Chapter 40: Baby Boy
Aware na ang barkada tungkol doon sa na-receive kong envelope, at ang latest update galing kay Kuya Tony ay sila na raw ang bahala kaya huwag na kaming mag-alala.
Kinabukasan, nagsuot na agad ako ng plain black Polo shirt, white pants na may black leather belt, at white loafers. Malinis at neat na naka-wax ang buhok ko at magsi-silver analog watch akong relo ngayon kahit mas gusto ko sanang mag-digital.
Sasamahan ko kasi sa school ang panganay ko sa labas at mama niya. Natural, hindi makakasama si Leopold dahil siya ang magpapaligo, magbibihis, at maghahatid kay Luan sa day care center.
Sabi na kasing ako na lang para naman bumait-bait si Luan sa pagkalinga ko, pero wala. Samahan ko raw ang mag-ina niya. Kaya niyang alagaan si Luan mag-isa.
E di, kanya na. Ipalunok ko pa sa kanya bunso niya, e.
Kaya wala pang alas-siyete, ipinagmamaneho ko na sina Kyline at Eugene papasok sa school. After sa school, deretso kami ni Kyline sa inventory sa warehouse.
Grade 7 na si Eugene, at isang buwan na lang, bakasyon na nila sa school. Ang bilis ng araw, nagbibinata na ang first baby boy ko. Parang kailan lang, ginagawa ko pa siyang armalite. Ngayon, hindi ko na siya mabuhat nang isang braso lang.
Kitang-kita namin na nakuha ni Eugene ang height kay Leo. Eleven years old, ang height niya, kapantay na siya ng mata ni Sabrina. E, gaano kataas si Sab, 5'6" agad. Nakaabot lang ako ng ganoong height, third year na 'ko. Tapos ngayong summer pa lang magpapa-circumcise si Eugene. Parang ayoko na tuloy malaman kung gaano ang itataas niya kung sa lagay na 'to, hindi pa siya natutuli.
Malaki ang pagkakahawig niya kay Leo, as in parang replika lang talaga na pati ang nag-iisang dimple sa ilalim ng kanang gilid ng labi, nakuha rin niya. Ang kaibahan sa daddy niya, palangiti siya. Kaya alam na ng lahat kung ano ang itsura ni Leo kapag ngumingiti kasi parehas din sila ng smile. Hindi nga lang sila pareho ng kurba ng ngipin. Kay Kyline na 'yon nakuha. Yung ngiti na parang may ginawang kalokohan pero ayaw mapagalitan kaya idinaan na lang sa ngiti.
Ang nakuha rin niya kay Kyline, kutis. Hindi moreno si Eugene. Ang pagkaputi niya, medyo maarte. Naninilaw kapag naaarawan o naiilawan. Saka malinis siya sa damit. Bihira siyang magsuot ng lousy o kaya mag-ayos na magulo ang buhok na style. Laging neat. Hindi siya OC, pero nasanay nga kasing dapat laging neat. Ayoko siyang rugged kahit halos lahat kaming mga ninong niya, mahihilig sa rugged looks. Ang gusto naming gayahin niya, si Ninong Rico niya. Kaya kahit pag-tuck ng damit, dapat neat din.
Nag-aaral sa private school sa Laguna si Eugene. Ang gusto raw niya, after graduation, papasok siya sa state university sa Los Baños. Tinatanong naman namin siya kung gusto niya sa Manila, kasi maraming magagandang school sa Manila kung tutuusin, pero sabi niya, mas gusto niyang doon daw sa school niya until graduation.
Biniro ko tuloy kung may crush na ba siya roon kaya ayaw umalis. Ang bilis tuloy malamang namumula siya dahil sa kulay ng balat.
Kapag may ganoong tanong ako sa kanya na sobrang personal na, para siyang mama niya. Ngunguso lang, magpa-puppy eyes. Kung hindi ko lang bine-baby 'to si Eugene, sasapakin ko talaga 'to kapag gumagano'n siya. Kamukha kasi ni Leo.
