Chapter 4: Met



One month lang ang SPED program ng school, pero hindi ko malaman kay Kyline kung bakit habol nang habol 'tong babaeng 'to sa 'kin until the end of our high school year.

Wala akong idea sa content ng love letter ni Xyron. And obviously, practically, at common sense na lang din na ipangalan 'yon ni Xyron sa sarili niya kasi siya naman ang sender.

Kumalat ang tsismis na balak ko raw ligawan si Kyline.

May nakakitang inabutan ko siya ng love letter four days before matapos ng SPED Program. Ang letter ay galing daw kay "Your handsome secret admirer," and I was like . . . what the fuck?

Gusto kong kausapin si Xyron, ang kaso, bumalik na sa school nila!

Gusto kong i-defend na hindi ako 'yon pero walang naniniwala kasi baka raw dine-deny ko lang kasi nahihiya ako.

Mga gago ba sila? Kung nahihiya ako, hindi ko babalaking magbigay ng gano'n kay Kyline kahit pa gulpihin nila akong lahat!

Kaso ewan ko na rin kay Kyline. Sa dami ng manliligaw niya, ako pa ang binuntutan, to think na hindi ko nga rin siya nililigawan at all.

"Kayo na ba ni Kyline?" tanong agad ni Chad pag-akbay sa akin habang busy ako sa paggawa ng assignment.

"Puwede ba?" saway ko nang tingnan siya nang masama.

"VP, ang assignment, ginagawa sa bahay. Kaa-announce lang, ginagawa mo agad."

Lalong tumalim ang tingin ko sa kanya. "Paki mo ba?"

"'Suplado mo naman. Paano ka natipuhan ni Ky? Tips naman, o!"

Inawat ko ang pagsagot sa textbook ko at hinarap ko na siya. "Gusto mong mapansin ka ni Ky?"

"Oo naman!" excited pa niyang sagot.

"Nakikita mo yung hallway, doon sa second pillar?"

"Oo. Ano'ng gagawin?"

"Pumunta ka ro'n."

"Tapos?"

"Tapos huwag mo na 'kong kausapin at baka masapak lang kita."

"Ang damot mo talaga!" Malakas niyang tinapik ang balikat ko. "Pero payag ka, liligawan ko?

"Isang tanong mo pa, isasapok ko na sa 'yo 'tong libro."

"'Sama talaga ng ugali mo, hahaha!" Tatawa-tawa pa siyang tumayo saka ako tinantanan.

Para kasing mga gago. Kung gusto nilang ligawan si Kyline, e di, ligawan nila! Ako ba tatay n'on?

Ayoko sanang mainis kay Kyline, pero nakakabuwisit kasi parang masaya pa siya sa idea na nili-link kami sa isa't isa. E, hindi ko nga siya gusto.

Ang labo talaga.

Iniiwasan ko na nga siya, tapos siya naman 'tong buntot nang buntot sa 'kin.

Sa isip-isip ko nga, baka may saltik 'yong babaeng 'yon. Kung saan ako dumadaan, talagang nag-aabang siya. Tapos babatiin niya ako.

"Hi, Leo." Tapos may iaabot siya sa 'king letter.

Kinukuha ko naman kasi nakikita kami ng iba. At kapag binarda ko siya harap-harapan sa lahat ng estudyante sa school, sira ang image ng SSG dahil sa kaasbagan ko.

Buong November, halos araw-araw, sinasalubong niya ako. Hindi ako makailag kasi iisa lang ang daanan namin, wala akong magawa. Ang masaklap, maraming nakakakita.

Sa sobrang inis ko, first day ng December, noong inabangan niya ako sa hallway, sabi ko, "Ky, mag-usap nga tayo."

Tapos putang ina, dumagundong ang hiyawan sa second floor! At ang masakit, pinatawag kami sa guidance office after that.

Yung inis ko, dumoble lang.

Nasa guidance office kami sa kabilang building. Maliit lang ang office na puro file cabinets at may wooden table sa isang gilid saka dalawang upuan sa harap para sa mga bisita. May flower vase doon at name plate ni Ma'am Tesorero.

"Bakit maingay kanina sa hall?" tanong ni ma'am.

Ang sama ng tingin ko kay Kyline na tipid na tipid ang ngiti sa akin.

Na-guidance na kami, nakukuha pa niyang ngumiti, sira-ulo ba siya?

"Di ba, dapat pinatatahimik mo ang mga student sa floor ninyo at hindi hinahayaang mag-ingay?" sermon ni ma'am sa akin.

"Sorry po, ma'am. Hindi na po mauulit," dismayadong sagot ko.

