Chapter 34: Dedicated


"Huy, gago, seryoso 'yon?"

Tumango lang ako sa sinabi ni Clark. "Nag-uusap na yata sila tungkol sa baby namin ni Ky. Pero sabi ko, hindi ko ipapa-abort 'yon unless kritikal si Ky saka yung baby. E, magpapa-checkup pa lang bukas. Kung walang problema, manahimik na lang sila diyan."

Summer naman, hinihintay na lang namin ang graduation ni Pat dahil tapos na silang lahat maliban sa akin. Hindi kami makapag-out of town dahil nga may kaso pa at baka raw magtago kami kaya naka-hold pa rin kami habang naghihintay ng progress.

Wala na naman kaming choice kundi tumambay sa mansiyon nina Patrick at doon sa pool mag-stay.

"Bakit daw gustong ipa-abort?" tanong ni Will kaya napatingin ako sa kanya sa inuupuan niyang chaise lounge.

"Ang sabi ni Tito Bobby sa akin, itong daddy ni Ky, ang reason, rape victim nga raw kasi ang anak niya. So baka may health complications or something sa baby kasi nga, naka-drugs si Ky that night at forced ang nangyari. Ang iniisip nila, baka raw may birth defects ang baby kapag lumabas na o kaya hindi kayanin ng katawan ni Kyline kasi wala naman sa plano 'to," kuwento ko. "Pero pinag-iisipan pa nila kung itutuloy depende sa result ng checkup sa OB. Kung okay naman, hindi nila gagalawin. Si Daddy, ang reason niya, drug pusher nga raw kasi si Kyline. He handled different drug cases sa associations, so he knew the whole scheme. Ayaw niyang ma-involve ako roon kasi may kaso pa rin ako. Magwo-worsen lang ang situation kapag hindi inagapan. At mas okay na raw na ngayon na gawin kaysa 'yong may heartbeat na." Napahimas tuloy ako ng noo. "Alam mo yung may point sana sila kasi kami ang concern pero . . ." Napangiwi ako sabay buga ng hininga sa sobrang frustration.

"Pero may point yung daddy ni Ky," dismayadong sabi ni Calvin, nguya lang nang nguya ng popcorn sa tabi ni Patrick na tagahawak ng bowl. "What if—kunwari, ha—may birth defects nga?"

"Mga isa lang mata, gan'on?" tanong ni Clark, na babatuhin ko sana ng throw pillow kaso pag-angat ko pa lang ng unan, napaisip na ako.

What if ganoon nga? What if putol ang braso? O kaya walang tainga? O kaya sobra ang daliri?

Parang kawawa naman ang baby namin n'on. Baka maging tampulan pa ng tukso paglaki.

Nag-uusap-usap pa sila pero lumilipad na ang utak ko sa kung saan. Kinakabahan ako sa sinabi nila na baka nga may birth defects ang baby namin ni Kyline.

Napakuha tuloy ako ng phone kahit tinatanong at pinag-uusapan nila ang tungkol sa kinuwento kong pag-uusap ng parents ko saka ni Kyline kasama si Tito Bobby.

Nag-search ako ng cause ng birth defects.

Lalong lumakas ang kaba ko dahil sa mga nabasa ko.

Puwede raw makuha through genetics. Kahit naman gago ang tatay ko, wala naman siguro silang defects. Yung height siguro, pero hindi naman defect 'yon. Hindi naman ako higante. Kina Kyline naman, counted ba ang pagiging slow ng utak ni Ky? Defect ba 'yon?

Nakalagay naman sa nongenetic causes; paninigarilyo, pag-inom ng alak, saka drugs habang buntis.

Habang buntis . . .

Pero hindi naman na siguro siya nagda-drugs after naming mahuli.

Naubos lang ang barkada bonding namin na tahimik ako at research nang research sa Google ng iba't ibang article tungkol sa birth defects. Halos isa lang ang sinasabi.

