Chapter 19: Pre-Wedding
Napagkasunduan naming magbabarkada na doon muna mag-stay kina Calvin sa Las Piñas para sa "exclusive" bachelor and bachelorette's party na kami-kami lang ding magbabarkada ang magkakasama.
Kasal na nina Melanie at Patrick sa Sunday. Wala nang makakatutol this time, kahit si Calvin. Unless, si Mel na mismo ang tututol.
Hindi ganoon kalaki ang bahay ni Calvin sa Las Piñas. Bungalow lang at ilan lang ang kuwarto. Nandito kami kasi thirty minutes lang ang biyahe papunta kina Melanie. Mas mabilis kaysa Manila ang biyahe papuntang Laguna.
Puwede naman daw kami sa bahay nina Melanie, pero kasi . . . malamang kasi maliban kay Calvin, ako lang yata ang may idea kung ano ba talaga sana sila ni Melanie. Parang buong farm ng mga Vizcarra, nanghihinayang doon sa kanilang dalawa. Hindi kami basta-basta makakapag-party ngayon nang walang naririnig na bulungan sa paligid.
Iniisip ko, hindi rin luging mapunta sa isang Lauchengco. Pero parang wala yatang pakialam ang mga tao kina Melanie kung kaninong anak ba si Patrick kasi gusto talaga nila si Calvin.
'Yon lang, duda ako kung gusto rin ba ni Calvin si Melanie kasi wala talaga akong makitang sign na may something silang dalawa.
Speaking of Melanie, manipis na ulit ang tiyan niya. Dalawang linggo na after niyang manganak, masaya na ulit si gaga, parang hindi nagluwal ng sanggol.
Pangalawang panganay ng barkada ang anak nina Mel at Pat. Medyo may trauma kami sa first-time moms kasi talagang tinakot kami ni Kyline noon. Buti kay Luan, collected na ang utak ni Kyline at mentally prepared siya sa second baby.
Iniisip pa namin kay Melanie, baka kahit anong tuwa nito sa baby, baka magka-baby blues pa rin. Pero hindi yata talaga tao 'to gaya ni Jaesie . . .
"Ayaaaaan, sa wakas, 'tang ina, makakainom na rin!" sigaw ni Mel.
Sinubukan daw nilang ipa-breastfeed si Damaris, yung baby nila, sa kanya. Ang kaso kasi, baby mismo ang nagre-reject. May sariling pedia ang baby na nasa mansiyon thrice a week, apat ang nanny, parang nasa maximum security facility na kailangan pa munang mag-sanitize at pumirma ng kung ano-anong record bago malapitan. Bawal nga rin daw halikan sa pisngi, kasi raw, close contact sa germs. Tapos ida-drop na mga babaero pa raw kami, baka raw magkaroon ng sensitive reaction ang balat ng baby kapag hinawakan kasi kung kani-kanino kami humahawak.
Like, dude! Si Eugene nga, ginagawa ko pang armalite dati!
Kaya talagang ang sama ng loob ko na hindi ko mahawakan man lang ang baby ni Patrick. Puwede ko naman daw hawakan, basta make sure na five days "clean" ako with no interaction from a potential STD carrier, may signed medical certificate as proof na wala akong kahit na anong sakit na puwedeng ibigay sa baby gaya ng sipon o lagnat o kahit na ano.
Yung akala ko, OA na si Leopold . . .
Nakalimutan kong may Lauchengco pala kaming kabarkada.
Masaya na ako kay Luan. Mag-aabang na lang ako ng ibang baby na darating.
Nasa sala kami, doon namin itinambak lahat ng inumin at pagkain namin sa sahig.
Dalawa na ang ikinakasal sa amin. Pending si Leopold, mamamanhikan pa lang si Calvin. Ako? Titingnan pa.
Ang nandito na pagdating namin nina Leopold at Kyline, sina Calvin, Melanie, at Jaesie. Parang sila lang ding tatlo ang nagluto. Si Patrick, kasabay si Will na dumating kasi namili pa ng alak. Ang nahuling dumating, si Rico. Hindi namin maasar na late kasi tangay ang kapatid, alam na agad ang rason niya.
