Chapter 44: Sign and Resign

"Kakain kami ni Wuwan ng gulaaay . . ." pagkanta ko habang naglalakad kami.

"Kakain Wuwan guwaaaay . . ."

"Gulay," pagtama ko.

"Gooowaaaay."

"Anong goway? Se Wowan, bolol."

Nakakapit lang si Luan sa pantalon ko. Si Sabrina naman ang hawak ko sa kamay. Gusto kong palakarin nang palakarin si Luan para hindi nasasanay na kinakarga kapag namamasyal. Si Eugene, bihira ko lang ding kargahin kapag maglalakad noon. Para din masanay sa cardio at hindi agad hingalin.

Dinala ko silang dalawa sa garden resto kung saan namin nakilala noon si Calvin. Masarap ang pagkain doon kahit na sobrang vintage ng loob at parang kulungan pa noong unang panahon.

Alas-dos pasado na, wala na rin halos tao sa resto-o wala naman talaga halos tao roon basta hapon dahil nga sa ambience at puro pa halaman. Maaliwalas naman sa loob, pero mas okay nang mag-Mcdo na lang kung gusto ng mas malamig pang kakainan. Stand fan lang kasi ang meron doon sa loob.

Mahalaman mula sa labas. Para kang pumasok sa gubat pero restaurant. Ang dami pang rusty grills sa pinakabintana (na view naman talaga ng kulungan noong panahon ng mga Kastila) pero kaya namang iahon ng mga bulaklak saka Valentine's Day display ang paligid. After all, kakain naman kami, hindi magkukumpuni ng interior.

Pinaupo ko sila sa gitnang parte na malapit sa stand fan at sa counter din. Hinayaan ko si Luan na maupong mag-isa. Kahoy ang upuan na ladderback. Hinawakan ko kasi baka tumumba pagsampa niya. Wooden ang mesa na may cover na white cloth. Good luck sa pagkain ni Luan.

Kakargahin sana ni Sab si Luan pero kinuha ko ang kamay niya saka inilayo.

"Why?" tanong niya nang tingnan ako.

"Hayaan mo yung bata."

"Nahihirapan nga."

"Kaya ni Luan 'yan."

"Baka mapilayan."

"Hindi mapipilayan 'yan," depensa ko sa hindi pag-alalay kay Luan. "If he can do things independently, hayaan mo siya. Huwag mong hayaang laging umaasa ang bata sa 'yo kasi bumababa ang self-reliance niyan."

Nagsalubong ang kilay ni Sabrina sa sinabi ko. "You didn't do that when you were the one taking care of me."

"I regret not giving you that treatment," pag-amin ko at bumaling kay Luan kasi hinahatak na ang kamay ko.

"Nining Kwerk, kakain po ako guway!"

"Okay po. Hahanap si Ninong Clark ng gulay. Behave lang si Wuwan, ha?"

"Opo!"

Tinapik ko sa balikat si Sabrina saka inginuso ang upuan katabi ni Luan. Pandalawang tao lang ang mesa pero masyado nang malaki para sa dalawa. Kasya naman kaming tatlo.

Dumeretso ako sa counter para umorder. Nasa itaas ang menu nila nakasulat sa green board at yellow and white chalk.

Meron silang chop seuy pero pinakbet na lang ang binili ko para kay Luan kasi may kalabasa. Binilhan ko ng kare-kare si Sabrina at Bicol Express para sa akin. Binilhan ko na lang din silang dalawang leche flan at haluhalo kay Sab, saka pineapple juice sana sa aming tatlo.

"Ser, bili ka ng samalamig couple special namin, may free rose ka."

"Samalamig? Magkano?"

"100 pesos lang, ser! Dalawa na 'yon, para sa asawa n'yo! Bili na kayo ng dalawang order para kay baby!"

Nanlaki tuloy ang butas ng ilong ko. "Grabe naman, miss. Limampiso lang palamig sa labas."

"May rose naman kayo, ser! Saka Valentine's Day promo na 'to, ser! Large na rin!"

Hindi ako kumbinsido sa 100 pesos na presyo ng samalamig pero napatingin ako sa libre daw na rose. Nakabalot naman ng plastic cover na may design na Cupid and hearts. Hindi nga lang malaki ang pagkaka-bloom, pero red rose pa rin naman na nakabukadkad. Napasulyap ako kay Sabrina na kinakausap si Luan, pero si Luan, nagtatakip naman ng tainga, ayaw yatang makinig.

