Chapter 30: Checkmate


Pinagsabay-sabay ko na lang muna lahat ng dapat kong unahin kasi ang hirap ng timing namin ngayon.

Pupunta raw ng Tutuban si Sabrina kahapon, sabi niya. Ayokong pumunta ng Tutuban, may dala akong kotse. Kaya nga tinawagan ko si Ky kagabi kung may stock ba ng sewing machine sa warehouse na kasama ng mga tela saka sinulid na dine-deliver nila, baka lang meron. Meron naman daw, pero secondhand. Nag-okay na lang ako roon kaysa makipagsiksikan pa kami sa maraming tao.

Pagdating namin sa warehouse, nag-check ulit ako ng TG.

Pogi Onli Klab

Boss Bing
Sila naman daw ang magpo-provide ng wedding gown.
Meron daw ninang ni Ky.
Yung suit ni Leo, may pinaglumaan naman daw si Chot.
I dunno who that is.

Daddy Rico
Wait. Pinaglumaan?
What do you mean by pinaglumaan?

Boss Bing
I dunno dude. I'm just translating the audio.
Anyway, move on.
May alam daw silang venue. Wag na raw sa church.

Daddy Rico
Alam na venue. Expenses din ba nila?

Boss Bing
Wait
Check ko yung next parts
Wag na raw sa church
Wag na rin daw kumuha ng sponsors kasi baka matagalan pa
Kay Hellen na lang daw kumuha ng flowers para libre
Engineer naman daw si Leo sya na bahala sa invitation madali lang naman daw yun.
Wag na sya gumawa ng marami.
Mura lang daw special paper may printer naman daw sila
Yung reception i-limit na lang sa ilang bisita.
Di naman daw maraming pupunta sa mga Chua.
Saka wala naman daw halos aattend sa side ni Leo.
Enough na raw sa 30 pax ang budget
No answer doon sa gastos ba nila ang venue

Daddy Rico
I. AM. FUCKING. SPEECHLESS.
I'll talk to Mum about this. I'm not gonna let this happen.
This is fucking unfair to Leopold.


Inabot pa ng 53 minutes bago nag-chat si Leo sa TG.


Dada Leo
@MasterChef
Dude, kung di pwede awat na

Koya Will
Y? Wut happened?

Daddy Rico
Ayaw ni Mum gumastos ako sa wedding ni Leo.

Koya Will
Eh ayaw naman talaga ni Tita diba?

Daddy Rico
She said na di ko raw responsibility 'yon.
Di nating lahat responsibility na gumastos for this wedding.
She's obligating the Chuas to spend money for Leo's wedding,
eh di nga kasi ganun ang nangyayari.

Boss Bing
Sorry, guys. Side ako kay Tita Tess this time.
Nagpromise ang mga Chua na gagastos for the wedding.
Dapat sundin nila ang agreement
That 25k is not enough. Lahat ng sinabi nila sa video na 'yon sobrang substandard and low effort. Kulang na nga lang iboycott nila
Gusto ko ring gumastos para kay Kyline at kay Leo, pero gagastos lang ako para sa gifts
Di naman mahirap ang mga Chua, they can spend money kahit a million man lang for this

Daddy Rico
It's getting into my nerves. Sila ang matatanda rito, sila dapat ang nakakaintindi.

Dada Leo
Yaan nyo na. Bawasan ko na lang yung savings para sa school ni Luan


Kahit naglalakad ako, nag-reply ako agad nang mabasa ko 'yon.


Nining Kwerk
Tol wag na

Dada Leo
Active pala tong gagong to

Nining Kwerk
Bawasan mo na lang yung pera ko sa office
Di ko naman ginagamit yon
Nasa 900k or 950k yata yon
Di ko alam kung nagbayad na ba si Dave para sa layout
pero nasa ganun yung laman nun

Koya Will
Baka pwede naman nating bawasan yung laman ng savings natin?
Tagal nang di nagagalaw yun
Para din di na kumuha sa personal ipon nating lahat

Daddy Rico
Sinong free today? Daan nga kayo rito sa Dasma.
Check natin yung savings ng barkada kung avail.


Naka-seen na lang kaming lahat. Wala namang sumunod.

