Chapter 55: Smile


"Nasabi ni Linda ang nangyari. Hindi ko na itatanong kung ayos ka lang ba, anak. Halatang hindi."

Sumulyap lang ako kay Manang habang sinasalinan niya ako ng juice na hindi ko naman ipinautos pero nagdala pa rin siya.

Saglit siyang naupo sa bandang gilid ng inuupuan ko kaya inurong ko ang binti ko para makaupo siya nang maayos.

"Leo, anak . . ." Marahang tinapik-tapik ni Manang ang kaliwang hita ko. Mahinahon ang boses niya, pinakikiusapan ako. "Alam ko—alam namin ni Linda—kung gaano kahirap maging magulang. At sandaling panahon na lang, magiging magulang ka na rin."

"Pasensiya na, Manang, pero kung uutusan n'yo ho akong makipag-ayos sa daddy ko . . ." Umiling na lang ako para sabihing ayoko kung sakali man.

Ang bigat ng pagbuga ng hininga ni Manang at tinitigan akong mabuti. Ako na ang nag-iwas ng tingin saka tumanaw sa malayo.

Wala nang pag-asa ang daddy ko. Kung magsisi man siya, baka kapag huli na ang lahat. Sinira na niya kami—sinira na niya ang lahat ng expectations ko. Wala nang magagawa kahit mag-sorry pa siya minu-minuto.

"Hindi ka namin pipiliting makipag-ayos sa daddy mo, anak. Si Linda, buwisit na buwisit doon, kanina pa niya minumura sa loob."

Gusto ko sanang tumawa kaso masyadong pagod ang sistema ko para tumawa sa sinabi ni Manang. Kamura-mura naman kasi talaga si Daddy.

"Hindi ko pa nakikilala ang ama mo, pero naniniwala akong hindi ka magiging gaya ng taong minumura ni Linda sa loob." Tinapik ulit ako ni Manang sa hita saka siya tumayo. "May pasok ka hanggang mamayang gabi, di ba?"

Tumango naman ako.

"Huwag ka munang pumasok. Hindi ka rin paaalisin ni Linda nang ganyan ka."

Umalis na rin si Manang pagkatapos.

Bumabalik na naman sa akin ang pakiramdam ko noong mutik na kaming makulong. Yung wala akong ginagawa pero pagod ako. Yung gusto ko na lang tumulala maghapon kasi nag-iisip pa lang ako ng gagawin, pinapagod na ako ng mga nasa utak ko.

Gusto ko pa sanang mag-aksaya ng oras sa pagtambay sa pool kaso ayokong pabayaan si Kyline. Kagagaling lang namin sa clinic. Hindi naman delikado ang lagay niya, pero baka kasi mag-alala na nandito ako e, bawal nga siyang ma-stress.

Bumalik na rin ako sa loob, at pansin kong tahimik lang sila. Kung magsalita man, bilang na bilang. Ayoko ring sumagot kasi napapagod ako kapag nag-iisip ako ng sasabihin.

Sa tagal ko nang galit kay Daddy, yung galit ko, parang ayoko nang ilabas. Kasi napagod na rin akong magalit sa isang bagay na hindi na kayang ayusin.

Magagalit ka kasi hindi siya nakikinig.

Magagalit ka kasi hindi siya umuunawa ng sitwasyon.

Magagalit ka kasi yung dapat na ginagawa niya, hindi niya ginagawa.

Paulit-ulit kang magagalit habang paulit-ulit din naman siyang hindi nakikinig. Wala nang sense maglabas ng emosyon na destructive para sa 'yo habang wala namang pakialam yung isa. Ikaw lang ang nahihirapan imbes na siya.

Hindi naman ako perpektong tao, pero kung magiging tatay ako, hinding-hindi ko gagawin sa anak ko ang ginawa sa akin ng daddy ko.



♥♥♥



"Leo . . ."

"Mmm?"

Inabangan ko ang sasabihin ni Ky pero tiningnan lang niya ako deretso sa mata. Pero kahit naman hindi siya magsalita, alam ko na ang itatanong niya. Expressive ang mga mata ni Kyline kaya hindi ako nangangapa ng iisipin.

