Chapter 40: Admission



Ang takaw sa tulog ni Kyline sa hapon kasi nga puyat sa gabi kaya dinala ko na sa kuwarto muna ng mama niya dahil amoy pintura sa kuwarto naming dalawa. Hindi ganoon katapang pero naaamoy pa rin kapag dumadaan kami sa hallway at naduduwal nga raw siya.

Meron naman nang remedyo roon sina Calvin, pero sabi nga nila, hindi naman instant na mawawala ang amoy ng pintura. Hihintayin lang ma-absorb ng charcoal, tubig, kandila, vinegar, saka lemon ang amoy. Sabi ko, ang OA naman na ang daming inilagay na kung ano roon. Pero sabi nga nila: more entry, more chances of winning.

Mga sira talaga.

"Buti pinayagan kayo ng mama ni Kyline," sabi ko sa kanila. Nagmemeryenda kami sa pool area habang nagpapalipas ng oras.

"Ang tagal na kaya naming nire-request 'yon," sabi ni Clark. "Last month pa."

Nagsalubong ang kilay ko. "Tapos hindi n'yo sinasabi sa 'kin?"

Inakbayan ako ni Will saka tinapik-tapik ang balikat ko. "Dude, full load ka na. Hindi mo puwedeng buhatin lahat nang sabay-sabay."

"Truth!" sagot agad ni Clark na nakaupo sa tabi ni Calvin.

"Maliit na bagay lang ang nursery room, Leo," sabi ni Rico. "At least, by this time, you don't have to worry about the baby's room na. Therapeutic din 'yon for Ky since she's expecting the baby a few months from now. Busy ka sa study mo saka inaalagaan mo pa si Ky. You've got no time to buy things for the baby."

"Gumastos pa kayo. Puwede namang hindi," sermon ko.

"Si Pat lang naman ang gumastos. Wala namang ambag na iba 'yan maliban sa pera, e," sagot ni Clark.

Ngumuso lang si Pat at nagkibit-balikat.

"Niregaluhan na nga ako ng motor ni Pat, wala pa bang ambag 'yon?" katwiran ko.

"Dude, that's for your service din naman. Para hindi ka na nagko-commute since you don't like a car nga, di ba?"

"Wala namang kinalaman sa baby 'yon," sabi ni Will. "Iba pa rin kapag may diapers saka bottles nang naka-ready."

"But Leo can go home as early as possible for Kyline since he can go sa shortcuts naman if traffic sa main road, dude. It's still for the baby. Just trust the process," depensa ni Pat.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano magpapasalamat sa barkada ko.

Ako na nga ang late na makaka-graduate, ako pa ang mauunang magkaanak. Halos buong barkada ko, mga babaero. Tapos kung sino pa ang ayaw ma-involve sa babae, siya pa ang mauunang magkaanak. Napakamalas ko rin talaga.

"Wala pa bang name?" tanong ni Rico. "I mean, the baby's a male, di ba?"

"May suggestion ako," sabi ni Clark. "Gusto ko pangalan ng baby: Clark Jr., para sure na pogi, mana sa ninong."

"Kadiri ka, dude! Pati baby, hindi mo pinatawad!" Sabay-sabay nila siyang pinalo ng throw pillow dahil doon sa suggestion niya.

Ako nga, walang naiisip, e.

"Pero tanggap mo na?" biglang sabi ni Will.

Napahinto sila sa pagkuyog kay Clark sa tanong ni Will.

"Na ano?" tanong ko rin.

"Na love mo si Ky. Yieee!" nakangising dagdag ni Clark.

Mabilis ko siyang binato ng throw pillow sa mukha. "Tantanan mo 'ko diyan, Clark."

"Ba't kasi ayaw mong aminin? Gusto mo agawin ko si Ky sa 'yo?"

Hinatak ko ang throw pillow na kandong ni Patrick saka ibinato kay Clark.

"Tigilan mo si Kyline, ulol."

"Hahahaha! Grabe, Denial King ampota!"

