Chapter 46: My Valentine
Sa twenty years na pagkakakilala namin ni Sabrina, ngayon ko pa lang siya makakasama sa buong Valentine's Day. Noong mga bata pa kasi kami, school fair namin ang buong February 10 hanggang 17. At sobrang busy ng mga araw na 'yon para sa amin nina Mat at Rico kasi compulsary na mag-participate kami bilang mga nasa top sa klase. Mas lalo na kasi choir members kami na kailangang sumama sa practice para sa homily.
Mas lalong nawalan ng chance noong dumistansiya ako kay Sab bago siya pumunta sa America. Pagbalik naman niya sa Pinas, kung hindi ako busy, hinaharang naman ni Rico. Nagka-boyfriend si Sabrina, sinukuan ko na ang idea. Saka malamang na during those times, mas gugustuhin ko pang i-date si Jaesie kaysa kay Sab. After all, hindi ko naman tiningnan si Sabrina bilang potential girlfriend.
Kapag wala sina Tita Tess, tahimik sa mansiyon. Nandoon naman ang mga maid, pero iba kasi kapag nasa bahay sina Tito Ric, parang may directive na agad sa lahat kung ano ang gagawin sa araw na 'yon kaya lahat sila, nakakalat sa buong mansiyon. At dahil walang nakakalat na maid sa buong bahay, alam ko na agad na pahinga sila ngayon.
Kagat-kagat ko pa ang sandwich na hiningi ko kina Tita Hellen nang mamataan agad ako ng namumulis sa akin dito sa mga Dardenne.
"Um-hm. Ayaw mong paawat na bata ka, ha," sita ni Yaya Beth sa akin nang masalubong ako pagpasok ko sa mansiyon.
"Grabe, Yaya Beth, wala man lang good morning?"
"Hahaha! Sinasamantala mo talaga porke wala si Madame."
"Nagpaalam ako kay Tita Tess, eksyooshmi," sabi ko pa at saka siya pabirong inirapan. Inabot ko agad sa kanya ang bouquet ng pink tulips na dala ko. "Pakialagy sa vase, Yaya Beth."
"Ay, eto ba ang bigay mo ngayon sa bunso ni Madame?" tanong pa niya pagkakuha ng mga bulaklak.
"Wala na kasing rose. Inaaway na nga ako ng mga bumibili roon sa pinagkunan ko niyan."
"Ay, bakit hindi mo ibigay na lang kay Ma'am Sab?"
"Baka isampal sa 'kin, e."
"Hahahaha!" Sa lakas ng tawa ni Yaya Beth, halatang matutuwa pa siya kapag ginawa nga 'yon ni Sabrina. "Sege, sege. At baka nga ihampas sa mukha mo ito. Malalaki pa naman. Ako na'ng bahala."
"Si Sab pala, Yaya Beth?"
"Nasa kuwarto, nagdadrama. Wala nga raw siyang pera na kagagastos kay Sir Ivo."
Napangiwi tuloy ako. Kung hindi lang 'to si Sabrina, babanat talaga ako ng "Dasuurv."
Walang pera si Sab. Duda ako sa wala. Malamang na may pera siya, but either kulang para sa kanya o hindi pa nare-reimburse ang mga binawi ni Tita Tess mula kay Ivo. Hindi naman ganoon kadaling i-process 'yon lahat, unless nanakawin ni Tita Tess ang mga ibinigay ni Sab kay Ivo tapos ibebenta niya sa kung saan para mabawi ang pera. But since hindi naman batang kanal si Tita Tess, malamang na mas pipiliin niya ang matagal na process basta legal.
Wala naman akong problema kung walang pera si Sabrina. Ayoko lang ng idea na kapag may pera siya, gastos niya lahat lalo kung usapang date na. At kung may pera lang siya ngayon, for sure, wala siya rito sa mansiyon at gumagastos na naman sa kung saan.
Naabutan ko siya sa kuwarto niya na nakahiga. Mukhang kanina pa siya nagising. Nakasuklay na nang maayos ang buhok niya at hindi na rin nakapantulog.
Sumandal ako sa hamba ng pinto at tiningnan siya.
"Nasa Pampanga raw si Tita Tess," sabi ko sa kanya.
"You're enjoying your free meal dito sa bahay, huh?"
"Of course!" biro ko. "Nasa Intramuros pa rin sina Leo, walang tao sa kanila."
"In short, wala kang free breakfast sa kapitbahay."
