Chapter 47: Casual
"Parang tanga talaga 'yon si Belinda."
"Hahaha! Lakas n'ong Belinda, dude. Close na kayo?"
"Gago, inabangan nga ako kanina sa pintuan ng kuwarto ni Ky. Hindi marunong kumatok."
Afternoon break ko, tatlong subject ang meron ako ngayong araw. Tapos na ang dalawa. At dahil may two-hour break ako, sinamantala ko na para mamili ng gamit ni Kyline.
As usual, si Will ang kasama kong mamili para hindi ako makakarinig ng pang-aalaska.
Nasa store kami na madalas naming bilhan ng mga gamit ni Kyline. Bandang Binondo. Sa sobrang dalas namin dito, kilala na nga kami ng saleslady saka cashier.
Lumapit kami kay Devy, yung saleslady na madalas naming kausapin kapag magpapatulong kami sa sizes. Mabait siya, kaedad nga ni Gina, at may anak ding lalaki na nag-aaral pero sa private college naman. Hindi siya judgmental gaya ng mga saleslady sa iba naming napuntahan ni Will noon. Sabi naman niya, maaga rin kasi siyang nag-asawa. Seventeen pa lang daw, may anak na siya.
"Anong hanap n'yo ngayon?" tanong niya bago pa kami makabati.
"Hi, Dev! Bibili kami ng bagong size, yung pang-yoga," sabi ni Will. Kinalabit niya ako kaya kinuha ko sa chest pocket ng uniform ko ang maliit na papel kung saan nakasulat ang bagong size ng dibdib ni Kyline.
Laging paalala sa amin ni Devy na kapag bibili kami sa shop nila at hindi kasama si Kyline, lagi kaming magdala ng sukat. Tinuruan din niya kami noon kung paano ba kumukuha ng sukat sa katawan. At dahil sanay naman ako sa measurements, madali na lang ang ipinagagawa niya.
Baka sa susunod, dalhin ko na rito si Kyline para makakapamili kami ng bagong damit pambuntis.
"Pero hindi ka naman pinapalayas?" tanong ni Will, nakasunod kami kay Devy na iniisa-isa ang pili sa displays na nasa kanan namin.
"Hindi naman," sagot ko. "Baka ayaw lang mapagalitan siya ni Manang."
"Haha! Angas naman ni Manang, talo pa may-ari ng bahay."
Gangster nga yata si Manang dati, e. Spray-an daw ba naman ng tubig sa mukha si Belinda. Parang hindi takot ma-kickout sa bahay ng amo niya.
"Kumusta na asawa mo? Malaki na ang tiyan?" tanong ni Devy sa akin nang huminto siya sa dulo ng stall.
"Medyo. Mahigit two months na lang, manganganak na."
"Tumaba ba?"
Nakibit-balikat ako. "Hindi naman masyado. Pero huling timbang niya, nadagdagan siya ng one pound."
"Ay, hindi nga," sagot ni Devy saka tumango-tango. "Ang baba ng one pound, ha? Nagba-vitamins?"
Tumango ako. "Yep."
"Baka hindi hiyang." May inilabas siyang stock ng sports bra na nasa plastic pa. Kulay black na may neon orange sa mga tahi. "Ito na lang ang meron kami ng size niya. Hindi naman tumaba, di ba?"
Inilabas 'yon ni Devy sa plastic at hinawakan agad namin ni Will ang tela.
Napasulyap ako sa mga nagtitingin-tingin ding ibang customer na babae kasi kami lang ni Will ang lalaki sa loob. Mga nakatingin din kasi sa amin, at kung hindi ko pa titingnan, hindi mag-iiwas ng tingin.
Dati, iniisip ko pa kung ano ang sasabihin ng mga makakakita sa akin na bumibili ako ng underwear at damit ng babae habang naka-school uniform ako. Pero sa dalas kong maghanap ng damit para kay Kyline, nawalan na ako ng paki sa paligid ko. Hindi naman sila ang bibihisan ko kaya bakit ko kailangang ma-conscious?
Sa totoo lang, hindi ko na matandaan kung kailan ako bumili ng sarili kong damit. Parang last year pa yata. Si Tita Liz kasi ang madalas bumili ng damit ko noong sa kanila ako tumira. Basta kapag may damit si Patrick, may damit din ako. Hindi ko masasabing parang tira-tira lang ni Pat o kaya tinanggihan ni Pat kaya napunta sa akin. Magkaiba kasi kami ng size. Medium si Pat, XL ako. Naiilang nga ako, ibang nanay ang nagbibigay ng gamit ko. Pero sabi naman kasi ni Tita, si Pat lang ang anak niya at gusto niya ng maraming aalagaan. Minsan, si Clark ang bine-baby niya. Kung puwede nga lang daw niya akong ampunin, aampunin niya ako. Kaso may nauna na raw sa kanya kaya ayos lang kung daanin na lang niya ako sa regalo.
