Chapter 48: Turn On
Malakas talaga ang topak n'on ni Belinda. Kung wala lang siya rito, doon talaga ako sa kuwarto ni Kyline matutulog, e.
Magkatapat lang kami ng kuwarto ni Ky. Itong room ko, kuwarto raw talaga 'to ng baby brother niyang si Eugene sana kung hindi lang naghiwalay sina Sir Adrian at Belinda.
Ang laking hiwaga talaga sa 'kin kung ano ang natipuhan ni Sir Adrian sa mama ni Kyline. Kung katawan saka itsura saka angas, hindi ko na papalagan. May karapatan naman kahit paano si Belinda. Kaso halimaw kasi. Sa ugali pa rin talaga magkakatalo.
Ito namang si Belinda, malay ko rin kung ano ang natipuhan kay Sir Adrian. Siguro kasi mayaman ang mga Chua, pero duda ako. Kasi kung pera-pera lang, e di sana, hindi sila naghiwalay. Mukha pa namang kagalang-galang si Sir Adrian. Ka-vibe ni Tita Liz. E, parang kahit yata langaw, hindi niya kayang pumatay. Tapos nag-asawa siya ng mahilig sa baril.
Pero gaya nga ng kuwento ni Manang, delikado nga raw kasi ang trabaho ni Belinda kaya naghiwalay na lang. At kung ikokompara kina Daddy at Mama, pareho naman nang hiwalay ang parents namin ni Kyline. Pero kita pa rin namin na naghiwalay nang maayos sina Sir Adrian kasi kaya pa rin nilang magsama sa iisang lugar nang hindi nagpaplastikan.
May nursery na si Eugene sa kabilang kuwarto. Ibig sabihin, dito nga talaga muna ang anak namin ni Kyline. At ibig sabihin din n'on, wala pa akong nakahandang lugar kung sakaling palayasin na ako rito ni Belinda.
Pero inaayos na raw ni Clark ang papeles sa bahay ko, at sana maayos na agad. Ayoko ng manganganak si Ky tapos ang problema ko na e, kung saan kami titirang pamilya maliban dito sa kanila.
Pagbalik ko sa kuwarto, nag-set up na ako ng study table at nagbukas ng video call. Kung hindi lang atribida ang mama ni Kyline, doon ako sa kuwarto ni Ky mag-aaral ngayon hanggang makatulog ako.
Kapag ganito na ang ginagawa ko, hindi na ako masyadong kinukulit ni Kyline. Bukas lang ang video call, walang nagsasalita sa aming dalawa.
Nagbabasa ako ng libro at ilang manual. Siya naman, novel book ang binabasa. Madalas, ganito lang kami, lalo kapag nasa school ako. Siguro nga, boring ang ganoon. Sabi ni Patrick, boring nga raw ang setup namin ni Kyline. Pero hindi naman siguro namin kailangang mag-usap minu-minuto. Ang gusto ko lang, kapag may kailangan siya, kahit nasa malayo ako, at least, may matatawag agad siya.
Tinapos ko lang ang review ko. Huling silip sa phone, tulog na si Kyline, pero nakahiga naman siya kaya ayos lang.
Malapit na siyang manganak. Hanggang ngayon, wala pa rin akong matinong plano. Ayoko sanang maglabas ng malaking halaga ng pera, ang kaso, mukhang mapapasubo ako.
♥♥♥
Tuwing madaling-araw, lumalabas talaga ako para mag-jogging. Nagpaalam naman na raw si Manang kay Belinda kaya nga kampante akong lumabas kasi alas-singko pa lang, nagbukas na ng gate si Manang.
Ang isa sa gusto ko rito sa private subdivision, hindi nakakatakot lumabas kahit madilim pa. Doon kasi noon sa boarding house, basta madilim, dapat alerto ka palagi. Nasa Maynila pa naman ako noon. Kapag naabutan ka ng dilim at tanga-tanga ka pa, bibiktimahin ka talaga ng mga holdaper.
Alas-singko, naka-T-shirt, jogging shorts, at running shoes ako lagi tuwing lumalabas. Mula kina Kyline, iikot ako sa limang block. Twenty-minute jogging papuntang bakery sa may entrance ng subdivision, at twenty minutes pabalik.