May pa-karaoke sila ngayon at nagpapasalamat akong sina Patrick at Will ang magkatabi't may hawak ng mic. Kasi kung si Melanie 'yon, pauunahin ko na siya sa farm nila ngayon din. Mabuti't ang magkatabi ngayon, sina Calvin at Melanie. Nakayakap lang si Mel kay Calvin at ini-straw ang tinimpla niyang alak habang lamon lang nang lamon itong isa.
Ang masisipag maghanda, sina Leo at Kyline talaga, e.
Kanya-kanya na kaming puwesto sa lahat ng upuang meron sa sala. Ako, sa sahig na lang para isang abutan na lang sa mangangata.
"Kanina pa kayo?" tanong ni Sabrina, inuulam na ang buttered tofu na pulutan namin.
"Yeah. Almost an hour na rin," sagot ni Will na katabi niya.
"Bakit dinala ako rito ni Kuya?"
"Basta."
"What is it nga?"
"Basta isipin mo na lang masaya tonight."
"Ang weird n'yo."
"Hahaha! Mag-enjoy ka na lang, Sab."
"Wala bang lalabas na naked girl ngayon para sumayaw?"
"Sab, don't expect. Marunong humawak ng kutsilyo at baril ang mga babaeng nandito ngayon. May balak pa kaming huminga bukas."
"Hahaha! What about me? Hindi ako marunong."
"Then good for us. Safe kami sa 'yo."
May photoshoot kami bukas. Ibig sabihin, a-attend ang parents namin para sa family photoshoot at para din panoorin kaming lahat kung paano magkalat at masermunan.
Ito si Sab, dinala na 'to ni Rico kasi itong babaeng 'to ang isa sa magbibihis sa aming magbabarkada. Although, kaya naman naming magbihis nang kami lang. Pero may special instructions nga kasi si Tita Liz sa mga damit namin para ipakitang kahit sa kaliit-liitang detalye, talagang pinag-aksayahan nila ng sentimo ang kasal ng panganay na bunso nila ni Uncle Bobby.
Siyempre, special child si Patrick ha-ha! Panganay siya ni Tita Liz na panganay rin ni Uncle Bobby kay Tita lang. Pero ilan kasi silang magkakapatid sa magkakaibang nanay. Puro babae sila tapos nag-iisang lalaki lang siya, bunso pa. Natural, spoiled at talagang gagastusan ng mama niya. Si Uncle Bobby naman, kung ano ang gusto ni Tita Liz, tagabayad lang naman si Uncle at sila na ang bahala sa lahat.
Pero sa lagay na 'to, exclusive at "intimate" pa ang kasal nina Patrick at Melanie.
Isipin mo na lang, 500 attendees, rented ang isang buong auditorium, intimate pa 'yon.
Pero may point ang "intimate" part kasi talagang angkan ng mga Sy, Lauchengco, Phoa, Vizcarra, Dy, Chua, tapos close relatives lang namin. Ilan lang kaming attendee na hindi galing sa Chinese clan. Ang sabi ni Calvin, baka raw may pumunta sa mga Yu kasi family friend ng mga Phoa.
Hinihintay kong baka makita ko ulit si Mother Shin at makumusta man lang, pero sabi nga ni Calvin, dahil nga raw sa parinig ni Uncle Bobby sa mga Yu noong namanhikan sina Patrick sa mga Vizcarra, hanggang "baka" na lang daw 'yon. Kasi nasa sponsor's list si Tessa Dardenne, at hindi nga raw gugustuhing tumapak ng mga Yu sa lugar kasama ang isang Dardenne.
Tinanong ko kung may family feud ba ang mga Dardenne at mga Yu. Pero nagulat ako na ang sagot ni Calvin, "Wala kasing mawawala kay Tita Tess kapag binaril niya out of the blue si Madame Ai Ling. Knowing Tita Tess, baka gawin pa niyang achievement 'yan kasi nasa Most Wanted at High-Profile Individual ang mga Yu."
