Chapter 23: Spoiled


Patuloy pa rin sa pagkanta ang singers at nagpi-picture taking na ang iba pang sponsors at pamilya nina Patrick at Melanie doon sa entrance ng auditorium na puro hedges.

Hinabol ko agad si Tita Tess para pakiusapan tungkol sa termination of contract ni Sabrina.

"Tita."

Ang bigat ng buntonghininga ni Tita Tess nang lingunin ako sa gitna ng initan. Salubong na salubong ang kilay niya, hindi ko alam kung dahil sa inis o sa init ng araw. Pero kahit sa nakakunot ang noo niya, para pa ring kumikinang ang mukha at kutis niya sa arawan.

"Tita, sobra naman yata yung termination of contract ni Sabrina sa Sun-Dias."

Walang sinabi si Tita Tess. Nagtaas lang ng mukha at humarap pang lalo sa akin sabay krus ng braso.

"Ang laki ng mawawala kay Sabrina, e. Hindi n'yo ba cinonsider 'yon?" dagdag ko.

"I considered everything, Clark. I kept on considering things for my kids kahit na ayoko," mahigpit niyang sagot sa tanong ko. "Tingin mo ba, gusto ko ang ginagawa niyang endorsements, hmm?"

"Pero, Tita, naging endorser din naman ako—"

"Ah! Of course you knew! You worked before doon sa kriminal na 'yon, di ba? Under ka ng agency niya."

Nabawasan ang itinatabi kong respeto kay Tita nang sumagi agad sa isip ko na si Mother Shin ang tinutukoy niya. Bumagsak ang reaksiyon ko at nagtimpi na lang ako para hindi ko siya masagot.

"Hindi po kriminal si Mother," mahinang sabi ko.

"Wala akong pakialam kung ano ang tingin mo sa kanya! Hindi n'on mababago ang katotohanang marami siyang ginawang mali!" singhal sa akin ni Tita Tess na nakapagpayuko sa akin, tinitiis ang mga sinasabi niya sa kaibigan at babaeng nirerespeto ko bilang pundasyon ng kung ano ako ngayon bilang si Clark Mendoza.

"Alam kong alam mo kung bakit ayokong magtagal ang anak ko sa Olga na 'yon."

"Hindi ko alam, Tita," mabilis na sagot ko at sinalubong ang tingin niya. "At hindi ko rin alam kung bakit mo kailangang mangialam sa trabaho ni Sabrina samantalang wala namang mali sa ginagawa niya."

"Walang mali? Bakit ako nangingialam?" naghahamong tanong niya. "Nanay ako ni Sabrina! Bilang mama niya, may karapatan akong mangialam! Hindi ko gusto ang trabaho niya at hindi ko kahit kailan magugustuhan ang ginagawa sa kanya ng Olga na 'yon!"

"Tita, kung ino-overwork niya si Sabrina, fine! Kakausapin ko ang Sun-Dias. Huwag mo na lang pahirapan pa si Sabrina, Tita. Grabe ka naman sa anak mo."

"At ako pa ang grabe sa anak ko?" Minata ako ni Tita. "Magpasalamat nga siya't hindi pa ako sumusugod sa Olga na 'yon!"

Inirapan lang ako ni Tita Tess at saka siya nagmamadaling naghanap ng masisilungan doon sa gilid ng auditorium.

Haaay, buhay.

Hindi ko alam kung ano ba ang problema ni Tita Tess sa Sun-Dias. Tingin ko, overworked si Sab doon. Marami sigurong ipinagagawa kay Sabrina kaya nagalit si Tita.

Ilang minuto pa, may narinig akong tunog ng bell, nasundan pa ng isa hanggang sa dumami ang sabay-sabay na tunog.

May nagsalita sa speaker, start na raw ng luncheon. Pumunta na raw ang lahat sa court na karugtong ng auditorium.

Doon nakalatag ang panibagong set ng mga mesa na kaninang kinainan lang namin ng tanghalian. At hindi ko alam ang ire-react kasi iba na ang itsura ng lugar kahit ng mga mesang kakainan. May seating arrangement na rin hindi gaya kanina. Magkakatabi na kami sa mahahabang mesa kasama ng mga pamilya namin.

