Chapter 38: Parents
Three days bago ang prenup photoshoot nina Leo. Supposedly, ngarag sana kami ngayon para sa invitations, pero nasa printing na nga raw ang ipinagawa ni Tita Tess.
Hindi ko alam kung sino-sino ang mga invited at dapat i-invite para sa kanya, pero nagulat ako sa itinawag ko kay Mami kinagabihan pagkagaling sa shop nina Mr. Keng.
"Mami, sa katapusan ng March ang wedding ni Leo. Makakapunta kayo ni Dadi?"
"Oo naman, anak. Ano ka ba? Sponsor kami ng daddy mo."
"Ha?" Napatitig ako sa sahig at napahinto sa paglakad sa sala. "Nag-offer kayo?"
"Nagkausap na kami ni tita mo, Tessa, ano ka ba? Hindi ba niya sinabi sa 'yo?"
"Kailan n'yo nalaman na ikakasal si Leo?"
"No'ng kasal ni Patrick. Ay, naku, anak." Biglang bumigat ang timbre ng boses ni Mami. "Hindi sa hinuhusgahan ko ang pamilya ng mga kabarkada mo, kasi kilala ko naman kayong lahat."
Paghinga ko naman ang bumigat habang nagsasalita si Mami sa phone. Kinakabahan ako, shet.
"Ayoko na ang tingin nila sa mga anak nila, parang perang pambayad lang," kuwento ni Mami sa istrikta niyang tono. "Nagpahaging ang tiyahin ni Kyline kay Uncle Bobby mo. Kung hindi lang daw ibinahay 'yon ni Leo, si Patrick sana ang pinakasalan ni Kyline. Tama ba na pariringgan mo ang tatay ng groom sa kasal ng anak niya?"
Lalong lumalim ang paghugot ko ng hininga sa kuwento ni Mami. Umuwi kasi agad kami ni Sab kaya hindi ko alam kung ano na ang nangyari pagkatapos ng reception.
"Gusto kong suportahan si Leopold dito sa kasal. Pero sinabi ko rin kina Bobby at Tessa, at sasabihin ko rin kina Addie at Linda, na ayokong makakarinig ng kung ano-anong insulto mula sa pamilya ng mga Chua kapag naroon na," paalala ni Mami.
Nagtitindigan ang mga balahibo ko kasi bihirang manermon si Mami nang ganito, lalo na kung hindi ko naman kasalanan. Nag-iiba talaga ang timbre niya kapag hindi tungkol sa akin. Nawawala ang maamo niyang salita basta ibang tao na.
"Si Leo, naghirap 'yan, nagsumikap 'yan nang sarili niya. Hindi 'yan umasa sa mga magulang niya. Kung buhayin man niya si Kyline at mga anak nila sa kung paano niya gusto, wala na silang pakialam doon. May respeto sa kanila ang bata, matuto silang magbalik ng respeto. Dahil kung ipipilit nila ang gusto nilang wala sa hulog, kami ang kausapin nila, tigilan nila si Leopold."
Unang beses kong narinig si Mami na nagreklamo tungkol sa kabarkada ko—sa kumpare ko pa, tatay ng mga anak ko sa "labas." Mabuti sana kung basta kaibigan lang si Leopold, e halos ampunin na nga siya ng mga magulang namin. Ilan silang gustong kunin siya? Si Uncle Bobby, si Dadi, si Tito Ric.
Higit sa lahat, unang beses na ang reklamo, tungkol sa kamag-anak. Take note na hindi parents: kamag-anak. Akala ko, si Tita Tess lang ang gigil sa mga Chua. Habang naririnig ko si Mami na sobrang seryoso at nagpipigil lang magtaas ng boses, alam ko nang may pinatid na ugat sa kanya noong kasal ni Patrick, hindi lang nagsabi sa akin.
Pero . . . announced noon pang kasal ni Pat ang kasal ni Leo?
"Pero, Mami, alam n'yong sa katapusan ng March agad ang kasal?" tanong ko na lang.