Sabi ni Rico, maganda raw ang malunggay sa naggagatas kaya paborito ni Kyline ang malunggay pandesal. Hindi malaki ang bakery na nagtitinda nito. Nasa bahay lang din at may maliit na bintana kung saan kukuha ng order. Bukas sila mula alas-singko hanggang alas-diyes ng umaga. Then sarado na sa natitirang oras ng araw.
Malamig ang hangin tuwing alas-singko. Kahit mag-jogging ako, hindi ako pinagpapawisan na tatagaktak talaga.
Pagkakuha ko ng order ko ng pandesal, nag-jogging na ulit ako pabalik. Sa unang block na iikutan ko, sumilip muna ako sa bahay namin.
Patay ang lahat ng ilaw. Naka-lock ang single gate. Tumanaw ako sa bintana ng kuwarto ni Mama pero nakasara ang blinders kaya imposibleng makita niya ako.
Nagte-text pa rin naman siya. Sumasagot naman ako kahit "opo" lang. Alam naming dalawa na may gap pa rin pero sinusubukan namang i-work out. Saka na ako babalik kapag tanggap na nila si Kyline. Ayokong mamili kasi alam din ni Mama na kapag pumili ako, mas masasaktan siya sa isasagot ko.
Hindi 'yon sa wala akong utang na loob, pero minsan na nilang ginustong patayin ang anak namin ni Kyline.
Ang totoong nanay ko, kahit alam niyang naanakan lang siya ni Daddy, hindi niya binalak ipalaglag ako. Kahit na mabaliw-baliw na siya sa hirap ng pagpapalaki sa akin. Ultimo noong naisipan niyang tapusin na lang lahat sa kanya, hindi niya ako isinama sa hukay.
Kahit noong gusto ko na ring mawala sa mundo dahil sa nangyari sa 'kin, hindi ko naisip na patayin ang magiging anak namin ni Kyline. Kayang-kaya kong takbuhan 'to kasi hindi naman ako ang mabubuntis, si Ky naman.
Hindi 'yon sa gusto kong pahirapan din ang anak ko gaya ng ginawa sa 'kin ni Daddy kaya ko gustong buhayin. May pera ako pambuhay sa baby, magtatrabaho ako nang mabuti para buhayin sila ni Kyline.
Ayoko ng panibagong pagbibilang sa buhay na ginagawa ko sa totoong nanay ko. Na kada taon, mapapaisip ako, "kung buhay pa siguro siya, baka nasa ganitong edad na siya." Tama na ang isa, ayoko nang magdagdag pa.
Nag-jogging na ulit ako paikot sa buong block, at sapat na ang inikot ko para buhayin ang dugo ko ngayong umaga.
Ang kaso, mukhang kulang pa ang jogging para buhayin ang buong sistema ko. Pagbukas ko ng gate, marahan ko pa 'yong isinara. Sa front yard, kapag madaling-araw, hindi na iniilawan doon kasi maaaninag naman na rin ang lugar mula sa ilaw sa main door.
Eksaktong pagsara ko ng gate may humatak ng kuwelyo ko at ibinalibag ako sa sementadong haligi ng gate katapat ng parking lot.
Sa sobrang gulat ko, umamba agad ako ng suntok sa kanang kamao at ipinansalag ang kaliwang may hawak pa ng plastic bag na may pandesal.
May brasong sasakal sana sa leeg ko pero collar bone ko lang ang inabot.
Saka ko lang na-digest ang nangyayari nang mag-adjust ang mata ko sa kaunting ilaw mula sa main door na malayo sa amin. Inaambahan na rin ako ng sapak ni Belinda at malapit na sa mukha ko ang kamao niya. Kung anong ikinakunot ng noo ko, siya ring ikinasimangot niya.
"Ano'ng ginagawa mo rito?!" bulong niya pero sobrang lakas naman at halatang pagalit pa.
"Bumili lang ako ng almusal ni Kyline!" bulong ko rin na mas malakas pa. "Bitiwan mo nga ako!"
Nagtaas lang siya ng kilay at bumaba ang mata niya sa pandesal na mainit-init pa at umaangat ang amoy sa hangin na naroon lang katapat ng mukha niya.
Binitiwan na rin niya ako at hinagod na naman ako ng tingin mula ulo hanggang paa habang nakataas ang kilay. Sinimangutan ko lang din siya saka ko inayos ang T-shirt kong nagkagusot-gusot na dahil sa paghatak niya.
