Chapter 15: Nightmare

Uy, anyway, thank you po sa masisipag mag-comment. Sa mga bibili ng TLI book, for sure, makikita ninyo ang mga username ninyo sa acknowledgment section. Salamat po sa pag-iiwan ng comments. Kayo po ang dahilan kaya masipag akong mag-update kapag wala akong trabaho hahaha

Enjoy reading po!

♥♥♥

Ang hirap ng naka-hang sa ere. May patutungahan ka naman na sana pero depende pa sa daloy ng hangin ang magiging ending mo kung saan ka mapapadpad.

Gusto ko talagang paunahing ikasal sina Leo at Kyline kasi ang tagal na naming hinihintay 'to. Si Kyline lang talaga ang inaabangan namin. At ngayon, may yes na siya pero naka-hang din sila sa desisyon ng pamilya. Damay tuloy ako.

Pero ayokong manisi kasi choice ko namang hintayin silang ikasal ni Leo. Ayoko lang mauna at ayokong manggulat na bigla akong ikakasal kay Sab dahil lang hindi sila matuloy sa kasal nilang overdue na may isang dekada mahigit pa.

Bagong taon na, nakapagpalit na ng taon at para kaming binibitin ng lahat sa ere. Kakausapin daw ulit sila ng mga Chua, at sana lang, maganda na ang mapag-usapan this time. Next year na ang inaasahang kasal ni Leo pero plano naming iurong ngayong taon ang kasal na 'yon para maikasal din ako.

January na at naghihintayan na lang talaga kaming magbabarkada ng magiging buhay namin sa mga susunod na buwan.

Si Patrick, tatay na at malapit nang ikasal, ilang araw na lang.

Si Calvin, mukhang ikakasal na rin daw.

Si Leo, dapat ikasal na.

Ako, kapag nagkandaletse-letse kami, baka ayoko na lang ikasal kahit na kailan.

Buti pa si Will, tahimik ang mundo, palibhasa gusto siyang maging pari ng mga magulang niya. Kung mapadpad man siya sa kasalan, siya yung nasa kabila ng altar at nakaharap sa lahat.

Haay, buhay.

As usual, kailangan kong magtrabaho. 'Tang-inang buhay 'yan. Bakit ba kasi required magtrabaho?

Saka bakit ba kasi ako nagtatrabaho, e ang sabi ko pa, magiging tambay nga muna ako ngayong taon hanggang maikasal ako kung sakali man?

Umaga pa lang, dumeretso na ako sa bar ng kasosyo ko sa negosyo para mag-inventory.

Weekly ang inventory ko ng alak dito, twice naman kapag payroll. At dahil madalas sa madalas, nagsasabay ang payroll at inventory, pareho kong trabaho 'yon ngayong a-kinse.

"Pakilapag dito," utos ko, turo-turo ng sign pen ang mga case ng beer na paisa-isang ibinababa sa truck mula sa may back door.

Maraming mamahaling alak ang ino-offer sa Zone 90, ang bar namin ni Jerick. Si Jerick, ka-batch siya ni Calvin na sa amin nagpasuporta ng kapital niya rito. Nag-co-owner ako at eto ang isa sa mga trabaho ko rito. Sa ngayon, kahit maraming mamahaling alak ang meron kami, mas mabenta pa rin talaga ang regular beer at gin.

May kasama pa akong dalawang staff sa bar na nagtse-check ng mga bote. Madalas kasi, may mga basag na nakukuha namin, lalo yung mga nasa edge nakapuwesto na bote, nagli-leak na bago i-deliver. Mahirap kasi kapag nai-serve na siya at bawas na ang laman, reklamo agad.

Kadalasan, natatapos kami sa inventory, mula alas-dos ng hapon hanggang alas-nuwebe ng gabi kung kailan peak at maraming nababawas sa old stock para palitan ng bagong kuha. Marami pang stock ng beer at ibang alak kasi two days na sarado ang bar dahil nga inayos ang drainage ng sidewalk na tapat mismo ng negosyo namin. Walang problema ang dalawang araw kasi day off na rin ni Jerick. Na-announce naman na ang pag-aayos doon may tatlong linggo na kaya ayos lang. Ngayon na lang ulit nag-resume at mas dumami ang customer dahil nga kababalik lang at sumakto pang weekend.