"Huwag ka na lang magpa-stress diyan. Hayaan mo na lang ako," sabi ko kahit wala naman siyang idinagdag pagtawag sa pangalan ko.

Sinamahan ko siya—o parang mas tamang sinamahan niya ako kahit nasa kuwarto niya kaming dalawa.

Alam naman niyang hindi ako maayos ngayon dahil kay Daddy, at nagpapasalamat akong nandito siya kahit paano.

Pagkatapos ng lunch hanggang ngayong malapit nang mag-dinner, yakap ko lang siya habang nakahiga kami—o habang nakasandal siya sa 'kin gaya ng lagi naming puwesto. Kapag nag-a-attempt siyang itanong kung ayos lang ba ako, titingala lang siya at tatanungin ako ng tingin pero walang direktang tanong. Sumasagot na lang ako kahit wala siyang sinasabi maliban sa pangalan ko.

Gumagaan ang pakiramdam ko kapag yakap ko si Ky. Effective ang estrogen shit na 'yan pero mabilis ding mawala kapag hindi ko na siya yakap.

Tahimik pa rin kahit noong dinner, pero nagulat ako kasi nagpa-karaoke sila sa cabana. Ewan ko kung kaninong trip 'yon, pero baka si Gina ang may pakana. Nasa itsura naman kasi ni Gina ang nagbabanda o kaya kumakanta. Naririnig ko nga siya minsang kumakanta kapag may inventory sila lalo pa't ang hilig niyang sumipol-sipol.

Dinala kami ni Kyline sa cabana at medyo hindi ko gusto ang ayos doon. Maliban sa mukha kaming nasa disco, halatang minadali ang pag-setup. Yung wires ng extension, nakakalat sa sahig at halos matisod-tisod sila roon ni Belinda. Yung disco light sa itaas namin, naka-duct tape na mukhang bibigay any time pero idinaan na lang sa makapal na tapal para masabing okay na.

Tambay kami ng barkada sa mga club at bar kasi ang mga kliyente namin sa lending, tambay rin doon. Pero kung wala kaming trabaho, sa lugar ko talaga ang tambayan namin. Ang kaso, wala na akong sariling bahay o apartment—pero wala, minsan, dito talaga sila nambubulabog kina Kyline basta ba wala si Belinda rito.

And speaking of Belinda, wala na nga ako sa mood, mas lalo akong nawala sa mood nang bigla siyang kumanta.

Nakapikit na ang kanang mata ko habang nakalingon sa pool kasi napakapangit ng boses ng animal na 'to. Kung anong ikinaganda ng boses ni Kyline, siya namang ikinasagwa ng kanya.

Buti na lang talaga, maganda ang boses ni Kyline. Kahit pakantahin ko araw-araw, hindi ako mabubuwisit.

Sinabayan naman ni Gina itong mama ni Kyline na bulahaw sa kapitbahay. Tama naman ang hinala ko, singer din si Gina. Kahit paano, hindi nakakahiya kapag kinatok na kami ng mga tanod.

Inabutan din nila ako ng mic para kumanta ako. Ayoko sana pero sabi ni Gina, ipapahiram daw niya yung pulang 4x4 niya na nasa garahe kaya pinatos ko na. Sakto, sabi ni Clark sa text last time, next week, puwede na kaming maglipat ng gamit sa bagong bahay ko. Sabihin ko lang kung kailan ako free.

"Leo . . ."

"Mmm?" sagot ko na naman kay Kyline habang nakatitig ako sa pool.

"Saan mo balak pumunta?"

Nalito naman ako sa tanong ni Ky.

"Saan?" tanong ko rin.

"Hihiramin mo kasi yung sasakyan ni Gina."

"Ah." Kinuha ko na lang ang kamay niyang nakatukod sa couch kung nasaan kami nakaupo. Para lang malibang, nilaro-laro ko ang mahahabang daliri niya sa kanang kamay.

"Aalis ka ba?" tanong niya nang hindi na ako nagdagdag ng sagot sa 'ah' ko.

Sinagot ko lang siya ng pag-iling.

