Chapter 34: Redeem

"I am not surprised."

Nakatingin lang kami kay Rico nang daanan namin siya ni Leo sa Purple Plate. Manghihingi sana kami ng opinyon tungkol sa mga kailangan para sa prenup photoshoot sa February 13.

"You know? If this is just their way to challenge Leo kung hanggang saan niya love si Ky, then tell them, challenge accepted," biglang sabi ni Rico na ikinataas naman ng kilay ko.

Doon pa lang, alam ko nang papalagan niya nga ang mga Chua. Nag-warning na ang mama niya sa lagay na 'to, ha.

"They're asking for impossible, then we'll give them the impossible. Not this barkada, dude. Not us," seryosong sabi niya sa amin ni Leo, at alam ko nang gagawa na naman siya ng mga imposibleng bagay . . . gaya ng ginawa niya noon sa secret wedding nila ni Jaesie.

"Da, alis muna ako, ha?" paalam niya sa asawa niya. Kompara kay Leo na kung makalingkis kay Kyline, parang tatakasan siya; si Rico, tamang patong lang ng braso sa counter tapos pa-cute kay Jaesie na pindot lang nang pindot sa POS machine.

"Go," simpleng sagot ni Jae, lakas ng tiwala kay Rico.

"'Punta kami sa best friend mo. We're gonna buy some wedding clothes."

Nangasim ang mukha ni Jaesie nang balingan ng tingin ang asawa niya. "Seryoso?"

"Wala akong magandang choice."

"Sa bagay," mabilis na sagot ni Jae saka nag-isang tango. "Sige na."

"Wala akong kiss?"

Lalong nangasim ang mukha ni Jaesie nang tingnan na naman si Rico. Pinigil ko tuloy matawa.

"Hahaha! Sige na nga." Si Rico na ang nag-initiate, hinawakan sa sentido si Jaesie at hinalikan sa gilid ng noo. "I love you. Call ka kapag need ako na urgent. Balik ako agad."

"Sige na, go na. Ingat kayo," sabi niya sa amin ni Leo. Naghihintay lang naman kaming matapos ang paalamanan nilang dalawa.

Pagdating sa biyahe, sa call na lang kami nakapag-usap-usap dahil dala namin ang sari-sarili naming kotse.

"Sa Taguig tayo?" ulit ni Leo sa pupuntahan namin.

"Hindi pa pala nakikita ni Myles si Leo, 'no?" sabi ko at pigil ang tawa ko nang maalala 'yon.

"Myles is doing good naman, Clark. I'm not sure lang kung good ba siya kay Leo," sabi ni Rico na alam kong natatawa rin.

"Eto ba yung maldita, 'ka n'yo?" tanong ni Leo.

"Yeaaah . . ." sabay pa naming sagot ni Rico.

Matagal na rin mula nang makita namin ang best friend ni Jaesie. First wedding anniversary pa nina Jae noong huli namin siyang nakita, pero wala naman siyang kinausap sa amin kasi wala rin namang dahilan.

Hindi ko alam kung may character development ba 'tong malditang 'to kasi pina-therapy raw 'to ni Rico kasama 'yong syota nitong napagbintangan kong ako. Pero sana nga may development. Huwag siyang mag-aangas ngayon kay Leo, mainit na ulo nito kanina pa.

Along the highway ang location. Bumaba kami sa mahabang commercial complex na maraming nakabukas na stall. Wedding dress ang plano naming puntahan dito, pero dahil hindi ako madalas dito, na-curious tuloy ako roon sa mga for lease na puwesto.

Ang boutique ni Myles, nandoon sa bandang gitna ng hilera. Pagpasok namin sa loob, ang dami na agad damit na pagpipilian lalo na para sa mga pambabae. May makalat na mesa sa gitna tapos sa dulo ang counter. Nakalagay sa dingding bandang counter ang SMY Couture na minimalist lang ang design pero ang ganda ng nude color and black combination sa logo. Hindi nakakaumay tingnan at classy pa.

"Good afternoon, Miss Ybarramienda," bati ni Rico roon sa babaeng nag-aayos ng mga hanger.

Pagharap niya sa amin, nagulat ako kasi si Myles pa rin naman pero nadagdagan talaga ng timbang. Lumapad talaga siya.