Common na ang cleft palate, may cerebral palsy, o kaya may Down Syndrome ang baby.

Kaya nga kinabukasan, mula sa site kung saan kami nagpa-practical, dumeretso agad ako sa clinic kung saan magpapa-checkup si Kyline. 11 a.m. daw ang appointment niya sa doktor kaya nga tiniis-tiis ko ang init sa labas ng clinic para lang hintayin sila.

Nagpapasalamat ako at pinagbasa lang kami ngayon ng diagrams at blueprint at pinag-check ng components ng machine. Kahit paano, haharap ako sa parents ni Kyline na naka-casual formal kahit paano. Kahit mainit, buti naisipan kong mag-white T-shirt pang-ilalim sa long sleeves kundi lumalawa na ang basa sa kilikili ko sa sobrang init.

May OB-GYNE clinic na malapit sa Asian Hospital, doon kami nagkita-kita. Akala ko, sakay sila ng 4x4 dahil sa mama ni Ky, pero puting Fortuner ang sasakyan nila. Si Sir Adrian ang driver, nakasuot ng casual royal blue polo shirt, black shorts, at slip-ons. Ang mama ni Ky, naka-peach tank top, denim jeans, at leather boots. Nakatirintas ang buhok na dikit sa anit. Kasama rin niya ang babaeng hindi ko pa yata nakikitang nakahiwalay sa kanya. Pixie-cut ang buhok n'on at naka-sando lang din, black leather pants naman ang pang-ibaba at leather boots. Si Kyline, naka-light blue na dress, long sleeves pa, na hinahangin ang laylayan kaya kailangan pa niyang hawakan.

Nakuha ni Kyline ang height sa mama niyang matangkad. Ang mukha, nakuha sa papa niya. Buti hindi niya nakuha ang tapang ng mukha ng mama niya. Ang pangit kasing tingnan kung mukha siyang maangas kaso tanga.

"Wala ka bang pasok?" tanong ni Sir Adrian paglapit sa akin, sa likuran ko lang naman ang sliding door ng clinic.

"Tapos na po. Galing lang po ako sa site, nag-check ng blueprint."

Alam naming pare-pareho na nakapagsalita ako nang masakit at offensive sa kanila noong huling kita nila sa akin, pero kahit sino naman siguro magagalit kapag sinabihan kang ipalaglag ang anak mo out of the blue. Si Tito Bobby pa ang nagpaliwanag sa akin nang mahinahon para lang maintindihan ko kung bakit sa ganoon nag-resort ang parents namin ni Kyline.

Pero kahit pa may point at reasonable ang point, ayoko pa ring tanggapin. Sumasamâ ang loob ko kapag naiisip kong hindi pa man nabibigyan ng chance ang baby na mabuhay, kailangan na niyang patayin.

Si Daddy, ilang beses niyang inuulit-ulit sa akin na sana pinatay na lang ako ng totoo kong nanay. Sa lagay na 'yon, wala pa akong birth defects.

Kung magkakaanak man ako, kahit kulang ang paa o sobra ang daliri o slow gaya ni Kyline, hindi ko sasabihan 'yon na sana pinatay na lang namin siya. Ayokong maramdaman niya ang feeling na sana nga pinatay na lang siya habang paulit-ulit na dine-degrade ng sarili niyang magulang.

Pagpasok namin sa loob, hindi ganoon karami ang tao. Parang dalawang couple lang ang nakita namin sa loob at may pasyente pa yata sa mismong opisina ng doktor.

Anne Mamaoag daw ang pangalan ng doktor. Kakilala raw ng mama ni Kyline. At ayaw ni Miss Brias sa ibang doktor maliban doon.

Akala ko, mauuna na ang mga nakaupo sa waiting area pero paglabas ng naunang pasyente, kasabay rin ang doktor at kami na ang tinawag pagkakita sa amin.

Bata pa ang doktor, parang mga nasa 30s pa lang. Naka-bun ang medyo wavy na copper-colored na buhok at nakasuot ng white coat.

