Chapter 11: Agents
This chapter is dedicated to borjsalazar82 na sobrang angas ng thread nila sa last chapter. Hindi ko tuloy maramdaman na romance pala ang origin nitong story, feeling ko, action na ang genre ng sinusulat ko hahahahaha. Salamat po sa inyong mga malalaman na komento. Sobrang appreciated na talagang napapaisip tayong lahat sa flow ng story.
Ayern, hindi po muna daily ang update kasi napuno agad ang schedule ko until April. Every two days or any time basta may free time ako, mag-a-update po ako agad. Enjoy reading po sa inyong lahat!
♥♥♥
Hindi namin alam kung gaano na ba kalala ang sitwasyon sa mga Yu. Wala kasi akong naririnig na kahit na ano tungkol sa kanila at sa ginagawa nila, pero hindi yata maganda ang nangyayari ngayon.
Si Mel, alam kong ga-gangster-gangster 'tong babaeng 'to, pero dumayo pa kami ni Calvin pabalik sa Laguna para lang makausap siya kasi ayaw niyang sabihin sa call o sa chat o sa kahit saang hindi galing sa bibig niya.
Ala-una ng hapon, nandoon kami sa lilim, namamapak kami ng manggang malutong tapos may bagoong. Si Calvin, ayaw. Kami lang ni Mel ang kumakain.
"Ang sabi ni Jek, pinuntahan daw si Syaho sa casino sa seaside," kuwento ni Mel, tutok sa pagsawsaw niya sa mangga. "Wala naman daw siyang kasama nang umalis. Ang paalam ni Syaho, dadaan siya sa resto."
"Di ba, kanya na yung resto?" tanong ko agad, kasi 'yon ang alam ko.
Umiling si Mel. "Ang resto, three years nang hawak ni Ella."
"Sino si Ella?"
"Ate ni Shin," sabad ni Calvin sa 'min. "Pangalawa sa panganay."
"Ang dami pala nila!" gulat na tanong ko. "Akala ko, dalawa lang sila ni Jian."
"Si Achi saka si Ditse, anak sa unang asawa ni Madame Ai," paliwanag ni Calvin. "Pagkamatay ng unang asawa niya, nag-asawa ulit siya. 'Yon ang tatay nina Ahia at Shin."
"Yung asawa ni Kuya Wing?"
"Si Achi. Susan. Si Ella si Ditse."
Yung Susan ang sinabi ni Kuya Norman na iniisa-isa na ang mga tao ni Mother.
"So, hindi hawak ni Jian ang resto?" tanong ko pa.
Si Mel ang sumagot sa 'kin. "Iba ang ibinigay kay Ahia. Malayo sa resto. Inilagay siya sa talent agency." Napadampot ulit ako ng mangga kasi ang lutong ng kagat niya.
"Ano'ng nangyari kay Kuya Wing?"
Napangusong bigla si Melanie. "Ang balita ni Sai, pumunta ng resto si Syaho tapos sinundo nina Wei."
"Shit!" biglang mura ni Calvin kaya natigil sa hangin ang pagsubo ko.
"Bakit?" tanong ko pa.
"Si Wei ang sumundo? Na personal?" tanong pa niya kay Mel.
"'Yon ang nakita nina Sai, e."
Takang-taka naman ako sa reaksiyon ni Calvin. "Sino yung Wei?"
Hindi siya agad nakasagot. Kagat niya ang labi nang mapahimas ng ilong bandang bibig at tumanaw sa malayo.
Si Mel tuloy ang tinanong ko. "Sino yung Wei?"
"Sina Wei, hitman 'yon ng mga Yu," mahina nang paliwanag ni Melanie habang ngumunguya. "Kung nakarinig ka na ng bulungan na walang magsasalita about Red Lotus o tungkol kay Shin kasi mawawala sila, sina Wei ang lumilinis n'on."
"Ooohh . . ."
Sa loob ng napakaraming taon! Mahigit isang dekadang misteryo sa buhay ko 'yang sinasabi nilang huwag pag-uusapan ang mga Yu lalo si Mother Shin, ngayon lang nasagot ang tanong ko tungkol sa sinasabing kidnapping ni Tita Tess na hindi na nakikita pa.
"Delikado ba kung siya ang kasama ni Kuya Wing?" tanong ko na agad.
"Tao ng pamilya si Wei. Kaya nga no'ng nalaman ko 'yan, wala na, sinukuan ko na si Syaho," dismayadong sagot ni Mel at tumutok na lang sa pagsawsaw niya sa mangga.