Sakto sa dose katao ang mesa namin. Sa isang dulo si Tito Ric. Sa kaliwang side niya si Jaesie katabi si Rico. Katabi niya si Tita Tess at si Sabrina. Sunod na ako at si Eugene sa dulong upuan katabi ko. Katabi niya at katapat ko si Kyline, sunod si Leo at si Mami katabi si Dadi habang nasa dulo naman si Auntie Filly. Si Will ang nasa kabilang mesa, doon sa mga holy people, kasi wala siyang choice, Vergara din kasi si Father. Lilipat din maya-maya si Auntie Filly sa kanila. Si Calvin ang kasama ng mga Phoa at Vizcarra sa mesa nila.

Hindi ko alam kung magaling lang bang makipagplastikan si Tita Tess pero ang ganda na agad ng ngiti niya sa mga nasa mesa, parang hindi nagalit kanina.

"Mabuti't napaakyat nila kayo sa stage kanina," nakangiting sabi ni Auntie Filly, akala ko kung sino ang kausap, kami pala ni Kyline.

Pilit naman akong ngumiti. "Nagka-emergency daw po kasi yung singers nila, Auntie," sagot ko.

"Narinig ko nga kay Elizabeth. Pero ang ganda ng boses ninyo ni Kyline. Sana sa susunod, kumanta ulit kayong dalawa."

"Oo nga, anak," dagdag ni Mami. "Kung alam ko lang na aakyat ka kanina sa stage, doon sana kami pumuwesto ng daddy mo sa unahang upuan para nakunan kita ng video."

"May video raw sila, 'Mi! Hingi tayo ng copy sa studio after this."

"Mabuti't naging okay naman ang ceremony kahit ang daming delays. I'm really excited sa susunod na ikakasal," biglang sabi ni Tita Tess kaya naiwan ang labi ko sa baso habang umiinom.

Naramdaman kong may sumisipa sa paa ko, at obvious namang si Sabrina 'yon sa tabi ko, pero hindi ko na lang pinansin.

"Next year ang kasal ninyo, Leopold, right?" tanong ni Mami, at gumala na ang tingin ko sa mga nasa mesa para makita ang mga reaksiyon nila.

"Hoping, Tita," nakangiting sagot ni Leo. "Paghahandaan pa kasi namin. Going three na rin kasi si Luan this year. By June, papasok na siya sa school."

Naging topic sa mesa ang magiging kasal ni Leopold na naka-hand sa ere ngayon kaya naka-hang din ako sa ere gaya nila. Next year ang usapan, pero inaasahan talaga naming magbabarkada na ngayong taon 'yon magaganap.

Mas naging kaduda-duda lang nang magtanong ulit si Auntie Filly kung si Rico pa rin ba ang sponsor ni Leo sa kasal, wala akong narinig na kahit ano kay Tita Tess hindi gaya noong kasal ng panganay niya.

Usapang pera 'yon at walang salita mula kay Tita Tess. Hindi rin naman siya mukhang payag, pero hindi siya kumontra.

Nag-aabang ako ng iba pang wedding request kasi alam kong may plano si Tita Tess na ikakasal ang bunso niya ngayong taon, pero ang bukambibig lang nila sa mesa . . .

"May plano kayong mag-anak ni Ronerico?" tanong ni Mami kay Jaesie. "Sorry sa tanong ko, hija, sana hindi offensive sa 'yo."

Naging matipid ang ngiti ni Jaesie kay Mami nang silipin ko siya. "Okay lang po, Tita. We're planning to have a baby soon."

"Narinig ko na 'yan sa 'yo noong nakaraang taon. Nakakapaglakad na sana 'yon ngayon kung talagang ginagawa n'yo," mahinang sinabi ni Tita Tess pero dinig pa rin naming lahat.

"Mum," sita tuloy ni Rico. "We're doing our best, okay?"

"Paano kayo gagawa ng anak, buong araw kayong nasa trabahong dalawa?" sermon ni Tita kaya napangiwi ako sabay lagok ng juice.

"Tessa," pag-awat na ni Tito Ric sa asawa niya.

"Hmp!" Umirap lang si Tita Tess at uminom sa wine glass niya bago tumahimik kahit parang masama pa ang loob.

Nag-aabang si Tita Tess ng anak kina Early Bird. Si Mami, parang may sasabihin pa pero hindi na lang itinuloy.

Natanong siguro 'yon ni Mami kasi 30 years old na si Jaesie. Sa tanong pa lang niya, halatang hindi siya nanghihingi ng anak kay Jaesie. Tingin ko, may balak pa siyang sabihin na hindi magiging pabor sa opinyon ni Tita Tess, hindi lang niya itinuloy.

