Chapter 39: Smitten
"Dude."
Hindi pa man ako nasasagot, piano music na agad ang bumungad sa akin. Ilang saglit pa, may nagsalita na.
"O, ano na namang problema ni Kyline?"
Napasilip ako sa screen ng phone ko kasi si Will ang tinatawagan ko, pero tatlo na silang nasa conference call. At si Clark ang sumagot sa akin.
"Bakit gising pa kayo?" tanong ko.
"Ay, wow, 'tol, ba't daw gising pa tayo? Ha-ha!" nang-aasar na tanong ni Clark.
"Come on, Leo, what's the matter again with Ky?" sabad ni Rico.
Ay, naku. Bahala na nga sila. Si Will lang naman ang tinatawagan ko.
"Masakit na naman ang tiyan ni Ky. Saka masakit din ang balakang. Ano bang gamot dito?" Napapakamot na lang ako ng ulo habang nai-stress sa problema ko gabi-gabi.
"Dude, talagang mananakit 'yan kasi umuurong ang lamanloob ni Ky dahil sa baby," sabi ni Clark.
"Hahaha! Lamanloob talaga?" natatawang sagot ni Will.
"Hindi ba siya puwede ng pain reliever?" tanong ko.
"Kung gusto mong maging lima mata ng anak mo, try mo."
"Ulol," sagot ko kay Clark. "Pero seryoso nga. Puwede ba 'tong dalhin na sa ospital? Umiiyak kasi sa sakit. Naaawa ako kay Kyline, e."
"Umuurong ang pelvis niyan kaya masakit ang waist part. Hayaan mo siyang umiyak, normal 'yan," paliwanag ni Clark.
"Ino-normal ko 'to, e pareho na nga kaming hindi nakakatulog nang maayos gabi-gabi."
"Samahan mo na lang muna, dude. Ganyan talaga kapag buntis. Tiisin na lang niya, 'ka mo."
"Hoy, Early Bird, tahimik ka. Ba't n'yo ba isinama sa call 'to?" reklamo ko kay Will.
"I'll try to check if kaya ng diet na mabawasan ang pain. Damihan mo ng saging saka avocado," sagot ni Rico. "But like what Clark said, yung pain kasi, gawa ng adjustment ng baby sa katawan ni Ky. Hindi tayo puwedeng mag-self-medicate kasi delikado. Six months naman na ang baby ni Ky, malaki na nga 'yan."
"So, wala? Hayaan ko lang?"
"Yeah. Nabibigay naman ang meds niya ng doctor."
"Bili ka ng waist band kaya?" tanong ni Will. "Saka warm bath tuwing gabi. Saka mag-stretching din siya bago matulog. Send ko mamaya sa chat ang gagawin. Saka angat niya paminsan-minsan ang paa niya during daytime para mabawasan ang cramps."
"Ang dami namang gagawin. Hindi ba mapapagod si Ky n'on?"
"Ayaw mo naman kasing pakilusin, paanong hindi sasakit ang tiyan?"
"E, baka nga kasi mapagod."
"Hayaan mo nga kasing gumalaw-galaw si Ky para hindi nade-develop ang cramps! Ikaw rin pala may kasalanan, gago ka pala, e."
"Hindi ba malalaglag baby namin n'on?"
"Gago, hindi naman magja-jumping jack si Ky, sira!"
"Sige na, sige na, babalikan ko na sa bathroom 'yon. Binabad ko sa bath tub, nakakalma raw sa tubig, e."
"We'll visit sa Saturday, dude. Walang free sa amin ngayong weekdays, e."
"Sige, sige. Bye na."
Inilapag ko ang phone ko sa nightstand saka bumalik sa bathroom. Naabutan ko si Kyline doon na nakapikit, kunot na kunot ang noo habang nakakakapit sa gilid ng bath tub.
"Masakit pa rin?" tanong ko paglapit sa kanya.
Naupo ako sa gilid ng bath tub at kinuha ang kamay niyang halos panggigilan ang porcelain tub.