"Anong sinukuan?" Pumaling ako sa kaliwa ko. "Vin, paano 'yon si Kuya Wing?"
Umiling na lang siya, walang sinabing kahit na ano.
"Anong," at umiling ako para itanong ang ibig sabihin ng pag-iling niya. "Huy, 'tol."
"Clark, komplikado kasi 'yan," katwiran ni Mel. "Pamilya nila 'yon, e."
"Oo nga! Bakit? Hindi ba nila pamilya si Kuya Wing? Asawa 'yon ng ate niya, di ba?"
"The thing is, hindi naman siya kampi sa asawa niya," sagot ni Mel na ikinabagsak ng balikat ko. "And besides, tagasagap lang ako ng balita kaya huwag kang magalit sa 'kin. As if I can do anything about it. Si Calvin nga, hindi alam 'yan, e 'yan ang dumadayo kina Shin lagi."
"Aray!" sigaw ko nang may sumipa sa binti ko. Sumilip pa ako sa ilalim saka sinimangutan si Mel pag-ahon ko.
"Sorry hahaha! Akala ko, paa ni Calvin!"
"'Tang ina naman, Mel, kahit pa paa ni Calvin 'yon! Makasipa ka naman!"
Napalayo tuloy ako kay Calvin habang tawa lang nang tawa si Melanie. Itong dalawang 'to, dinadamay pa 'ko sa sakitan nila.
Himas-himas ko ang kanang binti habang nakasimangot kay Melanie. Sobra na talaga 'tong babaeng 'to. Dapat dito, kinakadena, e.
"'Musta pala si Shin?" bigla niyang tanong kay Calvin. "Balita ko, hiwalay na naman daw sila ng asawa niya. Ilang beses ba niyang gustong magpakasal?"
Sabay na nanlaki ang butas ng ilong at tainga ko at nagkunwaring naghihimas pa rin ng binti habang nakikinig.
So, talagang nagpakasal nga si Mother . . . ulit?
Ay, wait, hiwalay na pala.
Na naman?
"At least, asawa na niya ang nag-decide ngayon," kaswal na sagot ni Calvin.
"Ayaw sa kanya ng asawa niya? O ayaw pang mamatay ng asawa niya?" Tinawanan 'yon ni Melanie, pero hindi ni Calvin.
"Naghahanap sila ngayon ng bagong asawa ni Shin," kuwento ni Calvin, at sobrang baba ng tono niya, parang problemado sa bagay na 'yon. "Yung sigurado nang pipirma sa documents."
"Ay, hindi pa ba pirmado?" gulat na tanong ni Mel. "Himala! Matalino pangalawa niya, ha. Buhay pa ba?"
"Natural buhay pa. May parang collateral yata kaya hindi nila magalaw."
"Oooh."
May pinagkukuwentuhan sina Calvin at Melanie na parang alam ko na parang hindi.
May asawa pala talaga si Mother Shin na hiwalay na at mag-aasawa ulit siya.
Ang dami naman niyang aasawahin.
"Hindi ba nila sinasaktan si Shin doon?" naaasiwang tanong ko sa kanilang dalawa.
"Hindi nila puwedeng saktan si Shin," sagot agad ni Mel, dinuduro pa ako ng slice ng mangga niya. "Mahihirapan silang makahanap ng mapapangasawa niyang bago kung sasaktan siya ng pamilya niya. And besides, si Shin 'yon. Dapat nga, sila ang magpasalamat kasi buhay pa sila. Kasi alam mo? Kung si Shin lang ang masusunod, kaya niya silang patayin lahat doon sa bahay na 'yon. Kaya lang naman nandoon si Shin sa kanila, kasi kapag may ginawa sila sa mga tao niya, kakatok lang siya sa kabilang pinto, mapapatay na niya agad ang mga kapatid—"
"Mel," sita ni Calvin, nagbabanta ng tingin.
"Totoo naman, di ba?" maarteng sagot ni Mel. "Para namang bago nang bago ang babaeng 'yon."
Sinabi naman na ni Calvin kung ano ang koneksiyon ni Shin sa kanila at kahit kay Melanie. Hindi ko lang inasahan na ganito kalapit ang koneksiyon na 'yon.