'Tang ina naman kasi, nakakairitang tingnan kung makita mong mag-puppy eyes si Leo. E, kung tumingin 'yon, parang may blade sa mata.
Hindi ko na masyadong nabe-baby na yung kasa-kasama ko buong araw sa pasyal si Eugene. Siyempre, nasa junior high school na, may sarili na ring binabarkada—kung barkada ba talaga ang meron.
Puwedeng pumasok ang kotse sa loob ng school, may sarili ring parking lot. Driver talaga nila akong dalawa kasi nasa likod silang mag-ina at ako lang ang mag-isa sa harap. Ang sabi ni Eugene, kakausapin daw ang parents niya para nga raw sa recognition day.
Sa isip-isip ko, dapat si Leo talaga ang nandito at ako ang nagbabantay kay Luan. Kung bakit naman kasi ayaw na lang ipaalaga sa akin, para namang kikidnapin. 'Kabuwisit.
Simula ng flag ceremony nila, saktong katutunog lang ng bell. Nakabantay lang kaming mga guardian at parent doon sa may parking lot at waiting shed. Kaharap namin mula sa kaliwang gilid ang lahat ng mga batang humihilera para sa flag ceremony.
Hinahanap ng tingin ko kung saan ang mga Grade 7. Ang hilera nila sa quadrangle, mula pala sa mga kindergarten na may nakaalalay na mga teacher pataas ng grade. Pero mga bata pa ang nasa dulo na malapit sa flag pole. Sa likurang hilera, doon ko nakita ang mga Grade 7. Paanong hindi ko makikita, nangingibabaw si Eugene sa mga kasabayan niyang maglakad na ang liliit pa. Pero hindi lang 'yon.
Napanganga na lang ako at napatakip ng bibig gamit ang buong kanang palad kasi naglalakad siya sa quadrangle, meron siyang ka-holding hands na babaeng estudyante!
'Tang ina, eleven years old. Napaisip tuloy ako. Si Mami lang yata ang naka-holding hands ko noong eleven ako.
Nanlalaki ang butas ng ilong ko habang inoobserbahan 'tong inaanak kong pumila roon sa pila ng mga babae, panglimang estudyante, balewala kung ang daming nakakakita sa kanila kasi flag ceremony.
Yakap-yakap niya sa likod ang babaeng estudyanteng 'yon, na dalaginding pa lang, Diyos ko, Lord God. Nakabalot ang mga braso niya sa bandang balikat n'on tapos nakapatong ang baba niya sa ulo naman.
"Ky, nakikita mo anak mo?" tanong ko pa.
"Where?"
"Ayun, o." Itinuro ko si Eugene saka yung baby girl na yakap niya. "Nakapila sa mga babae."
"Oh!" Nagulat pa siya sabay, "Aww, they're so cute."
Ang sama tuloy ng tingin ko kay Kyline. Ano'ng cute?! Eleven pa lang 'yang Baby Eugene ko! Walang cute-cute dito, yung yakap niya, mukhang keychain na doll.
"Girlfriend ba niya 'yon?" tanong ko agad.
"She's Carmiline. Siya yung valedictorian."
"Hagh!" Ang OA ng singhap ko, napatakip pa ako ng bibig gamit ang magkabilang palad. "The love affair I can't handle."
"Hahaha! Clark! Ano ba?" Pabiro akong pinalo ni Kyline sa braso saka ako tinawanan nang mahina.
Patapos na ang pilahan at umakyat na ang isang teacher sa gitna ng stage para mag-flag ceremony. Ang sama pa rin ng tingin ko kay Eugene kasi nakapila siya sa pila ng mga babae! Hindi talaga umalis 'tong lokong 'to. Ang tigas ng mukha nito, ganito ko ba 'to pinalaki?