Kaso parang maling desisyon yata ang ginawa ko. Paghawak niya sa kamay ko, ako naman ang napaawang ang bibig habang nararamdaman na halos ibaon niya ang mga daliri niya sa kamay ko.
"Ah—" Kahit gusto kong sumigaw nang malakas, hindi ko magawa. Si Ky ngang nakakaramdam ng sakit, hindi sumisigaw, ako pa kayang binabalian lang naman ng kamay?
'Tang ina naman, ang solid naman ng grip ng babaeng 'to! Balak yatang durugin ang lahat ng daliri ko nang sabay-sabay!
Paulit-ulit siyang nag-breathe in, breathe out. Pati ako, napasabay na rin kasi ang sakit na talaga ng kamay ko.
"Ky . . ." Sa sobrang sakit, hindi ko na natiis, hinatak ko na nang marahan ang kamay ko paalis sa kanya. Hinabol ng kamay niya ang kamay ko at braso ko naman ang sunod niyang nadagit.
Kahit paano, kaya nang tiisin ang braso ko ang ginagawa niya kaya hinayaan ko na lang.
Gabi-gabi kaming ganito. Kapag dadalawin ko siya, maaabutan ko siyang nasa bath tub, umiiyak sa sakit. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa kanya. Sabi nina Will, hayaan ko na lang daw, e di eto, hayaan.
Ang tagal ng oras. Nang maramdaman kong nawawalan na ng lakas ang kapit niya sa braso ko, bumitiw na ako sa kanya saka ako kumuha ng face towel at bath towel, sa drawers malapit sa pintuan ng bathroom.
"Tayo ka muna, Ky." Inalalayan ko siyang makatayo at saka ko hinubad ang suot niyang night gown na nababad sa tubig. Sa ganitong pagkakataon, nasanay na lang akong makita siyang walang damit. Mas naaawa pa nga ako na ganitong ni hindi siya makapagbihis nang siya lang.
Binalot ko agad siya ng bath towel saka ko inalis ang pang-ibaba niya.
"Masakit pa rin?" tanong ko ulit. Nakapikit lang siyang tumango. Pinunasan ko ang basang mukha niya gawa ng pag-iyak saka ko siya binuhat paalis sa tub.
Saglit akong naupo sa vanity chair habang kandong-kandong siya. Ramdam ko ang bigat niya, kung tutuusin. Nagpapasalamat na lang ako na hindi ako mahina physically kasi kung hindi, parehas kaming babagsak sa sahig oras na buhatin ko siya.
"Tiis ka lang muna sa sakit, Ky. Three months na lang, lalabas na ang baby natin," sabi ko habang pinupunasan ang paa at binti niyang basa.
Nakadantay lang ang pisngi niya sa balikat ko at ang bigat ng paghinga niya. Nang matapos ako, kinarga ko na siya pabalik sa kama para iupo.
"Dito muna ako matutulog, ha? Sasamahan kita." Kinuha ko na ang inihanda kong T-shirt at undies niya sa round chair katabi ng nightstand. Binihisan ko na siya at binabaan ang lamig ng air con sa kuwarto para hindi siya masyadong lamigin.
Sumampa na ako sa kama at sumandal sa headboard. Ipinasandal ko ulit siya sa akin para sa akin siya mahiga habang nakaupo pa rin.
Naging kalmado na ang paghinga niya at magaan na ang mga kamay. Mukhang nakatulog na sa sobrang pagod kaiiyak.
Naaawa ako kay Kyline. Kung puwede lang ianak na niya kahit six months pa lang ang baby para lang matapos na 'to, e.
Kinuha ko ang kamay niyang malamig at tiningnan. Pagtingin ko sa parehong kamay namin, ang daming bakat ng kuko sa likod ng kamay ko. Kahit sa braso, may apat na marka ng kuko roon na medyo namumula pa.
Napabuntonghininga tuloy ako at sinilip ang mukha ni Kyline na payapa nang natutulog.