Tatlong araw kong inisip ang tungkol kay Kuya Wing. Sinabi ni Calvin na huwag na kaming umasang babalik pa siya kasi kung yung Wei raw na 'yon ang kumuha sa kanya, talagang wala na raw pag-asang makabalik pa siya.
Ang iniisip ko naman, baka kayang labanan ni Kuya Wing. Kasi mukha namang kaya niyang lumaban nang patayan sa kahit na sino, e.
'Yon lang, alam daw ng pamilya kung paano iha-handle si Kuya Wing kaya huwag na rin akong umasa ng magandang balita.
Pero ayokong mag-rely sa 'tanggapin na lang' kasi hangga't walang pruweba na patay na siya, wala akong karapatang isipin na patay na nga siya. Kasi malay ba namin? Mabuti sana kung pinatay nga sa resto, e kinuha lang naman daw.
Binalikan ko si Leo at nanghingi na raw siya ng security assistance kay Tita Tess. Pero tinawagan na rin daw si Mommy Linds at nagsabi si Tito Addie na mga Chua na raw ang bahala.
Parang mas kinakabahan pa ako sa mga Chua na ang bahala kaysa kung hawak 'to ni Tita Tess. Siguro kasi, nabanggit na noon ni Mother Shin na mas delikado raw magtrabaho ang mga Chua kaysa sa kanila. Napapaisip na tuloy ako kung ano ang ibig sabihin n'on. Hindi kasi delikado si Ky saka si Tito Addie sa paningin ko.
Dumaan ako sa Rockwell para sana dalawin si Sabrina. Nagdala pa ako ng low-carb cookie bars saka strawberry juice na gawa ni Rico kasi magde-demand 'to ng pampapayat kung sakali. Pero doon pa lang sa lobby, hinarang na ako.
"Sir, sorry, hindi makakalabas si Miss Sab," sabi ng babaeng assistant sa front desk. "Ayaw paistorbo, ang dami raw po kasi niyang tatapusing suit."
Matipid ang ngiti ko nang ilapag ang paper bag sa ibabaw ng desk. "Okay lang. Pasabi, magmeryenda muna siya. Gawa 'to ng kuya niya, hindi 'yan nakakataba. Baka kasi hindi kainin."
"Okay po, sir. Ibibigay ko na po. May ipapasabi pa po ba kayong iba?"
Umiling na lang ako para sabihing wala. "Ubusin na lang niya 'yan. Baka kasi hindi kumakain nang maayos."
"Sige po, sir."
Isa ito sa mga araw na ayoko kasi nakatengga ako sa hangin. Kumbaga kapag natatapos ko ang mga trabaho ko tapos wala na akong gagawin, yung mga gusto ko pa sanang ayusin, hindi ko maayos kasi hindi ako ang may kayang umayos sa mga 'yon.
Walang kinalaman si Tita Tess sa mga sumusunod kay Kyline, malinaw na. Mga Chua na ang bahala sa kanila. Ang kaso, parang mas delikado pa nga kasi parang ibinabalik lang nila ang feud ng mga Chua at Yu na inayos na ni Mother Shin noon.
Ang problema kasi, sina Eugene at Luan. Baka kasi madamay.
Si Kuya Wing, wala pa ring balita hanggang ngayon.
Hindi nagpaparamdam si Tita Tess tungkol sa kasal namin ni Sabrina. Hindi niya ako minamadaling mag-yes para doon kahit pa-December na. Pero may bantay pa rin na taga-Afitek sa 'kin. At huli ko nang nalaman ang dahilan na hindi masabi sa akin ni Tita Tess.
Kagagaling ko lang sa isang shop na hawak namin isang gabi. Tahimik sa public parking lot kung saan ko iniwan ang kotse ko. Binubuksan ko pa lang ang pinto nang makita ko sa reflection ng bintana ng sasakyan ang kamay na papalapit sa akin.
"Ah—" Naisalag ko sa bandang mukha ang kanang braso ko kasi may isinabit doong kung ano. Manipis na mahabang bagay na diing-diin sa long sleeves ko ang muntik nang sumakal sa akin kung hindi ko naisalag ang braso ko.
May tao sa likod ko na humahatak sa magkabilang dulo ng lubid—o parang makapal na nylon string. Umatras ako hanggang sa bumangga siya sa pinto ng katabing van. Tatlong beses ko siyang ibinangga roon ng likod ko.