Bored lang ang tingin niya kay Rico nang manghagod ng tingin mula ulo hanggang paa. Sunod kami ni Leo pero bigla siyang sumimangot pagtingin sa akin.

"Kaninong rush wedding na naman 'to?" bungad ni Myles, alam na alam ang pakay namin.

Ilang rush wedding ba ang ipinunta rito ni Rico at parang masama ang loob nito kahit wala pa kaming sinasabi?

"This is Leo," pakilala ni Rico sa katabi ko. "Kilala rin siya ni Jae. Isa siya sa groomsmen no'ng wedding namin ng best friend mo."

Ngayon, si Leo naman ang hinagod ng tingin ni Myles mula ulo hanggang paa pabalik sa ulo. "Yung nam-bully kay Jaesie."

"Kailan ko b-in-ully si Jaesie?" depensa agad ni Leo, na kahit ako, napaisip din—hindi kung nangyari ba kundi kung kailan.

"Noong unang kilala n'yo, b-in-ully mo best friend ko, di ba?" mataray na sabi ni Myles at napatakip agad ako ng bibig para magtago ng tawa. "Umuwi nga 'yon ng Laguna para lang maghanap ng drip bag ng kape kasi sabi mo. Tapos tatanungin mo 'ko kung kailan mo b-in-ully si Jaesie?"

Pumaling naman sa akin si Leo nang nakasimangot. "Parang wala naman akong matandaan. 'Pinagsasabi ng balyenang 'to?" bulong niya.

"Huy, gago, foul." Ako na ang sumagot kay Myles. "Natandaan na raw niya. Nag-sorry na siya kay Jaesie."

"Anong nag-sorry?" kontra pa ni Leo kaya siniko ko agad sa sikmura. "Agh—"

"Umoo ka na lang. Kailangan natin ng damit. Hoy, Early—" Nagtikom na lang ako ng bibig nang makitang namimili na si Rico ng mga white gown doon sa gilid.

"Parang maganda kay Kyline ang ball gown," sabi ni Rico at nagturo na ng mga damit na pagkalaki-laki roon sa dulo. "I think Ky looks cute with that design na parang ganito sa neckline." Tapos gumawa siya ng parang McDo logo sa dibdib.

"Maraming ganyang design. Sweetheart neckline 'yan," sabi ni Myles. Pumunta siya sa kabilang aisle at naghatak ng metal rack na may gulong.

"Nasa 5'9 or 5'11 ang height ng bride. Kasingkatawan ni Jaesie, but she's already a mother of two, so the waistline's a bit wider, pero hindi naman super wide." Tumingin pa sa itaas si Rico, parang may inaalala. "Maybe Ky's a Cup B or . . ."

"36DD," sagot agad ni Leo. "28 ang waist."

"Ang hihilig n'yo sa malalaki," parinig ni Myles at siya na ang naghanap ng tinutukoy ni Rico.

Basta sukat ng damit ni Kyline, alam na alam 'yan ni Leo. Hindi ko alam kung araw-araw ba nitong mine-measuring tape si Ky, pero alam niya kung kailan bibili ng damit sa asawa niya lalo kapag may kaunting changes lang sa sukat.

Magparinig lang si Ky na "Parang ang laki ng tiyan ko." Kinabukasan, may bagong damit na 'yan.

Pero ngayon, mukhang hindi siya makakapalag sa bilihan ng damit. Alam na kasi namin agad ni Rico na lahat ng dress dito, maganda sa paningin ni Leopold. Wala siyang makikitang pangit para sa aasawahin niya.

Hindi rin kami nagkamali kasi nakakalima na siyang hatak ng hanger sabay babanat ng "Parang maganda 'to kay Kyline."

"Dude, it's for your soon-to-be wife. Of course, maganda lahat sa paningin mo," sagot agad ni Rico. "But we have to choose yung super ganda talaga, so no. Put it back na sa rack niya."

Minamata ko na lang si Rico. Hindi rin kasi ako marunong pumili ng gown. Basta kasya sa magsusuot, 'yon na 'yon.

Ang ending, nakatanghod kami ni Leo sa waiting area sa tabi ng pinto. Para kaming mga syotang nag-aabang ng girlfriend nilang matapos sa pagsa-shopping. Mag-iisang oras na, hindi pa tapos si Rico.

"Dapat pala hindi na natin sinamahan, 'no?" nakangiwing sabi ko kay Leo.