Doon ko lang din siguro naramdaman na okay lang gastusan si Kyline kahit pa ang mamahal ng damit niya. Wala kasi akong ibang maibibigay sa kanya sa ngayon kasi nakikitira lang din ako sa kanila.
"Sana makadaan dito minsan asawa mo para naman makilala namin!" biro ni Charisse, yung cashier, nang makapili na kami ng bagong gamit para kay Kyline.
"Sa next checkup namin, sana madala ko rito," sabi ko.
"Sana nga! Hahaha! Malamang maganda asawa mo."
Nagusot lang ang dulo ng labi ko saka tumango-tango. "Sobra."
"Ayiiee, sabi na, e."
Kapag tinatawag nilang "asawa ko" si Kyline, napapangiti ako nang kaunti. Kahit si Manang, iyon din ang tawag sa kanya minsan.
Wala akong naging girlfriend. Si Ky nga, hindi ko girlfriend, e. Pero gusto ko siyang pakasalan. Tapos aalagaan ko lang siya lagi. Kapag kasi hindi ko siya natututukan, pakiramdam ko, may importante akong dapat gawin pero hindi ko nagagawa. Natotorete ako.
Maraming mga naging girlfriend sina Patrick at Calvin, pero ewan ko kung totoo bang type nila ang mga 'yon o mga wala lang silang magawa sa buhay.
Kasi kapag iniisip kong kay Kyline pa lang, ubos na ang oras ko, paano pa ako makakapag-isip tungkol sa iba. E, parang lima-lima pa yata ang syota ng dalawang 'yon.
Pagkatapos ko ng huling klase, bumili na agad ako ng moon cake ni Kyline sa shop na madalas naming binibilhan noon ng barkada ko kapag gusto naming kumain. Nagpapabili rin siya ng gummy bears kaya binilhan ko sa katabing Mercury Drug.
Tuwing Friday, gabi na ako halos umuuwi kasi alas-sais ang tapos ng klase, tapos biyahe pa mula Maynila hanggang Alabang. Hindi na ako nagme-main road. Laging sa mga shortcut at eskinita ang daan para mabilis at hindi maipit sa traffic.
Pag-uwi ko, si Manang na ang sumalubong sa akin kasi bukas ang gate.
"Ay, sa wakas at nakauwi ka rin," bati ni Manang. "Ang dami mong dala, a."
"Para po kay Kyline, Manang. May hopia rin ako diyan para sa inyo, kunin n'yo na lang po."
"'Kabait naman ng batang ito."
Pagparada ko ng motor sa parking space sa front yard, nakita kong inilalabas nina Gina ang ilang kahon mula sa loob. Napansin din ni Manang ang tinitingnan ko kaya kahit hindi na ako magtanong, may isinagot siya.
"Nagre-restock lang sila," sabi ni Manang. "Pi-pickup-in 'yan bukas dito."
Tumango lang ako habang tinitingnan ang label sa kahon. Puro mga bulletproof vest lang saka headset.
Si Gina ang nagbubuhat, si Belinda ang tumitingin sa clipboard at nagbibilang ng mga inilalabas na stock.
"Manang, paakyat naman nito sa kuwarto ni Ky," pakisuyo ko saka iniabot kay Manang ang mga nakasabit sa motor na plastic bags.
"Ay, akin na. Maghapunan ka na, ha? Gusto mo bang initin ko ang ulam mo?"
"Ako na po ang bahala, Manang. Pahinga na rin kayo."
Nag-jogging na ako palapit sa mga kahon, at mula sa gilid ng mata, nakikita kong sinusundan ako ng tingin ni Belinda.
Ang liit ni Gina para pagbuhatin niya ng malalaking kahon, hindi man lang niya tinulungan?
Kahit walang nag-uutos, tumulong na ako.
Binuhat ko ang isang kahon at wala pang sampung kilo ang isa. Pinagpatong ko ang tatlong kahon at saka iyon binuhat palabas.
Kung titingnan ang kaibahan ng lakas namin ni Gina, malamang na doble ang kaya kong buhatin sa kaya niya lang ilabas na kahon. Tatlong balikan ko lang ang natitirang kahon sa loob, at ramdam na ramdam ko ang tingin nila sa akin. Malamang kasi hindi naman nila inaasahang tutulong ako sa ginagawa nila.
Pero hindi ko naman kailangan ng thank you. Ayoko lang na mas pansinin ako na ako na nga lang ang lalaki rito sa bahay, wala pa akong pakinabang.
Nang matapos, nagpagpag agad ako ng damit saka lumapit kay Kyline na nakaabang na sa may couch sa living area na malapit sa pintuan. Saka ko lang naramdaman na, sa wakas, nakauwi na rin.
"Kumain ka na?" bungad ko.
