Chapter 17: Stressed Out

Nag-warning na naman si Rico tungkol sa kapatid niya.

Naintindihan ko naman ang side niya bilang kuya. Kaya nga nagpaalam ako e, kasi nga naiintindihan ko. 'Yon lang, may restrictions. Tapos ihahabla ang dahilan kaya laging umiiyak ang kapatid niya. E, ano'ng laban ko roon, totoo rin naman kasi.

Wala, balik na naman sa umpisa. Hands off ulit kay Sabrina. Gusto ko sanang i-bypass na lang si Rico kasi malaki naman na si Sab, pero siyempre, malalaman at malalaman din niya ang ginagawa namin kahit anong tago ko.

Si Tita Tess, baka ayos lang sa kanya. Baka nga mag-celebrate pa siya kung mabuntis ko nang bigla si Sab. Pero siyempre, si Rico, mananapak 'yon kapag nalaman niyang buntis ang kapatid niya tapos wala siyang kamalay-malay na ako ang kumana.

Dumeretso ako sa office para kay Leo, gusto kong makibalita sa kasal nila ni Kyline. Pagdating doon, naabutan ko siyang nagbabasa ng documents.

"Balita?" bungad ko bago maupo sa visitor's chair sa harap ng office table.

"Saan?"

"Kasal n'yo ni Ky?"

"Pinag-uusapan pa ng mga Chua. Pero okay na raw kami sa kasal."

"O, okay naman na pala. Kailan daw?"

"'Yon nga, pinag-uusapan pa kung kailan. Pero nira-rush din nila."

Nabigla ako roon at naipatong ko agad ang magkabilang braso ko sa glass na mesa. "Nira-rush? Bakit daw?"

Ang lalim ng buntonghininga ni Leopold nang ikamot sa ulo ang dulo ng sign pen na hawak niya. Titig pa rin sa binabasang papel.

"Di ba, nakapirma na nga si Ky saka si Papa sa document na Chinese no'ng nakaraan . . ."

"O, tapos?"

"No'ng huling daan nila, kasama si Belinda."

"Ano sabi ni Mommy Linds?"

"Wala siyang sinabi, bantay lang siya. Pero tinanong niya 'ko kung naiintindihan ko ba ang sinasabi nina Papa roon sa mga kamag-anak nila."

"Si Mommy Linds, hindi rin niya naintindihan?"

"'Yon ang naisip ko noong una kaya niya tinanong. Pero, 'tol, 'tang ina, nakakaintindi si Belinda ng Chinese." Nailapag niya ang binabasa at tinutukan na 'ko. "Sabi ko, lalabas muna kami ni Belinda, magpapahangin. Pero tumambay lang kami sa may pintuan. Habang nagsasalita yung tita ni Ky, tina-translate ni Belinda. Tutal naman daw, hindi na mabibigay kay Kyline yung shares sa company, bahala na raw kami. Ang mabibigay na lang daw nila, yung sponsorship sa kasal. Iipunin na lang daw ang pirma ng mga papayag doon sa mga kamag-anak nila kasi nga, tagapagmana yata si Ky ng mga Chua."

"So, ano na ngayon? Wala nang business ng alak?"

"Parang nilipat yata nila kay Luan after kay Papa. Si Ky, walang matatanggap na kahit na ano."

"Bakit kay Luan?"

"Siguro kasi siya yung kamukha ni Kyline kaya gano'n. Si Eugene, hindi nila cinonsider."

"Gago, ang racist naman."

"Pero magiging valid lang daw si Luan kapag kasal kami ni Ky kasi, di ba, illegitimate pa rin mga anak ko. Kaya rin minamadali ni Papa ang kasal para maasikaso na 'yan."

"Transfer of rights ba ang pinirmahan n'yo?" tanong ko agad, nakangiwi at hindi lubusang ma-digest ang topic namin.

"Hindi ako sigurado kung ano, pero parang gano'n yata base sa explanation ni Belinda. Parang kapag bumaba sa puwesto si Adrian Chua, walang habol si Ky."

"E, bakit pati ikaw, pumirma kung pang-Chua lang naman pala 'yan?"

"Ako yung tatay ni Luan, e. Naka-apelyido siya sa 'kin. So, parang habang wala pa sa tamang edad ang anak ko, mga kamag-anak muna ang hahawak ng negosyo pagbaba ni Papa."

"Huy, gago, ang questionable niyan, 'tol. Two years old pa lang si Luan, e paretiro na si Tito Addie, di ba? Baka nga within this year, bababa na siya."

"Sa July na nga. Kaya naglilipat na 'tong mga kamag-anak nila."

"'Tang ina, 'tol, ang obvious ng pakay!"

Napasimangot na lang si Leo saka napaisang iling. Binalikan na lang niya ang binabasa habang nadidismaya rin sa ikinukuwento niya.