Imbes na sumagot, humikab lang, takip pa ng kamao ang bibig. Sunod, nagkamot ng noo saka nagbuntonghininga habang nakatingin kay Rico.

Bored na bored, wala na namang salita. Kaya nabubulol si Luan, e. Hindi palasalita 'tong tatay.

"Kumusta pala si Ky?" tanong ko na lang.

"Ayun, laging kasama daddy niya. Aayusin daw nila muna ang mga papeles."

"Ayaw ka pa ring pasamahin?"

"Hindi naman sa ayaw. Puwede naman daw. Pero kapag nandoon na sa pamilya nila, sa labas lang ako. E, ano namang gagawin ko kung ganoon lang din naman pala?"

"Sa bagay."

Gaano ba kalaki ang galit ng mga Chua kay Leo para gawin nila ang ganito? Hindi na kasi tama. Maliban sa hindi na nga tama, ang dami pang demand.

Hindi ko rin maintindihan kung bakit ayaw lumaban ni Tito Addie. Kaya naiintindihan ko rin ang galit ni Tita Tess.

Pero ayoko sanang magkompara, naalala ko lang si Coach Wally. Kahit paano, si Tito Addie, kasama ngayon si Kyline doon sa pamilya nila. Si Coach Wally, ni anino n'on, hindi na talaga namin nakita.

"Clark."

"O?"

Ipinakita ni Leo sa akin ang screen ng phone niya.

Mama

Anak may nahanap na kong loc for prenup shoot. W/ studio service na rin
Punta na lang kayo sa venue
Sa Intramuros ito contact no.

Tapos puro na screenshot ang mga chat ni Auntie Filly. May kausap pala siyang iba. Hindi lang isinama ang pangalan.

Ang sabi ng kausap niya, ipapasalo raw ang location kasi hindi makaka-attend ang mga gagamit. Kung naghahanap daw si Leo ng available, kunin na raw nila para sa prenup.

Three-day stay roon sa hotel, may naka-book nang room mula February 13 hanggang February 15. Naka-book na rin ang photography studio na doon ang deretso para sa wedding photoshoot sa February 13.

"Masuwerte ba tayo?" naghihinalang tanong ni Leo.

"Ang shady, 'tol," sabi ko, nanliliit pa ang mga mata. "Lalo yung kausap ni Auntie."

"Yeah."

Ang weird ng timing. Bakit?

Gaano kalaki ang odds na makakakuha kami ng magandang venue sa February 13, na may naka-book nang hotel room at may naka-ready nang photography studio para sa wedding?

Nakapili na si Rico ng wedding gown ni Kyline nang dumeretso kami sa Intramuros. Doon pa lang sa labas, alam na naming susulitin ng studio ang ganda ng venue para sa Spanish vintage setup.

Pumunta kami sa reception hall para magtanong.

"Hi, good afternoon!" masayang bati ni Rico sa babaeng attendant sa front desk.

"Yes, sir. How may I help you?"

Nakailang lingon ako para makita ang open area na 'yon. Walang dingding ang sa may front desk kundi mga haligi lang. Ang ganda ng garden lalo na't ganitong alanganing alas-tres, alas-kuwatro ang araw.

"Naka-book ba si Leopold Scott sa Room 302 sa February 13?"

Wala pang binabanggit ang attendant, inilapag na ni Leo ang driver's license niya sa desk para ipakita.

"Wait, sir. Let me check po."

Alam naman naming walang naka-book na room si Leo. Pero si Rico kasi ang kausap kaya aariba na ang gaslighting slash palengkero skills nito para makakuha kami ng sagot.

"I'm sorry, sir, pero naka-book po sa iba ang Room 302. Wala rin pong record sa amin si Sir Leopold Scott."

"Pero nag-book kami ng room for him at nakapagbayad na rin kami via travel agency," mabilis na sagot ni Rico. "It's a wedding gift. May kasama rin 'yang photography studio sa package."

"Sir, I'm sorry po pero kahit ang naka-record na studio that day, hindi rin po nakapangalan kay Mr. Leopold Scott. Doon din po sa nagpa-reserve ng Room 302."

"Bakit hindi sa kanya nakapangalan? We paid for it naman. Na-deduct na sa card ko. Sino ba 'yang nagpa-reserve? Travel agency din ba 'yan? Na-scam ba kami? Si Jasmin Garriedo ba ang nag-book sa inyo sa room na 'yan?"