"Vice president ka pa naman ng student council, ikaw pa ang pasimuno ng gulo sa floor ninyo."

"Sorry po."

"At ikaw, Miss Chua."

"Yes, ma'am," nahihiyang sagot ni Kyline.

"Linggo-linggo na lang ang ingay sa hall ninyo."

"Sorry po."

"Kung ano man ang meron sa inyong dalawa," sabi agad ni ma'am habang palipat-lipat ang pagturo sa amin ni Ky, "bawal 'yan sa school policy. Basahin n'yo ulit ang handbook ninyo at i-review ang content. Dahil kung magpapatuloy ito, maglalapag na ako ng first warning sa inyong dalawa."

"Sorry po, ma'am," sabay pa naming sagot ni Kyline.

That was the first time na na-guidance office ako sa kasalanang hindi ko alam kung bakit naging kasalanan ko.

Pagkatapos ng sermon sa amin, kinuha ko mula sa braso si Kyline at kinaladkad ko siya sa fire exit ng kabilang building. Pabalibag ko pa siyang naitulak sa sulok malapit sa pintuan habang pinanlilisikan siya ng mata.

"Ano ba talagang kailangan mo't habol ka nang habol sa 'kin, ha?" gigil na tanong ko sa kanya.

Itinukod ko ang palad ko sa itaas ng ulo niya at yumuko pa para lang magkarinigan kaming dalawa.

Halos maduling pa siya habang nakatitig sa akin mula sa pagkakatingala.

"K-Kasi . . . sabi mo . . . gusto mo 'ko . . ."

"Yung love letter ba 'to?"

Mabilis naman siyang tumango.

"Mukha bang sulat ko 'yon?"

Tumango na naman siya kaya napangiwi ako.

"Ang layo ng sulat ko sa sulat n'on!"

"Pero . . . ginaya mo nga yung notes ni Allen, di ba? Tapos nagfo-forge ka ng pirma ni Pres kada memo. Saka ikaw rin yung gumaya ng letter of approval ng treasurer ninyo."

Nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi niya. Nahawakan ko agad siya sa balikat at halos iangat sa sahig habang niyuyugyog. "Saan mo nalaman 'yan?"

Tumikom lang ang bibig niya saka gumilid ang tingin.

"Sinusundan mo ba 'ko?"

"Hindi naman masyado . . ."

"Ang creepy mo, alam mo ba 'yon?"

"Gusto kasi kita . . ."

"Pakialam ko? Puwede ba—"

Biglang bumukas ang pinto ng fire exit at out of reflex kong nayakap si Kyline para itago sa kung sino man ang mga nagbukas ng pinto.

Si Jessa ang nagbukas ng pinto, secretary ng SSG. Kasama niya sina Gleamond saka iba pang officers, may dalang mga pinagpatong-patong na monobloc chair.

"Oh my God. Sorry, ha. Makikiraan lang," pangisi-ngising sabi ni Jessa at gilid na gilid na dumaan sa fire exit. "Boys, kunwari wala tayong nakita, okay?"

"Pres . . ." mahina ko pang sinabi habang nakikiusap ang tingin.

Yung facial expression niya, pilit na ngumiti at tumango pa. Parang sinasabing naiintindihan niya. Hindi ko kailangang mag-explain.

"'Tuloy n'yo lang 'yang moment n'yo. Go," dagdag ni Jessa, at gusto ko nang takasan ng kaluluwa nang makalagpas sila.

'Tang ina lang.

December pa lang, tinanggap ko nang magiging chaotic ang remaining three months ko sa high school dahil kay Kyline.

Kung ano-anong tsismis ang kumalat kesyo kami na raw, secret lovers kami, hindi lang announced kasi bawal ang relationship sa school.

Kaya nga absent ako noong February 14, at ang reason ko, may lagnat. Pinagawa ko si Mama ng excuse letter at sinabi kong masama ang pakiramdam ko.

Whole day lang ako sa loob ng kuwarto at nag-advanced reading para lang walang istorbo.

Tingin ko nga, magandang idea ang pag-absent ko kasi pumasok si Kyline, ang dami niya raw natanggap na flowers and letters and whatever. At wala siyang natanggap mula sa akin, so ang assumption ng buong HS Dept. break na kami.

Kahit wala naman kami in the first place.

Pero ang creepy pa rin ni Kyline kahit wala na halos nag-shi-ship sa amin after that rumored breakup.

March noong nag-take ako ng entrance exam for architecture sa FE Manila. Nag-take din siya ng exam para sa similar course.

Kaso bumagsak siya, e. Ang lakas pa ng tawa ko at that time noong nalaman ko 'yon.

