Chapter 27: Follower
Hindi ko na kukuwestiyunin kung gaano ka-powerful ni Robert Lauchengco. Pero hindi ko lang talaga inasahan ang lahat ng mga nalalaman at naririnig ko. Sa paningin ko kasi, uncle ko lang siya. Dadaan ako sa mansiyon nila, makikiburaot ako ng pagkain. Tamang joke lang sa kung ano-ano tungkol sa buhay. Chichikahin ko asawa niya sa garden, tapos mambuburaot na naman ako.
Kumbaga, hindi ko siya makita bilang tao na dapat katakutan o dapat paghinalaan.
Alam naman ni Uncle Bobby na bihira akong magseryoso kapag tambay ako sa kanila. Siyempre, nandoon ako para magpasaya ng araw nila. Si Patrick naman kasi, hindi niya masyadong ka-close kasi lagi niyang kabardahan. Ang dalas ko nga siyang biruin na bibili ako ng magandang kotse pero gusto ko, bigay niya para wala na 'kong babayaran.
Pero alam din ni Uncle Bobby na marunong lang akong magbiro, at kapag seryoso na, seryoso na talaga.
May construction ngayon sa Shaw na binabantayan ko kasi nag-franchise ako ng isang branch nila para sa car parts, at hindi 'yon joke. Hindi joke ang 50 million na inilabas ko roon at alam ni Uncle Bobby na hindi ko basta binuraot ang 50 million na 'yon. Investment ko 'yon, inaasahan kong babalik sa akin ang 50 million ko at 'yon din ang inaasahan niya.
And that was the point. Alam niya kung kailan ako seryoso sa ginagawa ko at kailan hindi. At hindi joke na sasabihin niyang nag-attempt akong pabagsakin ang Red Lotus at naglalaro lang ako habang pinalilibutan siya ng mga taong sobrang close sa mga Yu.
Negosyo ang Red Lotus—malawak na negosyo. At hindi lang basta "negosyo" ang sakop nila. Ang daming units ng Red Lotus at dalawa lang doon ang naikot ko. Yung resto, which was the acquisition stage ng business partnerships nila. Yung site at talent agency, yung acquisition nila ng mga tao individually.
Hindi ko pa napapasok ang management ng casino nila, may brokerage pa sila na connected sa customs, may killer for hire pa silang ino-offer na hindi ko na rin masyadong pinakikialaman kasi delikado na masyado, may mga pagawaan din sila ng baril at katana sa Rizal, nagle-lend din sila nang malakihan sa mga negosyanteng Chinese . . . sa dami n'on, hindi ko alam kung nakakataas ba ng pride na ipagmalaking kaya kong pabagsakin ang Red Lotus samantalang kapag naiisip ko kung ano ba ang mga nasasakupan ni Mother Shin at ni Kuya Wing bago sila bumaba sa puwesto, pakiramdam ko, kaya ko lang galusan ang Red Lotus pero hindi ko sila kayang pabagsakin gaya ng sinasabi ni Uncle Bobby.
Hindi 'yon sa wala na akong confidence sa kaya kong gawin. Tinanggap ko lang sa sarili ko na hindi pa ako ganoon kalakas para magpabagsak ng isang negosyo. Kung kasinlakas siguro ako ng impluwensiya ni Robert Lauchengco, kaya ko. Pero sa ngayon? Duda ako.
Hindi naman din siguro iiwasan ni Tita Tess ang mga Yu nang walang mabigat na dahilan. Ultimo si Mami, nag-warning na noon na huwag lalapit sa mga Yu dahil delikado. Na mas pinili niyang hindi ipaglaban ang prinsipyo niya para lang sa kaligtasan namin. Binabangga ni Mami ang gobyerno, pero 'yon ang unang beses na umilag siya sa isang kaso kasi alam niyang walang magiging magandang resulta 'yon.
Nalilito na ako sa iisipin. Ayokong isiping nilalaglag ako ni Uncle Bobby kaya niya ito ginagawa, pero hindi rin naman siguro niya gagawin 'yon lalo ngayon kasi may branch akong itinatayo galing sa kompanya niya. Alangan namang hayaan niya akong mapahamak, e ang dami ko pang plano sa buhay.