"Sige na nga, dalawang order."

"Okay, ser! Dalawang order ng samalamig couple. 440 pesos po lahat, ser."

Kumuha na lang ako ng 500 sa wallet at ibinigay sa babaeng cashier. Grabeng pang-aalipin ng salapi sa kapitalistang bansa na ito.

Hindi matagal ang hintayan, malamang kasi mabibilis silang mag-serve. Sinusuklian pa lang ako, inilapag na ang tray ng orders ko ng lalaking galing kitchen.

Pigil tuloy ang ngiti ko sa libreng rose daw ng samalamig na gawa yata sa diyamante ang asukal.

"Ito na po ang gulay ni Wuwan . . ." pakantang sabi ko at inilapag na ang tray sa mesa.

"Aahh! Nining Kwerk, usto ko eto guway!" tili niya habang nagkakawag-kawag sa upuan at itinuturo ang ceramic plate na may lamang pinakbet.

Sumulyap ako kay Sabrina para malaman kung may napapansin ba siyang kakaiba sa tray. Nakasimangot lang siya habang nakatitig sa rose. Sinusundan pa niya ng tingin kada galaw ko ng tray para mag-serve.

"Huwag mong simangutan 'yang rose," sita ko sa itsura ni Sab. "Mahal 'yan . . . parang ikaw."

"Yuck," sabi niya sabay ikot ng mga mata.

Grabe na talaga 'to si Sabrina. Kunwari pa, e.

Pagkaupo ko, inilapag ko sa harap ni Luan ang rose habang inaayos ang mga inumin naming pagkamahal-mahal.

"Pawer!" tili na naman niya at itinuro ang rose.

"Very good, flower," sabi ko. "Kanino ibibigay ang flower?"

"Tita Sab!" Lumipat ang daliri niya kay Sabrina kaya natawa ako.

Akala ko, sasabihin niya, kay Mimy niya!

"Bakit kay Tita Sab?" natatawang tanong ko.

"Bibigay sa girr . . ." Pagtingin ko kay Luan, sapo na ang pisngi at nagpapa-cute.

"Anong gir? Girl," sabi ko.

"Girr."

Nag-blah-blah na siya noong isang araw. Makakapag-L din 'tong batang 'to soon.

Kinuha ko ang rose at ibinigay kay Luan. "Bigay mo kay Tita Sab."

Kinuha ni Luan ang rose at inabot kay Sabrina. Pagtingin ko kay Sab, nakasimangot siya pero napapangiti pa rin naman. Kinuha niya ang rose at inamoy pa.

"Ano sasabihin dapat ni Tita Sab kay Ninong Clark?"

Naka-ready na ang "Thank you" follow-up ko kasi hindi marunong magpasalamat 'tong batang 'to, e.

"I wav you!" biglang sigaw ni Luan kaya nandilat ako.

"Anong I love you!" gulat ding sabi ni Sabrina. "Bakit I love you?"

Oo nga, bakit I love you?

Ano'ng pinagtuturo ni Leo rito sa anak niya?

"Si Dada, bibigay siya pawer si Mimy tas sasabi Mimy, I wav you."

Aahh . . . nakita naman pala sa magulang.

"Very good," napapangiting sabi ko.

Pagtingin ko kay Sabrina, nanunukat ang tingin niya, masama yata ang kutob sa bulaklak.

"Ano sasabihin ni Tita Sab?" pang-asar ko.

"Hoy," sita niya kaya natawa pa ako.

"Yung bata, naririnig ka."

"Luan, ang sinasabi kapag binibigyan ng flowers, thank you."

Pagnguso ni Luan at pagsimangot kay Sabrina, saka ko lang nagustuhan itong ugali niyang namana kay Leopold hahaha!

"Naghihintay si Luan," parinig ko.

"Si Luan ba talaga?"

Nagulat ako nang makaramdam ng tadyak sa sapatos ko. Nagtatanong tuloy ang tingin ko kay Sab.

"Wuwan, hindi very good si Tita Sab, 'no?" sumbong ko sa bata.

"Tita Sab, hindi ikaw very good. Si Wuwan, very good."

"Kung ano-anong tinuturo mo sa bata, ha," naiinis na sabi niya at kinagat pa ang labi habang umaamba ng suntok.

"Hindi ako. Sisihin mo yung tatay saka nanay niyan."

