Chapter 49: Extortion
Noong wala pa sina Belinda at Gina sa bahay, dinadalasan ko ang pasyal namin ni Kyline maliban pa tuwing may checkup, kasi sabi nga nina Clark, hindi maganda kay Kyline ang nakukulong sa bahay. Baka nga raw kasi lalong ma-depress kasi laging mag-isa.
Sabi ko naman, nasa bahay kami ni Manang at may kasama naman siya. Pero sabi ni Will, hindi naman daw porke nasa bahay kami ni Manang, ibig sabihin e mararamdaman na rin ni Kyline na hindi siya trapped sa iisang lugar. Kaya kahit dito man lang sa subdivision, nakakalabas siya.
"Magandang umaga, ser! Magandang umaga, mam!"
Saglit akong tumango kay Kuya Harold, yung guard na pumapatrol araw-araw dito kasama ang doberman nila sa guard house.
"Papasyal kayo?" tanong ulit niya.
"Doon lang po kami sa may park, Kuya," sagot ko.
"Bagong pintura ang mga bench doon, ser! Ingat kayo ni mam sa pag-upo."
Tumango naman ako. "Salamat po sa paalala."
Ganitong oras ng alas-nuwebe, may dala-dala na akong malaking payong. Hindi ako nagdadala ng payong na foldable. Laging yung asul na payong ni Manang na pamalengke kasi malaki. Kung gusto ng tukuran ng kamay ni Kyline habang nakatayo, iyon ang pinambabaston niya.
Hawak ko lang ang kamay niya habang pinapayungan siya. May lunch bag din akong dala para sa towel, baby powder, sunblock, dalawang tumbler para sa tubig, saka wallet.
Mapuno sa ilang kanto ng subdivision na bakanteng lote pa rin. Kaya nga hindi ganoon kainit kompara sa ibang lugar na wala talagang kapuno-puno para sa lilim. Pagdating sa park, may mga bakas pa ng puting pintura doon kaya hindi na kami tumuloy ni Ky. Makakaamoy na naman kasi ng kemikal, baka dumuwal na naman.
Doon kami pumunta sa clubhouse na may mini library sa likod. Maliit na bahay lang iyon pero bukas ang mga bintana kaya kita ang loob. Parang nursery school at doon madalas tambay ang ibang bata maliban sa park.
Naabutan namin doon si Ate Mina na nakasandal sa hamba ng pintuan at nagbabantay. Guard siya rito na kaedad lang ni Mama. Medyo chubby at namumutok sa katawan ang security uniform. May ibang bata sa loob na nagbabasa at naglalaro nang makalapit kami. Kaya siguro nasa may pintuan siya at wala sa post niya sa labas.
"Hi, ser! Hi, mam!" masayang bati ni Ate Mina. "Nakita ko yung van ng cleaners kanina, may cleaning kayo ngayon?"
"Opo," sagot ni Kyline at inalalay ko ang kaliwang braso ko para kapitan niya. Naupo siya sa wooden bench na katabi ng pintuan ng library. Hinugot ko agad sa back pocket ng denim shorts ko ang pamaypay saka iyon ibinukas para paypayan si Kyline.
"Ilang buwan na baby n'yo, ser?" tanong ni Ate Mina.
"Magse-seven na po next week," sagot ko habang pinapaypayan si Ky.
"Lapit na! Lalaki?"
"Opo."
"Junior?"
Hindi agad ako nakasagot. Kapag binabanggit ang "junior" sa akin ng mga nagtatanong, pangalan ni Clark ang una kong naiisip. Animal kasi ang isang 'yon, nagdesisyon agad, e. Nakakasira tuloy ng impression.
"Parang po," sagot ko na lang. "Eugene po ang name."
"Ah . . ." Tumango-tango naman si Ate Mina saka sinilip si Kyline na nakikinig lang sa amin. "Guwapo anak n'yo, mam, sure 'yan. Guwapo tatay e." Nginitian pa niya si Ky.
