Chapter 36: Silhouette
"Si Sab?" bungad na tanong ko pagtapak ko sa mansiyon. "Yaya Beth, si Sab?"
Ngumiwi si Yaya Beth sa akin, dala-dala ang isang paso ng cactus na ipapasok yata niya sa loob ng mansiyon.
"Ang tigas ng ulo," sermon niya. "Pinagsabihan ka na ni Madame, di ba?"
Napakamot ako ng ulo at ngumiti nang sobrang pilit habang sinusundan siya. "Sisilipin ko lang naman. Eto si Yaya Beth, para namang ano 'to."
"Pasalamat ka at may evaluation si Madame ngayon sa Afitek. Hindi ka aabutan dito."
"Pero si Sab nga po?"
"Ay, ayun! Nagde-deliver."
Napahinto ako sa paglakad. "Nagde-deliver? Ng alin?"
"Binigyan siya ng trabaho ni Madame. Mag-deliver siya ng mga business proposal."
"Bakit siya? Wala bang ibang mautusan si Tita?"
"Clark," mahigpit na sita ni Yaya Beth sa tanong ko bago ako hinarap. "Alam ni Madame ang ginagawa niya. At isa pa, walang kapera-pera ang bunso niya. Ang kasunduan nila kaninang umaga, kung kailangan ni Ma'am Sab ng pera, magtrabaho siya. Hindi siya bibigyan ng allowance ni Madame."
"E di sana, pinag-assist na lang niya sa kanya. Bakit kailangang magdeli-deliver pa?"
"Hindi ikaw ang ina. Huwag ka ring magdesisyon ng sarili mo."
Ano ba naman 'to si Yaya Beth? Hindi nga ako si Tita Tess, e para namang hindi nila alam na madalas sa madalas magpasundo 'yon si Sab sa amin. Ayaw n'on na nagda-drive.
"At saka pinagsabihan kang huwag munang lalapit sa bunso niya, di ba?" biglang duro sa akin ni Yaya Beth paglakad naming dalawa kaya napahinto na naman ako.
"Sisilip lang ako, Yaya Beth."
"Kahit pa!" Itinaas pa niyang lalo ang kanang hintuturo, inaabot ang mukha ko. "Ikaw, mas matigas na ang ulo mo ngayon. Dati, hindi ka naman ganyan."
"Sisilip nga lang kasi. Ito naman si Yaya Beth, para namang itatanan ko si Sabrina."
"Ay, mas lalong hindi mo 'yan magagawa! Naku! Iniisip mo pa lang, alam na 'yan ni Madame."
Huminto siya sa tapat ng painting ng isang artist friend ni Tita Tess. Wala namang kakaiba roon maliban sa swirl of colors.
"Mga anong time kaya babalik si Sab, Yaya Beth?" tanong ko na lang para makaalis na.
"'Yan ang hindi ko alam. Marami ang dala n'on. Hinakot na para nga raw mas malaki ang ipasahod sa kanya ni Madame pag-uwi."
Napakamot na naman ako ng ulo. Isa pa 'to si Sabrina. Buksan ko na kaya ang locator ng phone niya tapos puntahan ko na lang kung nasaan siya?
"Eto, Clark, paalala ko lang. Pinagsasabihan ka ni Madame, makinig ka sa unang sermon pa lang," sabi ni Yaya Beth. "Magpasalamat ka't hindi nagalit si Madame sa 'yo dahil 'yang bunso niya, nakuha ni Madame Ali sa presinto kahapon."
Napandilatan ko nang wala sa oras si Yaya Beth dahil sa inamin niya. "Presinto, bakit?"
"Na-snatch nga raw ang selpon, di ba?"
"Oo nga, Yaya Beth," depensa ko. "Pero hindi naman siya mai-snatch-an ng cell phone kung hindi siya umalis sa café ng hipag niya."
