Chapter 41: Panic


Messenger

Belinda Brias
Uuwi na kami sa bahay next week.
12 mins ago • 11:34 AM • Sent from Messenger

Leopold Scott
K.
Just now • Seen at 11:46 AM


Uuwi na ang atribidang nanay ni Kyline. 'Tang ina, wala na akong balak bumalik kina Tito Bobby kasi nakakahiya naman. Yung bahay ko, hindi pa ready para tirhan. Mukhang kailangan ko nang madaliin ang pag-ayos ng papeles n'on.

"Tumawag si Linda, uuwi na raw sila sa susunod na linggo," kuwento ni Manang habang tinutulungan ko sa paglinis ng mga ginamit niya sa pagluluto ng hapunan.

"Nag-chat nga ho, Manang," sabi ko. "Hindi ko nga ho alam ang gagawin ko. Ayoko hong iwan si Kyline dito, e."

"Gusto mo bang kausapin ko si Linda? Makikinig 'yon sa akin."

Napangiti ako nang matipid. "Baka ho pati kayo, pagalitan n'on, Manang."

"Ay, hindi 'yan, sus!" Hinawi pa ni Manang ang hangin gamit ang mabula niyang kamay. "Ako'ng bahala sa 'yo."

Tinawanan ko na lang nang mahina si Manang. "Sige ho, Manang. Salamat ho."

Sa totoo lang, ayoko talagang iwan si Kyline kahit pa mababantayan siya ng dalawa niyang matagal nang bantay rito sa bahay nila.

Gusto kong ilaban ang karapatan ko bilang tatay ng baby para makasama si Kyline. Kaso kung sakaling sabihan ako ng mama ni Ky kung saan ko ititira ang anak niya, baka matahimik ako bigla. Maliban sa hindi pa ready ang bahay ko, wala pa akong malilipatang apartment. Ayokong tangayin si Kyline kina Tito Bobby kasi nakakahiya na talaga. Mas lalong ayoko sa bahay ng parents ko kasi ayaw nga nila kay Kyline.

Gabing-gabi, tumawag ako kay Clark.

"Masakit na naman tiyan ni Kyline?" bungad na bungad niya, wala nang hello-hello.

"Hindi. Tulog na sa kabila," matamlay na sagot ko.

"Buti naman. O, ano ba? Ba't ganyan boses mo? Pinalalayas ka na naman?"

"Uuwi na kasi mama niya next week. Wala pa akong malilipatan."

"Uy, gago, legit ba?" Narinig kong may kumaluskos sa background niya. Mukhang nakahiga na rin siya at bumangon lang.

"Yung bahay sa West, ready na ba? Mga kailan 'yon?"

"Dude, malapit na 'yon, pero hindi kakayanin next week. Mga next month siguro. September, gano'n. First or second week. Pina-finalize pa ang transfer of rights n'on, e."

Mid-August naman na. Pero kailangan ko ngang next week.

"Hindi ako makahanap ng apartment ngayon. Ayokong iwan si Ky rito. Makakaikot ba kayo rito sa bandang Dolleton kung may bedspacer sa malapit? Hindi ko puwedeng dalhin si Kyline kapag maghahanap ako, e."

"Bakit hindi mo na lang sabihin sa mama niya na diyan ka muna. Kahit para sa baby, 'ka mo."

"Alanganin 'yon, dude. Nagmemeryenda nga ako ng death threats galing sa mama ni Ky, gusto mo pang araw-arawin ko?"

Umaasa akong matatawa si Clark o kaya magbibiro ng walang kuwentang joke pero walang reaksiyon. Napatingin pa ako sa screen kung naputol na ba ang linya o ano, pero nasa call pa rin naman siya. Wala ring conference call kasi walang piano sound.

"Hoy, Clark."

"Saglit."

Nasa linya pa.

"Ano ba? Nagbabanyo ka ba? Kadiri ka."

"Hindi, gago. Chine-check ko ang records ko kung kayang i-rush yung bahay sa West. Fully-furnished naman na 'yon, waiting na lang sa approval para tirhan."

Himala, hindi sabog kausap ngayon 'tong gagong 'to.

"Next month pa talaga, 'tol. Pero ipapa-confirm ko kung kaya ASAP. Sabihin mo na lang muna sa mama ni Kyline na doon ka muna sa kanya. Masanay na siya sa 'yo, 'ka mo. Wala na siyang magagawa, inflitrated na household niya ng mga Scott."

"Ulol."

"Uy, susunduin ka pala namin bukas ng umaga, nasabi na ni Calvin?"