Speaking of branch, dumeretso kami ni Sabrina sa Shaw. Pagdating doon, bumaba ako at kinausap ang foreman na nag-a-assist sa mga mason.
"Si Sir Yago?" tanong ko kay Kuya Joel.
"Sa dulo, ser! Pinaaayos yung mga I-beam doon."
Si Sir Yago ang engineer na humahawak nitong project. Civil engineer siya sa company nina Uncle Bobby. Siya ang humahawak ng blueprint ng lahat ng branches na itinatayo mula sa kompanya nila. Lahat ng progress dito sa branch ko, one call away lang kay Uncle Bobby kasi mabilis ding magbalita si Sir Yago sa kanya.
Patapos na ang construction. Ini-install na lang ang mga fiber glass sa dingding. Habang tumatagal, lalo akong nawawalan ng ganang magtrabaho ngayon.
"Kuya Joel, kailan daw po dadating yung mag-aayos ng interior?" tanong ko na lang.
"Kapag natapos namin 'to, ser, sa Sabado kasama paint job, sina Boss Yago na raw ang bahala. Baka Lunes na ho sa interior, wala silang labor ng Sabado-Linggo, e."
Napatango na lang ako. "I see. Sige, Kuya, pasabi na lang kay Sir Yago, dumaan ako."
"Ipatawag ko, ser!" alok niya.
"Hindi na, Kuya. Baka busy sila roon, sisilip lang ako rito kasi may kasama ako." Itinuro ko ang sasakyan at nakita sa windshield si Sabrina na nakayuko, nagse-cell phone yata.
"A . . . kaya. Sige, ser. Sabihin ko na lang."
"Salamat, Kuya! Padala akong meryenda rito mamaya." Tinapik ko siya sa braso at umalis na rin ako roon sa harapan ng site.
"Salamat, ser! Ingat kayo sa biyahe!"
Bumalik na ako sa kotse at huminga nang malalim. Napatingin lang ako kay Sabrina nang magreklamo na naman siya.
"Ayaw isuko ni Mum ang wallet ko. Wala akong ID!"
"O, ano'ng gagawin natin?" tanong ko na lang.
"I'll check my boutique. Kukuha na lang ako ng pera sa cash register."
Muntik ko nang makalimutang may problema rin pala ako kay Sabrina. Ayoko talaga ng ganitong kino-combo ako ng mabibigat na problema. Masyado akong natatagtag.
Hindi naman masyadong malayo ang boutique niya. Isang liko nga lang ang pagitan sa EDSA mula sa construction site. Pero pagdating sa Rockwell, natulala na lang ako sa naabutan namin.
Alas-nuwebe pasado na. Dapat nandito na sina Aki gaya ng usual schedule nila ng pasok. Pero wala.
Nakakadena ang door handle at may lock na malaki. Tinapalan ang glass door at glass wall ng manila paper. May notice na naka-typewritten doon sa copy paper na naka-tape sa pinto.
"Temporarily Closed. Will resume business until further notice. For more inquiries or pending orders, please contact [email protected]."
"Monster talaga si Tita Tess, Sab. Sumuko ka na lang," biro ko sa kanya.
Wala ako sa mood mag-isip ngayon ng panibagong issue, pero . . . email 'yon ng opisina ni Tita Tess.
Iniisip ko kung ano ba ang gustong mangyari ni Tita at umaabot siya sa ganito.
Okay, hindi ko pa nase-settle ang termination of contract ni Sabrina sa Sun-Dias. Note na wala akong makitang negative doon sa contract na mapapasabi akong lugi si Sabrina sa kontrata niya. Pero ang sinasabi nina Tita Ali, meron daw doong clause na hindi na aligned sa philosophy nila—na masyadong questionable kasi kung pinulido 'yon ng abogado nina Tita Tess, dapat walang clause doon na hindi aligned sa philosophy nila.
May mali. Nararamdaman kong may mali, pero hindi ko ma-pinpoint sa ngayon kung saan ako dapat magsimula para ma-trace ang mali na 'yon.
"Uuwi ka na ba?" tanong ko kay Sabrina. Akala ko, iiyak na naman pero naglahad ng palad sa harap ko. "Ano 'yan?"
"Pautang ng 30k tapos samahan mo 'ko," sabi niya.