Aakyat na sana ako sa office nang bulungan ako ng bouncer mula sa back door.

"Clark, dumaan yung bunso ni Boss Tessa, nasa loob."

"Si Sab?" Napalingon ako sa itim na dingding na katabi ko kahit pa wala akong makikita roon. Tinapik ko lang ang braso ng bouncer at dumeretso na sa loob.

May second floor ang bar namin, marami ring private room at VIP room para sa mga magbabarkada at gusto ng exclusive space na ayaw ng maraming nakikitang sumasayaw sa gilid-gilid.

Ang trip na interior ni Jerick, bar na mukhang renovated warehouse na pinagbabarilan nina FPJ noong unang panahon. Kaya ang dingding, puro itim. May mga catwalk pa sa gilid-gilid kaya puwedeng akyatin kahit tambayan lang. Nasa second floor ang DJ podium, nasa first floor ang band. At dahil walang gig ngayon ng band, naka-DJ muna kami.

Isa sa mga dapat makasanayan sa mga ganitong lugar, yung amoy. Hindi mo masasabi ang maaamoy mo kada hakbang. May mga area na kaunti ang tao, pero may mga area na siksikan sila at manlalagkit ka kahit napadaan ka lang naman.

Walang nakabukas na spotlight, pero bukas ang mga dim LED saka light strips.

Ang sabi ng bouncer, nandito raw si Sab. Ikot ako nang ikot sa ground floor para mahanap siya. Hindi ko pa natanong kung saan nakapuwesto, ang tanga rin talaga minsan.

Sumilip ako sa mga couch, wala siya. Doon sa mga grupo-grupo, wala rin.

"Kilala mo si Sabrina Dardenne?"

"Hindi po."

Nangalabit na naman ako ng kung sino. "Kilala mo si Sabrina Dardenne?"

"Ha?"

"Sabrina, kilala mo? Dardenne, ha."

"Parang nandoon sa gitna."

"Nakita mo?"

"Kasabay ko kanina sa entrance."

Saka ko lang hinagod ng tingin ang lalaking kinalabit ko. Manghuhusga na sana ako kung paanong nakilala si Sabrina kaso naka-ruffles na fuchsia blouse.

"Sige, thanks!" Tinapik ko na lang siya sa braso at dumeretso sa gitna ng ground floor. Nakaharang na agad sa hangin ang braso ko para hindi na makadikit pa sa katawan ang mga lalapit sa akin.

Mahigit isang buwan ko ring hindi nakita si Sab, ngayon na lang ulit.

Likod pa lang, nakilala ko na si Sabrina. Doon siya nakapuwesto sa gitna nga, isa sa high tables, nakatayo lang at walang kasama. Pero malayo pa lang, tanaw ko na agad ang grupo sa malayo na ang iingay habang nagsasayawan. Napangiwi agad ako nang makita ang ex ng gagang 'to na may mga kasamang babae.

Si Ivo, kahit gustong-gusto ko nang pulbusin pagmumukha nito, hindi ko magawa. 'Tang ina kasi, kung hindi lang nag-warning si Tita Tess sa amin ni Rico, talagang babalian ko ng tadyang 'tong gagong 'to.

Kung ayaw nga raw naming kasuhan ng physical injury at mag-ipon ng civil cases, tumigil-tigil na kami kasi may record na nga kami noon sa NBI.

Si Tita Tess na raw ang bahala sa Ivo na 'to, hindi ko naman maramdamang may ginagawa siya.

Pagkakita ko sa reaction ni Sabrina sa anggulo ko, halos baliin na niya ang stem ng martini na iniinom. Makakabasag pa yata 'to ng gamit dito. Nilapitan ko na.

"Huy, matunaw 'yan." Hinawakan ko siya sa baywang at ipinatong ang isang kamay ko sa mesa. Saglit pa siyang napatalon sa gulat nang tingnan ko ang direksiyon kung nasaan sina Ivo.

"Clark? What the fuck are you doing here?"

Sumimangot naman ako sa kanya. "Bar namin 'to ni Jerick, di ba? May-ari ako rito, di ba? So, bakit nagtatanong?"

Napatingin-tingin ako sa paligid. Wala talaga siyang kasama, wala pang lumalapit sa 'kin.