Natatawa ako sa reaction ni Sabrina. Inis na inis, e. Ang talim ng tingin niya kay Luan sunod sa akin. Umirap pa siya sabay sabing, "Oo na. I love you, Ninong Clark."

Hahaha! "Very good."

Halatang inis si Sab, nakailang irap at inaudible na mura sa akin. Pero ayos lang. No big deal. Mainis siya diyan, ayos lang, basta diyan lang siya.

"Nag-picture kanina si Wuwan kasama si Dada?" tanong ko kay Luan para lang saglit siyang patigilin sa pagsubo. Pinunasan ko agad ang pisngi niyang puro sauce at butil ng kanin para hindi na tumulo sa tuxedo niyang puti.

"Pi-picture kami ni Dada sa trees!"

"Galing naman, pi-picture kayo ni Dada sa trees. Kain pa si Wuwan para very good."

Hinahayaan kong mag-isang kumain si Luan. Pinupunasan ko na lang ang kalat niya para hindi mamantsahan ang damit.

Napansin ko namang inoobserbahan kami ni Sabrina, baka lang mapansin niyang hindi gaya niya, hindi ko sinusubuan si Luan kapag kakain.

Noong lumaki si Sabrina, naging regret ko 'yon. Kasi sinalo 'yon ni Rico, e. May tantrums si Sab na kahit ganitong edad niya, gusto niya, bine-baby pa rin siya para lang kumalma. At dahil ayaw na nga akong pahawakin ni Rico sa kapatid niya-dahil nga may malisya na raw-siya na ang nag-spoil kay Sab, kahit pa obvious na nabubuwisit din siya sa kapatid niya.

"Next month na ang wedding ni Leo, ikaw na susunod?" biglang tanong ni Sabrina kaya nalipat sa kanya ang tingin ko.

"Duda ako," sagot ko, at itinago ko ang disappointment doon.

"I thought ikakasal ka after Leo."

Gusto ko sanang sabihing hindi pa ako sigurado dahil nga may kailangan si Tita Tess sa aking hindi ko maibigay. Pero ayoko nang sabihin kay Sab na hindi na naman ako sigurado. Ayokong isipin niyang matapos kong umoo, biglang hihindi na naman ako. Sasabihin na naman niyang hindi na naman ako sigurado, lagi na lang akong hindi sigurado. Kailan ba ako magiging sigurado sa kanya? Tapos magagalit na naman siya.

"Sa darating na full moon ngayong Feb," sabi ko na lang.

"What?"

"May family meeting kina Calvin saka sa mapapangasawa niya," kuwento ko para mawala sa kasal namin ang topic.

Mukhang binili naman ni Sab. Lumapit pa siya sa mesa para makitsismis. "Then?"

"Mamamanhikan na yata."

"Wow . . ." Kitang-kita ang mangha sa mga mata niya. Sana ganoon din ang reaksiyon niya kapag kasal na namin ang topic. "Arranged ba 'to?"

"Yeah."

"Chinese din?"

"Ano pa ba?"

"Si Calvin ba, Catholic?"

"Yes. Siya lang yung binyagan sa kanila. Pero family decision na 'yon, e. Nag-agree na siya."

"Really?" Bigla siyang sumimangot. "Okay lang sa kanyang magpakasal kahit arranged?"

"Expected na raw niya. Kaya nga walang sineseryoso 'yon."

Nanliit ang mga mata ni Sab at halatang-halatang gustong makakuha ng sagot kaya tuwad na tuwad siya sa mesa.

"I heard the last time I was there sa kanila, si Mel daw dapat ang pakakasalan niya. How true?"

"Kailan mo narinig?"

"Noong wedding din ni Mel. Parang disappointed yung mga katiwala nila na kay Pat ikinasal si Melanie."

"Si Calvin kasi ang nagbantay kay Mel mula pagkabata kaya siya ang nakasanayan n'ong mga katiwala nila roon sa Laguna."

"Oooh . . ."

"Nining Kwerk, ubos na!"

Nalipat tuloy ang tingin ko kay Luan na malinis na ang plato. Mukhang pati plato, dinilaan pa. Pahid na pahid ang sauce, e. Masarap nga talaga ang pagkain dito.

"Busog na si Wuwan?" tanong ko agad.

"Opo."

"Very good. Babalik na tayo kay Dada saka kay Mimy."

Tinapos na ni Sab ang haluhalo niya at saglit kaming nagtagal para ayusin ko ang damit ni Luan.