Napataas ang magkabilang kilay ko nang makarinig ako ng mahinang "Haay!" sa line ni Mami, pero malayo. Parang sinadyang lumayo muna para lang sa naiinis na buntonghininga na 'yon bago ako binalikan.
"Alam mo, anak . . ." Ang lalim ng paghinga ni Mami nang matagalang sumagot. ". . . mabuti na lang at mabait ang daddy mo. Kasi ako, hindi."
Para akong kinidlatan sa puwesto ko nang sabihin ni Mami na hindi siya mabait! Doon pa lang, alam ko nang unforgivable case na kay Mami itong sa mga Chua.
Si Mami ang pinakamabait, pinakamaunawain, pinaka-responsible, pinaka-forgivable, at pinaka-understanding na tao sa buong mundo para sa akin. Never akong sinigawan ni Mami dahil mali ako; never niya akong pinalo dahil nagkamali ako; never niya akong minura o pinagsalitaan ng masasakit; never niyang sinabi sa aking anak ako at mas bata ako kaya respetuhin ko siya bilang nanay o mas nakatatanda. Never kong narinig kay Mami na sabihin niyang hindi siya mabait. Nakikita kong nagagalit siya sa mga taong promotor ng injustice, pero nakakagalit kasi talaga sila. Normal naman magalit kung may inaagrabyado na sa paligid mo. 'Yon nga lang . . .
Dumeretso ako sa malapit na sofa at ibinagsak ang sarili roon pasandal.
"Sinasabi ko nga sa Tita Tessa mo, ayokong makakita ng kahit sinong Chua sa kasal ni Leopold maliban kay Kyline, kay Addie, at mga inaanak mo. Kasi, sinasabi ko na, kahit sa daddy mo, may aawayin talaga ako kahit kasal pa 'yon ni Leo."
"Inaway po ba kayo ng mga Chua, Mami? May sinabi sa inyo?"
"Anak, hindi mo kailangang magalit para lang sa sarili mo," sermon na ni Mami sa akin, at bahagyang bumaba ang tono niya, dahil siguro ako na ang pinatutungkulan. "Ang tunay na mama ni Leopold, kami ni Daddy mo ang tumulong doon. Ilang taon lang ang mama ni Leo noong naging magkaklase kayo? 19 lang. Halos ampunin na namin silang dalawa ni Leo noong nabubuhay pa siya."
Nanginginig na ang tono ni Mami, ayoko mang mag-assume pero kung naiiyak man siya dahil nababanggit si Tita Daphne, pero kung oo, hindi ko rin makukuwestiyon.
"Ultimo si Filomena, hindi man lang nila marespeto. Kung ano-anong itatawag nila kay Leopold: anak sa labas, anak ng pokpok, nag-suicide ang nanay, itinakwil ng tatay, inggrato, linta, na nagkapera lang dahil ibinahay ang anak ni Adrian kaya nakahanap ng mahuhuthutan."
Pandinig ko na ang nagpanting sa kuwento ni Mama at napahugot na ako ng hininga habang nagsisising maaga kaming umuwi ni Sabrina.
"Kamag-anak lang sila, anak, ha? Mga kamag-anak . . . na wala kahit noong binyag ng mga apo nila. Kahit noong nanganak si Kyline, wala sila. At anong kapal ng pagmumukha . . . ng mga Chua na 'yon . . . na magsabi ng kung ano-ano kay Leopold . . . habang nasa harap ni Filomena, nasa harap namin, nasa harap ni Bobby na ilang beses nilang pabirong tinawag na balae kahit kasal nina Patrick at Melanie . . ." paisa-isa niyang sinasabi at alam ko nang nanggigigil siya sa kuwento niya.
"Mami, ma-highblood ka. Kumalma ka muna."
Ang tagal ng pananahimik ni Mami, ilang beses ko ring narinig na huminga nang malalim bago nagsalita ulit.
