Chapter 33: Bad Day


Ang aga-aga, nagpanting na agad ang tainga ko.

Hindi man alam ng lahat pero kay Mother Shin ako lumago. Pagdating sa tao, ayaw niya ng hanggang diyan ka lang.

Nasa catalog ako dahil trip ko lang. And yes, hindi lang ako—marami kaming tinatawag na pokpok at prostitute doon dahil 'yon naman talaga ang ipinasok namin doon sa Red Lotus.

Pero ang laki ng influence ni Mother Shin sa kung paano ko dapat tingnan ang sistema.

Ang dami kong nadaanang handler, ultimo handler noon ni Kyline. Halos lahat sila, alam ko kung paano humawak ng mga alaga nila. At ang gusto nila, pera. Magtatrabaho ang mga alaga nila kasi kailangan ng pera. Pagkatapos ng trabaho, bayad. Bukas, trabaho ulit, bayad. Paulit-ulit ang cycle, kasi hanggang doon lang sila.

Si Mother Shin, ayaw niya ng hanggang doon lang ang mga alaga niya. Ang kanya, kung gusto mong magprosti, magprosti ka, pero hindi kita patatagalin diyan. Unless, gusto mo talaga.

Hindi ko alam kung saan ba siya humuhugot ng paniniwala kasi kung titingnan ang mga Yu, pera-pera lang din sila, e. Wala silang pakialam kung may mangyari sa buhay mo, ang mahalaga, pagkakaperahan ka.

Pero si Mother Shin, lagi niyang sinasabi, "Ang pera, laging nasa 'yo, wala sa mga kliyente mo. Kung sasabihin mong presyong isang milyon ka, then isang milyon ka. Pero kung mababa ang tingin mo sa sarili mo at sa mga ginagawa mo, kahit sa halagang limampiso, mabibili kita. Know your worth."

Hindi ko kahit kailan narinig na may dinala siyang tao sa catalog para maghubad sa harap ng kung sino-sino dahil lang kailangan ng pera. Hindi ko kahit kailan narinig kina Jemimah o kina Paolo na ibinugaw sila ni Mother isa-isa sa mga taong may posisyon sa kompanya. Ni hindi ko nga nakita si Mother na may inilabas na model maliban sa akin. Lagi kasi siyang nasa resto. Kung may hahanapin sa catalog, pumunta sila sa resto, hindi si Mother ang dadayo.

Naisip ko na lang noon na buhay reyna naman si Mother Shin kaya kung ikaw ang may kailangan, ikaw ang lumapit. Kasi ang mga nasa catalog, hindi 'yan nasa catalog para magmakaawa sa pera mo. Nandiyan sila dahil ikaw ang may kailangan sa kanila kaya magbayad ka muna.

Ramdam mong may value ka kahit binabayaran ka lang para makipag-one-night stand.

Wala akong idea sa policy na meron sa mga talent agency para sabihin ni Madame O na dapat alam ko na ang gagawin kasi . . . ang humawak sa akin noong talent pa ako, hindi ako tinitingnan bilang pagkakaperahan. Ewan ko lang sa kanya kung ano ba ang tingin niya sa akin at kay Sabrina.

Nasa biyahe na ako nang tawagan ko si Rico.

"This is an emergency. You're calling too early," bungad na bungad niya kahit wala pa akong pabati.

"Kapag nagreklamo si Sabrina sa termination ng contract niya, huwag mong tutulungan, ha," sabi ko agad.

"Why? Nag-away kayo? Na naman?"

"Hindi nga kasi," awat ko agad. "Pumunta ako sa Sun-Dias para sana magpasa ng amended agreement sa case ni Sab."

"What happened?"

"Ang condition ko kasi sa Olga Serrano na 'yon, tuloy ang contract ni Sab sa kanila tapos kasama na 'ko kahit dalawang endorsement lang. Nag-agree na kami. Pero eto naman ang sabi niya kanina. Maghuhubad daw ako sa harap ng mga executive, na malay ko kung sinong mga executive 'yon, para makakuha ng deal."

"Ayaw mong maghubad? Hahaha!"

"Ha-ha-ha," sarcastic na tawa ko. "Matagal na daw 'yong ginagawa ni Sabrina, as per Olga Serrano's words. Marami raw gustong makita siyang naghuhubad sa closed-door meetings. Tawa ka pa dali."

