Chapter 51: Solid
"Hoy, gago! Bakit mo pinahihiram ng damit si Kyline?"
Sabay-sabay silang lumingon sa akin pagtapak na pagtapak ko sa sala ng bahay ni Calvin.
Sunday, nagsabi si Belinda na siya naman ang papasyal kay Kyline at ayaw niyang kasama ako. E, di nagpaalam din ako na pupunta ako sa barkada ko para sa hangout namin na, sa wakas, libre ako. Umagang-umaga, biyahe na agad.
Kaya nga nagkaroon ako ng chance para matanong 'to si Calvin tungkol sa pinag-usapan namin kahapon ni Ky.
"Ano'ng damit?" tanong ni Calvin na nakahiga sa sofa at naglalaro ng PSP.
"Pinahihiram mo ng damit si Ky, di ba?" katwiran ko.
"Kailan?"
"Ikaw ang magsabi kung kailan!"
Saglit niyang inalis ang tingin sa PSP saka ako tiningnan na parang may mali sa sinasabi ko at hindi niya naiintindihan.
"Dude, sabog ka ba?" sabi pa niya.
Nagkrus ako ng mga braso habang pinagbabantaan siya ng tingin. "Sabi ni Ky, pinahihiram mo siya ng damit."
"Then?"
"Anong then?"
"Pinahihiram ko siya ng damit tapos?" nalilitong tanong niya.
Hindi agad ako nakaimik.
'Yon na 'yon! Bakit tatanungin niya pang then?
"Bakit mo nga siya pinahihiram ng damit?" katwiran ko ulit.
"Bakit mo nga kasi pinahihiram ng damit si Kyline, Calvin Dy?" biglang dagdag ni Clark at dumaan pa sa harapan ko na may dalang mug ng kape. "'Tang ina naman kasi, nagseselos na nga yung tao, pinahihiram mo pa ng damit si—hwoy! Gago, mainit 'to!"
Ang lakas ng tawanan nila habang pinagbabato ko sila ng throw pillow na nasa sahig nakakalat.
"Mga puta talaga kayo! Palibhasa, hindi kayo matahimik sa iisang babae lang!"
"E, bakit ka ba kasi nagagalit kung pinahihiram ko si Kyline ng damit?" reklamo ni Calvin pero natatawa sa 'kin.
"Bakit mo nga pinahihiram? Putang ina, isa pang tanong, bubuhusan kita diyan ng kape!"
Imbes na matakot, tawa lang sila nang tawa.
"Bakit mo nga kasi pinahihiram ng damit, Calvin!" pang-asar pa ni Clark. "Siya nga lang kasi may karapatang magpahiram!"
"Hoy, gago! Pinahiram ko si Ky ng damit, last February pa! Patapos na September, oy!" katwiran ni Calvin. "Ang OA mo naman! Parang hindi binu-bully si Kyline, a!"
Dinuro ko agad siya. "Huwag mong lalapitan yung nanay ng anak ko, ha? Namumuro ka na sa 'kin."
"Ay, may pag-angkin na hong nagaganap, mga kaigan! Live ho natin ngayong nasasaksihan ang—Mamaaaa!" Tumakbo agad si Clark palayo sa akin kasi inambahan ko na siyang hahampasin ng ladder back chair na nadampot ko sa gilid.
"Isa ka pa, kakalbuhin talaga kita, Clark," warning ko sa kanya.
Ewan ko ba kung bakit pero nabubuwisit kasi ako dahil nga bukambibig ni Kyline 'yang mga 'yan. Alam ko namang close sila ni Calvin. Baka nga mas close pa sila kaysa sa aming dalawa kahit doon ako nakatira sa kanila, kaso kasi parang tanga talaga 'yon.
Ang sweet ni Calvin sa kanya! Nagpapahiram pa ng damit! Baka mamaya, palayasin ako sa kanila tapos makita ko na lang si Calvin na doon na nakatira.
Ang sama tuloy ng tingin ko kay Calvin kahit natatawa na lang siya sa 'kin. Kaya ayokong kasama 'tong mga animal na 'to, pinagtatawanan lang ako.