Pumasok kami sa akala kong opisina, pero pinto lang pala iyon sa mas complex pang hallway. May waiting area sa gilid ng pinto mula roon. Pangalawang pinto mula sa kabilang gilid, doon muna pinapasok ng nurse si Kyline para sa laboratory checkup habang kinakausap ng doktor sina Sir Adrian.

Palingon-lingon ako sa pinto kung saan dinala si Ky habang nakikinig sa sinasabi ng doktor.

"Ongoing pa rin ang investigation," narinig kong sinabi ni Sir Adrian. "Let us know about the health of Kyline. Unease pa rin kasi kami rito."

"Don't worry, Addie. We'll take care of her," sabi ng doktor at tinapik si Sir Adrian sa braso.

Nabablangko ako sa loob, hindi ko alam ang mararamdaman. Natutulala ako habang naghihintay sa kanilang lahat. Ini-insist nilang may problema kahit wala pa mang results.

Para lang akong asong nakabuntot sa kanila. Makikinig ng sinasabi ng doktor—na puro tsismisan na nga lang sa career ang naririnig ko at hindi kay Kyline—bago kami mapunta sa mismong opisina ni Doktora Anne.

Maliit lang 'yon, maraming file cabinet sa kaliwang gilid, may kama sa kanan. Saglit lang din kami habang may sinusulat siya sa records bago kami lumipat ng panibagong kuwarto kung saan iu-ultrasound si Kyline.

Tinakpan si Ky ng kulay dark blue na kumot sa baywang paibaba paghiga niya sa kama. Inangat ng sonographer ang laylayan ng dress niya hanggang umabot sa itaas ng tiyan.

Hindi ko na alam kung saan ako titingin. Nalilito na ako sa titingnan. Wala pang laman ang screen kaya kay Kyline kami nakatingin, kaso naiilang ako habang nakatingin sa kanya, hindi ko alam kung bakit.

Kung tutuusin, walang mag-aakalang buntis siya. Hindi kasi halata.

Pagbukas ng screen, lumabas na ang itsura ng ultrasound doon. Napapapikit-pikit ako kasi wala akong makita maliban sa blurry lines na gumagalaw-galaw kada ikot ng hawak na transducer ng sonographer na pang-scan sa tiyan ni Kyline.

Dapat pala nag-research din muna ako tungkol sa lab test bago ako pumunta rito. Puro defects agad ang hinanap ko kagabi.

Pero ilang saglit pa, may nabuo na sa screen na mas malinaw. May maliit na space doon at may lumalabas nang mahabang pabilog sa gitna. Napalunok ako kasi mukha nang fetus 'yon pero sobrang liit pa.

"As you can see, this is the forming baby. This is the head and this the body . . ." sabi ni Doktora at inikot-ikot ang mouse pointer sa gitna ng screen. May pinindot pa siya sa likod ng table kaya napasilip ako roon, at ilang saglit pa, bumukas ang speaker at may sunod-sunod na tibok na umalingawngaw sa speaker.

Shit. May heartbeat na.

"The heartbeat is regular," dugtong ni Doktora, at sa isang iglap, parang gusto ko nang himatayin sa sobrang panghihina.

Namawis ako nang malamig at pakiramdam ko, nawalan ng lakas ang mga binti ko. Napasandal agad ako sa dingding katabi ng pinto habang nakatingin sa monitor.

"Growing na rin ang arms and leg, pero hindi pa natin malalaman ang gender sa ngayon. Everything is normal, kailangan na lang i-maintain ito habang nasa end of first trimester pa lang."

Ang dami pang sinabi ni Doktora pero ang utak ko, nasa malayo na napunta. Nauna na ako sa waiting area dahil nanlalata ako.

Ang sabi ni Daddy, wala pang heartbeat, pero meron na, e. Kompleto ang kamay at paa. At least, kompleto ang kamay at paa.

Puta, legit na 'to. Magkaka-baby na talaga ako.

