Chapter 33: Fallen
"Ay, napakarami naman nito!"
Matipid ang ngiti ko kay Manang nang buksan ang back door ng van ni Rico. Meron doong apat na medium-sized bilao at tatlong Pyrex glassware.
"Para po kay Kyline," sabi ko na lang.
"Nanliligaw ka ba sa alaga ko?" mapagdudang tanong ni Manang na naniningkit.
"Buntis nga ho kasi si Kyline," depensa ko.
"Anak, magkaiba ang buntis at masiba."
"Para ho 'yan sa baby," katwiran ko na lang kahit parang walang sense.
"Manang, that's for 'his baby' nga po," parinig ni Rico na kinuha na ang ilang bilao sa van. Mula sa likod ni Manang, nag-middle finger ako sa kanya na tinawanan lang niya habang papalapit sa gate kung saan nakaabang na rin sina Will para doon magpasa ng dadalhin sa loob ng bahay ng mga Brias at Chua.
Kinuha ko na ang tatlong Pyrex na magkakapatong at dumeretso roon sa gate.
"Magpasalamat kayo't nasa kampo si Linda ngayon. Tara sa loob," alok ni Manang.
"All clear! All clear!" sigaw ni Clark kaya hinabol ko agad siya ng sipa para lang manahimik.
Nakailang buga ako ng malalim na hininga habang iniisip kung magugustuhan ba ni Kyline ang mga pasalubong namin. Ngayon pa lang kami uuwi ng Manila, dito rin kami galing kahapon bago kami umalis ng Manila rin.
"Che, nasaan si Belle?" tanong ni Manang nang makasalubong namin ang dalaga kahapon na isa rin yatang katiwala rito sa kanila.
"Tulog pa po," sagot n'on bago dumeretso sa gilid ng bahay.
"Ay, sayang naman. Tulog pa," sabi ni Manang. "Hayaan n'yo na't magigising din naman na 'yon maya-maya."
Unang beses naming makakapasok sa bahay nina Kyline. Kahapon, sa labas lang talaga kami ng mismong bahay. Maaliwalas sa loob, kapareho ng interior ng bahay namin doon sa malapit sa entrance. Tingin ko, kahit nakapikit ako, kaya kong libutin itong kanila nang hindi naliligaw. Ultimo papuntang dining area, kapareho ng direksiyon.
Inilapag na nina Rico ang mga pasalubong namin sa mahabang dining table.
"Dude, I think we better go," bulong ni Rico sa akin.
"Bakit?" tanong ko.
"Baka biglang dumating ang mama ni Ky. You know naman, bad shot pa rin tayo roon."
"Ha? Ah . . ." Nilingon ko si Manang na pumunta sa kusina sa isang dulo ng dining area. "Una na kayo."
"Dude." Hinawakan na ako sa braso ni Rico para pagsabihan. "Tulog pa."
"Hihintayin ko."
Saglit na nanliit ang mga mata niya saka tumanaw sa yard mula sa glass wall ng dining area—klase ng tingin ni Rico na may gusto siyang sabihing ikaiirita ko pero pinag-iisipan pa kung paano iyon sasabihin na talagang maiirita ako nang sobra.
"Tantanan mo 'ko, Ronerico. Sasapakin kita diyan," warning ko agad saka mahinang sinapok ang ulo niya.
Tahimik siyang tumawa habang nakatutok ang kamao sa bibig para takpan ang mga ngipin niyang halos makita na lahat. "You're whipped, dude."
"Ulol. Umalis na nga kayo."
Nagkibit-balikat lang siya saka pangiti-ngiting lumapit kina Calvin na inuusisa ang buong dining area nina Kyline.
"We better go before we end up six feet underground, guys," sabi ni Rico at inakbayan na si Patrick para paunahin palabas. "Manang, we'll go na po!"
"Ay, ayaw n'yong magmeryenda?" sigaw ni Manang mula sa kusina.
"It's okay po. We'll go home na rin! Thank you po sa pag-allow sa amin dito."
"Ayaw n'yong hintayin si Linda?"
"Manang, are you trapping us to our death?" biro ni Rico na tinawanan ni Manang—mukhang nakakaintindi ng biro sa ibang language. Kung sa bagay, madalas mag-English si Kyline.
"Ay, sige na, mga anak. Salamat sa pasalubong! Ingat kayo pauwi!"
Kaaalis lang nina Rico nang eksaktong paglabas ni Manang sa kusina dala ang ilang Tupperware. Doon yata ililipat ang laman ang mga bilao.
"Aba! Akala ko'y uuwi na kayo?"
"Magpapaiwan po ako. Hihintayin ko pong magising si Kyline," sabi ko.
Ayun na naman ang malisyosang ngiti ni Manang habang tinataasan ako ng magkabilang kilay.