Napainat tuloy ako ng balikat habang naglalakad papasok sa bahay. Ang solid ng pagkakabato niya sa 'kin sa poste ng gate. Halatang may galit. Balak pa talaga akong pilayan.
"Manang, nakauwi na po ako," sabi ko habang papunta sa kusina.
"Ay, ayan, mabuti naman." Naabutan ko si Manang na nagsasaing na sa rice cooker at naghihiwa ng keso sa kitchen table. "Nasa labas si Linda, naabutan ka?"
"Oho. Binalibag ako sa gate, grabe talaga." Ipinakita ko pa kay Manang ang pagmasahe ko sa likod paglapag ko ng plastik ng pandesal sa mesa.
"Pagpasensiyahan mo na, ha? Nasabihan ko namang lalabas ka. Hindi ka yata nakilala." Sinilip na ni Manang ang binili ko. "Buti hindi dumudugo ang nguso mo."
Lalong nagsalubong ang kilay ko sa sinabi ni Manang. "Dapat bang dumugo ang nguso ko, Manang?"
Tinawanan lang niya ako nang mahina. "Iyan ay baka lang naman. Naibalibag ka na 'ka mo. E, di nasapak ka rin. Si Linda pa naman e, kahit si Adrian, kapag nahuhuli sa kusina e, nasasapak kay akala magnanakaw."
"Parang ang dalas niyang manakawan. Ang bilis ng reflex, e." Kumuha na ako ng malaking puting plato sa cabinet para doon ilagay ang pandesal na bili ko para kay Kyline.
"'Yan kasing si Linda, minsan nang napasok ang bahay nila noon ni Addie. Ang akala raw niya, si Addie lang ang nagkakalkal sa kuwarto, e nagulat na lang siya, nalooban na pala sila. Ang akala nila, magnanakaw. Mga may galit pala sa kanya. Kaya nga naghiwalay na lang sila para hindi na nadadamay sina Addie at Belle sa mga atraso niya sa ibang tao. E, alam mo naman. Kung ikaw e maraming naipakulong na tao, malamang sa malamang, maraming may galit sa 'yo."
"Puwede naman siyang lumaban, Manang, di ba? Ang angas nga niya, e."
Gusto ko sanang matawa sa naisip kong joke kasi pulis si Belinda pero nagdagdag pa si Manang ng tatawanan ko pa lang sana.
"Leo, anak, hindi sa lahat ng oras, pipiliin mo ang angas. Kung patayan lang naman, kaya ni Belinda 'yan. Hindi naman natatakot 'yan sa kahit na sino. Pero kung lumaban 'yan sa mga taong 'yon, baka matagal nang patay sina Addie at Belle kasama siya."
Bumagal ang pagsasalin ko ng pandesal dahil sa sinabi ni Manang. Bigla akong naawa kay Kyline saka kay Sir Adrian. Si Belinda, mukhang kaya naman niyang ipagtanggol ang sarili niya.
Sa isang banda, parang naka-relate naman ako sa kuwento ni Manang. Noong stag party, kung ako lang, ilalaban ko talaga ng patayan ang pera ko. Pero nandoon sa lugar ang barkada ko. Nandoon si Kyline. Wala akong magawa kundi sumunod kasi sila lang ang iniisip ko sa mga oras na 'yon.
Nawala lang ako sa malalim na pag-iisip nang tapikin ni Manang ang kamay ko. "Mag-asikaso ka na. Ako na diyan. Si Belle, maya-maya, gigising na 'yon."
"Sige po, Manang. Mamamasyal pala kami mamaya pagdating ng house cleaners."
Walang sinabi si Manang, nagmuwestra lang ng kamay para palayasin ako. Dalawang buwan ko naman nang ginagawa 'to. Hindi na ako magtataka kung kabisado na niya ang mga sinasabi at paalala ko.
Pag-akyat ko, una ko munang sinilip si Kyline na natutulog pa. Sinamantala ko na ang pagkakataon para makaligo kasi mamaya, siya na ang paliliguan ko. Wala kaming exercise ngayon kasi may cleaning.
Pinag-iisipan ko pa lang kung ano ang gagawin namin ni Ky ngayong araw maliban sa mamasyal kasi wala akong pasok. Ang kaso, nasa kalagitnaan pa lang ako ng pagligo nang biglang tumigil ang tubig sa shower.