Nakailang pagpag ako ng kamay kong namamawis. Napatingin ako sa pintong bumukas sa bandang harapan ko at nakita ko agad si Kyline na kalalabas lang.

Aligaga akong kumuha ng phone at nagbukas ng kung anong app. FB sana kaso baka isipin niya, kung sino-sino ang kinakausap ko habang wala siya. Napunta ako sa YT at nagbukas ng history. Patay-malisya akong nakatitig kunwari sa phone para lang hindi niya masabing hinihintay ko siya.

Tahimik lang siyang naupo sa tabi ko.

"Kakausapin daw ni Doc sina Mommy," sabi niya.

"Hmm." Tumango lang ako saglit at nakikiramdam kung may sasabihin pa siyang iba.

Nakakailang lunok na ako, nate-tense ako sa nangyayari.

Magkaka-baby na kami ni Kyline. May heartbeat na. Buo na ang katawan ng baby kahit maliit pa lang. Ano ba'ng dapat kainin ng buntis? Ano ang mga bawal? I-chat ko kaya si Rico? O kaya si Clark? Kaso nandito na kami sa clinic, e di sana, doktor na lang ang tinanong ko.

"Leo . . ."

Pinatay ko agad ang phone ko at nilingon siya. "Nagugutom ka?"

Kagat na naman niya ang labi nang tingnan ako. Mukha na naman siyang nagpapaawa.

"Nauuhaw?" tanong ko ulit. "Gusto mo ng tubig?" Mabilis kong kinuha ang tumbler ko sa bag saka ibinigay sa kanya.

Yumuko siya at kinuha ang tumbler ko gamit ang dalawang kamay. "Thank you."

Shit. Natotorete ako, ano na ba'ng gagawin ko?

Binuksan ko ulit ang phone ko para sana i-text si Patrick. Baka gusto ni Ky ng gatas. Si Patrick, mahilig sa gatas 'yon. O kaya si Rico, tanungin ko kung may binebenta silang gatas na bagay sa buntis. Mga wala namang pasok 'tong mga 'to, baka puwede kong bulabugin.

"O-Okay na . . ."

Napatingin ako sa tumbler na inaabot niya sunod sa mukha niya. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang pulang-pula ang pisngi niya.

Shit!

"May lagnat ka ba?" kinakabahan ko nang tanong.

"H-Ha?"

"Ang pula mo."

"Ha?"

"Patingin—" Hahawakan ko sana ang noo niya pero bigla niyang pinalo ang kamay ko saka siya gulat na gulat na lumayo sa akin. Mula sa ilang pulgadang pagitan, halos dalawang tao na ang layo niya mula sa puwesto ko.

Para akong pinigilang makahinga habang nakatingin sa natatakot niyang mukha.

Bumalik na naman sa imagination ko ang itsura niya noong umiiyak at natatakot siya sa harapan ko.

"Leo, masakit . . ."

Dahan-dahan kong binawi ang kamay ko habang nakatitig sa kanya.

"A-Ayos lang ako," sabi niya saka yumuko.

Sa isang iglap, pakiramdam ko, bigla siyang lumayo—klase ng layo na mahihirapan akong maabot.

"Kyline, are you hungry?" Napatingin ako sa hallway sa harapan namin at naabutan si Sir Adrian na nakasilip sa relo niya. "It's almost noon. May continuation daw ng checkup mo after lunch break. Babalik tayo rito by 1:30."

Tumayo na ako. Mukhang aalis na sila at maiiwan ako rito.

"Uuwi ka na?" tanong ni Kyline at napatingin ako sa kanya.

"Kakain lang din muna ako," sagot ko. "Hihintayin kong matapos ang checkup."

"Sumabay ka na sa amin." Umawang ang bibig ko sa alok ni Sir Adrian.

"Addie," kontra ng mama ni Kyline.

"Let the kid," sabi ng babaeng lagi nilang kasama, si Gina. "Kaysa kumain 'yang mag-isa."