Bahay 'to ni Calvin sa Western Bicutan. Bigay ng parents niya sa kanya as a graduation gift. Binili raw 'to noon kasi mura ang bahay at lupa. Hindi pa siya pinanganganak. Mga pinsan daw niya ang nakatira dito dati kaso nag-America na kaya natengga na lang. Nire-renovate na lang niya, si Clark ang kasama saka si Will sa nag-aayos. Maganda namin kahit bungalow. Magpapagawa nga raw siya ng pool sa labas kasi malaki pa ang espasyo. Kasya pa nga ang pitong sasakyan sa labas kung tutuusin.
"Himala, hindi ka nangungulit kay Kyline," bati ni Clark. Kanina pa 'to, tatadyakan ko na talaga 'tong gagong 'to.
"Kasama nga si Belinda kaya alam kong safe 'yon," sagot ko.
"Huy, gagsti! Ang lakas naman ng Belinda!" Nakipag-apir pa si Clark sa 'kin saka ako inabutan ng chichiryang kinakain niya. "Boss Leo Maangaz in da hawz!"
Si Rico, tinitingnan ko kung iimik pero puyat yata. Alas-diyes pa lang ng umaga, nakanganga na sa sandalan ng single-seater, balewala ang ingay sa paligid niya.
Inginuso ko agad sa kanila si Rico. "Ano 'yan?"
"Twenty-nine hours gising 'yan, paretsong," sagot ni Clark. "Ngayon pa lang 'yan makakatulog."
"Bakit?"
"Di ba, nagpo-program sila sa slums," sagot ni Will na kanina pa focused sa phone niya. May ka-text yata.
"O, ano'ng nangyari?" tanong ko.
"Nagkasunog doon kahapon ng madaling-araw. Sa gasera yatang natumba. E, squatter's area kaya ang bilis kumalat ng apoy."
Sumabad si Clark. "Nagpakabumbero ang Ronerico Dardenne mo. Ayan. Kita mo 'yan?" Itinuro pa niya si Rico.
Hindi naman mukhang nasunugan si Rico. Pero saka ko lang napansin ang ilang galos sa braso niya saka nakatagong gasa sa kamay. Hindi halata sa anggulo namin kung hindi tititigang mabuti.
"Alam ni Tita Tess?" usisa ko.
"Kaya nga 'yan nandito kasi binungangaan ni Tita sa kanila, e," sagot ni Clark. "Hindi nga dapat sasama 'yan kasi inaantok nga."
Well, kung ako rin naman si Rico, aalis din ako sa bahay. Si Tita Tess pa naman, hindi natatahimik hangga't hindi napag-iinitan ang mga anak niya.
"E, bakit hindi siya matulog sa kuwarto?" tanong ko.
"Dude, wala pang kuwarto," sagot ni Calvin sa 'kin. "Itong sala at kusina pa lang ang nagagawa namin."
Kaya naman pala nagtiyaga sa upuan si Rico.
"Uy, maiba 'ko," sabi ko sa kanila. "Kilala n'yo si Gina?"
"Yung chick na ex ni Stefano?" tanong ni Calvin.
"Hindi. Si Gina, yung asawa ni Belinda."
"Ah . . ." Sabay-sabay pa sila.
"Tomboy ba 'yon?" tanong ni Will. "Sino ang tomboy sa kanila? Parang wala naman yata."
"Wala namang tomboy sa kanila," paliwanag ko.
"Lesbi lang pareho," sabi ni Clark.
"Oo," sagot ko.
"Ano'ng meron?" tanong ni Will.
"Curious yata sila sa poker machine na nilaro namin." Itinuro ko si Patrick na nasa sahig nakaupo, nanggigigil sa PSP niyang masisira na lang kakadutdot niya. Kanina pa ayaw paistorbo.
Biglang pumalakpak si Clark at naituro ako.
"O, ano na naman?" sarkastikong tanong ko sa kanya.
"'Tol, may nasagap akong balita tungkol diyan! Though, hindi na fresh, pero baka lang trip n'yong malaman."
Automatic na, nakinig agad kami kay Clark at sa balita niyang hindi na nga raw fresh.