Isinara ko na ang pinto at napangiwi na naman sa amoy ng kuwarto niya. Ayoko talaga ng amoy rito.
"'Tamis ng pabango mo. Sakit sa ilong."
"You can go out, jerk."
Tsh, masasanay rin ang ilong ko sa ganitong amoy. Para akong pinigaan ng strawberry, cherry, lemon, saka floral scent sa sinus.
Kagat-kagat ko pa ang natitirang parte ng sandwich nang sumampa ako sa kama niya.
"Clark, kumakain ka pa!"
Isinubo ko na lang tuloy ang malaking tira ng sandwich saka siya hinalikan sa pisngi. Niyakap ko agad siya saka ako komportableng humiga sa balikat niya.
"Kadiri ka, amoy ham ka pa! Yuck!" Naramdaman ko ang palo niya sa balikat ko, pero ayos lang. Hindi naman masakit. "Get off of me."
Bahala ka diyan. Hindi ako aalis.
"Wala ka bang ka-date at ako ang pinagtitripan mo ngayon?" naiiritang sabi niya.
"Tinatamad ako."
"Oh, so ako ang sasalo ng katamaran mo today."
"Ang lambot mo."
Hindi siya sumagot pero pinalo naman ako sa likod. Niyakap ko na lang tuloy siya nang mahigpit.
Malaking insecurity ni Sabrina ang timbang niya. Ang bilis niya kasing tumaba. Hindi rin siya pasok sa pagiging slim ngayon kahit ilang attempt pa ang gawin niya. Kapag pinipisil ko ang braso niya, ramdam doon ang malambot na part. Hindi rin niya kayang itago ang bilbil niya. Hindi malaki pero kita sa shape kahit anong ipit niya ng hininga.
Nakikita kasi ni Sabrina kung sino-sino ang mga dine-date namin ng kuya niya. Mga model, mga chick talaga, tapos sisingit pa si Jaesie, e alien 'yon. Kahit kumain 'yon ng buong baboy nang isang lunukan lang, hindi tataba 'yon, e. Tapos ikokompara pa niya ang katawan niya kay Melanie, e kapag humangin, lilipad talaga si Mel kasi payat. Tapos isisingit pa sa usapan si Kyline na kahit nga raw maraming stretchmarks at skin discoloration sa katawan, mahal na mahal pa rin ni Leo.
Wala ka tuloy magagawa kundi magbigay ng constant validation sa kanya para lang hindi siya magkompara ng sarili. Si Will, lagi siyang sinasabihang maganda na siya kahit pa mag-200 pounds siya. Inaasar ko siya pero hindi naman kasinglala ni Rico. Si Rico kasi, kapag inaasar niya si Sabrina, sinisiguro niya talagang iiyak ang kapatid niya at magsusumbong sa mama nila. Never siyang pumalya! Expertise na niyang buwisitin si Sab sa lahat ng paraang maiisip niya.
Pero wala naman akong pakialam sa katawan ni Sabrina kung ano ang itsura, basta ba kumakain siya nang tama, busog siya, at hindi siya bothered sa kinakain niya. Kaya bantay-sarado rin kami madalas sa kung ano ang diet niya—na hindi na nabantayan noong nagka-boyfriend na siya. E, ngayon na wala na siyang boyfriend, kailangan na naming bumalik sa nakasanayang routine.
Ang lambot ni Sab bilang higaan. Dalawang araw na akong stressed sa paghahanap ng documents kaya dalawang araw na rin akong walang matinong tulog. Nagulat na nga lang ako, biglang umuga ang hinihigaan ko, para akong nahulog sa mataas na building. Saka ko lang nalamang nakatulog na pala ako.
"'Nubayan, Sab . . ." mahinang reklamo ko.
"Sorry."
"Ano ba 'yan?" usisa ko, kunot ang noo nang silipin ang phone niya.
"Kuya and I have a nice shot yesterday."
Kinuha ko ang phone niya at tiningnan ang tinutukoy niya. Picture nga nila ni Rico, may hawak siyang rose at yakap siya sa likod ng kuya niya.
"Yeah," sabi ko na lang at niyakap pa siya nang mas mahigpit pagbato ko sa phone niya sa kama.
Hindi ba puwedeng buong araw na lang kaming matulog? Kasi gusto ko talagang matulog whole day pambawi sa ilang araw kong puyat.
"Hey, amoy ham ka pa."
Tsk. Bakit ba hindi magically naki-cleanse ang bibig pagkatapos kumain? Puwede bang pagkatapos kong kumain, amoy-menthol na ulit ang hininga ko?
