Chapter 45: Bravado
Bihira ang kompletong tulog ko kada araw. Tinanggap ko na 'yon noong magbuntis si Kyline at tumira ako sa kanila.
Alas-dose hanggang alas-dos ng madaling-araw, nakabantay ako kasi umiiyak si Kyline nang ganitong oras. Alas-singko ng umaga, babangon na agad ako para mag-jogging kasi ganitong time, mahimbing na ang tulog ni Ky. Nakakahiga na siya nang lapat sa kama basta maraming unan na nakasangkal sa katawan niya. Kada umaga, nagja-jogging ako kahit madilim pa. Iikutin ko ang buong subdivision at saka ako bibili ng pandesal sa maliit na bakery malapit sa highway. Favorite ito ni Kyline, lalo kapag may butter saka isinasabay niya sa oatmeal at gatas.
Dinaraanan ko rin minsan ang bahay ni Mama roon para sumilip, pero madalas na sarado pa nang ganoong oras ang gate kasi tanghali naman ang pasok ni Mama. Wala siyang idea na nandito ako malapit sa kanya. Ayoko ring sabihin kasi baka magpanagpo sila nitong mama ni Kyline.
Ang kaso, ngayong umaga, hindi ako makakapag-jogging kasi ayokong mapag-initan na naman umagang-umaga. Magbubukas kasi ng gate, baka isipin, may akyat-bahay. May baril pa naman ang may-ari nito, baka mula sa second floor, barilin ako bigla.
At dahil hindi ako makakalabas, maaga pa lang, inihanda ko na ang mga gagamitin ni Kyline. Madalas, nauuna muna kaming kumain bago ko siya paliguan lalo kung mag-e-exercise muna kami.
Natutulog pa siya nang matapos ako. Wala pang alas-sais ng umaga. Kaya nga nakapagbihis pa ako ng gray hoodie, running shorts, at running shoes pagbalik ko sa kuwarto niya.
Eksakto, kababangon lang niya at sinusunod na ang stretching na suggestion sa kanya ni Will.
"Good morning, Leo!" bati niya sa 'kin, ang lapad ng ngiti.
Hindi ako nagsalita. Isinampay ko lang ang hawak kong face towel sa balikat at pumuwesto sa likuran niya. "Hindi sumakit ang tiyan mo?" tanong ko at marahan siyang hinalikan sa sentido.
"Hindi po," sagot niya saka ako tiningala nang nakangiti. "Kakain na tayo?"
"Hindi ako nakabili ng pandesal mo. Ayokong lumabas nang madaling-araw, baka hulihin ako ng mommy mo sa gate."
"Ay . . ." Napanguso siya at dismayadong yumuko.
"Kakausapin ko muna para bukas mabibilhan na ulit kita."
"Sige . . ."
Mukhang dismayado nga, ang baba ng boses. Kinuha ko na lang ang bihisan niya para mag-exercise muna kami bago kumain.
Tumapat na ako sa kanya at kinuha ang laylayan ng evening dress niya para mahubad.
"Leo . . ."
"Ano?"
Pag-alis ko ng dress niya, ang lapad ng ngiti niya sa 'kin.
"Ano nga?" ulit ko pa.
"Kiss mo 'ko."
Tinaasan ko lang siya ng kilay kahit na gusto kong matawa. "At bakit?"
"Kiss lang," pagpilit niya, nagtatampo pa.
"Saka na. Kapag kasal na tayo."
"Matagal pa 'yon, e."
"E, di pumayag ka na para hindi matagal."
"Kiss lang? Kahit para kay Eugene?"
Napatitig ako sa kanya. Nakikiusap nga, nangungulit na naman.
"Fine," sabi ko at yumuko. Hinalikan ko ang umbok sa tiyan niya saka ako tumayo nang deretso. "Ayan, may kiss ka na saka si Eugene."
Napasimangot agad siya habang naiiritang nakatingin sa akin.
Yung mukha ni Kyline kapag naiirita, parang cute na tutang naliligaw ng bahay. Hindi nagma-match ang reaction sa situation.
"Ang damot mo naman, Leo. Para namang wala tayong pinagsamahan niyan."
Binagsakan ko agad ng towel ang mukha niya saka ako tumawa nang mahina.