"Ang naririnig-rinig ko kina Linda, ang nakabuntis daw sa alaga ko e hindi raw kakilala ni Belle."
"Kilala po ako ni Kyline. Classmates po kami noong high school."
"Ay!" Saglit na napahinto sa pagbubukas ng naka-foil na bilao si Manang. "Taga-FE Alabang ka rin ba dati?"
Tumango naman ako. "Dati po akong nakatira diyan sa entrance ng Dolleton."
"Aba . . ." Napaatras pa siya nang kaunti bago binalikan ang sinasalin. "Kapitbahay ka lang pala. E, bakit hindi ka namin nakikita rito?"
"Hindi po kasi ako napapadaan dito. Tulungan ko na po kayo." Kinuha ko na ang isang Tupperware niyang dala at isang sandok saka binuksan ang isang bilaong may takip na foil.
"Ang dami naman nito, anak. Pinahanda mo?" tanong ni Manang, sinasalin ang magkakaibang kakanin at puto sa isang Tupperware.
"Galing ho kaming fiesta sa Laguna."
"Ay, ang kaunti naman nito," biglang bawi niya sa dala kong marami raw kanina.
Hindi ko alam kung biro ba iyon o sarcasm lang kasi galing nga kaming fiesta na talagang napakaraming handa.
Nagsalin lang ako ng tatlong magkakaibang pansit na magkakasama sa iisang bilao at naka-divide lang ng pagkakalagay.
"Paano kung maabutan ka rito ni Linda? Wala si Addie, sinundo yata si Hellen."
"Wala naman pong problema kung maabutan ako."
Napangiti si Manang. "Kilala mo ba si Linda?"
"Kilala ho. Alam ko naman pong pulis 'yon."
"Nagbebenta ng baril 'yon."
"Alam ko rin po."
"Hindi ka natatakot?"
Umiling naman ako. "Nandito naman po ako para kay Kyline."
"Mahal mo alaga ko?"
Mabilis akong ngumiwi saka sumimangot. "Bakit naman ho tayo napunta roon, Manang?"
"Ay, kasi naman, ang mga lalaking nadadaan dito para kay Belle ay yaong mga may kras sa kanya."
"Tatay ho ako ng baby niya. Natural lang hong nandito ako."
"Tama rin naman. Pero bilib din ako sa 'yo, anak." Napasulyap tuloy ako sa kanya habang nakatutok ang atensiyon niya sa mga kakanin na halos mapuno ang isang Tupperware. "Noong nalaman kong buntis si Belle at hindi kilala ang ama, ay sabi ko agad, 'Wala na 'yan. Hindi na mahahabol 'yan.'" Saglit niya akong tinapik sa braso. "Iyon naman ay sa tingin ko lang, anak. Ang anak ko, tinakasan din ng nakabuntis sa kanya. Ayun at naghanap na lang ng kano. Maalwan na ang buhay niya roon ng apo ko sa Amerika. Nauwi rito sa Pinas kapag Pasko. Ang tatay ng apo ko, kung saan man siyang impyerno naglalalagi ay dumoon na lang siya habambuhay."
Nakikinig na lang ako kay Manang. Ayoko ring sumabat at baka mauwi na naman sa pang-aasar niya sa akin at kay Kyline. Mabuti nang buhay na lang niya ang pag-usapan kaysa buhay ko.
"Manang . . ."
Biglang nanlaki ang mga mata ko at parang may kung anong pumalo sa dibdib ko at bigla akong kinabahan.
"Ay, gising na pala ang alaga ko. Belle, anak, tara dito't may pasalubong itong si Lando sa iyo."
"Leo po," paalala ko.
"Ay, pasensiya na't pareho lang kasi ng tunog."
Lumapit si Kyline kay Manang, pero doon siya sa likod n'on pumuwesto.
Kung makatingin naman 'tong babaeng 'to, parang pinasok sila ng serial killer dito sa kanila.
"Leo . . ."
Mukhang kagigising lang niya. Namumungay pa ang mata. Pink satin na sando at terno ng pink satin na shorts lang ang suot. Sinilip ko ang tiyan niya pero parang hindi naman siya buntis.
"Anak, kumain ka," utos ni Manang kay Kyline. "Ayan, maraming handa ang bisita mo."
Sinundan ko ng tingin si Manang na mukhang dadalhin sa kusina ang ibang isinalin niya sa Tupperware.
Mabilis kong kinuha ang phone ko, inilipat sa contact list, at iniabot kay Kyline.
"Number mo," sabi ko.
"Ha?"
Bumaba ang gana ko sa sagot niya. "Bingi ka ba? Sabi ko, number mo."
"A-Ako?"
Balak ba nitong sukatin ang haba ng pasensiya ko?
"Number mo nga," sabi ko, pilit na pinabababa ang tono kasi baka ma-stress siya, makasamâ pa sa baby.