"Hala!" Pihit pa ako nang pihit ng shower knob. Naghawi ako ng mukha na puro pa bula ng sabon. Napakuha ako ng bath towel saka dumeretso sa sink habang nakapikit ang kanang mata. "Manang!"
Wala akong bathrobe, putang ina. Kung alam ko lang na uso palang maputulan ng tubig dito sa bahay na 'to, e di sana nagdala ako ng sarili kong bathrobe, hayop 'yan.
Nagtapis ako ng towel sa baywang at nagpatong ng towel sa balikat.
Walang tubig, puta.
"Manang, wala pong tubig?" Dumeretso na ako sa ground floor na tumutulo pa ang buhok at may bula-bula pa. "Manang?"
"Ay, Leo, Diyos ko, saglit!" Nasalubong ko si Manang sa may pintuan ng laundry area malapit sa kitchen. Naaaligaga rin siya at napasilip ako roon sa labas. Naglalaba pala si Manang sa washing machine. Nakalapag ang hose sa sahig, walang tubig na lumalabas. "Ang sabi kahapon, mawawalan daw ng tubig ngayong alas-sais! Hindi naman nagsabing umaga pala! Ay, Hesus Mariano ka, inggo."
Dumeretso si Manang sa dulo ng pathway mula sa laundry area, inaaya ako. "May imbak ako rito ng tubig. Sandali at aayusin ko muna ang banyo rito. Maraming nakasampay pa e, maabala ka pa sa paliligo. Hintayin mo 'ko rito."
"Salamat po, Manang." Nakayuko pa akong tumakbo nang marahan papunta sa dulo ng makitid na daan papuntang likod ng bahay. Sa dulo, may dalawang pinto. Isang PVC fake wood door sa kaliwa at isang aluminum door na may screen sa eksaktong dulo naman. Dito ang kuwarto nina Manang. May kasama siyang dalaga rito dati kaso nasa Quezon City na tumitira dahil sa science high school nag-aaral.
Sa hilera ng daan, masasabi kong mahilig sa halaman si Manang. Malamang hindi ang mga Brias o Chua kasi wala namang mahilig sa kanilang magtanim ng kung ano-ano maliban sa sama ng loob. May patungan ng mga halamang nasa paso sa gilid.
Tumabi ako sa gilid ng pinto at doon tumayo para maghintay sa paglabas ni Manang.
"Manang Chona, bakit walang tubig?"
At ayan na ang kontrabida ng buhay ko.
"Manang?"
Paglingon ko sa dulong kanan sa may laundry area, nakita ko agad si Belinda na nakatapis lang din ng tuwalya, at gaya ko, mukhang naabala rin sa paliligo. Nakaipit pa ang buhok niya gamit ang malaking clip para sa buhok pero halata namang basa na. Himalang hindi ako nagulat sa ayos niya. Malamang kasi nakita ko naman na siyang naka-swimsuit habang binu-bully ako sa pool.
"O, bakit nandito ka?" masungit na tanong niya habang papalapit sa akin.
"Maliligo ako, bakit?" maangas na sagot ko.
Paglapit niya sa akin, tinaasan na naman ako ng kilay at hinagod ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
Gusto ba niyang laging kinakabisado ang katawan ko at kung makatingin siya sa akin, parang laging bagong kita pa lang naming dalawa?
"Nasaan si Manang?" mataray na tanong niya.
"Hinahanda ang pampaligo ko, bakit?" sagot ko sa kaparehong tono.
Napasulyap siya sa binabantayan kong pinto saka ibinalik sa akin ang tingin niyang mapangmata. Walang sali-salita, hinawakan niya ang door knob para buksan sana pero pinalo ko agad ang kamay niya. Pag-alis niya ng kamay niya roon para sapuin ang pinalo ko, ipinalit ko naman ang kamay ko sa door knob para hindi niya mahawakan.
"Aba!" Sarkastiko pa siyang tumawa saka sumimangot nang matapos. "Nang-iinis ka ba?"
"Nauna ako rito, bakit?" sagot ko saka siya tinaasan ng kilay.
Namaywang siya at tinaasan din ako ng kilay. "May-ari ako ng bahay na 'to."
"Wala namang umaagaw ng bahay mo, bakit kailangang banggitin?"
