Chapter 28: Judged
Ngayon ko lang na-appreciate ang haba ng pasensiya ni Tita Tess sa mga anak niya. Kasi kung anak ko si Rico tapos anak ko pa si Sabrina, baka sa mental ward na ako umabot. Kung hindi man, baka sa Bilibid na. Ang sarap manakal ng mga Dardenne!
Buti looking fresh pa rin si Tita kahit nakakahulas kausap itong mga anak niya. Siguro yung tsaa niya, gaya sa horror movies na nakakapampabata. Hingi nga ako n'on minsan.
Balik kami sa biyahe ni Sab kasi nag-cancel na ako ng mga trabaho ngayong araw. Pakiramdam ko, bukas, sasampalin na ako ni Leo ng memo kasi inactive ako Lunes na Lunes tapos si Pau saka siya ang sasalo ng hindi ko gagawin today.
Sige, payag na akong masampal ng memo, gaganti na lang ako.
Hiniram ni Sab ang tablet ko. Iniwan ko sa bahay ang laptop ko kasi for collections lang sana ako ngayon. Ni hindi nga ako naka-formal. Loose tee saka white pants nga lang ang suot ko. Nagta-tablet lang ako sa collection kasi checklist lang naman ang gagawin ko.
At dahil walang collection ngayon, si Sab ang may gamit ng tablet ko at tambay siya sa spreadsheet na dinownload pa niya kahit pa may isang application ako roon na may spreadsheet din, hindi nga lang green ang kulay. Gusto raw niya yung green, e di mag-green siya diyan.
Binilhan ko pa siya ng meryenda kasi ginugutom na raw siya. Ayaw niya ng hindi healthy kaya binilhan ko lang siya ng egg sandwich and coleslaw sa drive-thru. Bumili naman ako ng full meal at inagaw rin niya ang fries ko kasi "iniinggit" ko raw siya.
Hindi ko ma-explain ang reaction ko nang sabihin niya 'yon samantalang nasa paper bag pa nga ang nananahimik na fries at ang kinakain ko ay double patty burger.
Nakakasama ko rin naman si Sabrina noon pero doon sa mga lugar na may projects siya. Hindi ngayon na walang-wala siya at ako lang ang aasahan niya. Parang gusto ko na lang siya ibalik sa mama niya para makapagtrabaho ako nang maayos.
"Buti marunong kang gumamit ng spreadsheet sa mobile device," puna ko habang sinusulyapan siya.
"Mum said I must be resourceful. Buti nga, may mobile app for spreadsheets kaysa mag-manual journal entry ako."
Mum na naman. Buti na lang talaga may mga ganitong itinuro si Tita Tess sa kanilang magkapatid. Pero parang mas gusto ko nang wala siyang alam kasi tingin ko, easy way na 'yon para pauwiin siya sa kanila.
Sabi niya, punta raw kaming Rizal. E di, celebrate naman ako. Sa wakas, naisipan niyang pumunta sa recreational place! Ang daming pahingahan sa Rizal! Pagdating sa location . . .
"Ukayan? Talaga ba, Sab?" sarcastic na tanong ko, nakatitig sa malaking shop, na closed pa, na naka-glass wall, na mukhang malulunod kami sa alikabok sa loob kasi ang foggy tingnan sa labas pa lang.
"Quality-wise, budget-wise, we're in the right place."
No. Nasa wrong place kami kasi ang inaasahan ko, pasyal.
Napatingin ako sa kamay niyang nakalahad sa harapan ko. "May panyo ka?"
Kinuha ko naman ang panyo ko sa bulsa at iniabot sa kanya. Pagsulyap ko sa kanya, nakatakip na 'yon sa ilong niya kaya napangiwi na naman ako.
"Ay, wow. Tapos ako, bahala na, 'no?" reklamo ko.
"Exactly."
Grabe na talaga 'to. Hindi na 'to makatarungan.
Pagpasok sa loob, hindi ko alam kung paano ipaliliwanag ang amoy. Ang tapang sa ilong, gumuguhit sa sinus. Amoy . . . hindi ko mawari. Yung hamper naman sa bahay, mabango pa rin kahit labahin ang laman.
Naalala ko tuloy ang ibang mga taga-Coastal. Parang ganito ang amoy ng iba sa kanila. Sobrang nostalgic ng amoy. Yung amoy ng mga damit nila na hindi ko alam kung noong nakaraang buwan pa ba huling nalabhan tapos nababad sa pawis tapos isinuot na lang ulit kasi tuyo naman na.