"Pero ang punto ni Madame, hindi aalis ang anak niya sa kung saang lupalop man 'yan kung hindi mo tinangay paalis dito sa mansiyon. Nagtiwala sa 'yo si Madame dahil ang buong akala niya, hindi mo pababayaan ang anak niya." Bigla akong minata ni Yaya Beth mula ulo hanggang paa saka ako sinimangutan. "Kung ako si Madame, ay! Hindi na kita patatapakin dito sa pamamahay ko! Maigi't nakauwi na ang anak ko, kukunin-kunin mo, tapos hahayaan mong palaboy-laboy lang sa kalsada? Aba, masuwerte ka!"
"O, sige na, Yaya Beth. Kalmahan mo lang," sabi ko agad at hinagod-hagod ang magkabilang balikat niya. "Gets na, gets. Sige na, ayusin mo na 'yang cactus."
Bigay na bigay ang sermon ni Yaya Beth, tinalo ang sermon ni Tita Tess kagabi na napakakalmado pa.
Sige na, nakuha ko na. Kasalanan ko na.
Gusto ko pang depensahan ang sarili ko, pero kahit sarili ko, hirap makahanap ng pandepensa sa akin.
Gusto ko sanang kausapin ngayon si Sabrina para sana makapag-sorry sa mga nangyari kahapon saka sa mga nasabi ko kagabi. Pagod lang siguro ako maghapon tapos nasalubong niya. Pero naiisip ko rin kasing hindi ko rin siya mababantayan ngayon.
Magse-send pa kami ng invitation mamaya sa mga kakilala. Para lang din malaman namin kung libre sila sa wedding date ni Leo bago kami gumawa ng invitation. Ayaw sana namin 'tong gawin kasi parang ang bastos na magtatanong ka tapos cancel out na sila sa option without knowing kung libre ba talaga sila that day—malay kasi namin sa mga mangyayari. Pero wala kasi kaming choice. Sakto pang halos lahat ng kakilala namin, graduation ng anak nila 'yon. Pasalamat si Leopold at maaga nang tatlong araw ang recognition day ng mga hindi graduating, makakapunta sila ni Ky sa March para sa recognition day ni Eugene bilang salutatorian.
Pag-alis ko sa mansiyon, tinanggap ko nang hindi ko kayang unahin ngayon si Sabrina. Hindi 'yon dahil hindi ko na siya mahal. Nataon lang talagang ginipit si Leo para sa plano naming dekada namang pinaghandaan pero sinira lang ng pamilya ng mapapangasawa niya.
Nakakasama lang ng loob kasi gusto ko sanang maging okay muna si Leo bago ako lumagay sa tahimik. Siyempre, halos buong buhay ng mga anak niya, nandoon ako. Kahit nasa tiyan pa nga lang, nandoon na 'ko. Tapos ngayon, eto na. Parating na ang time na iiwan ko na ang pamilya niya. Siyempre, hindi na ako puwedeng laging nasa kanila. Gusto ko sana, kung iwan ko man sila para sa sariling buhay ko, yung okay na sila ni Ky.
'Yon lang naman ang akin. Pero bakit naman kasi kailangang pahirapan pa kami?
Dumeretso ako sa Purple Plate. Kakausapin ko sana si Rico para sa kapatid niya, pero binungaran agad ako ni Jaesie ng, "Kung nandito ka para sa asawa ko, kasama si Daddy. Dayuhin mo sa factory nila."
Grabe naman 'to si Jaesie. Alam na alam na hindi siya ang pakay ko. Buti naman.
Pero tumambay lang din ako sa tabi ng counter kung nasaan siya nagpupunas saka ako sumandal sa pader, sa ilalim ng menu nila.
"Jae."
"Sure ba, nandito ka para tumambay?" gulat na tanong niya nang lingunin ako.
"Hindi ako tatambay. Napakaano talaga," pairap na sagot ko. "May itatanong lang ako."
"Seryosong tanong ba?"
"Seryoso nga," sarkastiko nang balik ko.
"Kay Sab na naman ba?"
