Chapter 10: Clues

Open na po ang preorder ng The Love Investment. Salamat po sa mga nauna nang nagbayad. At salamat din po sa mga bibili ng kopya. Open po ang preorder mula Feb 20, 2023 until April 5, 2023. Check n'yo lang po ang message board ko para sa link ng order form.

May mga scene dito sa Wattpad na wala sa book at exclusive lang dito. Kung may makita man kayo sa book na wala sa Wattpad, for sure na POV iyon ni Tita Tess during TLI timeline at kulitan nila ni Tito Ric (kasi nga basted si Tito Ric kay Jaesie dahil sa kape haha); POV ni Jaesie na karugtong nitong POV ni Clark after car accident at amnesia momintz; saka POV ni Connor na baby ng #JaeCo at kulitan nila ng other ABS babies (Cheesedog, Damaris, Luan).

Ayern, wala sanang update ngayon kaso, super stressed talaga ako. Enjoy reading po sa lahat!


♥♥♥ 


Alam naman naming hindi namin mababasa si Tita Tess kahit na parang ang dali-dali niyang basahin. Kaya kong pagsunud-sunurin ang pattern ng ginagawa niya, tapos kapag nakakabuo na ako ng sagot, biglang hindi pala 'yon ang sagot.

Sobrang obvious kasi ng mga ginagawa niya—na sa sobrang obvious, nakakapagduda na bakit ang obvious ni Tita? Yung halos isampal na niya sa 'yo ang sagot tapos gusto niyang maniwala ka na lang doon.

At sa lagay na 'yon, hindi pa namin siya nape-predict.

Gusto niyang ipakasal ako kay Sabrina. Paulit-ulit kong nire-recall itong detalyeng ito kasi may hinahanap siyang babae sa 'kin.

Kung may hinahanap ka palang babae sa 'kin, bakit mo ako ipakakasal sa anak mong babae?

Like . . . para saan? Para sa trap? Sino yung girl? At ano'ng gagawin niya sa babaeng 'yon?

Kung tatanungin niya ako kung mahal ko si Sab, mahal ko si Sab, tapos ang usapan. Kahit tanungin niya ako taon-taon kung mahal ko ang anak niya, taon-taon ko rin siyang sasaguting oo. Hindi magbabago ang sagot ko.

Ang problema kasi, hinihingan niya ako ng commitment sa anak niya nang may conditions. At hindi lang basta conditions. Conditions na hindi ko pa maintindihan.

Gusto niyang ipakasal kami agad. Kaya kong mag-yes kung may enough na oras para mag-adjust kami ni Sabrina overall—mentally, emotionally, physically.

At gusto ko ring i-consider ang feelings ni Sabrina kasi ang tagal naming civil tapos kagagaling lang niya sa breakup. May existing damage pa nga sa side niya na tinapalan na lang ng idea na pinagsabihan na siya noon about Ivo. Gini-guilt trip na lang siya ni Tita Tess para dito sa kasal. Ang daming kailangang isipin.

Gusto ko na lang linawin lahat ngayon kasi stressed na 'ko, stressed na si Sab, stressed na ang barkada—pare-parehas kaming naghahabol sa kasal ng isa't isa.

November na, isang buwan na lang, ikakasal na sina Mel at Pat. Ang unfair naman kung sobrang preparation namin sa wedding ni Rico tapos guguluhin namin sina Patrick. Mas unfair kay Leopold na naghihintay nang sobrang tagal para lang maikasal sila ni Kyline. Ayokong sumingit dahil lang kay Tita Tess at sa gusto niya.

Inutusan ako ni Rico na ihatid si Sab sa mansiyon pagkauwi namin mula kina Melanie sa Laguna. Inabutan na kami ng paglubog ng araw sa biyahe kaya hindi na kataka-takang madilim na pagdating namin sa Dasma dahil sa sobrang traffic.