Paglabas namin, nakasimangot na naman si Luan. Nagko-close-open pa ng kamay.

"Nining Kwerk!" Namumungay na ang mata nito, busog na busog.

"Aantok na si Wuwan?" sabi ko at kinarga siya. Kinuha ko ang panyo ko sa bulsa at pinagpag bago isinampay sa kaliwang balikat. Maglalaway 'to, e.

"Busog na 'to. Siesta time na niya," mahinang sabi ko kay Sabrina saka ko kinuha ang kaliwang kamay niya para hawakan ulit.

"Parang mas madali pa sa 'yong matuto ng baby language kaysa Danish," biro ni Sab na tinawanan ko nang mahina.

"Actually."

Karga ko si Luan habang ka-holding hands si Sabrina. Gusto ko pa sanang lumibot pero hahanapin na kami-at mabuti sana kung ang maghahanap, si Rico. Naroon sa venue ang mga taga-Afitek. Ayokong bigla kaming huhulihin dahil lang kasama ko si Sabrina.

Sinulit ko na lang ang paghawak sa kamay niya. May disappointment sa loob ko na parang nagbibilang na lang ako ng oras para lang makasama siya, samantalang dati, kahit anong oras ko siyang puntahan, mapupuntahan ko siya.

Habang tumatagal ang takot ko sa gustong mangyari ni Tita Tess, lumalago sa loob ko ang pakiramdam na sana naging selfish na lang ako. Na siguro hindi naman kami aabot dito kung nagpakasal na lang ako kay Sab nang biglaan. Yung kahit later ko na lang sana i-digest ang idea na pakakasalan ko pala siya kahit kuya niya ako noon. Gusto kong bumalik sa mga nagdaang buwan o taon para sana hindi na kami umabot sa ganito.

Ang hirap magbilang ng oras kasama si Sabrina. Lalong dumarami ang gusto kong mangyari kada segundong lumilipas.

Iniisip ko kung magkikita pa ba kami bukas.

Kahit hindi na para sa Valentine's Day. Kahit normal na pagdalaw lang sa kanila.

Iniisip ko kung saan ba ulit siya dadalhin ng mama niya para lang wala siya sa mansiyon kung pupunta ako.

Iniisip ko na ngang ilaglag ang barkada tapos pipirma na lang ako sa authorization na 'yon. Bahala na sina Rico, malalaki naman na sila.

Pero iniisip ko rin na hindi ko kaya 'yon. Baka buong buhay akong bangungutin kapag ginawa ko 'yon.

Kaya sume-segue ang utak ko sa posibilidad na baka puwede kong itakas si Sabrina. After ng wedding ni Leo, basta matapos ang kasal, aalis na kami tapos pupunta kami sa malayo.

Alam kong mate-trace kami ni Tita Tess, pero baka puwedeng magpakasal kami sa mayor para kahit mahuli kami ni Tita, at least, kasal na kami.

Pero naisip ko ring hindi magugustuhan ni Sabrina na sa mayor lang kami magpapakasal. Baka sabihin pa niyang kay Archie na lang siya kung sa mayor lang din naman.

Kada isip ko ng mga puwedeng mangyari, lalo akong nadi-disappoint. Gusto ko na lang bumalik sa past para naman hindi ganito ang present life ko. Nakakabuwisit kasi.

"You won't regret if Leo marries Ky?" biglang tanong ni Sabrina kaya napaurong ako sa gulat.

"Ha?" tanong ko pa. "Saan galing 'yon?"

Binangga niya ako sa balikat saka siya ngumisi para mang-asar. "Crush mo si Ky, di ba?"

Hindi ako natuwa sa tanong niya. "Ano ba 'yang mga naiisip mo, Sab? Binibiro ko lang si Ky, pero kahit single 'yon, hindi ko babalaking pakasalan 'yon."

"Why? Kasi may Leo pa rin?"

"Just to be clear, once nang nag-confess si Ky na gusto niya 'kong maging boyfriend. Kung talagang gusto ko siya, hindi naman siya mahirap makuha."

Nanlaki ang mga mata ni Sabrina, gulat na gulat sa inamin ko. "No shi-" Hindi niya natapos ang mura niya, tinakpan agad ang bibig nang malipat ang tingin kay Luan. "Seriously?"