"Kanina pa."
Paglapit ko sa kanya, inangat niya agad ang kamay niya. Kinuha ko 'yon saka hinawakan nang may tamang higpit.
Hindi ko siya normal na binabati sa salita, pero alam niyang kung hindi niya iaabot sa akin ang kamay niya para bumati, ako mismo ang kukuha n'on para lang mahawakan siya.
Gusto kong hinahawakan ang kamay niya kasi napapanatag ako.
Doon ako sa likod ng couch pumuwesto kasi maalikabok pa ako. Ayokong yakapin siya na ang dungis ko, kagagaling ko pa sa labas na mapolusyon.
"Si Manang, ipinagtira ka ng dinner," paalala niya. "Ipainit mo na lang."
"Ako na." Hinagod ko ang buhok niya habang nakatingala siya sa akin. "Sumakit ang tiyan mo?"
Umiling naman siya. "Mm-mm."
"Pinaakyat ko na kay Manang yung gummy bears mo. Kakain lang ako tapos paliliguan na kita."
"Okay. Sige."
Hinagod ko ulit ang buhok niya at saka ko siya binitiwan.
Dalawang araw na rin akong naghahapunan sa bahay nina Kyline na nandito ang mama niyang lagi akong binabanatan na humanda ako. Sa dami ng stock nila ng baril doon sa likod ng bahay, malamang na maraming pagkakataon si Belinda para paulanan ako ng bala pero hindi naman niya ginagawa.
And speaking of Belinda at mga panakot niya, hindi talaga siya matatahimik hangga't hindi ako binubulabog. Ang papansin talaga nito. Kaya siguro may pinagmanahan si Kyline.
Naghahapunan ako. Hindi na nga sila kasabay, pero doon pa talaga siya umupo sa puwesto niya sa dulo ng mesa habang kumakain ako.
Sino ba'ng gaganahang kumain kapag nakikita ang pagmumukha niya?
Nagmadali ako ng nguya para maubos agad. Kada segundong magtatagal ako sa mesa, ganoon din katagal ang titiisin ko habang pinanonood niya. Nagkrus pa nga ng braso, mukhang tatarayan na naman ako.
"Ang layo-layo ng school mo, dito ka pa umuuwi."
Eto na naman kami.
"Nakita ko ang mama mo kanina sa gate nitong subdivision. Dito lang pala kayo nakatira. Bakit hindi ka sa kanya umuuwi?"
Hindi ko pa rin siya pinansin.
"Ano? Tatahimik ka lang?"
Nilunok ko na ang nginunguya ko at saka siya binalingan. "Nandito si Kyline kaya ako nandito."
"Hindi mo kailangang alagaan ang anak ko."
"Gusto kong alagaan ang anak mo, bakit ba kontra ka nang kontra?"
"At sumasagot ka na, ha?"
Ako na ang nagkrus ng braso saka siya tinaasan ng kilay. "Kaninang tahimik ako, pupunahin mo. Ngayong sinasagot ka, pupunahin mo rin. Ano ba? Ang gulo mo kausap, a."
Binato niya ako ng table napkin na nakatupi sa tapat niya pero nasalo ko naman agad.
"Wala ka talagang galang!"
"Nakakausap ako nang maayos!" sermon ko rin sa kanya. "Lapit ka nang lapit sa 'kin, hindi ka naman inaano."
Tumayo na naman siya at pinagpapalo na naman ako sa braso.
"Kumakain ako, Belinda! Tigilan mo 'ko diyan, sisipain talaga kita kahit mama ka pa ni Kyline, sige lang!"
"Ano na namang pinagtatalunan ninyong dalawa? Ay, sows na mga batang ito!" Lumapit na sa amin si Manang na kapapasok lang ng dining area.
"Manang, sigurado ka bang mabait ang tawag mo rito?" reklamo niya kay Manang habang dinuduro ako. "Mabait 'to?"
Mabilis kong inubos ang laman ng plato ko at punong-puno ang bibig nang tumayo na.
"Linda, ang mahalaga sa ngayon, ang anak mong malapit nang manganak."
Kumunot naman ang noo ko sa sagot ni Manang. Hindi man lang kumontra!
"Saka huwag mong pag-initan nang pag-initan 'yang si Leo. Bumalik ka na roon sa labas at maliligo pa si Belle." Kinuha na ni Manang sa akin ang dala kong hugasin. "Ako na rito't paliguan mo na ang asawa mo. Naghihintay 'yon sa itaas."
"Bakit siya ang magpapaligo?" reklamo ni Belinda.
Tinulak-tulak na ako ni Manang para paalisin ako. "Hayaan mo na 'yang si Linda. Umakyat ka na, dali!"
"Manang!" sita nitong mama ni Ky.