"Hindi naman. Ano lang . . . di ba, kaya nakarami ka ng na-date, kasi busy ka rito sa café?"
"O, tapos?"
"Naintindihan talaga ni Rico na busy ka?" nagtatakang tanong ko, nakangiwi. "I mean . . . hindi naman sa hindi kita naintindihan sa part na 'yan kasi una pa lang, aware na ako kung gaano ka ka-workaholic."
"Ang point mo . . . ?" tanong niya, nagkrus pa ng mga braso pagtutok sa akin.
Saglit na nagtagal ang pagtitig ko sa kanya, bahagya pang nakabuka ang bibig. "Uhm . . . tingin mo, kaya ba ni Sabrina na gayahin ang ginawa ng kuya niya?" Bigla akong na-rattle sa sinabi ko sa sobrang vague kaya napaderetso ako ng tayô. "Ibig kong sabihin . . . possible ba na maintindihan ni Sabrina kung bakit hindi pa puwede ngayon ang kasal namin kasi hindi pa puwede ngayon? Kasi kung naintindihan naman ng kapatid niya, bakit siya, hindi?"
Ngumiwi si Jaesie sa akin at tiningnan ako mula ulo hanggang paa saka ako hinusgahan ng tingin.
"Alam mo kung ano ang issue mo, Clark? Hindi comprehension ni Sabrina. Indecisive ka. Kasi kung ako ang pakakasalan mo, kahit matalino ka, hindi kita pakakasalan."
"Hindi mo naman talaga ako pakakasalan. Nandi-diss ka lang, e."
"I'm not joking," seryoso nang sabi niya, at nahawa na yata 'to sa stance ni Tita Tess. Nakakatakot pala kapag nae-expose sa mga Dardenne. "Alam mo kung bakit nagwo-work ang sa amin ni Rico? Hindi 'yon sa iniintindi niya ang schedule ko. He's here with me kapag hindi siya kailangan ng family niya. He's helping me, he's assisting me. Bukas ang tracker naming dalawa. Kahit hindi ako umaalis dito sa café, bukas pa rin. He's always checking up on me every hour. He's asking for an update. Kung hindi ako makapagbigay, he's asking my people. Tatawag siya rito sa café. A one-minute call isn't that long to not do. Kasi kahit anong layo mo, kung sa kanya lang ang focus mo, hindi siya mawawala sa 'yo. Ang problema kasi sa 'yo, ang focus mo, nasa ibang bagay habang may hawak ka pa. Until now, problema mo pa rin 'yan, Clark. Meron nang nandiyan, inuuna mo pa rin ang iba. Kaibiganin mo na lang din si Sabrina. That's a lot better."
"Hindi 'yan ang gusto kong marinig sa 'yo, Jae," seryosong naisagot ko sa haba ng sinabi niya.
"You should hear that. And I'm not dissing you. Nagre-reflect lang talaga siya sa lahat ng ginagawa mo."
Sa sobrang seryoso ni Jaesie, sinubukan ko pang labanan ang tingin niya. Pero ako rin ang unang napayuko.
"Kaibigan din ang asawa ko, Clark. Kaibigan din si Patrick. Kaibigan din si Calvin at si Will. Pero napansin mo ba na sa lahat ng kaibigan nila, ikaw lang ang obsessed na obsessed mangialam ng mga buhay nila? Uulitin ko, ha. Hindi schedule ang issue. Hindi 'yon sa napakamaintindihin ng asawa ko. Kasi kung magkokompara ako, matatalo mo siya sa pagiging maintindihin. Ang issue rito, 'yang obsession mo sa buhay ng mga kaibigan mo. Huwag mong isisi sa comprehension ni Sabrina ang issue mo. Marami kang time para magpaintindi ng point mo, wala ka nga lang time para sa kanya."
♥♥♥
Madalas, mas naiintindihan ko na kung bakit hindi ko gustong bumibisita sa Purple Plate. Ayoko talagang kausap si Jaesie kapag may laman ang utak ko at hindi ako mapakali.