"Gagamitin mo yung kotse?" tanong ulit niya na tinanguan ko naman saka ako nagsalita.

"Baka gamitin kon para mag-pick up ng mga gamit next week," sabi ko. "Ready na kasi ang bahay ko. Hinuhulugan ko pa rin pero okay naman nang pag-stay-han."

Busy pa rin ako sa paglalaro sa mga daliri niya nang magtanong na naman siya.

"Lilipat ka na ba?"

Gusto ko sanang sabihing oo, pero kasama sana siya. Kaso ayokong magsalita nang hindi pa kumpirmado. Hindi ko pa kasi nakakausap si Belinda. Kahit naman nakakaurat kausap 'to, kailangan ko pa ring magpaalam—sa kanya saka kay Sir Adrian.

Sa ngayon, habang wala pang malinaw na plano, doon muna kami sa plano na talaga namin ni Clark. Doon sa malapit na trabaho kung sakali mang kailangan kong mag-stay pa rin dito kina Kyline.

"Actually," panimula ko, "gagawin kong office namin. Si Clark, may business proposal siya. Sisimulan na namin next week. Si Pat pa lang ang may kotse sa amin pero luxury car 'yon. Malaking bagay ang mahihiram kong sasakyan kay Gina para hindi na kami mag-rent ng van."

May dina-drive na van si Rico dati pero hindi na raw niya gamit ngayon kaya nga van nina Calvin ang gamit namin last time—at ayokong manghiram kay Calvin. Baka may ikuwento na naman kay Kyline e, mag-best friend pa yata 'tong dalawa.

Busy sa ingay niya si Belinda nang, sa wakas, sa awa ng Diyos, huminto rin siya sa paninira ng eardrums namin dito sa cabana.

"Maliligo na si Kyline," sabi ko. Mabilis pa sa alas-kuwatro akong tumayo at halos hatakin ko na si Kyline patayo kung hindi lang 'to mapipilayan. "Aakyat na kami."

Kahit may tugtog pa rin, parang huminto na ang lahat sa amin doon.

"Ayaw mo talagang uminom?" aya na naman ni Gina kahit kaninang tanghali pa ako inaalok nito ng gin. "Isa lang."

Tumanggi na naman ako. "Next time. Kapag nanganak na si Kyline."

Minadali ko na ang pagpasok namin sa bahay kasi kapag nagtagal pa kami roon, kung hindi ako aaluking kumanta, baka alukin na naman ako ng yosi at alak. Patulog na kasi si Kyline, baka pumayag na ako kung sakali man—at ayoko sa posibilidad ng pag-oo ko.

Gaya ng nakasanayan, pinag-stretching ko muna si Kyline habang hinahandaan ko siya ng damit. Kaunting panahon na lang, manganganak na siya. Pagkapanganak niya, hindi na ako sigurado kung maaasikaso ko pa ba siya nang ganito. Kung sakali kasi, baka si Eugene na ang asikasuhin ko dahil kaya na niyang mag-isa.

Pero sa buong araw, kung may mami-miss man ako kapag nakapanganak na si Kyline, baka itong milk bath niya. Kasi pakiramdam ko, mas naaalagaan ko siya rito sa bathtub. Dito rin kami madalas na nakakapag-usap kasi ang tagal ng oras kapag tahimik lang kami.

"Magiging proud si Eugene kasi ikaw ang daddy niya," biglang sabi ni Ky habang nililinisan ko ang pagitan ng mga daliri niya sa paa.

"He should be," sagot ko.

Dapat lang maging proud si Eugene sa 'kin kasi hindi ko gustong maramdaman niya ang nararamdaman kong kahihiyan kay Daddy. Na kung puwede lang itangging anak ni Oswald Scott, ide-deny ko talaga hanggang kaya ko.

Ayokong balang-araw, maririnig ko kay Eugene na wala akong kuwentang tao. Na sana hindi na lang ako ang daddy niya. Na sana hindi ko na lang binuntis ang mama niya kung iiwan ko lang din pala kalaunan.

"Kapag lumaki si Eugene, ano'ng gusto mong maging paglaki niya?" tanong na naman ni Ky. Sinubukan talaga niyang kausapin ako dahil buong araw na yata akong walang imik maliban kaninang umaga.