Ano ba'ng meron ngayon at parang sabay-sabay ang feud nila sa pamilya?

"Yung kasal n'yo ni Ky, tuloy," tanong ko na lang.

"Oo. Pero maghintay nga raw muna kami hanggang matapos yung pirmahan nila."

"'Tol, alam mo, sigurado akong ira-rush talaga nila 'yan. Mukhang iki-kickout pala kayo sa mana, e. Paano magha-handle ng negosyo si Luan, ang bata pa n'on. Sixteen years pa hihintayin para lang makahawak siya ng yaman ng pamilya niya."

"Bahala na sila diyan, basta huwag nilang sasaktan ang pamilya ko. Kung mag-away-away man sila sa pera, basta hindi kami damay, kanila na 'yan. Para namang mamamatay kami kapag hindi kami naambunan ng yaman ng mga Chua."

May problema sa pamilya ngayon ang mga Yu. Dadagdag pa 'tong mga Chua. Kinakabahan ako para kay Luan kasi mukhang hindi na babantayan ang mama niya. Baka siya na ang bantayan sa susunod.

Pagdating ng alas-otso, dumeretso agad ako kina Tita Tess. Tapos na silang mag-dinner nang ganitong oras kaya doon ko na sa garden pinuntahan si Tita. Nagtsa-tsaa na naman siya, nagpapatunaw yata.

"Tita."

"Hmm?" Bugnot na bugnot agad ang tingin sa 'kin, wala pa akong sinasabi.

"Tita, may chika ako." Naupo agad ako sa favorite spot ko sa kabila ng upuan niya. Ipinatong ko roon ang mga braso ko at mahinang nagsalita. "Tuloy raw ang kasal ni Leo this year."

"Ngayon?"

"Itatanong ko kung magkano ang security service."

Napahinto siya sa pagdampi ng cup sa bibig nang kunutan ako ng noo. "Security service? Para saan?"

"Kasi, Tita, ganito . . ." Umayos ako ng upo at nagmuwestra pa ng kamay. "Si Leo, may pinirmahan para mapapayag ang mga Chua sa kasal nila ni Ky. Ang sabi ni Mommy Linds, parang transfer of rights daw 'yon or something na parang aalisin si Ky as tagapagmana ng mga Chua or something."

Nailapag ni Tita Tess ang iniinom niya at pinakinggan akong maigi. "Then?"

"Inilipat ang mana yata kay Luan tapos effective lang 'yon kapag nag-legal age na yung bunso ni Leo. E, gaano pa 'yon katagal, Tita? Ilang taon pa lang si Luan ngayon."

"Bababa na sa puwesto niya si Adrian sa susunod na annual meeting nila sa July."

"'Yon nga ang kaso, Tita. Kaya nga pababantayan ko si Luan kasi kung mga Chua ang magbabantay sa bata, mas kinakabahan ako, e. Wala akong tiwala sa mga Chua. Nagawa nga nilang takutin sina Mommy Linds noon tapos sinisi nila sa mga Yu na wala namang ginagawa. E, alam mo namang-"

Natigilan ako nang manliit ang mga mata sa akin ni Tita Tess, hinuhusgahan ako.

"Tita, bakit?" nakangusong sabi ko.

"Ano'ng sabi mo tungkol sa mga Chua at Yu?"

"Hindi, Tita, wala." Mabilis akong umiling.

"Clark."

"Hindi, Tita, ano lang 'yon, parang narinig ko lang somewhere."

"Saang somewhere."

"Sa . . . mwhere?" kunot-noong ulit ko.

"Isa, Clark."

Mabilis akong umiling. "Lumang chika lang 'yan, Tita! Hindi ako sure diyan!"

"Saan nga?!" singhal na niya at pinandidilatan ako.

"Sa . . ." Itinuro ko ang bakod. "Sa tsismisan!"

"Anong tsismisan?" Hinabol niya 'ko ng hampas pero nailagan ko agad. "Tinatanong ka nang maayos!"

"Hindi, Tita, alam mo naman, ang dami-dami kong tsinitsismis. Saka super tagal nang chika niyan. College pa yata ako noong sinabi sa 'kin 'yan."

Lalo siyang nagduda nang sabihin ko 'yon.

Nagtaas agad ako ng kanang kamay para manumpa. "Promise, Tita, matagal nang chika 'yan. Hindi ko lang dina-drop kasi wala namang reason."

Dinuro agad ako ni Tita Tess para mag-warning na naman. "Ikaw na bata ka, lalo kang mapapahamak diyan sa mga ganyang nalalaman mo, ha. Itikom mo 'yang bibig mo. Baka kung kani-kanino ka nagsasalita ng ganyan, kapag may nakarinig sa 'yo, ako mismo ang magsusumbong kay Pia ng mga ginagawa mo."