Dati naman na siyang ganito kahit noong GFF ko pa siya, pero mas tumindi lang siguro ang mga problema ko kaya matindi rin ang sagot niya ngayon.
Binasag na niya ang puso ko umagang-umaga, nagpakunsuwelo na lang ng mochaccino pag-alis ko. Balik na lang daw ako kung gusto ko ng part two.
Asa.
Hindi ko nakausap si Rico. Hindi rin matawagan kaya sigurado na akong busy nga. Dumeretso na lang ako sa Taguig. Hihintayin ko dapat sina Leo at Kyline para magsukat ng wedding gown pero halos kasabay ko lang silang dumating. Nagpa-park na ng Adventure niya si Leo nang pumuwesto ako katabi ng kotse niya.
Halatang gagala lang silang mag-asawa. Naka-jeans lang si Leo at simpleng white T-shirt at sandals. Si Kyline, pulang floral dress na maikli ang manggas at hanggang tuhod ang haba.
"Aga mo," bati ni Leo sa 'kin. "Akala ko ba, kakausapin mo si Early Bird?"
"Nasa factory daw. Hindi ko rin matawagan." Nginitian ko lang si Kyline bilang pagbati.
"Are you okay, Clark?" bigla niyang tanong nang mauna na ako sa tapat ng glass door ng boutique.
Alanganing nakangiti at nakasimangot ang reaksiyon ko—hindi sigurado sa isasagot.
"Hindi 'yan okay. Alam mo kung kailan okay 'yan," sagot lang ni Leo at hinawakan sa likod si Ky para alalayan. "Tara na."
Maliban doon, wala na akong narinig sa kanilang dalawa. Pagpasok namin sa loob, wala pa ring tao roon maliban sa best friend ni Jaesie. Nagbubukas pa lang siya ng computer sa counter nang lapitan namin.
"Ang aga n'yo," bungad ni Myles at tumingin pa sa wristwatch niya.
Alas-diyes pa lang naman ng umaga. Tanghali na nga kung tutuusin. Pero 9:30 a.m. ang bukas nitong complex kaya talagang maaga pa nga.
"May napili na raw si Rico kahapon," sabi ni Leo.
"Siya ba yung bride?" tanong ni Myles nang ituro ng nguso si Kyline.
"May nakikita ka pa bang iba?" sarcastic na sagot ni Leo.
Lumapit pa si Myles sa wooden counter at minata si Leo. "Malay ko ba kung kabit mo 'yan, e hindi ko naman 'yan nakita sa kasal ng best friend ko." Umirap pa siya at dumeretso sa pintuan sa dulo, lalabas na yata rito.
Tiningnan agad ako ni Leo—yung matalim na tingin niya kapag gusto na niyang manakal sa inis.
"Love," salubong ni Kyline sa kanya, sinapo pa siya sa pisngi, "puwede naman kasing sagutin ng yes lang."
"Oo nga naman," segunda ko pa habang natatawa. "Siya ba yung bride? Yes. E di, tapos."
Ambobo talaga nito ni Leopold kahit na kailan.
Lumabas si Myles sa kabilang pinto na sa tapat namin pero may hatak-hatak na siyang manikin na suot na malaking gown. Yung trip nga ni Rico na pamprinsesa na maraming kung ano-ano. May maliliit na kristal tapos naka-design 'yon mula sa dibdib pababa sa baywang. Pagdating sa ibaba, ball gown nang sobrang laki at parang ang daming layer pa sa loob kaya lobo na lobo.
"In-adjust ko na 'to pero baka ia-adjust ko pa. Makasabi naman 'tong asawa ni Jaesie na kasukat, e mas malaki naman 'yang jowa mo."
Biglang ngumuso si Kyline paharap kay Leo, nagpapaawa ang mga mata. Yung reaksiyon niya kapag may nagsabi sa kanya ng offensive na word.
