Chapter 22: Under the Table


Si Patrick na ang nagbibigay ng vow, at kahit gusto kong makinig nang mabuti, hindi ko na nagawa kasi tinatawag na talaga ako ng kalikasan.

Nagpaalam na ako kay Will kasi hindi ko na puwedeng tiisin 'to, baka magkasakit pa ako nito sa bato.

"'Tol, jingle lang ako," paalam ko kay Will.

"Sige lang."

"Kapag hinanap ako, sabihin mo, nag-restroom."

"Larga."

Inayos ko na ang suit ko pagtayo at nag-jogging na paalis sa may waterway kung nasaan kami.

Palabas pa lang ako ng linya ng upuan namin, napansin ko na agad si Sabrina na nakaabang sa dulo. Parang alam yatang lalapit ako.

Palingon-lingon ako kina Patrick kasi nagsasalita na si Pat, mas malakas na ang sound sa speaker na malapit sa amin.

"May kailangan ka?" tanong ko at halos yukuin na si Sabrina, magkarinigan lang kami.

Sabay na kaming naglakad, hindi ko alam sa kanya pero sigurado akong banyo ang punta ko.

"Nagpadala ng notice si Mum sa agency ko na ikakasal na tayo," biglang sabi niya na tinanguan ko naman.

"And then?" sagot ko pa.

"Ite-terminate nila ang contract ko sa Sabrina's kapag ikinasal ako. I must remain single or else, mare-revoke ang brand ko!"

"Oh, wow." Saglit akong natigilan sa paglakad. "Kailan mo nalaman?"

Pag-abot niya ng phone niya sa 'kin, binasa ko agad ang nasa screen habang paisa-isang lakad kaming dalawa.

"May I remind you about the terms of our contract:

3.2.2

To maintain the face of Sabrina's, the client must remain on her civil status: single, to keep the brand exclusive for single women.

We are still in consideration of your trademark revocation. I am hoping you have time so we can talk privately regarding your upcoming wedding and the termination of our contract."

"Aw! Oo nga pala, may market nga pala kayong hini-hit. I see, I see."

Alam na kaya 'to ni Tita Tess?

Ay, wait.

Binasa ko ulit ang naunang part ng email.

"It has come to my office that you are planning to get married soon, and we already received the notice from your office."

Walang ibang nakakaalam nito kundi kami-kami lang saka si Tita Tess. Hindi pa nga sigurado.

Si Tita nga pala ang may gawa, sabi rin niya kanina.

"Kung sakali palang ikasal ka, magre-rebranding ka," sabi ko.

"Hindi ko na mare-rebrand ang Sabrina's. Ang daming naka-lineup na marketing plans and brand strategy for this year ang brand ko. January pa lang, Clark. Saan ako pupulutin kung mawawala sa akin ang business ko?"

Shet.

"Mas complicated na pala ang situation natin ngayon. Pag-usapan natin 'yan after ng wedding. Sunday ngayon, walang office." Iniabot ko agad sa kanya ang phone saka dumeretso sa men's room para maglabas ng sama ng loob.

Para tuloy alam ko na kung bakit may ganitong termination notice si Sabrina. Ang ganda pa naman ng proposal ni Tita Ali sa 'kin para maging talent manager ni Sab.

Pero na-curious ako kasi sa disclaimer ni Tita Ali. May isang clause daw sa contract ni Sab na against na sa philosophy ng mga Dardenne. Hindi ko pa nababasa ang buong kontrata ni Sabrina pero iniisip ko kung ano kaya ang posibleng clause na 'yon.

Sa commission? Sa cut ni Sab? Sa distribution ng projects?

"Gustong sulutin ni Tita Ali si Sabrina sa Sun-Dias . . . ang reason na ibinigay nila sa management, kasi ikakasal na si Sab at bawal 'yon sa contract."

Para akong timang na kinakausap ang sarili habang naghuhugas ng kamay sa sink.