Ayokong maramdamang naaawa sila sa akin, pero ipinararamdaman nila 'yon. Ayoko ring maawa sa sarili ko.

Para akong batang nawawala na nakasunod lang sa kanila papunta sa malapit na restaurant.

Napasilip agad ako sa wallet ko. At dahil kasama ko ang parents ni Kyline, sinigurado kong sobra-sobra ang dala kong pera, just in case lang na ipamukha na naman sa akin ng mama ni Kyline na bata pa ako at hindi ko pa kayang mabuhay mag-isa nang walang magulang.

Si Gina ang sumalubong sa waiter na nakaabang sa entrance. Kinausap niya 'yon saka tumango.

Nakatingin lang ako sa likod ni Kyline habang yakap niya sa braso ang daddy niya. Ilang beses din siyang hinalikan ni Sir Adrian sa tuktok ng ulo at hahagurin pa nito ang buhok niya.

Nagpapasalamat na lang ako na mabait ang daddy niya. Kasi kung masama na nga ang ugali ng mama niya at kasing-ugali pa ni Daddy ang daddy niya, baka kahit ayaw niya, itatakas ko talaga siya sa kanila.

Inaya kami ng waiter sa mesang may limang upuan at ako na ang huling umupo sa natirang upuang blangko. Nasa gitna si Kyline ng parents niya. Pinagigitnaan naman ako ni Sir Adrian at Gina sa pabilog na mesa. Pero pansin ko agad ang lapit ni Sir Adrian kay Kyline at lapit ni Gina sa mama ni Ky. Ang resulta, halatang naka-separate ako sa kanila sa isang panig ng mesa.

Pagkabigay sa amin ng menu, hinanap ko agad ang pinakamahal na sine-serve nila. Gusto kong ipakita sa pamilya ni Kyline na may pera ako. Hindi pa ako graduate ng college, pero may pera ako at kaya kong gastusan ang sarili ko nang hindi ako umaasa sa pera ng parents ko.

Wala akong idea sa size ng tomahawk steak nila pero ang mahal. 7,495 ang isang serving.

Kahit pa kaya kong kumita ng daang libo, ang mahal pa rin ng 7,495, lalo pa't nasanay akong nagla-lunch ng libre pero tinatapong pagkain ng kompanya ng kabarkada ko.

Wala pa man, napapatanaw na lang ako sa labas ng glass wall ng restaurant kung dapat ko na bang pagsisihan na umorder ako ng lunch na kulang-kulang walang libo agad, hindi pa kasama ang ibang dishes at drinks. Ang steak rice nila, 320 pesos isang serving. Kinse nga lang isang cup sa canteen sa ibaba ng training center. Java rice na 'yon. Yung sparkling water nila, 200 pesos, hindi pa 'yon bottomless.

Parang lalo akong nawalan ng ganang kumain habang kino-compute ko ang gastos para pa lang sa akin. Kung ililibre ko silang lahat ng lunch para magpabibo, para na rin akong nagbayad ng tuition ko in full payment sa isang sem.

Nakakaiyak, ang sakit sa bulsa maging mayabang.

Pagdating ng order namin, itinago ko na lang ang gulat ko sa laki ng karne na nasa sizzling plate. Para kaming hinainan ng palakol. At ganoon din ang order ng mama ni Kyline na ikinagulat ko. Lutang na siguro ako kaka-compute ng gastos at hindi ko narinig na same pala kami ng kakainin.

Lalo akong napaisip. Ang mahal na nga ng order ko, pati ba naman order ng mama ni Kyline, mahal din?

Puta, dapat na ba akong bumalik sa pagpe-painting para makabawi kahit isang lunch lang?

Habang ngumunguya ako, nagka-calculate na ako ng gastos ko para ngayong araw. Ang high maintenance naman ng pamilya ni Kyline. Dapat ko na bang buksan ang mga bank account ko kada dalaw ko sa kanya?