Okay na sana ang pagiging mahinhin ni Kyline e, kaso straightforward magsalita.
"Sira," mahinang sabi ko saka kinuha ang sportsback bralette niya. "Saka na yung kiss mo, kapag trip ko na."
"Hmp! Damot."
Tinulungan ko na siyang isuot ang top niya habang nagpipigil ng tawa sa nanunulis niyang nguso.
Saka na ang kiss na makikita niya. Baka mamihasa, buntis pa naman.
Pagkatapos kong maisuot sa kanya ang leggings niya, pinaupo ko na siya sa kama at lumuhod ako sa kanang tuhod para isuot sa kanya ang jogging shoes.
"Leo . . ."
"Hmm."
"Ang taba ko na."
"Hindi ka mataba, malaki lang tiyan mo."
"Masikip na naman kasi 'to."
Tumingala ako para makita ang tinutukoy niya. Pisil-pisil niya ang nakaluwang parte ng dibdib niya sa bralette. Kabibili lang namin ni Will two weeks ago, bibili na naman kami?
"Ang dami ko na sigurong gatas. Kaso wala pa si Eugene, wala pang dedede sa 'kin."
Hinigpitan ko ang lace ng sapatos niya saka ko siya tiningnan. Nakatitig din siya sa 'kin.
"Hindi ako dedede diyan," sabi ko pa. "Huwag mo 'kong titigan nang ganiyan."
Sumimangot siya. "Magpapabili lang ako ng bagong bra sa 'yo. Grabe ka naman mag-isip, Leo."
Out of reflex ko siyang nabato ng towel sa mukha—yung padabog—gaya ng ginagawa ko kina Clark kapag nabubuwisit ako.
"Araaaay!"
"Huy, gago, sorry!" Napatayo agad ako at nahawakan siya sa mukha habang paiyak na siya. "Sorry, Ky."
"Ang sama mo talaga, Leo . . ."
"Sorry na, sorry na." Para lang hindi siya umiyak, pinaulanan ko na lang siya ng halik sa noo at sentido para patahanin.
Para kasing sira-ulo 'to si Kyline. Malay ko ba e, nagpaparinig siya kay Eugene saka sa gatas! Buang.
Para tuloy siyang pusa na pungas nang pungas habang pababa kami. Hindi ko na alam kung magi-guilty ako o tatawanan ko.
Lalo pa akong sumimangot nang makasalubong namin sa ibaba ang mama ni Kyline saka si Gina na mukhang mag-e-exercise din.
Naka-black na sando si Gina pero yung pinaka-strap, nakapaikot sa batok at parang backless na sa likod. Naka-black shorts lang din gaya sa mga nagbibisikleta at running shoes.
Ang mama ni Ky, naka-black sando saka cargo pants. Nakatirintas din ang buhok at mukhang character sa Counter Strike.
Takang-taka talaga ako kung paano naging asawa 'to ni Sir Adrian. Yung daddy kasi ni Ky, mabait saka parang hindi nananapak ng tao. Para ngang malapit pa sa ugali ni Patrick minus sa ka-conyo-han. Magandang lalaki si Sir Adrian, oo. Hindi naman magiging ganito kaganda si Kyline kung hindi e, halos magkahawig sila. Pero iba talaga ang dating ng mga Brias. Yung tipong maganda silang salubungin sa kalsada habang ngumunguya ka ng bubble gum habang naka-shades.
Hindi naman maikakailang maganda ang mama ni Kyline. Maganda rin ang katawan. Matangkad pa. Pero sana idinamay na ang ugali.
Si Ky, maganda rin saka maganda ang katawan at matangkad. Maganda rin sana ang ugali kaso binawian sa critical thinking.
Hindi talaga lahat nakukuha ng tao.
Akbay-akbay ko si Kyline habang nakikiramdam sa ibang kasabay namin. Kahit hindi ako nakatingin, pakiramdam ko, minamatyagan ako. Nagkaka-frisson ako sa balikat paakyat sa batok.
Pagdating namin sa bandang pool area, doon na kami huminto ni Kyline. Pati rin pala sina Gina.