"Para pa ba 'to sa kasal?"

Nakailang paling ako ng ulo sa gilid habang iniisip kung bakit 'yon gagawin ni Tita Tess.

Para lang ako ang mag-manage kay Sabrina kasi ikakasal na kami? For sure, aware si Tita Tess sa magiging financial loss nito para kay Sabrina. What if magbayad pa sila ng fee kasi nag-breach si Sab ng contract? Knowing Tita Tess, duda akong papayag siyang gumastos dahil lang gusto niyang maikasal kami ng anak niya. E, bumabanat nga siya ng kung ayaw kong pakasalan si Sab, may Archie option siya.

Hindi ko gets.

Hinanap ko si Sabrina sa paligid pero wala siya. Sinubukan kong sumilip doon malapit sa aisle kung nasaan ang mga photographer nakatambay at nakita ko siya roon sa gitnang upuan, sa hilera ng mga nag-ayos ng gown ni Melanie mula pa kaninang umaga.

"Sab."

Payuko-yuko akong nag-excuse sa mga siniksik ko ang tuhod para lang makalampas ako papunta kay Sab sa gitna.

"Sab."

Mabilis niya akong napansin at nakasimangot na naman siya.

Paghinto ko sa tapat niya, tumalungko ako sa harapan at ipinatong ko ang mga nakatupi kong braso sa may hita niya. Tiningala ko siya saka ako sumimangot gaya ng reaksiyon niya.

"Kanina ka pa nakasimangot. Akala nila, nag-away tayo."

"Pinagso-sorry ka ba nila?" tanong niya, mataray pa.

"Joke lang," sabi ko. "Anyway, may copy ka ng contract mo sa Sun-Dias?"

"Sa email, meron."

"Send mo later. Ire-review ko."

"Kausapin mo nga si Mum. For sure, hindi siya makikinig sa 'kin e. Wala naman sa usapan na magpapadala siya ng notice sa agency ko. Ni hindi nga ako aware na ipu-pursue pala niya ang wedding natin."

Napabuntonghininga ako habang nakatunghay sa kanya, pinanonood lang siyang magtaray at utusan ako. Kitang-kita ko ang stress sa mukha niya mula sa pagkakaupo ko.

"I have so many plans for this year, and I'm not gonna let her ruin my projects because of her bravado. And I'm not gonna marry you if that means I'm gonna lose everything I worked hard for the past years of my profession."

Gusto ko sanang sabihing, "Sab, sure na 'kong magpapakasal ako sa 'yo this year, e."

Napabuntonghininga na lang ako nang maisip na mas maraming mawawala sa kanya kapag ikinasal kami.

Alam ko kung gaano kahirap gumawa ng branding at kung gaano 'yon katagal ine-establish bago maging memorable sa market.

Napabuntonghininga na naman ako at inisip kung okay lang bang piliin na lang niya ang kasal namin kasi magye-yes naman na ako.

"I have so many plans for this year, and I'm not gonna let her ruin my projects because of her bravado . . ."

Ayokong isiping tungkol 'to sa kasal namin ni Sabrina, kasi tingin ko naman, hindi gagawa ng business proposal si Tita Ali dahil lang gusto ni Tita Tess. After all, si Tita Ali ang kausap ko rito, hindi si Tita Tess. To think na nakakausap ko lang si Tita Ali if things are going south and Tita Tess can't handle things na hindi niya forte.

"I'm not gonna marry you if that means I'm gonna lose everything I worked hard for the past years of my profession."

Hindi ko alam ang gagawin ko, shet.

Kung malilipat sa akin si Sabrina, uulit na naman siya sa umpisa kasi rebranding na naman 'yon.

Pero baka kaya naman naming iahon ni Leo 'to.

Kaso sayang talaga yung existing projects ngayon.

Pero baka kaya naman naming i-rebrand ni Leo.