Nanliit ang mga mata niya at saka binalingan ang doorknob. Pinalo niya rin ang kamay ko pero hindi ako nagpatinag. Hinawakan pa niya ako sa ibabang braso para alisin sa knob ang kamay ko pero hindi niya nagawa.
Pagpaling ng mukha niya sa akin, nanunukat na naman ang mga mata niya habang matalim ang tingin.
"Bitiwan mo ang knob," mahigpit na utos niya.
"Nauna ako rito."
"Wala . . . akong . . . pakialam."
"A, talaga ba, Belinda? E, di wala rin akong pakialam. Hindi ko bibitiwan 'to kasi nauna ako rito."
Nagulat na lang ako nang bigla niyang hawakan ang itaas na parte ng towel na suot ko saka ako puwersahang hinatak palapit sa kanya, kahit pa isang hakbang lang ang nagawa niya dahil sa gulat ko. Hindi ko pa rin binibitiwan ang doorknob kahit pinandidilatan ko na siya ng mata.
"Bibitiwan mo o hindi?" mariing banta niya habang nakikipagtagisan ng titig sa akin.
Kusa na akong napangisi kahit inis na inis na ako sa ginagawa niya. Ayaw talaga akong tantanan ng babaeng 'to.
Ang ayoko sa lahat ay 'yong binubuwisit ako kahit nananahimik ako. Kinuha ko rin ang pinag-iipitan ng dulo ng tuwalya niya at kinuyom 'yon saka siya hinatak palapit sa akin.
"Bibitiwan mo 'ko o hindi?" warning ko rin sa kanya nang harap-harapan.
Natawa siya nang mahina pero kitang-kita ang inis sa mata niyang ni hindi man lang kumurap sa ginawa ko.
"Ang tapang mo, ha?" sarkastikong sagot niya sa 'kin. "Wala ka talagang sinasanto sa bahay na 'to."
"Bitiwan mo 'ko para magkasundo tayo."
"Huwag mo 'kong utusan. Bitiwan mo 'ko, bitiwan mo ang doorknob."
"Bitiwan mo 'ko at maghintay kang matapos akong maligo."
Sinusukat niya ako ng tingin, ganoon din ako sa kanya.
"Magseselos na ba 'ko?"
Napalingon agad ako sa likuran nang makita si Gina na kagat-kagat ang sepilyo niya. Isa rin siyang naka-towel lang pero hindi pa basa ang buhok.
"Nauna ako rito," paliwanag ko kay Gina. "Pakisabi rito kay Belinda, maghintay siyang matapos akong maligo kasi paliliguan ko rin si Kyline."
"May-ari ako ng bahay, di ba?" kontra ni Belinda sa 'kin.
"E, bakit nagdadakmaan kayo ng tuwalya diyan? Puwede ba 'kong sumali? Makikidakma rin ako."
"Bitiwan niya muna ako, bibitiwan ko na siya," sabi ko.
Biglang bumukas ang pintong pinagtatalunan namin ni Belinda at doon ko lang nabitiwan ang doorknob na kanina pa naming pinagtatalunan.
"O! Ano 'yan?" sita sa amin ni Manang. Pasalit-salit pa ang tingin niya sa kamay namin ni Belinda.
Bumitiw na rin ako at inalalay ang kamay ko sa tuwalya saka lang ako binitiwan ni Belinda na inayos na rin ang towel na suot niya.
"Okay na ba sa loob, Manang?" tanong ni Belinda at papasok na sana nang bumalik sa labas habang nakangiwi.
"Mamaya na. Naglinis muna ako ng sahig. Amoy-chlorox pa diyan," sermon ni Manang.
Kahit sa puwesto ko, amoy na amoy ang bleach kaya lumayo na ako kasi masakit sa ilong habang tumatagal.
"May water interruption ba, Manang?" tanong ni Gina paglapit sa kanya ni Manang na may dala pang mga labahin.
"Mayroon nga, e ang sabi kasi alas-sais. Ang inaasahan ko, mamaya pang gabi kaya nga nag-imbak na muna ako ng tubig sa drum. Ayan, may tubig diyan."
Pansamantala muna akong tumambay roon sa tabi ng mga cactus at aloe vera habang nakatingin nang masama kay Belinda na palapit kay Gina.
Wala talagang magawang maganda 'tong babaeng 'to. Ako pa ang ibu-bully niya, tingin niya naman, papayag akong kayan-kayanan lang dito.