Inilapag ni Ky ang phone niya sa round table at ginaya niya ang exercise nila ni Will para sa balakang niya. Nag-jogging naman ako habang pinanonood siya. At paminsan-minsan, inaalalayan ko ang likod niya kapag nagbe-bend at nalilipat na siya sa yoga part na kailangang umupo siya at mag-indian sit.
Ang sabi ni Will, maganda raw na sinasabayan si Kyline sa exercise. Sabi rin ng doktor, maganda na sinu-support siya para hindi siya laging nade-depress.
Kapag tinitingnan ko si Kyline, hindi ko alam kung anong tulong ang ibibigay ko. Bigat na bigat ako kahit nakatingin lang sa kanya, kahit pa every time na binubuhat ko siya, hindi naman talaga ako nabibigatan.
"Buti nag-e-exercise kayo," puna ni Gina habang nag-iinat at pinanonood kami ni Ky kanina pa.
"Opo," sagot ko.
"Hahaha! Huwag mo 'kong i-opo. 38 pa lang ako."
Napatango-tango lang ako kay Gina.
Kapag pinagtabi kami, walang maghihinalang mas matanda siya sa 'kin nang halos dalawang ulit.
"Nag-e-exercise ka, di ba?" tanong ng mama ni Ky habang minamata na naman ako. "Sumabay ka na sa amin ni Gina."
Biglang ngumisi si Gina sa gilid kaya nakutuban ko na agad na mukhang pahihirapan na naman ako nitong dalawa. Kung noong nakaraan, puro sila warning, mukhang uunti-untiin nila ako ngayon hanggang mapilitan akong sumuko rito.
Pero ano sila, sinusuwerte?
"Mom . . ." tawag ni Kyline at mukhang naramdaman din niya ang kasamaan ng mama niya habang binibiktima ako.
"Sumabay na siya. Kung hindi, lumayas na siya rito," sabi ng mama ni Kyline saka dumeretso sa may pergola at doon nag-inat ng katawan. Sumunod naman si Gina habang sumisipol para mang-asar.
"Leo, hayaan mo na sila." Napatingin ako sa braso kong kapit-kapit na ni Ky sunod ang mukha niya. Nag-aalala nga.
"Ayos lang," sabi ko. "Pahinga ka muna." Itinakip ko sa ulo niya ang face towel na dala ko saka lumapit kina Gina.
Ang taas ng kilay sa akin ng mama ni Kyline. Tinitingnan pa ako mula ulo hanggang paa.
"Masyado ka nang kampante, ha?" sabi niya.
Pinaikutan ko lang siya ng mata saka naghintay ng utos.
"Marunong kang mag-push-up?" hamon niya.
Gusto ko sanang sagutin ng, "Brias din ang unang nag-utos sa 'kin niyan at kamukha mo pa, hindi ka na nakakatakot." Kaso baka isipin nito, ini-inside job ko sila rito kasi corps commander ko dati si Ma'am Shannon.
"Sakto lang ho," sagot ko.
"E, di simulan mo na." At itinuro niya ng nguso ang sahig ng pergola.
Pasimple akong umirap sa gilid saka dumapa nang walang kahirap-hirap. Sumunod naman siya saka si Gina.
Ako pa ang hahamunin ng mga 'to e, nagpaparamihan nga kami nina William at Clark ng push-ups para lang makakuha ng masarap na lunch kay Rico. Sanay na sanay 'to sa pustahan kung ganito lang naman ang gagawin, akala ba nila?
Nakakakinse na ako pero bumagal ako kasi hindi sila nagmamadali. Nakita ko pang sumulyap sa akin si Gina at nakakunot ang noo.
Pasensiya sila, hasado na 'ko ng barkada ko sa ganito.
Nang matapos ang thirty rounds nila (na siguradong lampas sa thirty sa akin), nag-sit-ups na sila.
Nakaalalay ang mama ni Kyline sa binti ni Gina. Pero ako, kahit walang ka-partner, kaya kong mag-sit-ups nang ako lang.
Nakatanggap na naman ako ng mapanuring tingin sa kanila dahil nauuna na naman ako.
Adik sa gym ang isa sa barkada ko. Adik naman sa pustahan ang iba. Ano pa ba'ng aasahan nila sa akin? Magpapa-baby sa simpleng exercise lang?