Payag kaya ang Sun-Dias na manguha kami ng formula? Hindi kaya kami kasuhan ng pagnanakaw n'on?

Haaay, buhay.

"Pag-iisipan kong mabuti 'to," sabi ko na lang pagtingin sa kanya. "May schedule ka ba ng projects mo dapat for Sabrina's?"

"I already have it sa email. I'm not sure if tuloy pa 'yon after Mum's stupid decision of taking the marriage thing to Madame Olga."

"Pero sabi doon, kakausapin ka pa raw muna nang personal, di ba?"

"For sure, sa clearance 'yon. Baka mag-penalty pa 'ko because of breaching my contract."

"Malamang."

"Kailan mo kakausapin si Mum?"

Napailing na lang ako. "Kung kakausapin ko si Tita Tess, walang patutunguhan 'to. Ire-review ko muna ang contract mo. Tapos naman na ang wedding today, may pasok ka bukas?"

"Mum cleared all of my schedules. May pasok dapat ako, pero wala na dahil canceled na lahat!" pigil na hiyaw niya, pinandidilatan ako. "She's starting to control my finances to control me. She already did this to Kuya, and now she's doing this to me!"

"Easy ka lang." Tinapik-tapik ko ang hita niya kasi titili na naman, hindi pa tapos ang ceremony. "Gagawan nga natin ng paraan, di ba? Chill ka lang. Ako'ng bahala sa 'yo."

Nilingon ko ang altar at hindi ko na narinig ang buong vow ni Patrick—ni wala nga akong naintindihan ni isa sa kahit anong sinabi niya!

"Patapos na sila. Magpi-picture taking na." Tumayo na ako at pinalapit si Sabrina sa akin. Niyakap niya naman ako mula sa baywang kaya tinapik-tapik ko ang likod niya para pakalmahin.

"Ido-double-check ko muna ang plano ni Tita Tess. Siguro pag-uwi, send mo agad sa akin ang copy ng contract mo saka yung calendar ng Sabrina's ngayong year. Kung possible, pati FS copy ng previous three fiscal years para mache-check ko ang potential loss kung sakaling daanin ka na sakal ni Tita."

Pinisil ko nang isang beses ang pisngi niya at yumuko ako para marinig niya akong maigi.

"Babalik na muna ako sa puwesto ko. Hahanapin kita mamaya." Tinapik ko siya nang isang beses sa likod at kumalas na rin siya sa pagkakayakap sa akin.

Naglakad ako paalis doon sa puwesto nilang mga nasa preparation team—na malamang, magpa-pack up na maya-maya.

Paglabas ko sa area nila, nilingon ko pa ulit si Sabrina na nag-aalala pa rin ang tingin.

Sumenyas ako saka nag-thumbs up. "Mamaya."

Nababalisa akong bumalik sa puwesto namin habang patapos na ang ceremony. Nagsasalita na ulit si Father pero hindi ko nada-digest.

Hindi puwedeng magpakasal si Sabrina ngayon, at naintindihan ko ang rason legally. Siguro, sa aming dalawa ni Sabrina, mas klaro 'yon para humindi siya hindi gaya ko. Kaso 'yon ang problema.

Naka-oo na kasi ako sa kasal naming dalawa.

Habang iniisip ko na hindi ako dapat maging selfish this time, napapabusangot ako.

Gusto ko na lang munang i-review ang kontrata kasi baka nga may kung ano roon na dahilan kaya gustong paalisin doon nina Tita si Sabrina.

Siguro sa porsyento? Baka hindi na sumusunod sa porsyento? Maganda naman kasi ang records ng Sabrina's sa market. Hindi ko lang maisip kung ano ba ang posibleng dahilan kaya kailangang i-terminate ang contract ni Sab.