Haay, buhay.
Bumangon na lang ako at nag-asikaso na paderetso sa banyo.
"May extra toothbrush ka?" tanong ko, sumunod naman siya sa akin sa loob.
Hindi naman sa naninibago ako sa kuwarto ni Sabrina, pero hindi ko na rin matandaan kung kailan ako huling nakapasok sa bathroom niya rito sa mansiyon. Pero kahit sobrang tagal na, ang daming memories na bumabalik kasi walang ginalaw sa loob. Kung paano ko iyon nakita noon, ganoon pa rin ang itsura n'on ngayon.
Ang laki ng gap na gusto kong balikan. Lalo lang ipinaalala sa akin ng huling memorya ko kung gaano katagal ang nawala sa pagitan namin ni Sabrina.
Habang nakatingin ako kay Sab na nakaupo sa marble counter ng toilet sink niya, naisip kong hindi pa ako ganoon kabaliw noong bata pa 'ko. Kasi kung ako ang magde-decide sa ganitong edad ko tapos malalaman kong sa ganito pala kami babagsak ni Sab, baka hinintay ko na lang talaga siya hanggang lumaki siya.
Pero hindi. At ipinagpapasalamat ko 'yon. Kasi ngayong lumalaki si Eugene, kapag naririnig kong sinisitsitan siya ng mga bakla at babaeng mas matatanda sa kanya at inaalok siyang sumama sa kanila, tapos nagpaparinig na nasa bata ang true love, nanginginig talaga ang laman ko, gusto kong manapak. Partidahan nang lalaki si Eugene. What more kung naging babae pa siya?
Siguro nga, may tamang time para sa lahat. Hindi lang naman kaming dalawa ang tao sa mundo. Pero meron talaga na kahit hindi mo hintayin, kung para sa 'yo, para sa 'yo.
"Swimming tayo," alok ko.
"May damit ka bang dala?"
"Ang lawak ng closet ng kuya mo."
"Wow, ha-ha! Sulit na sulit ang stay rito sa amin, ha."
"Tara." Inalok ko ang likod ko para pasampahin siya.
"Sure ba?"
"Oo nga. Sakay na, baka magbago pa isip ko."
"Aahh!" excited na tili niya at sumakay naman sa likod ko na parang bata.
Sa mga oras na 'yon, wala akong hawak na phone, wala akong commitment sa work, wala akong stressed sa kasal ni Leo, wala rin sina Tita Tess. Kaya wala ring dahilan para hindi ko unahin si Sabrina.
Minsan, hinihiling kong sana kami na lang ang tao sa mundo. Kahit isa o dalawang araw lang. Gusto ko lang umalis doon sa responsibilities na gusto ko na ring bitiwan kasi may mas mahalaga nang papalit.
Buhat-buhat ko lang si Sabrina pababa ng second floor. Ramdam kong nadagdagan siya ng timbang kasi nakailang ayos ako sa kanya sa pagbuhat. Pero ayos lang, wala namang reklamo. Paglabas namin sa pool area, dumeretso talaga ako sa pool saka ako tumalon habang buhat siya sa likod.
"Hoy, wait! Claaark—"
Alam ko naman kung paano ba mag-celebrate ng Valentine's Day. Date sa mamahaling restaurant o kahit saan na masarap kainan. O kaya sa hotel na may magandang view. O sa amusement park. Tapos reregaluhan ang ka-date ng mga bagay na sure na ikatutuwa nila.
Pero limitado lang ang galaw ko ngayon. Bawal ko pang ilabas si Sabrina. Kung magregalo man ako, wala rin akong maisip kasi malay ko bang siya ang kasama ko today.
Gusto ko lang makasama siya buong araw. Hindi naman siguro kailangang maging stereotype.
"Clark!"
"Hahaha!"
Tawa lang ako nang tawa pag-ahon ni Sabrina sa pool.
"Nakakainis ka! Hindi pa 'ko nakakapagpalit!"
"Huwag ka nang magbihis!" Ang lawak ng ngiti ko habang palangoy-langoy sa pool.
Tinuruan ko siyang lumangoy dati. 'Yon lang, parehas kaming muntik nang malunod. Si Rico na ang nagturo sa kanya pagkatapos n'on at himalang buhay pa silang dalawa.
Nakailang lutang na ang sando kong suot kaya hinubad ko na lang para hindi abala. Ang lamig sa balat ng tubig, sakto sa init ngayong tanghali.