"Di ba, last time, pumunta sa Switzerland yung mama ni Ky kasama yung Gina," kuwento ni Clark.
"Oo, tapos?" tanong ko.
"May dumaang files sa computer ni Dadi na kailangang i-dispose ASAP. E, hindi naman techie expert si Dadi kaya nagpatulong sa 'kin."
"O, ngayon?"
"'Tol, legit, hawak ko lahaaaaat ng recordings tungkol sa kaso natin kasama ng ibang kaso na ipinadi-dispose nila." Naglahad ng palad si Clark para doon magbilang sa daliri niya. "Evidences, lahat! Photos, videos, audio calls, wiretapped recordings, name it, I have it!"
"Huy, gago, delikado 'yan!" warning ni Will.
"Dude, matagal na tayong delikado, hindi na bago 'yan. Pero eto ang mas matindi," excited na sabi ni Clark. Yumuko pa kami para lang pakinggan siya samantalang kami-kami lang naman ang makakarinig ng usapan dito. "Ang sabi sa report, nag-file sina Elton ng permiso para pumunta sa Switzerland."
"Oo nga, sabi mo nandoon na sila," sagot ni Calvin.
"'Tol, babawiin ko ang sinabi ko, pasensiya ka na, ha?" disclaimer ni Clark at nagmuwestra pa ng kamay para awatin si Calvin. "Nag-file . . . kasi . . . pinayagan . . ."
"Ang bagal! O, ano na? Tapos?" reklamo ko.
"Easy ka lang kasi!" Binato ako ni Clark ng throw pillow. "O, eto na nga. Hindi pala siya pinayagan."
Sabay-sabay pa kaming umayos ng upo habang tinitingnan siya nang masama.
"Pinayagan tapos hindi pinayagan? 'Gulo mo, ha!"
"Hindi nga kasi, 'tang ina naman, hindi pa 'ko tapos!"
"Ang bagal, puta!" reklamo namin. "O, pinayagan tapos hindi pinayagan, tapos?"
"Pinayagan siya."
Napahilamos agad ako ng mukha sa inis. "Nabubuwisit na 'ko. Pinayagan tapos hindi pinayagan tapos pinayagan siya? Putang-inang balita 'yan."
"Saglit nga kasi!"
Kinuha ko na ang unan sa kandungan ko saka inihampas sa kanya. "Kanina ka pa sa saglit, tatadyakan na kita, e!"
"Eto na nga!" Bumalik na ulit kami sa pakikinig sa kanya. "Pinayagan siyang pumunta sa airport . . ."
"O, tapos?"
"Pagdating sa airport, hinarang . . ." dagdag niya.
"O?"
"Tapos pinaamin muna siya kung sino ang backer niya."
"O? Meron ba?"
"Meron, opkors!"
"Sino?"
Hiniwa niya ang hangin gamit ang mga palad. "Bawal tayo diyan sa info kaya wala akong maisasagot. Pero eto ang sure. Yung pagpunta nina Elton sa Switzerland, framed. Alam n'yo kung bakit . . . ?"
"Ano nga! Pota! Kanina ka pa, Clark. Pa-suspense ka pa, ihahagis ka na namin sa labas."
"Saglit nga kasi! Tension, okay? Tension!"
"Ulol! O, ano na nga?"
"Matagal nang schedule ng gun shop ng mga Brias ang pagpunta sa Switzerland. Alam 'yan ng halos lahat ng mga kumukuha sa kanila ng baril kasi may notice na sila last summer pa."
"O, tapos?"
"Ipina-book ang flight nina Elton ilang araw bago umalis ang mama ni Ky. At walang balak si Elton umalis ng Pilipinas base sa statements niya."
Sabay-sabay kaming umayos ng upo nang ma-gets namin kung saan pupunta ang kuwento ni Clark.
"So, ang point mo, kung may mangyari mang masama kay Elton o kung mawala siya, puwedeng suspect ang mama ni Ky," hula ko.
Naituro ako ni Clark saka tumango. "Malinaw na malinaw ang motibo ni Belinda Brias para patumbahin si Elton kahit saang impyerno man siya nagtatago."