Nagsunod-sunod ang routine at hindi ko na sila sinabayan. Sinusunod ko ang nakasanayan namin ng barkada. Squats, crunch, body twist, at planks. Hindi pa ako tapos sa pull-ups ko, iniwan na ako nina Gina kasi tapos na yata sila. Nag-pull-up na lang ako sa metal bar na ipinagawa ko pa kay Calvin noong huling dalaw nila. Mabuti nga't hindi napansin na meron pala nito rito. Mukha lang naman kasing sampayan.
Sakto lang ang timer sa suot kong digital watch kaya pagkatapos ko, binalikan ko na rin si Kyline. Nakaupo siya roon sa garden chair at umiinom ng handa ni Manang na juice.
Bumigat ang hoodie ko gawa ng pawis. Dapat pala hindi ko na ibinigay kay Kyline ang face towel ko.
Ayokong lumalapit kay Kyline na naliligo ako sa pawis o ang dumi-dumi ko. Pakiramdam ko, sasagap lang siya ng germs mula sa akin.
Pero kung tutuusin, wala namang kaso 'yon. May extra shirt naman akong dala kasi alam kong mapapawisan ako. Para lang mang-asar at maipakita sa iba diyan na tagtag na 'ko ng exercise at hindi na ako kailangang pahirapan, sinakyan ko na lang din ang kayabangan nila tutal niyayabangan na lang din naman nila ako.
Kinagat ko ang kuwelyo ng hoodie at saka 'yon hinubad. Pinili ko ang parteng tuyo pa at iyon na ang ipinampunas ko sa mukha ko at katawan para hindi naman nakakahiyang lalapit ako kay Kyline at amoy-pawis ako.
Nakatitig lang ako sa kanya habang papalapit at pinigil kong huwag tumawa kasi nakaawang na naman ang bibig niya sa 'kin. Napakabihira kong maghubad sa harapan ni Kyline pero para lang matahimik ang mama niya, kailangan kong maging mayabang ngayon. Baka kasi isipin nito, tamang lamon lang ako rito sa kanila.
Tutok na naman sa akin si Ky. Itong ganitong mga tingin sa 'kin ni Ky, alam ko nang naguguwapuhan na naman 'to sa 'kin. Kaso wala e, ganoon talaga ang mukha ko, pagtiyagaan na niya. Napansin din yata ni Manang ang itsura niya kaya ito na ang nagsara ng bibig niyang nakaawang.
Sinadya kong dumaan kung nasaan sina Gina para lang makita nilang hindi ako nakatunganga lang tuwing umaga. Nang wala silang nasabi, dinampot ko agad ang T-shirt kong nakaabang sa upuan saka nilapitan si Kyline.
Inabang ko ang kamay ko sa hangin, umaasang sasaluhin niya gaya ng lagi niyang ginagawa kapag umuuwi ako, pero tulala pa rin sa akin habang hawak ang basong may juice.
Wala na talaga 'tong pag-asa. Ang bilis ma-distract.
Hinawakan ko na lang siya sa balikat para lang maramdaman niyang nakabalik na ako sa tabi niya.
"Sabihin mo sa 'kin kung ano'ng oras ka gagamit ng pool para matulungan kitang magpalit," paalala ko.
"S-Sige," nauutal niyang sagot.
Ako na ang nagtaas ng kilay sa mama ni Kyline para maghamon. Si Gina, nakatingin sa kung saan habang sumisipol.
"Okay na po ba kayo?" tanong ko.
Inirapan lang ako ng mama ni Ky bago pumasok sa loob.
Huh! Ako pa ang pahihirapan niya e, hindi naman ako kasing-sensitive ng mga nanligaw rito sa anak niya.
"Leo . . ." Sa wakas, kinuha na rin ni Kyline ang kamay ko.
"Magsu-swimming ka na?" tanong ko.
Wala siyang sinabi pero parang nagpapaawa ang tingin. Siguro, dahil na naman sa mama niyang kontrabida sa buhay.
Napabuntonghininga na lang ako at tumango kahit wala akong idea sa tinatanguan ko. "Swimming na tayo. Hayaan mo na 'yang mama mo." Hinalikan ko siya sa tuktok ng ulo saka ko kinuha ang hawak niyang baso.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top