Chapter 43: Anxiety
"O, parating na raw si Linda," paalala ni Manang.
Kinakabahan ako. Masama pa rin kasi ang timpla ng mama ni Kyline sa 'kin.
May karapatan naman siya. Ina-acknowledge ko 'yon, matagal na panahon na. Pero nag-cha-chat siya paminsan-minsan sa 'kin. Pero halata sa chat niya na aburido siya. E, di tinatapatan ko rin. Kasi, ang akin, kung mai-intimidate ako sa kanya, lalamunin niya ako nang buo. Hindi naman sa hindi ko siya iginagalang, pero nakakabuwisit kasi.
"Basta, huwag kang mag-alala't ako'ng bahala sa 'yo," sabi ni Manang habang tinatapik ang likod ko.
"Salamat ho, Manang."
Mabait sa mabait si Manang Chona. Real talk lang madalas, pero mabait. Pinagagalitan din naman niya ako araw-araw kasi matigas ang ulo ko, pero hindi gaya sa mama ni Kyline na tagos sa buto kung magalit. May death threats din naman ako galing kay Manang pero hindi nakakatakot kasi idinadaan niya sa biro.
Pumasok na sa bakuran ang maroon pickup truck na maraming kargang kahon. Sa windshield pa lang, nakikita na agad ang mama ni Kyline na nakasuot ng shades. Si Gina ang driver.
Si Gina, casual siya. Hindi ko masabing kakampi pero hindi ko rin masabing kaaway. May times na side siya sa akin kapag tama ako, may times na sa mama ni Kyline siya pumapanig. But either way, masasabi kong kaya niyang tumimbang ng sitwasyon kasi kapag mali ang punto ng mama ni Ky, kontra agad siya. Ang reason niya, "Mahal ko si Belinda, pero kapag may point ka, iko-consider ko 'yon kasi may point ka." Kaya masasabi kong coherent din siya kapag kinausap nang seryoso.
Si Belinda Brias, aaminin kong nakakatakot naman talaga. Pero hindi na ako natatakot sa kanya mula nang sunod-sunod ang death threat ko tapos until now, humihinga pa rin ako. Nagkaka-anxiety ako pero hindi niya ma-trigger ang anxiety ko kasi umaangat ang pagkairita ko sa ugali niya.
Bumaba na sila ni Gina sa sasakyan at tiningnan ang bahay mula sa gate, na para bang ang tagal nilang nawala. Mahigit tatlong buwan lang naman.
Lesbian couple sila, pero hindi ko masabing may tomboy sa kanilang dalawa.
Si Gina, aaminin ko, maganda talaga. Maikli ang buhok pero hindi boy cut. Mukha siyang mas payat pang version ni Jennifer Lawrence na naka-pixie cut. Maamo ang mukha kahit maangas ang porma. Mahilig pa sa makeup na medyo punk saka may tattoo ang buong braso. Mas maliit siya kompara sa mama ni Kyline. Hanggang balikat lang siya. Maangas siyang kumilos at bagay silang magkumpare ni Clark, pero hindi pa rin siya masasabing tomboy sa kabila ng lahat ng 'yon.
Si Belinda Brias, may vibe ni Lara Croft, Charlize Theron, at Milla Jovovich sa Resident Evil. Nabubuwisit ako sa idea na matangkad siya at kayang-kaya niya akong tapatan kapag naghaharap kami. Mahaba ang buhok niya, mahilig pa sa makulay na damit maliban sa white. Sa kanya namana ni Kyline ang tindig. May partikular na tindig si Kyline na pang-beauty queen, ganoon din sa mama niya. Pero sa katawan, kahit maganda ang kurba ni Kyline, halatang na-maintain ang katawan ng mama niya. Malaki ang dibdib, flat ang tiyan na may abs, malaki ang balakang. Tapos long-legged pa. Tapos kung maglakad, parang pusa, inaangkin ang daan.
Kung nakuha lang talaga ni Kyline ang angas ng mama niya, baka high school pa lang kami, pinagpapantasyahan ko na siya.
Kaso sayang lang kasi mana si Kyline kay Sir Adrian. Mahinhin na makapal ang mukha na apologetic. Hindi magandang kombinasyon, parang dumaranas ng identity crisis minu-minuto.
"Ehem." Napalinis ako ng lalamunan kasi kami ni Manang ang sumalubong sa kanila kung sakaling may ipapabuhat sa loob.
"Linda, may bagahe?" tanong ni Manang.