Paunti-unti kong dina-digest na baka mauwi nga kami ni Sab sa kasalan at kailangan ko nang mag-decide habang maaga pa lang. Gusto ko na lang ayusin lahat ngayon para kung sakaling okay na ang utak ko, hindi na ako sasagot ng hindi sigurado.

Matagal na rin noong huli akong pumunta sa mansiyon, at mukhang wala rin namang interes si Tita Tess na ipatawag ako related sa pagpapakasal ko sa anak niya.

Pagdating namin doon ni Sab, naabutan pa namin siyang naglalakad papasok sa lobby ng bahay.

"Clark, my dear!" masayang bati ni Tita Tess, at nginitian ako nang matipid—yung ngiting lagi niyang ibinibigay sa akin kapag may ginagawa akong kalokohan pero wala siyang choice kundi patawarin pa rin ako.

"Tita!" pagtawag ko na lang.

"Sabrina! You're with Clark?" gulat na gulat na tanong ni Tita Tess at nagpalipat-lipat sa aming dalawa ang tingin niyang puno ng malisya.

"Yeah," matamlay na sagot ni Sabrina.

"Very good!" Pumalakpak nang isa si Tita Tess at nginitian na naman ako. "Now, do you want to have a dinner here, Clark?"

"Actually, Tita . . ."

"Yes, of course, you do! Tara sa dining area. Jocelyn, paki-ready ng table!"

Hinawakan agad ako ni Tita Tess sa braso at mukhang hindi niya ako paaalisin dito nang ganoon lang kadali.

"Sabrina!" tawag ulit niya.

"Yes, Mum?"

"Kunin mo ang blue paper bag sa room ko at ibaba mo rito. Nasa sidetable lang 'yon."

"Why me?" tanong pa ni Sab nang ituro ang sarili.

"Aakyat ka na rin lang naman, isabay mo na."

"Mum, we have maids. We pay for them to work for you."

Imbes na sagutin si Sab, tiningala lang ako ni Tita Tess habang patulak nang dinadala sa dining table. "How's your day, my dear?"

Doon pa lang sa puwersa niya ng pagtulak sa akin papuntang dining table, alam ko nang may gusto siyang sabihin.

Pagdating namin sa dining area, walang katao-tao roon. Napapaisip na ako kung tungkol na naman ba 'to sa babaeng hinahanap niya.

Pag-upo pa lang namin, ramdam ko nang may dapat talaga kaming pag-usapan. Bihira namang maging masaya si Tita Tess kapag sinasalubong ako kung tutuusin. Kailan ba naging masaya (na genuine) si Tita tuwing sinasalubong ako, aber?

"Kumusta ang day off?" nakangiting tanong ni Tita Tess.

Nakangiti rin ako sa kanya pero hindi abot sa mata. "Parang gusto ko na lang tumira kina Mel, Tita, hehe."

"That would be a problem," nakangiti rin niyang sagot.

Para kaming timang na dalawa na nagngingitian pero halatang may tensiyon sa pagitan habang nag-uusap.

Natigilan lang kami nang lumapit na sa amin si Sabrina at may ibinato sa katabing upuan ko.

"Care to explain why there's a Tom Ford here, Mum?"

Napatingin ako sa inirereklamo niya. Messenger bag na mamahalin.

Nanliit agad ang mga mata ko at nagduda nang malala.

Si Tita Tess, kapag nagreregalo 'to, ang gusto niya, kasama akong bumibili ng ireregalo niya. Kung hindi man, jewelry ang kadalasan niyang ibinibigay o kaya relo. Madalas na relo.

Unang beses 'tong reregaluhan niya ako ng bag na wala si Rico. Kasi lagi, kapag may regalo ako, dapat meron din ang panganay niya.

"Ah, of course. Clark, darling." Si Tita na ang tumayo at kumuha ng bag para ipakita sa akin. Wala 'yon sa box. Nasa isang plastic lang na lalagyan n'on mula sa box. "This is a small token for you because I know, you take care of Sabrina, and she's doing fine now."

"Mum! Clark's not taking care of me!" sita ni Sabrina.