"Opo," sagot ni Ky at namula ang pisngi niya habang nahihiyang ngumingiti.
Nagkuwento pa nang nagkuwento si Ate Mina tungkol sa pagbubuntis. May anak din daw siya na Grade five na ngayon. Sa public school naman nag-aaral, full scholar ng homeowners nitong subdivision.
Mabait si Ate Mina. Nagbigay pa nga ng tips saka ilang unsolicited advice para kay Kyline na hindi ko alam kung pakikinggan ko pa ba kasi parang sila lang dalawa ang nakakaintindi dahil pambabae masyado ang topic.
"Kailan kasal n'yo?" biglang tanong ni Ate Mina sa amin. Napasulyap tuloy ako kay Kyline.
"Wala pa pong plan," sagot ni Ky nang hindi ako makapagsalita.
"Ah . . ." Iniwas ni Ate Mina ang tingin sa amin at tumango-tango sa malayong gilid. "Pero ayos lang naman siguro 'yon. Mahal din kasi magpakasal. Live-in muna kayo, 'no?"
Tumango si Kyline, pero hindi ko na napigilang sumagot.
"Baka po kapag nakapanganak na si Ky, planuhin na namin," sabi ko kaya nalipat sa akin ang tingin ni Ate Mina.
"Beynte anyos, 'no?" tanong niya sa akin. "Medyo bata pa. Pero yung kapatid ko sa probinsiya, disiotso anyos pa lang noon, dalawa na anak, e."
"Ilan na po ngayon?" tanong ni Ky.
"Ay, wala na. Patay na kapatid ko, e. Atake sa puso."
"Sorry po," nahihiyang sagot ni Kyline. Idinaan ko na lang sa mas malakas na pagpaypay sa kanya ang hindi ko pagsagot.
"Pero alam n'yo, mahirap mag-anak kapag wala kayong plano, e. Buti ito si ser, may trabaho na kahit nag-aaral."
"Saan po asawa n'yo?" usisa na naman ni Kyline, ang daldal talaga.
"Asawa? Mga pahirap lang 'yan sa buhay. Dapat sa mga 'yan, pinalalayas! Mga wala namang kuwenta 'yang mga lalaking 'yan! Magagaling lang 'yang mambuntis nang mambuntis!"
Natingnan ko tuloy nang masama si Ate Mina kaya bigla akong tinawanan, hinawi pa ang kamay sa direksiyon ko.
"Pero kung ikaw naman ang asawa, ser, ay kahit sampu pa ang anak, no prablem! Asikasuhin pa kita araw-araw!"
Tatawa-tawa lang si Ate Mina sa biro niya, pati si Kyline nakikitawa rin. Tiningnan ko rin siya nang masama kaya bigla siyang napayuko at huminto sa pagtawa.
"Mina!" tawag ng isa sa guards mula sa dulo ng pathway papuntang guard house, karugtong iyon ng library at may bubong lang bilang lilim sa daan.
"Bakit?" sagot ni Ate Mina.
Sumenyas ang lalaking guard na kakain na raw sila. Saka lang ako tumingin sa relo ko. Alas-onse y medya na ng umaga. Paniguradong tapos na ang naglilinis sa bahay.
"Ser, ma'am, baka gusto n'yong mananghalian na."
"Sige po, Ate Mina. Salamat po," sabi ko at niyuko si Kyline. "Tara na, Ky. Uwi na tayo." Inalok ko ulit sa kanya ang braso ko para tulungan siyang tumayo.
"Ate, alis na rin po kami," paalam ni Ky.
"A, sige. Daan ulit kayo rito, ha!" masayang sagot ni Ate Mina.
"Opo, salamat po."
Umalis na rin kami roon ni Kyline at naglakad na pauwi.
Pinakikiramdaman ko si Kyline base sa sinabi ni Ate Mina kanina. Sa tono kasi ng pagkakasabi n'on na parang ang inutil ng mga lalaki, halatang malaki ang galit sa asawa niya—o sa tatay ng anak niya.