"Huwag mong tawaging mataba ang asawa ko," mabilis na sagot ni Leo kaya natigilan si Myles habang inaalis sa zipper ang gown.
"Tinawag ko bang mataba, ha?" mataray na sagot ni Myles.
"Ang sabi mo, mas malaki si Ky kaysa kay Jaesie."
Biglang ngumiti nang sobrang inosente si Myles saka inikot-ikot sa gilid ng ulo niya ang palad. "Ulitin mo . . . ang sinasabi mo . . . hanggang mahanap mo d'un ang salitang mataba saka mo ulit ako kausapin." Kahit tumalikod siya, narinig pa namin siyang bumulong. "Napakabobo."
Hindi ko alam kung matatawa ako kasi binabarda niya si Leopold o maiinis para sa kaibigan ko. Pero tama naman kasi. Baka iba lang ang meaning ng "mas malaki" ni Myles. After all, mas malaki naman talaga si Kyline kaysa kay Jaesie depende kung ano ang susukatin, best example: sa dibdib.
Alam naman na namin na hindi namin makakasundo ang best friend ni Jaesie. Sa lagay na 'to, mabait pa siya. Pero mukhang si Kyline na lang ang umaawat kay Leo para hindi magbato rito ng gunting itong isa ha-ha!
Inaya na ni Myles si Kyline sa loob ng pinaka-dressing room na hindi rin. Sa loob pa 'yon ng boutique kung saan kami pinapasok. Walang kahit ano sa loob maliban sa mga salamin at cream-colored sofa bilang waiting area. Ang pinakatabing ng fitting area ay makapal na navy blue curtain lang. Maliwanag sa loob dahil sa white paint ng dingding kaya kahit pareho kaming moreno ni Leo, ang baba ng contrast namin sa loob kaya mukha kaming maputi nang kaunti.
"Nakapag-email na kayo?" usisa ko habang naghihintay kami na mabihisan si Ky.
"Si Will ang nag-email kagabi. May mga sumagot naman na, pero karamihan talaga, may schedule na sa katapusan ng March. Pero baka padalhan ko na lang din ng invitation na walang RSVP, just in case."
"Sino na maid of honor ni Ky?"
"Si Tammi."
Nagsalubong ang mga kilay ko. "Si Tammi pa rin? Paano 'yon, e nasa London pa siya ngayon, di ba?"
"Oo nga. E, ang sabi niya kagabi kay Kyline, puwede naman daw siyang umuwi ngayong Feb hanggang March. Pero baka dito na niya magamit ang leave niya, kasi di ba, naka-reserve na 'yon for next year."
"So, wala si Tammi next year?" nakangiwing tanong ko.
"I'm not sure. Pero hoping makauwi pa rin siya by next year. Kaya nga sabi ko, ako na gagastos ng ticket niya pauwi kasi sobrang rush na nito."
"'Tang ina naman kasing rush 'yan. Kulang na lang, walang um-attend dito sa kasal n'yo."
Sabay pa kaming sumandal ni Leo sa couch nang lumabas sa dulo ng kurtina si Myles at mag-isang hinatak ang tela para bumukas.
Nakaantabay kami ni Leo sa sofa hanggang sa makita namin si Kyline na nakasuot na ng wedding gown.
Sa mismong segundong 'yon, parang may sumabog na fireworks sa loob ng fitting room habang tumutugtog ang malakas na "I'll say, will you marry meeeee . . . ?"
Ang lapad ng ngiti ko kay Kyline pagkakita ko sa kanya. Pakiramdam ko, lahat ng pinaghirapan naming magbabarkada mula pa noong nakaraang sampung taon mahigit, malapit nang matapos.
Mukha talaga siyang prinsesa na kumikinang dahil sa ilaw, at nakikita ko na ang point ni Rico kung bakit gusto niya ang ganitong design. Hindi mukhang manang si Kyline, hindi mukhang minadali, hindi mukhang . . . tinipid.