Palangoy-langoy lang kami ni Sabrina at nakatitig lang ako sa kanya. Kinuha ko ang kamay niya para hatakin kaya ang sama tuloy ng tingin sa 'kin.
"Naalala mo n'ong tinuruan kitang lumangoy sa dagat?" natatawang sabi ko.
"Oo. Muntik mo na 'kong lunurin."
"Hahaha! Sorry na. Nakalimutan ko, hindi ka nga pala marunong lumangoy."
Nakatingin lang ako kay Sabrina na nakasimangot. Ang cute-cute niya, para siyang baby version ni Tita Tess. Maamo ang mata kaya kapag nagtataray, mukhang inaaway na bata. Ang kilay niya, sobrang natural na makapal kaya parang binubunot na lang yata para makuha ang perfect shape nang hindi na kailangang drowingan. Saka matambok ang pisngi ni Sabrina kaya kuntodo contour siya araw-araw para maitago 'yon. Kaya kapag wala siyang makeup, nakakagigil kagatin ang pisngi niya sa sobrang cute. Pero favorite part ko talaga ng mukha niya ang lips. Yung shape, nahagip kay Tita Tess. Cupid's bow ang shape ng labi nila. Ang kanya, manipis nga lang. Tapos pa-cute pa siyang ngumiti. Magugusot pa nang kaunti ang ilong saka noo saka ngingiti na parang kailangan mo siyang patawarin sa kasalanan niya—kung ano man 'yon.
After so many years, walang nagbago sa gusto ko. Gusto ko pa rin siyang alagaan kahit gaano pa katagal.
Pero dahil may bad record na ako kay Tita Tess, ayoko nang humingi ng third chance. Second chance ko na 'to na pinayagan niya. Ayoko nang ma-blocklist ako nang tuluyan.
Bumitiw na rin siya at hinayaan ko na lang na lumangoy mag-isa. May mga ganitong pagkakataon talaga na wala akong ibang gustong gawin buong araw kundi mag-relax. Suwerte ko na lang na kasama ko si Sab kahit pa may conflict ako ngayon sa mama niya.
"Ang boring pala ng Valentine's Day natin, 'no?" sabi niya habang nagpapalutang-lutang sa gitna ng pool.
"Nakakatamad kayang makipag-date," sabi ko na lang, kaysa aminin na bawal siyang ilabas kasi pagagalitan ako. "Tinatamad nga akong mag-formal ngayon."
"Sa bagay. Ano na kayang ginagawa nina Daddy sa Pampanga?"
"Gusto mong malaman?"
"Never mind. Parang kadiri."
"Hahaha! Grabe ka kina Tito Ric."
Natigil ako sa paglangoy at pinanood lang siya. Iniisip ko na kung ano pa ang puwedeng gawin dito sa mansiyon na hindi kami mapagagalitan ni Tita.
Napangisi tuloy ako nang bigla siyang umahon sa harapan ko saka ako pinandilatan.
"Aarrgghh!" Niyakap ko siya sa bandang baywang at saka siya itinulak para ilublob sa tubig.
"Claaark—"
Sa mismong mga oras na 'yon, kinailangan kong mag-decide para sa aming dalawa. Ang hirap magbilang ng oras. Hindi ko alam kung ano ang meron bukas para unahin ko bago siya.
Malalim ang pool at nakangiti ako sa kanya mula sa ilalim. Naiirita na naman siya kasi nakikipagkulitan ako. Hindi kami makikita rito nina Yaya Beth kaya babawiin ko na ang goodnight kiss ko.
Hinatak ko na lang ang kamay niya para ilapit siya sa akin. Nakangiti kong idinampi ang labi ko sa kanya habang naroon kami sa ilalim ng tubig.
Para kaming lumulutang na dalawa. Kung puwede lang huwag umandar ang oras . . .
Naramdaman kong hindi na siya humihinga kaya lumayo na ako. Nauna akong umahon at akala ko, aahon na rin siya. Napalusong tuloy ulit ako para lang iahon siya at makahinga nang maayos.
Pag-ahon namin, gulat na gulat ang reaksiyon niya kaya natawa ako nang malakas.
"Huy, hinga!" utos ko pa. "Okay ka lang?"
"Ang daming CCTV rito!" sermon niya sabay palo sa balikat ko. "Sira ka!"
"Hindi naman ako akyat-bahay! Bakit ako matatakot sa CCTV?"
"What if makita ka nina Ate Becca? Gusto mo bang isumbong ka ng mga 'yan kay Mum?"