Kahit tinatamad akong magsalita, sumagot na lang din ako. "Gusto kong gawin niya ang kung anong masaya siyang gawin."

Wala na akong narinig na follow-up question sa kanya. Hindi ko alam kung naumay na ba siyang mangulit kasi wala ako sa mood o inaatake na naman ng kabagalan ng utak.

"Gusto mo rin ba siyang maging engineer?" biglang tanong niya kaya nakasiguro na akong inatake lang talaga ng pagiging slow. Mas okay kaysa mapagod siyang kausapin ako.

"Siya ang mag-decide kung ano ang gusto niyang maging paglaki," sagot ko naman. "Hindimo kailangang i-impose ang pangarap mo sa ibang tao, kahit anak mo pa."

"Kayaba ayaw mong mag-varsity gaya ng gusto ni Coach Wally?"

Out of impulse akong napatingin sa kanya. Parang automatic na sa sistema ko ang manguwestiyon kada itinatanong 'yon sa akin.

Hindi siya ang unang nagtanong n'on kaya nga may natural nang sagot ang katawan ko. Kung ibang tao siya, babarahin ko agad ng, "Pakialam mo naman?"

Pero ayoko nang magdagdag ng stress kay Kyline. Napa-clinic na kami kanina, mahirap na.

"Leo—"

Sabay pa kaming napatingin sa phone ko sa sink na tumutunog. Hindi ko napansin, ten minutes na pala ang lumipas. Nalinis ko naman na ang halos buong katawan niya, pero parang wala pang tatlong minuto ang dumaan.

Pagkapatay ko ng phone, itinayo ko na rin siya para hindi siya madulas sa tub.

"Leo . . ."

"Mmm."

Inaayos ko ang towel sa rack katabi ng shower nang ituloy niya ang sinasabi niya.

"Sana maging okay ka na rin soon."

Natigilan ako sa ginagawa saka napalingon sa kanya.

Ginawa na naman niya ang I love you sign na ipinagpipilitan niya—yung ituturo niya ang sarili tapos magkukrus ng braso bago ako ituro.

"You can speak," sabi ko na lang at tinanggal sa ulo niya ang shower cap. Inakay ko na rin siya papasok sa shower area.

"Action speaks louder kasi motto mo sa buhay," sabi niya habang nakanguso na naman na parang bibe. "Ayaw mong magsalita. Puro ka lang kilos."

"May madali namang way, pinahaba mo pa ang kilos mo."

"Ganito?" Ginawa niya ang ginagawa kong nakataas ang hinlalaki, hintuturo, saka kalingkingan.

"Alam mo naman pala, e," sabi ko.

Naghubad na rin ako ng damit para sabay ulit kaming maligo gaya kagabi. Pagsampay ko ng mga damit ko sa hamper na malapit sa shower area, binalikan ko agad siya. Naabutan ko pa siyang nanlalaki ang mga mata habang nakatingala sa akin.

"O?" sabi ko pa. "Kung makatingin ka, parang kriminal ako, a."

"Lagi na ba tayong maliligo nang sabay?" di-makapaniwalang tanong niya.

"Ayaw mo ba?"

"Kahit pagkatapos kong manganak?"

"Ayaw mo nga?" hamon ko. "Sabihin mo lang."

Unti-unting napalitan ang gulat niya ng pigil na pigil na tuwa. Kagat-kagat pa niya ang labi habang nakaangat ang mga balikat.

Nagtaas agad siya ng I love you sign gamit ang itinuro kong mas simpleng paraan. Lalo pang namula ang pisngi niya habang nakangiti sa akin.

Sira talaga 'to.

"Sabihin mong ganito!" excited na utos niya, ginagalaw ang kamay pagilid para sa equivalent sign ng I love you too.

"Inuutusan mo ba 'ko?" tanong ko agad, kunwaring galit para itago ang tawa ko sa kanya.

"Kahit isa lang?" nagtatampo niyang tanong.

"Action speaks louder than words, huh?" Napailing na lang ako.

Ayoko ng ganyang I love you galing sa kanya.