Ang ingay ng tunog ng van. Parang may bumabangga pang matigas doon maliban sa katawan ng tao. Napabitiw rin siya sa 'kin at mabilis akong tumakbo paalis doon sa puwesto naming dalawa. Pero nakakatatlong hakbang pa lang ako, may humuli agad sa leeg ko at hinatak ako pabalik.
"Tulong!" sigaw ko agad habang nakahiga sa kalsada, kinakaladkad, at pilit inaalis sa leeg ang makapal na telang nakakawit sa leeg ko. "T-Tulong—"
Mula sa bahagyang pag-angat sa kalsada, bigla akong bumagsak habang naghahabol ng hangin. Doon ko lang naramdaman na tumitibok ang ulo, ang dibdib, at buong katawan ko nang sabay.
Mabilis akong napabangon at pinandidilatan ang malaking lalaki na sinasakal ng malaking braso ang isa pang lalaking nakaitim.
Ang bilis ng paghinga ko, sunod-sunod, at saka ko lang naramdaman kung gaano kabutil ang pagbubuo ng mga pawis ko sa noo at sa leeg.
Wala pang isang minuto, bumagsak na ang lalaking nakaitim sa kalsada, lupaypay siya roon at hirap na ring huminga.
Pag-angat ko ng tingin, pinandidilatan ko na si Barry—si Barry! Yung isa sa personal security aide sa Afitek!
"Tsk, tsk, tsk, tsk," palatak niya, umiiling. Mula sa likod, iniharap niya ang belt bag niya at kumuha roon ng duct tape.
"Barry . . ." hinihingal na pagtawag ko sa kanya. Napapalunok ako bago bumangon mula sa kalsada. "P-Pinadala ka ba ni Tita Tess?"
Tumalungko siya sa harap ng lalaking nakaitim at tinakpan ng duct tape ang bibig n'on. "Ang suwerte ko ngayong gabi, nakatiyempo ako ng isa," sabi lang niya.
Nilagyan din niya ng duct ntape ang buong daliri at ibaba ng braso ng lalaking hinuhuli niya.
"Sinusundan mo ba 'ko?" tanong ko na lang.
Ngumisi siya at tiningnan ako na parang may sinasabi akong nakakatawa. "Nakailang memo na sa office na hinaharang mo raw ang mga agent doon," paliwanag niya. "Baka lang walang nagsabi sa 'yo, may kliyente kami ngayon. Ang mga hinaharang mo, hindi 'yon padala ni Boss Tessa. May mga assignment 'yon na binayaran. Nataon lang na ang assignment namin na binayaran kliyente, sinusundan ka."
Nang matapos siyang i-secure ang lalaki, binuhat lang niya 'yon gamit ang kanang braso na parang walang kabigat-bigat.
"Ang daming na-delay na reports kahaharang mo," may inis nang sermon niya sa 'kin. "Hindi ka gagalawin ng mga agent ng Afitek kasi wala naman silang pakialam sa 'yo. Hindi naman ikaw ang binabantayan nila kundi ang mga naghahanap sa 'yo gaya nito."
Bumaba ang tingin ko sa lalaking buhat niya.
Natulala ako roon.
"Ang gusto kong mahanap, 'yong mga taong hinahanap ka."
So, hindi ako ang binabantayan nila?
Hindi ako ang binabantayan nila?
♥♥♥
Sanay naman ako sa gulo. College pa nga lang, nakakatanggap na kami ng mga death threat, hindi na bago sa 'kin 'to.
Binabantayan ako ng mga taga-Afitek hindi dahil ako ang binabantayan talaga nila. Binabantayan lang nila ang mga sumusunod sa akin—paano nila nalamang may mga sumusunod sa akin?
"Ang mga hinaharang mo, hindi 'yon padala ni Boss Tessa. May mga assignment 'yon na binayaran."
Ibig sabihin, may iba pang nakakaalam nito? Tapos nalaman na lang ni Tita kasi sa agency niya kumuha ng investigator?
Sino naman 'yon?
Siguradong may pera 'yon kasi hindi mura ang serbisyo sa Afitek. Ang mahal na nito para umabot nang ganito katagal ang pagbabantay nila.
Wala akong idea kung sino pa ang may alam pero kung related 'to sa mga Yu, baka nga isa sa mga kalaban nila sa negosyo ang nagbayad sa Afitek para sa serbisyo.
Dinaanan ko na tuloy si Tita Tess para mag-confirm. Alas-nuwebe nang umaga, naabutan ko pa siya sa office niya.
"Tita . . ."