"Kanina ka pa rito?" tanong niya.

"May inventory ako ngayon. Kanina pang umaga ako nandito. Ikaw ang bakit nandito? Problema?"

"Ang taba ko na," nakanguso niyang sumbong sa 'kin.

"Talaga?" Pinisil ko naman ang baywang niyang malambot. Natawa ako nang mahina kasi may napipisil akong makapal-kapal na fats. Kina Jaesie, wala talaga, e. "Ang cute ng bilbil mo."

"Clark!" At nahampas na nga ako sa braso. "I hate you!"

"Hahaha!" Lalo tuloy akong natawa. Ang cute-cute talaga ni Sab kapag inirereklamo ang taba niya. Kahit naman lumobo siya, wala namang problema. "Ex mo, o. Kita ko rito," sabi ko para mang-asar.

"Singilin mo nga," sabi niya, nagsusungit na nga, inuutusan pa ako. "Sayang gastos ko diyan."

"'Yan, magbo-boyfriend ka na lang, yung palamunin pa."

"Shut up." Natahimik siya at uminom na naman habang nakatanaw sa ex niyang nasa malayo at nakikipaglandian pa rin. "Na-stress ako sa suits sa wedding."

"Pansin nga namin. Hindi ka nga raw lumalabas ng shop mo, sabi ni Early Bird," kuwento ko kasi 'yon talaga ang nangyari. Kuya pa nga niya ang nagluluto ng kinakain niyang dinadala ko naman sa kanya.

"Kakatapos lang namin sa last batch last week. Ang taba ko na."

"Parang hindi naman."

"May bilbil na nga ako, epal ka."

"Hindi naman halata."

"Paano mo mahahalata, hindi mo naman tinitingnan."

"E bakit ko naman titingnan, aber?"

"Hnngg! Ang taba ko na . . ."

Eto na naman siya sa drama niya. Lahat na lang, kinaiinggitan, hindi naman siya mataba. Saka paano siyang tataba, hindi naman siya kumakain nang marami. May bilbil lang siya kasi upo nang upo, hindi naman nag-e-exercise.

"Buti pa siya may girlfriend na," naiiritang parinig niya habang nakatanaw kay Ivo. "Ako, until now, pa-swipe-swipe pa rin sa dating app."

"Same, hahaha!" biro ko kasi tamang swipe lang ako, pero hindi sa dating app. Sa site nga lang ng Red Lotus kung ano na ang balita roon kasi may issue ngayon ang mga Yu.

At dahil naalala ko na naman ang mga Yu, sumagi na naman sa isip ko ang mga taga-Afitek.

"'Tang ina, kasalanan talaga 'to ni Tita Tess. Kahit hindi ka na pala magsuot ng chastity belt, basta maka-deal mo lang si Tita, mapapailag ka na lang talaga sa mga babae. Dama ko na kuya mo ngayon kung bakit single 'yon nang sobrang tagal." Nagbaba ako ng tingin nang lapagan ako ni Sharlene ng rhum sa isang malamig na baso. Paglingon ko sa kanya, kinindatan lang ako at bumalik sa bar counter para mag-serve ulit ng alak doon bilang bartender.

Mukhang nakitang may kasama ako. Linaw ng mata.

Painom na sana ako nang tapikin ako ni Sabrina sa dibdib.

"Uy, ang tahimik ni Mum, in fairness. Canceled na plan niya?"

"Not sure."

"What do you mean by not sure?"

"Sabi ko kay Tita, magpapakasal lang ako after ni Leo. Nag-agree naman siya."

"Pero matagal pa ang wedding nina Leo, right?"

"Exactly."

Kalalapag ko pa lang ng baso sa tabi ng iniinuman ni Sabrina nang mag-angat ako ng tingin.

"Sab!"

Papalapit sa amin ang grupo ng mga babae kasama itong ex ni Sab. Malayo pa lang, nagwa-warning na ang tingin ko sa gagong 'yon. Hindi tuloy makatingin nang deretso sa 'kin.

"Long time, no see, girl!" pekeng bati nitong isang maikli ang buhok.

"Yeah," bugnot na sagot ni Sab.

"Hi, Clark!" bati nitong babaeng hindi ko naman kilala.

At himalang hindi ko kilala! Ibig sabihin, hindi belong sa circle ko.