"Saan ka pupunta?"
"Pupunta ako sa city hall."
"Magpapapalit ka na ng pangalan? Ayaw mo na ng Dardenne?"
"Sira!" At nahampas na naman ako sa braso. "Kukuha ako ng pang-ID! May voter's certificate silang nire-release sa branch, right?"
"Oo."
"Babalik ako sa Makati. Kukuha ako ng documents. Kung ayaw ibigay ni Mum ang wallet ko, e di, kanya na 'yon! Tingin ba niya, hindi ako mabubuhay nang wala ang pera niya?"
Nagmartsa siya pabalik sa sasakyan ko.
"Sigurado ka na ba diyan, Sab?" tanong ko.
"I'll show Mum na hindi ako kasing-spoiled gaya ng inaakala niya."
Pero spoiled naman kasi talaga siya.
Haay, buhay.
Gaya ng sabi niya, dumeretso kami sa city hall at may satellite office doon ng COMELEC. Hindi mahaba ang pila para kumuha ng certificate na kailangan niya. Hindi kami inabot ng isang oras sa pagkuha.
Hindi ko alam kung ano ba ang planong gawin ni Sabrina, pero naaamoy kong wala kaming patutunguhang maganda rito sa ginagawa niya.
Nagtatalo tuloy ang utak ko kung kokonsentihin ko na lang siya sa mga trip niya ngayon o sasabihan ko na lang si Tita Tess na maging mild sa bunso niya.
Habang naghihintay si Sabrina, tumawag ako sa kakilala kong manager na working din sa Rockwell. Hindi siya ang nagha-handle ng boutique ni Sab, pero nagbaka-sakali akong baka lang alam niya kung paano ire-resolve ang nangyari doon sa boutique.
Kung si Tita Tess man ang nagpasara n'on, eto na naman ako sa doubt ko na gagastos si Tita Tess para lang palayasin ang anak niya sa workplace nito.
Ako ang naiirita para kay Tita Tess kapag naiisip kong magbabayad ako ng tao para lang tikisin ang anak ko. Sisipain ko na lang si Sabrina papasok ng kotse at ipagagapos kay Kuya Tony kaysa ganitong magsasayang siya ng pera pampasara ng business ng bunso niya.
"Hey, Clark!" bati ni Greta, isa sa managers doon sa building.
"Hello, Grets! 'Musta?"
"May kailangan ko, 'no?"
Natawa tuloy ako. "Yeah, sorry, ngayon lang ako kumontak. But I miss you, really."
"Yeah, yeah. I know you really didn't, but it's okay. What's up?"
Grabe talaga, ang hirap lambingin.
"Business mode muna ako ngayon, Grets. Sorry, sa ganito pa kita natawagan. May boutique diyan sa ground floor ng building n'yo, di ba?"
"Yung kay Sabrina ba 'to?"
"Yeah. Kilala mo ba may hawak ng lease n'on?"
"Yes. Kay Ma'am Dita 'yon naka-assign. Pero closed na 'yon no'ng Saturday pa."
Oh. So, alam din ni Greta.
"Bakit isinara?" usisa ko, at ayokong marinig si Tita Tess sa dahilan kasi talagang sasama ang loob ko kung gumastos talaga siya para asarin ang anak niya.
"Hindi naman kasi nagbabayad ng rent yung owner ng boutique, Clark. Three months nang walang report 'yon."
Na naman?
"So, need isara kasi walang nagbabayad ng renta," paliwanag ko para klaro.
"Clark, talagang isasara 'yon kasi ang mahal kaya ng lease diyan. Last year pang walang response sa notice ng management ang nag-lease doon."
"Hindi talaga nagbayad si Sabrina?" tanong ko pa.
"Hindi naman sa kanya nakapangalan ang agreement."
Oh . . . "Kanino?" usisa ko agad. "Sa mga Dardenne?"
"Nope! Under 'yon kay Ruel de Ignacio. But then, dapat nag-follow up pa rin si Sabrina sa management kung nababayaran ba monthly ang lease ng boutique niya para kung hindi man mabayaran ng nakapirma sa agreement, at least, hindi magsasara. Wala rin naman siyang ginawa, e. Magsasara talaga 'yon."
Ruel de Ignacio? Pamilyar ang pangalan.
