Chapter 18: Suspicion

Pasensiya na po sa mabagal na update. Ilang araw na po akong may sakit, kauuwi ko lang galing ospital kaya ayern. Hindi muna daily ang update. Anyway, enjoy reading po ^_^

♥♥♥



Nasa lobby raw sina Tita Ali at Tita Tess. Ipinatanong ko pa kay Nery kung magdi-dinner kami pero nag-dinner na raw sina Tita Tess at Tita Ali kasi nagutom na sila bago pa ako makarating. Quarter to ten na nga, 'tang ina naman, ang kapal ng mukha kong paghintayin pa silang makakain bago ako makarating, e oras na nga halos ng tulog ni Tito Ric 'to habang nasa labas pa asawa niya.

Malawak ang lobby ng hotel, bago rin ang interior nila ngayon na lamang ang rounded furniture. May exhibit yata ng artist para sa exposure, hindi lang ako sigurado kung sino ang designer at company na nag-ayos ngayon sa area.

Naabutan ko sina Tita Tess at Tita Ali sa rounded couch, nangingibabaw si Tita Tess sa white sleeveless dress and pearls niya. Nakalugay lang din ang buhok. Si Tita Ali, naka-red formal suit at nakatali nang mataas ang buhok.

Nakailang talikod pa ako para mag-isip kung paano ko ba babatiin itong dalawa kasi mag-aalas-diyes na.

Pilit na pilit ang ngiti ko nang tumayo sa gilid ng pulang couch na may pabilog na puting mesa sa gitna.

"Good evening, Tita Tess, Tita Ali." Nakatayo lang ako sa gilid. Ayoko munang umupo hangga't hindi nila sinasabi. "Sorry po, late ako."

Biglang umikot ang mata ni Tita Tess saka nagkrus ng mga braso. "Paanong hindi male-late? Ano'ng ginawa sa 'yo ni Sabrina?" naiinis na tanong sa akin ni Tita.

"Uhm." Napakamot ako ng noo. "Sinundo ko pa ho kasi sa Pasig. Nagagalit kasi."

"Hayaan mo siyang magalit! Importante ba yung ipinagwawala niya?" sermon ni Tita Tess.

'Yon nga, e. HINDI.

"Ate, hayaan mo na si Clark. Wala namang kasalanan ang bata, huwag mo nang pagalitan," mahinahong pag-awat ni Tita Ali kay Tita Tess. Itinuro pa niya ang katapat na puwesto nilang karugtong din ng pabilog na couch kung saan sila nakaupo. "Have a seat, darling. Nag-dinner ka na ba?"

"Okay lang po ako, Tita." Pag-upo ko, kahit hindi sinasadya, ang lalim ng buntonghininga ko kasi, sa wakas, nakapahinga rin sa panggugulo ni Sabrina.

"Are you okay, darling?" mahinahong tanong ni Tita Ali.

"Tita! Inaaway ako ng pamangkin mo, Tita!"

Gusto kong umiyak tapos isusumbong ko si Sabrina sa kanila. Halos iuntog ko na ang ulo ko sa manibela kanina sa sobrang stressed ko sa bunso ni Tita Tess.

"Sinaktan ka ba ni Sab?" bintang na naman ni Tita Tess.

Physically, slight. Ilang hampas din sa braso ang natamo ko kanina. Mentally drained lang talaga ako.

"Hindi naman, Tita Tess. Ang traffic lang kasi talaga. Naipit ako sa Santa Ana. May road blocking kasi kanina pagdaan ko sa collection, gabi na ako nakaalis," sabi ko na lang, kasi totoo naman.

"Gusto mo bang bukas na pag-usapan 'to?"

"Hindi, Tita, okay lang. Nandito na tayo, e."

Gusto kong maging enthusiastic dito sa meeting namin, pero hindi talaga kinaya. Kaya kong makinig pero hindi ko kayang ipakitang interested ako sa agenda namin. Napapagod na kasi ako, na-drain ako nang sobra.

"You have a background sa talent agency, right?" tanong ni Tita Ali. "Nakapag-model ka na before sa ads and other . . . you know? Endorsements."

Tumango naman ako kahit mukhang inaantok na. "Yes po, Tita."

"We have a plan kasi ni Ate na we transfer Sabrina sa other talent agency. She's already 26, nakalampas na siya sa isang clause ng agreement namin sa agency niya right now."