"Hala, Tita, grabe naman. Bakit naman nadamay si Mami rito," nakangusong sabi ko.

"Ikaw, pinagsasabihan kita, makinig ka. Kapag ikaw ang napahamak diyan, sinasabi ko na sa 'yo."

"Wala nga, Tita! Hindi naman na 'ko nagkukuwento kani-kanino."

"O, paano ka napunta sa Kahunari? Ano'ng ginagawa mo r'on, aber?" Napaawang ang bibig ko nang magkrus siya ng mga braso.

At talagang pinasusundan nga ako ni Tita Tess?

Ay, oo nga pala, hindi pala ako ang pinasusundan niya kundi ang mga sumusunod sa akin . . . pero watdapak?

So, don't tell me, alam niyang dumadaan ako sa mga tao ng Red Lotus?

Shet, baka nga . . .

Shet! Hindi lang baka! Alam pala talaga niya!

"Tita, pramis, wala na 'kong connection sa Red Lotus," pag-amin ko agad, nakataas ulit ang kanang kamay.

"Paano ka pa magkakaroon ng koneksiyon, binuwag na nga 'yon!" Hinabol na naman niya ako ng hampas at napaiwas naman ako.

"Binuwag? Since when?!" gulat na gulat na tanong ko habang pinanlalakihan siya ng mga mata.

Binuwag ang Red Lotus nang hindi ko alam?!

Huwaaat?

"Ikaw ang naglalamierda rito sa kung saan-saan, wala kang alam na bata ka! Kaya ka napapahamak! Napakatigas ng ulo mo!" Ilag lang ako nang ilag kay Tita Tess habang dina-digest ang ibinalita niya.

Wala na ang Red Lotus?

Bakit hindi ko alam?!



♥♥♥



Tinawagan ko agad si Calvin pagkaalis ko kina Tita Tess. Wala na raw ang Red Lotus. Nagtataka naman ako kung paano samantalang accessible pa rin naman ang website.

"Saan ka?" bungad ko pagsagot niya ng call.

"Dito kina Shin."

"Ba't nandiyan ka na naman?"

"Pakialam mo ba?"

'Tang ina talaga nito ni Calvin, ginagawang tambayan yung bahay nina Mother. Sana all.

"Puwedeng magtanong tungkol sa resto?" tanong ko na lang, iniiwasang banggitin ang Red Lotus kasi nandoon siya.

"Bakit ano'ng meron?"

"Dissolved na raw."

"Dissolved ang alin?"

Taragis naman kasi, bakit ba siya nandoon? Saka gabi na, a! Bakit nandoon pa siya?

Tinakpan ko na lang ang ibaba ng phone ko saka bumulong. "Dissolve na raw ang Red Lotus?"

"Sabi nino?"

"Ni Tita Tess."

"Sure ba?"

"Kaya nga tinatanong ko, di ba?"

"Gago, hindi ko alam. Saglit, magtatanong ako. Balitaan kita bukas."

"Pero bakit nga nandiyan ka kina Shin muna?"

Sunod-sunod na "toot toot toot" na lang ang narinig ko saka ko inilayo ang phone sa bandang bibig.

'Tang ina talaga nito ni Calvin, parang tanga, e. Nagtatanong, magbababa. Yari ka sa 'kin sa susunod.

Wala akong nababalitaang na-dissolve ang Red Lotus. O siguro, wala kasi talagang nagbabalita tungkol doon. Halos dalawa, apat na taon na yatang banned ang Red Lotus para pag-usapan. Wala na nga akong naririnig kung hindi ko babanggitin.

Bukas pa rin ang talent agency, pero hawak 'yon ni Jian. Hindi nga lang Red Lotus ang pangalan n'on kasi Royal Sun 'yon mula pa noon. Ang operator at main company nila, under ng company ng mga Yu, connected sa Red Lotus.

Sinubukan kong kontakin lahat ng tao ng resto at mga ipinakilala sa akin ni Mother Shin, pero ni isa sa kanila, walang sumagot sa mga text at tawag ko.

Hindi ko alam kung mga nagtatago lang, umiiwas sa akin, o gaya ng hinala nina Kuya Norman, iniisa-isa na nga. Nasampolan na ako noong nakaraan, tinanggap ko nang warning 'yon mula sa mga Yu. Nagpapasalamat na lang ako na binabantayan ako ng mga taga-Afitek para lang mahuli ang mga tao nila.

Kinabukasan, wala akong ibang natanggap kay Calvin kundi simpleng chat. Ang sabi lang niya, "Ang daming natapos na contract ni Shin ngayong taon, sabay-sabay lahat. Ngayon lang nila malilinis lahat ng reforms."

Natulala na lang ako sa hangin pagkabasa ko n'on.