"Oh really?" mataray pang sagot ni Tita Tess habang tapik-tapik ang balikat ko. "Then let Clark take care of you from now on, Sabrina."

"Tita, let me talk to you about this," sabi ko agad at pinalayas na si Sab. "Nang kami lang."

Inirapan lang ako ni Sabrina. "I hate you all."

Pag-alis niya, naupo na ulit si Tita sa kabisera ng mesa at nginitian na naman ako.

"Tita, may ganito ba si Ron?" tanong ko nang ipakita ang bag na bigay niya.

Namungay bigla ang mga mata niya, yung pungay na nanghahamon na ng tingin. "Check it."

Putang ina, gumapang ang kilabot sa katawan ko kasi ayoko ng ginaganito ako ni Tita Tess. Ayoko ng nananakot siya gawa ng mga sorpresa niya.

Mula sa plastic bag, sinilip ko ang loob ng bag at kumunot ang noo ko nang makita na may laman 'yon. Ilang mga gamit, may mga papel pa.

Mula sa loob, inisa-isa ko ang mga laman kasi ayokong ilabas 'yon na makikita ni Tita—kahit pa mukhang nakita na niya. Pero . . .

Saglit na huminto ang paghinga ko at lalo pang inatake ng mas matinding kaba nang makita ang ilang gamit doon na pamilyar sa 'kin. Kahit ang phone na madalas gamitin ni Mother Shin kapag naglalaro, nandoon.

May isang letter doon na puro Chinese character, ang kaso, hindi ako marunong bumasa nito.

Mga gamit 'to ni Kuya Wing.

Mabilis kong isinara ang bag at iniwasang pandilatan si Tita Tess kasi malamang na mababasa talaga niya ang gulat ko.

Kagat-kagat ko ang labi habang pinakakalma ang sarili.

Paano napunta 'to kay Tita Tess? Nakita na ba niya 'to? Nabasa na ba niya ang nakasulat? Nabuksan ba niya ang phone?

"Ang sabi ng anak ko, may sumusunod daw kay Kyline Chua. No wonder. They've been vocal about supporting the youngest Yu during her time." Tumayo pa si Tita at naglakad-lakad sa likuran ko habang nagsasalita.

Natahimik lang ako habang nakatulala sa mesa.

Yu . . .

Kina Mother?

"May conflict hanggang ngayon sa mga Yu," pagpapatuloy ni Tita at hindi ko na alam kung paano siya titingnan nang deretso. "It's been years since the reform started. We're giving the credit sa batang Yu sa policies na binago niya under ng authority nila. Ang problema . . ."

Para akong nahuli sa puwesto ko nang huminto roon si Tita Tess at ibinagsak ang palad niya katabi ng messenger bag. Yumuko pa siya sa tabi ko para magsalita.

". . . ibinabalik nila ang dati nilang policy. And we're not in favor of that."

Napapalunok ako. Tungkol saan ba 'to? Ano'ng kinalaman ni Tita sa mga Yu?

Marahan niyang tinapik-tapik ang messenger bag. Napatitig ako roong mabuti.

"Ipinadala 'to para sa 'yo, pero nakuha ng mga sinasabi mong sumusunod din sa asawa ni Leopold. Tao ko ang nag-recover nito sa kanila habang sinusundan ka. Mukhang hindi ka nila titigilan hangga't hindi ka sumusuko sa kanila."

Bumalik si Tita Tess sa upuan niya at parang isa-isa niyang binuksan ang lahat ng switch ng ilaw sa utak ko para mapagdugtong-dugtong ang lahat.

"Madame Ai Ling sabi patay niya lahat kampi kay Shobi. Ikaw ingat."

"Hindi na kami pinalalapit ni Wing sa Red Lotus. Para nga raw hindi na kami pag-initan kasi iniisa-isa na raw nina Susan lahat ng hawak ni Shobi."

"Ang gusto kong mahanap, 'yong mga taong hinahanap ka."