Umurong na kami ni Leo paatras para lang magbulungan.

"Tita Tess na Tita Tess," bulong ni Leo at pasimpleng nakayuko pa habang sinisipa-sipa ang sahig.

"Kawawa naman yung attendant, natatakot na," sabi ko naman.

"Sir, sorry po talaga. Hindi po agency ang nag-book. Hindi po namin puwedeng sabihin kung sino ang nag-settle ng reservation, pero ito po ang record namin sa mga naka-schedule that day for special event. Nasa announcement po namin ito lalabas by Friday."

At ipinaharap ng attendant ang list ng mga nagpa-reserve ng venue mula February 11 hanggang February 15.

Sabay kaming lumapit ni Leo para mag-usisa sa screen ng computer ni miss attendant.

"Jaenna Sienne and Ronerico," bored na sabi ko sabay tingin kay Leo habang nagdududa ang mga mata.

"Si Tita Tess," dugtong ni Leo pagtingin din sa akin.

Si Rico na ang dumukot ng wallet niya para sa ID bago inilapag sa attendant.

"Miss, paki-confirm nga kung Dardenne ang naka-schedule sa February 13. Ako si Ronerico at asawa ko si Jaenna Sienne."

"Okay, sir, one moment." Iniharap ulit ng attendant ang screen sa kanya at nagkatinginan na kaming tatlo.

"Magpapakasal na naman ba kayo ni Jaesie sa May?" tanong ko agad sabay pamaywang.

"I had a plan last year," mabilis na sagot ni Rico. "Unfortunately, Patrick's wedding happened. Then this. Nakalimutan ko nang mag-prepare. So, no plans made."

"E, ano 'to?" tanong ni Leo at itinuro ang monitor sa front desk.

"I don't know!" malakas na sagot ni Rico at humarap ulit sa attendant. "Confirmed na ba, miss?"

"Yes, sir. Naka-book po sa inyo ang Room 302 pati ang wedding photography dito."

"Who settled the payment? Kasi hindi ako nag-book for me."

"Ang nandito po sa record, paid po ang lahat ni Tony Pearine last year pa po."

"Si Kuya Tony," sabi ko pagtingin kay Rico.

"Mum." Saka nanliit ang mga mata niya. "If she texted Auntie Filly just to give this location to Leo instead of my third wedding, fine. Go na tayo. We have no choice. Pero ayokong mag-thank you kay Mum, not unless tapos na ang wedding. Ayokong masumbatan tayo for not doing our best to find a good spot for the photoshoot."

"Good point," sagot lang ni Leo.

Pero ako? Wala akong masabi.

Ipina-reserve 'to ni Tita Tess para sa panganay niya, pero ibinigay niya kay Leo.

Naiisip ko, hindi na halos naalala ni Rico na may plano pala siyang pakasalan ulit si Jae this year, pero considered pa rin ni Tita Tess. Nagpa-reserve pa ng venue.

Tapos ibibigay lang niya kay Leo ngayon. Hindi na rin siguro nakatiis si Tita Tess. Baka naawa na rin kina Leo kaya inuna na ang anak ng iba bago anak niya.

Saka pangatlong beses naman na ikakasal ni Rico, manawa naman siya! Ni wala nga siyang I love you kay Jaesie, babanat pa siya ng isa pang kasal? Huwaw, ha. Mahal na mahal?

Ewan ko na sa kanila. Ang mahalaga, solved na ang wedding gown saka venue. Ang problema naman namin ngayon, invitations at sino-sino ang groomsmen, bridesmaid, saka mga sponsor kahit pinagbawalan sina Leo.

"Paano yung gown?" tanong ni Leo kay Rico. "Babalikan natin?"

"Balikan n'yo ni Ky bukas," sabi ni Rico. "Need daw ng sukat ni Myles for adjustment sa waistline saka sa chest part. Na-bookmark mo naman na roon, right? Kasi hindi na 'ko makakasama by tomorrow. May pickup kami ng beans."

"Samahan ko na lang bukas, dude," alok ko. "Nasa office naman si Pau. Kaya ko namang mag-encode sa biyahe. Sasabay na lang ako kina Leo."

"All right. Since we're good, babalik na 'ko sa asawa ko. Good luck sa atin tomorrow."

♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top