Nagulat ako sa rason, pero natawa rin ako kasi posible nga. Si Tita Tess pa naman, hindi natatakot 'to kapag hinahamon ang tapang niya. Kaya madalas, ipinagpapasalamat ko na lang na kamay lang at pamaypay ang pamalo niya sa 'kin kapag makulit ako.
Simpleng night out nga lang 'to kung tutuusin. Si Mel kasi, gusto ng bachelorette's party ever since then. Napilitan tuloy kaming sabihin kung bakit ayaw namin ng mga ganyang party lalo kung magpapapunta kami ng mga hindi namin kilalang tao sa bahay o sa private room.
Kami, okay lang na dumayo. Kasi kaya naming umalis agad sa area kapag hindi okay ang setup. Pero yung kami ang magha-hire ng sexy dancer o kung ano man? Pass.
Sayawan na lang siya ni Will. Marunong din naman gumiling 'to.
Nag-ready na lang daw sila ng pa-gameshow. Surprise game, ang promotor, itong mga babaeng namimilit ng ibang lalaking gigilingan sila. Hindi yata makontento sa mga pagmumukha ng asawa nila kaya naghahanap ng iba.
Ang mga biktima—este ang participants, kaming magbabarkada.
Wala kaming magagawa. Kami ang may ayaw ng bachelorette's party kaya kami ang mag-adjust.
Tangay-tangay ni Kyline—na pinabitbit niya kay Leo—ang mga whiteboard ni Eugene. Walo 'yon, para may whiteboard kada subject sa school, dala niya ang anim. Nagtigi-tig-isa kami ng board. Kunwari pa kaming excited na magbabarkada kasi nasusumbatan na kami, noong isang araw pa.
Sa isip-isip ko, sana nagpa-book na lang talaga sila ng mga macho dancer, pero yung contact number, sa opisina namin. Para kahit naka-mask kaming gumigiling, walang problema. Pareho lang naman, mapapahiya lang din naman kasi kami, sana doon na lang sa hindi na namin kailangang magsiraang magbabarkada.
Ang creepy ng mga ngiti nina Melanie at Jaesie sa amin. Naging creepy lang din ang kay Kyline kasi kada tingin niya sa phone na hawak ni Melanie, bigla siyang hahagikgik sa sulok. Tapos titingin pa sa 'ming anim. Tapos tatawa ulit.
Ano'ng ibig sabihin n'on, ha?
Si Sab lang ang tahimik sa kanilang mga babae. Malamang kasi walang alam 'to sa magaganap.
"Okay! Okay! Game!" sigaw ni Melanie, tutok sa phone at nakataas ang isang kamay. "Sino!"
Ako na ang gumawa ng drumroll sound para kunwari may thrill.
"Sino ang pinakanakakabuwisit sa barkada?" dugtong ni Melanie.
Sino pa ba, e isa lang naman ang nakakabuwisit sa barkada namin.
"Jae, hula."
"Clark," sagot ni Jaesie.
"Grabe naman," parinig ko habang sinusulat ko naman ang Early Bird sa board ko.
"Ky?" pagtawag ni Mel.
"OMG. Wait . . . Clark is makulit, e."
"Two points kay Clark!" sigaw ni Mel. "Ikaw, bebegerl." Napasulyap ako nang tanungin niya si Sabrina na katabi ni Rico.
"Uh . . . si Kuya?"
Anong lakas ng tawa ko—namin ng buong barkada sa sinabi ni Sab.
"HAHAHA!"
"Ay, grabe!" tili ni Mel at binasa ang boards namin.
Ako, Early Bird ang sagot.
Si Leo, Rico.
Si Patrick, Ronerico Dardenne.
Si Will, Ronerico.
Si Calvin, Master Chef.
Si Rico, Clark ang nasa board.