Natapos ang mga contract . . .

Ibig sabihin . . . lahat ng pinaghirapan ni Mother Shin mula noong college ako, lahat ng 'yon, mababalewala na lang?

Natutulala ako sa hangin habang iniisip na ang daming inayos ni Mother na policies sa south-lahat ng sakop niya. Ni-legal niya lahat ng ilegal na noon pa. Binigyan niya ng magandang bukas ang mga nagtrabaho para sa kanya kahit pa ibig sabihin n'on, kung ano lang ang porsyentong nasa usapan, 'yon lang ang mapupunta sa kanila, kompara sa ibang kinukubra lahat kasi makapangyarihan sila.

Eighteen ako noong napadpad ako sa Red Lotus. Twenty-eight ako noong binalaan ako ni Kuya Wing. Sa isang dekada na 'yon, alam ko kung gaano karami ang inayos ni Mother Shin para lang tingnan sila ng lahat bilang katiwa-tiwalang pamilya . . . kasi ang tingin sa kanila ng halos lahat ng kilala ko, mga wala silang puso, mga kriminal, mga mamamatay-tao.

Wala akong ibang narinig sa mga tao ni Mother Shin na naging masama siya sa kanila o pinahirapan nila ang mga tao niya. Lahat sila, sinasabing ang dami niyang binago at ipinagpapasalamat nilang lahat 'yon.

Pero ngayon?

Ewan ko na.

Walang balita sa talent agency. Four years na rin mula nang makakuha ako ng endorsement na hawak ni Mother Shin.

And speaking of endorsement, tumawag si Tita Ali sa office, hinahanap ako.

"Hello, Clark, darling."

"Hi, Tita! How are you?"

"I'm good. Are you busy tonight? Sorry, ang late ng appointment ko."

Napasilip ako sa relo ko. Alas-nuwebe pa lang naman ng umaga. "No, it's okay, Tita. I'm free naman po. How can I help you?"

If Enrico Dardenne is rich, Alina de Montares is way richer than him. At bunso siya ng mga El Sokkary. Tita Ali is Tita Tess's ultimate rival of all time when it comes to almost everything.

Although, mas type ko ang ganda ni Tita Tess. Doon lumamang si Tita Tess sa akin kasi ang angelic ng mukha niya. Si Tita Ali kasi, ang strong ng hulma ng mukha saka mapanga. Tapos kapag maninitig siya, mata lang ang gumagalaw saka isang kilay. Tapos kapag magsasalita siya, ang lalim ng boses niya, parang kapatid ni Thor. Hindi rin sila hawig ni Tita Tess pero pareho naman silang maganda.

'Yon lang, kapag kausap ko si Tita Ali, parang kausap ko si Mami. Matic, napakagalang ko at sobrang modest. Sinasabi nga nina Leo, para akong may sapi kapag kami ang magkausap. Hindi ko lang talaga kayang kausapin si Tita Ali nang hindi ako magalang. 'Hiya ako, siyempre.

"Busy ka ba tonight, Clark?"

"Tonight po? Mga anong time po, Tita?" Napabuklat tuloy ako ng organizer kung may gala ba ako tonight at talagang lilinisin ko lahat kahit alas-tres pa lang ng hapon.

"Nine in the evening? Wala kasi ako sa Manila right now, mamayang eight pa ang lapag ko. But I can manage to go sa Grand Hyatt before nine. Kasama ko si Ate Tessa."

"Oh . . ." Napaisip agad ako kung ano'ng meron. Pagbaba ko ng tingin sa calendar, wala akong meeting ngayon maliban sa pagdaan sa tea house na partner namin para mag-check ng collection. Libre ang six ko hanggang bukas.

"I called your assistant, Nery, din pala for a formal appointment. He said na wala ka raw schedule tonight, kaso baka may date ka or any personal commitment na wala sa business schedule mo."

"Ay, wala po, Tita! Free po ako tonight. Puwede pong malaman ang agenda ng meeting?"

"May ipo-propose sana kaming business ni Ate. Gusto ka sana naming gawing partner, so maybe we can talk about it later."

Business. Si Tita Ali kasama si Tita Tess? Ano'ng business naman kaya 'yon? Ang weird naman, bakit ako pa? Ang dami-dami naman nilang connection na mas big time.

"I'll be there po, Tita. Tatawag po ako before pumunta."

"Thank you, darling. I'll see you later."

"See you rin po, Tita."

Sobrang laking hiwaga sa 'kin ng meeting na 'yon na kahit tanghali pa lang, nilinis ko na ang mga pupuntahan ko kasi ayokong ma-late, nakakahiya kay Tita Ali. Kay Tita Tess, okay lang ma-late ako, nalalambing ko pa 'yon, e. Kay Tita Ali, talagang kahihiyan at dignidad ko na ang nakasasalay kapag na-late ako sa meeting namin.