Mag-uusap kami nito mamaya.
Nagsimula nang tumugtog ang Lupang Hinirang kaya inilagay ko agad ang kanang palad ko sa dibdib habang masama pa rin ang tingin sa inaanak kong damang-dama ang puwesto niya sa hindi niya pila.
"Bayang magiliw, perlas ng silanganan . . ."
Noong high school kami, kada year, may nakabantay sa adviser kada year. 'Yon ang nagmo-monitor ng buong class advisory niya para behave sa pila. Kapag wala ka sa pila o hindi ka nakatayo nang maayos, papaluin ka ng ruler para umayos ka. Ewan ko lang ngayon kung paano nakakapila 'tong si Eugene sa pila ng mga babae. Ni class adviser, wala sila roon sa pila. Basta nakapila lang silang mga estudyante.
Buong flag ceremony, hindi ko talaga inalis ang tingin kina Eugene at doon sa baby girl na syota yata niya, malay ko.
Cute yung girl. Cute kasi medyo maliit para kay Eugene. Pero hindi klase ng maliit na sobrang liit. Nasa pang-anim na pila, matangkad kung tutuusin kung ikukumpara sa mga kahilera nila. Maliit lang sigurong tingnan kasi katabi si Eugene na mas malaki in general sense.
After ng flag ceremony, nagpasabi agad si Kyline.
"Tara sa faculty room, Clark," aya ni Ky, at dumeretso kami sa pangalawang building sa kanan ng parking lot.
Nasa first floor ang faculty room na sobrang lawak. Kada cubicle, doon ang pinaka-table ng bawat teacher. Ang lakas din ng AC, ang daming budget.
Dumeretso kami ni Kyline sa dulong mesa na may nakadikit na name tag sa pinakadingding ng cubicle.
"Ms. Hearty F. Gonzales" ang naka-print tapos may design na bubuyog saka mga bulaklak.
"Good morning, Miss Chua," bati ng teacher na kasalubong namin at may hawak na puting mug na may design na puppy.
"Good morning, Miss Heart," bati ni Ky sa teacher na kahihinto lang din sa mesang hinintuan namin. "Anyway, kasama ko ang ninong ni Eugene." Itinuro ako ni Ky at nag-alok ng kamay kay Miss Hearty.
"Good morning, ma'am. I'm Clark Mendoza."
"Good morning, Mr. Mendoza. Ako po si Ma'am Heart, class adviser ni Eugene." Nakipagkamay naman siya at bumalik agad ako sa bandang likuran ni Kyline nang bitiwan niya rin ako pagkatapos.
"Wala po si Mr. Scott, mommy?" tanong niya at nag-uusisa agad ang tingin kasi ako ang kasama.
"May school kasi ang baby naming isa. He's with him today sa day care center," sagot ni Ky.
"Sabi na kasing ako na lang ang mag-aalaga kay Luan ngayon, e."
Natawa nang mahina si Kyline dahil doon at nakangiwing inilingan ang sinabi ko. "Leo's not gonna let you touch his baby monster." Humarap na ulit si Kyline kay Ma'am Hearty. "About pala sa recognition day . . ."
"Good morning, Ma'am Heart."
Sabay pa kami ni Kyline na lumingon doon sa bumati. Lalaking naka-long sleeves na kulay light blue. Naka-black pants pa at black leather shoes. Mukhang a-attend ng meeting, akala ko, teacher din dito kaya gumilid pa 'ko para padaanin siya.
"Good morning, Mr. Zaspa. Nagpakuha na po ako ng upuan para sa inyo, pahintay na lang po. Katatapos lang kasi ng flag ceremony."
"No problem, ayos lang, ma'am."
Nginitian pa kami ni Ma'am Hearty.
"Hi, Sandro," masayang bati ni Kyline dito sa bagong dating na lalaki. "This is Clark pala. Ninong ni Eugene," pakilala ni Ky sa akin at inakbayan pa ako.
