Chapter 39: The Chasing Game
Tiningnan ko ang schedule naming barkada kung ano na ang susunod na gagawin, pero maliban sa maghahanap na lang kami sa closet ng magkakakulay na damit, wala na kaming next plan kasi nga ginagawa na nina Mami.
Alas-nuwebe pasado pa nga lang nang dumalaw ako sa mansiyon pero sinalubong agad ako ni Ate Becca.
"Aga mo naman, Sir Clark," nakangiting bati niya at binangga pa ako sa balikat nang pabiro.
"Si Sab?"
"Ay, 'yon lang. Tangay-tangay ni Madame, magbe-breakfast daw sila sa Mount Makiling."
Natawa tuloy ako nang mahina. "Talaga ba, Ate Becca? Mamumundok din ba sila?"
"Hoy, hindi 'yan joke, ha. May hot spring din daw roon. Bakasyon yata silang mag-ina kasi nangungulit ng spa si Ma'am Sab kagabi. Treat daw niya kasi na-deliver niya lahat ng deliveries niya kahapon. Unang sahod niya under kay Madame kaya gigil na namang gumastos ang bunso."
"Ah . . ." Napaisang tangô na lang ako. Kaya pala.
"Saka magpapatahi si Madame ng filipiñana. May ni-refer daw sa kanya roon na pinya ang gamit sa materyal. Dinala na rin si Ma'am Sab para nga raw ma-check ng 'professional eye' na designer din. Alam mo naman si Madame. Basta damit-damit na ganyan, si Ma'am Sab agad ang bitbit."
Sa bagay. "Pero saan gagamitin ang filipiñana?" tanong ko agad.
"May business conference sila sa May. Pinaaayos na nga nila sa 'kin ang schedule kahapon pa lang. Susunod daw roon sa Laguna si Sir Ric, magha-half day rin yata sa office."
"So, walang tao ngayon dito sa mansiyon."
Napasinghap si Ate Becca sabay sapo sa dibdib at gulat akong tiningala. "Hindi ba ako tao, Sir Clark?"
"Hahaha! Ate Becca, joker ka. Ibig kong sabihin, walang Dardenne dito?"
Nagusot agad ang magkabilang gilid ng labi niya. "Ngayon mismo, wala. Nasa galaan silang lahat, e. Hanap mo si Ma'am Sab?" Ngumisi agad siya nang malisyosa. "Yiiee! Miss mo na?"
Pinigil ko namang huwag ngumiti sa tanong niya. "Ate Becca, tsismosa ka talaga kahit kailan."
"Ikakasal na kay Sir Archie 'yon."
"Pumayag ako?"
"Hahaha!" Ang lakas ng halakhak ni Ate Becca, sakop na sakop ang hallway na nilalakad namin. "Iniwan mo nga raw sa kalsada, e."
"Iniwan ko sa kuya niya, hindi sa kalsada," esplika ko na naman. "Grabe tsismis dito sa inyo, palayo nang palayo sa point of origin. Baka kapag si Manang Mila na kinausap ko, ang sabihin sa 'kin, iniwan ko si Sab sa snatcher."
"Wahahaha! Hindi ka mali diyan, Sir Clark."
Bumuga ako nang malalim na hininga saka umatras. "Kung wala si Sab, balik na lang ako bukas, Ate Becca."
"Wala rin sila bukas," nakangisi niyang sabi paglingon sa akin.
"Bakit?"
"Kasi sabi ko."
Napasimangot tuloy ako. "Ate Becca . . ." naiiritang pagtawag ko sa kanya. "Seryoso ba, nandito bukas o wala?"
"Hahahaha! Huwag mo na kasing puntahan dito, pinagsabihan ka na ni Madame, e."
"Sisilipin ko lang! Grabe naman."
"Kapag sinabi ni Madame na huwag mo munang lapitan ang bunso niya, huwag mong lapitan muna. Kasi 'yang si Madame, hindi lang dalawa ang anak niyan dito sa mansiyon. Alam na alam niyan kung paano kayo nag-iisip. Kaya kung sinabi niyang huwag mong lalapitan, e kung hindi ka susunod, siya ang susunod sa 'yo. Wala si Ma'am Sab bukas. Pustahan pa tayo, Sir Clark."
Tumatagal ang pagtitig ko kay Ate Becca, lalo akong nawawalan ng ganang magtagal pa rito sa mansiyon ngayon.
Hindi kaya sinasadya ni Tita Tess na tangayin sa kung saan-saan si Sabrina? Pero work naman kasi yung kahapon. Ngayon, magpapagawa naman ng damit. Ano naman kaya bukas?
Ay, shet, hindi pala ako puwede bukas. May inventory kami nina Kyline bago sila mag-photoshoot. Kami pa maghahatid kay Eugene sa school bago dumeretso sa warehouse.