At nawala nga ang tawa ni Rico doon.

"Kung alam na 'to ni Tita kaya niya pinate-terminate ang contract ni Sab, gusto kong malaman kung bakit ngayon lang. 'Tol, for the past five years, naghuhubad sa harap ng kung sino-sinong tao ang kapatid mo nang hindi n'yo alam? 'Tang ina, sinasabi ko na sa 'yo. Kapag ipinilit pa ni Sab 'yang kontrata niya sa Sun-Dias, mag-aaway talaga kami!"

Hindi pa kami tapos mag-usap ni Rico, bigla na lang niyang ibinaba ang tawag.

Hindi na sumamâ ang loob ko roon. Kung galit siya sa nalaman niya, what more akong in-offer-an pa.

Masama ang loob ko, pero ang mas ikinasasama ng loob ko, yung ngayon ko lang ito nalaman. Dumeretso agad ako sa Dasma dahil gusto ko ring malaman kung bakit hindi man lang 'to nasabi ni Tita Tess kung alam man niya.

"Tita."

Nandoon siya sa garden nakaupo. Wala yata siyang pasok ngayon kaya wala sa opisina.

"Ang aga mo."

"Galing akong Sun-Dias," sabi ko agad. "Alam mo ba kung ano'ng ginagawa nila kay Sabrina?"

"Alin doon?" Nagtaas lang ng mukha si Tita Tess para tingnan ako. Kalmado pa ang tingin sa akin, naghihintay ng sagot sa tanong niya.

"Binubugaw ni Olga Serrano ang bunso mo sa kung sino-sinong tao," sabi ko, at may diin pa ang unang salitang lumabas sa 'kin.

"Sinabi niya?" tanong ni Tita Tess, parang naghahamon pa nga.

"So, alam mo 'to, Tita."

"Matagal na."

"Matagal na pala, bakit wala kang ginagawa!" naiinis nang tanong ko.

"Wala akong ginagawa?" sumbat niya. "Natatandaan mo ang sinabi mo sa 'kin noong kasal ni Patrick? Kung bakit gusto kong ipa-terminate ang kontrata ng anak ko? Tita, di ko alam kung bakit kailangan mong mangialam sa trabaho ni Sabrina, wala namang mali sa ginagawa niya. Tanda mo?"

Nakuyom ko ang kamao ko. Napaiwas agad ako ng tingin habang lumalalim ang paghinga gawa ng inis.

Oo, sinabi ko 'yon. Kasi nga, hindi ko alam. Wala pa akong alam.

"Nanay ako, Clark!" singhal niya na lalo kong ikinaiwas ng tingin. "Alam ko kung ano ang ginagawa ko sa mga anak ko! At kung ako lang ang masusunod, ikinadena ko na 'yang mga anak ko rito sa bahay para lang hindi 'yan galawin ng kung sino-sino! Pero nirerespeto ko ang kalayaan nila dahil 'yon lang ang kaya kong ibigay sa kanila!"

"Pero, Tita, anak mo 'yon! Mapagsasabihan 'yon!"

"Alam mo kung ano ang tawag sa akin ni Sabrina? Pakialamera. Kada pinagsasabihan kayo, ang itatawag ninyo sa akin, pakialamera. Tapos haharap ka sa akin ngayon, kukuwestiyunin mo 'ko kung bakit wala akong ginagawa? Pakinggan mo nga 'yang sarili mo."

Lalong humigpit ang pagkakakuyom ko ng kamao. Para akong bumalik sa unang pagkakataon na pinagalitan ako ni Tita Tess at wala akong ibang nagawa kundi umiyak kay Dadi kahit inilaban ko naman ang akin.

"Iuwi mo na si Sabrina rito," utos niya sa mas kalmado nang boses. "Hindi ka na bata para makipagpaglaro pa ng bahay-bahayan kay Sabrina. Wala kang obligasyon sa anak ko. Ako, meron."

Ayoko.

Sinabi 'yon ng utak ko, pero hindi nagawa ng bibig. May kung ano sa loob ko na pinipigilan 'yon dahil alam na mali ang sagot ko para ipilit ko pa.

"Clark!"

Nanlaki ang mga mata ko nang lingunin ang entrance sa garden.

"Sab?" Kunot na kunot na ang noo ko nang sundan siya ng tingin papalapit sa amin.