Sinusubukan kong i-digest ang point ng topic pero lumulutang talaga ang utak ko.

Talent agency, okay.

Lilipat na si Sab, okay.

"Okay po, Tita," sagot ko na lang, kahit pa inuunti-unti pang i-process ng utak ko ang topic.

Lilipat si Sab ng agency, okay.

"What Ate Tessa wants kasi, we transfer Sab as soon as possible. But the thing is wala kasing 'okay' na agency around," nakangiwing dagdag ni Tita Ali habang dinidiinan ang salitang okay.

"Okay po. Ano po'ng puwede kong itulong? Hahanapan ko po siya ng agency?" tanong ko.

"No, bale, the plan is magtatayo ako ng exclusive agency for Sabrina, but since wala akong background sa talent management, I'll take you na lang as her manager sana."

Napatango-tango na lang ako habang inuunti-unti ang sinasabi ni Tita Ali.

Magtatayo siya ng exclusive agency para kay Sabrina, okay.

Walang background si Tita Ali sa talent management, okay.

Ako na lang daw, okay.

"Okay po, Tita." Tumango naman ako.

"Are you sure?"

"Yes po, Tita. Pa-forward na lang po ng buong proposal sa office namin ni Leo, ire-review ko po agad."

Naghintay ako ng salita kina Tita, pero nakipagtitigan lang sila sa 'kin—yung klase ng titig na parang hindi pa sila naniniwala na makakausap nga ako nang matino ngayong gabi.

Totoo naman.

Natapos ang mabilis na meeting na 'yon na pakiramdam ko, pinagbigyan na lang ako ng mga tita ko kasi mukhang hindi ako okay for business meeting. Hinagod-hagod pa ni Tita Ali ang likod ko nang ihatid nila ako sa labas.

Yeah, nahiya naman ako, ako pa ang hinatid nila sa labas.

"We'll talk about this kapag ready ka na, ha?" mahinahong sabi ni Tita Ali at sinapo-sapo pa ang kanang kamay ko habang nakangiti. "Where's your car pala, darling?"

"Na kay Sab po. Wala po kasi siyang dalang wallet no'ng pumunta kina Will. Hindi siya makakauwi unless tatawagan pa kuya niya," paliwanag ko. "Sabi ko na lang po, gamitin muna niya ang kotse ko para makauwi na."

"My God, Sabrina," biglang sabi ni Tita Tess at naabutan ko pa siyang sapo-sapo ang noo.

Gusto ko sanang sabihing, "Tita, same."

"Do you want us to drive you home?" alok ni Tita Ali.

"No need po, Tita Ali. Kukunin ko lang yung kotse kay Sab tapos uuwi na rin po ako." Matipid ang ngiti ko sa kanya at para akong batang pilit ipinakausap sa tita niyang balikbayan, hindi alam kung paano magpapaalam maliban kung hahatakin ng nanay niya paalis.

"Andres, pahatid naman si Clark sa condo ni Sabrina," sabi ni Tita Ali sa driver na nakaabang sa amin sa harap ng hotel.

"Ay, hindi na, Tita! Magta-taxi na lang ako."

"It's okay, darling. Sasabay na lang ako kay Ate Tessa."

Sabay pa kaming tumingin kay Tita Tess na nakangiwi lang sa aming dalawa.

"Ate," pagtawag ni Tita Ali, yung tono niya, parang nanghihingi lang ng tissue.

"Fine," pagsuko na lang ni Tita Tess at naglakad na papunta sa kotseng nasa harapan ng puting sedan kung saan kami nakaharap. "Bong."

Pinagbuksan lang siya ni Kuya Bong ng pinto sa backseat. Pero bago pa siya makasakay, nagtanong agad siya habang duro-duro ako. "Doon ka ba matutulog kay Sabrina?"

Para akong ginising ng tanong na 'yon at nagsalubong agad ang kilay ko kay Tita Tess nang mapaatras. "Tita, kukunin ko lang yung kotse ko!"

"Wala siyang kasama sa condo, di ba?"

"Oo nga."

Nagkibit ng balikat si Tita Tess, hinahamon ang common sense ko kung ano ba ang dapat kong gawin.

"Tita, magwawala panganay mo, pramis," sagot ko.

"Ano namang ipagwawala niya, may sarili na siyang asawa!" sermon ni Tita.

"Basta, Tita, kukunin ko lang kotse ko ta's uwi na 'ko agad."