"Kahit 'yon lang?" paawa niya sa 'kin.

Ang kulit. Wala nang pag-asa 'to.

Hinarap ko ulit siya. Kinabig ng kanang palad ko ang likod ng ulo niya at lalo pa siyang ipinalapit sa akin.

Akma ko siyang hahalikan pero huminto muna ang labi ko sa tapat ng labi niya.

"Sabihin mo ang sinasabi mo kanina . . ." pabulong na utos ko.

"H-Ha?"

Nakatitig lang ako sa labi niya para mabasa roon nang direkta ang gusto kong marinig mula sa kanya.

"Ulitin mo," utos ko.

Dahan-dahang bumuka ang labi niya.

"I . . ." Ang bigat ng paghinga niyang tumatama sa pisngi at mismong labi ko. "I . . . love . . . you."

Kinuha ko ang kanang kamay niya at ipinatong ang tatlong daliri ko sa ibabaw ng mga daliri niya at pinagdikit ang mga hinlalaki at kalingkingan naming dalawa.

Iginalaw ko iyon gaya ng inuutos niya sa akin kanina saka ako mabilis na humalik sa labi niya.

"I love you, too," bulong ko.

Mabilis kong binuksan ang shower hanggang sa mapapikit na naman siya para hindi makita ang pagngiti ko.

Nakakuyom ang mga kamao niya sa hangin habang nakatupi ang mga braso sa tapat ng dibdib. Nagulat yata sa bagsak ng tubig sa amin.

Pinatay ko rin ang shower nang mabasa na nang maayos ang buhok niya. Doon lang siya dumilat paghinto ng tubig. Punas-punas niya ang mukha niya habang papikit-pikit at nakatingala sa akin.

"Sha-shampoo-han na kita," sabi ko. Kinuha ko na ang bote ng shampoo at nagsalin sa palad ko bago ilapat sa buhok niya.

Pagsulyap ko sa kanya, nakatitig pa rin siya sa 'kin habang pinandidilatan ako.

"Ano?" tanong ko saka kinusot ang buhok niya.

Wala siyang sinabi, naestatwa na yata habang tinititigan ako.

"Na-stroke ka na ba?" biro ko.

Dahan-dahan siyang ngumiti sa akin, halatang kilig na kilig.

Wala naman siyang sinabing kahit na ano. Niliguan ko lang siya pero hindi talaga nawala ang ngiti niya.

Matagal na rin mula nang huli ko siyang makitang ngumiti nang dahil sa akin—yung ngiti na matagal. Hindi kasi ako madalas na matino kausap kaya mabilis din siyang sumisimangot. Gusto ko siyang nakangiti kasi pakiramdam ko, may nagawa akong mabuti sa kanya. Pero mas gusto kong nakasimangot siya kasi . . . ewan ko? Mas gusto ko siyang masungit. 'Yon lang, bihira lang siyang magsungit kasi nasanay akong nakangiti siya lagi since high school.

Tinapos ko na ang paliligo niya kasi lumalamig na ang balat niya nang sobra. Mamaya, uubuhin na naman siya kasi nagtagal sa pagligo.

Pinagsuot ko siya ng robe at sinabihan kong hintayin ako sa closet area. Tinapos ko na rin ang paliligo para mabalikan agad siya.

Nakaligo na kami't lahat, yung ngiti niya, hindi talaga nawala.

"'Saya ka?" sarcastic na tanong ko pag-upo ko sa harapan niya dala ang mga lotion at kung ano-ano pang pamahid niya sa katawan.

"Nag-I love you, too ka sa 'kin, Leo," kinikilig na sabi niya at lalo pang lumapad ang ngiti.

"Nag-I love you ka. Malamang, mag-a-I love you, too ako."

Nilagyan ko na siya ng lotion sa braso habang iwas ang tingin ko sa kanya. Buti na lang talaga, hindi mapang-alaska 'tong si Kyline. 'Yon lang, parang sirang plaka kasi.

"Kukuha lang ako ng damit ko sa kabila. Doon ka muna sa dresser, magpatuyo ka ng buhok."

"Okay."