"Mahalaga si Ky kasi mahalaga siya kay Leopold, okay? And it's not something romantic kasi ni-reject ko si Kyline noong nagkagusto siya sa 'kin. Not because merong Leopold, but because I don't see myself being with Kyline for the rest of my life," paliwanag ko habang kinukunutan pa rin niya ako ng noo.

"E, bakit ako pa pakakasalan mo?"

"Aalagaan nga kita forever, di ba? Nagpaalam na 'ko kay Tita Tess kaya. Ikaw, Sab, parang goldfish."

Kagat niya ang labi nang paluin ako ng rose na hawak niya. "Goldfish ka diyan! Hmp!"

Tinawanan ko 'yon nang wala na siyang ibang inireklamo sa pang-uusisa niya kay Kyline.

Pero mabilis na nawala ang tawa ko nang maalala ko na naman ang naging usapan namin ni Tita Tess.

"Pirmahan mo 'yan, papayag ako sa kasal ninyo ng anak ko. Pero kung hindi? Mabuhay ka sa gulo hangga't kailan mo gusto. Basta akin ang anak ko."

Biglang naging kontrabida sa paningin ko si Tita Tess. Kung makahadlang sa amin ng anak niya, para namang mapapahamak sa akin si Sabrina.

Bantayan niya kaming dalawa, problema ba 'yon? Para saan pa ang sandamukal niyang personal guards kung hindi naman niya pagtatrabahuhin?

Nakabalik na kami sa venue, at ang sama ng loob ko pagtapak ko pa lang sa gate. Parang inuuwi ko si Cinderella sa bahay niya tapos ako lang yung kutserong daga na nagda-drive ng kalabasa.

Pagtapak namin sa garden na daraanan para umakyat sa ibang floors, biglang tumahimik ang lahat pagkakita sa aming tatlo. Sumenyas agad ako na tulog si Luan at huwag silang maingay.

Nag-sign language si Leo, umakyat na lang daw ako sa third floor. Ipinalinis na raw nila roon kasi uuwi na rin ang lahat maya-maya.

Tumango na lang ako at tinapik si Sabrina sa balikat para sabihing sa itaas muna ako. Tumango naman siya kaya umakyat na ako.

Nasa pintuan pa lang ako ng Room 302 nang marinig ko ang nag-uusap sa loob. Nakabukas nang kaunti ang pintuan, hindi isinara nang maayos. Tumingin ako sa sahig para sana sipain nang marahan ang pinto pero may nakalapag doong medyo malaking paper bag at parang iniwan na lang sa pintuan para makita agad. Sinilip ko pa ang loob. May tag pa ni Tammii. Gift para kay Luan. May nakaipit na note. Uuwi na raw siya kasi kailangan pa niyang humabol sa biyahe papuntang CamSur. Sa March na lang daw siya ulit magpapakita para sa wedding kasi may kailangan siyang tapusing work.

Sumilip pa ulit ako sa loob. Hindi ko nakikita ang mga nag-uusap pero narinig ko ang mataray na boses ni Tita Tess.

"You know the risk, right . . . Adrian?"

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Sinipa ko pa nang kaunti ang pinto at sumilip pa sa loob habang nasa pintuan pa rin.

"They removed me from my position, Tessa. Wala nang mawawala sa 'kin. Madaling sabihing bababa na 'ko kasi may edad na 'ko, pero hindi ako bababa nang walang laban."

"But this is trouble." Pagdukwang ko sa pinto, nakita ko sa likod ng manikin na may dress ang folder na iwinawagayway ng kamay-kamay yata ni Tita Tess. "They're disowning you, your only daughter, and your two grandsons . . . and you signed it."

"That's the authentic document, Tessa. Kahit ilang pirma ko pa ang nandiyan, kapag wala 'yan sa kanila, wala rin silang mapapala."

"I admire the courage, Adrian. Pero mapapahamak ang buong pamilya mo dahil dito sa gagawin mo."

"Matagal na silang napapahamak nang dahil sa 'kin. Ayoko nang ulitin nila ang ginawa nila sa amin ni Belinda. Gusto ko ng maayos na pamilya para sa anak ko."

Adrian . . . si Tito Addie.

Hinintay kong sumagot si Tita Tess. Pero lumipas na ang ilang segundo, wala akong narinig na sagot sa kanya.

"I know I'm not a close friend to ask for a favor from you, Tessa, pero malaki ang tiwala ko sa 'yo. Hindi ko na alam kung kanino pa ako magtitiwala ngayon maliban sa 'yo."