Sinubukan kong tumingin ng damit kasi baka lang mabudol ako, pero yung amoy talaga, pinababalik ako sa may entrance.
Naka-AC naman sila kaya malamig, pero hindi rin nakatulong. Amoy hindi ko na malaman talaga. Nag-aangkat din naman kami nina Ky ng tela kapag may shipment, pero iba kasi ang amoy ng tela na nakabulto. Medyo mabango pa 'yon kahit paano.
Ano . . . ? Malaking ano ang nasa noo ko ngayon habang tinatanong kung ano ba ang nagtulak kay Sabrina na dumayo sa ganitong lugar.
Naiintindihan ko naman na kailangan niya ng damit pero . . . hindi ko na rin talaga alam.
For business daw niya 'to. Siya nga, walang sariling damit.
Labas-pasok ako sa ukayan na 'yon kasi hindi talaga ako makahinga nang maayos. Hindi ko na masabi kung maarte na ba akong tao o talagang hindi ko lang lugar 'yon kaya hindi ako makatagal.
Huling pasok ko, nagtatawag na si Sabrina, itinambak niya sa mataas na counter ang mga damit na pinagkukuha niya.
"1,495 po," sabi ng babae sa cashier.
Binayaran ko na lang agad tapos umalis na kami sa loob kasi hindi ko na kayang magtagal pa roon nang sobra pa sa isang oras.
"Grabe ka na talaga, Sabrina. Hindi ko na talaga alam kung ano'ng gagawin ko sa 'yo." Mula sa compartment ng kotse, dinukot ko ang cologne doon at saka ako pumunta sa likod habang inilalagay roon ni Sabrina ang mga plastic bag laman ang mga damit na . . . 'yon.
"Daan tayo sa mall, ha?" paalala niya habang ini-spray-an ko ang mga plastic bag ng pabango.
"Oo nga." Sunod kong in-spray-an ang sarili ko kasi pakiramdam ko, dumikit ang amoy kulob sa akin.
"Hey!" tili ni Sabrina nang siya naman ang spray-an ko kasi amoy kulob na rin siya.
"Next time nga, pumili ka ng maayos na shop na pagbibilhan ng materials. Ang dami-daming lugar, e . . ."
Ayoko naman sanang i-degrade ang lugar dahil hindi mo rin naman dapat i-expect na luxury shop 'yon para mangamoy chamomile o kaya cherry blossom, pero ang hirap talagang huminga sa loob. Sana nag-open space na lang sila para nakakaikot ang hangin.
Hanggang sa biyahe, hindi na nawala ang amoy ng ukayan kaya noong sinabi ni Sabrina na magmo-mall kami, unang-una ko talagang suggestion—
"Doon muna tayo sa laundry shop."
Kasi hindi ko ipapasok sa bahay ko 'yon na ganoon ang amoy na amoy kulob na napawisan na hindi ko alam.
Malaki ang space na sakop ng laundry shop. May area na self-service, may area na puwedeng magbayad para sa laundry and dry-cleaning. Kumuha kami ng dalawang laundry basket at pinaghiwa-hiwalay ni Sabrina ang de-kolor sa puti.
"Hanggang kailan mo gagawin 'to?" tanong ko.
"The what?"
"Itong ukay-ukay journey mo?"
"I just need money, okay? I can sell these clothes online."
"Tapos?"
"Then may money na 'ko. I can buy fabrics na ulit para hindi na ako babalik sa ukayan."
"E di sana nanghingi ka na lang ng pambiling fabric kaysa mag-ukay ka."
Nangangasim ang mukha niya nang tingnan ako. "Ire-rework ko lang itong mga damit, okay? It's a lot easier to recreate dresses na may magandang quality ng fabric like this." Itinaas niya ang isang magenta na dress para ipakita sa akin. "Mahal 'to kapag binili ko per yard. Hindi lang one thousand ang ilalabas mo. But this? Kaunting stitches lang and better alterations, okay na siya as new design. Innovation."
Si Sabrina, pagdating sa technicalities sa field niya, alam kong alam niya ang ginagawa niya. Hindi naman siya magkaka-projects kung hindi. 'Yon lang, outside ng field niya at decision-making skills, ang baba talaga ng lebel. Kailangan pa rin niya ng guidance.