"Ah! Marunong ka pa palang umuwi," sabi ni Tita sa bunso niya. "But it's fine, as long as you're with Clark."

Ito na naman siya. Nagiging sarcastic na naman si Tita Tess kapag umaamo ang boses.

"Tita, I know you're better than this," sita ko sa ginagawa niya.

"Clark, darling . . ." Nakikiusap ang tingin ni Tita Tess sa akin, at hindi ko alam kung ano ba ang dapat niyang ipakiusap samantalang nagsisigawan kami kani-kanila lang.

Bakit? Para hindi mahalata ni Sabrina na alam ko na ang ginagawa ng Olga na 'yon sa bunso niya? So, hindi alam ni Sabrina na alam niyang binubugaw pala ang anak niya?

"Mum, bakit ba pinilit mo 'tong wedding?" panimula ni Sab at hindi ko alam kung ano na naman ang pinagsimulan ng inis niya. "Ang dami kong commitments na willing kang i-let go for this?"

"Sabrina, I'm your mother and I know what I'm doing! Hindi ka maaalagaan ng kuya mo habambuhay! You can't just storm inside his room to calm you down every night because of your nightmares!"

"I have my gummies!"

"At sisirain mo ang liver at kidney mo kaka-take niyan?" nandidilat na sermon ni Tita. "And what? Your previous boys, natagalan ka ba nila because of your shortcomings?"

"I can find someone who can accept me and my fears!"

"And what?" ulit na naman ni Tita sa tanong. "You have someone and call Clark in the middle of the night just to calm your ass down? Normal 'yan para sa 'yo?"

Ibinalik ni Tita ang tingin niyang maamo sa akin na dahan-dahang tumalim kada salita niya.

"I know you can take care of my daughter more than her Kuya Ronie does. Pero ayoko rin na aalagaan mo ang anak ko sa iisang bahay nang hindi kayo kasal. And since nandito na lang din naman kayong dalawa, why don't we have a short agreement para hindi na tayo paligoy-ligoy pa."

Nangilabot ako sa timbre ng boses ni Tita Tess. Nagtaasan ang mga balahibo ko sa katawan.

"Mamili kayong dalawa: you two get married or I'll cut your connections mula ngayon." Binalingan niya si Sabrina para lang duruin. "If you're gonna choose someone other than Clark, then you don't deserve Clark at all. Kung mag-aasawa ka ng iba, wala kang karapatang magpa-comfort sa kung sino-sino. Hindi pinalaki ni Tita Pia mo ang anak niya para lang maging kabit."

Sa puntong 'yon, gustuhin ko mang ipaglaban ang side ko pero hirap akong hanapan ng valid na katwiran kung saan may mali sa sinabi ni Tita Tess.

Hindi ko talaga siguro kahit kailan matatalo si Tita sa ganitong laban. Parang wala pa ako sa simula, panalo na siya.

Gusto kong sabihing, "Tita, mahal ko ang anak mo." Pero alam kong matagal na niyang alam 'yon. Ako pa nga ang nagsasabi. Ang gusto niyang mangyari ngayon, patunayan ko kung hanggang saan ko mahal ang anak niya. At 'yon ang problema ko ngayon.

"I know you're a smart kid, Clark," seryosong sabi ni Tita, nakikipagtagisan ng tingin sa 'kin. "You have your choices. Lalayuan mo ang anak ko o magkakasundo tayo sa gusto ko."

Walang lalayo rito, Tita Tess. Hindi pa tapos ang larong gusto mo. Kung gusto mong sukatin ang pagmamahal ko sa anak mo, simulan mo nang maghanap ng panukat ngayon pa lang.

Nagtaas din ako ng mukha gaya ng ginawa niya sa akin para hamunin ang tapang ko.

Hindi lang si Mami ang nagpalaki sa akin, Tita. Hindi lang si Rico ang panganay mo rito.

Naglakad na ako palayo roon at inasahan ko nang susunod si Sabrina kasi hindi naman siya rito uuwi kundi sa akin pa rin.

'Yon lang, mukhang hindi nagkasundo ang utak naming dalawa.

Malapit na 'ko sa entrance nang bumalik ako kasi naiwan si Sab sa harap ng mama niya habang umiiyak.