"Pero walang alam ang mama ni Ky sa pagharang kay Elton?" tanong ko.
Umiling si Clark. "Pinalalayo siya sa kaso kasi alam nilang kakalkalin ng mga Brias ang kaso ni Kyline. Labas tayo r'on. Hindi nila tayo magagalaw. Senior inspector dati 'yon. Alam nila kung paano siya gagalaw."
"Pero di ba, hindi siya puwedeng mag-imbestiga nang walang legal papers?" tanong ko.
"'Tol, kapag kabisado mo ang legal, madali na lang gumawa ng ilegal. Lagi 'yang may blind spot," paliwanag ni Clark habang tinuturo sa hangin ang blind spot daw. "Hindi niya kailangan ng legal papers. Ako nga, walang legal papers, nalalaman ko 'to. Kailangan mo lang ng tamang connection para sa mga detalyeng gusto mong malaman."
Kapag ganito ang usapan, bilib talaga 'ko kay Clark. Malamang kasi wala sa amin ang may kaya ng mga ginagawa niya. Maliban sa delikado, wala kaming sapat na tapang para pumasok sa mga pinapasok niya. Para kasing nakakatakot.
"Nasaan na si Elton?" tanong ni Will.
Gumuhit ng linya sa leeg si Clark saka siya tumango-tango.
Natahimik kaming lahat.
Ibig sabihin . . . itinumba talaga si Elton?
"Confirmed ba?" tanong ni Calvin.
"Gusto mo pa ng video? Meron ako!" sagot ni Clark.
"Huy, putang ina!"
Bigla akong kinilabutan sa inamin ni Clark. Parang may dumaang multo sa likuran ko, nagtaasan ang mga balahibo ko sa takot.
"Gago, seryoso ka diyan?" mahina na naming tanong sa kanya.
"Dude, sabi ko nga: name it, I have it," proud pa niyang sinabi habang niyayabangan kami.
Sa sobrang shock, hindi ako makapagsalita. Nakanganga lang ako kay Clark habang nakatitig sa kanya.
Hindi ko ma-imagine kung ano'ng ginawa kay Elton. Naku-curious ako pero ayokong malaman. Pakiramdam ko, babangungutin lang ako kapag nalaman ko.
"Kaya kung ako sa inyo, huwag na lang din muna tayong magsalita habang pasara na ang kaso," paliwanag ulit ni Clark sa kalmadong boses. "Kasi nilaglag si Elton ng backer niya. Natural, hindi papayag si Elton na siya lang ang babagsak. Labas na tayo rito kasi unang-una, walang mahihita sa atin si Elton o ang grupo niya. Iba kasi ang pakay natin doon, hindi naman drugs, e. Kahit nga yung pera, hindi rin related sa drugs kundi sa poker machine. Shut up na lang talaga muna tayo."
Malamang hindi lang ako ang lumutang ang utak dahil sa inamin ni Clark. Siguro hindi namin linya 'to. Hindi namin gawain 'to. Hanggang beer at yosi nga lang kami, hindi pa masabing bisyo kasi hindi naman namin inaaraw-araw. Aware kami sa gulo na meron ang napasukan namin para lang mabawi ang Lamborghini ni Patrick. Pero wala sa hinagap na sa ganito aabot ang lahat.
Magla-lunch sana kami at si Rico ang palulutuin namin kaso naawa kami kasi hindi antukin si Rico. Tulog na kaming lahat, siya gising pa rin. Ngayon lang namin siya naabutang tulog na mataas ang araw kaya pinagbigyan na namin. Ikaw ba naman 29 hours gising, e.
Nagtiyaga tuloy kami sa Chickenjoy na nalulunod sa gravy.
At dahil nga sala at kusinang dugyot pa ang kayang puntahan sa bahay ni Calvin, sa sala na lang kami kumain. At gaya ng nakasanayan, sa sahig na naman kami kumakain at para kaming mga batang kawawa na nagkakamay habang nag-aagawan sa balat ng manok.
"Dude, I want the crispy wing one!" reklamo ni Patrick. "This is chicken butt! Ayoko ng chicken butt!"