Ganoon din ang nararamdaman ko sa tatay ko pero mahirap kasing depensahan ang sarili kung pareho lang din kasi kaming lalaki ng tatay ko at tatay ng anak ni Ate Mina. Si Kyline pa naman, ang daling utuin.
"Ky, baka puwedeng bawasan yung twelve years," parinig ko habang nakatingin sa daan.
"Ha?" Tumingala siya sa 'kin, hindi ko lang siya matingnan nang deretso.
"Baka puwedeng gawing five o kaya three?" sabi ko. "Nagsasalita naman na malamang si Eugene n'on. Para kasing ang tagal ng twelve. O kaya next year na, gano'n."
"Leo . . ." May subtle warning sa timbre ng pagtawag niya sa pangalan ko.
"Malapit ko nang makuha ang bahay ko. Ipapaalam kita sa parents mo para sa akin ka na titira kapag okay na."
"Leo, okay lang ba kung saka na lang ang wedding?"
Napahinto ako sa paglalakad kaya napahinto rin siya kung hanggang saan lang may lilim ang hawak kong payong. Dismayado ang tingin ko sa kanya dahil pang-ilang beses na niyang pagtanggi ito sa 'kin.
"Magpapakasal ako kapag ready na tayong dalawa. Okay lang ba?" pakiusap niya. "Kasi ang dami mo nang ginagawa for me. Ayokong ma-stress ka pa lalo kasi pine-pressure ka ng iba na magpakasal sa 'kin. I'll wait for Eugene first, then I'll decide kapag puwede na. Sana okay lang sa 'yo 'yon. If you can't wait for me, okay lang din. You deserve to be happy with someone else aside from me."
Kusa na akong napabuntonghininga at napaiwas ng tingin.
Ayoko talaga kapag ganito ang topic namin ni Kyline. Laging napupunta ang sagot niya sa kung hindi ako makakapaghintay, lumayas na lang ako sa buhay niya.
Ewan ko kung ganito ba ang pakiramdam ni Patrick tuwing tinu-turn down siya ni Melanie, pero nakakabuwisit kasi. Mas nakakabuwisit yung kahit gusto kong mabuwisit, wala akong karapatan kasi simple lang ang instruction ni Ky at maiintindihan 'yon ng kahit na sino.
Maghintay ako hangga't maging ready siya. Iyon lang.
Ang problema, hindi 'yon solvable nang isang gabi lang. Twelve years, 'tang ina, hindi ko nga makita ang sarili ko five years from now, maghihintay pa 'ko nang twelve years?
Umuwi kami ni Kyline na luging-lugi ako. Wala akong palag sa desisyon niya, e. Mas malala pa roon, kapag dinaan ko siya sa pagsusungit, baka makita ko na lang ang mga gamit ko sa gate kinabukasan. So, wala akong magagawa. Kailangan kong sumunod sa kanya.
"Where's Mom and Gina, Manang?" tanong ni Kyline.
"Pababa na 'yon. May inakyat lang na mga package sa itaas. Babalik na yata sila sa shop bukas," sagot ni Manang na galing sa laundry area.
Pag-uwi namin, sa wakas, naisipan din nina Belinda na tapusin ang pagligo nila. Akala ko, maghapon silang magbababad ni Gina sa banyo ni Manang.
Dumeretso kami ni Kyline sa dining area. Ako naman, pumunta sa kitchen para salinan ng bagong tubig ang tumbler niya. Naabutan ko roon si Manang na tinatapos ang pagluluto ng tanghalian.
Malapit lang ang kitchen sink sa burner kaya napansin niya agad ako.
"O, bakit lukot na naman ang mukha mo?" puna niya, sinisilip ako.
"Manang, ayaw pang magpakasal sa 'kin ni Kyline," sumbong ko sa kanya.
"Um-hm! Sinabi niya?"
Pagsulyap ko kay Manang, nakapamaywang na siya sa akin hawak ang sandok sa kanang kamay at mittens naman sa kaliwa.