Inangat ko ang kamay niya at saglit na hinalikan bago inilapat sa pisngi ko. Gabi-gabi na lang parang kamay ng patay ang kamay niya, sobrang lamig.
"Kaunting tiis na lang, Ky. Lalabas din ang baby natin, kaunting tiis na lang."
♥♥♥
"Manaaaang—aray." Bungad na bungad ni Clark, binato ko agad siya ng throw pillow mula sa puwesto ko sa living room. Kung makasigaw, parang tanga, e.
"Ano 'yan?" tanong ko habang nakatingin sa mga kahong dala nila.
"Magde-decorate kami ng room ng aking minamahal na inaanak!" sagot ni Clark at tumalon-talon na parang ballerina saka umikot pa.
Decorate?
"Wala yung may-ari ng bahay rito," sabi ko.
"Nagpaalam na ako kay Mommy," sagot ni Kyline na nakasandal sa akin habang nakaupo kaming dalawa sa couch.
"Pumayag?"
Nakangiti naman siyang tumango.
"Bakit hindi ko alam?" tanong ko pa.
"May surprise bang pinapaalam?" sagot ni Clark. "Utak, dude, utak."
"Ulol, wala ka n'on."
"Ikaw ang topic hindi ako, gago. Idol mo ba 'ko't gumagaya ka?"
"Lumayo ka sa 'kin, babatuhin kita ng vase."
"Sungiiiit!"
Mukhang ready nga ang barkada. Lalaki ang baby namin, pero wala pang pangalan. Ayokong mag-isip ng pangalan kasi gusto ko si Ky ang magde-decide. Wala naman siyang binabanggit kaya baka nag-iisip pa lang.
"Manang, dito muna si Ky," sabi ni Rico. "Baka kasi mahilo siya sa amoy ng paint. Aayusin lang namin ang room sa second floor."
"Ay, sige lang!"
Mukhang kahit si Manang, alam na magkakalat ang barkada ko rito sa bahay ng mga Brias, a.
Dinala ko si Kyline sa cabana para doon tumambay kasi nga magpipintura ang barkada ko sa second floor. Gusto ko sanang tumulong kaso walang magbabantay kay Kyline. Kahit si Calvin, may gagawin din daw roon, e.
"Alam mong mag-aayos sila ng kuwarto ng baby?" tanong ko kay Kyline pag-upo namin sa couch sa tapat ng pool.
"Yeah. May layout ng interior na ipinadala si Clark. Siya ang nag-design." Kinuha niya ang phone niyang dala at ipinakita sa akin ang tinutukoy niya. "Approved na 'yan ni Mommy last night."
Sumimangot ako saka tiningnan ang design daw ni Clark. Ang daming photos at videos, pero biglang na-insecure ang old arki student self ko sa proposed design kuno ni Clark.
Napabuntonghininga na lang ako nang makita kung gaano kalinis ang sketch niya sa papel lalo sa perspective. Solid ang 3D layout, lahat ng angle, kuha. Meron din siyang animated version kung paano isa-isang ilalagay ang mga design mula sa dingding, flooring, ceiling, pati sa displays.
Ako sana ang gagawa nito kaso automotive at mechanical engineering na ang tine-take ko. Ang layo sa interior designing, more of handiwork na.
Sa aming magbabarkada, kung hindi ako nagkakamali, ako ang inclined sa arts. The rest, may kanya-kanya nang hobby gaya ni Pat na mahilig sa kotse. Si Early Bird, mahilig sa pagkain. Si Will, physical fitness. Si Calvin, mahilig sa jewelries.
Si Clark, noong mga bata pa kami, music-related talaga ang hobby niya at saka stenography. Isa 'yon sa pinaka-main source ng inis ko sa kanya noon pang grade school namin kasi alam na naming part ng military ang tatay niya kaya kung mahilig man siya sa Morse code and other code shits, malamang kasi may history. Pero ibang level ang stenography skills niya, nasa intermediate level agad. At kaya niyang magsulat ng 200 words per minute at using dictation pa 'yon. Pero hindi kasi talaga normal si Clark sa paningin ko noong mga bata pa kami. Para talaga siyang alien at nilalaro lang niya lahat.