Kung hapon siguro, baka nandito na sila n'on.
Balisa akong umalis ng mansiyon habang iniisip kung ano na ang gagawin ko.
Nag-cancel na kasi ako ng work hanggang Feb 15 dahil ang iniisip ko, magiging busy kami dahil kay Leo. Pero eto nga, inaayos na rin pala nina Mami kaya wala nang gagawin. Si Sabrina sana ang sasamahan ko, pero ayun at kasama ang mama niya.
Pumasok na lang tuloy ako ng opisina kaya nagulat si Pau nang makita ako sa office namin sa likod ng bahay ni Leo.
"Akala ko, busy kayo sa kasal," sabi pa niya at binuhat ang anak niya sa sahig para iupo roon sa sofa.
"Akala ko rin," sabi ko na lang. "Ako muna rito sa front desk."
Tinawanan ako nang mahina ni Pau. "Halatang wala ka ngang ginagawa. Doon muna kami ni Bon-bon sa records. Baka ngayon ko na matapos ang filing ko."
"Sige, ako na'ng bahala rito."
Sinundan ko na lang ng tingin si Pau nang kargahin na naman niya ang anak niyang bulinggit.
Chubby na maputi si Pau, mababa nang kaunti kay Tita Tess, at hilig pang mag-dress. Mukha tuloy siyang marshmallow na nakabestida. Si Bon-bon ang anak niyang dito namin pinasasama sa kanya kasi walang bantay roon sa bahay nila. Kung ano ang mga laruan ni Luan, meron din siya rito. Madalas, silang dalawa ang naglalaro kapag wala pa si Eugene. Nasa limang taon na si Bon-bon, pero nakakasundo naman niya si Luan. Nag-aaway sa laruan kung minsan, pero matapang din kasi si Luan. Si Bon-bon, tahimik lang kapag may nagagalit nang isa.
Naging day care na nga rin dito sa amin kapag walang walk-in client.
Nakatutok ako sa laptop ko at after a week, ngayon pa lang ako makakapag-encode nang maayos para sa work. Nakakarami na ako ng ginagawa nang may pumasok sa loob ng office namin.
"Good morning," bati ko at tumayo na para makausap ang pumasok.
Naka-uniform, courier din. May dalang brown envelope.
"Good morning ho, ser. Nandito ho ba si Mr. Mendoza . . . Clark?" marahang pagbasa niya sa isang side ng envelope.
"Ako po, sir. May delivery po?"
"Yes, sir. Pa-sign na lang po rito."
Inabutan niya ako ng dalawang magkaibang form at acknowledgment receipt.
"Sino po ang nagpa-deliver?" tanong ko nang tingnan ang envelope.
"Ang nakalagay po sa sender ay si . . ." Natawa pa siya nang mahina nang ibaling sa akin ang tingin matapos basahin ang nasa record na hawak niya. "Mickey Mouse, sir."
Hindi ako nakatawa sa sinabi ng nag-deliver. Pag-alis niya, ang talim agad ng tingin ko sa envelope at mabilis 'yong binuksan.
Pagkakita ko ng mga laman, nagsalubong agad ang mga kilay ko kung ano 'yon. Inisa-isa ko pa at lalong nangunot ang noo ko nang makitang puro transaction history 'yon ni Leopold. Pag-check ko ng iba pang laman, nanlaki ang mga mata ko sa mga sumunod na record: mga police record namin noong nahuli kami na kinidnap nga raw namin si Kyline. Pati mga blotter report at lahat ng statement pati ng prosecution tungkol doon sa poker machine na si Leo ang nakakuha ng jackpot coin—na dapat kay Elton nakapangalan.
Sa last page, may naka-print pa sa sobrang lalaking font.
"You stepped on the wrong hood. Wait for the rest. We're just starting."
Sa isang iglap, parang ginising n'on ang buong sistema ko. Nanginginig ang kamay ko nang kunin ang phone at tawagan si Leopold kung nasa school man siya.
Namamawis ako kahit naka-aircon naman kami sa loob ng office. Dino-double check ko ang mga file kung may kakaiba ba roon hanggang sa makita ko ang isang account summary na hindi naman namin dine-declare as sa amin lang kasi pera ng buong barkada 'yon.
Hindi 'yon nakapangalan kay Leopold. Sa akin 'yon nakapangalan at doon sa branch kung saan 'yon in-enroll.
Kompleto roon ng transaction na covered mula pa last year lang. At hindi madaling makakuha ng record nito unless ire-request ko personally.
"Dude, may klase ako."
"Alam ko. Pero may na-receive ako ngayon dito sa office na documents. Puro records mo. As in lahat ng ikaiinit ng ulo mo, hawak ko ngayon."