"Huwag n'yo nang alalahanin ang kasal ni Leopold. Kami na ang bahala roon. Si Bobby, namimili na ng mga kotseng gagamitin. Lima ang plano niyang ipahiram para sa kasal. Cake testing na sa katapusan ng February. Si Bobby na ang kumausap sa mga Vizcarra ma-setup 'yon nang mabilis. Mga chef na raw nila ang bahala. Inaasikaso na namin ni Dadi mo ang marriage license nina Kyline. Nagpa-schedule kami sa February 17 para may opisina pa. Kakausapin namin sina Kyline para masamahan namin sa pag-apply."
Habang naririnig ko ang mga sinasabi ni Mami, para akong lumulubog sa upuan ko. Para akong natutong mag-add ng 1+1 tapos iniyabang ko agad, tapos eto si Mami, naririnig kong mag-solve ng Phytagorean Theorem.
Saka lang nag-sink in sa akin na hindi lang pala photography studio, invitation, at gown ang dapat naming problemahin. Sa dami ng sinabi ni Mami na first time ko nga lang narinig sa tanang buhay ko na kailangan pala sa kasal, gusto ko nang tawagan si Rico—na kung siya ang nag-asikaso ng kasal nila ni Jaesie, ano 'tong pinagsasabi ni Mami na may cedula-cedula saka seminar pa?
Sa mga movie nga, basta um-enter ang bidang lalaki at sumigaw ng "Itigil ang kasal!" Siya na agad ang groom. Wala naman siyang dalang cedula n'on.
Gahol na gahol kami sa oras kasi pakiramdam namin, walang time mag-prepare. Pero habang ipinaliliwanag ni Mami ang mga gagawin nila ni Dadi para sa kasal ni Leo, pakiramdam ko, last year pa nilang inayos ang buong February nila para lang dito sa kasal, to think na nabuwisit lang daw silang lahat kaya napunta sa katapusan ng March ang wedding date. Kada petsa, may gagawin sila, sina Uncle Bobby, kahit sina Tita Chit.
"Si Tita Tess, ano'ng role niya rito, 'Mi?" usisa ko bago niya tapusin ang kuwento niya.
"Kapag magse-settle ng accounts, kay Tessa agad. Siya ang nagbabayad ng mga hindi kayang i-rush. Ayaw sanang mangialam ni Uncle Bobby mo, pero si Leo ang pinag-uusapan. Principal sponsors din sila ni tita mo Elizabeth."
"Pero ang sabi po kasi ng mga Chua, bawal mag-ask ng sponsors."
"Bakit sila mangingialam, hindi naman sila parte ng kasal na 'yan?" biglang taray na sagot ni Mami na gumising sa lumulutang kong diwa.
Pa-dive na ako sa lungkot dahil kay Tita Tess, bigla akong hinatak ng timbre ni Mami paangat.
"Kung ano man ang sinasabi nilang gawin ni Leo, walang humihingi ng opinyon nila. Kung kasal lang ang maglalayo kay Kyline sa kanila para hindi na niya dalhin ang pagiging Chua niya, ikasal na sila agad ni Leopold!"
Minsan ko na nga lang makausap si Mami, nasakto pa ako roon sa masama ang timpla niya. Tapos hindi pa ako involved kaya mas lalong lumalabas ang inis niya, hindi niya maitago sa akin.
Habang naririnig ko ang mga reklamo ni Mami, kung makakuwento siya, parang sila ang suspect sa last day ng March, e. Sobrang calculated nila ang mga araw na halos two weeks na naming iniiyakan ng buong barkada ko.
Ni hindi ko narinig kay Mami na problematic sila sa mismong location ng kasal. May hotel na raw kasing "naka-reserve" at "sila na raw ang bahala" (kung sino man sila). Nilalakad na raw ang mga dokumento. Ultimo ang pari na magkakasal, naghihintay na lang daw ng kasal.
Masama ang loob ko kay Tita Tess kasi pakiramdam ko, kinokompetensiya kami, tapos babanatan ako ni Mami ng mga plano nila sa kasal ni Leopold na para bang simula pagkapanganak ni Leo, nakaplano na, gagawin na lang.
Ang confident pa naman ni Mami kapag nagpapaliwanag siya. Yung timbre ng boses niya, required na maniwala ka sa kanya kasi kung hindi, mabubuhay ka na lang bilang tanga hanggang kamatayan mo. Kung may binebenta lang siguro si Mami, kasalanang mortal kung hindi ako bibili.