Sa biyahe pa lang, ilang beses nang nag-ring ang phone ko.

"Tumawag si Tita?" bungad ko nang makita ang pangalan ni Nery sa screen.

"Good afternoon, Sir Clark. Tumawag po si Miss Sabrina, tinatanong po kung puwede kayong mag-meet?"

"Bakit daw?"

"Wala pong sinabi, basta raw."

"Galit ba? Sinigawan ka?"

"Y-Yes, sir," alanganing sagot ni Nery kaya napangiwi ako.

Ano na naman kayang reklamo nito ni Sabrina? Kung tungkol na naman 'to sa kasal, isasama ko na siya sa meeting namin mamaya, mag-usap sila ng mama niya.

"Sabihin mo, dito ako sa personal number tawagan at huwag sa office," utos ko.

"Wala raw pong response sa inyo, sir."

Talagang walang response 'yon. Naka-airplane mode ako kanina pa kasi ayoko nga ng istorbo.

"Sabihin mo, dito na tumawag, sasagot ako."

"Noted, sir."

Ako na ang nagbaba ng tawag at takang-taka naman kung anong issue ngayon ni Sabrina.

Hindi kaya tungkol 'yon sa business na plano ni Tita Ali at Tita Tess? Pero ano'ng connect?

Galing akong tea house sa Santa Ana, Manila, nag-check ng monthly collection, mabilis din akong umalis. Ang problema, yung dinaanan ko, may road blocking pala! One way lang siya, papunta puwede. Pabalik, iikot pa ako sa dalawang baranggay para makalabas sa main road. Ang problema, traffic kahit magyu-U-turn na lang.

Kaya mas gusto ko talagang nagko-commute kapag gumagala. Puwede akong bumaba at maglakad kapag sobrang traffic na.

At nasa gitna pa lang ng traffic, tumawag na naman si Nery.

"Sir, tumawag po ulit si Miss Sabrina."

Napapikit ako at napabuntonghininga. "At bakit na naman? Di ba, sabi ko, dito sa number ko tumawag?"

"Yes, sir, sinabi ko naman po."

"O, bakit diyan pa rin tumawag sa 'yo?"

"Sabihin ko raw po sa inyo, 'I hate you.' Itatanong niya raw po 'yan mamaya kung sinabi ko sa inyo. Nagagalit na po siya, sir."

Taragis 'yan. Napa-face-palm tuloy ako nang wala sa oras.

"Pakitanong nga kung ano ba'ng problema niya?" napapagod na utos ko.

"Okay po, sir."

Ako na ang nag-drop ng call. Tinawagan ko rin si Sab kaso busy naman ang line. Mukhang tinawagan nga talaga ni Nery.

'Tang ina naman kasi, ano na naman kaya'ng issue sa buhay ng babaeng 'to at naiirita na naman?

Gumalaw nang kaunti ang kotse ko. Mga dalawang ruler din, tapos stuck na naman sa main road instant parking lot.

Tumawag ulit si Nery, dinig ang pagod sa kanya kasi nagbuntonghininga rin pero malayo sa phone. Ayaw yatang iparinig pero narinig ko pa rin.

"Sir, wala daw po akong pakialam sa problema niya. Puntahan mo na lang daw po siya sa Purple Plate."

"Haaay, Diyos ko, Sabrina." Naibagsak ko na lang ang noo ko sa manibela habang napapagod sa reklamo niyang hindi ko alam ang dahilan at sa putang-inang traffic na 'to. "Pakisabi, pupunta ako. Maghintay siya."

"Noted, sir."

May araw pa nang ma-stuck ako sa traffic. Dinner time na nang makarating ako sa service road. Yung lakas ko, naubos lang sa pag-stay sa kalsada.

Alas-siyete ng gabi, alam ko nang wala na akong maaabutan sa Purple Plate. Sarado na 'yon, e.

Paderetso na sana ako sa Grand Hyatt nang mag-send sa Viber si Sabrina, sa wakas!

Sabrina: CLARK!!!!

'Tang ina, galit nga. Minurder ang exclamation point.

Clark: Ano na naman?

Palipat-lipat ang tingin ko sa typing icon sa screen at sa kalsada.

Sabrina: PUMUNTA KA RITO SA GYM NI WILL. NOW NA

Saglit kong binagalan ang takbo ng sasakyan at nag-text.

Clark: Busy ako, pasundo ka na lang kay Will.

Sabrina: I'M ASKING FOR YOU! HUWAG KANG MAGTURO NG KUNG SINO-SINO

Clark: Maka-caps on ka naman, gagalet?

Sabrina: GO HERE! NOW!!!

Clark: May date ako gagi.

Sabrina: I DON'T CARE!!!