Imbes na mag-hi, pilit lang na ngumiti yung Sandro saka nag-isang tango na parang nakasalubong na kumpare niya si Kyline.
Palipat-lipat naman ang tingin ko sa kanilang dalawa.
"Madali lang mag-hi," paalala ko roon sa Sandro kasi hindi man lang sinagot si Kyline.
"Bakit? Sinabi ko bang mahirap?" maangas niyang balik sa akin at nagusot agad ang mukha ko sa sinabi niya.
Namimilosopo ba 'to?
"Nag-hi yung babae, pare," sabi ko pa at itinuro si Kyline. "Wala ka man lang bang gagawin?"
"Binati ko naman. Ano ba'ng problema nito?" tanong pa niya kay Kyline nang balewalain ako.
Tinapik-tapik tuloy ni Kyline ang dibdib ko para itago ako sa likod niya. "He's not used to that, sorry." Bigla akong hinarap ni Kyline para pagsabihan. "She's Carmiline's daddy. Yung valedictorian. He's here with us kasi mag-uusap nga about sa recognition day."
"Tapos wala man lang manners na babatiin ka rin?"
"Leo didn't even like him greeting me back, so that nod is more than enough."
Wala. Nananantiya lang ang tingin ko kay Kyline at para akong nag-lag habang nakatitig lang sa kanya.
So, ayaw ni Leo na binabati rin si Kyline kaya okay na yung patango-tango na lang?
Pota, kaya nasasanay si Luan na hindi naggu-good morning sa 'kin, e. Napakawalang manners talaga ng tatay n'on. Ultimo hi, ayaw? So, ano? Lahat ng babati kay Kyline, tangong kumpare na lang ang sagot?
Pinaupo na rin kami at kinausap kung ano ang gagawin sa recognition day at kung ano-anong fees ang dapat bayaran. Required din daw magbayad para sa yearbook kung saan lalabas ang mukha ng mga anak daw namin. At kung may budget kami, puwede kaming bumili ng space sa page ng yearbook para lang sa special greetings kung gusto naming may sariling pabati ang anak namin.
Nai-imagine ko si Tita Tess na wala nang ibang tanong-tanong pa, bibili agad 'yon ng isang buong page para lang itapal ang mukha ng mga anak niya for special greetings.
Actually, she did that yearly during our high school days. Nasa bahay ang mga ebidensiya. One whole page, mukha ni Rico at may pabati sa ilalim na "Congratulations, Ronerico! From Mum and Dad."
Pakiramdam ko tuloy, ang tanda ko na para ito ang i-topic umagang-umaga.
"We'll occupy half of the page, miss. We'll send the details na lang sa email mo to check the content," sabi ni Kyline. "May picture naman si Eugene last United Nations, right? If may soft copy pa kayo, 'yon na lang ang gamiting picture."
"How about you, Mr. Zaspa?" tanong ni Ma'am Hearty rito sa tahimik na katabi ko.
"Two pages ang kukunin namin," sagot nitong Sandro.
Yabang, two pages. Porke valedictorian ang anak?
"Ky, i-two pages mo na lang din kaya kay Eugene?" parinig ko sa katabi ko.
"Two pages?" gulat na tanong ni Ky nang lingunin ako. "Why? Are you going to promote or something?"
"Baka kasi kulangin ang kalahating page para kay Eugene," sabi ko sabay pairap ng tingin doon sa katabi ko. "Marami kaming pambayad," nakangiting sabi ko pa sa kanya. "Engineer ang daddy. COO ang ninong. Barya."
"Walang nagtatanong," sabi lang n'ong Sandro na nakapagpawala ng ngiti ko. Humarap ulit siya kay Ma'am Hearty. "Yung half page sa first page, para kay Chamee. Greetings galing sa buong family. Yung half, ad for Traveler's Mag. Sa second page, ad ng foundation ni Governor Celizana. Ipa-bill na lang sa office ni Daddy ang about sa payment. Ako naman ang magle-layout niyan kaya paki-send na lang sa office namin ang lahat ng files na ilalagay sa yearbook."