Buong gabi, iniisip ko, 'tang ina, ang hands on ng nanay ko sa kasal ng kumpare ko. Partida, kumpare lang 'yon, ha. Hindi pa anak. What more kung kasal ko na.
Nag-check ako ng GC. Pinagla-like lang ang chat ko tungkol sa invitation na gawa ni Tita Tess. Nagtatanungan sila ng "What now?" Kasi wala na silang ibang maisip na gagawin.
Si Rico, ang sabi niya, sina Kyline na raw ang dapat maglakad ng ibang papers, hindi kami ng barkada, kasi may pipirmahan. Wala na kaming gagawin. Maghihintay na lang talaga ng wedding prenup sa 13, tapos maghahanap ng gagawa ng cake—na may gagawa na nga raw.
Wala nang maisip na gagawin, pero kanina, ang haba ng sinabi ni Mami na gagawin nina Leo. Sa sobrang dami, wala ako halos maalala kasi napangungunahan ako ng gulat kada maba-bad trip si Mami.
Kinabukasan, dumaan ulit ako kina Leo para maki-almusal at makibalita.
"Nining Kwerk!" bungad ni Luan nang maabutan kong patalon-talon sa sala suot ang duckie onesie niya. Eto yung onesie niya na hanggang paa ang nakasuot tapos may hoodie na tuka hanggang buong ulo ng duck.
Ang ayoko lang dito sa onesie niya, hindi ko siya mabalibag sa water bed niya sa sala para sa wrestling. Kapag nababanat sa singit niya, namumula, mahapdi sa balat, masakit daw. E, hindi naman 'yon dapat nababanat. Hindi ko rin kasi naman siya dapat nire-wrestling in the first place.
"Good morning, baby Wuwan duck!" Kinarga ko agad siya saka nilipad-lipad kunwari. "Miss mo si Ninong?"
"Nooowp," mahaba niyang sinabi habang nakanguso pa sabay palobo ng pisngi.
Hinawakan ko siya sa magkabilang kilikili habang buhat paharap sa akin. "Nagkamali talaga ang mga Chua na sa 'yo ibigay ang mana. Sana alam nilang bini-breed ka ng daddy mo for a future revolution."
"Alblablablablablablabla," mahaba niyang sinabi, nagpatalsik pa ng laway. Pero, shet!
"Marunong ka na mag-L?" nakangiting tanong ko sa kanya, halos kuminang ang mga mata ko. "Sabi mo, blah blah."
"Bah bah!"
"Bllllaaaaa."
"Baaaaaaa."
"Gaya mo si Ninong. Tingin sa tongue. L—" Inipit ko pa ang dila ko sa ibaba ng pang-itaas na set ng ngipin. "Li li li li li."
Ang ginawa ni Luan, kinagat ang dulo ng labi niya sabay sabi ng "Wiwiwiwiwi." Habang mukhang duck ang nguso kada ngiwi.
Naging bored tuloy ang tingin ko sa kanya. "Hindi kita susukuan. You're almost there." Kinarga ko na siya ng kanang braso saka siya dinala sa kitchen. Si Leo na lang ang naabutan ko roon kaya malamang, pumasok na si Eugene at si Kyline ulit ang naghatid.
"May isusuot na sina Eugene at Luan sa photoshoot?" tanong ko kay Leo na naghuhugas ng plato.
"Meron na," sagot niya.
May naiwan pang tirang almusal sa mesa na tinakpan na lang. Eto ang mga pinapapak na lang ni Leo kapag nagliligpit na siya ng sala nila saka naglilinis ng bahay.
Ang pasok niya sa school, mamaya pang alas-dos ng hapon. Nakauwi na si Ky n'on para sunduin si Luan sa day care.
Habang iniisip ko ang lahat ng sama ng loob ni Mami kagabi sa call tungkol kay Leo, gusto kong malaman kung alam ba niya ang sinasabi sa kanya ng mga Chua.
"'Tol," pagtawag ko.
