Chapter 13: Wedding Disasters

"Sir, patapos na po sa suits sina Miss Sabrina. Baka raw po sa Wednesday, mag-break muna ang shop para makapagpahinga na siya."

"That's good." Ipinatong ko ulit ang paper bag sa front desk at inilapit kay Aki. "Low carbs halos lahat 'yan, pero kung gusto niyang mag-cheat day today, nagsama na rin ako ng isang serving ng strawberry mousse. Favorite niya 'yon. Sabihin mo, galing Purple Plate."

Nginitian lang ako ni Aki nang kunin ang paper bag. "Sir, gusto n'yo pong sabihin kong dumating kayo?"

Umiling ako. "Huwag na. Magde-day off na rin naman na siya sa Wednesday. Ako na magsabi."

"Okay po, sir."

Malapit nang matapos si Sab sa mga suit. Makakapahinga na rin siya. Ilang buwan din siyang nakakulong sa boutique para lang matapos ang ipinagagawa sa kanya.

May Ting Hun sina Patrick at Melanie sa Laguna. Sa aming barkada, si Calvin lang ang invited. Family lang daw muna ang dadalo sabi ni Calvin para hindi masyadong magulo ang ceremony. Si Patrick, hindi niya alam! Siya pa ang nagtanong kay Calvin kung ano raw ang Ting Hun. Kung walang alam ang barkada, mas lalo na siyang ikakasal.

Nalaman ko lang kung ano 'yon kay Mother Shin. Kasi nagganoon daw sila ng unang asawa niya. Sa pangalawa siguro, meron din.

Sa buong proseso, si Calvin lang at si Mel ang pamilyar doon sa seremonyas. Itong Patrick na 'to, siguro kaya wala ring alam, kasi bunso. Mga ate niya, sa ibang bansa pa yata ikinasal.

Ang Ting Hun daw dapat nila, last June pa. Ang problema kasi, kung ano-ano ang inuna ni Patrick gaya ng pag-apply sa marriage certificate niyang expired na three months ago pa. Hinahabol na lang talaga kahit medyo late na.

Kaya habang inaasikaso nina Patrick ang seremonya nila, inaasikaso na rin ni Leo ang kasal nila ni Kyline kasi nga, dapat mauuna siya.

Pero 'yon ang problema namin ngayon.

"Nakausap na namin ang family ni Ky. Ang ayoko lang, nananadya silang lahat," sabi ni Leo, pero dinig ang pagkapikon niya.

Talagang dumoon pa kami sa office sa kabila kasi nasa bahay nga si Ky. Ayaw niyang marinig. Ang paalam pa niya, mag-uusap sa designs ng interior

"Paanong nananadya?" tanong ko.

"Di ba, hindi naman ako nagtsa-Chinese," naiiritang sagot niya.

"O, ngayon?"

"Marurunong silang managalog saka mag-English. Pero kapag may importanteng sasabihin, puro sila sa Chinese mag-usap. Tapos yung sponsor daw ni Ky sa kasal, may pinapirmahan sa amin. Tinanong ako, 'tol, ha. Tinanong ako, 'Do you understand PinYin?' Ayoko talaga ng—” Napasuklay siya ng buhok gamit ang mga daliri bago humugot ng malalim na hininga. Ibinagsak niya ang likod sa couch na inuupuan niya saka hindi tinapos ang sinasabi.

Alam ko at ramdam kong nabubuwisit siya ngayon—yung klase ng pagkabuwisit na hindi siya nakalaban.

"May pinapirmahan ba?" tanong ko na lang.

"Clark, alam mo naman ako, ayoko talaga ng may pirma-pirma na ganyan na hindi ko naiintindihan." Itinuro niya ang pintuan. "May ibinigay na papel yung sponsor, babae 'yon, medyo mataba na singkit. Hindi ko alam kung kapatid ba ni Papa o kung kaano-ano ba ng mga Chua. Pipirmahan daw 'yon para maikasal kami ni Ky. Ang problema kasi, puro Chinese ang nakasulat. Ang sabi ko, ipata-translate ko o gagamit ako ng phone. Hindi ako pinayagang gumamit ng phone. Ang labo talaga, 'tang ina. Tapos gusto, pirmahan namin ni Ky."