"Nasa shop, Manang. Puro box lang 'yang nandiyan. Mamaya na namin pi-pickup-in 'yon ni Gina."
Nag-alis ng shades ang mama ni Kyline saka ako hinagod ng tingin mula ulo hanggang paa. Walang sinabi, dumeretso lang papasok sa loob ng bahay.
"Hi, Manang, I miss you so muuuuch!" Niyakap nang mahigpit ni Gina si Manang habang inuugoy-ugoy. Pagkabitiw niya, tinapik niya ako sa braso. "'Musta!"
"Ayos lang," bati ko. "Welcome back."
Ngumisi lang sa akin si Gina saka kumakandirit na sumunod sa mama ni Kyline.
"O, wala pang sinasabing lumayas ka kaya kakalmahan muna natin," paalala na naman ni Manang.
"Opo, Manang," matamlay na sagot ko.
Sumunod na kami papasok sa bahay. Naabutan naming nakayakap si Kyline sa mama niya mula sa gilid.
"Ang laki na. Ano'ng sabi sa last checkup?" tanong ng mama ni Ky.
"Healthy naman po. Saka may name na siya."
"Ano?"
"Eugene!"
"Oh . . ." Yumuko pa ang mama ni Ky para kausapin ang baby namin. "Hello, Eugene. You're coming home . . . at last."
Ang lambing ng boses ng mama ni Kyline kapag si Ky ang kausap. Pagdating sa akin, parang asong mangangagat.
Nagbibilang ako ng segundo habang inaasikaso nila si Kyline kasi bagong uwi nga sila.
"May pasalubong kayo, Mommy?" nakangiting tanong ni Ky.
"Of course, meron! Nasa shop pa lahat. Babalikan namin mamaya. Yung truck kasi ang dala namin, baka mapuno ng gun powder kapag inilagay sa likod."
Para akong batang nakatayo lang sa sulok sa likod ng pinto habang nanonood sa ibang bata na inaasikaso ng magulang nila.
Alam ko namang bahay 'to ng mga Brias at Chua, pero naging bahay ko rin ito noong wala pa sila. Ngayon, pakiramdam ko, wala na ulit akong bahay.
"Stay here first. Kakausapin ko lang si Manang." Pinaupo si Ky sa may couch kung saan kami madalas tumambay.
Pinatawag na si Manang. Sumenyas si Manang na sumama ako kaya sumunod naman ako. Dumeretso kami sa kitchen para doon mag-usap-usap.
"Linda," mahinahong tawag ni Manang habang kapit-kapit niya ako sa braso.
"Bakit, Manang?" Nagkrus ng braso ang mama ni Ky saka tinaasan ako ng kilay sunod si Manang na bigla rin niyang iniwasan ng tingin.
"Baka naman puwedeng dito na lang si Leo," naglalambing na pakiusap ni Manang.
"Manang . . ."
"Mabait naman 'tong bata. Inaalagaan nitong mabuti si Belle. Tinutulungan din ako sa gawaing-bahay habang wala ang dalaga ko."
"Manang, may napag-usapan na ho tayo rito, di ba?" pigil ang inis na paalala ni Belinda.
"Ako ang bahala kay Leo. Walang gagawing masama ang batang 'to rito. Kung sakali mang meron, palayasin mo na lang din ako."
"Manang!" sabay pa kami ng mama ni Kyline.
"Linda, ito'y tatay ng anak ni Belle," mahinahong paliwanag ni Manang habang tinatapik ang tiyan ko nang mahina. "Walang masamang hangad 'to sa pamilya nila ng anak mo. Nandito ito dahil inako nito ang responsabilidad niya sa aasawahin niya. Maraming dahilan ito para lumayas pero nandito pa rin. Isipin mo na lang na para din ito sa magiging apo mo."
"Manang, tayo nga ho muna ang mag-usap." Bumaling sa akin ang masamang tingin ng mama ni Ky. "Umalis ka muna."
Wala talagang kaamor-amor 'to.
Hinagod ko na lang ang likod ni Manang saka ako nito nginintian nang matipid para sabihing sumunod na lang ako. Lumabas na ako ng kitchen at binalikan si Kyline.
"Ano'ng sabi ni Mommy?" tanong agad niya paglapit ko.
"Hindi ko pa sigurado. Sana okay lang sa kanyang dito muna ako." Pag-upo ko sa couch, hinawakan ko agad ang tiyan ni Kyline na may kaunting paggalaw na.
Ayokong umalis. O . . . gusto kong umalis pero kasama si Kyline at ang baby namin.