Nabubuwisit talaga ako sa mga 'to. Eto na naman kami kay Kyline.

"Bakit ba kasi big deal sa inyo? Inaano ba namin kayo ni Kyline, ha?" reklamo ko sa kanila.

Natatawa na naman sila sa akin, pero si Clark lang ang kung makatawa, ang sarap salaksakin ng flag pole sa bibig.

"Dude, just do Kyline a favor by not thinking na worthless pa rin siya until now," paliwanag ni Rico.

Anong worthless?

"Nagkukuwento si Ky," dagdag ni Calvin. "Open naman si Kyline sa feelings niya towards you since freshman year. Graduate na siya. Still, walang progress for her."

"Anong walang progress, e inaalagaan ko nga?" katwiran ko.

"Natatakot pa rin sa 'yo si Ky, dude," sabi ni Will. "Like . . . she's trying to get close pero . . ."

"You're pushing her away," panapos ni Rico sa sinasabi ni Will.

"I'm not pushing her away," depensa ko agad.

"Pero napi-feel ni Kyline na pinu-push mo siya palayo, dude, come on. Ang tapang naman ng gamot mo, nakakamanhid malala!" gatong ni Clark.

"Ano'ng gusto n'yong gawin ko? Sabihin ko sa kanya, gusto ko siya? Sobra naman! Inaalagaan ko na nga siya, magde-demand pa nang sobra!"

Napakamot agad sila ng ulo at ng leeg saka nagsitayuan.

"O? Ano? Saan kayo pupunta?" tanong ko.

"Bahala ka na diyan," sabi ni Will.

"Hoy, gago, ano na namang problema n'yo?"

"Ikaw," sabay-sabay nilang sagot.

Hala! Mga high ba 'tong mga 'to?



♥♥♥



Hindi ko gets ang buong barkada ko. Tulog si Kyline nang umalis sila. Ayaw rin nilang gisingin kasi nga, malamang na mamayang gabi, gising na naman kasi umiiyak.

Nauna na akong maghapunan kahit alas-singko pa lang, pero kaunti lang ang kinain ko para kapag nagising si Kyline, masasabayan ko pang kumain.

Ang kuwarto ng mama niya, hiwalay pa sa master's bedroom. Sa master's bedroom daw natutulog 'yon kasama si Gina.

Simple lang ang kuwarto. Hindi ko nga masabing kuwarto ng pulis. Plain cream ang pintura, may malaking kama sa gitna kadikit ng pader, nightstand, saka mga cabinet sa gilid. May floor-to-ceiling window na may white pleated long curtains bilang pantabing sa araw.

Nakapatay ang ilaw kaya sumisilip lang ang liwanag mula sa kurtina.

Nakahiga roon si Ky, at si Will ang nag-ayos ng paghiga niya. May unan sa likod, may unan sa likod ng binti, may unan para patungan ng kanang braso, mababa nang kaunti ang unan sa ulo. At mukhang effective kasi ang himbing ng tulog ni Ky.

Marahan akong sumampa sa kama saka tumabi sa kanya.

"Ky . . . ?" Kinuha ko ang kamay niya saka idinampi sa pisngi ko. Ang lamig pa rin ng kamay niya.

Walang imik. Tulog nga talaga.

Sinapo ko ang tiyan niya at pinakiramdaman ang baby namin. Lalaki raw ang magiging baby namin.

Tinitigan ko ang mukha niyang kalmado. Gusto ng barkada kong paaminin akong gusto ko 'tong babaeng 'to.

Hindi ko crush si Ky, alam ko agad 'yon. Siguro kasi wala akong dahilan para maging crush siya, e ang slow nga ng utak.

Hindi ko masabing gusto ko siya. Ang dalas kong mabuwisit dito kapag kausap ko, paano ko magugustuhan 'to?

Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano'ng tawag ko sa nararamdaman ko kay Kyline. Siguro naaawa ako? Pero parang hindi rin.