"Bakit nandiyan ka pa rin?" bulong ko, naiinis pa, kasi sira ang walkout drama ko dahil sa kanya. Kinuha ko na ang kamay ni Sab at tiningnan ko ulit si Tita Tess para sabihing akin ang anak niya.

Kung gusto niyang makuha si Sabrina, ipadala niya si Kuya Tony para bawiin si Sab.

Ayoko sa lahat ang pinapipili ako dahil madalas sa madalas, wala sa pagpipilian ang gusto ko. At kung wala 'yon sa pagpipilian, ako na mismo ang maglalagay n'on sa option para i-consider nilang lahat . . . at wala silang magagawa kundi sundin ang gusto ko.



♥♥♥



Iniwan ko si Sab sa Purple Plate dahil nandoon ang kuya niya. Nasa bahay siya dapat tapos bigla siyang napadpad sa Dasma?

Umaga pa lang, masama na ang timpla ko. Ayoko na sanang magdagdag pa ng sama ng loob, pero pagdating ko sa meeting place namin ni Leo, parang gusto ko na lang umuwi sa bahay at matulog mag-isa nang walang istorbo.

Nagpapasama si Leo, bibili raw ng alahas para kay Kyline na gagamitin sa kasal. Kung noon, kaya ko pa siyang kuriputin; ngayon, kahit pagastusin niya ako ng milyon para dito, ayos lang.

Naaawa ako sa barkada ko. Ramdam kong kinakawawa talaga sila ng mga Chua.

"Ang hirap magpa-book ng photography studio, 'tang ina," natatawang sabi ni Leo, pero may pait doon na hindi niya kayang itago. "Si Rox daw, nanghihingi na ng tulong sa ibang kakilala niya. May sched din daw kasi si Rox sa Feb. 13."

"Ano meron sa Feb. 13?"

"Schedule ng prenup photoshoot."

"Sino may sabi?"

"Sino pa ba? Yung mga putang-inang kamag-anak ng asawa ko."

"Maliban sa photoshoot, ano pa'ng meron?" kunot-noong usisa ko kasi bakit ang rush? February 13, five days na lang. Mga gago ba sila?

Saan kami maghahanap ng rush service tapos February 13 pa! Ang daming ikakasal ng Feb. 14, mga sira ba sila?

"Baka puwedeng March na lang, 'tol. O kaya mga five days before katapusan ng March, gano'n. Kasi, five days? Alam mo, Leopold, mag-selfie na lang tayong lahat. Libre pa."

Alam ko nang wala sa mood si Leo kapag hindi na siya nakakasagot sa mga biro ko.

Matamlay siyang namili ng alahas para kay Kyline. Damang-dama kong napipilitan na lang siya sa ginagawa niya. Hindi ko alam kung paano siya kakausapin kapag ganito.

Kahit gusto ko mang sabihing, "'Tol, sa iba ka na lang pakasal." Hindi ko magawa kahit biro man. Nandoon kasi ako mula simula. Para ko na ring sinabing balewala pati pagod ko para lang tulungan sila sa pagbuo nila ng pamilya.

"Kung puwede lang pumili ng pamilya," dismayadong sabi niya nang nasa counter na kami. Naghihintay akong hingan ako ng card pero siya na ang kumuha ng card niya at nag-abot n'on sa cashier.

Doon, alam ko na talagang hindi ko siya mabibiro ngayon.

Bitbit niya sa paper bag ang isang set ng alahas na hindi ko man lang na-appreciate ang itsura kasi mas nag-aalala ako kay Leopold.

Pababa na kami sa parking lot nang hindi na makapagtimpi sa katahimikan namin.

"Naaawa ako sa mga anak ko," sabi niya, at alam kong nagpipigil lang siyang umiyak kasi nasa labas kami. "Ginagawang sangkalan ng mga hayop na 'yon."

"'Tol . . ."

Saglit akong napaatras nang bigla niyang sipain ang dingding sa hagdanan ng fire exit kung saan kami dumaan.

"Walang pupunta sa kanila sa kasal ko, mga putang ina nila," gigil niyang mura habang pababa kami sa hagdanan. "Pati negosyo ni Ky, gigipitin nila, bakit? Inaano sila ng asawa ko?"

Sa buong oras na 'yon, masama na ang araw ko, pero mukhang hindi 'yon tatapat sa samâ ng araw ni Leo.

Hindi na lang ako nagsalita. Wala rin naman kasi akong magandang sasabihin.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top