"Pero marunong magbasa si Ky?"

"Nababasa ni Ky. Kahit si Papa, nababasa niya. Ako, hindi."

"O, ano sabi ni Tito Addie kung nababasa pala."

"'Tol, buong usapan nila, wala akong naintindihan maliban kapag may kailangan sila sa 'kin. Ang sabi lang ni Ky, yung document daw na pipirmahan namin, parang permiso na pinapayagan kami ng mga Chua na ikasal. Ang kaso, kung 'yon lang pala ang laman, bakit ayaw i-translate at bakit ayaw nilang kunan ko ng sample. Kontrata 'yon, e. Pipirmahan ko 'yon."

"Pero pinirmahan mo."

"Pinirmahan ni Ky, pinirmahan ni Papa, wala na akong nagawa. Nakiusap na lang si Kyline sa 'kin, para nga raw matuloy na ang kasal namin nang mas maaga. Kaya nabubuwisit ako ngayon."

May pinapirmahan sa kanila ang side ng mga Chua? Para saan?

"Blessing lang hinihingi namin, Clark. Simpleng oo lang sa kanila, kasi nga hindi ako Chinese. Bakit kailangang may pirmahan pang hindi ko naiintindihan?"

Alam kaya ni Mommy Linds ang tungkol dito? Kasi naalala ko, hindi kasi siya rehistradong Chinese. Ikinasal sila ni Tito Addie pero walang dokumentong nagpapatunay na kasal sila.

Baka pamilyar siya rito?

"Hayaan mo na muna, 'tol. Nakapirma ka na, e. Patapusin lang muna natin ang kay Patrick tapos plano na tayo ng inyo ni Ky," sabi ko na lang.

Ang gulo ng setup namin ngayon. Naka-yes ako sa kasal kay Sabrina, pero hinahabol ako ng deadline ng June.

Si Leo ang gusto kong ikasal muna kasi ayokong magkasamaan ng loob na tatlo na kaming kasal tapos siya, wala pa rin.

Akala ko, kami lang ni Patrick ang naiipit ngayon sa issue ng kasal. Pagpunta ko sa bahay ni Calvin sa Las Piñas kasi may kukunin daw akong bag sa kanya, ang balita ni gago, gumulantang sa buong sistema ko.

"Clark."

"O?"

"Naghahanap kasi sila ng bagong asawa ni Shin, di ba?"

"Oo nga, sabi nga ni Mel."

"Sabi ko, ako na lang. Mamamanhikan na 'ko sa full moon sa February."

Para akong sinemento sa kinatatayuan ko habang nakatitig kay Calvin na paikot-ikot sa sala ng bahay niya. Naka-suit pa nga siya, mukhang may lakad pa ngayong pupuntahan.

"Mamaya sa ceremony, kakausapin na namin ang mga Yu. Kasama sina Shin sa invited."

Mata ko lang ang nakasunod sa kanya kakaparoo't parito niya.

"Itong bag, pakitago muna, kukunin ko pagbalik ko sa Manila. Mga lumang gamit ko ang laman niyan. Huwag mo na lang kalkalin kasi may mga babasagin sa loob. Pakiingatan na lang."

"Magpapakasal kayo ni Mother?" tanong ko imbes na sagutin ang paalala niya.

"Pag-uusapan pa 'yan. Pero sa ngayon, kukunin ko muna ang responsibility kasi mukhang mga Yu nga ang sumusunod sa inyo ni Kyline. Mas okay na 'yon, mas madaling makakausap sina Madame Ai kapag may koneksiyon na ako sa kanila."

"Pero pakakasalan mo nga si Mother?"

"Paulit-ulit?"

"Kailan mo pakakasalan?"