Nagpa-laundry na lang kami kasi bibili pa nga raw siya ng sewing kit.
Gusto ko na lang munang i-support dito si Sabrina kasi si Tita Tess, hinahayaan niya lang din. Kasi kung talagang buwisit na buwisit na si Tita, ang daming way para kunin si Sabrina nang hindi siya pagpapawisan.
Isang tawag lang niya kay Kuya Tony, mate-trace na si Sabrina, kaya niyang ibalik sa mansiyon ang bunso niya any time. O kahit hindi na si Kuya Tony, kahit ako na lang.
Pero hindi rin naman namimilit si Tita Tess. Basta nagsabi lang na kung hindi ko na kayang i-handle, ipapasundo kay Tita Ali. Take note, si Tita Ali pa ang papupuntahin niya at hindi siya.
Ganoon nga siguro talaga kakilala ni Tita Tess ang mga anak niya para malaman kung sino ang tamang tao para tawagan kapag kailangan na niya ng tulong para sa mga anak niya.
Umakyat kami sa fifth floor para sa sewing kit. Tamang tingin-tingin lang ako ng kung ano-ano roon. Hindi ko tuloy maisip kung paano napunta sa fashion si Sabrina samantalang hindi naman mahilig humawak ng karayom si Tita Tess.
Pagdampot ko ng isang maliit na box ng makapal na sinulid na kulay silver, napangiwi ako sa 540 pesos na nakalagay sa price tag.
"Ginto pala presyo rito," mahinang sabi ko kay Sab. "Sure ka sa 30k? Gusto mong gawing 50?"
"I'm fine with 30."
Kapag may lumalapit sa amin for business consultation at makikita namin na sa mall ang balak nilang pagbilhan ng materyales o kaya equipment, si Leo na ang unang-una para magsabing huwag sa mall bumili.
Ang katwiran kasi ni Leo, maraming shop at distributor na mas mura ang benta kaysa sa mall. At kadalasan, kasama sa bayad mo sa item ang patong sa renta ng stall. Imbes na makamura ka, lalo ka lang mapapamahal. Not unless, sa mall lang talaga makakabili ng item na 'yon.
Kung dinala ko si Sabrina kay Leo hindi para sa damit kundi para sa business offer, malamang na magsasalpukan 'tong dalawa. Kung hindi man, baka lalong tumaas ang presyon ni Leo sa tigas ng ulo ni Sab.
Ang liit ng sewing kit kaya maliit lang ang paper bag na dala ni Sab. Elevator sana ang gagamitin namin pababa kayo ang haba ng pila kaya nag-escalator na lang kami.
Hapon na, ala-una pasado. Kalahati na ng araw ko ang nagagasta, nabawasan pa ang pera ko. Pagtingin ko sa phone, may mga message na sa Viber si Leo.
Leo
- Saang impyerno ka na naman ha?
- Si Pau yung dumaan sa Pariñas. Taena mo, kapag nakipagdate ka lang kay Sab iho-hold ko talaga paycheck mo gago ka
- Puro ka lang kalandian dyan. Iuwi mo na yan sa kanila ha!
Bigla tuloy akong natawa nang mahina. Sabi na, magagalit 'to, e. Yung sumunod niyang mga message, puro na photo. Nandoon sila ni Luan bantay sa office—si Luan lang ang nasa picture at naglalaro ng building blocks sa sahig. Si Pau na kasi ang pumunta para sa collection. Nakauwi na pala sila galing day care. Sa bagay, hapon naman na.
"Kailan ba ang Chinese New Year?" tanong ni Sab na nakatayo sa likod ko habang pababa kami ng escalator.
"Next Friday," sagot ko. "Busy na nga sina Patrick at Calvin, e. Maghahanda yata sa kanila—yung catering talaga, so alam mo na. Family gathering na naman."
Malamang na naitanong 'yon ni Sabrina kasi namumula na may kasamang gold o dilaw na lines o print ang buong mall dahil sa mga display.
Bigla ko tuloy naisip sina Kyline. Naghahanda sina Pat, paano kaya ang mga Chua? Kasi malamang, hihiramin na naman sina Luan niyan nina Tita Hellen . . . at hindi na naman isasama si Leo.