"Pero dumaan ang mga Dardenne sa boutique?" tanong ko pa.
"Ang tsismis ni Ma'am Dita, tumawag na lang siya sa opisina ni Madame Tessa kasi hindi nila alam kung saan idi-dispose ang mga laman ng boutique. Takot lang din ni ma'am na i-report kami na basta na lang nagtapon ng gamit ng anak niya."
Shet. Eto na naman kami sa tumawag sa opisina ni Tita. Kasal ni Pat noong Saturday kaya missing in action si Tita rito. Don't tell me . . .
"Sino'ng pumunta diyan galing sa office ng mga Dardenne? Si Kuya Tony?"
"Ay, si Sir Tony ang nakipag-coordinate sa management para ma-pick up ang mga laman. Si Sir Tony na rin ang nagbayad ng unpaid billings. Pina-terminate na lang din nila ang agreement kasi wala ring response kay Mr. De Ignacio. Ayaw raw nilang maghabol ng obligation sa ibang tao."
Habang nakikinig ako kay Greta, napapasapo na lang ako ng noo.
Diyos ko, Sabrina, ano ba talaga'ng plano mo sa buhay mo ngayon?
"So, open for lease na ulit yung puwesto?" tanong ko na lang.
"Yeah! Ipapa-finalize na lang saka pirma sa mga boss ang termination of contract. Today yata or tomorrow, kung sino ang available na boss na magre-release ng termination ngayon. Then, by Friday yata, open na ulit ang puwesto for leasing."
"I see, I see."
"Interested ka ba sa puwesto? Or doon lang sa mga Dardenne?"
Ang lalim ng buntonghininga ko na dahilan ng pagtawa ni Greta.
"Hahaha parang ayoko nang magtanong kung interesado ka ba both. Anyway, may kailangan ka pa?"
"Siguro, i-contact ko na lang ang management n'yo kasi maganda ang puwesto dati ng boutique. Baka puwede kong rentahan."
"Oh . . . now, I see. Sige, sabihin ko na rin kay Ma'am Dita na interested ka. Baka sakaling i-consider ang leasing sa 'yo."
"Thanks, Greta. Enjoy your shift. Padalhan kita ng lunch mamaya."
"Sweet naman," natatawang sagot niya. "Sweet sa lahat, hahaha! Sige, abangan ko. Hindi ako tatanggi sa libre."
Nagpaalam na ako kay Greta saka ko ibinaba ang call. Nagpatong-patong na ang stress ko ngayon kay Sabrina.
Gusto ko siyang pagalitan pero hindi rin makakatulong 'yon, lalo lang kaming mag-aaway. At wala akong energy ngayon para mang-away ng kahit na sinong humihingang nilalang.
Binalikan na ako ni Sabrina nang matapos siyang kumuha ng certificate niya.
"Okay ka na?" tanong ko na lang.
"Can I borrow your Mastercard?"
"Bakit?"
"O-order ako ng authentic copy ng birth certificate ko. Online ako magbabayad."
"Wow."
May point din naman ang pagkuha ng birth certificate. Pero mas mabilis yatang process kung uuwi na lang siya sa kanila para kunin ang wallet niya.
Tawagan ko na kaya si Yaya Beth? Hindi naman ako banned sa mansiyon, e.
"Buti may idea ka sa mga kukuning document," sabi ko habang nakaalalay sa kanya. Tutok pa rin kasi sa certificate niyang printed lang naman sa copy paper. "Hindi mo first time, 'no?"
"Noong kumuha ako ng mga ID, pinasama ako ni Mum sa maglalakad ng papers ko para nga raw hindi ako tatanga-tanga kapag ako na lang mag-isa. I should know."
Natawa tuloy ako at sarcastic na pumalakpak.
"Tita Tess and her mommy mode. Applauded. Pero sure ka sa 30k lang? Hindi ba kukulangin sa 'yo 'yon?"
"Mum said if I want to borrow money, I had to make sure na kaya kong bayaran agad regardless if it was enough for me or not. Thirty thousand is a realistic figure na madali kong mababayaran a few weeks from now."
"Mum again! Halatang dinikdik kayo ni Tita Tess noong bata pa kayo ni Rico, ha."
Nasa parking lot na kami nang magtanong na siya tungkol sa errands ko today.