"Hindi ko alam. Baka sa April siguro. Minamadali na nga kasi nila."

"April? Putang ina naman, Calvin, sasabay ka pa?"

"Anong sasabay?" kunot-noong tanong niya.

"Nagpaplano nga kami ng kasal nina Leo saka Ky bago ang June, bakit magpapatiuna ka?"

"Hindi naman kayo invited doon, gago."

"Bakit hindi kami invited?"

"Kaaway ng mga pamilya n'yo 'yon. Gago ka ba? Padalhan din natin ng invitation ang PNP saka NBI, gusto mo?"

"'Tang ina mo, ang seryoso ng tanong ko, e." Sinuntok ko pa ang braso niya. "Bakit April agad? Bakit ang bilis?"

"Deadline nina Madame Ai 'yon para sa kasal ni Shin. Kapag walang tumanggap ng alok, kahit sino na lang na mahatak nila, ipakakasal sa kanya para lang sa pirma."

Bakit ba kasi nauso 'yang deadline sa kasal!

"Ay, shet! May pinapirmahan din pala kina Kyline saka Leo na dokumento pero Mandarin daw sabi ni Leo kaya hindi niya nabasa. Para permiso raw 'yon para ikasal sila."

Mukhang paalis na si Calvin nang sumimangot at tiningnan ako. "Permiso para ikasal? Bakit papipirmahan pa?"

"Hindi ko alam. Pinirmahan lang din daw ni Leo kasi pinirmahan na rin daw ni Ky saka ni Tito Addie, e."

"Gago, bakit siya pumirma ng hindi niya alam ang laman?"

"Pinirmahan na nga kasi ni Kyline! Para namang tanga 'to, paulit-ulit."

Sabay na kaming lumabas ng bahay niya at dumeretso sa parking lot sa harap.

"Kung may pipirmahan ka kapag ikinasal ka kay Mother, same lang kaya 'yon sa pinirmahan ni Leo saka ni Ky para ikasal sila?"

"Hindi ko alam, pero sigurado akong iba ang kailangan kong pirmahan kapag ikinasal ako kay Shin. At mapipirmahan ko lang 'yon kapag kasal na kami. Sina Leo at Ky, hindi pa 'yan kasal, kaya malamang na magkaiba 'yon."

Yung utak ko sabay-sabay ang iniisip.

Biglang sisingit na manganganak pa pala si Mel sa January. 'Tang inang buhay 'yan. Gusto ko na lang mag-kage bunshin times two, times two ngayon.

Pagkatapos ng ceremony nina Patrick at Mel kasama si Calvin, nagka-emergency meeting kami kinabukasan sa bahay ko.

Pag-upong pag-upo namin sa sala, pare-pareho pa kaming natulala at natahimik. Katabi ko si Leo kanan at si Patrick sa kaliwa ng couch. Si Rico, sa ottoman naupo, katabi ng couch namin. Si Will, sa bean bag at pahigang naupo. Si Calvin, sa kaharap naming settee.

Mukhang may mga hangover pa sina Pat at Calvin sa ginawa nila kahapon. Si Leo, stressed pa rin sa pinirmahan niyang dokumento na wala siyang idea sa content. Ako, iniisip ang kasal kay Sabrina na posibleng madamay sa kasal nito ni Leo. Si Will at si Rico lang yata ang nasa tamang huwisyo sa aming anim.

"All right, what's the agenda?" tanong ni Rico nang tumagal ang katahimikan namin.

"Okay, ako na ang magbibigay ng mga agenda," panimula ko sa kanilang lahat. "First: priority natin ngayon si Patrick kaya sobrang unexpected nitong sasabihin ko. Kailangan nating ihabol ang kasal ni Leo sa summer."

"Agad?!" gulat na tanong ni Will. "Bakit?"

"Second agenda: kailangang ihabol ang kasal ni Leo sa summer kasi may ultimatum si Tita Tess na by June next year ikakasal si Sab. At nag-oo na 'ko."