"Oo, kanina. Dadaan naman tayo sa Aura, di ba?"

"Yuh! Bakit?"

"Bibilhan ko sana si Kyline ng bagong dress. Nahihiya raw siya, kada pa-checkup namin, iisa lang ang suot niya na nakikita ni Doktora. Baka isipin, hindi siya nagpapalit ng damit."

"E, di sige. Sarado pa mall n'on, 'tol, umaga tayo aalis."

"Saglit lang naman mamili ng damit, di ba?"

"Tanghali na tayo uuwi. Oks lang ba kay Kyline 'yon? Hindi ka ba hahanapin?"

"Tatawagan ko naman si Ky. Okay lang 'yon. Bibili naman ako ng damit niya, e."

"Bahala ka. Ikaw naman 'yan."



♥♥♥



"Oo nga, nasa kuwarto."

"Dala ho ba yung phone niya?"

"Nasa kanya."

"E, bakit hindi sinasagot?"

"Ay, hindi ko rin alam, anak. Basta ang sabi, busy siya. Nagbabasa lang naman."

Ano ba naman 'tong si Kyline?

Napapakamot na lang ako ng ulo. Nasa biyahe pa lang kami. Kakasundo pa lang namin kay Will. Papunta pa lang kami sa shop sa may EDSA malapit sa Ortigas. May dadaanan nga raw doon si Calvin at bibili rin ng decals para sa bagong kotse niya.

Hindi pa kami nakakapunta sa mall, hindi ko pa nabibilhan si Kyline ng dress niya. Tapos ngayon, hindi pa sumasagot sa calls.

"Dude, baba n'yo na nga ako. Uwi lang ako saglit," sabi ko.

"'Tang ina naman, Leo, nakikita mo ba 'yang langit, ha?" Itinuro ni Clark ang bintana ng van. "Nasa flyover tayo, gago ka ba? Gusto mo ibato ka namin palabas ng van?"

"Si Ky nga kasi, hindi sumasagot!"

"E, sabi naman ni Manang, safe naman daw!"

"Si Kyline, hindi magsasalita 'yon kahit mamatay-matay na sa sakit ng tiyan 'yon!"

"Ang OA mo talaga, putang ina. Bakit n'yo ba hinayaang ma-in love 'to kay Kyline, ha?!"

Nagpapaluan na kami ni Clark kasi kanina pa siya sabi nang sabi na hayaan na nga si Kyline kasi sabi ko nga kagabi, ayos lang na ma-late kami ng uwi.

E, hindi nga kasi sumasagot sa call ko! Paanong hindi ako mag-aalala?!

"Stop it, guys! Ano ba! Stop it!" Kahit si Patrick, nakikipalo na rin sa amin kasi napapalo na namin siya ni Clark habang nasa gitna namin siya. "Ouch! My face! My God! I said, stop it!"

"Calvin, tawagan mo nga si Kyline!" malakas na utos ko. "'Tang ina naman kasi, ayaw na namang sumagot ng babaeng 'yon, e."

"Nagda-drive ako, pota!" sigaw rin niya.

"Si Rico patawagin mo!"

"Oo na! Oo na! Tumigil na kayo. Ang iingay n'yo," sagot ni Calvin.

Si Rico ang nasa passenger seat katabi ni Calvin na driver namin kaso isa ring walang dulot itong Dardenne na 'to sa buhay.

Sumunod naman si Calvin. Tumawag nga kay Kyline ang gago kahit nagmamaneho.

Kapag 'yan sinagot ni Kyline at ako ang hindi, talagang pag-uuntugin ko na silang dalawa.

"Sumagot na?" tanong ko agad.

"Wait lang, nagri-ring," sabi ni Calvin.

Ilang segundo pa saka nagtanong ulit ako. "Hindi pa rin sumasagot?"

"Nagri-ring pa nga lang, puta naman, Leo, napakaano, ha?"

Nabubuwisit ako, ayaw pa ring sumagot ni Kyline.

"Wala, busy ang line," sabi ni Calvin at inilapag ang phone niya sa dashboard.

"Paanong busy, e dapat kumakain na 'yon ngayon?"

"E, kumakain naman pala, bakit tinatawagan mo?" sigaw ni Clark.

"Lagi ko siyang tinatawagan kahit kumakain siya!"

"Ay, wow! Ang clingy amputa! Ilayo n'yo nga ako rito, nandidilim paningin ko rito kay Leopold!"

Naghampasan na naman kami ni Clark at sumigaw na naman si Patrick.