Ayokong isipin na tungkol talaga 'to sa kasal namin ni Sabrina kasi hindi ko makita si Tita Ali na magiging ganito ka-petty over a simple wedding. Si Tita Tess, puwede talagang gawin niya 'yon. Pero si Tita Ali, mahigpit siya sa pera. Alam niyang magkakaroon ng loss dito si Sabrina na mas malaki sa inaasahan nila, pero talagang desidido siya dahil sa isang clause na binanggit niya sa proposal.

'Yon siguro ang dapat kong isipin ngayon kasi tingin ko, mabigat 'yon para mag-abala si Tita Ali na bumiyahe para lang kausapin ako.

After ng picture-taking sa may fountain, nilapitan kami ni Pamela, isa sa event's organizers habang nagkukumpulan kami sa gilid at nagsasariling picture sa bagong kasal. Naiilang pa siyang nagtanong.

"Sorry po, pero puwede pong magtanong?" nahihiyang sabi niya.

"Yes, go ahead," sagot ni Rico.

"Wala pa po kasi ang mga singer, nakapag-text naman po sila na may emergency. Ngayon lang po namin nakita online na may nakabanggaan daw po ang sinasakyan nila. Itatanong ko lang po kung may singer po sa inyo na magpe-perform mamaya. Baka po puwedeng i-adjust muna ngayon hehe."

Kumunot agad ang noo ko.

"Alam na 'to ng mga Vizcarra?" tanong ni Rico.

Nangasim ang mukha ni Pamela, halatang hindi pa. "Sir, sabi po ni Madame, gawan daw po namin agad ng paraan kasi naghihintay ang mga bisita. Inaayos pa ang luncheon."

"Ayun lang," magkasabay pang sabi namin ni Will.

"Wala kasing kakanta sa 'min," paliwanag ni Calvin.

"I can sing! Ilang songs?" presinta agad ni Kyline.

"Siguro po, kahit ilan hanggang makarating po rito ang mga singer," sagot ni Pamela at tumingin sa relo niya. "Nakapag-Grab naman na raw po sila. On the way na, pinakisuyo lang po ang delay. Unexpected din po kasi."

"Sige, I'll sing!" masayang sagot ni Kyline.

"Mag-isa ka lang?" tanong ni Leo.

"You wanna sing with me, Love?" tanong ni Kyline sabay pa-cute.

Biglang tumipid ang ngiti ni Leo. "Kunan na lang kita ng video, Love. Remembrance."

"Aww . . ." Napanguso si Kyline, dismayadong tinanggihan ng asawa niya.

"Hoy, Clark, samahan mo si Ky sa stage para may pakinabang ka."

"Hoy, gago, dinamay mo pa 'ko diyan," sabi ko agad.

"Para hindi 'yan mag-isa! Dali na!" Itinulak-tulak pa niya 'ko.

"Paos ako, ulul."

"Pake ko. Samahan mo na! Tagahawak ka ng mic para may saysay pag-iral mo sa mundo."

Sinapok ko agad siya. "'Tang ina mo, pakialam mo sa pag-iral ko sa mundo?"

"Dali na!" Ang ingat-ingat ng pag-alalay niya kay Kyline tapos pagdating sa 'kin, halos ipagtulakan ako para lang sumama kay Pamela. "Ayusin mo, ha. Bi-video-han ko asawa ko, huwag kang magkakalat."

"Ulul. Kakantahan ko talaga 'to ng Endless Love, taena mo, ha."

Waiting pa ang lahat sa time ng luncheon kaya may ilang song numbers pang mapapanood bago kami dumeretso sa pagkain. Ang dami nang nagrereklamo na bakit ang tagal, sa likod pa lang ng stage, napapangiwi na ako.

Mukha talagang may magko-concert ngayon imbes na kasal.

"Sir, may prompter naman po sa harap ng stage. Nakalagay roon ang lineup ng songs, pero ito po ang list ng song na ni-request sa amin."

Ipinakita ni Pamela ang program sa amin. Sakto na tatlo sa kanta, alam namin ni Kyline. Duet ang karamihan at kantang pangkasalan ang karamihan.