Wala kaming naririnig galing sa kitchen area. Si Gina, may dala-dala nang isang bote ng juice galing doon.
"Gina, ano'ng sabi ni Mommy?" tanong ni Kyline, halatang hindi na makapaghintay.
"Titingnan pa. Pero baka hindi muna paalisin dito si Leo."
Pinigil kong huwag ngumiti nang marinig ko 'yon.
Hindi sa malakas ang pananalig ko kay Manang, pero dapat lang naman kasing mag-stay ako kung nasaan si Kyline. Parang mga walang common sense ang mga tao sa bahay na 'to.
Tumagal pa nang isang oras ang pag-uusap nina Manang. Hindi ko rin alam kung bakit ganoon katagal. Tanghali na nang sabihin ni Manang ang balita.
"Ito na't nagkasundo na kami ni Linda," sabi niya habang nakaupo kami ni Kyline sa couch. Katabi ni Manang ang mama ni Kyline na pairap-irap lang sa gilid.
"Hindi na po aalis si Leo?" nakangiting tanong ni Kyline.
"Hindi aalis si Leo, pero doon pa rin siya sa guest room matutulog."
"Leo!" Nayakap ako ni Kyline. Ipinalibot niya ang braso niya sa akin at idinantay niya ang pisngi sa kaliwang balikat ko. "Dito na lang siya, Mommy!"
"May magagawa pa ba 'ko?" masungit na sagot ng mama ni Ky at umirap na naman.
Ang laki ng pasasalamat ko kay Manang kasi napagbigyan ako dahil sa kanya. Hindi 'yon sa gusto ko rito sa mga Brias at Chua kundi gusto kong makasama pa nang mas matagal si Ky at ang baby namin.
Nagpapasalamat akong wala akong pasok ngayong araw. Hindi ako uuwi at magtatanong kung bakit nasa gate ang mga gamit ko kasi mama na ni Kyline ang nagpalayas sa akin.
Ganitong oras, nasa living room kami.
Malaki ang living room nina Kyline. May sofa set sa gitna at may coffee table na glass doon. Malalayo rin ang mga bintana na may mahahabang kurtinang puti. Komportable roong tumambay saka malamig lalo kapag binubuksan ni Manang ang bintana para makapasok ang hangin.
Pinasandal ko si Kyline sa couch at nilagyan ng patungan ng paa. Ako naman, gumagawa ng draft. Paminsan-minsan, nagpapatulong ako sa mga kakilala ko kina Tito Bobby sa paggawa ng mechanical draft, lalo sa diagram. Iba talaga kapag may kakilang exposed sa field. Iba ang turo ng professor sa talagang actual na umaayos ng machines.
May mga dala sina Gina sa truck at iyon ang inaayos nila ngayon. May pinapasok sa storage at may inilalabas doon. Gusto ko sanang tumulong pero bigla kong nakita ang kahon ng mga baril na inilalabas ni Gina.
Ang tagal kong hindi nakakita ng baril. Sa isang iglap, parang nagbago ang paligid ko habang nakatitig nang mabuti sa kahon.
"Help, please . . ."
Napahigpit ang pagkakahawak ko sa pen habang napapapikit nang mariin.
"Please, don't kill me . . ."
Parang masamang panaginip na biglang bumalik ang lahat sa akin. Nakikita ko si Kyline na umiiyak habang tinututukan ng baril sa ulo.
Nagtataasan ang balahibo ko sa batok. Lalong lumamig sa paligid. Naninikip na naman ang dibdib ko at hindi ako makahinga nang maayos.
"Leo . . ."
Ang tagal ko nang hindi umiinom ng gamot. Naririnig ko na naman ang tawanan ng barkada ni Elton sa amin.
"Leo, masakit . . ."
Parang sirang pelikula sa utak ko ang mukha ni Kyline na paulit-ulit bumabalik, umiiyak siya habang nagmamakaawa sa harapan ko.
"Leo, okay ka lang?"
Kailangan ko ng gamot.
"O, ano'ng nangyari diyan?"
"Leo . . . you're scaring me. Ano'ng nangyayari?"
Napakapit ako sa gilid at naramdaman kong sinalo ni Kyline ang kamay ko.
Ang bigat ng paghinga ko habang nakahawak sa kanya nang mahigpit.
Ayaw mawala ng mga ingay sa loob ng utak ko. Nakarinig ako ng malakas na putok sa kanang tainga. May nagtatawanan sa kaliwa.
Mabilis akong bumitiw kay Kyline at tinakbo ang malapit na laundry area sa labas ng bahay. Napayuko ako at doon dumuwal.
