa bahay." Idinantay niya ang pisngi ni Luan sa balikat niya saka siya tumayo. "Uwi na kami, saan na kayo?" tanong niya sa amin.

Natulala lang ako sa kanya, nawalan ako ng sasabihin.

"Baka mag-lunch na kami sa labas," sagot ni Sabrina.

"Sige. Una na kami," sabi lang ni Leo at nauna na. Sinundan ko lang siya ng tingin hanggang makalabas ng covered court. Binuksan niya ang payong paglabas sa initan at wala akong ibang nagawa kundi panoorin lang siyang makaalis kasama ang anak niyang madalas naming sinusundong dalawa.

"Are you okay?" tanong ni Sab kaya napatingin ako sa kanya.

Pasalita na ako pero bigla akong inapawan ng luha nang hindi ko inaasahan.

"Clark," nagulat ding pagtawag niya sa 'kin.

"Ang hirap mag-let go," natatawang sabi ko at nanginginig ang labing nagpunas ng mata. "Masasanay rin ako. Kaunting sanayan na lang."



♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top