Nangilabot ako roon. Mula ulo hanggang leeg at braso, nanindig ang mga balahibo ko. Napaatras ako habang hawak sa ulo si Luan gamit ang isang kamay.

Napasandal ako sa pader kaharap ng pinto gawa ng panlalambot ng tuhod.

Ano ang pinag-uusapan nila? Bakit ganoon magsalita si Tito Addie? Ano yung folder-yung folder. 'Yon ba yung folder na sinasabi ni Leo na pinirmahan niya? O baka ibang folder ang hawak ni Tita Tess?

Ano'ng nangyayari?

Ang hirap ng paglunok ko at sinilip si Luan na natutulog. Kailangan ko na 'tong ibaba. Kailangan ko ring makausap si Calvin o kaya si Leo.

Bumuga ako ng hangin saka ngumiti. "Matutulog na kami ni Luan . . ." malakas na pagkanta ko at tinakpan ko pa ang isang tainga ni Luan para hindi siya magising. Nanginginig ang kamay ko nang hawakan ang doorknob. Matunog ang paglunok ko nang buksan ang pinto.

Pilit na pilit ang ngiti ko nang makatapak sa loob. Umarte pa akong nagulat nang makita si Tito Addie na lalabas na yata.

"Hi, Tito Addie," mahinang bati ko. "Tulog na apo mo. Busog, pinakain ko muna kasi hapon na."

Nginitian lang ako nang matamis ni Tito Addie saka lumapit at hinagod-hagod ang buhok ni Luan. "Ang cute-cute ng bunso namin. Nakatulog na . . ." Hinawakan niya si Luan sa baywang kaya nagpaubaya na ako. Iginalaw ko ang mata para makita si Tita Tess, pero hindi ko siya makita sa loob.

Putang ina, marunong bang mag-stealth mode si Tita Tess?

"Ako na'ng bahala. Babantayan ko."

Pabitiw na si Luan sa akin nang hawakan ko nang mahigpit ang bata sa hita. Nagtaka tuloy si Tito Addie sa ginawa ko.

"Baka po hinahanap na kayo ni Tita Hellen," sabi ko pa, titig sa mga mata niya kung magsasabi ba siya ng totoo.

Natawa naman siya roon nang mahina at umiling. "Busy 'yon sa pagkuha ng mga bulaklak. Marami 'yong customers bukas."

"Babantayan n'yo po si Luan?"

Nakangiti naman siyang tumango, walang sinabi.

"Mag-isa lang kayo rito?"

Nagsalubong bigla ang kilay niya.

"Wala po si Mommy Linds?" bawi ko at lumingon na sa paligid para hanapin si Tita Tess.

"Ah . . ." Kumalma na ang mukha ni Tito Addie at pilit na kinukuha sa akin si Luan. "Nandito siya kanina. Umuwi na 'yon. Magsasara pa sila ng gun shop."

Ipinaubaya ko na si Luan at sa bata lang ang tingin ko. Parang ayokong iwan sa lolo niya. Hindi ako komportable. Paano kung bigla silang sugurin dito? Paano kung mapahamak sila?

"Gusto n'yo po ng bodyguard? 'Babantay ako," alok ko.

"We're okay. Nandito naman ang mga guard ni Tessa. Ang dami nga nila sa ibaba. Thank you, Clark." Inugoy-ugoy niya sa kinatatayuan si Luan, hinawi-hawi pa ang buhok sa pisngi. "Doon tayo sa bed, shoti. Wait natin sina mommy makabalik."

Nakikiramdam ako sa paligid kung nasa loob ba si Tita Tess. Tumingin ako sa pinto ng bathroom. Nangangati akong magtanong kung puwedeng makibanyo, kaso kung nandoon nga si Tita Tess at makita ko siya, baka lalo akong hindi na makabalik sa mansiyon para kay Sabrina.

Shet, nalilito ako sa gagawin.

"Uhm . . . ano, Tito, una na po ako." Lumapit pa ako nang bahagya sa pintuan ng bathroom. "Babalikan ko lang po si Sabrina," parinig ko sa loob n'on.

"Sige, Clark. Salamat sa paghatid kay Luan."

Paisa-isa ang lakad ko habang nakikiramdam pa rin sa paligid. Alam kong si Tita Tess ang kausap ni Tito Addie, pero pakshet, nasaan na si Tita? Natotorete ako, pota.

Bababa na nga lang ako. Kakausapin ko na lang sina Calvin tungkol sa narinig ko.

♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top