"Opo, kanina," sagot ko sa tanong niya.
"Kaya masama ang loob mo?"
"Sabi ko naman po, mahihintay ko naman. Pero parang matagal kasi yung twelve years. Sabi ko, kahit five lang po sana."
"Naiinip ka na ba?"
Hindi ako nakasagot. Payuko akong sumulyap kay Manang habang nagsasalin ako ng tubig sa tumbler galing sa dispenser ng ref.
"Alam mo, Leo, madaling magpakasal kung tutuusin. Pumunta kayo sa city hall, maglakad kayo ng papeles, kahit limanlibo lang, maikakasal na kayo sa mayor. Pero kung naiinip ka kasi tinatanggihan ka ni Belle, ay hindi kita kakampihan diyan. Alangang pilitin mo ang ayaw e, ayaw nga."
Iyon nga, e. Kaya hindi ko rin mapilit si Kyline.
"Hindi naman po siguro ako palalayasin dito ni Ky, 'no?" tanong ko na lang.
"Ay, bakit kay Belle e, si Linda ang may-ari ng bahay?" tanong ni Manang at binalikan na ang niluluto niya.
"Mas takot po ako kay Kyline kaysa sa mama niya," pag-amin ko.
"Hahaha!" Lalo akong nanliit sa malutong na tawa ni Manang. "Naku itong batang ito," natatawa niyang sinabi habang naghahalo ng niluluto. "Sa dami ng dumaan dito sa bahay na 'to, ikaw lang ang narinig kong mas takot kay Belle kaysa kay Linda." Pagsulyap ko kay Manang, nakangisi na siya sa akin. "Mahal mo alaga ko?"
Matipid akong ngumiti saka tumango para sabihing oo.
Hinawi ni Manang ang harapan ko. "Alam ko naman, anak. Naniniguro lang." Nagpatay na siya ng burner bago ako hinarap ulit. "Kung talagang mahal mo si Belle ay hintayin mong umoo siya sa 'yo. Kay kung mamadaliin mo siyang ikasal kayo, baka magaya lang kayo kina Linda at Addie. Mahirap manghinayang. Mahirap na kung kailan malaki na ang anak n'yo, saka kayo maghihiwalay. Maghintay ka kapag sinabi niyang maghintay ka."
Wala na, talo na 'ko. Kahit si Manang, pinaghihintay rin ako.
"Opo, Manang," sagot ko at halatang dismayado.
"O, siya, maghahanda na ako ng mesa."
"Tulungan ko na po kayo."
Sa totoo lang, ayoko naman sanang magmadali. Pero ayoko rin kasi ng naririnig lagi na kailan kami ikakasal ni Kyline. Sa aming dalawa kasi, parang mas lugi siya kasi siya ang nabuntis, at ang labas ko, nambuntis lang pero walang balak panagutan ang mag-ina ko.
Ayoko n'on. Naranasan ko 'yon noong bata pa ako at ayokong maranasan din yon ni Eugene. Ayoko ng lumalaki siya tapos ang daming tanong sa kanya ng ibang tao tungkol sa parents niya kasi ang nanay niya, nabuntis lang ng lalaking hindi naman responsable.
Pero ayoko rin namang maranasan ni Eugene na tinatanong niya ang sarili na kung kasal ang parents niya, bakit parang walang pakialam ang mga magulang niya sa isa't isa?
Hindi ko na tuloy alam kung saan ako lulugar. Siguro nga, hanggang hintay na lang muna ako sa ngayon—kahit nakakainip.
Inuna ko nang pakainin si Kyline. Habang tumatagal, nasasanay na ako sa ganito. Pagdating na pagdating nina Belinda sa dining area, patay-malisya lang ako, kunwari hindi ko sila nakita ni Gina.
Si Gina, wala yatang araw na hindi na kami pinagtatawanan. Malay ko kung masayahing tao lang ba talaga siya o natutuwa siyang nagbabardahan kami ni Belinda at audience siya.