Tiningnan ko ang kamay ni Kyline na parang tumaba bigla. Pero hindi naman siya tumaba kung tutuusin. Sabi ni Clark, namamanas lang daw kaya parang bloated.

Naalala ko noong unang beses kong mahawakan ang kamay niya noong high school kami. Sigawan ang buong campus kasi nga ginawa kaming love team. Para pa naman sa mga classmate ko noon, to die for ang mahawakan si Kyline o kahit mahawakan man lang niya. Pero that time, literal na to die for makalapit kay Kyline kasi corps commander namin ang tita niyang kung makapagparusa sa mga kadete, parang kampon kami ni Satanas kung pahirapan.

Si Kyline, kahit buntis, ang ganda pa rin. After three months, hindi na siya buntis. Babalik na sa dati ang katawan niya. Kinakabahan na ako sa mangyayari. Kapag nanganak na siya, hindi ko pa alam kung ano ang plano ko, pero sigurado akong gusto kong magpakasal sa kanya.

Wala akong idea kung paano ba gumagana ang utak ng tao, pero may maliit na boses sa utak ko ang nagsasabing halikan ko sa pisngi si Kyline.

Malambot ang pisngi niya. Madalas ko ngang pasadahan ng daliri o kaya pisil-pisilin kapag tulog siya.

Idinampi ko ang labi ko sa pisngi niya. At masyado akong natuwa, dinagdagan ko pa ng isa.

"Leo . . ."

Napatingin na naman ako kay Kyline na bahagyang nakamulat ang mata. Lumakas na naman ang tibok ng puso ko dahil nahuli na naman niya akong hinahalikan siya, pero . . .

"Hmm?" sagot ko. Matipid siyang ngumiti at hinawakan ako sa pisngi.

"Ang guwapo mo talaga . . ."

Kusa na akong napangiti dahil sa sinabi niya. Napalunok ako at bumaba ang tingin sa labi niya. Kusa nang kumilos ang katawan ko nang hindi na nag-iisip. Inilapat ko ang labi ko sa kanya.

Napigil ang paghinga ko habang dinadama ang labi niyang bahagyang gumalaw.

Dahan-dahan akong lumayo at sinilip siya ulit. Bahagya pa rin siyang nakadilat at nakangiti siya sa akin.

"I love you, Leo . . ." bulong niya at marahang pumikit.

"I love you, Ky . . ." mahinang sagot ko.

Malalim na paghinga at pakiramdam ko, iyon ang pinakamagaang sagot na nasabi ko sa loob ng matagal na panahon.

May kung anong mabigat sa loob ko na biglang nawala matapos kong sabihin 'yon. Na para bang may masakit sa loob ko na pinalaya ng mga salitang 'yon.

Matipid akong napangiti at nahiga sa tabi niya. Inilapat ko ang palad niya sa pisngi ko at saka bumulong sa tapat mismo ng tainga niya.

"I love you too."



♥ ♥ ♥



"Kumain ka na?"

"Hindi pa. Waiting kay Manang."

Struggle talaga maging tatay ng baby habang nag-aaral. Hindi naman na kami teenagers ni Kyline, pero siguro, ideal ang pregnancy sa early 20s kung ang pamilya o ang tatay, walang iniintinding exam or something. O siguro kahit working fathers din na walang deadline sa work. Tipong parang buhay ni Patrick, gano'n. Kahit maupo lang siya whole day, may pangkain sila ng pamilya niya nang hindi nagwo-worry sa future kasi may insurance nang naka-ready.

May pera ako, kung pera lang ang pag-uusapan. Hindi na rin ako nagko-commute kasi niregaluhan ako ni Patrick ng motor. At ang reason niya, wala nga raw kasi siyang ambag kapag may barkada meeting kami about Kyline. Wala nga raw siyang alam sa baby maliban sa gumastos. E, di gumastos nga ang gago. Sabi ko, babayaran ko na lang, kasi hindi rin naman mura ang motor. Pero sabi niya, bawian ko na lang daw sa ibang bagay—at wala akong idea tungkol doon sa ibang bagay na 'yon at kung paano 'yon babayaran.