Ito si Tita Tess, hindi ko talaga gets trip nito sa buhay. Yung inaantok ka tapos biglang gigisingin ang diwa mo out of random panic.

Hinatid ako ng driver ni Tita Ali sa condo ni Sab. Walang sinabi si Tita Tess na doon ako matulog sa penthouse kaya ayokong mag-rely sa pakibit-kibit niya ng balikat kasi kapag si Rico ang nagtanong, madadale ako roon kasi wala namang approval ni Tita Tess kung matulog ako kasama si Sab.

Ang sinabi lang niya, walang kasama si Sabrina. May asawa na si Rico. Walang "Doon ka muna matulog kasama si Sabrina, Clark."

At least, kapag nalaman ni Rico, kahit hingin ko ang statement ni Tita Ali, may pandepensa ako.

E, wala.

Pagpunta ko penthouse, naabutan ko pa si Sabrina na nakahilata sa kama niya. Nakadipa at nakatitig lang sa kisame. Mabuti't nakapagbihis na 'to—kahit pa ang ibinihis ay satin na sando at panty lang.

"Hoy, susi ko," sabi ko sa may living room pa lang.

"Sinumbong mo 'ko kay Mum, 'no?" bintang niya.

"Tinawagan ka ba?"

"Hindi. Pero sure akong isinumbong mo 'ko."

Naiiyak ako na natatawa kay Sabrina. At talagang bumalik pa 'ko para lang sa mga ganito niya, ha? Hindi na ako nadala kanina pagsundo sa kanya.

"Yung susi ko nga, nasaan na, para makauwi na 'ko." Lumapit ako sa kama at namaywang sa kanya.

Nakangiwi lang siya nang tingnan ako, ulo lang ang iginalaw mula sa pagkakahilata.

"After you had sex with me the other night, ganyan lang sasabihin mo? Susi para makauwi ka na?" Bumangon siya at nakasimangot na tumingin sa 'kin. "Why do I even liked you in the first place?"

"Sab, alam mo . . ." Napapahimas na lang ako ng noo habang nasi-stress na naman sa mga reklamo niya sa buhay.

"Sana nakipag-one-night stand ka na lang sa iba! Hindi 'yang after ng nangyari sa 'tin, pupunta ka lang dito para sa susi ng kotse mo!"

"Hindi nga kasi ako puwedeng magtagal dito."

"Bakit? May ibang babae ka na ba? May naghahanap na ba sa 'yong iba?"

Grabe talaga. Never kong na-experience ang ganitong bintang sa kahit sinong naging girlfriend ko, kay Sabrina ko lang talaga narinig 'to.

"Alam mo, Sab, kung hindi lang kami mag-aaway ng kuya mo, kahit dito pa 'ko tumira, ayos lang." Inilahad ko ang kamay ko sa kanya. "Susi ko. Dali na. Kapag naabutan ako ni Rico dito, pipilayan ako n'on."

Ang speaking of Rico, ang ganda ng timing ni gago. Biglang tumawag.

"Hello, Rico," sagot ko sa call, nakalahad pa rin ang palad kay Sabrina.

"You did something, 'no?" bungad agad niya.

"Anong you did something ka diyan?! Isa ka pa!" singhal ko sa kanya.

"Uh-huh? Then what's with the 'Hello, Rico' greeting, hmm?"

"Malamang, maghe-hello, gago ka ba?"

"Uh-huh? As if you're not answering my calls with O? or Problema? Since when did you greet me with Hello, Rico, hmm?"

'Tang ina naman. Ko-combo-hin pa yata ako nitong magkapatid na 'to.

"Ano ba kasi'ng kailangan mo?" tanong ko na lang.

"Mum called. Nasa condo ka raw ni Sab."

"Oo nga. Pero kukunin ko nga lang kasi yung susi ng kotse ko."

"Hindi ka matutulog diyan, ha. Umuwi ka sa bahay mo."

"Uuwi nga ako! Para namang tanga 'to."

"Tatawagan ko ang front desk para malaman kung talaga ngang wala ka diyan."

"Kahit tawagan mo pa buong management nitong condo, uuwi nga ako ngayon! At sabihin mo rito sa kapatid mo, ibalik na yung susi ng kotse ko! Paano ako uuwi, ayaw ibigay!"

"Bigay mo sa kanya yung phone."

