Chapter 25: Tired
"'Tol, naiiyak ako, 'tol."
Nakarinig ako ng mahinang tawa sa kabilang linya pero nasundan 'yon ng buntonghininga kaya alam ko nang idinaan lang ako sa tawa ni Rico kahit frustrated din siya.
"Kay Sab 'to, 'no?"
"Alam mo agad, ha."
"She called kasi kanina, pinasara daw ni Mum ang penthouse niya—"
"Eto nga ang kaso, 'tol—"
"Mum said she knows nothing about it. Tumawag lang si Kuya Tony, kinuha raw ang gamit ni Sab sa penthouse. Oh! Tumawag din pala kanina sa amin ni Mum ang security sa Ivory Meadows, dumaan ka raw."
"Tinawagan agad kayo?" naiiritang tanong ko kasi nagbayad pa nga ako pansuhol! Mga traydor naman yung mga guard sa Ivory.
"They should," kaswal na sagot ni Rico.
"Kasama ko si Sab. Doon sana kami."
"Bakit hindi kayo tumuloy?"
"Kasi tatawagan pa raw si Tita Tess!"
"Of course, they have to! Walang maid sa mansiyon, walang mag-aasikaso sa inyo ni Sabrina! Kaya nabubuwisit na naman si Mum, bakit daw hindi kayo tumuloy sa Ivory, ipapatawag na raw sana niya sina Yaya Becca para asikasuhin kayo doon."
Putang ina, yung stress ko, lumalala.
"Nasaan si Sab ngayon?" tanong niya.
"Na kay Mat muna."
"Bakit hindi mo isinama sa 'yo?"
"Hindi ko siya puwedeng dalhin kina Leo, hindi pa sila nakakauwi."
"Why would you do that? Bakit kina Leo?"
"Alangan naman sa bahay ko."
"Are you freaking serious right now, Clark?"
"Gago, hindi puwede sa bahay ko! Paano kung makabasag 'yan doon?"
"Sa bagay. Anyway, sige, I'll call Mat na lang later. Nakauwi ka na ba?"
"Nandito pa 'ko sa condo ni Sab."
"Why?"
"Kinausap ko yung manager. Akala ko kasi, fault na naman ni Tita Tess 'tong pag-close sa penthouse."
"Oh, yeah! About that. What happened? Ginigipit daw ni Mum si Sab, pinauuwi na lang siya sa Dasma."
"'Tol, three months, walang bayad si Sab sa rent niya sa penthouse. Hindi nagre-response sa notice ng management kaya ayun, napalayas nang hindi niya alam."
"Three months? So, last year pa."
"Malamang. Si Kuya Tony na raw ang nag-settle nitong unpaid rents niya, under ng office ni Tita Tess. Hindi rin ni-renew ang lease, so talagang wala na kay Sab ang penthouse."
"Paano siya makakabayad, inubos niya lahat ng laman ng bank accounts niya kay Ivo."
"Isa pa 'yan."
"Hayaan mo na. I think it's better that way. Doon muna siya kay Mat. I'll think about this by tomorrow."
"'Musta pala after-party ni Pat?"
"Unexpectedly, we're having different business seminars right now from different business coaches in the field, and no one's partying until the elders finish their speeches. Take note na wala 'to sa program."
"Thank the universe, nakaalis ako nang maaga diyan. Buti pinayagan kang mag-phone."
"Nasa men's room ako ngayon. I can't answer the phone outside, pinapalo kami ng kung sino-sinong matanda doon!"
"Kawawa ka naman, dude. Sige na, uuwi na muna ako. Babasahin ko pa ang contract ni Sab sa Sun-Dias."
"You better. Sige na, bye."
Hindi ko na mabilang kung nakailang buntonghininga ako ngayong araw dahil kay Sabrina.
Tapos na ang kaso sa penthouse. Yung contract na lang niya sa Sun-Dias ang problema. Monday na bukas, nasa work na naman ako halos buong araw kasi nag-leave na kami ni Leo nang ilang araw para sa kasal ni Patrick.