Noong ipinanganak kasi ako ni Mami, hindi na sila nag-attempt ni Dadi na mag-anak pa. Nakalimutan ko na ang kuwento nila, parang trauma yata sa panganganak.

Hindi ako hinahanapan ni Mami ng girlfriend, pero natanong niya ako minsan kung may anak na ba ako kasi ang dami ko raw kasamang babae. Baka lang may nagkamali kahit isa.

Sorry na lang kay Mami, maharot lang ako, pero hindi naman ako basta-basta mambubuntis ng kung sinong babae lang. May inuuwian pa nga akong dalawang anak sa kapitbahay, paano ako magdadagdag ng iba pang baby sa buhay?

And speaking of baby, napansin ko si Sabrina na hindi na naman mapakali. Kapag natotorete siya, ang likot ng mga daliri niya. Kapag inaatake ng anxiety, kinukurot ang sarili. Kapag frustrated na talaga siya, basta masaktan niya ang sarili niya, talagang gagawin niya, e. Kaya kailangan talaga niyang binabantayan.

Ipinatong ko ang kanang braso ko sa upuan niya saka siya kinausap, "Tahimik ka yata."

"Do I have to say something?" mahina niyang tanong.

"Hmm . . . puwede mong klaruhin sa kanila ang tungkol sa wedding ngayon pa lang."

"Hindi ba masyadong passive kung random kong ibi-bring up?"

"Actually, yeah. Pero halatang anxious ka kasi. Kanina ka pa nagfi-fingertap diyan. Ano ba? Ano'ng gagawin ko?"

"Waiting ako ng announcement ni Mum," sabi niya at nailipat ang tingin sa plato niya bago natulala roon. "I can't talk right now about the wedding kasi wala pa naman siyang ina-announce."

"Hayaan mo muna 'yan," sabi ko na lang. "Wala pang announcement, huwag muna tayong mag-assume."

Halos buhatin ko ang upuan niya para lang ilapit siya sa 'kin. Pinagsalikop ko ang mga kamay namin para lang awatin siya sa ginagawa niya. Hindi na nga nag-fingertap, ilang beses namang pinatunog ang daliri kahit hindi na nga naka-crack.

Kumalma na rin siya dahil doon. Sabay ko silang inaasikaso ni Eugene na nanghihingi ng pagkain sa mesa na hindi pa niya natitikman.

Dapat pala, counted si Sabrina sa mga anak ko sa labas.

"Ninong Clark, can I have that jelly?" pabulong na turo ni Eugene sa gelatin na nasa maliliit na cup doon banda sa puwesto nina Rico.

"Ano pa?" tanong ko.

"That's all lang po."

Inabot ko naman para ibigay kay Eugene ang tinuturo niya.

Kompara kay Luan, mas soft si Eugene sa lahat. Saka sabi ko rin na dapat maging mabait siya lagi para marami siyang nakukuhang blessings kay Papa God.

Kay Eugene nga lang ako nagiging relihiyoso para naman lumaki ang anak ni Leo na hindi barumbado. Para na nga siyang Patrick 2.0 na hindi nga lang spoiled brat. Ang laking pasalamat ni Leo na matalino si Eugene, running for salutatorian pa at champion sa swimming.

Si Luan, matalino rin naman kahit ilang taon pa lang. Pero ramdam din namin na gagamitin ni Luan ang talino niya sa masasamang bagay—ginagawa na niya, actually. May plano yatang world domination si Luan as early as two.

Busy ang mesa sa halo-halong usapan nang mapansin kong ang bigat na ng ulo ni Sabrina sa balikat ko. Tinatapik-tapik ko kasi ang hita para hindi nagkukutkot ng daliri. Ang kaso, mukhang inaantok na, ginagawa pa akong unan.

"Huy, bawal matulog dito. Nasa mesa tayo," sabi ko.

"Inaantok ako sa ginagawa mo."

"Gusto mo na bang matulog?" tanong ko. "Ipaalam kita kay Tita Tess, sabihin ko, pagod ka."

"Saan ako matutulog? Sa van?"

"Doon sa tinulugan n'yo nina Jae, saan pa ba?"

"Eh? Wala akong kasama?" Ngumuso lang siya at mas lalo pang isinubsob ang mukha sa balikat ko.

"Mamayang gabi pa matatapos 'tong ceremony. May after-party pa. Samahan kita?"