Nakasimangot lang ako nang ibigay kay Sabrina ang phone ko.

"Kuya." Hindi pa nakakatatlong segundo, inilayo na agad ni Sabrina ang phone sa tainga niya habang nakasimangot. "Why are you shouting at me!"

'Yan, sige, magsigawan kayong magkapatid diyan.

"Oo na! I hate you!"

"O! O! Phone mo, ha? Phone mo?" Sinalo ko ang kamay niyang ibabato sana ang phone ko.

"Why do you even listen to him, e may sarili naman siyang buhay!" naiinis na sigaw sa 'kin ni Sab.

"Hay, naku, Sabrina."

Inilingan ko na lang siya at isinara ang kurtina ng balcony. Sinilip ko ang banyo kung patay ba ang lahat ng ilaw. Patay naman, pero hindi maayos na naisara ang faucet sa sink. Kinuha ko na lang din ang remote sa side table ng living room at hininaan ang air con kasi sobrang lamig na.

"Busy ako bukas. May papers akong tatanggapin kay Tita Ali, hindi ko puwedeng palampasin 'yon."

Huminto ako sa may living room. Nakita ko sa side table ang key chain ko kaya dinampot ko agad at akmang aalis na nang makita si Sabrina na nakasimangot lang habang nakaupo sa kama.

Nakipagtitigan lang ako sa kanya. Ilang segundo . . . umabot ng minuto . . .

Napabuntonghininga na lang ako.

Naglakad na ako palapit sa kanya, nakasunod lang ang tingin niya sa 'kin.

Paglapit ko, isinilid ko ang kaliwang palad ko sa pisngi niya at saka ako yumuko para dampian siya ng halik sa labi.

Magaan ang una. Bahagya siyang nagbukas ng labi sa pangalawa. Mas lumalim na ang mga kasunod.

Inalalay niya ang isang kamay niya sa braso kong nakaangat at gumapang ang init doon na ayoko sanang maramdaman ngayong gabi.

Nangingilabot na naman ako at dinedemonyo na naman ako ng utak ko na huwag na namang umuwi.

Pero lalo ko lang dinadagdagan ang atraso kong patong-patong na.

Matunog ang pagbitiw ng halik naming dalawa. Tiningnan ko agad siya sa mga matang marahan niyang iminulat para salubungin ang akin.

Saglit na nagkaroon ng gulat doon at napalitan ng pagpapaawa.

"Huwag mong sasabihin sa kuya mong hinalikan kita. Mag-aaway talaga kami n'on," mahinang paalala ko saka ko siya hinalikan sa noo. "Matulog kang maaga, ha? Huwag ka nang bumaba, baka mag-bar ka pa." Ipinadausdos ko ang kamay kong nasa pisngi niya pababa hanggang masalo ko ang kamay niyang nakahawak sa braso ko. "Text ka sa kuya mo kapag hirap kang matulog. Hindi puwede ako, baka ma-ER ako nang wala sa oras." Hinalikan ko ang likod ng kamay niya saka ako tumayo nang deretso. "Huwag mong kulitin nang kulitin si Nery, walang ibang isasagot 'yon sa 'yo. Sa 'kin ka tumawag, ha?"

Inabot pa ng ilang hakbang bago niya pinakawalan ang kamay ko.

"Sige na, ba-bye na," paalam ko at ikinaway ang kamay na kabibitiw lang naming dalawa.



♥♥♥



Nakatanggap ang office namin ni Leo ng business proposal galing sa office ni Tita Ali. Talent agency ang balak nila. Binigyan nila ako ng background ni Sabrina sa Sun-Dias, at napapaisip ako kung bakit ililipat si Sab. Ang ganda kasi ng record. Kumbaga, ilang years nang successful ang brand ng Sabrina's under ng Sun-Dias.

Kung may rason man siguro, kasi peak ng career ni Sabrina ngayon as endorser and founder of Sabrina's Beauty Product. Exclusive sa kanya 'yon, e. May nakukuha silang model at artista for promotion, pero in general, si Sab talaga ang nasa adds and billboards. Kumbaga, mukha na siya ng product niya. Kapag lumalabas siya sa TV, matic alam na ng audience ang ine-endorse kahit wala pa ang pangalan ng produkto.

Kung kukunin man nina Tita Ali si Sabrina, exclusive na talaga sa mga Dardenne si Sab at hindi na kailangan ng outsource person para i-manage siya gaya ng Sun-Dias.