Napagalitan na ako ni Manang Chona kanina. Kargo ako ni Manang kasi siya ang nag-vouch para sa karapatan kong mag-stay rito sa bahay ng mga Brias at Chua. Kapag hindi ako nakinig sa kanya, baka mag-unahan na lang sila ni Kyline sa pagpapalayas sa akin dito.
Paubos na ang beef soup ni Kyline nang usisain na naman ako ni Gina.
"May tumawag pala rito kanina, hinahanap ka," sabi niya. "Hinahanap si Leopold Scott."
Hindi ako nag-react.
Kung dito tumawag sa address nila, malamang school admin 'yon kasi doon lang ako nagpasa ng landline dito sa mga Brias. Kasi maliban sa mobile number, wala akong telephone number na puwedeng tawagan as another contact.
"Girlfriend mo yata 'yon," dagdag ni Gina.
"Ha?!" Ang hindi ko inaasahan, ang gulat ni Kyline.
"Ay, grabe sa react, Belle! Hahaha!" natatawang pang-asar ni Gina.
Sira talaga 'tong si Kyline. Wala ba siyang common sense para maisip na wala akong girlfriend?
"Sino raw . . . ?" mahina niyang tanong at malungkot na tumingin sa akin. "Leo . . ."
"School admin 'yon," paliwanag ko. "Nguyain mo muna 'yang kinakain mo."
"Siguradong-siguradong, ha?" Ang talim agad ng tingin ko kay Gina kasi nang-aasar pa.
Kapag talaga ako, pinalayas dito ni Kyline dahil sa kanila, mananapak muna ako para makaganti.
"May job order ka pala, bakit hindi mo sinasabi?" gatong ni Belinda, at mukhang isa ring bibigyan ako ng dahilan para mainis ngayong tanghalian.
"Tatawag pa lang daw ho sila kung bibigyan ako ng JO, hindi ko naman dapat ibalita 'yon agad," sarkastikong sagot ko sa kanya sabay irap.
"Bakit? Wala ka na bang trabaho?" usisa na naman ni Gina, ayaw palampasin.
"Lilipat ako sa malapit lang dito para maaga akong makakauwi."
"Wala ka bang ibang girlfriend?"
Ang kulit!
Bakit lahat ng babae sa bahay na 'to, napakakulit kausap?
"Ang snob mo, 'no? Kahit si Linda, hindi mo sinasanto."
"Gina," sita ni Belinda.
"Gusto ko lang malaman kasi duda ako sa mukhang 'to kung walang side chicks, e."
At ano na namang nakakaduda sa mukha ko? Ang pagdudahan dapat nila, kung may oras ako para mambabae. Halos buong araw na nga, ubos ang oras ko kay Kyline, ang tibay naman ng apog ko kung magagawa ko pang mambabae.
"Ilanang babae mo ngayon?" tanong na naman ni Gina, ayaw tumigil.
Naglahad na ako ng palad saka nakataas ang kaliwang kilay nang magsalita. "500 pesos kada sagot."
At tinawanan lang niya ang hinihingi ko.
"That's extortion," sabi ni Belinda.
Malamang extortion 'to. Pero wala silang karapatang magtanong at mamilit ng sagot, at may karapatan akong manahimik at manghingi ng kapalit kung gugustuhin ko.
"Kung nagtanong ka sa doktor at naningil siya, extortion din ba?" sabi ko sa kanya. "May karapatan akong hindi sumagot, kaya kung walang pambayad, huwag magtanong. Simple."
"Oooh . . ." Sumipol na naman si Gina saka ako nginisihan.
"Nadale ka roon," sabi ni Manang at turo-turo ang mukha ni Gina.
"Oo nga, Manang, e." Akala ko, titigilan na 'ko pero mukhang seryoso si Gina. Dumukot siya ng wallet sa bulsa ng pantalon saka ako inabutan ng pera. "500. Ilan ang girlfriend mo ngayon?"
Biglang umangas ang tingin ko sa kanya nang mapansing seryoso na siya sa tanong.