"Bakit?"
Pag-untugin ko kaya sila ni Melanie? Ang daming tanong! Nakakabuwisit.
"Para nako-contact kita."
"O-Okay . . ." Naiilang pa niyang kinuha ang phone ko gamit ang dalawang kamay habang alanganing nakayuko.
Pasulyap-sulyap siya sa akin habang tina-type doon ang number niya. Nang matapos, ibinalik na rin niya sa akin ang phone ko.
"Ite-text kita," sabi ko. "Mag-reply ka. Sabihin mo sa 'kin ang nararamdaman mo."
"N-Nararamdaman ko? Sa 'yo?"
Napangiwi ako sa sinabi niya saka ako nag-angat ng mukha. "Sabihin mo kung nasusuka ka o nahihilo o kung ano man."
"A—okay. Okay . . ." Matipid siyang tumango at inisa-isa ng tingin ang mga pagkain sa mesa. "Ang dami . . ."
"Kainin mo 'yan."
"Lahat?" gulat niyang tanong pag-angat ng tingin sa akin. "Hindi ko mauubos 'to."
"Natural hindi mo kakainin 'yang mag-isa. Kumuha ka lang ng kaya mong ubusin."
Ang slow talaga nito ever since. Ano ba utak nito, naka-Pentium 4?
"Uuwi na 'ko," sabi ko na.
Wala siyang sinabi. Kinagat lang ang labi at naaawang nakatingin sa 'kin.
"Ang sabi ko, uuwi na 'ko," ulit ko pa.
Yumuko lang siya at marahang tumango.
Hindi man lang ba nito sasabihing mag-ingat ako pauwi? Wala talaga 'tong silbi.
"Manang, uuwi na ho ako," malakas kong sinabi sa direksiyon ng kusina.
"Mag-ingat ka pauwi, anak!" sigaw ni Manang mula sa kusina.
Mabuti pa 'to si Manang, may utak at konsiderasyon.
Dumeretso na ako palabas ng bahay. Makailang beses din akong lumingon kung susunod ba si Kyline para ihatid ako palabas sa kanila, pero wala. Baka kumain na lang talaga sa dining area.
"Kung ayaw mo 'kong ihatid, e di huwag," sabi ko nang makalabas ng bahay nila.
♥♥♥
Umuwi ako sa Dasma, sa bahay nina Tito Bobby. Iniwas-iwasan na nga namin ang mama ni Kyline sa kanila, doon ko naman maaabutan sa opisina ni Tito pagbisita ko. Kasama rin si Sir Adrian, kaya siguro wala. Pero hindi lang 'yon. Nandoon din sina Daddy at Mama, kaharap nila.
"Nandiyan na si Patrick?" bungad na bungad ni Tito pagtapak ko sa opisina niya.
Bakit? Wala pa ba? Nauna na sila, a.
"Kasama po siguro ni Rico," sabi ko na lang. "Hindi po kami sabay na umuwi."
Nalipat ang tingin ko kay Miss Brias na tinataasan ako ang kilay.
"Good afternoon po," bati ko na labas sa ilong at napilitan lang dahil nandito si Tito at pagagalitan ako kung hindi ako babati sa mga bisita niya.
Magkasama sina Daddy at Mama pero kitang-kita ang distansya nila sa isa't isa. Magkasama rin naman sina Sir Adrian at Miss Brias, sobrang dikit pa nga, parang hindi hiwalay. Tapik-tapik pa ni Sir Adrian ang hita ng mama ni Kyline, na para bang sa ganoong paraan nito pinakakalma ang dating asawa na mukhang susugurin ako any time.
"Nabanggit na sa amin ni Miss Brias at Mr. Chua ang tungkol sa anak nila," sabi ni Tito, nakasunod sa akin ang tingin habang naglalakad ako papalapit sa kanila sa gitna ng office.
Napalunok ako nang marinig ang tungkol kay Kyline at sa pagbubuntis niya habang kaharap ang parents ko.
Napasok na nga kami sa gulo, may kaso pa ako, at ngayon, nakabuntis pa.
"Paninindigan ko po si Kyline, Tito," sabi ko, kahit pa nasa gilid ko lang ang parents ni Ky at parents ko.
"Leo, anak, you don't have to do this," nagmamakaawang sinabi ni Mama.
"Ma, whether I like it or not, I have to do this."
"Ipa-abort na lang, tutal two months pa lang," sagot ni Daddy. "Baka dugo pa lang 'yon."
Umaasa akong tatanggi ang parents ni Ky, pero parang kanina pa nila napag-uusapan bago ako dumating.
"Anong ipapa-abort?" galit na sagot ko kay Daddy. "Bakit ipapa-abort, e anak ko 'yon?"
"Bata ka pa, Leo," sabad ni Mama.
"Twenty na 'ko, Ma. And for the record, I lived on my own for more than three years."