February na rin pala bukas, 'tang ina, mukhang mauuna pang ikasal si Calvin kaysa kay Leopold.
May ting hun daw sila ni Mother Shin gaya ng ginawa nina Patrick at Melanie. Nakapunta ang mga Yu kina Melanie, siguro kasi sobrang malapit sa pamilya ng mga Phoa ang mga Yu. Pero duda akong mapapadpad sina Uncle Bobby sa mga Yu para bumisita gaya ng ginawa ng mga Yu para kina Patrick—kahit pa kung tutuusin, parang magkakapamilya na rin sila.
Nakauwi ako sa bahay na halo-halo ang laman ng utak ko. Pagtapak ko sa kuwarto, kinailangan ko nang mag-isa-isa ng notepads sa wooden organizer ko para ma-sort ko ang mga dapat kong gawin bukas.
Kailangan kong makausap si Madame Olga. Hindi ko lang sigurado kung makakakuha ako ng appointment ngayong gabi kasi maliban sa lampas na sa office hours, Sunday pa. Nag-send lang ako ng appointment letter via email at sinunod na ang task ko bukas para sa office namin ni Leo.
May inventory pala ako bukas, unang araw nga pala ng buwan. Kailangan ko pang mag-check ng collections kasi wala ako nang buong week last week para mag-ikot.
Alas-nuwebe pa lang, sinukuan ko na ang ginagawa ko. Pagkatapos kong maligo, dumeretso na ako sa pagtulog kasi nade-drain lang ako ng ginagawa ko lalo.
Tsk, ang hirap talaga ng maraming dapat gawin.
♥♥♥
Alam na alam ko kung ano ang mga "issues" ni Sabrina pagdating sa ilang bagay-bagay kasi binabanggit ni Rico, binabanggit ni Tita Tess—kumbaga laging may disclaimer pagdating sa akin na, "O, si Sab, ganito ang nangyayari . . ." Kaya kapag nandoon na sa situation, isa ako sa parang obligadong gumawa ng paraan kung wala man si Rico o kahit sino sa pamilya niya. Aware din doon si Will, pero may distansya kasi si Will at ang dami rin niyang commitments para mag-focus lang siya kay Sabrina.
Tanggap ko naman na noon pa na never na akong magkakaroon ng maayos na tulog kasi kahit alas-dose ng gabi, may tatawag at tatawag talaga sa akin para manggulo at ayokong magsalita nang masama sa taong ito kaya itatago ko na lang siya sa pangalang Leopold Scott.
Pero hindi ko alam kung ipagpapasalamat kong hindi si Leo ang tumawag sa akin nang ala-una ng madaling-araw.
"Hi, Clark, this is Mathilda. Are you sleeping?"
Napabuntonghininga ako nang bumangon agad kahit wala pa siyang sinasabi.
"Okay lang. Tungkol ba kay Sab? Gusto na bang umuwi?"
"Actually, I called kasi sigaw siya nang sigaw, nanaginip yata nang masama. Kanina pa siya umiiyak, and she was trembling a while ago. Nag-calm down lang siya after kong painumin ng tubig. Hindi ko na alam ang gagawin ko, promise. No one told me about this."
Wala, napakusot lang ako ng mata at isinuot ang Bluetooth earphone ko bago ibinulsa ang phone.
"Nasaan siya ngayon?" tanong ko, kinukuha na ang susi ng kotse sa nightstand.
"Dito muna kami sa sala."
"Tinawagan mo na si Ronerico?"
"I called you first kasi ikaw ang sinisigaw ni Sab kanina. And I don't think Sab needs a scolding from Ronie tonight."
"Tawagan mo pa rin."
"Fine, I will."
"Papunta na 'ko diyan."
Pababa pa lang ako ng second floor nang mag-chat ako kay Rico para sabihing kukunin ko muna si Sabrina.
Chat lang ang hinihintay ko pero napasagot ako ng call nang bigla siyang tumawag.
"Dude . . ."