"Hi!" bati ko na lang din sa normal na paraan. "Having fun?"

"Absolutely! You're with Sab?" Itinuro niya si Sab.

Nakangiti naman akong tumango. "Yeah!"

"Sorry, I take Ivo here, ha. No offense," nang-aasar na sabi nitong babaeng maikli ang buhok. "By the way, boyfriend ko na pala si Ivo."

Buti naman. Magsama silang dalawa.

"Iyong-iyo na, walang aagaw," mataray na sagot ni Sab at mukhang papalag dito sa kausap niya.

"Oh. Okay?" Nagtaray din itong babae at nagkrus ng mga braso. "I heard single ka pa rin until now. Move on na, girl."

"Who told you na single ako?" balik ni Sabrina sa mas mataray na tono.

"Ang tahimik kaya ng social media accounts mo after ng breakup ninyo ni Ivo. Unusual, ha."

"You better go," warning ko na at itinaboy na sila paalis sa harapan namin. "She's with me."

"Clark, alam naming best friend ka ng kuya ni Sab."

"Wala namang nagtatanong. Ang sabi ko, umalis na kayo. Ayokong magtawag ng security."

Bigla akong inirapan ng gagang 'to. "You're boring."

Anong boring? Pasalamat siya, hindi ako pumapatol sa kanila. Baka gusto nilang magkaroon ng fire display rito ngayon sa bar na sila ang inaapuyan.

Umalis na rin sila sa harapan namin. Ayokong mapa-trouble dito, baka pagalitan ako ni Tita Tess.

"Akala ko, sasabihin mong boyfriend kita kasi nandito si Ivo," biglang sabi ni Sabrina pagtingin ko sa kanya.

"Sab, hindi ka main character. Huwag kang assuming." Tinampal ko siya nang mahina sa noo.

"'Kainis ka!" Pagtalikod ko, hinampas na naman ako sa likod kaya ako natawa.

Hindi ako puwedeng magpakilalang boyfriend niya sa kahit na sino kasi tsismis 'yan, matic na. Lalo na't mukhang mga tsismosa ang kasama ng bago ng Ivo na 'yon. Kapag nakaabot 'yan kina Tita Tess, panibagong gulo na naman.

Saka aanhin ba ni Sabrina ang boyfriend? Para sa label? Hintay lang sila ng ilang buwan.

Nakampante na akong iwan si Sab doon sa puwesto niya kasi wala na ang ex niya sa paligid at mukhang safe naman siya kasi nakita naman kami ni Sharlene. Isang sipol lang n'on sa mga bouncer, magre-report agad 'yon sa 'kin.

Umakyat na ako papuntang office para ayusin ang mga record ko ngayong araw. Makalat pa naman sa itaas, ayokong bumalik dito bukas ng umaga para lang ituloy ang trabaho ko.

Pag-akyat ko sa may catwalk, dumeretso ako sa dulo ng walkway hanggang makatawid sa cemented part na ng second floor. Doon sa dulo na wala halos ilaw, sa dulong pinto n'on ay may "authorized personnel only" sticker sa pinto kung nasaan ang office ko. Ang office ni Jerick, nasa ibaba, malapit sa kitchen.

"Clark."

Napalingon agad ako sa likod kasi akala ko, nagpa-party lang din itong kasunod ko at naghahanap ng puwesto.

"O? Ba't nandito ka?" tanong ko kay Sab.

"May upuan ka diyan?"

"Malamang meron, opisina 'to."

"Can I stay there?"

Stay here? Para saan? Ayaw niya sa ibaba?

Teka nga, may problema ba 'to? Kaso ang kalat sa loob.

Pero okay lang naman siguro, mas safe siya rito.

Napabuga na lang ako ng hangin at pumayag na lang din. Binuksan ko ang pinto at itinuro ang loob para papasukin siya.

"Thank you."

Hindi malaki ang opisina ko rito. Isa lang ito sa napakarami kong opisina pero ito ang pinakamaliit. Maliit na nga, masikip pa sa dami ng file cabinet at tambak na papel.

"Office mo 'to?" usisa ni Sab, inoobserbahan ang buong opisina ko.

Yeah, ano pa ba ang aasahan ko kay Sabrina kundi tanong.