Although, later ko lang na-digest na inaabangan ko siya habang inaabangan niya ako. Hindi ko na tuloy sigurado kung sino ang creepy sa aming dalawa.

Sabi ko pa sa sarili ko, pumasok na lang siya sa ibang school para maka-move on na siya sa 'kin. Hindi naman siya mahihirapang makahanap ng boyfriend. Sa dami ba naman ng manliligaw niya, doon pa siya maghahabol sa walang interes sa kanya.

Noong summer lang natahimik ang buhay ko kaya sinulit ko na ang bakasyon kasama ang barkada kong mga bugok din.

"Hoy, Clark. 'Musta nursing?" tanong ko agad.

"'Tang ina, gusto ko na lang maging pasyente," sagot niya sabay halakhak.

Si Clark pa lang ang nakikita ko sa barkada. May outing kami sa isang private resort sa Indang, Cavite. Si Rico ang nagplano nito kasi katatapos lang ng nauna niyang course related sa food servicing.

"Mahirap ba?" tanong ko na naman habang papasok kami sa loob.

"Actually, hindi. Natatagalan lang ako sa process. Baka magugunaw na ang mundo, nag-aaral pa rin ako."

Sabay na naka-graduate ng high school sina Clark at Rico, and that was two years ago.

Nag-take ng caregiving si Clark sa first year niya at nursing naman ngayong year. Tapos hotel and restaurant services naman si Rico na two-year course.

"Plano mo sa June?" tanong ko paglapag namin ng ilang gamit sa cottage.

"Baka mag-ComSci ako," sagot ni Clark.

"'Layo naman n'on sa nursing. Hindi ba magagalit daddy mo, hindi ka magme-medicine course?"

"May science din naman yung computer science, puwede na 'yon!"

"'Tang ina mo talaga." Hinampas ko tuloy siya ng duffel bag na dala ko.

"Mindset-mindset lang 'yan, 'tol."

"Hey!"

Sabay pa kaming lumingon ni Clark sa kanang gilid. May kagat-kagat nang barbecue si Early Bird.

"Nasa kabilang garden yung ihawan."

"'Aga mo naman!" sigaw ko. Napatingin ako sa wristwatch ko. Ang usapan, 11 a.m. meetup sa resort. 10:50 pa nga lang, may iniihaw na siya.

"Si Pat?" tanong niya.

"Ewan," sagot ko. "Sabi niya, nandiyan lang siya sa Dasma kagabi, e."

"Baka naglakad lang papunta rito," biro ni Clark.

"Si Will?" tanong ni Rico sa akin.

"Sasabay yata sa daddy niya. Dadaan daw si Tito sa Batangas, bibili ng baka," sagot ko.

Si Clark Mendoza, classmate at best friend ko na since nursery school. Naabutan pa niya ang tunay kong mama at ang mama ko ngayon. Naghiwalay lang kami ng school noong grade school na at nagkaroon ng reunion ngayong pa-graduate na ako ng high school.

Sobrang bait ng parents ni Clark. Wala akong masasabing negative sa kanila maliban kay Clark mismo na 'pakasakit sa ulo dahil sobrang kulit.

Si Ronerico Dardenne, classmate ko noong kinder at kumare ang mama ko ng mama niya. Client din ni Mama si Tita Tess, mum ni Rico, ang pinakagalante sa lahat ng client ni Mama.

Pare-pareho na sana kaming nasa second year college ngayon. Kaso noong nagkaroon kami ng acceleration program, tinanggap ni Tita Tess ang program para dumeretso ng grade two si Rico kasi nga raw, "Matalino naman talaga ang anak ko, mana sa ina." Habang ang reason ni Mama, gusto niyang i-enjoy ko muna ang childhood ko. Kasi ang point niya, kapag maaga akong maka-graduate, maaga rin akong magiging "adult" at ayaw niyang ma-pressure ako sa corporate world. Na-gets ko ang point ni Mama kaya hindi ako pressured sa acads.

Si William Vergara, pamangkin ni Mama. Kuya ni Mama ang daddy ni Will. Kami ang madalas magkitaan sa mga family gathering. Medyo off lang ako para kay Will kasi kapag nagda-drop na ng comparisons ng bawat anak, contrasting kami laging dalawa.