"Ano?"
"Sabi ni Mami, announced na pala ang kasal n'yo ni Ky noon pang wedding ni Patrick."
"Announced 'yang wedding namin sa wedding ni Patrick, kasi ang gago ng pamilya ni Ky. E, di ba, puro Chinese families ang mga nandoon, tapos maid of honor ni Patrick si Kyline. Ang laking issue pala n'on kasi trip ng mga tiya ni Ky si Pat."
"Natural, Lauchengco 'yon," sabi ko agad. "Sino nag-announce ng kasal n'yo? Si Auntie Filly?"
"Mama mo."
Napaurong agad ako sa upuan dahil sa gulat. Kahit si Luan, nagulat kaya napaangat pa ng mga braso.
"Bakit si Mami?" tanong ko pa.
"Dude, Chinese silang lahat doon. Nagtatago talaga sina Will kasi out of place kaming mga naiwan. Sino lang ang marunong mag-Chinese sa atin? Si Pat saka si Calvin lang."
"Bakit nga si Mami?"
"Napikon yata si Tita Pia sa kanila kasi Chinese nga lahat ng naiwan sa mesa. Hindi nila ine-expect na marunong si Tita Pia magsalita saka makaintindi. Ang haba rin ng sinabi niya sa kanila. Para siyang nagde-defend sa korte."
Ay, oo nga pala, marunong nga pala si Mami mag-Chinese na madalas gamitin dito sa Pilipinas. May mga kaso kasi siyang hawak na ang kalaban nila, puro mga Chinese corpo na magpapatayo ng mga casino.
"Basta, ang natandaan ko lang sa Tagalog niya, huwag daw nila akong pagsasalitaan nang masama kasi mabuti akong bata. Saka walang tanga sa mesang 'yon."
"Tapos, ano'ng ginawa ng mga Chua?"
"May sinabi lang na maikli ang tita ni Kyline, tapos umalis na rin sila agad. Doon sa mesa kung nasaan lang kami nina Tito Bobby, ha. Lumipat lang talaga sila ng table, hindi talaga umalis sa venue."
Ah, nasa iisang table pala kasama si Uncle Bobby. Kaya pala nakisiksik doon.
Pero si Mami? May Mandarin class din naman kasi sa school na tinuturuan niya. Inutusan pa nga niya akong magdagdag ng language class. Kaso taragis naman kasi, yung Arabic nga at Danish, napaghahalo ko na kapag sinasabi ko, dudugtungan ko pa ng English pang-supplement, tapos Tagalog na mura sa dulo. Magdadagdag pa 'ko ng isang language?
Pero gets ko naman, at ramdam ko kagabi ang inis ni Mami sa tinutukoy ni Leo. Hindi lang siguro nila nakuwento noon—o nasabi nilang riot nga raw ang reception kaya nagsipaglayasan sila sa hall. Hindi lang siguro nakaalis si Leo kasi maid of honor si Kyline, Chinese pa.
Noong sinabi ni Mother Shin na Chua ang may pakana ng pagsugod at panunutok ng baril noon kina Tito Addie at Mommy Linds noong mag-asawa pa sila, hindi ko pa masyadong binili 'yon kasi hindi naman ako exposed sa mga Chua. Saka ang bait pa ni Tito Addie at ni Tita Hellen. Walang bakas ng sama ng ugali na meron sa mga kamag-anak ni Kyline ayon sa kuwento nila. Saka pamilya mo 'yon, e. Para ngang mas tatanggapin ko pa kung tao talaga ng mga Yu ang nanutok ng baril kina Mommy Linds. Pero hindi. Chua pa ang mastermind. Sariling tatay pa. Sariling lolo pa ni Kyline, without considering the trauma na puwedeng i-cause n'on kay Kyline sa sobrang murang edad.
At kung pati si Mami—ang pinaka-understanding at mahabang pasensiyang tao na nakilala ko sa buong universe—nabuwisit din sa kanila . . . ibig sabihin, ibang level talaga ang kademonyohan ng mga Chua para ganito ang maging resulta ng pambu-bully nila.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top