Yung inis ko nako-compress sa loob. Kahit ako, hindi na rin alam kung anong sasabihin sa ginagawa ng mga Chua kina Leo.

Mahigit isang dekada namin 'tong hinintay. Hindi lang si Leo, hindi lang ako—kaming buong barkada. May plano kami!

Beach wedding sa Galera, intimate wedding, may plano na kami sa isusuot, namimili na kami kung saang beach magandang ikasal, nag-iisa-isa na kami ng playlist, saan ba magandang hotel mag-stay, ano ang mga ihahanda sa reception para maipaluto na namin ahead of time—matagal na kami roon sa plano kung plano lang ang pag-uusapan.

Ang kaso . . . may plano ngayon na wala sa plano namin mula pa noong nakaraang twelve years!

Pagkabasa ko ng chat ni Rico, nag-text agad ako sa kanya nang hiwalay.

"Di ka pagagastusin ni Tita dyan"

"Ser, okay na po ba 'to?"

"Okay na ba?" tanong ko kay Sab habang naghihintay ako ng reply ni Rico.

"Yeah," sagot ni Sab.

Sumulyap ako kay Sir Arnel. "Boss, okay na. Padala na lang sa bahay, salamat!"

Umalis na rin kami roon ni Sabrina nang igiya ko siya papunta sa daang pinasukan namin kanina.

"Kausap mo si Kuya?" usisa niya.

"Yep."

"What's up?"

"May urgent meeting kami ng barkada."

"Can I come?"

"Hindi ka ba busy sa tinatahi mo?"

"So, hindi puwede. Gimmick ba with girls?"

Napahinto ako sa paglalakad at hindi ko na naiwasang magbuga ng hangin. Namaywang na lang ako habang nakatingin sa gate ng warehouse.

Babalik kasi ako sa mansiyon. Malamang mag-iingay na naman 'to si Sab kapag nalaman niyang uuwi pala kami sa kanila.

"Siguro, stay ka na lang muna sa bahay," pagsuko ko nang tingnan siya.

"May mga babae ba sa pupuntahan mo?"

Babae.

Ugh! Ayoko talaga ng ganitong topic lalo kung hindi naman tungkol dito ang ini-stress ko ngayon.

Napabuntonghininga na lang ako nang titigan siya. "Actually, nakipagtalo kanina ang kuya mo kay Tita Tess."

"About pa rin ba sa baby nila ni Jae?"

Umiling ako. "May go signal na yata sa kasal ni Leo, ang kaso ayaw ni Tita Tess na gumastos si Rico sa kasal. Ayaw rin daw ni Tita na mag-sponsor kaming barkada. Hayaan na lang daw ang mga Chua sa gastos since wedding naman 'yon ni Kyline."

"Yes, exactly!"

"Ang kaso kasi, kinausap daw si Ky ng ninang niya kaninang lunch, willing mag-sponsor sa wedding nila ni Leo."

Pinandilatan niya ako. "Ngayong year ba?!"

"Next month."

"HA?! Agad?!"

Same reaction, Sab.

Napabuga na naman ako ng hangin. "Ang problema, hindi tumanggi si Ky. Ayoko ring tumanggi siya. Ang tagal na nilang hinihintay 'to, e."

"Anong plan?" kunot-noong tanong niya.

Umiling ako. "Ewan ko. Hindi namin makokontrol 'yon. Si Ky lang ang nakakakilala sa ninang niya, e. Kakausapin muna namin si Leo tungkol dito."

"Saan kayo mag-uusap?"

"Sa inyo. Nandoon kuya mo, e," pag-amin ko. "Sama ka?"

Biglang ngumiwi si Sabrina. "Sige, I'll wait you na lang sa bahay mo. Magtatahi na lang ako para may budget ako next week."

Sabi na, e.

Buti naman.


♥♥♥


Maraming rason kaya importante ang kasal ni Leo para sa buong barkada.

Para sa kanila ni Kyline bilang live-in partner nang sobrang tagal.

Para kina Eugene at Luan na lumalaking may question mark sa kanila na mag-asawa ang tingin nila sa parents nila, but legally, hindi. And worse, ipo-point out pa 'yon ng matatanda sa paligid nila.