"Hoy, grabe! Seryoso ba 'to? Dino-dogshow n'yo si Daddy Rico, ha," natatawang sabi ni Mel sa amin.
"How dare you, people?" dismayadong sabi ni Rico sa aming lima.
"Dude, let me explain!" sigaw agad ni Will habang natatawa.
"Will, explain," alok ni Mel.
"Si Rico ang pinakanakakabuwisit kasi kapag nagtanong ka sa kanya, kakalkalin niya lahat. Yung wala naman sa topic, ida-drop niya. Real talk kung real talk pa. Hindi siya tatagal sa usapan nang hindi siya nananalo."
"Hahaha, I second the motion!" dagdag ni Jaesie at sinuntok pa ang braso ng asawa niya.
"Nakakabuwisit kausap si Rico kasi gusto ka niyang hulihin sa sarili mong bibig," gatong ni Leo. "Maganda siya kausap kapag business and serious matter. Pero kapag personal, iwasan mo kundi masasaktan ka lang."
"Come on, guys." Ayaw talaga nito ni Rico. Hindi nito patatapusin ang gabi na ganitong pinagtutulungan siya.
Ang daming naka-ready na tanong ni Melanie. Talagang balak nilang sirain—este, sukatin ang pagkakaibigan namin ng barkada ko.
Pero sorry sila. Lumaki na lang kami't lahat, nagkaasawa na lang sila't lahat, nandito pa rin kami. Kapag may tumiwalag dito—imposible 'yon. Sa dami ng nakatagong kung ano-ano sa barkada ko na alam naming lahat, imposibleng may tumiwalag pa rito.
Nagtanong kung sino ang pinakamagastos sa babae. Si Leo 'yon, the one and only. Sa dami ng gastos niya kay Kyline, damay pati pera namin nina Patrick. Partida, ako pa bumili ng engagement ring ng hinayupak na 'to! Ultimo hindi niya pera, nagiging pera niya bigla, e!
Sunod na tanong, sino ang nagkaroon ng pinakamaraming syota. Putang ina, napaka-easy ng tanong! Calvin Dy, namamayagpag!
Bakit daw hindi si Patrick? Si Pat kasi, marami lang babaeng suitor and stalker. Na-involve lang siya noong second year college na, tapos ilan lang 'yon sa isang buwan. Si Calvin, naglilimang girlfriend 'to isang araw. Partida, wala pa 'kong nakitang nanampal sa kanyang babae ultimo si Mother Shin. Manaksak lang siguro, oo. Manampal, never.
Sunod na tanong, sino raw ang pinakamayabang sa aming anim. Sino pa ba? E di, yung proud na mayabang nga siya, si Rico lang naman 'yan. Mayabang naman kasi talaga siya. Parang conditioned na siyang ganoon since childhood kasi parang ina-assert niya agad ang superiority niya over anyone else. Although, light na nga siya ngayong nasa 30s na siya. Kumbaga, may sign of maturity na rin. Kasi kung ang makikilala nila, yung 11 or 12-year-old Ronerico Dardenne? Good luck na lang sa kanila kung maging gentleman si Rico sa kanila.
Sunod na tanong ni Mel, sino ang pinaka-affectionate at sweet. General answer si Will kasi siya lang talaga ang naiisip naming magbabarkada. Although, ako ang sagot ni Will sa board niya, pero iba kasi ang affection ni Will. Mas ramdam ang sincerity at pagtulong. Sobrang pure din niya, lalo kapag seryosong usapan. Ako kasi, ginagago ko pa muna ang barkada ko tapos hindi rin naman ako seseryosohin. Si Will, kung ano ang sabihin niya, take it as it is kasi genuine talaga 'yon galing sa kanya.
Pero nang mag-explain na ng kanyang-kanyang rason, biglang nalipat sa 'kin ang sagot nina Leo at Patrick. Malamang kasi hindi ako pasok sa "sweet" term kasi hindi ako sweet kay Leo. 'Tang ina, iniisip ko pa lang na "sweet" ako sa kanya, parang kumukulog na at may kasama pang pagkidlat.