"Gaya ng?"
"Rape case mo kay Kyline."
"Pu—" Hindi niya natapos ang mura niya. "Class, tapusin n'yo 'yan. Ipasa sa table ko kapag tapos na, then you may go."
Narinig ko ang paglakad niya dahil sa bilang ng paghinga niya hanggang sa huminto at sinagot na ako.
"Paanong rape case, e sarado na 'yan, di ba?"
"Sarado o hindi, hawak ko ngayon ang sworn statements mo pati ni Ky. Kahit kina Elton at sa amin nina Early Bird—lahat."
"Sino'ng nagpadala?"
Binasa ko ang nasa sticker sa envelope. "Mickey Mouse. Ang address, Clubhouse."
"'Tang ina, Clark, kinakabahan ako, ha. Prank mo ba 'to?"
"Gago ka ba? Bakit kita ipa-prank nang ganito? Nakakatawa ba 'to?"
Ang rahas ng buntonghininga niya nang tingnan ko pa ang ibang page.
"Saka merong record dito ng mga bank transaction mo. Pati yung gastos ninyo ni Patrick sa Sixty-Niners, 'tang ina, meron din! Akala ko ba, 40k lang ang gastos, bakit nasa 200 plus 'tong nandito?"
"Malamang, naglaro muna si Patrick bago ako. PeroKasi nga, si Patrick ang naglalaro, ako ang bumibili ng chips. Yung 40k, dapat kinabukasan na game 'yon, sabi ko, ida-drop ko na that night kasi ayoko nang bumalik kinabukasan. Doon ko ginamit ang stipend ko. Gets na? Saka ang tagal na niyan! Puta naman, Clark, magge-Grade 8 na si Eugene!"
"Kaya nga! Hindi ko alam kung saan galing 'to at bakit may magpapadala ng ganito."
"Sa office ipinadala?"
"Naka-address sa akin pero itong office ang nandito sa sticker. Hindi yata nito alam kung saan ang bahay ko, napakabobo ng nagpadala nito."
"Itabi mo lang diyan—doon pala sa office ko. Titingnan ko mamaya. Huwag mong iuwi 'yan sa 'min. Kapag nakita 'yan ni Ky, hindi talaga kita papapasukin sa bahay kahit kailan."
"Gago ka ba? E di, na-trigger pa ang trauma ni Ky nito kung ipakikita ko. Kakausapin ko rin si Calvin. Mga taga-Coastal lang naman ang nakakaalam ng Mickey Mouse code ko."
"Ang tagal nang sarado ng Coastal, ano na naman bang problema 'yan?"
Sana alam ko. 'Tang ina, ina-anxiety na ako ngayon.
Kahit gusto kong kalimutan muna ang tungkol sa documents na 'yon, binabagabag talaga ako. Natawagan ko tuloy nang wala sa oras si Kuya Tony para lang makausap.
"You received this kanina," sabi niya habang inoobserbahan ang envelope na inabot ko sa kanya.
Mula Las Piñas, dumayo pa talaga ako sa Ortigas para lang i-meet siya sa Afitek. Nahiya nga ako, may office pala siya ngayon. Bakasyon daw si Tita Tess, nagpa-spa sa Laguna kasama si Sab—kaparehong kuwento ni Ate Becca kanina.
"Hindi ito galing sa registered courier," sabi pa niya. "Kahit barcode, wala. Dapat may barcode 'to. Kahit contact number ng sender, wala. Sabi mo, may pinirmahan ka naman. Wala kang kopya ng receipt?"
"'Yan nga ang kanina ko pa iniisip, Kuya Tony. Ang pinirmahan ko kasi, parang form. Yung form na ilalagay ang pangalan, contact number, date ng pa-receive, saka pirma. Para lang siyang log book kasi marami namang pangalang nakalista kaya hindi ako naghinala. Tapos dalawang copy na pirma lang. Ang logo nila, simpleng text lang na ang nakalagay, 'We Deliver' tapos maliliit nang texts, you know? Yung itsura talaga ng normal receipt. Walang kakaiba, Kuya Tony, as in."
"Hmm. I see." Paglabas ng laman ng envelope, inisa-isa niya ang laman n'on. "Some of these records are confidential." Itinaas niya ang isang record ni Leo, yung may mugshot. "May special request sa NBI para makakuha ng kopya nito." Sunod niyang pinili ang iba pang laman. Itinaas niya ang isa sa mga bank record doon ni Leo. "Ang format ng document ay hindi galing sa special request ng third party. May sariling format ang bank para sa third-party request for statement of account at may included ding letter 'yon for authorization. This is personally requested. Kung nag-request nito ng copy si Leopold sa bangko, ito ang makukuha niyang kopya."