Clark: Mana ka talaga kay Tita Tess.
Clark: Saglit pupunta na. Bayaran mo gas ko ha.

Panibagong buntonghininga na naman kasi yung Grand Hyatt, halos sampung minuto na lang ang layo sa lokasyon ko at sobrang aga ko kung tutuusin. Pero kanina pa kasi nagwawala 'tong si Sabrina, mukhang dinadamay pa si Will. Pagsapit ko sa intersection, nag-U-turn na naman ako kasi sa kabilang way ang daan papunta sa gym ni Will sa Pasig.

Tsk, ano ba naman kasi 'yan?

Nakailang tingin ako sa relo. Kung mabilis lang 'yon, makakaabot naman ako sa nine p.m. appointment kay Tita Ali. Kapag hindi, sasabihin ko na lang na kasalanan ni Sabrina.

Hindi ko alam kung ano ang uunahing isipin: kung yung tungkol ba sa appointment o itong dahilan ng init ng ulo ni Sab.

Wala naman kaming pinag-awayan kahapon saka kanina. Ano na namang ikinaiinit ng ulo nito ngayon?

Pagdating doon sa gym ni Will, pagod na agad ang utak at katawan ko, hindi pa nagsisimula ang appointment ko kina Tita.

Naabutan ko siya sa waiting area katabi ng front desk, namamapak ng mansanas doon-na mukhang meryenda ni Will pero pinakain siguro sa kanya.

"Hmm!" Dinuro niya ako habang pinandidilatan. Puno pa ang bibig nang ilapag sa front desk ang tub na may laman ng kinakain niya.

"Issue mo na naman sa Earth, Sabrina?"

Puno ang bibig, walang sinabi. Hinatak lang ako sa locker room na walang tao.

Nakasimangot lang siya habang nilulunok ang laman ng bibig niya.

"Kanina ka pa fino-forward sa 'kin ni Nery, tawag ka raw nang tawag. Ano ba? Na-miss mo agad ako?" sarcastic na tanong ko.

"Ang kapal mo."

"E, ano nga?"

"Kuya admitted na ikaw ang nagpapalit ng placing ng closets niya." Nagtaas siya ng kilay at nagkrus ng mga braso.

"Yeah. And so?"

"Sinabi mo ba kay Kuya na kasama mo 'kong nanonood ng porn before?"

"Ay, wow." Naduro ko tuloy siya para manguwestiyon din. "Kailan kita sinamahang manood ng porn, aber?"

"I already told you when!"

"Kailan nga? Ikaw ang sumagot," hamon ko nang isuot ang magkabila kong kamay sa bulsa ng smart suit ko.

"When I was a kid, ano ba!" nanggigigil na sagot niya sa mahinang boses.

"Ah, when you were a kid," sarcastic ding sagot ko at sumimangot. "Alam ko bang nanonood ka n'on?"

"No. But you were there, and I was there, so we watched it together."

Ginaya ko naman ang pagtataray niya with matching paggalaw pa ng ulo. "No, we didn't!" maarteng sagot ko, ginagaya ang boses niyang matinis bago ako umayos ng tayo. "Let me remind you: you sneaked into Rico's room, at walang permiso 'yon mula sa kahit sino sa bahay n'yo. Ikaw lang ang nanood, hindi ako."

"But you played it."

"Nakita mo?"

Hindi siya agad nakasagot, tumingin lang sa itaas bago ibinalik ang tingin sa 'kin.

"You still played it," katwiran pa rin niya.

"Pero nanood ako?"

"But you still played it!"

"Nanood nga ako?"

"You fucking played it, of course, it counts!"

"Ah, ha-ha! Wow."

'Tang ina, ito ba ang source ng anxiety ko kanina sa traffic? Ito lang na issue na 'to na hindi ko alam kung saan nagmula? Ito ba? Putang inang pinili ko pa talaga 'to over Tita Ali?

Clark, wala ka na talagang pag-asa.

"You know what, Sabrina, hindi ko alam ang point ng topic natin. Ayokong makipag-argue sa ganito ka-petty na reason."

"Pero sinabi mo nga kay Kuya?"

"Gusto mong sabihin ko ngayon?"

Bigla niya akong hinampas kaya nanlaki ang mga mata ko sa gulat. "Clark! Hindi ka na nakakatuwa!"

"Bakit ba! Ano'ng gusto mong sabihin ko?"

"Sinabi mo nga kay Kuya?"

"Sasabihin ko nga ang alin?"

"Yung ginawa ko!"

"Alin doon?"

"Yung ginawa ko nga!"

"Na alin nga?"

"I already told you!"

"Alin nga?"

"Aaargh! I hate you!" sigaw niya at nag-walkout nang walang pasabi.

Yung headache ko, taragis, kailangan ko yatang lumaklak ng ibuprofen bago makipag-usap kina Tita.