"E di, magsumbong sila."
Biglang bumagsak ang katarayan niya at tiningnan na ako nang masama.
"Easy ka lang kasi, Sab." Lumangoy na ako palayo sa kanya habang nakangiti.
"Easy-easy ka diyan!"
"Hahaha! Chill!"
Kagabi ako nanghihingi ng kiss, ayaw niyang ibigay, e.
Langoy lang ako nang langoy sa pool, nakangiti sa langit. Sana ganito na lang kami araw-araw.
Kung sana lang puwede.
Lumapit si Ate Becca sa amin, may sinabi kay Sab tungkol sa lunch. Pag-alis n'on, tinawag agad ako ni Sabrina.
"Hoy, Clark."
"Ano?"
"Uuwi yung mga maid today. Hanggang 3 lang sila rito."
Oohh. So, wala ngang kasama si Sab hanggang bukas.
"'Ge," sabi ko na lang at in-enjoy ang tubig.
Pagkatapos bukas, hindi ko na alam kung ano pa ang susunod na mangyayari. Ngayon pa lang, kailangan ko nang mag-decide. Si Tita Tess na raw ang bahala sa kasal ni Leo, ibig sabihin, labas na kaming barkada sa plano niya.
"Umiinit na," puna ko nang sumasakit na sa balat ang araw. Pag-ahon ko, nagpagpag agad ako ng buhok para maalis ang natitirang tubig doon. Sinulyapan ko si Sabrina na nakaupo lang sa gilid ng pool. "Magla-lunch ka ba muna o magbabanlaw?"
"Ayokong magbanlaw nang busog," sabi niya.
"Tara sa 'taas."
Sorry kay Sab pero ayoko na talaga sa kuwarto niya kasi ang ilong ko, nagsisimula nang mangati. Ang sinus ko, kahit wala sa kuwarto niya, nakakaamoy pa rin ng matamis.
Dumeretso kami sa kuwarto ni Rico, at sa wakas, amoy mint din. Sabihan ko nga si Sabrina na huwag magpabango ng ganoon katapang. Baka mapainom ako ng cetirizine nang wala sa oras.
Pagpasok namin sa kuwarto ni Rico, dumeretso agad ako sa closet para manguha ng damit. Pagdating doon, iba na naman ang amoy kasi amoy spicy vanilla na. Amoy talaga ng mga damit niya kapag may lakad siya.
Alam naman naming mas malaki si Rico kaysa sa akin, pero pangalawang bahay ko rin kasi 'tong mansiyon kaya alam na ni Rico na paminsan-minsan, kailangan ko ng damit.
Favorite color ni Rico ang light blue and white. Kapag gusto niyang huminga mentally, basta may ganoong kulay sa paligid, okay na siya.
Kompara sa amin ni Leo, mas gusto ni Rico na halos lahat ng gamit niya, pam-baby. Hindi naman siya nagbabanggit ng anak. Bihira lang din niyang kargahin ang mga anak ni Leo. Basta anything na cute, gusto niya.
Pagkakuha ng mga bihisan ko, dumeretso na ako sa bathroom ni Rico na iba na naman ang amoy, amoy lavender na.
Naabutan ko sa shower area si Sab na nauna nang magbanlaw. Natatawa ako, gusto kong gulatin. Kaso baka bigla akong hampasin ng bote ng shampoo, mahirap na.
Marahan akong lumapit at saka nagsalita nang mahina mula sa likod.
"Hindi ka ba naligo kanina paggising?" biro ko.
"Hoy, naligo ako."
"Weh?" Tinawanan ko siya at nakisalo rin ng tubig galing sa shower head na dalawang dangkal lang at abot na ng ulo ko.
Ang lalim ng paghinga ko. Hindi ako makatingin sa ibaba. Pakiramdam ko, uuwi any time si Tita Tess kapag dito ko kinursunada ang anak niya.
Bakit ba kasi nakakatakot ang nanay mo, Sabrina . . .
"Clark . . ."
Nakatingin lang ako sa dingding ng shower nang sumagot. "Bakit?"
Wala siyang sinabi pero pumihit paharap sa akin. Sinubukan kong tumingin lang hanggang mata niya kasi napapraning ako na nandito kami sa mansiyon.
Dapat talaga hindi ko na siya iniwan doon sa kuya niya, e. E di sana, kasama ko siya ngayon sa bahay ko. At least doon, makakakilos ako nang malaya.
"Bakit?" tanong ko ulit.