Lumapit si Leo roon at ang tamis ng ngiti ni Ky sa kanya. Simple lang ang makeup ni Ky, pero parang puwede na siyang ikasal ngayon pa lang.
"Ang ganda niya . . ." kinikilig na sabi ni Ky, malayo pa lang, inaabot na ang kamay ni Leo sa hangin.
Wala akong narinig kay Leo. Kinuha lang niya ang kamay ni Ky tapos inilagay sa may balikat niya. Hinalikan niya sa labi ang pakakasalan niya saka sinunod sa noo bago niyakap.
Masaya ako ngayon para kay Leo. Kapag inaalala ko ang mga hapon na umiiyak siya, tinatanong niya kung ano pa ang dapat gawin para pakasalan siya ni Ky . . .
Kapag inaalala ko ang mga gabing nagbibilang siya ng araw at pera kung kaya ba niyang iharap si Ky kung biglang mag-yes sa kanya kahit wala pang twelve years . . .
Kapag inaalala ko ang mga umagang sinasabi niya kina Eugene na kapag ikinasal na sila ni Ky, bibilhan niya ang mga anak niya ng magagandang damit para lang dito . . .
Habang nakatingin ako kay Kyline, pakiramdam ko, patapos na kami sa lahat ng 'to. Malapit na kaming magpahingang lahat sa isang dekada naming pinagpapaguran.
"Baka puwede namang ayusin 'to," biglang sabi ni Leo sa masungit niyang tono kaya nabasag ako sa pag-iisip.
Napatingin tuloy ako kay Myles na nag-iimis ng mga tela sa gilid ng kurtina.
"Parang sasabog na 'tong dibdib ng asawa ko," dagdag ni Leo.
"Kaya nga ang sabi ko, mas malaki ang asawa mo," mataray na sagot ni Myles sabay paikot ng mata. Padabog pa niyang pinagtatabi ang mga telang iniimis bago binalikan sina Leo sa mababang stage.
Saka ko lang talagang inusisa ang gown ni Kyline. Meron siyang parang manipis na telang nakabalot sa balikat hanggang batok paikot sa kili-kili. Hindi masyadong halata kasi maputi na si Ky. Mapapansin lang dahil may design din na parang maliliit yatang bulaklak at dahon. Totoo rin ang sinabi ni Leo na parang puputok ang dibdib ni Ky kasi pa-heart nga ang itsura ng sa dibdib kaya kita ang kalahati, pero parang ¾ ang nakalabas kay Kyline.
Maganda naman sa kabuuan, mukha lang talagang isiniksik si Kyline doon sa damit.
May dala-dala nang measuring tape si Myles pagbalik niya kina Leo. May notebook pa at sign pen na kaiipit lang sa buhok niyang nakapusod na.
"Kapag niluwagan ko 'to, gaano kataas ang sukat?" mataray na tanong ni Myles at napataas ang magkabilang kilay ko nang itutok niya ang katawan ng sign pen sa nakahayag na parte ng dibdib ni Ky. "Dito?"
"Taas pa," mayabang na sagot ni Leo.
Umikot muna ang mga mata ni Myles bago inangat nang kaunti ang katawan ng pen.
"Dito?"
"Taas pa," ulit ni Leo sa tono na mas mahaba nang kaunti.
Panibagong pag-ikot ng mata ni Myles at inangat na naman ang sign pen hanggang doon sa makatarungang sukat na.
"Dito?"
"Puwede na 'yan," sagot ni Leo at umikot na naman ang mata ni Myles bago kinuha ang measuring tape para sukatin ang katawan ni Kyline at doon sa haba na tinukoy ni Leo.
Pagtagpo na naman ng tingin nilang dalawa, umirap na naman si Myles.
"Kanina pa ikot nang ikot 'yang mata mo. May problema ka ba sa 'min ng asawa ko?" maangas na tanong ni Leo.
Pabuka pa lang ang bibig ni Myles pero naunahan siya ni Ky.