Napasimangot agad ako sa timbre ng boses niyang umaalon saka malambing. "Lasing ka, 'no?"
"Kinda. But I'm fine." Bigla pa siyang natawa kaya alam kong lasing nga talaga. Hindi naman siya basta-basta tumatawa nang basta lang.
"Nasa bahay na ba kayo?"
"Not yet . . ."
Ala-una na, hindi pa sila nakakauwi?
"Okay, bale, iuuwi ko muna si Sabrina. Walang gummies 'yon. Si Mat, hindi ine-expect na magkaka-nightmare si Sab ngayon."
"Oooh . . . yeah, yeah. Hmm. Okay."
'Tang ina talaga, sino ba'ng nagpainom nang marami rito kay Rico? Ang hirap kausapin!
"Rico," mahigpit nang pagtawag ko pagpasok ko sa kotse. "Iuuwi ko si Sabina, ha?" mariing ulit ko isa-isa kasi baka hindi niya naiintindihan.
"Like . . . sa house?"
"Sa house ko!"
"Oh . . ."
Nakapagbukas na ako ng gate ng garahe at nakalabas na sa kalsada, wala na siyang naidugtong sa "Oh" niya.
"Kasama mo ba si Jaesie?"
"Yeah. She's driving . . . me crazy." At bigla siyang natawa.
Pota talaga.
"Alam mo, dude, kung lasing ka, pakibigay nga muna ng phone sa asawa mo. Kasi nakakabuwisit ka kausap, e."
"All right, I can do that . . . but Sab can stay with you naman. Just don't do something naughty or whatever. Sab's not gonna say no to you, dude. You're older, you're supposed to be her kuya."
"Ibigay mo kay Jaesie ang phone, ha? Ibigay mo na, please lang," naiirita nang utos ko habang tutok na sa kalsada ang mata.
"All right . . . all right . . . Jaesie, mahal, kakausapin ka raw ni Clark . . ."
"Huwag mo 'kong tawaging mahal! Nabubuwisit ako sa 'yo."
Parang nagising ang diwa ko sa sigaw ni Jaesie. Huli na nang bawiin ko pa ang call, naka-loudspeaker na yata siya.
"Ano na namang problema mo?" naiinis na tanong ni Jaesie, at ramdam na ramdam ko 'yon.
"Please, tell me, hindi ka nakainom, Jae. Importante ang sasabihin ko," nakikiusap na sabi ko sa kanya.
"Wala! Ano ba 'yon?" May pagkairita pa rin sa boses niya pero hindi na gaya kanina.
"Iuuwi ko muna kasi si Sabrina sa bahay ko, pupunta ako sa Sun-Dias bukas para asikasuhin ang kontrata niya sa work. Hindi pa ako nakakapagpaalam kay Tita Tess, pero duda akong gising pa sila ngayon. 'Yang kuya niya, ayokong magsabi diyan kung lasing 'yan. Wala 'yan sa huwisyo sumagot ngayon, ayokong mag-rely sa hmm-hmm niyan."
Sinagot lang ako ni Jaesie nang sobrang lalim na buntonghininga gawa ng inis. Sa layo ng phone, narinig ko pa 'yon.
"Sige na, ako na'ng bahala. Ako na'ng magsasabi kay Mum pag-uwi."
"May work din naman ako bukas, hindi puwedeng magtagal sa bahay si Sab."
"Oo na, sige na."
Hindi na ako nagpaalam, pinatay ko na lang basta ang call.
Sa totoo lang, ang layo ko sa bahay ni Mat. Mahigit isang oras ang biyahe. Habang nasa Magallanes, saka ko lang naalala na hindi pala ako sumilip sa bahay nina Leo kung nakauwi na ba sila. Kung lasing si Rico, baka nagkainuman nga. Gusto ko tuloy itanong kung idinamay ba si Leopold kasi kasama nila ang inaanak ko. Alangan naman hayaan nilang mag-inom-inom ang tatay n'on doon?