"Uhm . . ." Hindi na naman siya nakapagsalita, tumitig lang talaga sa 'kin. Ano ba? Gusto ba niya ulit ng kiss? Sabihin lang niya.
"Bakit nga?" tanong ko ulit.
"Bakit mo 'ko hinalikan kanina sa pool?"
Nangunot naman ang noo ko. "Bakit kita hinalikan kanina?"
"Bakit nga?"
Natawa tuloy ako. Kagabi ako nanghihingi ng kiss, hindi niya ibinigay. Tapos ngayon, magtatanong. Pinisil ko na lang nang mahina ang ilong niya.
"Ang cute mo."
"Ano ba!" Pinalo niya ang kamay ko paalis sa ilong niya. "Bakit ba hindi ka sumasagot?"
"Bakit ko sasagutin?"
"Nanghahalik ka nang wala kang paalam?"
"Ikaw nga, hinahalikan mo 'ko noon nang walang paalam, hindi naman ako nag-react."
Nanlaki ang mga mata niya dahil sa gulat. "Hinalikan kita no'n kasi bata pa 'ko no'n."
"Wow, napaka-valid, ha," pairap kong sinabi. "E di, hinalikan pala kita ngayon kasi hindi ka na bata."
"Are you freaking serious?" Nanliit na naman ang mga mata niya para tantsahin ako. Ginaya ko na lang siya para mang-asar. "Hindi mo 'ko sinagot last time kung may balak ka bang pakasalan ako tapos pati itong simpleng tanong ko ngayon, hindi mo rin balak sagutin?"
"Bakit ba kasi itinatanong?"
"Hindi ako magtatanong kung alam ko ang sagot."
"Alam mo ang sagot, gusto mo lang iba ang magsabi."
"Hindi ko alam, ikaw ang magsabi."
"Makulit ka talaga."
"I don't care."
Pagdating talaga kay Sabrina, dapat lagi-lagi siyang nire-remind ng lagi mo rin namang sinasabi pero ayaw niyang pakinggan.
Pinatay ko ang shower para mabawasan ang tunog ng tubig. Inilapat ko ang magkabila kong palad sa magkabilang gilid ng ulo niya saka ako bahagyang yumuko para magkatapat kami ng mukha.
"Sagutin mo muna kung bakit mo 'ko hinahalikan noon tapos sasagutin ko lahat ng tanong mo, deal?" hamon ko sa kanya. Kasi kung may dapat makaalam ng puno't dulo nitong lahat, ako dapat 'yon.
Hindi naman kami mapupunta sa sitwasyon na 'to kung hindi niya ako nagustuhan noon.
"K-Kasi . . . hinahalikan kita noon kasi . . ." Gumilid ang tingin niya at mariing pumikit. Iniwasan kong matawa sa itsura niya kasi alam kong lalo siyang maiilang sumagot. Ilang segundo pa, dumilat na siya at sinalubong ang tingin ko. "Kasi gusto kita noon."
"Ah . . ." Napatango-tango ako, sinasakyan ang sagot niyang matagal ko nang alam pero hindi niya pa rin yata makita ang point ng pagtatanong ko sa isang bagay na alam ko naman na.
"O, ano na?" mataray niyang tanong. "Bakit mo 'ko hinalikan kanina?"
"Kasi gusto ko."
"'Yon lang?" gulat niyang tanong.
"Yeah." Tumango naman ako. "Kung hindi ko gusto, hindi ko naman gagawin. Basic."
"So, basta gusto mo lang kaya ka manghahalik?"
"Hinahalikan mo 'ko noon kasi gusto mo ring halikan ako, di ba?"
"Oo nga! But that's not the point!"
"That's the point, Sab. Ayaw mo lang i-accept."
"Hindi! I kissed you because I love you. And kissing me just because you felt like kissing someone are two different things."
"Yes, those are two different things. Because I didn't kiss you just because I felt like kissing someone. I kissed you because I love you."
"Alam mo, inulit mo lang—" Biglang umawang ang labi niya at pinandilatan ako. "Ha?"
"Come on, Sab. As if that's really surprising." Kinuha ko na ang bathrobe sa tabi ng shower area at saka isinuot sa kanya. "Alam na ng lahat na mahal kita, ikaw na lang ang hindi."
Saglit pa niya akong tinitigan saka siya bilang tumili. "Aaaahh!" Sabay karipas ng takbo palabas ng shower area.
Kita mo 'tong babaeng 'to.
Ganoon ba nakakatakot magmahal para tumili siya na parang main character sa horror movies?
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top