Tinitingnan ko ang capacity ko para mag-manage ng tao kasi ang background ko lang sa talent agency ay maging talent. VIP naman ako dati ni Mother Shin, aware ako sa mga ginagawa niya sa aming mga hawak niya bilang handler namin. Nae-explain naman niya kapag nag-uusisa ako. Kilala ko naman lahat ng big-time company na ka-collab nila sa endorsements, kaya baka magawan ko ng paraan kung ilalakad ko siya for partnerships.

O kaya siya na lang gawin kong endorser ng lahat ng business partners namin ni Leo para maangas.

Ni-review ko ang proposal at pinagawan ko si Nery ng response ko kay Tita Ali. Interested ako kaya ipahanda na lang ang agreement para ma-review agad. Just in case na mas marami palang dapat i-consider sa legalities, makakapag-isip-isip pa ako bago ikasal.

Hindi ko lang alam kung ginagamit ito ni Tita Tess para i-trap ako kay Sabrina pero base sa proposal ni Tita Ali, ang kailangan lang nila ay magandang agency na paglilipatan kay Sab as soon as possible kasi may disclaimer doon na hindi na aligned sa philosophy ng mga Dardenne ang isang clause sa Sun-Dias at gusto nilang maghanap ng "makaka-embody" ng mission and vision ng Sabrina's.

Hindi ko lang sigurado kung ano ang hindi na aligned sa kanila, pero parang wala naman akong nababalitang mali sa agency ni Sab.

Friday ng hapon nang dumaan ako kina Kyline. Nandoon si Tita Hellen kasama ang pamangkin niyang babae. Susunduin kasi si Luan dahil nga kasal na nina Patrick at Melanie sa Saturday at hindi puwedeng isama ang "isinumpang anak" ni Leo.

"Shoti, tara kay Mama Hellen . . ."

Tili lang nang tili si Luan habang excited na tumatakbo palapit kay Tita Hellen. Isa sa mga paborito niyang tao si Tita Hellen kaya sigurado kaming kapag naiwan doon kina Tita, hindi kami kakabahan kung magkalat bigla ng lagim.

"Tita, if manghingi si Luan ng special food request, call us na lang, ha?" paalala ni Kyline.

"It's okay, my dear. Kami na ang bahala ni daddy mo."

Pagkatipid-tipid ng ngiti ko dahil doon.

Kapag naaalala kong sinabi ni Mother Shin na alam ni Tito Addie kung sino ang sumugod sa bahay nila noon at hinayaan lang niya kasi kamag-anak din nila, mas lalo akong nawawalan ng tiwala.

Lalo pa, si Luan ang iiwan namin. Si Eugene, sasabay kay Auntie Filly pagpunta sa Saturday kasi ayaw ni Leo na mag-isang pupunta ang step-mom niya sa kasal.

Ang chill lang ni Ky pero sa tingin namin ni Leo, nagdadalawang-isip na kami kung iiwan si Luan kina Tita Hellen o hahayaan na lang naming mangambala ang bunso niya sa kasal nina Patrick basta nakikita naming nandoon.

"Ba-bye ka na kina Mimy, Shoti. Ba-bye, Mimy! Ba-bye, Dada!"

"Ba-bye, Mimy! Ba-bye, Dada!" masayang paalam ni Luan habang nagko-close-open ng kamay.

"Ba-bye ka kay Ninong Clark."

Nag-claw hands na lang ako bilang paalam sa kanya.

"Aaarrr! Ba-bye, Nining Kwerk!"

Nakayakap lang si Luan sa pamangkin ni Tita Hellen habang nakatanaw sa amin paglabas ng gate. Nakatanaw lang kami sa kanya hanggang makasakay sila sa purple na SUV na nakaparada sa harap ng bahay.

"Baka puwede naman nating i-plaster yung bibig ni Luan kahit thirty minutes lang," mahinang sabi ko habang nakatanaw sa loob ng kotse.

"'Tang ina mo, papatayin mo pa anak ko." Sinuntok lang ni Leo ang kanang braso ko at tumalikod na rin. "Love, tara na."

Kinuha lang niya ang kamay ni Kyline patawid mula sa likuran ko habang nakatingin pa rin ako sa paatras na sasakyan nina Tita Hellen.

Sana lang talaga safe si Luan doon kina Tito Addie.

♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top