Alam naman nilang kapag kailangan nila ng tulong, backup agad ako. Ayoko kasi ng may isang napag-iiwanan sa barkada. Ayoko ng may nale-left out kasi alam ko rin naman ang pakiramdam na alam mong may mga kaibigan ka pero hindi mo sila maramdaman kapag nahihirapan ka. Hindi naman kami nagkulang sa isa't isa, kasi problema ng isa, problema rin naming lima.
At talagang sinasagad nina Melanie ang pa-Q&A nila sa aming magbabarkada, ayaw paawat.
"Labasan na ng katotohanan!" seryosong deklara ni Melanie, lumingon-lingon sa imaginary audience niya.
Nag-drumroll combo na kami ni Will.
"Who is your first love and why?"
Bumagsak ang panga naming lima habang si Leo, pasipol-sipol na lang sa gilid. Partida, proud at nauna pa niyang ipinakita ang board sa aming lahat.
"Kyline Chua, napakalakas talaga!" maangas na sabi ni Melanie at ginawang microphone ang kamao niya patutok sa bibig ni Leopold. "Bakit nag-iisa sa puso mo si BB, Leopold "Loyal Lang Sa Isa" Scott?"
Mayabang pang tumingin sa amin si Leopold bago sinagot si Melanie. "Ayoko talaga sa babae. Kahit si Ky, alam 'yan. Mas nauna niyang nalaman 'yan, high school pa lang kami."
"Paano ka na-fall? Kasi maganda? 'Ganda-ganda ng bebegerl namin, huwag ka, uy!"
"Maliban sa maganda kasi given na 'yon. Ano lang . . ."
"Mel, huwag mo nang kalkalin, baka masaktan lang si Ky," sabi ko pa.
"Ay, bakit masasaktan?!" Nailipat ni Melanie ang imaginary mic niya sa 'kin. "Please exhaust the answer, Mr. Mendoza."
"Hoy, 'tang ina mo, ayusin mo sagot mo, ha," warning agad ni Leo sa 'kin kaya natatawa ako.
"'De, seryoso, walang nagustuhan si Leo kay Kyline. Halos lahat ng pet peeve niya, taglay ni Ky."
"Hmm?" Nakanguso namang humarap si Kyline kay Leo, kunot ang noo, nagtatanong kung ano ang sinasabi ko.
"As in nakita ni Leo lahat ng ikinaiirita niya kay Kyline, tinanggap na lang niya nang buo. Nag-grow na silang dalawa roon sa setup nila. Kaya sure akong si Ky lang talaga sa kanya."
"E, bakit nakiki-my loves ka kung nag-grow na pala silang dalawa? Ikaw ba yung mapaminsalang damo?"
Natawa ako pero sinapok ko rin nang mahina sa noo si Melanie. "Ako nagpalaki sa panganay niyan!"
"Sus!" diskumpiyadong sagot ni Melanie habang sapo ang noo. "E, ikaw, saan ang sagot mo?"
"Wala, secret!"
"Aaah . . ." Sabay-sabay na ngumiti itong tatlong babae rito kasi nagkaka-secret-an na nga sa aming lima.
"Mukhang may hindi kayo sinasabi sa isa't isa," sabi ni Jaesie, nakatitig sa mga kuko niya.
"Curious ako sa sagot ni Clark," nakangiting sabi ni Kyline. Sana hindi siya nag-e-expect na siya ang sagot ko, kasi paniguradong wala siya sa top 5 ko ng isasagot.
"Kapag hindi sumagot, walang kasal na matutuloy sa Linggo," hamon ni Melanie. Sabay pa silang ngumisi nang hindi katiwa-tiwala ni Jaesie, halatang pinagplanuhang maigi.
"Sabi sa inyo, sana nag-macho dancer na lang tayo, e!" paninisi ko sa kanila. "Marunong naman akong gumiling!" Saka ako lumuhod at gumiling nga habang nasa likod ng ulo ang magkabilang kamay. "Agh!" Napayuko lang ako nang hampasin ni Rico ang sikmura ko gamit ang throw pillow. "Kailangan, nananakit, ha?"