"You eat that chicken butt, Patrick!" sagot ni Clark saka kinagatan ang manok na inaagaw ni Pat sa kanya.
Nakasimangot tuloy si Pat at namimili na naman ng parte ng manok na naiwan sa bucket. "What's this part?" Pag-angat niya, sumimangot na naman siya habang iniikot 'yon para obserbahan. "It's rounded. What part of chicken is rounded?"
"Baka helmet 'yan," sabi ni Clark.
"Chicken has helmet?" tanong pa ni Patrick, inosente sa hawak niya.
"Helmet ang tawag sa ulo ng manok, dude," paliwanag ko.
"Ang weird. Why helmet?" tanong na naman niya saka binuklat ang hawak na manok para malaman kung anong parte 'yon. "Ah, it's not chicken head, dude. Yung sa breast part. Kaso walang chicken skin." Nakasimangot na naman siya nang titigan ang parteng gusto niya kaso hawak ni Clark.
Si Clark na saksakan ng kagaguhan, dinilaan nang buo ang hawak niyang manok nang makita si Patrick na nakatitig sa hawak niya.
"Eww!"
"Buti tulog si Early Bird kundi babatuhin ka niyan ng center table," sabi ni Will na ine-enjoy ang pagkain niya.
Sa totoo lang, nami-miss ko ang barkada ko, lalo ang mga ganitong meetup namin kada weekend. Hindi kasi ako exposed sa maraming kaibigan kaya parang kapatid ko na rin silang lahat na required makita every now and then kahit gaano ka-busy. Siguro, mas naging close pa ako kasi wala akong kapatid na nakasama sa bahay. Si Daddy, kahit ang daming anak, ni isa sa mga 'yon, hindi ko nakasama. Sa picture ko nga lang nakita ang iba. Sa personal, wala.
Mas lalo pang naging madalang ngayon kasi graduate na silang lahat tapos hindi na lang ako estudyante lang. May binabantayan na 'kong mag-ina.
"'Musta pala kayo ni Ky?" tanong ni Will. "Bihira ka nang tumawag, e."
"Nasanay na yata siya. Hindi na siya masyadong nagrereklamo kahit masakit pa rin daw minsan," kuwento ko.
"Pero okay na kayong dalawa?" usisa na naman ni Will. "Nag-uusap naman kayo na . . . you know? Personal things?"
"'Tol, bungad nga rito, pinahiram ng damit ni Calvin, e," sabad ni Clark kaya nabato ko ng buto ng manok.
"Ulol."
"Ang baboy mo talaga, Leopold!" Ibinato rin niya sa 'kin ang buto na ibinato ko sa kanya na nailagan ko naman. "Kadiri ka, ew!"
"Mukha mo kadiri." Tinawanan ko na lang siya saka ipinagpatuloy ang kinakain ko.
"Pero close na kayo?" tanong ni Will.
"Sakto lang," sabi ko. "Nag-date kami kahapon."
Pagsulyap ko sa kanila, nang-aasar agad ang mga ngisi nila sa 'kin. Walang tumawa pero yung ngisi nila, parang may malagim na binabalak.
"Mga gago kayo, tigilan n'yo 'ko, ha," warning ko habang kinukurot ang karne ng manok na kinakain ko.
Umaasa akong tatanungin nila kung gusto ko na ba si Kyline pero walang nagtanong. Nagtaka tuloy ako kasi inaasahan kong mang-aasar sila kasi umamin akong nag-date kami ni Ky.
"Hindi n'yo ba tatanungin kung gusto ko na si Ky?" tanong ko pa, pero pagtingin ko sa kanila, kung tapunan ako ng tingin, parang napakamali ng sinabi ko para tingnan ako nang masama. "Nag-date kami," sabi ko na naman.
"Talagang inuulit?" kontra ni Clark. "Alam na namin, sinabi mo na. O, tapos ano pa?"
"Gusto ko nga si Ky," ulit ko.
Ang bibigat ng buntonghininga nila saka nag-focus sa kinakain.
"Dude, penge gravy," utos ni Will.