"Sige, game," sabi ko at kinuha na ang isa sa mic na bigay ni Pamela.

Ramdam ko ang stress nina Pamela. Sa backstage pa lang, ang gulo na nilang lahat, naghahanap kung nasaan na raw ang singers.

"Kinakabahan ka?" tanong ko kay Kyline.

Ang tamis ng ngiti niya nang umiling. "I'm excited."

"'Yan gusto ko sa 'yo, my loves, e. Hindi ka marunong kabahan, hahaha! Sana all." Inakbayan ko siya saka tinapik-tapik sa balikat. "Tara na, baka mabato pa tayo ng sandals kapag nainip 'yang audience."

Mula sa black cloth sa gilid, umakyat kami mula roon ni Kyline at napahugot ako ng hangin nang makita ang napakaraming tao sa harapan.

"Good afternoon, everyone!" bati ni Kyline sa kanilang lahat habang naglalakad kami papunta sa gitna ng stage. "I hope you're enjoying the Vizcarra-Lauchengco nuptial!"

Ito ang isa sa gusto ko kay Kyline. Hindi siya nahihiyang magsalita sa harap ng maraming tao. Siguro kasi gusto talaga niyang nagdadaldal sa kung sino-sino.

"Let's give a round of applause for Patrick and Melanie. Congratulations, newlywed!"

Sabay-sabay naman kaming pumalakpak para kina Patrick at Melanie gaya ng sinabi ni Kyline.

"While we're waiting for the luncheon, we will be having short programs. I'm Kyline Chua." Sunod niya akong itinuro.

"I'm Clark Mendoza," pakilala ko.

Bumaba ang tingin ko sa gilid ng stage papunta sa gitna kasi nakayuko pang maglakad doon sina Leo para makapagpasintabi sa mga nadadaanang nakaupo sa harap. Kahit walang upuan doon, nagsipagpuwesto sila sa harapan ng stage at nag-ready na ng sari-sariling phone.

Kinalabit ako ni Kyline at itinuro ng ulo ang monitor sa harapan namin. Nagro-roll na sa prompter ang unang song: Ikaw Lamang.

"I hope you have a bountiful marriage, Pat and Mel. This is for you both," masayang sabi ni Kyline sabay hum pagsimula ng into ng kanta.

Ako ang unang line kaya hinabol ko ang intro kasi na-late pa ako ng beat.

"Ikaw ang pangakong taglay ng isang bituin . . ."

Ang tamis ng ngiti sa akin ni Kyline saka pumalakpak nang mahina. Pumalakpak din tuloy ang audience.

Kumakanta rin naman ako in public . . . but not this public.

"Ikaw ang pag-ibig sa araw at gabi . . ." pagkanta naman niya sa part niya.

Pumalakpak din ako sa kanya. Pero itong mga nasa ibaba namin, may pagsipol pa. Si Leo, nagtaas lang ng isang kamay at gumawa ng I love you hand sign sa asawa niya. Tutok ang tingin niya sa phone habang bi-video-han si Kyline.

"Langit ang buhay sa tuwing ika'y hahagkan . . ." pagsabay namin ni Kyline, nakaharap sa isa't isa. "Anong ligaya sa tuwing ika'y mamasdan . . ."

Ang ganda talaga ng boses ni Kyline. Ang lamig-lamig sa tainga, humahagod. Buti kahit isa sa mga kasama naming babae, boses makatarungan. Sina Jaesie at Melanie kasi . . . ayoko na lang mag-talk. Ang mahalaga, mauutak silang mga babae.

"Sa piling mo, ang gabi'y tila araw . . . ikaw ang pangarap, ikaw lamang . . ."

Napasulyap ako sa prompter sa iba nang makitang babae pala ang kakanta. Kanta pa ni Regine, hindi ko bibiritan 'to, kaya na 'to ni Kyline.