Sinalubong niya ang tingin ko at kita ko ang tuwa sa mga mata niya, pero tinatago lang.

Gusto lang talaga nito tumakas kay Tita Tess, e.

"Isasama ko si Eugene," biro ko kaya napasimangot agad siya. "Hahaha! Joke lang."

Wala pa akong naririnig tungkol sa kasal namin ni Sabrina pero aasahan ko nang mababanggit 'yon ni Tita Tess dahil sinimulan na niya kay Leo.

Lumapit ako kay Tita para ipaalam ang anak niyang paniguradong gusto lang tumakas pero hindi alam kung paano aalis.

"Tita."

"Hmm?" Bahagya lang siyang lumingon sa 'kin.

"Nagkukutkot na naman kasi ng daliri niya si Sab. Hindi yata komportable rito. Baka puwede ko nang dalhin muna sa Manila para makapahinga siya? Sasamahan ko naman."

Ang bigat ng buntonghininga ni Tita Tess nang lingunin ang bunso niyang kadikit na halos ng upuan ko at malayo na sa tabi niya.

Umikot lang ang mata ni Sabrina habang nakanguso.

"Iuuwi ko na lang para hindi siya nagta-trantrum dito," dagdag ko. "Baka mapansin kasi nina Tita Liz."

Walang sinagot si Tita Tess. Tinapik lang ako sa balikat at sumenyas para palayasin ako.

Pumayag na si Tita Tess, sinunod kong magpaalam kay Eugene tapos kay Leo bago kay Rico. Pumayag lang silang lahat nang wala nang kahit anong salita, tingin ko, naintindihan agad ako kahit wala pa akong mahabang ipinaliliwanag.

Binalikan ko na rin si Sabrina nang makapagpaalam ako sa kanilang lahat.

"Tara na, Sab."



♥♥♥



Wala akong ibang naramdaman ngayong araw kundi init at sama ng loob kasesermon ng matatanda roon sa auditorium.

Sa totoo lang, okay naman sana ang kasal nina Patrick. Hindi ko lang siguro maramdaman ang mismong kasal kasi lagi kaming bantay-sarado ng mga lola roon. Ni hindi ko nga kilala yung mga lola na pumalo sa amin kanina! Mabuti sana kung sila ang nagpapakain sa amin kapag nasa mansiyon kami nina Mel, e hindi naman!

Sumaglit kami sa mansiyon nina Mel bago kami bumiyahe ni Sabrina pabalik ng Manila.

Ilang beses inireklamo ni Sabrina ang kasal naming dalawa at kontrata niya sa Sun-Dias.

Iniisip niyang dahil sa kasal namin kaya ginagawa 'yon ni Tita Tess, pero malakas ang kutob kong hindi.

"Tingin mo ba, gusto ko ang ginagawa niyang endorsements, hmm?"

"Pero, Tita, naging endorser din naman ako—"

"Ah! Of course you knew! You worked before doon sa kriminal na 'yon, di ba? Under ka ng agency niya."

Kung tungkol sa kasal ang ginagawa ni Tita Tess, doon lang talaga siya sa kasal magsasalita. Pero dinamay na niya si Mother Shin na nananahimik. Dinamay niya ang Red Lotus kung saan ako nag-e-endorse noon.

Alam kong galit siya kay Mother Shin, pero ramdam kong kapareho 'yon ng galit niya—o mas sobra pa—sa agency ngayon ni Sabrina.

Gusto kong malaman ang side ng Sun-Dias dito, kasi walang lumalabas sa public na issue tungkol sa brand ni Sabrina. Kung may blind item man, baka yung mga tungkol sa katarayan ni Sab 'yon—na totoo rin naman at hindi namin itatanggi.

Tirik na tirik ang araw nang bumiyahe kami. Hindi pa kami nakakalabas sa farm, kinukurot na naman ni Sabrina ang hita niya habang nakatingin sa labas.

Kinuha ko na lang ulit ang kamay niya para patigilan siya sa ginagawa niya.

Si Rico, lagi ring reklamo 'yon kay Sabrina. May mga marka na kasi talaga ng kuko sa balat kaya hindi masabing minsan lang ginagawa. Binigyan na nila ng fidget ring si Sab ang kaso, ayaw namang suutin kasi nirereklamo raw ni Ivo na masakit sa kamay kapag hinahawakan siya.