Hindi ako nagbubukas dito ng main light. Maliban sa aksaya sa koryente at dagdag expenses para sa bar, wala ring dahilan para magbukas ng main light. Kaya ang ilaw lang sa loob, galing sa bintana sa labas at sa lamp shade na nasa maliit na office table.

"Akala ko, gawa-gawa mo lang 'yong inventory," sabi niya nang maabutan akong nag-aayos ng mga record sa mesa.

"Sana nga. Inaantok lang ako sa ginagawa ko rito."

"Every day mo bang ginagawa 'to?"

"Ngayon lang kasi weekend, saka 15 kasi. Next na punta ko rito, sa 30 na."

Nag-ayos ako ng mga folder para makapagligpit na rin at makauwi. Wala naman nang sinabi si Sabrina pero inoobserbahan pa rin niya ang buong opisina ko at palakad-lakad sa loob.

Kumakalat tuloy ang amoy matamis sa maliit na lugar ko.

Nang maayos ko ang mga folder, sumulyap ako kay Sab na nakasilip na sa bilugang bintana na malapit sa office table, nakasilip doon sa ibaba na may bertdeyhan.

"Wow . . ." mahinang sabi niya. "Food hub ba 'yang sa kabila?"

"No. Private compound 'yan. Birthday party lang talaga 'yan ngayon."

"Ah . . ." Natahimik na naman siya at tumanaw lang doon.

Lumapit na ako at nakisilip sa sinisilip din niya sa ibaba.

Maingay roon, may nagkakaraoke at nag-iinuman, dinig hanggang sa opisina ko.

Bumaba ang tingin ko kay Sabrina na lumiliwanag ang mukha dahil doon sa mga ilaw rin sa ibabang nagpa-party.

Ipakakasal ako sa kanya, at umoo na ako. Pero kapag kasi tinitingnan ko siya, mabilis naman akong umaatras sa desisyon ko. Natatakot talaga ako kapag naiisip kong baka masaktan ko lang siya kapag ako ang pinili niya.

Para kasing hindi niya deserve masaktan na naman nang dahil sa 'kin, at ayoko ng ganoong pakiramdam.

"Anong oras mo balak umuwi?" tanong ko habang nakatitig sa kanya.

Nag-angat siya ng tingin at nasalubong ang mga mata ko.

Ang lungkot ng mga tingin niya, hindi ko alam kung ano ang dahilan.

Si Ivo ba?

Sa babaeng kaaway niya kanina sa ibaba?

Sa bilbil niyang imaginary?

Sa akin kahit hindi ko alam ang kasalanan ko?

"Sab . . ."

"Hmm?" tanong ulit niya, titig pa rin sa 'kin.

"Tinatanong ko kung anong oras ka uuwi."

Napapikit-pikit pa siya at parang hindi niya ako narinig kanina. Parang nagising lang siya sa pangalawang tanong ko saka nag-iwas ng tingin.

"Maya-maya?" alanganing sagot niya saka ako tiningnan ulit na parang naniniguradong ako naman ang nakarinig sa sagot niya.

Nakipagtitigan na naman siya sa 'kin. Nakikiusap ang mga mata niya.

Nakikiusap ng ano?

Sa utak ko, nagtatanong na ako.

May sasabihin ka ba?

Nahihiya ka bang magsalita?

May masakit ba sa 'yo?

Malungkot ka ba?

Ang daming tanong, hindi ko alam kung paano pipiliin.

Gusto ko na lang siyang yakapin at sabihing kung ano man 'yan, gagawan ko ng paraan, huwag lang siyang malungkot.

'Yon lang, hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong gawan ng paraan.

Sa huli, ako na ang umiwas. Inayos ko na lang ang mesa kong maayos naman na para lang masabing may ginagawa ako.

Nagkunwari na lang akong may inilalagay na folder sa file cabinets kahit pa hinugot ko lang 'yon at ibabalik ko lang ulit, masabi lang na busy.

"Sorry if my mom's keeping you from other's company," sabi niya pagtalikod ko.

'Yon ba? Malungkot ba siya dahil kay Tita Tess at sa ginagawa ng mga taga-Afitek?

Pero joke ko na lang 'yon kasi hindi naman na tungkol sa kanya ang dahilan ng pagsunod sa akin ng mga tao ni Tita.