Nasusuka ako sa hindi ko malamang dahilan.
Ang bigat ng paghinga ko habang inilalabas ang lahat ng laman ng tiyan ko kahit hangin at tubig na lang ang natitira.
"Uy, Leo! Hala, ano'ng nangyayari sa 'yo?" Tinapik-tapik ako ni Manang sa likod at hinagod-hagod 'yon. "May sakit ka ba?" Hinawakan niya ang noo at leeg ko. "Ang lamig mo, a! Malakas ba ang air con? Ano'ng nararamdaman mo, anak?"
"A-Ayos lang ho ako, Manang . . ." Ang lalim ng hugot ko ng hininga habang sinusuntok nang mahina ang dibdib kong kinakapos sa hangin.
"Ay, paanong ayos e, nakita mo 'yan?"
Mabilis akong nagpunas ng bibig saka matang nabasa ng luha.
"Doon ka muna sa loob. Ay, pinapagod mo kasi ang sarili mo, nakita mo na 'yan?" Kahit maliit si Manang, nakuha pa niya akong akayin papasok sa kitchen area na karugtong ng laundry area mula sa labas.
"Leo, okay ka lang ba?" Naabutan namin doon si Kyline na nag-aalalang nakatingin sa akin.
Kumuha agad si Manang ng tubig para sa akin at pinaubos ang laman ng isang baso.
"Papahinga lang ho ako saglit, Manang," paalam ko.
"Ay, dapat lang! Ayan na nga ba'ng sinasabi ko. Pupuyat-puyat ka pa. Sabi nang huwag pababayaan ang sarili, e!"
Nakaalalay sa akin si Manang saka si Kyline habang inaakyat ako sa second floor. Dinala nila ako sa guest room at doon iniupo sa kama.
"Ako na'ng bahala sa mga gamit niya sa ibaba," sabi ni Manang.
"Salamat po, Manang," sagot ni Kyline. Naupo siya sa tabi ko habang hinahagod ang buhok ko. "Leo, gusto mo bang pumunta sa ospital? May sakit ka ba?"
Hindi ako makasagot. Umiling lang ako. Wala akong dalang gamot para sa sudden anxiety attack kaya hindi ko alam ang gagawin.
"Dito ka muna, Ky . . ." pakiusap ko.
Tumango naman siya. Gusto ko lang namang mag-stay siya rito sa tabi ko hanggang kumalma ako pero hindi ko alam kung paano ko pakakalmahin ang sarili ko.
Hawak niya ang kamay ko nang tumayo siya sa harap ko at saka niya ako niyakap. Nakasubsob lang ang mukha ko sa ibabaw ng dibdib niya habang hinahagod niya ang likod ko.
Napapikit na lang ako habang unti-unting gumagaan ang pakiramdam dahil sa ginagawa niya. Ipinalibot ko ang mga braso ko sa baywang niya at lalo pa siyang inilapit sa akin.
Unti-unti, tumatahimik na ang ingay sa loob ng utak ko. Mabagal at napapanatag na rin ang paghinga ko.
"Leo, if hindi ka okay, let me know. Pupunta agad tayo sa hospital."
Hindi ako sumagot. Tiningala ko na lang siya. Malungkot ang mga mata niya . . . pero hindi umiiyak gaya ng nakikita ko kanina habang masama ang pakiramdam ko.
"Ky . . ."
"Tatawagin ko ba si Manang?"
Mahina akong umiling. "Tutulog muna ako saglit."
"Ha? Ah . . . s-sige . . . lalabas na 'ko."
"Dito ka muna."
"Ha? Ah . . . o-okay."
Sumandal ako sa headboard at papikit-pikit. Gusto kong magpahinga kahit saglit lang.
Pinaupo ko siya sa lagi naming puwesto. Alam kong hindi masakit ang tiyan at likod niya pero pinahiga ko siya sa harapan ko pasandal sa akin.
"Hindi ba ako mabigat?" tanong niya.
"Hindi." Niyakap ko siya mula sa bandang balikat saka ko idinampi ang pisngi ko sa sentido niya. Dinig na dinig ko ang lakas ng tibok ng puso ko habang nakapikit.
"Ky . . ."
"Bakit?"
"Huwag mo 'kong iiwan, ha . . ."
Naramdaman kong marahan siyang tumango. "Okay. Pero . . . paano kung pupunta ako sa toilet?"
Kyline . . .
Diyos ko, Lord. Bakit ba ang slow niya? Nakakaiyak talaga, 'tang ina.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top