Lumabas agad ako ng kuwarto niya para lumipat sa guest room. Mukhang hindi na umuwi si Ma'am Shan, buti naman. At mukhang napagod na yata ang lalamunan nina Gina sa pagkanta, tumahimik na rin sa labas.

Nagbihis na ako ng pambahay, pero bago bumalik sa kuwarto ni Kyline, unang beses—as in, sa kauna-unahang pagkakataon—dumaan ako sa dulo ng second floor, sa master's bedroom.

Tatlong beses akong kumatok at wala pa akong sinasabi, pagbukas na pagbukas pa lang ng pinto, nakataas na kilay na ni Belinda ang bumungad sa akin.

As usual, hinagod na naman niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa.

"Tinataasan mo rin ba ng kilay si Manang kapag nagbubukas ka ng pintuan?" sarkastikong tanong ko.

"Hindi kumakatok si Manang. Sumisigaw lang siya ng kailangan niya mula sa labas," sarkastiko niya ring sagot. "Si Belle, nagma-mommy lang. Walang kumakatok sa bahay na 'to para makasigurado kami kung sino ang nasa labas."

Sobra naman sa ritwal ang mga tao rito sa bahay na 'to.

Pinagkrus pa niya ang mga braso niya, saka ko lang napansin na ang laki nga ng suot niyang black na Tribal shirt pero parang wala naman siyang shorts. T-shirt lang ang nakikita kong suot niya. Nag-angat agad ako ng tingin dahil baka makuwestiyon na naman ang pangmamata ko.

"Malay ko ba," sagot ko sabay irap.

"Baka lang walang nagsabi sa 'yo, ang huling kumatok sa pinto namin, may dalang shotgun at tinutukan si Addie sa ulo."

Mula sa kanang gilid, nalipat ang tingin ko sa kanya mula sa dulo ng mata. Saglit akong napaisip doon at parang naintindihan ko na kung bakit mahilig sumigaw si Manang at hindi ako kinakatok kapag nagtatawag sa labas.

"Huy! Leopold Scott!" Nagulat naman ako sa biglang pagsulpot ni Gina mula sa likod ng pinto. Nakasilip siya sa kanang gilid ni Belinda habang yakap niya sa baywang mula sa likod. "Naks! Bagong ligo, a. Sabay kayo ni Belle?"

Pinandilatan ko agad siya ng mata sa sinabi niya. Pakiramdam ko, nahuli niya ako sa dapat itinatago ko kay Belinda.

"Pinaliguan ko si Ky," depensa ko. "Nauna na siyang maligo bago ako."

Wala siyang sinabi pero ang facial expression niya, humihiyaw ng "Weh? Maniwala ako."

"Pero iinom na tayo?" parang batang tanong niya, nakangisi pa nga. "Isang shot lang!"

"Ayoko." Inilipat ko ang tingin kay Belinda. "Magpapaalam lang ako. Doon ulit ako matutulog sa kuwarto ni Ky ngayon."

"E, ba't magpapaalam ka pa, doon ka naman pala natulog kagabi?" mataray na tanong ni Belinda.

"Nagpapaalam ako kasi yung kapatid mo, binubulabog ako sa guest room. E, wala ngayon. Kaya ako nagpapaalam kasi wala naman sa usapan na doon ako matutulog mula nang umuwi kayo ni Gina. Kargo ako ni Manang kaya ako nagpapaalam kasi baka pagalitan mo."

"Kung may pagagalitan man ako, hindi si Manang 'yon."

Nalipat ang tingin ko kay Gina na pasimple akong pinalalayas at patango-tango na lang saka magta-thumbs up.

"Babalikan ko na si Ky sa kuwarto niya. Hindi ko pa nabibihisan 'yon, baka ubuhin na." Humakbang na ako paalis.

"Marunong magbihis si Belle. Buntis lang siya, hindi imbalido."

"E, sa gusto kong bihisan, paki mo ba?" sabi ko at umirap sa kanya. "Ikaw ang magbihis! Ni wala ka ngang shorts!"

"Paki mo rin?"

Biglang sumigaw si Gina. "Huwag nang mag-shorts, huhubarin din naman, hahaha!"