Bumalik na rin si Manang sa puwesto namin. Saglit niyang pinalo ang balakang ni Belinda pero mukhang tatlo kaming nagulat sa ginawa niya. Ang lutong pa naman ng tunog.
"Ang aga-aga, nag-aaway na naman kayo?" sermon ni Manang sa amin. Paglapit niya sa akin, hindi ako nakaligtas sa hampas niya. Pati braso ko, napalo pa. "Huwag kang matigas ang ulo. May-ari pa rin 'yan ng bahay." Dinuro pa niya ako sa mukha kaya napaatras ako nang kaunti. "Ayoko nang maulit 'to, ha?"
"Sorry po, Manang," sagot ko.
Nagpalipat-lipat ang turo niya sa amin ni Belinda para mag-warning ulit bago tahimik na bumalik sa banyo.
"Ayan, napagalitan tuloy kayo. Lagot kayo kay Manang niyan," buyo ni Gina saka ngumisi para mang-asar. "Kapag binato kayo niyan ng kutsilyo, bahala kayo."
Masama pa rin ang tingin ko kay Belinda habang yakap-yakap niya mula sa likod si Gina na pinagtatawanan lang kaming dalawa.
Ulitin pa niya ang ginawa niya at talagang magkakasapakan na kami.
Ilang minuto pa ang hinintay namin nang may boses na naman mula sa laundry area.
"Mom? Gina?"
Kung may gusto man akong makitang naka-towel ngayon, si Kyline sana 'yon. Kaso naka-night dress pa rin siya at may hawak na toothbrush. Nadismaya tuloy ako nang kaunti.
"Wala ring tubig sa room mo?" tanong niya at lumapit na sa akin. Saglit siyang huminto sa tabi ni Belinda at idinantay roon ang ulo niya para bumati sa mama niya bago ako nilapitan.
"Sabi ni Manang, may tubig siya rito sa drum niya," sabi ko at inalok na agad ang kamay ko kahit nasa malayo pa lang siya. "Lilinisin lang daw muna niya yung paliguan sa loob. May water interruption daw talaga ngayon, late nang na-announce."
Kinuha niya ang kamay ko saka ko siya pinalapit sa kung saan ako nakaupo. Nakatitig ako sa mukha niyang napakaputi at pink niyang pisngi. Bumaba ang tingin ko sa labi niyang may bula pa ng toothpaste. Hinawi ko agad iyon gamit ang hinlalaki saka ipinunas sa towel na nasa balikat ko.
"Bakit ang aga mong magising?" tanong ko. "Six pa lang, a."
Hindi siya sumagot. "Nag-breakfast ka na?" tanong lang niya.
"Hindi pa. Kababalik ko lang sa jogging. Binilhan kita ng almusal, nasa mesa na."
Walang ibang ginagawa ang kamay ko kundi hagurin ng hinlalaki ang malambot na kamay ni Kyline. Gusto kong matawa sa kanya kasi hindi siya makatingin sa mukha ko nang matagal. Talagang bumababa ang tingin niya sa katawan ko kahit anong iwas niya
Hindi talaga niya kayang magkunwaring walang nakikita. Ayos lang naman. Sabihin lang niyang ganito lang ako lagi, kahit araw-araw pa akong pumasok sa kuwarto niyang walang T-shirt, ayos lang, e.
"Hindi mo kailangang hawakan si Kyline, hindi naman 'yan mawawala," puna na naman ng pakialamerang Belinda na 'to.
Puwede namang hindi pansinin lahat sa 'kin, bakit puna siya nang puna? Lagi na lang ako ang nakikita, bulagin ko na kaya 'to?
Para lalo siyang asarin, e di sinunod ko siya. Hindi naman pala kailangang hawakan ang anak niya, e di hindi.
Lalo ko pang pinalapit si Ky sa akin hanggang sa makulong siya sa pagitan ng mga binti ko. Kinuha ko ang hawak niyang tootbrush saka kinagat ang hawakan. Nakatitig lang ako sa kanya habang pinandidilatan niya ako ng mata dahil sa ginagawa ko.
Kinuha ko ang magkabila niyang kamay saka ipinalibot sa may balikat ko. Kinuha ko na ang toothbrush at iyon ang hinawakan ko habang nakatukod ang isa kong kamay sa gilid ng katabi kong cactus pot.