"Stop that. Kadiri ka, Clark."
"Sumagot ka muna sino first love mo! Alam naman naming lahat na hindi si Jaesie 'yan, nahiya ka pa."
Inirapan lang ako ni Rico saka isinulat ang sagot niya sa board.
Hindi na rin naman kami nagulat kung pangalan ni Cheska ang isinulat niya roon.
Napatingin ako kay Jaesie, wala naman kahit anong negative reaction. Parang alam na rin yata niya. Si Melanie ang mukhang dismayado.
"'Yan yung namatay, 'no?" nanghihinayang na sabi ni Melanie. Tumango na lang kami bilang sagot. "Kilala ko 'yan, e. Yung mahinhin."
"Yeah," malungkot na sabi ni Rico at mabilis na binura sa board ang sagot niya.
"Pero nakita ko 'yan ilang beses sa bar dati, nakikipag-MOMOL sa powder room. Nakaagaw ko pa 'yan sa isang stall, e naiihi na 'ko. 'Lakas niyan umungol, shet!" Parang kinilig pa si Melanie sa kuwento niya sabay bawi. "Nasa good place naman na siya ngayon. She deserves the peace."
Gago, kami ang deserve ng peace, putang ina! Parang may ibinagsak na bomba si Melanie sa harapan naming lahat at hindi kami nakapag-react sa sobrang shock!
Mas lalo na siguro kami ni Rico!
Nanlalaki ang mga mata ko nang tingnan si Rico na pinandidilatan lang din si Melanie.
"Huy, Mr. Dardenne! May Jaesie ka na. Kalimutan mo na ang nakaraan," disclaimer ni Melanie, na siya nga dapat ang lumimot ng nakaraan kasi ang daldal!
Wala, natameme lang si Rico, hindi na siya nakapagsalita.
Namawis ako bigla nang malamig. Inisip ko agad kung nakasama ko sa bar si Cheska at ako ang naka-MOMOL n'on. Kaso private room nga pala kaming dalawa. Napapraning ako rito kay Melanie nang wala sa oras, e!
Si Melanie, sinipa-sipa na ang hita ni Will, nagpapahiwatig.
"Yung love talaga na same sa kanila, wala," kampanteng sagot ni Will.
"Weh? Imposibleng wala."
"No, kasi, ganito . . ." Napatitig si Will sa board niya. "Nagka-crush ako, nakipag-date ako, wala namang issue sa make outs, ano lang . . . ni-restrict ko lang din ang sarili kong ma-fall."
"Bakit?" sabay pang tanong nina Jaesie at Melanie.
"Kasi baka kunin ako ng mga tita ko any time tapos papasukin sa seminaryo. Of course, mahirap yung may temptation ka while serving God. Conflicting talaga. Until now, rooting pa rin naman sila diyan, pero iniwasan ko talaga."
"Tapos ang lakas mong bumanat ng best in bed," sumbat ni Calvin.
"Hahaha! Pili na lang daw ang girl ng itatawag sa kanya: Daddy o Father," biro ni Melanie at binato ng takip ng beer si Calvin na busy sa phone niya. "Hoy, Calvin Dy. Busy-busy-han ka diyan."
"Ikaw na lang lagay ko para matahimik ka na," bored na sinabi ni Calvin at isinulat sa board niya ang "Mel".
"Hoy, mukha mo! As if namang ako talaga ang sagot diyan, e wala ka namang ibang—"
"Oo na! Oo na! Si Clark na tanungin mo."
"Hindi, dude, sumagot ka muna," buyo ko.
"Isa ka pa," paismid niyang sagot sa 'kin at binalikan ang phone niya. Pagsilip ko, tumitingin lang naman ng newsfeed sa IG.
"Sige na, huwag nang pag-usapan. Kilala naman na namin ni Jaesie ang first love ni Calvin."