Tinaboy lang ako ni Manang kaya hindi na ako tumanggi sa pagpapalayas niya. Mas okay nang si Manang ang magpalayas sa akin kaysa si Belinda.
Dumeretso ako sa kuwarto ko, at nagpapasalamat akong may tumbler akong naka-stock roon para hindi na ako bababa kapag gusto kong uminom.
Nagbihis na ako ng pambahay bago ko dinaanan si Kyline na ginagawa na ang usual stretching niya.
Hinanap ko naman kung nasaan na ang mga binili kong gamit para sa kanya, pero mukhang nailigpit na niya.
"Ky."
"Hmm?"
"May cleaning bukas, di ba?"
"Yes. Bakit?"
Tumango na lang ako. Makakapamasyal kami pagkatapos ng breakfast.
"Nakita mo na yung binili ko?" tanong ko.
Tumango siya. "Um-hm."
"Kasya na?"
"Yes."
"Buti."
Naupo ako sa kama at pinanood ko siya sa ginagawa niya. "Next checkup, pasyal tayo sa labas."
Saglit siyang huminto at nagtatakang tumingin sa akin.
"Pasyal na . . . like . . . we're going out?"
Biglang gumilid ang tingin ko at parang bigla akong nablangko.
Paano ko ba sasabihing aayain ko siyang lumabas nang hindi ko sinasabi 'yon? O . . . aminin ko na bang aayain ko siyang lumabas directly?
"Um . . ." Paikot-ikot na sa bawat sulok ng kuwarto ang tingin ko at napabuga ako ng hininga.
"Magde-date tayo, Leo?"
Napatingin agad ako sa kanya at hindi alam kung tatanggi o tatanggapin na lang na ganoon nga ang tawag doon.
"Um . . ." Alanganin akong tumango na parang umiiling. "Yeah . . . ?"
Bigla siyang tumigil sa ginagawa at nagtakip ng bibig gamit ang magkabilang palad. Wala pang ilang segundo, pulang-pula na ang mukha niya. Inalok niya ang braso niya sa akin para yakapin ako. Nagbuntonghininga lang ako at nag-alok din ng braso para siya ang lumapit sa akin.
Ngumuso siya at inalok ulit ang braso niya.
Aba! Gusto pang ako ang lumapit, siya itong nanghihingi ng yakap?
Ibinaba ko na lang ang braso ko para sabihing hindi ko na siya yayakapin. Naglungkot-lungkutan lang siya at siya na rin ang sumuko. Lumapit na lang din siya sa 'kin nang mas malapit pa saka inalok ang braso niya para yakapin ko siya.
Kinuha ko na ang kamay niya saka siya hinatak palapit hanggang sa makulong siya sa pagitan ng mga binti ko.
"Wala akong damit na sexy, puro malalaki na," sabi niya, nakanguso pa.
"Hindi mo naman kailangang magsuot ng fit na damit. Maganda ka naman kahit anong damit mo."
"Maganda ako, Leo?"
Tinaasan ko lang siya ng kilay bilang sagot. Ngumuso lang din siya at kunwaring nagtatampo sa sagot ko sa tanong niya.
Ipinatong ko ang mga kamay niya sa magkabilang balikat ko saka siya niyakap. Maliligo pa lang si Ky, pero ang bango pa rin niya. Kapag talagang yakap ko siya, gumagaan lagi ang pakiramdam ko.
Ang lambot ng dibdib ng Kyline. Hindi ko naman sinusubsob doon ang mukha ko, pero madalas kasi, kapag ganitong nakaupo ako, sakto lang kasi ang puwesto ng mukha ko doon sa gitna. Hindi naman siya nagrereklamo kung doon lumalapat ang mukha ko. Pero kung sina Calvin, nae-experience nila ang ganito nang madalas, hindi ko sila masisisi kung bakit gusto nila ang ganito.
Hindi ko naman minamanyak si Kyline pero ang lambot kasi talaga niya, parang ang sarap niyang kurutin nang sobrang higpit. Malay ko kung normal lang ba sa mga buntis maging ganito kalambot, pero nakakagigil ang lambot niya. May mga araw din na kinakagat ko siya at hindi ko rin alam kung bakit, pero hindi niya naman pinupuna kaya baka okay lang sa kanya.
"Leo, gusto mong dito matulog ngayon?" tanong niya habang hinahagod ang buhok ko.
"Magagalit mommy mo."
"Ay . . ."
Kung hindi lang ako bantay-sarado ni Belinda, dito talaga ako sa kanya matutulog.
Inilayo ko na siya sa akin saka pinisil-pisil ang pisngi niyang cute. "Kapag hindi na atribida ang mommy mo, dito na 'ko matutulog sa 'yo, ha?"
Ngumuso lang siya saka tumango. "Sige . . ."
"Maligo ka na muna. Kapag naabutan ako rito ng mommy mo, mag-aaway na naman kami panigurado."
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top