"So, tuloy ka?" tanong ni Calvin.

"'Yan ang magiging problema ko. Kasi nakasalalay kay Leo kung matutuloy ang kasal ko kay Sab o hindi. Kapag hindi ako nakaabot sa June, sa ibang lalaki ikakasal si Sab."

"Oh."

Pare-pareho naman silang natahimik. Sinalubong ko ang tingin ni Rico na nakakunot lang ang noo at himas-himas ang baba, mukhang nag-iisip.

"Pero di ba, next, next year pa si Leo?" tanong ni Will.

"Oo nga," sabad ni Leo sa usapan. "Kaya nga gumawa na rin ako ng paraan. Pero hindi ko na alam kung ano na ang mangyayari."

"Paanong hindi mo na alam?"

"May mga pinag-uusapan pa sila, e. Hintayin daw muna bgao magdesisyon," dismayadong sagot ni Leo at bumalagbag na naman ng upo sa couch.

"Paano 'yon?" tanong ni Calvin. "Baka puwedeng magplano na tayo habang wala pa naman. Early Bird."

"What?"

"Yung inyo ni Jae, gaano katagal? Puwede bang notary public na lang 'to?"

"Calvin, sa tagal naming naghintay ni Ky, ino-notary public mo lang kami?" singhal agad ni Leo. "Kung 'yon lang din naman ang bagsak, e di sana college pa lang, pinakasalan ko na 'yan!"

"Dude, ang goal lang naman: kasal, di ba?" depensa ni Calvin na nagtataas na rin ng boses. "Next year pakasal kayo sa simbahan. Problema ba 'yon?"

"Hindi ako magno-notary public. Hindi ako magpapakasal sa judge. Ang tagal-tagal kong naghintay, tapos bibigyan n'yo 'ko ng substandard suggestion na kayang gawin ten years ago?"

"Nagawa naman ni Rico—”

"Si Rico 'yon!" pagduro ni Leo kay Rico na hindi naman niya tiningnan, kay Calvin pa rin ang tingin. "Isang buwan lang niyan nakasama si Jaesie! Ako, mahigit isang dekada ko nang kasama ang mapapangasawa ko. Hindi na 'to tungkol sa nagawa niya o hindi, kasi yung kasal ko, ang tagal naming hinintay ni Ky 'yon. 'Yan na nga lang maibibigay ko kay Kyline na siguradong magugustuhan niya, titipirin ko pa?"

"Easy-han mo lang muna," awat ko kay Leo at tinapik-tapik ang dibdib niya para ipasandal siya ulit sa couch.

Mainit agad si Leo. Naiintindihan ko naman ang pinaghuhugutan niya. Wala na rin namang sumagot pa sa kanya kasi alam din naman namin. Witness kami roon sa ipinaglalaban niya kaya hindi rin kami makaporma.

"Financially, walang problema, believe me," paliwanag ko. "Kung kailangang maglabas ng budget dito, maglalabas ako ng budget, walang problema. Ang kaso lang sa akin, yung events, sunod-sunod. Ang hirap mag-planning. December ngayon, mahaba ang holidays. Next week, kanya-kanyang lakad na tayo para sa Christmas break until New Year. Tapos manganganak pa si Mel. By January, kasal na ni Patrick. Malamang na busy tayong lahat sa photoshoot saka sa pangungulit nina Tita Liz. Ang hassle mag-planning ng kasal na instant."

"Maybe we can outsource people?" suggestion ni Rico na naisip ko rin. "Yung wedding gown nga lang, if Ky wants to customize that, hindi yata kakayanin ang limited time, unless plain ang design or bibili na lang talaga ng premade na."

"Yung cake din, dude," paalala ni Will.

"Yeah! The cake. Damn." Napahimas na naman ng baba si Rico.

"Reception pa," dagdag ko. "Magpapadala pa ng invitation. Pipiliin pa ang mga bisita. Magpapagawa pa ng mga giveaway. Kokontratahin pa ang mga groomsman saka bridesmaid."