"Ano ba! Not my handsome face, you fucking creeps! Stop the car! I'll change seat na kay Rico! Early Bird! I said stop the fucking car!"

"Hoy, gago, bahala ka diyan!" sigaw ni Calvin sa harap.

"Hahaha! You chose that Patrick," natatawa pang sagot ni Rico.

"Will! Help me! I don't want na here!" Tumalikod sa upuan niya si Patrick at pilit sumiksik sa sandalan ng upuan namin para lumipat sa puwesto ni Will sa likod kasama ng mga bag namin.

"Sabi na kasi sa 'yo, huwag kang tatabi diyan, e," sermon ni Will kay Pat.

Gumapang paakyat ng upuan namin si Patrick hanggang sa makalipat siya likod.

Pagbaba namin ng flyover, nag-U-turn agad si Calvin.

"All right! Canceled na muna ang gala today," sabi ni Rico sa amin at natahimik kaming lahat. "We'll go sa Dolleton. Doon muna tayo kay Kyline. Vin, next time na ang decals mo. Kayo na lang ni Patrick ang pumunta, or kung sino ang free. Clark, leave Leo alone. If Ky's not answering the phone, baka may something nga. Let's consider this first, okay? We'll talk to Ky pagdating sa kanila."

Alam ko namang medyo hirap na kaming makakuha ng schedule ngayon kasi hindi na sila mga estudyante at ako na lang ang nag-aaral. Pero sabi ko nga, kahit ako na lang ang ibaba nila at tumuloy na sila sa shop. Kaso si Rico na ang nag-decide. Hindi hininto ni Calvin ang van, nag-drive na rin siya papuntang Alabang.

Wala pang one hour, nasa bahay na ulit kami. Wala kaming napala sa biyahe kundi magsakitan lang at magsigawan.

"Manang, nasaan na ba ang Kyline my loves ko?!" sigaw agad ni Clark.

"Tumigil ka diyan! Ang ingay mo!" Sinipa ko siya bago ko tinakbo ang paakyat sa second floor.

Ano ba? Tulog ba 'to? Bakit ang tahimik dito?

Marahan na akong naglakad papunta sa kuwarto niya. Ultimo pagbukas ko ng pinto, marahan din kasi nga baka tulog. Pero naabutan ko pa siyang nakaupo sa kama at gulat na gulat na makita ako.

"Bakit hindi mo sinasagot ang call ko?" Gusto kong sumigaw, sa totoo lang. Gusto kong sermunan 'to. Hindi naman pala tulog. Hindi naman pala busy. E, bakit ayaw sumagot ng call?

Balak pa sana niyang bumangon kaso natigilan ako kasi napahawak siya sa bandang likod habang kagat-kagat ang labi. Marahan siyang bumalik sa kama habang kunot na kunot ang noo at marahang humihinga.

Diyos ko, bakit ba ako pinahihirapan ng babaeng 'to?

Wala na. Natunaw na ang inis ko paglapit ko sa kanya.

Mukhang sumasakit na naman ang likod at tiyan.

"Di ba, sabi ko, dalhin mo lagi ang phone mo?" mahinang sermon ko at pilit pinabababa ang boses. "Nasaan ang phone mo?"

"Sa drawer," matamlay niyang sagot.

Binuksan ko ang drawer ng nightstand sa tabi ng kama. Tiningnan ko kung bakit hindi siya sumasagot sa calls.

98 missed calls. 23 unread messages. Naka-off ang data. Naka-silent pa.

"Bakit naka-silent 'to?" tanong ko at inilapag na sa nightstand ang phone. "Ano'ng problema, bakit ayaw mong sumagot sa calls ko? Sumasagot naman si Manang, sinasabihan ka rin."

"Si Manang naman ang lagi mong kinakausap. Siya naman ang lagi mong sinasagot kaya sa kanya ka na lang din magtanong."

Aba!

Namimilosopo ba 'to?

Ano na namang ginawa ko at umiiwas na naman 'to? Dinalhan ko na siya kagabi ng cake, a. Wala naman siyang sinabing kung ano kagabi.

"Bakit ayaw mo 'kong kausapin?" tanong ko kasi ang tahimik niya.

"Aalis ka na next week . . ." Yumuko pa siya at kinuyom ang kumot na nakapatong sa kandungan niya. "Ayoko lang masanay na lagi kang tumatawag."

Punyeta.

So, hindi ako sinasagot kasi ayaw masanay?