"May report na nakarating sa 'kin na may assault na nangyari kagabi."
Sinasabi nilang lahat na sobrang favorite ako ni Tita Tess kapag nakikita nila kaming magkasama. Wala tuloy naniniwala sa kanilang never akong binati ni Tita Tess sa maayos na paraan kapag kami lang dalawa ang nag-uusap.
Lumapit na ako sa kanya at naupo sa favorite spot ko kahit nag-retire na ang favorite gameshow chair ko dati. Wala na, mababang upuan na lang 'yon na mababa rin ang likod at arm rest. Sakto lang sa puwit ng uupo at walang choice kundi umupo nang deretso kasi wala ngang sandalan.
"Si Barry ang nakahuli," balita ko na lang.
Malaking tao si Barry. Parang nasa 6'5" o 6'7" yata ang laki n'on. Basta sobrang laki niya. Isang brasuhan lang n'on, parang kaya nang makabali ng leeg ng tao.
"Paid assignment daw 'yon, Tita," sabi ko pa.
"Um-hm." Tumango lang siya at sumulyap sa akin mula sa pagkakayuko.
"Yung kina Leo, hindi na kayo ang magbabantay sa kanila, Tita?"
"Hindi naman sila kumuha ng service namin, bakit ko sila pababantayan?"
"Yung mga nagbabantay sa 'kin, may kumuha rin ng service nila?"
"Bayad ang mga taga-Afitek. Walang kikilos sa kanila nang walang kontrata."
Oo o hindi lang naman ang sagot, ang dami pang sinabi ni Tita.
"By the way, bago ko makalimutan. Itutuloy mo pa ba ang pagpapakasal kay Sabrina?" tanong ni Tita na nagpabuka sa bibig ko para sumagot pero wala akong nasabing kahit na ano.
Itutuloy ko?
Safe pa ba kung itutuloy ko?
"Tinawagan na 'ko ni Pia. Sinabi niyang huwag kang pilitin kung ayaw mo. Kilala mo 'ko, Clark. Kung yes, then it's a yes."
Inabangan ko kung sasabihin pa niya ang favorite line din ng anak niya na 'Kung no, then no,' kaso hindi. So, yes lang talaga ang nasa option niya.
"Kung hindi ko po pakakasalan si Sab . . ."
Komportableng sumandal si Tita Tess sa swivel chair niya at nginitian ako. "Archie is coming next year. I'm planning the wedding by June. We can work that out. Huwag mo sanang isipin na ikaw lang ang option ko para sa anak ko."
Para akong kinabig ng katotohanan habang nakatingin kay Tita Tess.
"Kung pakakasalan ko po si Sab?"
"Sa June pa rin ang wedding. Nakahanda na 'yon sa kahit na sinong tatanggap ng offer ko para kay Sabrina."
Ah, so fixed na yung June? Sa kahit na sino? Shet.
"Kung papayag ako sa kasal, Tita, okay lang bang mauna muna si Leo?"
Mula sa pagkakangiti, naawat 'yon at napalitan ng pagtataka sa mukha ni Tita Tess.
"Si Leo?"
"After ni Pat, puwedeng unahin si Leo?" tanong ko ulit. "Kasi baka puwede siyang mauna. O puwedeng sabay kami. Double wedding kami!"
"No!" tanggi agad niya. "Kasal 'yon ng anak ko, bakit may isasabay siya, hmm?"
Bigla tuloy akong napangiwi.
Gago, Leo, hindi talaga possible ang plano mo.
"Pero puwede yung ikakasal kami ni Sab pero mauuna si Leo?"
"Kung June na at wala pa ring nangyayari kina Leopold at Kyline tungkol sa kasal nila, hindi kita hihintayin para sa anak ko. Ayokong pumunta siya sa simbahan na tutunganga siya roon habang naghihintay sa groom niya."
Pakshet naman. Next, next year pa ikakasal sina Ky, e.
Saka hindi rin pala kakayanin next year. Si Patrick pa lang ang priority namin. Wala pa kaming kaplano-plano sa kasal ni Leopold. Saka December na! Kaya ba 'yon ng garden wedding? Kinaya naman nina Rico at Jaesie, baka puwede kaming makahingi ng tips kung paano yung rush wedding.
"Pag-isipan ko muna, Tita. Babalikan kita kapag may sagot na 'ko sa kasal ni Leo. Pero hindi ako hihindi sa kasal kay Sab. Pahintay na lang ng update."
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top