Para din mismo kay Leo na galing sa broken family. Galing sa dalawang nanay si Leo na parehong wasak ang ending mula sa daddy niya. Alam naming lahat na ayaw niyang magaya sa daddy niya kaya nga niya pinapangarap 'to.

Saka naging goal na rin ito ng barkada, kasi pinag-iipunan talaga namin 'to mula pa noong ipanganak si Eugene. Kada taon, may hulog kami sa savings account namin. Kada taon, may plano kami kung ano ang gagawin sa mismong wedding. Bago pa ang kasal nina Rico at Patrick, taon-taon namin 'tong pinaghahandaan, kaya hindi namin matatanggap ang gusto ng mga Chua kasi hindi rin kami mahihirap kaya huwag nilang gagaguhin ang barkada ko.

Kaya naming ibigay ang pinakamagandang wedding kina Kyline at Leo kung gugustuhin namin kaya ang laking insulto sa aming magbabarkada na ang budget lang sa kasal na bigay nila, beynte-singko mil. Kulang pa nga 'yan sa hikaw ni Kyline!

Pagdating sa Dasma, sinalubong agad ako ni Ate Mila na nagpupunas ng mga sidetable sa lobby.

"Sir Clark, nasa lounge po sila, malapit sa kitchen."

"Thank you, Ate." Nag-jogging na ako papunta roon.

Deretsong daan sa hallway, unang kanan, deretso, kakaliwa sa bandang dulo, deretso, tapos kanan ulit at nandoon na ang isa sa mga visitor's lounge ng mansiyon.

Pagdating ko roon, kanya-kanya silang puwesto sa mga nakakalat na bean bag at abstract-designed chairs. Open ang lounge na 'yon, pinapasok lang sa loob ang mga furniture kapag malakas ang ulan. Pinalilibutan ng mga bungang-kahoy sa bakuran at saktong tag-mangga ngayon kaya ang daming mangga sa lupa na nahulog na lang.

Una ko agad napansin ang isang wala sa amin.

"Si Patrick?"

"Kanina lang pinayagang mag-alaga ng anak niya. Hindi na namin kinulit," sagot ni Calvin.

Kahit din ako, hindi na rin mangungulit. Ang hirap pa namang magpa-schedule ng dalaw kay Damaris.

Hindi na ako umupo, nagmuwestra na lang ako ng ulo palikod. "Tara kay Tita."

Malaking factor sa amin si Tita Tess sa pagde-decide pagdating sa pera. May times na hindi kami kumokonsulta sa kanya, but most of the time, kailangan. Lalo pa kung magwi-withdraw ang panganay niya at magre-reflect 'yon sa bank statement.

Naabutan ulit namin si Tita Tess sa favorite spot niya sa garden habang umiinom ng pineapple juice. Hindi siguro trip ang tsaa ngayon kasi mainit. Alas-tres ng hapon pa naman.

Para kaming mga batang pagagalitan nang maghile-hilera kami palapit sa kanya.

"Tita," bungad ko.

"Kung tungkol 'to sa kasal ni Leo, hindi," sagot agad niya, wala pa akong sinasabi.

"May pinagmanahan talaga 'to si Rico, 'tang ina," bulong ni Leo.

Nagbuntonghininga na lang ako nang maupo sa usual spot ko kapag nagtsitsismisan kaming dalawa.

"Tita . . . baka lang nalaman mo na ikakasal na si Leo sa katapusan next month," mahinahong paliwanag ko.

Ang talim agad ng tingin sa amin ni Tita Tess, iniisa-isa kami.

"Ang mga Chua, hindi 'yan mahihirap, hmm?" sarcastic niyang paliwanag sa amin, nagtaas pa ng mga kilay. "Bakit kayo ang gagastos sa kasal ni Leopold?"

"Mum, nag-ipon kami for that," sabad ni Rico. Kanina pa niya kaaway ang mama niya kaya siguro alam na agad ang topic.

"Wala akong pakialam!" nandidilat na kontra ni Tita sa kanya. Dinuro pa kami isa-isa. "Alam kong may pera kayong lahat. Kung gustuhin n'yo mang magpakasal si Leopold araw-araw, alam kong may pambayad kayo."

Wow, sana true.