"Okay, Mr. Zaspa. Ipo-forward ko lang ito kay Madame Principal, pahintay na lang muna ako rito."
Iniwan kami roon ni Ma'am Hearty dala ang mga form at request letter na pinirmahan ni Ky kani-kanina lang.
Sinusubukan kong huwag mandilat sa gulat habang nakatingin dito sa Sandro na 'to mula sa dulo ng mga mata ko.
'Tang ina, siya ang magle-layout ng yearbook dito?
"Marunong kang mag-layout?" tanong ko pa, dudang-duda sa mukha niya. Mukha kasi siyang nagbebenta ng life insurance.
"Bakit? Magpapa-layout ka ba?" balik-tanong niya.
Babalibagin ko na 'to ng upuan, e. Ako unang nagtanong, ako pa tatanungin.
"He's doing auto-cad din!" sabad ni Kyline sa aming dalawa. "He's designing. But he's into business handling pa rin naman. Part-time lang ang designing."
"Hindi mo kasama asawa mo?" biglang tanong niya kaya sumimangot ako at napaayos ng upo.
"Bakit mo hinahanap asawa niya? Nakukulangan ka sa 'kin?" maangas na tanong ko.
"Yung asawa kasi niya, marunong itikom ang bibig kapag hindi tinatanong."
"Hindi kasi 'yon kumakausap ng alien na gaya mo."
"Ano ba'ng problema nito?" tanong niya kay Kyline matapos akong irapan.
"Ako kausap mo, di ba? Bakit lilipat ka kay Kyline?"
"Pakisabi sa kanya, ayoko siyang kausap," sabi niya kay Kyline, umaarteng hindi ako nakikita sa tabi niya.
"Itanong mo muna kung gusto kitang kausap," pagsingit ko sa kagaguhan niya.
"E di, tumahimik ka na lang," biglang sabi niya, nanlalaki pa ang mga mata. "Yawa naman, ke aga-aga." Napakamot pa siya ng ulo. Nagpagpag siya ng kamay sa magkabilang hita saka tumayo. "Ma'am Heart, paki-inform na lang ako kung kailan ang next meeting. Pupuntahan ko lang si Chamee sa room niya."
"Sure, thank you rin sa time, Mr. Zaspa." Saktong bumalik si Ma'am Hearty at sinalubong itong Sandro na paalis na yata. Dapat lang. "Pakisabi kay Gov., aasahan namin ang presence niya sa recognition day."
"Walang problema. Sabihin ko," sabi n'ong Sandro at nauna nang umalis.
"Okay!" Isang pumalakpak si Ma'am Hearty at nakangiting nagpalipat-lipat ng tingin sa amin ni Kyline. "Miss Chua, thank you po sa pag-attend ngayon sa small meeting na ito. After finals, we'll meet po ulit para sa final grades nina Eugene. Hindi pa natin sure kung sino ang magiging valedictorian at salutatorian this year kasi naghahatakan talaga sila ni Carmiline ng grades. But it's a healthy competition sa mga bata. Nakikita naman naming mas nag-e-excel pa sila every grading. After ng finals sa March, we'll know kung sino ang nasa standing. Let's pray for a good result sa kanila."
"Thank you, miss," nakangiting sagot ni Kyline.
Pero halata namang pinagbibigyan ni Eugene yung anak ng mayabang na katabi ko kanina. Yakang-yaka ni Eugene maging valedictorian, e! Dinaan lang sa pa-cute ng anak ng lalaking 'yon kaya nabakuran agad ang posisyon.
Mag-uusap talaga kami nito ni Eugene. Hindi nito sinasabing may girlfriend na pala 'to.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top