Graduate siya ng comsci. Favorite past-time maging hacker. Pasang-awa pa rin naman. Sabi ko nga, hindi magandang puro siya tres sa GWA kasi mahihirapan siyang makahanap ng trabaho sa ginagawa niya.
Kaso naisip ko, paano pala siya makakahanap ng trabaho kung siya ang naglalakad ng lending company namin at soon-to-be chief operating officer pa siya?
Binalikan ko ang design niya sa interior ng nursery ng baby. Kapag nakikita ko ang output ni Clark, kung hindi ko lang siya kilala, kukuwestiyunin ko kung paanong pasang-awa lang siya sa course niya kung ganito ka-professional at kalinis ang gawa niya. Partida, libre lang ito para sa baby namin ni Kyline, e napakamahal ng bayad sa designer.
"Ang cute, 'no? Ang galing ni Clark," nakangiting sabi ni Ky.
"Hindi rin." Inirapan ko siya. "Kung nag-arki ako, mas maganda pa diyan ang magagawa ko."
"Bakit ka kasi lumipat ng school?"
Napatingin tuloy ako kay Kyline na nakanguso habang nakatitig sa phone niya.
"Bakit? Gusto mo, lumipat ako ngayon sa FE?" tanong ko pa.
"Graduate na 'ko, e. Hindi na kita makikita doon."
Pinigil-pigil kong mapangiti sa sinabi niya kaya lumingon na lang ako sa kabilang direksiyon para magtago nang kaunti.
Sabi na, crush pa rin ako nito hanggang ngayon, e.
"Leo, kung hindi ka lumipat, magiging girlfriend mo kaya ako sa FE?"
Napangiwi ako sa sinabi niya. "Malamang, hindi."
"Ay." Napanguso na naman siya saka yumuko na naman. "Pero may chance ba?"
"Wala."
"Hmp. Ang sad naman," parinig niya. "Pero hindi mo 'ko magugustuhan?"
"Mukha bang gusto kita, ha?"
Nag-angat siya ng tingin at nagsalubong ang mga mata namin. Ang lalim ng paghugot niya ng hininga saka siya malungkot na yumuko na naman.
Wala na siyang sinabi, natahimik na rin.
Hindi ko naman talaga siya balak maging girlfriend noon. Ayoko nga sa kanya, e. Pero ewan ko ba? Pinagtitripan yata kami ng buhay.
"Inaantok ako ulit," sabi niya saka sumandal sa couch kaso hindi abot ng ulo niya ang sandalan kasi masyadong mababa. Para tuloy siyang tangang nakatingala sa sandalan.
"Mababalian ka ng leeg niyan sa ginagawa mo." Isinilid ko ang braso ko sa bandang batok niya saka siya pinaurong malapit sa akin. "Hindi ka pa puwede sa itaas. Magpipintura daw sila roon."
Gamit ang paa, hinila ko ang ottoman sa gilid ng couch para ipalapit sa amin. Ako na ang nagbuhat ng binti niya para ipatong doon sa mababang upuan.
"Maiipit 'yang braso mo," paalala ko. Isinilid naman niya ang kanang braso niya sa likod ko saka ko kinuha ang isang braso niya para ipatong sa throw pillow na kandong ko.
"Leo, gisingin mo 'ko kapag tapos na sila, ha?"
"Matulog ka na lang diyan."
Doon na siya umidlip sa balikat ko habang inaalalay ko ang kaliwang kamay ko sa gilid ng ulo niya.
Pagtingin ko sa doorway papasok sa bahay, dumaan doon sina Clark na may bitbit na brush at balde.
Ayoko sanang mag-react kasi naiidlip na si Kyline, baka maistorbo ko, kaso biglang nagyakapan sina Clark at Patrick at overacting pang hinagod-hagod ang buhok nitong isa sabay tawa nang walang tunog.
Mga animal.
Sapak talaga sa 'kin 'tong dalawa mamaya pag-alis ko rito.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top