"Pero may usapan ang mga Chua at hindi kayo dapat mangialam," mabigat na paalala sa amin ni Tita Tess, at dinikdik ako ng katotohanang 'yon sa upuan ko. "Kung gagastos kayo para kay Leopold, t-in-olerate n'yo lang ang ginagawang panggigipit ng pamilya ng asawa niya sa kanya."

Napayuko ako. Doon pa lang, sinukuan ko na ang pakay namin.

Sinapul lang naman ni Tita Tess ang bull's eye. Napakaliit na bagay.

"Tandaan ninyo, ang pera, nandiyan lang. Kayang-kaya ninyong maglabas niyan any time. Hindi ko kayo pipigilan." Dinuro-duro ni Tita Tess ang mesa habang sinesermunan kami. "Pero kung pumapayag kayo na inaapi-api ng mga Chua si Leopold, e di kayo ang magbayad diyan sa kasal! Matutuwa pa ang mga Chua sa inyo, sinasalo ninyo ang responsabilidad nila."

Hindi ako makaimik. Gusto ko na lang magtago sa likod ni Rico at siya ang kumausap sa mama niya.

"Ngayon n'yo ako sagutin. Ngayon n'yo sabihing mali ako para magkasundo-sundo tayo."

"Okay lang, Tita," biglang sabi ni Leopold sa likuran ko. Hindi ako makalingon, hindi ko maipagtanggol ang paggastos namin sa kanya. "Kung hindi po puwede, ayos lang. May next year pa naman. Babawi na lang kami next year."

Bumaba na rin ang tono ng boses ni Tita Tess nang sagutin si Leo. "Alam ko kung ano ang ginagawa sa 'yo ng pamilyang 'yon, Leo. Kaya ako nagagalit dahil masama ang loob ko. Kasi kung ako ang mama mo, magkakamatayan talaga kami ng mga Chua kung ginaganito ka lang nila." Tinuro niya ang kaliwang gilid. Napatingin naman kami roon kahit pader lang naman ang tinuturo niya. Iniwasan ko tuloy matawa. "Duwag ang Adrian Chua na 'yon kahit na kailan. Hindi niya ipinaglaban ang karapatan ni Belinda bilang asawa niya, tingin n'yo, magugulat pa akong hindi niya inilaban ang anak niya sa pamilya niya? Hanggang kailan siya tutupi sa kanila? Hanggang mamatay siya?"

'Tang ina, namemersonal na si Tita Tess. Buti wala si Ky rito. Buti rin walang paki si Leo sa mga Chua.

"Walang gagastos sa inyo para sa kasal na 'yan," huling babala ni Tita Tess sa amin. "Kung kinakailangang gipitin ang mga Chua, gipitin sila ni Adrian. Kung talagang may pakialam siya sa anak niya, kunin niya ang karapatang para sa anak niya. Responsabilidad niya 'yon bilang magulang. Huwag kayong salo nang salo nang hindi n'yo naman dapat ginagawa."


♥♥♥


Two hours na, ni isang salita, wala pang lumalabas sa bibig ko. Naghiwa-hiwalay kami pag-alis sa Dasma na ang pagpapaalam lang namin, tango lang saka tapik sa likod.

Ayoko talaga ng mga moment na . . . tama si Tita Tess. Kasi kung nasa opposing side kami, talo na agad kami, e. Gaya ngayon. Punto por punto, pota, nanuot sa kaluluwa ko ang sermon niya, hindi ako nakapagsalita nang dalawang oras.

Inilabas lang naman lahat ni Tita Tess ang hidden rants naming barkada sa pamilya ni Kyline. Maliit na bagay.

Ang kaso . . . paano nga namin "gigipitin" ang mga Chua? Si Calvin ang uutusan namin? Kasi si Patrick, never. Baka magbayad pa siya for peace and order.

Gusto namin ang gusto ni Tita Tess. Ang problema nga kasi, paano ang kasal? Paano ang gastos?

Ang nagiging labas kasi, iiwan namin si Leo sa ere. Hindi kasi namin alam kung may ibibigay pa ang mga Chua aside sa 25k.

Wala, nanlulumo ako sa sitwasyong 'to.