Saka ala-una na, bakit ngayon pa lang sila uuwi? Gaano ba katagal ang speech ng mga kamag-anak nina Melanie at inabot na sila ng madaling-araw?
Pagdating kina Mat, sobrang tahimik na talaga ng paligid. Gusto ko na lang matulog pagtapak ko sa bahay niya.
Pagtingin ko sa sofa, nandoon si Sabrina, may yakap na unan.
Lumapit si Mat sa akin at bumulong. "Lasing si Rico, galit pa si Jaesie. Hindi ko sila makausap nang maayos kanina, sorry talaga, Clark."
"It's okay, Mat. Tumawag na rin naman ako sa kanila. Bukas ko na lang tatawagan si Tita Tess kasi, for sure, tulog na sila ni Tito Ric ngayon."
"I'm sure of that."
Tinapik ko na lang ang balikat ni Mat saka lumapit kay Sabrina. Pulang-pula ang ilong, pisngi, at labi niya, halatang galing sa iyak—na naman.
Tumalungko ako sa harapan niya at ipinatong doon sa hita niya ang parehong braso ko.
Hindi ko talaga puwedeng iwan 'to si Sabrina sa kung saan. Wala talagang ibang mag-aasikaso sa kanya maliban sa kuya niya—na lasing pa ngayon kaya hindi maasahan.
Sinuklay-suklay ko na lang ang buhok niya gamit ang daliri para imisin ang mga buhok sa pisngi niyang nagsipagdikitan na roon gawa ng pag-iyak.
"Nakalimutan kong magpaalala kay Mat. Sarado na ang binibilhan mo ng gummies," sabi ko.
Nanginginig na naman ang magkabilang dulo ng labi niya at mukhang iiyak na naman sa harapan ko.
"Doon ka muna sa 'kin. Mahirap yung ganito na kalagitnaan ng gabi, nakakaabala tayo," dagdag ko.
Tumango lang siya at nagkusot ng mata.
Pagtayo ko, inalalayan ko siya sa bandang balikat at likod para itayo na rin siya. Hindi naman na siya nanginginig pero baka biglang bumagsak.
"Mat, doon na lang muna siya sa 'kin. Kakausapin ko na lang si Tita mamayang paggising," sabi ko. "Sorry sa istorbo."
"It's okay, Clark. You better talk to Tita about this. Kahit si Ronie, ginigipit din niya."
"Nakita ko nga kanina sa GC."
Nakaalalay ako kay Sabrina nang yakagin siya palabas ng bahay ni Mat. Hindi siya nanginginig pero ramdam kong nanlalambot ang tuhod niya. Makailang beses din siyang naalanganin ng lakad kaya kailangan kong saluhin.
"Yung mga damit ni Sab, kukunin ko mamaya sa shop mo," sabi ko kay Mat. "Kapag nagtanong si Tita about Sab, alam mo na ang gagawin."
"Yeah. Ingat kayong dalawa sa biyahe."
Isinakay ko agad si Sabrina sa passenger seat at kumaway na lang ako kay Mat para magpaalam mula sa may gate.
Ako na ang nag-seatbelt kay Sab na naiiyak pa rin at tahimik na nagpipigil ng luha.
"Sab, you can't be like this all the time," mahinahong paalala ko sa kanya.
Humikbi lang siya, walang isinagot sa 'kin.
"Dadalhin kita sa bahay ko, but don't do anything sa loob, ha? Kasi may mga alarm doon. Mas lalong hindi ka makakatulog kapag hindi tayo nagkasundo sa house rules ko."
Tumango lang siya at suminghot-singhot.
Hinawakan ko lang siya sa sentido at ako na ang lumapit sa kanya. Saglit ko siyang dinampian ng halik sa gilid ng noo at tinapik-tapik ang balikat niya.
"Kung kaya mong matulog sa biyahe, matulog ka muna."
Tumango lang ulit siya at hindi ko na alam kung ano pa ang dapat sabihin.
Kung alam ko lang na puwede pala kami sa mansiyon ni Rico sa Ivory, sana doon na lang kami nag-stay.
Abala talaga.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top