Mabilis kong hinabol si Sabrina palabas ng gym kasi baka magkalat na naman.

"Sab, ang sakit mo talaga sa ulo kahit kailan." Brinaso ko agad siya sa baywang saka binuhat nang isang braso lang.

"Hey!" tili niya at pinalo ako sa braso. "Clark! Isa! Claaaark!"

"Sab, seryoso, pinahihirapan mo lang ang sarili mo."

Ibinaba ko siya sa tapat ng kotse ko at pinasandal ko roon sa may pintuan ng passenger seat. Itinukod ko ang magkabila kong palad sa ibabaw ng kotse, sa gilid niya, at saka ako bahagyang yumuko para lang maabot ang taas niya.

Sinusubukan kong pakalmahin ang sarili ko habang nakatitig sa mga mata ni Sabrina. Wala, malungkot na naman, e. Kada kita na lang namin, kung tingnan niya 'ko, parang lagi ko siyang pinaiiyak. Ano ba?

"Hindi ako pumunta rito para lang pagbintangan mo ng kung ano-ano," sabi ko sa kanya. "We've been together for years. Bumalik ka rito sa Pilipinas more than ten years ago. Have you ever considered that decade bago mo 'ko sabihan ng mga bagay na hindi ko naman ginawa, hmm?"

"But you knew that I did it . . ." paiyak na sabi niya, nanginginig ang labi at aapawan na naman ng luha ang mga mata. "And you told Kuya about it . . ."

Diyos ko, Sabrina.

Napabuga na lang ako ng hininga at napayuko.

Hindi ko na alam kung ilang pagtawag kay Lord ang ginawa ko ngayong araw dahil lang sa kanya.

"Sab . . ." Buntonghininga na naman at tiningnan ko ulit ang naiiyak niyang mga mata. "Kung closet ni Rico ang pinoproblema mo, yes, ako ang nagpalipat n'on," mahinahon kong paliwanag sa kanya. "Bakit? Kasi wala kang ibang mapagtataguan sa kuwarto ni Rico kundi doon lang. Alam ko bang nagtago ka roon? No. Pero may common sense ako para maisip na baka nga nasa closet ka. And please lang, tigilan mo na 'tong kaka-overthink mo. Hindi naman 'to dapat pinoproblema pero pinoproblema mo."

Ang kaso, imbes na sumagot, nag-amba lang siyang iiyak na nga.

Diyos ko, Lord, help. Sumasakit na ang ulo ko.

Tumayo na lang ako nang deretso, kinuha ko nang maingat ang braso niya para alisin siya sa may pintuan ng kotse ko.

"Ite-text ko na lang si Will. Sasabihin kong uuwi ka na."

Kalmado kong binuksan ang pinto ng sasakyan at inalalayan ang ulo niya pasakay.

Ayoko na lang balikan ang topic tungkol sa porn at panonood niya n'on kasi sooobrang tagal nang nangyari 'yon. Ilang taon na kami? Ilang taon na siya?

Reasonable pa bang pag-usapan 'yon, e ako nga lang ang nakakaalam na nakanood pala siya n'on?

Ay, pati pala si Leopold.

Pero kahit pa! Ni hindi nga niya maririnig kay Leo ang tungkol doon.

Hindi ko gets ang dahilan ng argument. At sure na late ako sa appointment ko dahil dito.

Kagagalaw pa lang ng kotse ko nang magsalita na naman si Sabrina.

"You already have a date pala, pumunta ka pa rito. Nang-iinsulto ka ba?" mataray na tanong niya. "And nine o'clock? Ganoong time? Really? After that, ano na? Dadalhin mo sa hotel at bukas ka na ulit magpapakita sa 'kin as if nothing happened?"

"Sab, libreng tumahimik, oo, alam mo 'yon?" sabi ko, nagmamaniobra na lang papuntang service road para makahabol ako sa appointment.

"Will said, gumagawa ka ng paraan about sa wedding. Eto na ba 'yon? Are you dating someone, so Mum will change her mind of pushing our marriage?"

Diyos ko, Sabrina, magiging madasalin ako dahil sa 'yo.

Nagbuntonghininga na lang ako. Ayokong makipagtalo, napapagod na 'ko.

"If you have no plan on taking things seriously, puwede bang layuan mo na lang ako?" dugtong niya sa sermon niyang hindi ko alam kung nanggagaling. "I've already messed up with Ivo. Ni hindi nga ako nakapaglabas ng sama ng loob kasi forced ako to be okay. And now what? You're bothering me with your-"

Nag-ring ang phone kong nasa mount. Si Nery, overtime pa nga. Pinindot ko na lang ang loudspeaker kasi hindi ko suot ang earpiece ko.

"Sir Clark, Madame Tessa and Directress Ali already notified your office for your nine p.m. appointment."