Gumilid tuloy ako at nag-voiceover nang kaunti.

"This song . . ." sabi ko sa mahinang voice, kunwaring DJ announcer habang naka-cover ang kamay sa mic. " . . . is brought to you by Silka Papa—" Hindi ko natapos ang sinasabi nang may pumuwesto sa ibaba ng stage na lolang may hawak na pamaypay at tinataasan ako ng kilay. Pagsulyap ko kina Will, nangingisay na walang boses ang pagtawa roon sa puwesto nila.

"Joke lang po. Sorry po," sabi ko agad at payuko-yuko para humingi ng sorry saka pumaling kay Kyline na kumakanta pa rin.

"Pangarap ko . . . ang . . . ibigin ka . . ." birit ni Kyline. "Ikaw na lang ang siyang kulang sa buhay kong ito . . ."

Para akong batang naghihintay sa nanay niyang matapos makipagtsismisan doon sa gilid. Nakatayo at nakabagsak ang mga kamay sa harapan.

Ang killjoy talaga ng mga tao rito kina Melanie. Mga nakakabuwisit na nga ang mga bata, ang ki-killjoy pa ng matatanda.

Tinanaw ko na lang ang buong audience at inisa-isa ang puwedeng makita ng mga mata ko. Naghanap ako kahit isang pamilyar na mukha ng mga Yu, pero nasuyod na ng mata ko ang mga upuan, walang Yu kahit isa roon.

Sa wakas, nang magpalit ng kanta, pakiramdam ko, may silbi na ulit ako sa stage. Pero habang nakatitig sa prompter, natatawa ako sa song list. Takip-takip ko ang bibig gamit ang kamaong may mic.

Ano ba 'tong mga pinili nilang kanta?

Ako na naman ang intro at natatawa akong kumanta.

"Bakit di magawang limutan ka? Bawat sandali, ika'y naaalala . . ."

Nakikita ko sina Will na natatawa sa ibaba ng stage.

Sumunod na si Kyline sa part niya.

"Kahit pilitin kong damdami'y magbago, ikaw pa rin ang hinahanap ko . . ."

'Tang ina, paano magseselos nito si Leo sa 'min ni Kyline, e puro meant for Patrick and Mel ang nasa song list hahaha!

"Kaya't hanggang ngayon . . ." pagkanta ni Ky.

"Hanggang ngayon," pagsalo ko.

"Ikaw pa rin ang iniibig ko . . ."

Ang ganda ng ngiti ko kay Kyline kasi natatawa talaga ako. Ang genius ng namili ng mga kanta.

Mula sa puwesto ko, nakita ko si Pamela na sumesenyas na sa amin na okay na raw kahit kumakanta pa kami ni Kyline.

"Ikaw lamang hanggang ngayon . . ."

Pinatapos lang namin ang kanta at inginuso ko kay Kyline ang gilid ng stage. Nakaabang na roon ang mga singer talaga ngayon.

"Thank you so much for being here, everyone! Let's give a hand to Ms. Ava Sarmiento and Mr. Ariel Valdez," pakilala ni Kyline sa mga singer, at saka kami um-exit sa gilid ng stage.

Hindi ako kinabahan pero namawis ang kamay ko. Pagdating doon, tawa pa rin nang tawa sina Will.

"Hindi ka nakapagkalat, 'no?" buyo pa ni Calvin sa 'kin. "Binantayan ka ni Hermana hahaha!"

"Ang boring tuloy!" naiinis na sabi ko.

Ang aaliwalas ng ngiti sa amin pagbaba namin sa backstage. Nagkikinangan ang mga mata nila roon pagdaan namin ni Kyline.

"Grabe, bagay kayong dalawa!" biglang sabi ng iba roon habang turo-turo kami ni Kyline.