Madali pala 'tong kausap.
Kinuha ko na ang pera saka sumagot.
"Wala," sagot ko at itinago agad ang pera sa bulsa ng polo ko.
Bumalik ang tawa ni Gina. "'Tang ina, ang mahal ng 'wala' mo, ha?"
"Huwag ka na lang magtanong kung ayaw mong mapagastos." Ibinalik ko ang atensiyon kay Kyline na nakatitig sa akin. "Nguyain mo na 'yang kinakain mo. Hindi ka mabubusog katitingin mo sa 'kin."
"Sorry." Nag-iwas na siya ng tingin at inabang ko na ang susunod niyang kakainin pagkatapos ng sabaw.
"Paano kami makakasiguradong wala kang ibang girlfriend?" biglang tanong ni Gina sa gitna ng pananahimik namin. Pagtingin ko sa kanya, inaangasan na rin ako.
Para saan ba ang tanong? Bakit kami napunta rito? Wala naman sigurong sumugod dito sa kanila at nagsabing naanakan ko rin. Duda ako roon.
At gaya kanina, para matahimik siya, humingi ulit ako ng suhol.
"500."
Bumalik ang pang-asar niyang ngisi at mukhang nilalaro lang niya ang usapan. "Kaya ka siguro napag-initan nina Corvito."
Ano ba'ng gusto nilang malaman? Na may iba akong babae maliban kay Kyline? Mamuti na ang mata nila, wala silang mahahanap. Kahit kalkalin nila ang phone ko, wala silang mate-trace doon.
"Sige, 500."
Siraulo ba 'tong Gina na 'to?
"Regina," sita ni Belinda.
"1k lang naman," katwiran ni Gina at inabot sa akin ang limandaang hawak niya. Kinuha ko naman kasi alam kong inosente ako—saka pera din 'to. Kung humiling si Kyline ng sundae ngayon, may pangmeryenda na kami mamaya.
Pagkakuha ko ng pera saka ako sumagot. "Kayo 'tong may connection sa NBI, bakit hindi n'yo ako ipa-background check para malaman n'yo?"
Narinig kong natawa nang mahina si Manang. "Gumagastos ka lang para sa katangahan mo," sabi niya kay Gina.
"Aruy, Manang, below the belt, ha!"
"Pero, hijo, wala naman, 'no? Si Belle lang talaga?" tanong ni Manang sa akin, at maging siya, curious din yata sa sagot ko.
Napangiti na tuloy ako kasi mang-iintriga talaga 'to si Manang kapag hindi tumigil si Gina sa mga tanong niya. Si Manang pa naman, deretso magtanong, ayaw ng maligoy.
"Manang, may negosyo ho ako rito sa mesa," paalala ko.
Napatakip si Manang ng bibig at parang may nasabing mali. "Ay, pasensiya naman."
Hindi ako makakailag kapag si Manang ang nagtanong. Kapag hindi ko kasi siya sinagot, yari ako.
Paglipat ng tingin ko kay Kyline, naiwan sa ere ang kamay niyang may hawak ng kutsara at nakaawang ang bibig na nakatulala sa akin. Pagbaba ko ng tingin sa labi niya, umaapaw na roon ang kinakain niya, tumulo pa nga!
"Bakit ka naman naglalaway?" Dumampot agad ako ng table napkin at ipinunas sa bibig niya.
Nagising yata siya sa ginawa ko at umiwas agad sa akin.
"Ay, susmaryosep kayong mga bata kayo." Tinawanan lang tuloy kami ni Manang.
Hindi talaga puwede kay Kyline ang ganito na nawawala sa focus. Lumulutang ang utak, e.
"Marunong ka palang ngumiti." Sumulyap ako kay Gina na nakangiti sa akin at nangangalumbaba sa mesa. Kung tingnan niya 'ko, parang nagpapa-cute pa. Bahala siya diyan.
Inabot ko na lang kay Kyline ang mangkok ng fruit salad. "Ubusin mo na 'yan. Iinom ka pa ng gamot."