"Alam nilang lilinisin silang lahat ni Shin kapag siya ang umupo sa puwesto ni Madame Meili."

Shit! Yung kapatid ba ni Mother ang tinutukoy ni Tita na babaeng naghahanap sa 'kin? O yung mama mismo ni Mother Shin?

"Ako ang pumili sa mga Chua bilang supplier. Sangko ng mama ko ang dating may hawak nitong restaurant. Kumukuha siya sa Customs ng mga nasasabat na alak galing China sa mas magandang presyo."

"Umalis si Ky last Wednesday, pinuntahan daddy niya sa factory para sa shipments namin ng alak. Pare, sinasabi ko sa 'yo, wala ni anino ng kung sino mang 'yan sa bahay namin. Bumalik lang 'yan noong bumalik si Ky sa bahay."

Mabilis kong kinuha ang messenger bag at tumayo na. "Tita, mag-usap tayo sa susunod. May pupuntahan lang ako." Hindi ko na siya hinintay na magsalita. Basta na lang ako tumakbo palabas ng mansiyon.

Umiikot ang kilabot sa buong katawan ko, umaalon, parang gumagapang ang napakaraming langgam sa batok ko papunta sa ulo pababa sa leeg hanggang sa likod at braso.

Si Kuya Wing. Paano napunta kay Tita Tess ang mga gamit ni Kuya Wing?

Balisa akong nag-drive at tinawagan agad si Calvin.

"Hindi ka pa ba nakakauwi?" bungad niya.

"Vin, nakakausap mo pa ba si Kuya Wing?"

"Banned akong makausap si Syaho. Mino-monitor ako nina Madame Ai Ling, so mas safe nang hindi muna."

"Nasa akin ang mga gamit niya."

"Gamit na?" gulat na tanong niya, at dinig kong naalerto siya dahil doon.

"Uh . . ." Wala pa ako sa labas ng subdivision nang iparada ko muna ang sasakyan ko sa gilid. Binuksan ko ang interior lights at kinuha ko ang bag. Inisa-isa ko ang laman at inilabas lahat. "Yung extra phone niyang gamit ni Mother dati . . . yung relo niya . . . yung kuwintas na jade . . . may wallet din dito." Mabilis kong inisa-isa ang laman ng wallet ni Kuya Wing. May pera doon pero hindi pa lalagpas ng isanlibo. May ibang currency pero luma na at may mga nakasulat din doon pero Chinese character maliban sa numbers na parang contact information.

Kinuha ko ang phone ni Kuya Wing at binuksan. May password ang lock. Sinubukan ko ang passcode ng security sa site ng Red Lotus, at bumukas naman agad ang phone. Nanginginig ang mga kamay ko, hindi ko maigalaw nang maayos. Nakailang buga ako ng hangin para lang pakalmahin ang sarili ko.

"May pera ditong may ano . . . may sulat." Gumamit ako ng image translator para mabasa ang nasa pera. "Sabi rito sa translation na tawagan si Fu sa number na nakasulat dito. Pero matagal na 'tong pera. Baka outdated na 'to." Sunod kong inisa-isa ang mga ID niya. Ang daming ID na pandito sa Pilipinas. May ID rin siya na para sa China. Henry Luo ang pangalan niyang nakarehistro dito sa Pilipinas. Sampung ID rin 'yon. Sunod kong kinuha ang letter na nandoon kasama ng ibang gamit. "May—may sulat pala," aligagang sabi ko kay Calvin at itinutok sa camera ang papel. Nangunot ang noo ko kasi kada galaw ng camera, nagbabago ang word na lumalabas sa screen.

"Uh . . . wait . . ." Lalong nangunot ang noo ko kasi handwritten 'yon pero parang walang sense ang nakasulat. "They went down . . . the crows . . . in water we die . . . in water we find calmness . . . ha? The oasis is the enemy . . . find the oasis? Calvin, nandiyan ka pa?"

"Ha?"

"Putang ina naman, nakikinig ka ba?"