Gusto ko mang maging masaya kasi go signal na ito ng magiging kasal namin ni Sabrina . . . pero kung ganito ang pagdaraanan ni Leopold? Hindi niya deserve 'to.

Gusto ko na lang sabihing "'Tol, humindi ka na lang. Kaya nating maghintay ng next year. Yung planado talaga. Yung pinaghandaan. Hindi ganito na kinakawawa kayo."

Nalulungkot ako para kay Leopold kasi kapag iniisip ko ang kasal ko kay Sab . . . alam kong ibibigay ni Tita Tess ang dream wedding ni Sabrina kahit magwaldas man siya ng milyon-milyon para sa bunso niya.

Kung payag lang talaga si Tita Tess, magdo-double wedding na lang sana kami ni Leo. 'Yon, sure na hindi tipid. Alam kong ginastusan, pinaghandaan.

Bago umuwi, bumili na lang ako ng alak. Gusto kong uminom ngayon. Hindi ko lang maaya ang barkada kasi may mga uuwian pa 'yong mga 'yon—kahit din naman ako. Doon na lang kami sa bahay, inuman kami ni Sab. Kanina pa nga nagtatanong kung mga babae ang kasama ko, e.

Sagutin ko nga ng oo. Pero si Tita Tess yung babae.

'Tang ina, parang mas okay nang nanahimik na lang ako sa bahay kasama si Sab.

Malapit na ako sa bahay nang mapatingin ako sa oras. Madilim na kasi kaya akala ko, alas-nuwebe na. Pota, alas-sais pasado pa lang. Napalabas ulit ako ng subdivision para bumili ng pagkain doon sa malapit na bulalohan.

Ang sabog ko buong araw. Dalawang street ang layo ng bahay ko kay Leo. Dalawang street meaning isang block lang ang nakapagitan sa aming dalawa tapos nakahiwalay ang bahay ko sa isa pang block. Para lang kaming nasa letter H na setup, nandoon siya sa right foot ng H. Nandoon naman ako lampas sa left top n'on sa katawid na kalsada. Ang office naman namin ay nasa bandang left foot ng H na 'yon.

Napakadali lang puntahan ng bahay niya. Sinilip ko kung nakauwi na ba siya. Nandoon na ang kotseng gamit niya kanina. Tanaw sa bahagyang nakabukas na gate, baka nasa labas din siya at may binibiling panghapunan.

Umuwi na ako kay Sab. Baka sabihin nito, nambababae ako. Kung si Tita Tess lang naman ang babae, mahal ko si Tita Tess, pero auto pass.

Two hours galing kay Tita Tess, nakapagsalita lang ulit ako noong umoorder na ako ng bulalo, 'tang inang 'yan. Bulalo saved my soul.

Kaya pag-uwi ko, paglapag ko sa mesa ng hapunan namin ni Sab, niyakap ko agad siya mula sa likod.

"Uhm! What happened?" gulat na tanong niya.

"Grabe talaga mama mo, Sab. Kung nakamamatay lang talaga ang sermon, nasa morge na kami ng kuya mo."

Tiningala pa ako ni Sab, kunot din ang noo. "Why nga? Inaway kayo ni Mum?"

Napabuntonghininga ako. "Hindi naman sa inaway. Hindi talaga kami puwedeng gumastos para sa wedding ni Leo."

"So . . . ?"

"Ayun." Buntonghininga na naman.

"What about our wedding? May interview si Mum kay Johnny. Napanood mo na?"

Umiling ako. "Nag-send ng link si Will, pero ayoko munang panoorin. Wala ako sa mood."

"Pero may sinabi si Mum about sa wedding natin? Di ba, we're gonna get married kapag nagpakasal na sina Leo?"

Kinurot ko na lang ang pisngi ni Sab saka siya hinalikan sa sentido nang sobrang diin. "On-hold muna ang wedding natin. Ayusin ko muna lahat para kapag puwede na nating makausap nang maayos si Tita Tess, doon na tayo magkasundo-sundo about the wedding. Sa ngayon, pagod ako, gutom ako, kain na muna tayo."

Na-drain talaga ako ngayong araw. Parang gusto ko na munang mag-day off bukas. Kahit pa two days na akong hindi pumapasok sa work.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top