Si Patrick Lauchengco, ang bunso namin na sobrang spoiled, nandiyan sa mommy niya sa Dasma, Cavite. Si Pat ang saling-pusa sa amin kasi wala siyang close friends. Ayaw rin ng parents niya na nakikipag-friends siya sa kung sino-sino lang. Ang nagtangay sa kanya sa barkada namin, si Clark, kasi nga wala raw siyang friends. E, itong bugok na Clark na 'to, parang kuting naman si Pat kung isingit sa grupo. Kaso kahit si Rico, pansin din niya na walang tropa si Pat kaya tinanggap na rin namin. Mabait naman si Pat, high maintenance nga lang saka iyakin.

Lagi kaming may bonding every free time kasi wala naman kaming ibang ginagawa sa amin.

Hindi ako bibiyahe nang hindi sila kasama. Kasi alam kong kapag katabi ko sina Rico at Pat, ang atensiyon, nasa kanila. Kapag kasama ko si Will, may reason ako to defend my Vergara side. Kapag kasama si Clark . . . parang ayoko nang isama si Clark. Magulo lang kasi siya. Pasado nang distraction. Pero, seryosong usapan, mas gusto kong kasama si Clark kung lito na ako sa buhay ko.

Maganda ang resort na napili nila. Maraming puno. May malaking bilog na pool right side ng main house. May paikot na pool sa harapan. Meron ding kiddie pool sa kabilang side. Sa palibot ng main house, may mga bahay kubo naman. At lima lang kaming nag-rent ng buong resort.

Half past 11 na nang magkasabay na dumating sina Will at Patrick. Nasa iisang service pala ang dalawa. Naabutan nila kaming namamapak ng barbecue sa gilid ng pool.

"Hindi talaga naghintay!" Paghagis ni Will ng bag niya sa katabi naming bahay kubo, lumapit agad siya sa nag-iihaw na katiwala sa resort at dumampot doon ng kebab.

"Si Early Bird?" tanong ni Patrick habang maingat na inilalapag ang gamit niya sa kubo.

"Kumuha ng drinks sa loob," sagot ni Clark.

Ito na ang pinaka-bonding naming magkakaibigan. Nag-start ang mga random vacation and outing namin noong nabuo kaming magbabarkada. Kailan lang 'yon. Noong nakabalik na si Clark sa Manila galing Mindanao.

"Uy, graduation n'yo na next week, 'no?" sabi ni Clark sa amin na hindi pa graduate ng high school.

"Oo nga, e. Hindi ko pa alam kung saan ako papasok," sagot ni Will.

"Si Papa, in-enroll na ako sa management," dismayadong sinabi ni Patrick.

"Akala ko, engineering ka," sabi ko paglingon sa kanya.

Sumimangot lang si Pat saka umiling. Kitang-kita talagang ayaw niya sa desisyon ng parents niya. Mahigpit din naman kasi ang papa niya. Buti si Daddy, walang pakialam sa akin.

"Ako sa FE, arki," sagot ko.

"Magba-varsity ka?" tanong ni Clark. Umiling agad ako.

"Ayoko. Saka sabi ko kay Mama, baka mag-boarding house ako para malapit sa school," kuwento ko.

"Kahit siguro ako," si Will.

"Ako, magshi-shift," sabi ni Clark.

"Sa anong course?" tanong ni Pat.

"ComSci," sagot ni Clark.

"Mahirap yung nursing?"

"Hindi naman. Matagal lang ang course. Ayokong mag-aral nang matagal."

"Bakit ComSci?" tanong na naman ni Pat, parang batang naku-curious, at kay Clark pa!

"Wala lang. Nagroleta ako ng course."

"Gago." Binato ko siya ng piraso ng barbecue.

"Kadiri ka naman, Leopold!" Ibinato niya sa akin pabalik ang karne na inilagan ko agad.

"Wala kang ibang pangarap?" inosenteng tanong ni Pat kaya sabay-sabay kaming napailag sa kanya.

"Aray, ha! Aray!"

"Hala, why naman?" Yung reaksiyon ni Pat, takang-taka pa sa amin.

"Guys, drinks!"

At dumating na ang may pangarap sa aming barkada. May dala siyang malaking Coleman at inilapag sa tabi ng nagba-barbecue.

Sa aming lahat, si Rico lang ang aligned sa gusto ng parents niya. Saka bata pa lang kami, alam na niya ang gusto niya sa buhay. Nakakainggit nga ang buhay niya. Kompleto ang parents, mayaman, sobrang maalaga ni Tita Tess, spoiled siya kay Tito Ric. Para ngang kami lang na barkada niya ang stress niya sa mundo.

"Daddy Rico, tuloy ka sa BSND?" tanong ni Clark.

"Of course," sagot ni Rico at kumuha ng laman sa Coleman saka ibinato sa amin isa-isa.

"Ayaw mong mag-shift?"