"Saglit, kinakausap ko si Melanie."

"Mamaya na si Mel! 'Tang ina naman, mga gamit 'to ni Kuya Wing, e!"

"Kaya ko nga tinatawagan si Mel, para ma-check si Syaho."

"Bakit si Mel? Paluluwasin mo pa 'yang buntis na 'yan sa Laguna?"

"Gago, hindi! Marami 'tong tenga sa casino saka sa mga tropa ni Syaho, baka makabalita siya."

"Wala ka ba talagang alam?"

"Paano ko nga malalaman, pumupunta ako kina Shin?"

Naiinis ako pero saglit akong ginising ng katotohanang 'yon.

"Ang sabi dito sa letter, hindi ko alam ang exact translation, pero eto ang lumabas. Bumaba raw ang mga uwak. Mamamatay daw sa tubig. Pero may kapayapaan sa tubig. Kalaban daw yung oasis pero hanapin ang oasis. Tang ina, Confucius-Lao Tzu saying ba 'to?"

"Gumamit ka ba ng translator?"

"Oo."

"Gago! Bakit ka gumamit ng translator? Off mo phone mo, gago!"

Shit!

Ang bobo mo, Clark!

Sa sobrang panic ko, pinagpapatay ko lahat ng phone na nasa kotse ko.

"Vin!" sigaw ko pa sabay, "Ay, putang ina." Tinitigan ko ang phone kong nakapatay na.

Napakabobo!

Hindi ko pa natanong kung nasaan siya kaya dumeretso na ako kina Leo para mag-warning.

Hinahabol si Ky ng mga Yu. Kung hindi man si Ky, baka si Tito Addie. Kung ang plano nila, linisin lahat ng koneksiyon ni Mother, mas kailangan talaga nilang bantayan ang mga Chua.

Butil-butil ang pawis ko nang makarating ako sa West. Tinitingnan ko pa kung may nakasunod sa 'kin, at nagpapasalamat akong wala. Pero pagdating doon sa tapat ng bahay nina Leo, may nakita agad akong naka-jacket na itim at naglalakad sa gilid ng kalsada.

Ayokong mambintang kasi papunta naman sa kabilang direksiyon. Baka napapraning lang ako. Tiningnan ko pa siya nang bumaba ako ng kotse. Hindi naman siya aligaga, naglalakad lang.

Nag-doorbell ako pero nasa lalaking 'yon pa rin ang paningin ko.

Putang ina, ang utak ko, gusto nang sugurin ang lalaking 'yon kahit ang layo na niya.

Sinisigaw ng utak ko, "Kung tao ka ng mga Yu, may sasabihin ako para sa mga amo mo."

Pahakbang na ako para sana komprontahin kaso biglang may nanggulat na babae na nagtatago sa likod ng maliit na puno ng mangga. Nagtawanan pa sila bago nagyakap.

"'Tang inaaaa . . ." Napasalampak ako sa kalsada habang suklay-suklay ang buhok. Mababaliw na 'ko. Masisiraan na 'ko ng ulo rito.

Bumukas ang gate at nakita si Leo na nakapambahay na.

"Hindi ka pa rin nakakauwi?" tanong pa niya. Mabilis akong tumayo at hinatak siya papasok sa front yard. Huminto kami sa gilid ng sasakyan niya at sinilip ko muna ang bintana kung makikita ba kami ni Kyline.

"Di ba, alam mo yung resto na sinu-supply-an namin ng alak ni Ky?" mahinang tanong ko.

"Yung sa Parañaque?"

Mabilis naman akong tumango. "Oo. Kilala mo ba may-ari n'on?"

Umiling siya. "Hindi. Pero yung lalaking Chinese na kaedad ni Gina ang kausap ni Ky kapag nagde-deliver kami."

"Si Kuya Wing 'yon. Pero nagre-reach out sila sa inyo?"