"Ano yung pustahan n'yo ni Corvito? Paano ka napunta roon sa stag party ni Gallego?"
Ah . . . parang alam ko na kung saan pupunta 'tong usapan, a. Mukhang hindi tungkol sa babae ang topic. Bumuwelo lang kung sasagot ako sa kanila o hindi.
Ibinalik ko ang tingin kay Gina dahil seryoso na ang usapan at hindi basta-bastang sagot ang gusto niyang hingin.
"Limanlibo para sa confidential na sagot," sabi ko. Mababa na nga kung tutuusin, pero nasagot ko na iyon noon pang imbestigasyon last February. Dapat hindi na sila nagtatanong.
"Sige, call," biglang sabi ni Belinda na hindi ko na ikinagulat.
Mababa na 'yon. Kaya kong gawing singkuwenta mil ang singil sa kanila kung gusto nila ng detalye. Inilahad ko ulit ang palad ko para manghingi ng pera.
"Manang, pakikuha ng checkbook ko sa kuwarto," utos ni Belinda.
"Cash," sabi ko. "Hindi ako tatanggap ng tseke."
Tinarayan ako ni Belinda "At bakit?"
"Papasok sa account ko 'yon. Babasahin 'yon ng bangko."
Natawa nang mahina si Belinda at bakas sa ngisi niya na hinahamon ang tapang ko para kikilan siya. "Alam mong dati akong hepe, di ba?"
"Kung walang pambayad, huwag magtanong," sabi ko at pinagtaasan siya ng mukha para ipakitang hindi ako natatakot sa pagiging pulis niya. "Simple."
Tinawanan na naman niya ako nang mahina pero maangas. Pinadaan niya ang dila sa labi at tumango-tango, sinusukat ang deal ko para sa sagot na gusto nila.
"Kaya pala mainit ang dugo sa 'yo nina Corvito," sabi niya sa 'kin. "Buti hindi pinasabog ang ulo mo ng mga 'yon."
Inirapan ko lang siya at binigyan ng tubig si Kyline kahit hindi naman ito humihingi.
Sabi ni Clark, eksaktong pumunta sa Switzerland sina Gina noong nagpiyansa si Elton para sa kasong drug trafficking. Kung may lumabas nang update ngayon sa kaso ko na naka-pend kaya sila nag-uusisa ngayon, mukhang kailangan ko nang kausapin si Clark para sa update ng status ko.
Numakaw ako ng sulyap kay Gina na nag-aabot ng pera sa akin mula sa kabilang panig ng mesa. Seryoso nga sila, hindi ako dinadaan sa pananakot.
"Ano yung pustahan?" tanong ni Gina, at halatang curious sa isasagot ko.
"Hindi naman talaga pustahan 'yon," kuwento ko at kinuha na ang mga paper bill na malulutong. "May hinahabol lang siya sa barkada ko kaya ako ang humawak ng kailangan niya. Laro 'yon sa Sixty-Niners."
"Aling laro doon? Marami 'yon."
Naglahad ulit ako ng palad para manghingi ng bayad.
Tinaasan ako ng kilay ni Gina—first time mula nang makilala ko siya.
"Hindi ba 'yon kasama sa 5k?" tanong niya, halatang nagtataka sa paniningil ko.
Umiling ako kasi isang tanong, isang sagot ang policy ko para sa pangingikil ko ngayon sa kanila. Madali naman akong kausap. Puwedeng hindi na magtanong kung ayaw magbayad.
Pero tingin ko, ganoon sila kaseryoso sa tanong na pumapayag silang bayaran ang mga sagot ko kaysa tutukan ako ng baril sa ulo para lang kumanta. Tinatarayan na rin ako ni Gina, ako na tuloy ang natatawa sa loob ng utak ko.
Inabot ko ang pera pero hahatakin ko pa lang, hindi niya agad binitiwan.
"Ano yung laro?" tanong niya.