Si Calvin, hindi ko masyadong nakakausap tungkol sa health ni Ky pero siya ang madalas kausapin ni Ky kasi nga, "close" sila. At . . . sa kanya nga nagra-rant si Kyline tungkol sa akin na hindi masabi sa akin ni Kyline kasi natatakot nga raw. Sira kasi talaga 'tong babaeng 'to. Ang tagal-tagal na naming magkasama, ngayon pa natatakot. Si Calvin tuloy ang informant ng barkada kung ano na ang hinanaing ni Kyline tungkol sa akin.

Exam namin, nagre-review ako, pero sabi nga kasi ni Ky, ayaw niya nang parang mag-isa lang siya sa bahay. E, di lagi ko siyang bini-videocall kapag free time ko. Madalas, hindi naman talaga kami nag-uusap, naka-on lang ang call.

Ang ingay sa eatery na katapat ng campus. Reviewer ko sana ang dapat kong isipin kaso mas inintindi ko pa kung maririnig ba ako ni Kyline sa ganito kaingay na halos magsigawan na ang mga estudyante sa paligid ko.

"You can drop this call para hindi ka maistorbo sa review," sabi ni Ky.

"Sabihin mo kay Manang, padamihan ng sabaw ang pagkain mo. Saka bigyan ka ng citrus."

Kapag pinada-drop niya ang call, alam ko na 'to. Ayaw na niya akong kausap kasi ang reason niya, inaabala ako. E, si Kyline pa naman, feeling niya lagi, lahat ng ginagawa niya, hindrance sa buhay ko.

Sabihin na nating oo, hindrance nga sa buhay ko, pero wala namang nagtatanong kaya huwag na sana siyang magsalita. Siya na nga lang ang babaeng kinakausap ko maliban kay Manang, ayaw pa akong kausapin.

"Kakain na ako. Papatayin ko na 'tong—"

Makulit talaga.

"Kumain ka lang. Hayaan mo 'tong call," sermon.

"Okay."

Nakatitig ako sa screen habang nakikita siyang naglalakad pababa ng second floor.

Si Kyline, kahit anong angle sa video call, ang gandang tingnan. Matagal naman na siyang maganda, tanggap ko naman 'yon, pero ngayong taon ko lang naman kasi siya nakaka-video call. Ang ganda niya kapag nakalugay, 'yong bagong gising na buhok. Malambot kasi ang buhok niya kaya kaunting hawi lang, sobrang dulas na agad kapag hinawakan. Kahit nga hindi na siya magsuklay, kahit daliri lang ang gamitin, maganda pa rin ang ayos.

"Bakit hindi ka nagtali ng buhok?" tanong ko.

"Later po," sagot niya.

"Magtali ka bago kumain."

"Um-hm."

Ang tagal na rin pala niyang hindi nagme-makeup. Though, visible na ang eyebags niya, pero wala namang kaso 'yon. Kasalanan ko rin naman kung bakit siya laging puyat.

Pagkatapos kong kumain ng lunch, kailangan ko nang bumalik sa room para makapag-review nang matino. Kung puwede lang makapasa nang hindi nag-e-exam, uuwi na lang ako sa bahay para alagaan si Kyline.

"Nandiyan ba si Manang?" tanong ko paglapag niya ng phone sa mesa.

"Bakit daw?" tanong ni Manang, narinig yata ako. "Ano 'yon, hijo?"

"Paayos ho ng buhok ni Kyline. Kanina ko pa sinasabihang magtali 'yan bago kumain, ayaw sumunod."

"Ito na, aayusin ko na," natatawang sinabi ni Manang at tinali na rin ang buhok ni Ky.

"Saka, Manang, yung vitamins ho ni Kyline, paki-ready diyan sa table. Baka makalimutan na namang inumin."

"Naka-ready na."