"O, dude, eto ang gravy. I-enjoy mo 'yan. Galing 'yan sa dugo't pawis ko," sabi ni Clark.
"Ang kadiri ng dugo't pawis. 'Tang ina ka, kumakain ako."
Mga wala ba silang pakialam sa sinabi ko?
"Wala kayong ire-react?" tanong ko pa.
"Saan?" inosenteng tanong ni Will.
Naglahad ako ng palad para sabihing sinabi ko nang gusto ko si Kyline.
"Gusto nga raw niya si Ky," paliwanag ni Clark, na malamang na kung gising si Rico, 'yon ang magsasabi.
"Dude, alam mo yung joke na drinop five years ago pero ngayon mo lang na-gets?" sabi ni Will. "'Yon, ganoon ang feeling. Naka-move on na kaming lahat, ikaw na lang ang hindi."
"E, hindi ko naman kasi gusto si Ky before," depensa ko.
"'Tol, ang angas naman!" kontra ni Clark at naglapat ng palad sa hangin. "From mahal na mahal na mahal na mahal, nag-downgrade sa gusto mo na lang?"
"Hoy, gago, hindi. Anong mahal ka diyan?"
"Ay, wow sabaw! Hindi raw mahal, pakshet! Willing bumaba sa gitna ng flyover, makauwi lang kasi hindi ni-reply-an, hindi pa pala mahal 'yon! So, ano ka na lang kung mahal mo na?!"
"Ulol! Palibhasa, wala kang girlfriend." Tinadyakan ko si Clark kasi nang-aasar na naman.
"Dude, nagka-girlfriend din ako pero kahit hindi siya mag-reply nang isang buong araw, hindi ako bababa ng flyover para sa kanya!"
"Hindi mo naman kasi mahal, gago."
"E, di mahal mo nga si Ky!" reklamo niya. "'Tang ina, yung IQ ko, nasa critical level na, pinababa mo pa! Iba ka, p're!"
Lalo ko pa siyang tinadyakan kasi umaariba na naman.
"Ilayo n'yo nga 'to sa 'kin si Leo! Baka masaksak ko ng Jolly toys 'to!" reklamo na naman ni Clark.
"Ulol, ikaw lumayo sa 'kin baka ikaw masaksak ko diyan."
Tumatawa sila pero hindi malakas kasi magigising si Rico na nasa gilid lang.
Alam kong matagal na akong nanggugulo dahil kay Kyline, pero ang awkward ng ganitong confession sa barkada. Hindi dahil inaasar ako kasi may gusto na 'kong babae kundi dahil aware na raw silang lahat, ako na lang ang hindi. Yung sa sobrang aware na sila, wala nang sense yung ngayon pa lang nagkaka-sense sa akin.
Pagkatapos naming mananghalian, sabi ko, uuwi na 'ko kasi pauwi na rin daw sina Kyline. Galing daw sila sa flower shop ng asawa si Sir Adrian, dinalaw nila.
Bilib din ako kay Belinda kasi kaya niyang harapin ang bagong asawa ng dati niyang asawa, pero siguro hindi mabigat para sa kanila kasi may asawa rin siyang bago saka babae rin. Masaya naman silang lahat. At kung ikokompara sa parents ko, mas okay nang ganoon sila kaysa maging toxic sa isa't isa.
"Dude, ingat pauwi." Kinamayan ko silang lahat at saglit na niyakap.
Si Rico, tinapik ko lang sa braso nang mahina. "Dude, uwi na 'ko."
Tulog pa rin siya kaya hinayaan ko na. Ayoko na lang ding gisingin para lang magpaalam kasi masarap na ang tulog.
"Chat ka kapag nakauwi ka na," paalala ni Will.
"Mamaya," sabi ko at dumeretso na sa pinag-parking-an ko ng motor. "Daan kayo minsan kina Ky. Sabihin ko kung kailan wala si Belinda para may ibang nakakausap si Kyline."
"Sige, G!"
"Oy, salamat dito sa mga pasalubong, ha!" sabi ko at tinapik ang mga paper bag na bigay nilang lahat para kay Kyline at kay Eugene. "Bawi ako next time!"
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top