Mga buang talaga 'tong mga nakatira dito kina Kyline.

Binalikan ko na si Ky, at mukhang nainip na. Tama rin ang sinabi ni Belinda. Kaya naman ni Kyline na magbihis. Pagbalik ko, naka-night dress na rin siya na may manipis na strap at halos see-through na nga. Ganito ang gusto niyang pantulog madalas—yung hindi ako ang pumili. Ang katwiran kasi niya, hindi siya pinagpapawisan. Ang kaso nga lang kasi, paano siya pagpapawisan e, ang bilis pasukin ng lamig yung pagkanipis-nipis niyang damit.

Nagbo-blow dry na siya ng buhok at patuyo na nga halos.

"Sumisigaw si Gina," sabi niya.

Naupo na lang ako sa gilid ng kama. "Ewan ko sa mga 'yon. Baka lasing na."

Pinatay na rin niya ang blower at ipinatong sa dresser. Wala pa siyang sinasabi, binunot ko na sa saksakan ang plug saka siya tiningnan.

"Tulog ka na," sabi ko. "Dito ulit ako matutulog."

Bumalik na naman ang malapad niyang ngiti saka tumayo na at naglakad palapit sa akin.

Mula sa hangin, inalok niya ang mga braso niya para sa yakap kaya nag-angat din ako ng mga braso para tanggapin 'yon kahit wala akong ibang reaksiyon sa mukha.

Ikinawit niya ang mga braso niya sa may batok ko saka ako tiningnan paibaba habang nakatingala ako sa kanya.

"Okay ka na, Leo?" tanong niya.

Tumango naman ako habang hinahagod nang marahan ang likod niya.

Basta nandito siya, okay lang ako.

Mula sa pagkakatingala, bumaba ang tingin ko nang walang pasabi siyang lumapit sa akin at dinampian ako ng halik sa labi.

Unang beses.

Unang beses na siya naman ang humalik sa akin . . . at gising siya.

Parang kurtinang bumagsak sa gilid ng mukha ko ang buhok niya at tinakpan kami mula sa liwanag ng kuwarto.

Akala ko, dampi lang, pero ibinuka niya ang bibig nang kaunti at parang inaalok ako ng higit pa sa mga naibigay ko na.

Sinabayan ko ang marahang paggalaw ng labi niya hanggang sa mas lumalim pa 'yon.

Marahan niyang sinusuklay ng daliri ang basa pang buhok ko at paminsang humihigpit ang pagkuyom doon kada maghahabol siya ng hangin.

Kapag binabawi niya ang labi niya sa akin, lalo ko iyong hinahabol at marahang kakagatin para mang-asar. Ang hirap palang humalik kapag nakangiti.

Sa sunod na paghabol ko sa kanya, hinawakan na niya ako sa may panga para awatin ako sa paglapit.

"Isang kiss lang dapat ibibigay ko. Ang dami mo nang kiss, Leo."

Hala, pinulis na 'ko, yari.

Nakasimangot na naman siya sa 'kin habang nakatingala ako sa kanya.

"Sasabihan ko agad si Eugene na bantayan kang mabuti hanggang ikasal tayo," sabi ko habang nakatitig sa mga mata niya. "I love you, Ky." Saka inipit ang madulas niyang buhok sa likod ng tainga niya.

Sa mga sandaling 'yon, saka ko lang na-realize na mas masarap pala sa pakiramdam sabihin 'yon nang harapan at gising siya kaysa tuwing tulog.

"Ang guwapo mo talaga kapag naka-smile ka, Leo," mahinang sagot niya imbes na mag-I love you, too na lang. Pinasada pa niya ang daliri niya sa ibabang labi ko at parang bilib na bilib sa bahaging iyon ng katawan ko na minsan ko lang lagyan ng emosyon. "Sana lagi kang naka-smile sa 'kin gaya ng sabi ni Manang."

Parang hinahatak ang huwisyo ko ng pagtitig niya. Wala sa sarili akong tumango habang dinadama ang paghawak niya sa labi ko.

"Sige," pabulong na sagot ko. "Ngingiti ako lagi para sa 'yo."





♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top