"'Te, kumare ko 'yan, 'te," sabi ko agad at kunwaring papaluin ang babaeng nagsabi n'on sa amin ni Ky. "Hoy, asawa ni Kyline Chua, kunin mo na ito bago pa kami mapagkamalang mag-asawa rito."

"Hmm." Gusot lang ang dulo ng labi ni Leo nang kunin ang kamay ni Kyline na kasabay ko. "Hindi mo matawag na my loves dito si Kyline kasi maririnig ka ni Sabrina, magagalit na naman sa 'yo."

"Tumahimik ka na lang, ha? Tumahimik ka na lang. Lagi kang may salita, e."

"Hahaha!" Ang lakas ng tawanan nila roon.

And speaking of Sabrina, hinanap ko agad ang babaeng 'yon kasi baka nga narinig kami. Pero nilibot ko pa muna ang fountain area bago sila nahanap nina Tita Tess doon sa may rose garden na pagkalayo-layo sa stage ng auditorium.

Naabutan ko pa silang nagtatalong dalawa.

"Kaya nga tinatanong ko, ano'ng ginagawa mo sa trabaho mo?" sermon ni Tita Tess sa gitna ng magagandang bulaklak dito na ang ganda ng pagkakabukadkad.

"Of course, work! Ano ba dapat ang ginagawa sa work, Mum?"

"Work? Kaya nga tinatanong ko, ano ang work na 'yan?"

"I'm building my brand. And you can't just ruin my brand just because you want to!"

"Ah! Just because I want to? Ni hindi mo nga masagot nang deretso kung ano ang tinatrabaho mo, pareho kayo ng kuya mo!"

"I'm in that agency for more than five years, Mum! I am doing good!"

"You are doing good, huh? Define what you're doing."

"You know what I'm doing, Mum!"

"Yes, I know what you're doing, and I want you to tell me what was that."

"Nasa contract ko lahat!"

"Then ano ang mga ginagawa mo na wala sa contract, hmm? Kabisado ko ang kontrata mong bata ka. At wala sa kontrata mo ang mga ipinagagawa sa 'yo ni Olga, ha?"

"Mum, bakit ka ba kasi nangingialam, work ko 'yon!"

"Bakit ako nangingialam? Ako pa talaga ang tatanungin mo niyan, mama mo ako!" Biglang hinampas ni Tita Tess si Sabrina sa braso kaya napatakbo na ako para umawat.

"Tita, saglit lang!"

Ako na ang sumalo sa kamay ni Sabrina at itinago sa likod ko si Sab.

"Ikaw na bata ka, pinagsasabihan ka, sasabihan mo akong bakit ako nangingialam!" nandidilat na sermon ni Tita Tess sa bunso niya kaya itinago-tago ko pa si Sabrina sa likod ko para hindi niya maduro-duro.

"Tita, chill ka lang!" natatawa pang sabi ko.

"Ikaw, kinausap ka na ni Ali, ha?" babala na sa akin ni Tita, napangiwi tuloy ako. "Kayo ang may usapan."

"Oo nga, Tita . . ."

"Sabrina, ayusin mo 'yang ginagawa mo, ha? Namumuro ka na sa 'king bata ka."

Dama ko ang inis ni Tita Tess nang layasan niya kami ni Sab sa rose garden.

Hindi ko alam kung ano ang pinagtatalunan nila, pero sigurado akong tungkol 'to sa Sun-Dias.

"Ano na naman 'yong sinesermon ni Tita sa 'yo?" tanong ko pagharap kay Sab.

Salubong ang kilay niya nang umirap. "Gusto na niya akong paalisin sa Sun-Dias. Pinauuwi pa niya 'ko sa bahay sa Dasma."

"Bakit daw?"

"Ewan ko sa kanya! Lahat na lang, pinakikialaman."

Pati si Sab, nag-walk out din pagkasabi niya n'on.

Ano ba 'tong mag-ina na 'to? Hindi ba sila makaka-survive nang isang araw na hindi nag-aaway?


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top