Uunahin pa ba nila ang kalandian nila, e inaatake na nga si Sab ng anxiety?

Minsan, hindi ko na talaga alam sa mga taong 'to kung paano nag-iisip, e.

"Clark."

"O?"

"Bakit mo hinahawakan ang kamay ko?"

Napatingin ako kay Sabrina para tanungin siya kung seryoso ba siya sa tanong na 'yon. Of all people, siya ang dapat nakakaalam ng sagot sa tanong na 'yon.

Ten years old pa lang siya, paulit-ulit ko nang sinasabi sa kanya na kapag natatakot siya, kapag hindi siya okay, kapag masama ang pakiramdam niya, hawakan niya lang ang kamay ko. Hindi ko tuloy alam kung kinalimutan lang ba niya o gusto lang niyang ulitin ko na naman ang sagot sa tanong na 'yon.

"Mahirap ba ang tanong?" sabi niya, hinahamon ang katahimikan ko.

"Walang mahirap sa tanong," sagot ko. "Alam ko lang na alam mo naman ang sagot."

"Hindi ko alam," sabi niya.

"Sab, puwede mo namang sabihin kung kailangan mo ng validation. Madali naman akong kausap."

"I'm just asking why are you holding my hand."

"To calm you down. Next question."

Tinawanan niya 'yon na puno ng pang-aasar. Hindi ako natutuwa. She's hurting herself. Paulit-ulit. Unconsciously, naiintindihan ko na baka nga hindi niya napapansin. Pero madalas kasi, lalo kapag gusto niyang saktan ang sarili niya para lang masunod ang gusto niya, sinasadya na niya.

Gusto ko siyang maging cooperative. Hindi rin naman kasi sa lahat ng oras, mababantayan ko siya. Mabuti sana kung sa kanya lang umiikot ang buhay ko ngayon.

Sa haba ng biyahe, inabot na kami ng alas-singko pasado pagkarating namin sa Makati. Dumeretso kami sa condo ni Sabrina para nga makapagpahinga siya kasi buong araw talaga siyang nagamit ngayon as part ng team na nakatoka sa wardrobe.

Ang kaso, pagtapak namin sa loob ng elevator, may pulang notice na ang penthouse button. Unavailable raw.

"Whoa," mahinang sabi ko habang nakatitig sa red tape. "It's getting worse."

Nagmamadali si Sabrina nang sumugod sa front desk.

"Shaun, care to explain why may red tape ang penthouse ko?" tanong niya nang mamaywang sa attendant.

"My apology, Miss Sabrina," naiilang na sagot nitong Shaun. "Naglapag po ng memo ang management, temporarily unavailable ang penthouse until further notice."

"But my things are there!" pagturo ni Sab sa elevator.

"Na-pick up na po ang ibang personal things ninyo yesterday, and the instructions given to us were to inform you that Madame Tessa was asking you to move to her house, in the meantime."

"No," umiiling na sabi ni Sab. "No, no, not Mum, no!"

"Sorry po, Miss Sabrina."

"Puwede ko bang makausap ang manager?"

"Nasa meeting po siya ngayon with the executives, puwede po kayong maghintay until 8:30 para sa kanya."

"Eight—what the fuck?"

Nakaawang lang ang bibig ni Sabrina habang sapo-sapo ang noo.

Pinasara ba ni Tita Tess ang penthouse ni Sabrina? Duda akong posible 'yon. Maglalabas talaga siya ng malaking halaga para lang mangompromiso ng unit dito sa condo.

Kung tungkol pa rin 'to sa kasal namin ni Sabrina, ang laki na ng nagagastos ni Tita!

Gusto kong kampihan si Sabrina ngayon kasi parang ginigipit siya ni Tita Tess sa lahat ng commitments niya. Pero kakailanganin ni Tita ng malaking pera para lang sa termination of contract ni Sabrina o kahit dito sa pagpapalayas kay Sabrina sa condo niya.

And besides, kung si Tita Tess ang nandito, hindi niya ipasasara ang penthouse ni Sab. Kakaladkarin lang niya si Sab pasakay sa kotse hanggang maiuwi ang bunso niya sa Dasma.

Bakit naman kasi siya gagastos para lang ipasara ang unit dito sa Ayala kung nadadaan naman sa sabunot ang anak niya, libre pa?

May mali talaga sa mga nangyayari. Hindi ko lang maintindihan kung bakit sila napunta sa ganitong sitwasyon.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top