"Magkasalang-bayan na lang kaya kayo para hindi na problema ang mga bisita?" suggestion na naman ni Calvin na gusto ko nang barahin.

"Vin, bakit kapag suspended ang joker role ko, sumasapaw ka, ha?" sabi ko na lang.

Nginisihan na lang niya ako para mang-asar.

"Si Calvin din, ikakasal na sa summer," balita ko para asarin din siya. Nawala tuloy ang ngiti niya.

"Hoy, gago, seryoso?" Pare-pareho tuloy silang nagising ang diwa.

"Hindi pa 'yon sure!" depensa niya agad sa aming lahat tapos dinuro ako. "Bibig mo talaga, Clark."

"Wait? Is this the girl na kasama mo sa ceremony?" sabad ni Patrick, nakangisi pero kunot ang noo, parang nandidiri sa sinasabi niya.

"May girl?" gulat na tanong ni Will.

"Malamang may girl, William. Mag-aasawa kang wala kang aasawahin?" sabi ko pa. "Sweet ba sila, Pat?" tsismis ko nang paluin nang mahina ang tuhod ni Patrick.

Sumimangot siya saka umiling. "I barely see them, kahit yung face ng girl kasi nakatalikod lang siya kapag nakikita ko sila, but Calvin always talk to her."

"Bakit ba kasi tinatanong ha, Mendoza?" sarcastic na pang-eepal sa amin ni Calvin.

"Baka kasi ibang babae, duh!" Sabay ikot ng mga mata ko.

"But Papa said something about that girl and her family," seryosong sinabi ni Patrick na nagpawala ng emosyon sa mga mukha namin ni Calvin.

"Na ano?" seryosong tanong ni Calvin.

"Kung alam lang daw niyang pupunta ang family na 'yon, sana tinawagan niya nang mas maaga si Tita Tess."

Nangunot ang noo ko. "As in, sabi ni Uncle Bobby?"

Tumango naman si Patrick. "Yeah. Hindi raw niya gusto ang family na 'yon, but exempted ang kasamang girl ni Calvin." Nagkibit-balikat pa siya habang nagdududa na ang tingin ko. "Pinagagalitan na nga ni Mama si Papa kasi parinig nang parinig sa kanila. He was telling them, 'You can't consume anyone here. We're all living.' Grabe, I could sense talaga the disgust ni Papa sa kanila, sobrang visible; pati mga visitor, bothered na rin."

Lumipat ang tingin ko kay Calvin na kagat ang labi at nakayuko na lang habang nananahimik.

Sa buong barkada, kami lang naman ang nakakakilala sa mga Yu. Mas lalo na siya, kasi pakakasalan pa niya. Ngayon, mas mahirap nang ibalita na si Mother Shin ang pakakasalan niya.

Hindi ko naman alam na masama rin pala ang dugo ni Uncle Bobby sa mga Yu.

"Basta before they go, I heard Papa told them na may tawag daw sa group of crows."

"Murder," sabay pa naming sagot ni Rico.

"Yeah," dugtong ni Patrick. "Papa added na huwag na lang daw silang bababa. I didn't get that kasi nasa second floor kami during the ceremony, so they need to go down."

"Sure bang sinabi ni Uncle Bobby?" paninigurado ko pa. "Kanino sinabi? Sa kasama ni Calvin?"

Mabilis na umiling si Patrick. "Doon sa parang mama yata ng family nila. She's the oldest din kasi sa group nila na may bodyguards."

Nakaharap ako kay Patrick pero ang mata ko, nakagilid kay Calvin.

Parang may nage-gets ako na parang wala. Parang may naalala ako na parang hindi ko alam kung tama ba ang memorya ko o ginagawa ko lang talaga ng meaning ang sinabi ni Patrick.

Kilala ni Uncle Bobby ang mga Yu. Kilala ni Uncle Bobby si Mother. Parang may natatandaan ako sa crows. Saan ko ba namememorya 'yon?

♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top