"At nandito ka nakikibahay sa bahay ng iba," kontra ni Daddy. "Ang kapal ng mukha mong magtagal dito."
"Nandito ako kasi inutil kang ama! Igagaya mo pa 'ko sa 'yo! Napakawalang kuwenta mong tao!"
"At wala ka talagang utang na loob!"
"Wally, stop it!" Humarang agad si Mama pagtayo ni Daddy para sugurin ako. Kahit ang mama ni Ky, tumayo rin at dinuro si Daddy para magbanta.
"Tito, anak ko 'yon! Anak namin ni Kyline 'yon!" Naduro ko na si Tito Bobby para depensahan ang karapatan ko. "Paninindigan ko 'yon kasi pinili kong iligtas si Kyline sa mga gagong gusto siyang pilahan! Alam ko ang kasalanan ko pero walang kasalanan si Ky pati ang baby namin para magdesisyon kayo na ipapalaglag ang anak namin!" Minata ko ang ibang kasama namin sa opisina ni Tito. "Magulang ang tawag n'yo sa mga sarili n'yo? Mahiya nga kayo!"
Padabog akong naglakad palabas ng opisina ni Tito habang may kung ano sa lalamunan ko na hirap na hirap akong lunukin. Mabilis akong naghawi ng mata nang pangiliran ako ng luha.
Dumeretso ako sa kuwarto ko at pabagsak kong isinara ang pinto saka ni-lock.
Binuksan ko ang drawer at kinuha roon ang isang bukas na kaha ng yosi at lighter saka ako pumunta sa balcony.
Pabagsak akong umupo malapit sa railings at sinindihan ang isang stick. Kinuha ko ang phone ko at nag-type ng message.
Leo: Ky
Ang lalim ng paghipak ko sa yosi habang hinihintay ang reply niya.
Kyline: Leo? Is this Leo?
Ibinuga ko ang usok mula sa bibig at nag-type ng reply.
Leo: Yeah. Kumain ka na?
Kyline: Yes. Marami akong nakain na carbonara sa pasalubong mo. Thank you so much.
Kyline: Sana nag-stay ka muna rito para nakakain ka rin.
Sana nga. Kung alam ko lang na init ng ulo ang aabutan ko rito kina Tito, sana nagpagabi na lang ako roon kina Kyline.
Leo: Bakit kasi di mo ko inalok kumain?
Kyline: Akala ko kasi galit ka sa'kin :'(
Kyline: Sorry.
Naghawi ulit ako ng basang mata at tinaktak ang upos ng yosi mula sa railing.
Kyline: I'll ask you next time.
Kyline: If there's next time.
Kyline: May checkup ako sa OB sa Friday. Mom, Gina, and Dad will accompany me. I'll update you sa result.
Mabilis kong inipit ang yosi sa labi ko at mabilis ding nag-type.
Leo: Sasama ko
Kyline: It's okay, Leo. You might need some rest.
Leo: Kapag sinabi kong sasama ako, sasama ako.
Leo: Bat ang kulit mo?
Kyline: Sorry. :'(
Kyline: Mom is not nice to anyone.
Leo: Alam ko
Kyline: She might bully you. :'(
Leo: Pake ko
Kyline: Leo, you don't have to do this.
Leo: Isa ka pa
Leo: Friday, sabihin mo kung saan yung clinic, sasamahan kita
Kyline: Okay :'(
Kyline: Sorry.
Kyline sent an image
Kyline: Manang said i-send ko raw sa'yo so you can see na kumain ako ng pasalubong mo.
Kyline: See you soon, Leo.
Natitigan ko ang photo niya, may hawak siyang kutsara at matipid na nakangiti. May laman pa rin naman ang plato niya. Isang puto at pansit na kaunting serving. Pero mukhang may nauna na siyang nakain kasi bakas pa ang ibang nasandok sa gilid ng plato.
Clinick ko ang photo at zinoom in pa. Isinakto ko sa buong screen ng phone ko ang mukha ni Kyline hanggang balikat.
Ipa-abort na lang, tutal two months pa lang . . .
Kinakabahan ako para kay Kyline. Wala sa amin ang ginusto ang nangyari, pero hindi ko rin naman gugustuhin ang gustong mangyari ni Daddy—o baka ng parehong parents namin ni Ky.
Pinaliit ko ulit ang photo at nag-type.
Ingatan mo lagi ang sarili mo. Kapag masama ang pakiramdam mo, i-text o kaya tawagan mo ako agad.
Pero nai-type ko lang. Hindi ko magawang pindutin ang 'send'.
Baliw na siguro ako. Natotorete ako ngayon. Gusto ko na lang samahan si Kyline maghapon para hindi ako nag-iisip kung ano na ang lagay niya.
'Tang ina naman. Ano na ba'ng nangyayari sa 'kin?
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top