"Hala, sino?" curious na tanong ni Ky, hindi maka-relate. Binulungan agad siya ni Melanie. "Yung dating may-ari ng resto sa Parañaque? Hala, sinu-supply-an namin ng alak 'yon dati ni Leo. Calvin, first love mo 'yon?"
"Hahahaha! Putang ina!" sigaw ko nang mabunyag sa 'kin na si Mother Shin 'yon. Sabi ko na, e!
Nakababa na ang phone ni Calvin at masama talaga ang tingin niya kay Melanie na natatawa sa reaksiyon niya. "Makatayo lang talaga ako rito, batok ka talaga sa 'kin, Meng."
"Bakit nagagalit, e totoo naman?"
"Bakit ang daldal mo?"
"Sino 'yon? Kilala ba namin 'yon?" tanong ni Will.
Pare-parehas kaming nag-react nina Mel sa tanong.
"Huwag na."
"Wala lang 'yon."
"Kakilala lang namin."
Nakailang deny pa kami bago nila bilhin. Hindi rin kasi namin puwedeng banggitin si Shin lalo na ngayon.
"Ikaw, Clark?" tanong ni Mel, at talagang hinuli niya ang asawa niya!
"Ako na sasagot, si Sabrina," mabilis na sagot ni Jaesie, pero pataray pa. Yung naiinis sa idea.
Napatingin si Will at si Patrick sa 'kin, nagtatanong. Sila lang dalawa ang nag-react. Si Melanie, pinanlalakihan ako ng mata at parang may nalamang nakakatuwa habang nakangisi.
"Paano mo nasabi?" hamon ko kay Jaesie.
"Yung baby ko, Jae, love na love ko talaga 'yon," paggaya niya sa linya ko habang nanliliit pa ang mga mata niya.
"Hahaha! Kita mo 'yan! Kabisado pati ni Jaesie!" sermon ni Leo sa 'kin sabay hampas sa ulo ko ng throw pillow. Sinalag ko naman 'yon ng kaliwang braso ko habang iniilag ang ulo.
"E, totoo naman kasi! Alam din naman 'yan ni Rico, a!"
"Unfortunately," sagot ni Early Bird sabay paikot ng mata.
"Ah, so Sabrina ever since?"
"Baby ko nga kasi 'yon," depensa ko.
"O, bakit ayaw mong pakasalan?" usisa ni Melanie.
"No, Mel, pakakasalan pa rin naman niya. Uunahin lang sina Leo," paliwanag ni Jaesie para sa 'kin.
"Ah, so tuloy."
Tumango lang ako.
"Ang taray! Talagang magsusunod-sunod kayo, ha." Nginisihan na niya si Patrick na wala pa ang tanong, nakasulat na board ang pangalang "Melanie Vizcarra." Ang tipid pa ng ngiti ni Patrick, parang batang nagpapa-check ng assigment niya kung mali ba o ano.
"O, ba't ako?" reklamo pa ni Mel, putang ina. Bakit parang masama pa loob niyang first love siya ni Patrick?
Sa bagay. Kami nga, masama rin ang loob.
"Because . . . you're my first everything, so . . ." nahihiyang sagot ni Patrick sabay ngiting pinilit pangitiin.
"Walang iba?" dismayado pa niyang tanong. Ayaw talagang tanggapin ang totoo!
"Wala, e."
"Wala man lang akong mapagseselosang mabigat-bigat? Ano ba 'yan? Paano ako makikipaghiwalay sa 'yo niyan kapag nag-away tayo?"
"Mel!" naiiyak na namang pagtawag ni Patrick, halatang nauumay na sa mga panakot ni Melanie sa kanya.
"Melanie pa!" parinig ni Calvin sa gilid. "Ginusto mo 'yan, e."
Good luck na lang talaga rito kay Patrick sa kasal nila. Kapag tinakbuhan 'to ni Melanie sa Linggo gamit yung literal na kabayong Mustang nila sa farm, isa-suggest ko nang magdala siya ng Ferrari bukas pa lang.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top