"Hindi ka ba busy?" tanong ng mama ni Kyline.

Tumingin ako kay Sir Adrian, nakatingin sa akin. Kay Gina, sa akin din. Kahit si Ky.

Lahat sila, ako ang tinitingnan kaya napatingin din ako sa mama ni Kyline.

"Hindi mo kailangang sumama sa amin sa checkup kung busy ka," sabi pa niya.

Ako nga ang kausap, at mukhang pag-iinitan na naman ako, walang kadala-dala.

"Busy nga po ako," sagot ko. "Pero kung gusto naman po ng taong unahin ang kailangang unahin, magagawa niya. Wala namang pong taong busy sa committed sa priorities."

Sumulyap ako kay Gina na biglang natawa sa sinabi ko.

"He's right," sabi ni Gina, "right?"

"Kahit pa," naiinis na sagot ng mama ni Kyline.

Si Sir Adrian, natatawa pero nagpipigil naman.

"Pag-iisipan pa namin kung gagamitin ng apo ko ang apelyido mo," sabi ng mama ni Ky. "Kahit hindi mo 'yon ginusto, ayoko pa rin sa 'yo."

So, hindi tuloy ang abortion. E, di good.

"Karapatan n'yo hong magalit sa akin. Kahit din ho ako, magagalit kung ako ang nasa posisyon n'yo," sabi ko agad sa kanya. Naiintindihan ko rin naman ang ipinagpuputok ng butsi niya kasi nga nabuntis ko ang anak niya nang ganito kaaga.

"Mukha ka namang matalino. Ang dami mo ring academic records. Hindi ka ba nanghihinayang para sa sarili mo, hmm?"

Gusto ko sanang sumagot pero inasar ko na lang siya. Ngumuya na lang ako habang nakatitig sa kanya hanggang magmukha siyang tanga.

Nandito ako kasi nabuntis ang anak niya kahit wala sa amin ang may gusto? Nanghihinayang ako para sa sarili ko? Malaking HINDI. Unang-una, hindi ako ang buntis dito. Kung tutuusin, kaya kong takbuhan si Kyline any time. Kung ang basehan niya ng katalinuhan ko ay lalayasan ko ang anak niya para mag-feeling single ako sa malayo, e di, tanga na kung tanga. Anak ko 'yon, bakit ko itatanggi?

"Linda," sabi n'ong Gina at inakbayan na ang mama ni Kyline na mukhang magdadabog sa mesa.

"Masyado kang matapang. Sana nagawa mo 'yan noong hindi mo pa ginagalaw ang anak ko."

"Kung kayo ho ang nasa kalagayan ko at that time, hindi n'yo gugustuhing maging matapang ako," sagot ko agad. "Kasi kung pinalagan ko sina Elton at pinabayaan ko si Kyline sa kanila, baka namimili na kayo ngayon kung sino ang ama ng magiging anak niya at sigurado akong wala ako sa option n'yo bilang suspect."

Bumigat ang paghinga niya habang nanlilisik ang mga mata sa akin.

Huwag niya akong sasabihan na dapat naging matapang ako noong stag party kasi kung pinairal ko ang kayabangan ko at that time, baka pare-parehas na kaming nakabaon sa lupa ngayon ng barkada ko.

"Belinda, tigilan mo na ang bata," sermon ni Sir Adrian sa dati niyang asawa. Nagdabog na tuloy at mukhang magwo-walk out.

"Linda." Nagulat pati si Gina.

"Pupunta lang ako sa restroom." Inirapan kami ng mama ni Kyline saka pabalyang sumasaga ng kung sino sa hallway. Walang pakialam kung sino ang mabubunggo.

"Sorry . . ." sabi sa akin ni Kyline pagtingin ko sa kanya.

"Masama lang ang loob niya sa nangyari kay Belle," sabi ni Sir Adrian.