Nagi-guilty ba siya sa ginagawa ni Tita?

Gusto ba niyang aminin ko ang totoo ngayon?

"You can say something kahit degrading. Open-minded naman ako," malungkot na sabi niya.

"Something degrading gaya ng?" Nilingon ko siya para sa sagot.

"Gaya ng . . . kung bakit ayaw mong magpakasal sa 'kin."

At habang nakatitig ako sa mga mata niya, lahat . . . lahat-lahat ng pag-oo ko kay Tita Tess . . . kay Rico . . . kay Leo . . . lahat nagiging hindi.

Ngayong kaharap ko si Sabrina, yung oo ko nagiging hindi.

Habang nakatitig ako ngayon sa mga mata ni Sabrina, para siyang multo ng kahapon ko na matagal ko nang iniiwasan at ngayon lang ulit nagpakita sa akin para singilin ako sa lahat ng pagkakamali ko.

Natalo na naman ako ng laman ng utak ko.

Nag-ayos na lang ulit ako ng mga folder habang iniisip lahat . . . lahat-lahat ng inipon kong kasalanan noon.

Sa kaloob-looban ng utak ko, tinatanong ko siya . . .

Magagalit ka ba sa 'kin kapag nalaman mong may nangyari na sa 'ting dalawa pero ako lang ang may alam ng totoo?

Magagalit ka ba sa 'kin kapag nalaman mong habang may ka-sex akong iba, iniisip kita?

Magagalit ka ba sa 'kin kapag nalaman mong alam ko namang hinahalikan mo 'ko noon pero hinahayaan ko lang?

Iniisip ko, what if malaman 'yon ni Tita Tess? Matatanggap pa rin ba niya ako? Kung malaman 'yon ni Rico, papabor pa rin ba siya sa akin?

Para akong ikinulong sa bangungot ko sa mismong minutong 'to habang nakatitig sa kanya mula sa may bintana.

"Believe me, Sab, hindi maganda ang tumatakbo sa utak ko ngayon."

"Are you still mad at me?"

"May couch diyan, puwede kang maupo. May phone ka, mag-phone ka."

"You don't need to be this cold towards me. Alam kong may fault ang family ko, at kung masama ang loob mo sa ginagawa sa 'yo ni Mum, puwede mong sabihin sa 'kin directly. You don't have to fake everything sa harap ng lahat, tapos kapag tayo na lang, magiging ganito ka na-"

"Alam mo kung bakit ayokong magpakasal sa 'yo?" Masama ang loob ko nang lingunin siya. "Kasi pakiramdam ko, maling-mali."

Kitang-kita ko sa mga mata niya ngayon ang sakit dahil sa sinabi ko. Pero 'yon kasi ang nararamdaman ko at ayokong dagdagan ang kasinungalingan ko sa kanya.

"Bini-bring up ni Tita Tess na matagal nang napag-usapan 'to," dagdag ko. "At alam mo kung gaano katagal? Napag-usapan 'to noong mga time na bawal pa. Kasi kung two, five, six years ago, matatanggap ko pa, e. Pero hindi. You've asked for it, and Tita Tess held on to it for a very long time . . . and it happened noong bata ka pa lang at hindi na 'ko bata no'n."

Nanubig ang mga mata niya at may kung anong kirot sa 'kin 'yon-na makikita ko siyang paulit-ulit lang na naiiyak sa harapan ko . . . na parang 'yon at 'yon lang ang kaya kong gawin sa kanya, ang paiyakin siya nang paulit-ulit.

Hindi mo iiyakan ang tao kung hindi mo mahal. Alam ko 'yon. Hindi kasi ako umiiyak sa mga taong hindi naman mahalaga sa 'kin.

At kung 'yon lang ang kaya kong isukli sa pagmamahal niya sa 'kin, mas mabuting huwag na lang niya 'yong maramdaman.

"Everything about it felt wrong, Sab."

Mabigat sa loob ko, pero gusto ko talagang maging tapat sa kanya.

"At uulit-ulitin ko sa 'yo, huwag na huwag kang mai-in love sa 'kin. Kaya kitang alagaan habambuhay kung 'yon ang gusto ni Tita, pero ayokong pakasalan ka. May better na lalaking para sa 'yo, at hindi ako 'yon."

♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top