"Baka may sakit lang siya, love. Ito naman." Nakangiti lang siya kay Myles nang hawakan 'yon sa balikat na para bang close na close sila. "Sorry kay Leo. Hindi siya mabait, pero napagsasabihan naman siya." Bigla siyang pumaling kay Leo at pinalo niya nang mahina sa kamay na nakaalalay sa kanya. "Love, behave ka lang diyan."
Napatakip ako ng bibig para pigilang matawa lalo nang mapanganga si Myles habang titig kay Kyline. Halatang hindi makapaniwala sa nasa harapan niya.
"Kulang ka ba sa buwan?" di-makapaniwalang tanong ni Myles habang titig pa rin kay Kyline.
"'Wag mong insultuhin asawa ko," mabilis na sagot ni Leo.
"Siya unang nang-insulto rito. Bulag ka ba?" mataray na namang sagot ni Myles at mukhang manonood lang talaga ako ngayon dito kung paano magbardahan 'tong dalawa—ay, ako rin pala ang magbabayad ng gown.
"Guys, don't argue! I'm not hurt or anything," depensa ni Ky sa sarili niya. "Huwag na lang kayong mag-away because that's not okay."
"Malamang not okay! May nakita ka na bang nag-aaway na okay lang?" Pamartsang umalis doon si Myles at naglakad palapit sa puwesto ko. "Parehong bobo, nakakaloka," mahinang sabi pa niya at huminto roon sa manikin na nasa rolling stand katabi ng sofa kung nasaan ako. Itinulak niya 'yon palapit sa mababang stage kung nasaan si Kyline. "Akin na 'yang gown para mai-adjust ko agad ngayong araw. Kukunin na 'yan dito bukas. Idederetso raw 'yan ng Intramuros."
"Sino'ng kukuha?" tanong agad ni Leo.
"E di, yung nagbayad."
"Ako?" mabilis na tanong ko pa sabay turo sa sarili ko. Ako na tuloy ang nabiktima ng mapanghusgang tingin ni Myles paghinto niya sa gilid nina Kyline.
"May narinig kang Clark, ha?" sarcastic na tanong ni Myles.
"Ako nga kasi ang magbabayad," sabi ko pa.
"Bayad na! Ano pa'ng babayaran mo?"
Bigla kaming nagkatinginan ni Leo at si Rico ang una naming naisip. "Si Rico ba ang nagbayad?" tanong ni Leo kay Myles.
"Hindi. Lalaki rin, pero hindi ko kilala."
"Singkit?" tanong ko, kasi baka si Tito Addie.
"Hindi. Matangkad na lalaki, moreno, mukhang artista, saka parang nagmimisa kapag kinakausap."
Nagsalubong na naman ang mga kilay ko. "Si Kuya Tony?"
"Hindi ko matandaan ang pangalan. Basta nasa record. Kung sino man siya, kung kilala n'yo man, wala na 'kong pakialam. Bayad na." Pumuwesto siya sa likod ni Ky at inaayos na yata niya ang pag-alis sa parang manggas ni Kyline.
"Pero nakapangalan ba sa 'min?" usisa agad ni Leo.
"Kyline Chua ka ba?" mataray na tanong ni Myles nang silipin ang mukha ni Ky mula sa likod.
"Yes," simpleng sagot ni Ky.
"E di, kanya nga." Biglang lumuwag ang nakatabing sa balikat ni Ky kaya pumunta na si Myles sa dulo ng kurtina para hatakin ulit 'yon. "Basta bayad na 'yang gown. Ang babayaran na lang, yung request ni Rico na dress nina Jaesie para sa mga bridesmaid. Siya na raw ang kukuha n'on. 'Yon ang intindihin n'yo."
Pagsarado uli ng kurtina, nagkapalitan na naman kami ng tingin ni Leo. Napailing na lang siya sa akin.
Mukhang hindi talaga kami pagagastusin dito ni Tita Tess.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top