"Dapat lang po," sagot ko at tumingin sa plato ko. Naiintindihan ko naman. "Kasi kung hindi masama ang loob niya, hindi ko ho masasabing magulang siya ng anak n'yo."

May karapatan silang magalit sa akin higit pa sa galit ko sa sarili ko. Hindi ko inaalis 'yon. Pero huwag din sana nilang alisin ang karapatan ko sa anak nila.

Ilang saglit pa kami sa mesa bago tumayo si Kyline at nagpaalam na gagamit ng restroom. Nag-alok si Gina na samahan siya kaya kami ni Sir Adrian ang naiwan. Sinamantala na rin nito ang pagkakataong makausap ako nang masinsinan.

"Normal ang lahat, sabi ng doktor," balita niya at tumango ako. "We don't want the two of you to suffer from this, at nakikita naming mahirap para sa inyo ang nangyayari. Kaya nga kami nag-resort sa unang plano na ida-drop ni Ky ang pregnancy as early as now."

"Sir, alam ko pong sobrang alanganin ng situation namin ngayon, pero hindi ko po iri-risk ang health ni Ky at ng baby para lang sa comfort ko. Alam ko pong nahihirapan at mahihirapan si Kyline, inaasahan ko na po 'yon. Pero ayoko pong patayin ang baby namin. Wala naman hong kasalanan 'yon."

"I understand," sabi niya saka tumango. "Linda doesn't like you. Magiging hostile siya towards you, and I can't promise anything na magiging favorable para sa 'yo."

"Ramdam ko naman ho. Sa dami ng death threats na natanggap ko sa kanya, nasanay na lang din po ako."

Ang lalim ng buntonghininga ni Si Adrian at matipid na ngumiti sa akin. "You have your time to think and reconsider things, son."

"I already did, sir. Hindi ko po iiwan si Kyline kahit na ano'ng mangyari, kahit pa patayin ako ng mama niya."

Segundo rin ang inabot bago ko na-digest ang sinabi ko kay Sir Adrian. Napaisip ako na sana hindi mali ang pagkakaintindi niya roon.

"Hindi ka natatakot kay Linda?" seryosong tanong ni Sir Adrian.

Matipid akong ngumiti saka tumango. "Natatakot po ako, pero hindi dahil pulis siya o kaya marunong siyang humawak ng baril," sabi ko. "Mas natatakot po na baka dalhin niya sa kung saan si Kyline tapos hindi ko na makita. Hindi n'yo naman po dadalhin sa Amerika si Kyline, di ba?"

Saglit na nagsalubong ang kilay ni Sir Adrian doon at parang napaisip pa siya. "Wala kaming property sa Amerika, pero ang lolo niya sa tuhod, taga-Beijing. May bahay kami roon."

Beijing . . . sa China. Sasakay pa ng eroplano.

"Dadalhin n'yo po ba siya roon?" tanong ko agad. Bigla akong kinabahan.

"Plano namin sanang pumunta roon ngayong summer."

Shit. Ayoko sa eroplano.

Gusto ko sanang sabihing "Puwede po bang huwag na lang kayong umalis kasi ayoko sa malayo?" Kaso ang tigas naman ng sikmura ko kung sasabihin ko 'yon.

"But that was canceled until matapos ang case ninyo with Corvito," biglang sabi ni Sir Adrian. "For now, dito muna si Kyline sa Pilipinas habang ongoing ang investigation. Wala pa kaming idea kung gaano iyon katagal kaya maghihintay pa kami."

Shit.

Nakahinga ako nang maluwag doon.

"Sir, puwede ko pong dalawin si Kyline sa inyo araw-araw?" paalam ko agad. "Kahit sa gate lang po ako, ayos lang."

"Hmm. Kakausapin ko muna si Linda. Ayokong mangako, but I'll try to compromise."

"Thank you po, sir!"

Sana pumayag 'yong kontrabidang mama ni Kyline. Hindi naman siya ang dadalawin ko roon sa kanila, laging atribida.



❤️❤️❤️

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top