"You have meetings, right?"
"Well, sana," sagot ko.
"Kaso?"
"Sinasamahan kita."
Namaywang siya sa akin habang nakatingala at kunot ang noo. "How urgent are those meetings?"
"Bakit?"
"So I can weigh your priorities."
"Hahaha! Himala, uso pala sa 'yo 'yan."
Napalo na naman ako sa braso. Ginagawa talaga nilang punching bag ang braso ko, a.
"Ano nga? Urgent?" naiiritang tanong niya.
"Well . . ." Hinimas ko ang sentido ko at alanganing nag-isip. May dadaanan sana akong collections ngayon, pero hindi ko siya puwedeng dalhin sa mga 'yon. Ayokong manggugulo siya sa trabaho ko at magtatanong ng kung ano-ano. "Makikipagtsismisan lang talaga ako kina Mrs. Dominguez tungkol sa business park na itatayo nila sa South . . ." sabi ko na lang.
"And?"
Nanliit ang mga mata ko at nagtaas ng hintuturo. "May tatawagan lang ako."
Lumayo na ako sa kanya at lumapit doon sa bandang bakuran ng city hall. Tinawagan ko agad si Tita Tess para sabihing kasama ko ang bunso niya.
"Hi, Tita, good morning," matamlay na bati ko.
"Doon daw si Sabrina natulog sa 'yo kagabi," bungad na bungad ni Tita, wala man lang hi o hello o good morning.
"Yeah. Hindi raw siya makatulog nang maayos kina Mat. Ayaw umuwi, e. Gusto mo ihatid ko na lang diyan ngayon 'to?"
"Ano'ng ginagawa niya ngayon?"
"Kumukuha ng ID niya. Wala nga raw kasing wallet. Sarado na yung boutique, di raw siya nagbabayad ng renta."
"Sinabi na kasing huwag maniniwala sa mga nang-uuto sa kanya! Nakapa-tonta talaga ng batang 'yan, naiirita ako."
Nakaka-tempt tanungin si Tita Tess kung gusto pa ba niyang sa mansiyon si Sab. Feeling ko, mauubos lang ang buhok niya sa stress gawa ng bunso niya. Ako kasi, feeling ko, magkaka-hairfall ako dahil dito.
"Nangutang pala 'to ng 30k, Tita. Makikipagmatigasan yata anak mo sa 'yo. Ano ba gagawin ko rito?"
Ang lalim ng buntonghininga ni Tita Tess sa kabilang linya, gusto ko na lang ding sumabay. Kapag talagang sinabi niyang itinatakwil na niya si Sab, magse-second the motion na lang ako.
"Ako na ang magbabayad ng inuutang niyan sa 'yo. Wala naman 'yang pera, saan 'yan kukuha ng pambayad?" sabi na lang ni Tita Tess. "Kung ayaw niyang umuwi, bahala siya. Sabihin mo sa 'kin kung nanggugulo 'yan sa bahay mo't ako ang susundo diyan para hindi ka niyan inaabala sa trabaho. Dadalhin ko na lang 'yan kay Ali para natatahimik 'yan."
Gusto kong magsumbong na "Tita, nanggugulo talaga siya. Ang dami niyang pinakikialaman." Kaso baka sa akin naman magalit si Sab kapag ginawa ko.
Ako na ang sumuko sa usapan.
"Hindi naman, Tita. Behave naman siya sa bahay. Update na lang ako mamaya kapag nakauwi na kami."
"Wala ka bang trabaho?"
Napakamot ako ng ulo roon sa tanong. Marami. Ang problema kasi, hindi ko nga maiwanan si Sabrina.
"Pahinga muna ako ngayong araw, Tita. Kagagaling ko lang sa kasal kahapon, e."
"Kapag pinasakit pa lalo ni Sabrina ang ulo mo, tumawag ka sa akin at ipasusundo ko agad 'yan sa Tita Ali niya. Hindi talaga matahimik 'yan sa iisang lugar."
Agree.
"Sige po, Tita."
Haay.
Hindi ko alam kung ano ba'ng trip ni Tita Tess pero pareho na lang yata kami ngayong konsentidor sa mga kalokohan ni Sabrina.
Tsk. Bahala na nga.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top