Nagusot ang gilid ng labi niya saka umiling. "No'ng isinara yung resto, di ba, na-cut na ang supply sa kanila. Hindi lang na-clear sa kontrata pero hindi na nag-deliver sina Papa na galing talagang factory."

So, alam ni Tito Addie.

"Bakit? Para saan ba 'to?" tanong na ni Leo, at may inis na sa boses niya nang magkrus ng mga braso.

"May problema kasi yung may-ari ng resto. Family problem," disclaimer ko agad.

"O, tapos? Ano'ng kinalaman ni Ky d'on?"

"Alam mo yung nanloob dati kina Ky? Yung dahilan kaya naghiwalay sina Tito Addie saka Mommy Linds?"

Hindi nakapagsalita si Leo, kinunutan lang ako ng noo, at mula sa pagkakakrus ng braso, nalipat ang mga kamay niya sa baywang. "Oo, ano ngayon?"

"Ang suspect kasi ni Mommy Linds doon dati, yung pamilya ng may-ari ng resto na 'yon. Parang nagkaroon sina Tito Addie ng conflict doon sa sinu-supply-an n'yo ng alak bago sila maghiwalay ni Mommy Linds."

"Hoy, gago." Nanlaki lang ang mga mata niya nang titigan ako, at nakikita ko na ang takot sa kanya.

"Yung bunso nila, 'yon ang naging may-ari ng resto. Siya yung kumuha kay Tito Addie para mag-supply ng alak sa kanila."

"Trap ba 'yon?"

"Hindi, gago. Makinig ka muna," awat ko sa kanya saka ako nagpatuloy. "Inayos ng owner ng resto ang conflict nila sa mga Chua. So, okay na. Parang settled na sila."

"Pero sila ba yung sumugod kina Belinda?"

"Hindi!' matigas na sagot ko. "Parang vendetta lang kay Mommy Linds yung pagsugod sa dating bahay nila. Yung suspect n'on, matagal nang kilala ni Tito Addie. Pero balik tayo sa issue. Mino-monitor din yata ngayon ang mga Chua kaya may umaaligid kay Kyline."

"Put—" Hindi naituloy ni Leo ang mura niya, napasapo lang siya ng bibig habang nakatanaw sa loob ng bahay nila. Paglingon ko roon, nasulyapan ko pa si Eugene na buhat-buhat ang bahay na project niya yata. Ibinaba lang sa sala.

"Eto ang importanteng detalye rito, 'tol."

Hindi siya nakasagot, nakatulala lang sa loob ng bahay.

"Alam 'to ni Tita Tess. Kaya ang iniisip ko, baka pinababantayan niya 'ko sa mga taga-Afitek hindi para kay Sab—o para nga kay Sab. Ibig kong sabihin"—nagmuwestra pa ako ng kamay na mula sa isang gilid, inilipat sa kabila—"pinababantayan niya ako para safe ako kung sakaling ipakasal niya ako kay Sab. Gets mo ba? Kasi Afitek 'yon, 'tol. Security company pa rin naman sina Tita Tess saka hindi sila nananakit. Ang hingin na lang natin kay Tita, pabantayan na lang din kayo rito saka si Kyline. O kaya huwag mo munang iwan si Ky saka sina Luan. Huwag mo munang hayaang magbiyahe kasi delikado."

Nakakuyom ang palad ni Leo na nakatutok sa bibig niya, at nakita kong pigil ang panginginig niya habang nakatingin sa loob ng bahay nila.

Ang bigat ng paghinga niya nang tumango. "Kakausapin ko si Tita Tess. Kakausapin ko rin si Belinda. Ayoko ng ganitong hindi ko alam kung ano'ng nangyayari. Baka maulit lang sa 'min ang nangyari sa kanila dati, e. Hindi pa kami kasal ni Ky, putang ina, ngayon pa talaga tumayming 'to."

Ayoko sanang pakabahin si Leo, pero ayoko ring ipagpabukas 'to.

May alam si Tita Tess. Ang kailangan ko na lang alamin, kung ano pa ang mga alam niya.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top