"Three pa ho ako makakauwi, magte-text ho ako, patimpla ng gatas niya mamayang alas-dos. Pabantay rin kasi baka lumamig, hindi na naman ubusin. Laging nagtitira, wala namang ibang iinom niyan."

"Sige, babantayan ko."

"Saka kapag ho dumoon na naman sa garden, huwag siya sa mainit. Nagkabungang-araw 'yan last week, sinabi nang huwag magbibilad sa may pool."

"Nasa harapan mo lang, anak, o! Ikaw ang magsabi sa kanya!"

Paanong ako ang magsasabi e, hindi nga kasi nakikinig 'tong si Kyline? Araw-araw ko na ngang sinasabi 'yon, kada uwi ko, gano'n at gano'n pa rin. Kaya nga parang ayoko munang pumasok kasi kung hindi babantayan 'tong babaeng 'to, hindi naman susunod. Ang tigas-tigas ng ulo.

"Papasok na ho ako, Manang. Kapag ho natulog, pasabihan ako kasi baka tumawag ako, hindi niya masagot."

Kung ako lang talaga, gusto kong mag-stay sa tabi ni Kyline. Kaso kailangan ko ngang makapagbawas ng unit kahit paunti-unti dahil itong nanay niya, baka sabihin, hindi ako graduate at nagbubulakbol lang.

Wala naman akong photographic memory. Si Clark at si Patrick lang yata ang meron. Pero mas madali kasing intindihin ang lesson nang hindi nagme-memorize. Ang kailangan lang talaga ay analysis sa subject matter.

Enumeration at puro na calculations ang laman ng exam. Sa calculations at diagram, sisiw lang sa akin ito kasi na-take ko na noon sa physics tapos present din sa handbook galing sa short course ko noong summer. Halos inuulit na nga lang lahat ng na-take ko na before kaya refresher na lang kung tutuusin. Ang kailangan ko kasi talaga, yung laboratory. Kaso nireserba ko na iyon para sa second sem at next year ko kaya ang boring na ng exams ko ngayon na parang nire-retake ko na lang nang paulit-ulit.

Mabilis kong natapos ang exam kaya paglabas na paglabas ko ng room, tinawagan ko agad si Kyline.

Walang sagot. Tumawag na ako kay Manang.

"Manang . . ."

"Nasa nursery. Nagbabasa. Nakainom na rin ng gatas saka vitamins 'yon."

"Sige ho, salamat ho. Pauwi na ho ako."

"Ingat ka, anak."

Sanay na si Manang sa akin. Hindi na naghe-hello. Basta tawagin ko lang agad siya, alam na niya ang sasabihin.

Araw-araw kasi, ganito kami. Kahit ang barkada ko, sanay na rin. Tuwing gabi, basta tatawag ako, naka-ready na yung tatlo.

Kapag pumapasok ako sa uni, lagi akong nagbibilang ng oras para umuwi agad. O kahit nasa bahay pa lang ako, iniisip ko na agad ang pag-uwi.

Dati, kung puwede lang magtagal sa school, magtatagal ako sa school. O kapag kasama ang barkada, sa galaan kami madalas. Ang tagal ko ring nawalan ng ganang umuwi kasi pakiramdam ko, hindi ko alam kung saan ako nakatira. Sa dami ng nilipatan kong unit at bahay na tinuluyan, sanay na ako sa pakiramdam na aalis din naman kasi ako kaya hindi ko kailangang tumagal sa iisang lugar.

Pero iba na kasi ngayon. Kada araw na lumilipas, lagi ko nang nami-miss si Kyline. Uwing-uwi talaga ako kada tapos ng klase ko. Hindi ko alam kung normal pa ba 'to kasi hindi ko naman talaga bahay ang tinitirhan ko. Basta ang alam ko lang, bahay ko man 'yon o hindi, sigurado akong may naghihintay sa akin pag-uwi ko.

Ngayon ko lang din ulit naramdaman na may pamilyang maghahanap sa akin kapag wala ako.



♥ ♥ ♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top