Ang lalim ng iniisip ko tungkol kina Leo nang kalabitin ako ni Sab.
"Clark, look!" Paglingon ko kay Sab at sa itinuturo niya sa kabilang escalator, nanlaki ang mga mata ko nang makita sina Will at Mat na magkasama—at hindi lang magkasama! Magka-holding hands ang magagaling!
Pagtapat naming dalawa, dinakma ko agad ang braso ni Will.
"Psst! William!"
Pinandilatan din niya ako ng mata at mabilis silang nagbitiw ni Mat.
Babawiin na sana niya ang braso sa akin pero mas hinigpitan ko ang hawak doon.
"Hoy, bumaba ka rito!" banta ko sa kanya habang duro-duro siya.
"Hindi kita kilala!"
"Gago! Bababa ka o ibabato kita rito sa fifth floor?!"
Pabalik-balik kami sa iisang tapakan lang sa umaandar na escalator kasi hindi ko siya binibitiwan.
"Problema mo ba?!" sigaw ni Will.
"Puta ka, ba't kasama mo 'yan?!" sigaw ko rin at itinuro ko ng mata si Mat na nagtatago sa likod ng palad niya.
"Tumigil na nga kayong dalawa!" awat ni Sab sa gilid ko.
"Mat, bumaba ka!" utos ko. "Sinasabi ko na sa inyong dalawa, ha. Kapag hindi kayo bumaba, ha-hunting-in ko kayong dalawa!"
"Oo na, eto na nga, bababa na!" sigaw rin ni Will.
Nauna na kaming bumaba ni Sabrina at lulugo-lugong lumipat sa kabilang escalator sina Will at Mat para bumaba rin habang pinanonood namin sila.
Itong William na 'to, porke walang nakatingin dito, talagang mananamantala 'to ng kaibigan namin.
Namamaywang ako habang palipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa.
Si Mat, tanggap na tanggap ko bilang babae. Kahit tingnan ko nga lang siya ngayon, hindi ko masasabing lalaki siya dati. Ang problema kasi, kasama niya si Will.
Of all people, putang ina, bakit si Will pa?
Alam kong considerate si Will. Pero kasi, walang nagtatagal kay Will. At ang masakit doon, hindi gaya namin ni Calvin si Will na naglalaro lang. Walang nagtatagal kay Will kasi mabilis siyang mawala roon sa idea dahil nga . . . siguro sa family o anumang personal na desisyon. Ultimo si Jaesie, alam naman ang dahilan niya. Ayoko lang dalhin si Mat doon sa situation na dadaan lang siya kay Will tapos iiyak na naman siya kasi ayaw na nitong kabarkada ko sa kanya. Ayoko rin namang hindi kampihan si Will kung ang dahilan niya, family affairs.
'Tang ina, hindi ko palalapitin si Mat sa pamilya ni Will. Kuta ng mga homophobic ang bahay nila. Si Patrick nga, dahil lang mahinhin kumilos, ilang beses inutusang magpakalalaki.
Bakit mo uutusang magpakalalaki si Patrick, e lalaki naman 'yan?
Kung maglagay man siya ng lip balm dahil nanunuyo ang labi niya, hindi na nila problema 'yon. E, sa nanunuyo ang labi tapos tatawagin pa siyang bakla. Nag-lip balm ka lang, kampon ka na agad ng demonyo at susunugin na ang kaluluwa mo habang nabubuhay ka pa.
Tapos iga-gaslight pa kami na walang ibang kasarian ang mga tao sa mundo kundi babae at lalaki lamang at ang babae ay para sa lalaki lamang—the rest mapupunta na sa impyerno. Paulit-ulit pa kaming ire-remind sa nangyari sa Sodom at Gomorrah, at kung paano 'yon nakatikim ng hagupit ng ngitngit ng Panginoong Diyos.
Dahil lang sa putang inang lip balm, hindi na tunog forgiving si God.
No.
Neeeever.
Pumili si Will ng hindi ide-degrade ng buong angkan niya. Masyado nang broken at judged si Mat ng mga hindi pa rin tanggap kung ano siya. Until now, hindi pa rin tapos ang mga "Sayang ka, guwapo ka pa naman" comment sa kanya. Alam kong maganda si Mat. Pero kung ipakikilala niya si Mat doon sa mga Vergara, pass.
Tumigil na lang sila sa mga kalokohan nila.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top