"Hindi naman ako helper dito," sagot ko. "Aalis ako rito next week kasi babalik na yung mommy mo para alagaan ka, pero tatawag pa rin ako kasi baby ko rin 'yang dala mo."

"Bumalik ka na lang kapag malaki na ang baby ko," sagot niya, at maiiyak na naman sa harapan ko. "Bumalik ka na lang kapag may isip na siya, para hindi ko na kailangang mag-explain kung bakit ganito tayo."

"Kyline, ano ba'ng nangyayari sa 'yo, ha?" nabubuwisit ko nang tanong.

Nanaginip ba 'to nang masama? Ano na namang pinag-iisip ng babaeng 'to at ganito na naman ang sinasabi nito?

Diyos ko, mababaliw na ako rito kay Kyline.

Bigla na siyang umiyak nang tahimik at punas lang siya nang punas ng mukha niya.

"Nahihirapan ako, Leo . . . hindi ko deserve mahirapan nang ganito . . ."

Tsk. Ako na ang hindi makapagsalita.

At talagang iiyakan niya ako ngayon?

Okay pa kami kagabi. Sinabi ko naman na aalis ako kasi bibilhan ko siya ng gamit at may lakad kami ng barkada. Pinagsabay ko lang. Bakit umiiyak na naman siya at ganito na naman?

"Ang dami ko pang gusto kong gawin sa buhay ko . . . ang dami kong pangarap para sa sarili ko . . . wala naman akong masamang ginawa pero bakit naman ganito ang nangyayari sa 'kin . . ."

Tumingin na siya sa akin habang umiiyak pa rin.

"You deserve your happiness, I deserve my peace, our baby doesn't deserve a toxic family. Huwag na lang nating pilitin yung atin kung hindi kaya. It won't make you less of a man kung hindi mo ako paninindigan. I can live without you . . ."

Napaiwas agad ako ng tingin at pinigil ang sarili kong huwag sumigaw.

I can live without you . . .

Don't tell me, talagang pinalalayas na niya ako rito? Bakit? Kasi sabi ko, lilipat na ako kasi uuwi na ang mommy niya?

Napabuntonghininga na lang ako at tumango.

Sabi ni Will, buntis kaya normal lang daw maging dramatic at overthinker si Kyline. Pero grabe naman kasi.

Bibili lang sana ako ng damit niya kaya nga ako sumama sa barkada para isang lakaran na lang. Tapos pag-uwi ko, babanatan ako ng, "I can live without you"?

Putang ina, yung stress ko, hindi ko alam kung saan ko na ilulugar! Kahit ako, naiiyak na rin sa sobrang frustration.

"I deserve my peace, too. More than happiness, mas deserve ko ang peace of mind," pagsuko ko na lang sa kanya. "Kaya please lang, huwag mo rin akong pahirapan. Simpleng pagsagot lang sa call, Kyline. Simple lang 'yon."

Lalo pa siyang naiyak habang nagsasalita ako.

"Hindi ko pinipilit ang sarili ko sa 'yo, kasi hindi ko ugaling ipagsiksikan ko ang sarili ko sa ayaw sa 'kin. I'm still unstable right now, at hindi ko alam kung paano ka kakausapin nang hindi nakakaramdam ng guilt na nahihirapan ka because of me. Pero pinipilit kong maging okay para sa 'yo para maalagaan kita. Simpleng call lang, Ky . . . huwag mo naman akong pahirapan."

Dinampot ko ang face towel na nakapatong sa unan na katabi niya saka pinunasan ang mukha niyang basa na naman ng luha.

"Huwag ka nang umiyak. Magbibihis lang ako, kakain na tayo."

Bumalik ako sa kuwarto ko at mabilis na nagpalit ng pantalon at nagsuot na ng pambahay na shorts. Kinuha ko na lang ang T-shirt ko at doon na ako nagbihis habang patawid sa kabilang kuwarto.

"Sorry, Leo . . ."

Parang batang nakanguso si Kyline at namumula na naman ang mukha gawa ng pag-iyak.

"Hayaan mo na 'yon." Kinuha ko ang kamay niya at inalalayan siyang tumayo.

"Galit ka sa 'kin . . . ?" naiiyak niyang tanong.

Napabuntonghininga na lang ako at inayos ang buhok niya na dumikit sa noo at pisngi niya. 

Paano ako magagalit e, ganitong hindi pa ako sumisigaw, umiiyak na siya.

"Hindi ako galit" sabi ko na lang. "Tara na sa baba. Tanghali na, hindi ka pa kumakain."


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top