"Bakit naman ako mag-shi-shift?"

"Wala lang. Baka lang trip mo. Ayaw mong mag-HRM?"

Tiningnan ni Rico si Clark na parang nakakadiri ang sinabi ng katabi ko.

Maganda namang course ang HRM at malapit sa business nina Rico. Pero mukhang gusto talaga niya ng course na inclined sa medicine.

Tumabi siya sa akin at namapak na lang kaming magbabarkada ng barbecue habang nasa katanghalian ng araw.

"Ano'ng day ang graduation n'yo?" tanong ni Rico.

"Kami sa April 5," sabi ni Will.

"Kami sa April 10," sagot ko.

"March 31 kami," sabi ni Pat.

"Huwag kang lalangoy," sabi ng manong kay Patrick na nag-iihaw para sa amin.

"Bakit po?" inosenteng tanong ni Patrick.

"Alam n'yo ba ang paniniwala . . . na bawal lumangoy sa tubig ang mga ga-graduate na estudyante? Kasi malulunod sila."

"Pero puwede po silang lumangoy sa lupa?" seryosong tanong ni Clark.

"'Tang ina, Clark, kahit hindi ka ga-graduate, mukhang malulunod ka ngayon."

Sabay-sabay namin siyang pinagbabatukan.

"Aray! Sasaksakin ko kayo, sige!" Lumayo na kami sa kanya matapos niya kaming pagtatadyakan. "Dapat pala grumaduate muna kayo! Walang lalangoy! Dampi-dampi lang muna ng kamay sa pool!"

Ang bad trip naman. Sino ba kasi ang nagpauso ng paniniwalang 'yan?

Ang boring tuloy ng outing namin. Imbes na mag-swimming, gumala na lang tuloy kami sa labas ng resort. Puwede naman kami sa kiddie pool. Hindi naman kami malulunod doon. Baka nga kahit humiga ako roon, hindi ako malulunod sa sobrang babaw.

"Ang boring naman. Sana nag-EK na lang tayo," sabi pa ni Clark. May hawak siyang mahabang stick at pinapalo-palo sa kalsada.

Tamang lakad lang kami sa blangkong kalsadang maraming puno sa gilid. Wala halos tao, siguro kasi wala rin halos bahay sa area. May mga resort din naman kaming nadaraanan—sunod-sunod pa nga. Pero 'yong residential area, wala.

"Nauuhaw ako," sabi ni Will.

"May dala kayong pera?" tanong ni Clark.

"Ako, wala," sagot ni Pat.

"Ako rin, wala," segunda ni Will.

"Ako na," sagot agad ni Rico.

May malapit na tindahan kaming natatanaw. May sigawan sa paligid, malamang isa sa mga resort sa malapit o sa resort na nasa likod ng kawayanang nadaraanan namin.

May bumibili sa tindahan na babaeng basa ang T-shirt at naka-shorts lang. Doon pa nga sa tapat ng tindahan nagpiga ng buhok.

"Saka po dalawang potato chips, manang."

Paghinto namin doon, sumulyap pa ang babae sa amin bago umurong para makabili rin kami.

Nanlaki agad ang mata ko pagkakita sa kanya. Sabi ko pa, mukhang minumulto ako ni Kyline. Hindi naman mukhang generic ang mukha n'on.

"Manang, magkano po lahat?" tanong niya na lalong nagpakunot ng noo ko.

Pati boses, parehong-pareho!

"157 lahat," sagot ng tindera.

"Palagay po sa plastic, manang. Thank you po!" Inilapag niya ang dalawang 100 pesos sa counter at saka humarap sa amin.

Nakasimangot lang ako kasi duda ako sa kanya, pero saka ko nasabing mukhang si Kyline nga ito nang manlaki ang mga mata niya pagkakita sa akin.

Tinakpan niya ang bibig niya ng magkapatong na palad saka tumalikod sa amin.

"Ne, ito na sukli, o."

"T-Thank you po . . ." Nakatalikod siya sa amin nang alanganing kunin sa counter ang sukli at malaking plastic na laman ang mga binili niya.

Pagkakuha, ang bilis ng lakad niya habang palingon-lingon sa amin. Saglit pa siyang huminto sa gate ng kabilang resort para silipin kami. Nanlaki na naman ang mga mata niya nang maabutang nakatingin pa rin kami sa kawirduhan niya bago siya tumakbo papasok sa loob.

"Angas n'on, a." Natatawa pa si Clark. "Ang wiwirdo naman ng mga tao rito sa Etivac. Manang, pabili."

Hindi lang 'ka mo weird. Sobrang weird pa.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top