Nilingon ko si Belinda para ipakita kung may sasabihin pa ba siya ngayong hindi ko na hawak ang anak niya. Natatawa na naman sa amin si Gina. Binanatan tuloy ako ng evil laugh ni Belinda at maangas na naman akong tiningnan nang matapos ang tawa niya.
"Nang-aasar ka ba?" sabi niya.
Pairap ko siyang inilagan ng tingin at bumalik ang atensiyon ko sa pinto ng banyo sa tapat namin.
"Wala ka talagang galang."
Dahan-dahan ko siyang nilingon habang nakataas ang mukha ko.
At ako pa ang walang galang? E, di wala. Paki ko?
Nginisihan ko lang siya para mang-asar saka ko ibinalik ang tingin sa pinto ng banyo.
"Aba . . ."
"Leo . . ." sabi ni Ky kaya sa kanya naman ako napatingin. Nag-aalala na ang tingin niya sa 'kin. Malamang kasi nag-aaway na naman kami ng mama niyang inaasbagan ako.
"O, sino ang unang gagamit?" tanong ni Manang na, sa wakas, natapos na rin sa banyo.
"Sila na muna, Manang," sabi ko.
"Sigurado ka?"
Tumango naman ako. "Opo."
Sumulyap ulit ako kay Kyline na ang aga-aga, mukhang masi-stress pa dahil sa 'kin.
Mula sa mukha ni Kyline, nalipat ang tingin ko sa mukha ni Belinda na tinataasan ako ng kilay pagdaan nila sa tapat namin.
"Ipagdasal mong tirhan ka namin ng tubig para sa paliligo mo," sarkastikong warning niya.
Magdadasal ako para sa awa niya? At ako pa ang tinakot, ha?
"Kung ikaw si Kyline, kahit lumuhod pa 'ko," sagot ko sa banta niya.
"Huy, Leo!" sita ni Ky.
Lumipat ang tingin ko kay Kyline na bigla akong sinabunutan habang pinandidilatan niya ako ng mata.
Sipol ni Gina at tawa ni Manang ang huli kong narinig bago ang pagsara ng pinto.
"Bad ka," singhal pa ni Ky.
Hindi agad ako nakapag-react sa pananabunot niya. Para akong may na-unlock na stage sa laro na hindi ko inaasahan.
"Huwag mong uulitin 'yon, ha?"
"Paano kung gusto ko?" pigil ang ngiting tanong ko.
"Bad 'yon. Mommy ko pa rin ang kausap mo."
Inaasahan kong pagagalitan niya ako na talagang sermon. Minsan lang kasi siyang magalit. Hindi ko pa nga siya nakikitang magalit nang sobra. Naiinis siya kapag may masakit sa katawan niya, pero kanya 'yon, hindi sa akin.
May kung ano sa inis ni Kyline ngayon na gusto ko pang ilabas niya. Ewan ko pero ang sexy ni Ky sa paningin ko kapag nagsusungit siya sa 'kin.
"Sasabunutan mo ulit ako kapag sinagot ko ang mommy mo?" hamon ko.
Ang kaso, hindi talaga siya nakakatagal sa inis niya.
"Sorry na, Leo." Imbes na magalit, niyakap niya lang ako at hinagod ang buhok kong sinabunutan niya. "Masakit ba?"
Kung hindi lang weird i-request na sabunutan niya ulit ako nang mas malakas pa, ire-request ko talaga sa kanya.
Sumimple ako ng halik sa leeg niya saka ko siya kinagat sa kaliwang balikat na naka-expose dahil sa manipis na strap ng damit niya.
Ang bango ni Ky. Ang sarap panggigilan.
"Tara sa itaas," sabi ko na lang. "Baka maghapong tumambay diyan sa banyo ang mommy mo saka si Gina para lang mang-inis."
Tumayo na ako at inalalayan siya sa likod.
"Pero hindi ka pa tapos maligo."
"Maya-maya lang, magkakatubig din 'yan. Doon na 'ko sa kuwarto mo magbabanlaw."
"Okay." Ngumuso lang siya saka tumango-tango.
Gusto ko sana siyang sabayang maligo gaya ng ginagawa ngayon nina Belinda at Gina kaso baka ako naman ang ubuhin. Saka na lang siguro.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top