"Meron diyang record na ako ang nakapangalan, Kuya Tony. Possible ba na personally requested 'yan kahit wala naman akong nire-request na kopya since last year?"
"Let's see." Hinanap ni Kuya Tony ang tinutukoy ko at bahagyang nangunot ang noo niya. "Yeah, this is personally requested. Puwede kang makakuha nito kahit sa mobile application. Pero dapat ikaw ang mag-a-access ng account."
"Kuya Tony, phone ko lang ang puwedeng mag-access ng account. Unless na-hack ako o may iba pang alam ng password ko."
"Hmm." Inisa-isa ulit ni Kuya Tony ang mga papel na laman ng envelope. "Iiwan mo ba 'to rito?"
"Iimbestigahan ba agad? Or magkano ang bayad for investigation kung saan 'yan galing?"
"I don't think pababayaran ni Tessa ito."
"Ipapaalam mo kay Tita?" naiilang na tanong ko.
"She'll know eventually, sabihin ko man o hindi. But I'll consider this as Grade B case. Ang daming nandito na kailangan talaga ng connection para makakuha ng kopya. And whoever sent this to you, I'm sure na kilala niya kung sino ang mga kailangan niyang tawagan kung gusto niyang mam-blackmail."
Mam-blackmail? Putang ina, pagkarinig ko n'on, si Jian agad ang naisip ko.
Pero record ni Leopold? Si Jian? Ano'ng kinalaman ni Leo kay Jian? E di sana, record ko 'to.
'Tang ina, sino naman kaya 'tong nampa-powertrip sa amin?
Wala na sa 'kin ang mga kopya, at ang tanga ko lang kasi ang paalala nga pala ni Leo, iwan ko sa office niya. Pero mas kampante akong nasa Afitek 'yon. Para ma-trace din nila agad kung sino ang nagpadala n'on sa 'kin.
Kaya nga pag-uwi ko, 'yon agad ang pinagtalunan namin ni Leo.
"Bakit nasa Afitek? Ang linaw-linaw ng sinabi ko, OFFICE KO. Nakakaintindi ka ba ng Tagalog?"
"'Tol, ite-trace nga. Mas okay nang nasa Afitek 'yon para ma-trace kung sino ang gagong nagpadala n'on."
Kitang-kita ko ang frustration ni Leo habang naghihimas ng noo. "Mga Chua siguro ang may pakana nito." Napahinto siya sa palakad-lakad niya nang balikan ako. "Pero bakit sa 'yo ipadadala? Aanhin mo 'yon?"
"Ewan ko! Kaya nga takang-taka ako. Record mo tapos naka-address sa 'kin."
"May kaaway ka ba?" naiirita niyang tanong, hinahamon ako ng tingin.
"Gago ka ba? Record mo ang ipinadala, Leopold Scott. Ako dapat ang nagtatanong sa 'yo niyan."
Nawala ang inis niya saka napatango. "Sa bagay." Nagpalakad-lakad na naman siya habang himas-himas naman ang baba. "Mga Chua lang naman ang kaaway ko ngayon."
"Kung sila nga ang nagpadala, para saan ang mga document na 'yon? Aanhin ko 'yon?"
"Sino ba'ng puwedeng suspect diyan?"
"Baka may nakaaway si Luan sa day care tapos sinumbong ka sa tatay?" Binato ko agad siya ng throw pillow. "Sabi na kasing huwag dinedemonyo yung bata, nahahawa sa 'yo!"
"'Tang ina mo, e di sana, nagsapakan na lang kami! Bakit pa siya kakalkal ng bank account ko, bobo ba siya?"
"Huwag mo na kasing palalain si Luan! Hindi na nga naggu-good morning 'yon sa 'kin, e!"
"Ano namang kinalaman ni Luan sa mga bank account ko, ha?"
"Wala! Pero huwag na kasing demonyohin!"
"Ulol! 'Pinagsasabi mong tanga ka?"
Sinukuan tuloy namin ang tungkol diyan. Si Leo, Chua ang main suspect. Ako, hindi ko pa masabi hangga't walang opinyon ni Calvin. Malay ko ba kung si Jian ang may pakana n'on.
Nasa Grade B case agad ng Afitek ang laman ng envelope, e highly-classified case na ang Grade B. Ibig sabihin, tatawag na sina Kuya Tony ng executives at taong may matataas na posisyon para lang makapag-imbestiga. Hindi 'yon kayang ayusin ng agent-agent lang. Supervisor na ng Afitek ang hahawak n'on. Ganoon siya kabigat na kaso.
Kailangan talaga naming malaman ang mastermind doon sa pagpapadala ng documents na 'yon. Hindi 'yon nakakatuwa.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top