"Tell Tita Tess I'm with her daughter. On the way na ba sila?"

"Madame Tessa said so, sir."

Shet. Sabi ko, aagahan ko, e. Taragis talaga. Tapos itatanong, ano'ng dinadrama ni Sabrina at bakit inuna ko?

Ano sasabihin ko? Nagrereklamo po kasi sa panonood niya ng porn na kasama raw ako. Haay, buhay. Parang hindi naman ako na-stress nang ganito sa kahit sinong naging girlfriend ko.

Partida, hindi ko pa girlfriend si Sab.

"Ano na lang, pakisabi . . ." Napasilip tuloy ako sa relo ko. 8:55 na, 'tang ina, naiiyak ako. "Tsk, pakisabi male-late ako nang kaunti."

Kung ihahatid ko si Sab sa condo niya, malapit lang sa hotel kung saan ko kikitain sina Tita. Siguro naman, kaya na niyang umuwing mag-isa kasi late na talaga ako.

Nine p.m. Taragis, wala talagang rason para ma-late ako maliban sa traffic. Pero alas-nuwebe pa lang kasi ng umaga, naka-oo na 'ko. Twelve hours, 'tang ina, sa haba ng oras na 'yon, ang lakas ng loob kong ma-late!

"You should have told me about them before you went to Will's," naninising sabi ni Sabrina kaya pinigil ko na lang mainis.

"Pakibasa nga ulit ng text ko."

"Text mo? Shit!"

Napalingon tuloy ako sa kanya nang wala sa oras. "O, bakit?"

Hindi siya sumagot, pinakaba ako lalo.

"Huy, Sab, ano 'yon?" mahigpit na tanong ko.

"Nothing," mataray na sagot niya pagtingin sa phone kaya napangiwi na naman ako.

Diyos ko, Sabrina, yung pasensiya ko, umiikli.

"Alam mo, Sabrina, hindi sa lahat ng oras, dapat pinaiiral mo 'yang katigasan ng ulo mo," mahinahong sermon ko sa kanya kasi napapagod na talaga ako. "May dinner date kami ngayon nina Tita Tess at Tita Ali. Kung ayaw mong magisa ng nanay mo, umiwas-iwas ka sa puwesto namin. May dala kang wallet."

"Iniwan ko sa shop."

"Lumayas ka sa shop nang wala kang wallet? Paano ka uuwi niyan?"

"I'll call Kuya na lang para sa service."

My God, Sabrina Dardenne! Aaarrggghhh!

Idinaan ko na lang sa inhale-exhale ang pagpapahaba sa pasensiya ko. Nasuklay ko ang buhok gamit ang daliri sa sobrang inis.

Diyos ko, Lord, give me patience.

"Sab, malapit na ang wedding ni Patrick. Kapapanganak pa lang ni Melanie. Ang dami naming inaasikaso. Hindi nakakatulong na dumadagdag ka pa sa stress namin ni Rico."

"Hindi naman mangyayari 'to kung pinakasalan na 'ko before ni Ivo e!"

"Mag-i-Ivo ka pa, e pinagpalit ka nga ng gagong 'yon sa iba! Sab naman, huwag kang puro ganda. Kaya nabubuwisit sa 'yo kuya mo, e."

"Magsama kayo ni Kuya! Pareho kayong kontrabida ng buhay ko."

Iniintindi ko naman ang tantrum ni Sabrina, pero hindi ko talaga alam kung anong relevance ng ipinagwawala niya sa mga nangyayari ngayon.

Ang utak ko, busy sa kasal ni Leo at kasal kong kasunod, pero ang utak ni Sabrina, tungkol sa panonood ng porn na nangyari sixteen years ago.

Hindi ko . . . Diyos ko, hindi ko na alam.

Ipinarada ko ang kotse sa harap ng Grand Hyatt. Masyado na 'kong naabala, at 9:38 na.

"Uuwi na 'ko," sabi ni Sab. "Hihiramin ko muna 'tong kotse mo."

"Siguraduhin mo lang na uuwi kang buo, ha."

"Fifteen minutes away lang ang bahay ko rito, sana hinatid mo na lang muna ako."

"Wow, gold ka ba?" Padabog kong hinatak ang messenger bag ko sa backseat at tiningnan siya nang masama. "Kukunin ko 'yang susi sa 'yo after ng meeting ko dito. Umayos ka, ha. Kapag may gasgas 'tong kotse, si Tita ang sisingilin ko pambili ng bago."

"You wish! Tse!"

Ang tigas talaga ng ulo.

Bumaba na ako ng sasakyan at nagmamadaling pumasok sa loob ng hotel.

Tsk, hindi ko talaga alam kung paano ipaliliwanag kay Tita Ali kung bakit late ako ngayon. Haay, buhay.

♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top