"Yung lumang poker machine sa Aisle 372." Pagkabitiw niya sa pera, isa-isa kong binilang ang mga bigay niya kung eksakto ba.
Onse mil na maliwanag agad. Ano bang magandang bilhin?
"May gusto ka pang kainin?" tanong ko kay Kyline saka ko inipit ang buhok niya sa likod ng tainga. "Bibili ako. May pera ako ngayon."
Pinigil ko ang tawa nang bigla akong simangutan ni Kyline. Halatang ayaw sa ginagawa ko.
Malamang na ayaw niya. Dalawang sagot lang, nakasampung libo na agad ako sa nanay niya at kay Gina, e.
Hinagod-hagod ko na lang ang buhok niya kahit pa naiirita na rin siya sa ginagawa ko sa parents niya. Nakasimangot lang siya habang ngumunguya. Mukhang hamster si Kyline kapag nagpupuno ng bibig. Nakaka-tempt tusukin ang pisngi habang ngumunguya siya.
"Ikaw ba ang nakakuha ng jackpot doon sa machine?" tanong ni Belinda. "Usap-usapan 'yon last January. Hindi pa yata kinukuha ng winner ang grand prize."
Paano makukuha, e di na-trace sina Elton n'on. Mas lalong wala nang chance makuha kasi wanted na sa pulisya at may record na rin.
Inabutan ko na lang ng cannister ng mga gamot niya si Kyline.
"Gina." Sumulyap ako kay Belinda na nakatitig lang sa akin.
"Wala na 'kong cash," sagot ni Gina.
Lumipat ang tingin niya sa kitchen. "Manang, pakikuha ng wallet ko sa kuwarto."
Seryoso nga. Hindi na yata madadaan sa biro 'tong dalawa.
Pagbalik ni Manang sa mesa, nakaabang na sa pagitan namin ni Kyline ang cash na hawak ni Manang.
Inabang ko na ang sagot ko sa tanong ni Gina kung ako ba ang nakakuha ng jackpot kasi ang dali ng tanong, e—si Elton ang naglaro, hindi kami. Ang kaso, hindi pala iyon ang sagot na kailangan ni Belinda.
"Paano n'yo natalo yung machine kung wala kayong pera?" tanong niya sa akin—at ayoko ng tanong.
Si Tito Bobby ang nakahuli sa akin nito, pero may statement naman na ako na puwede nilang kalkalin kung hindi sila makontento.
Binilang ko ang kinse mil kung sakto ba habang nagsasalita.
"Threemonths kaming naglaro ng barkada ko sa machine para makuha ang algorithm," kuwento ko. "Scholarshipstipend ko ang ipinang-convert sa chips. Pera 'yon ng school na naka-hold mulasa voucher kaya hindi 'yon pasok agad sa books ko as accounts receivable. Realtime 'yong pipirmahan kaya puwedeng ipangalan kahit na kanino. May fund paunder that na wala pa sa pangalan ko pero ako ang magbabayad sa cashier kasinasa masterlist ako ng makakatanggap ng stipend. Notes receivable na 'yon.Puwedeng i-convert 'yon as cash sa bangko. Hangga't umiikot ang pera, hindi 'yonpapasok sa records ko dahil iba ang gumagalaw ng mga perang dumadaan sa akinmula sa casino. Wala kaming pera? Wala lang traceable records sa journals."
Pagbalik ko ng tingin sa kanya, nakangisi na siya sa akin kahit nakataas ang isang kilay.
"Zeus, huh?" Lumipat ang tingin niya kay Gina, at parang naiintindihan ko ang pinag-uusapan nila kahit mata lang ang nagsasalita.
Tingin ko, hindi 'to sakop ng imbestigasyon na legal kaya pumayag silang magbayad para sa sagot ko. After all, wala naman talaga silang karapatang magtanong legally kasi hindi naman sila ang may hawak ng kaso namin ng barkada ko.
Kailangan ko na talagang tawagan si Clark para malaman kung ano na ang nangyayari sa kaso ko.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top