Chapter 29: Smooth Criminal


Noong ipinatawag ako ni Tito Bobby, ang inaasahan kong pag-uusapan namin ay tungkol lang sa ginawang pagsapak sa akin ng daddy ko.

Sa dulo ng right wing ng mansiyon, kinatok ko ang white wooden door na may golden name plate sa gitna na may elegant black frame.

Robert Lauchengco, CPA, MBA

Nilingon ko ang pintong katapat ng kanya. Doon ang opisina ni Tita Liz. Black frame din pero silver naman ang plate n'on.

Dr. Elizabeth Marita Sy-Lauchengco, M.D., PhD

Kapag napapadaan ako sa parteng ito ng mansiyon, napapaisip ako kung paano nagagawang magbulakbol ni Patrick habang titulado ang mga magulang niya.

Opisina ito ng mga may-ari ng mansiyon. Ang kuwarto naman nila, naroon pa sa hilera ng hallway kung saan ang kuwarto namin ni Patrick. Malayo nga lang ang pinto nila sa mga pinto namin.

Doctor din naman si Mama kaya hindi na bago sa mata ang titulo ni Tita Liz, pero kasi . . . ewan ko. Hindi ko maramdamang doktor si Mama maliban kung nakasuot siya ng white coat.

"Come in," sagot sa loob ng pintong kaharap ko kaya pinihit ko na ang door knob para tumuloy sa loob. Hindi naka-lock kaya hindi na kailangang tumayo pa ni Tito para pagbuksan ako.

Sa loob ng office niya, ramdam na ramdam ko ang bigat ng trabaho. Sa kaliwang panig mula sa pinto, mula sahig hanggang ceiling, may malaking glass cabinet at nakahilera doon ang lahat ng trophies, recognitions, plaques, awards, medals, at kung ano-ano pa na may kaugnayan sa company niya. Katabi n'on sa kabilang dingding ang malaking library niya na kamukha ng library ni Patrick. Sa hilera ng pintuan, magkakatabi ang tatlong malalaking screen at kitang-kita ang iba't ibang shots ng bahay na mino-monitor ng CCTV cameras. Sa kanang panig ang magkakatabing file desk na hanggang dibdib ko ang taas. Limang hilera din 'yon.

Sa gitna ng kuwarto, sa mismong tapat ng floor-to-ceiling window at balcony, naroon ang glass table ni Tito. Katapat n'on ang white-and-black-themed sofa set at mababang black glass table sa gitna na may simpleng abstract decoration. Isang maliit na black resin statue iyon ng taong naka-Indian sit at nakaupo sa tatlong white hardbound books na magkakapatong.

Dumeretso agad ako sa tapat ng office table ni Tito na puro magkakapatong na folders sa kanang gilid niya at Apple desktop naman sa kaliwa.

Tiningnan niya ako pagtapat ko sa mesa saka siya nagbuntonghininga. 'Yon bang parang pagod na pagod siyang kausapin ako pero wala siyang magagawa kundi kausapin pa rin ako.

"Sorry po sa ginawa ni Daddy kanina," sabi ko kahit wala pa siyang binabanggit. Wala naman kasing ibang dahilan para ipatawag ako.

"Matagal ko nang kinakausap si Wally tungkol sa 'yo. Kahit ang mama mo, kinakausap ko rin."

Hindi ako makatingin kay Tito. Nahihiya pa rin ako. Nakayuko lang ako at nakatingin sa mesa niya habang kausap siya.

"Puwede n'yo naman na po akong paalisin. Magkakabahay naman na ako, malapit na."

"Isa pa 'yan."

Napasulyap tuloy ako sa kanya. "Po?"

"Pinaiimbestigahan ka pa rin hanggang ngayon, Leo." Sumandal siya sa office chair niya at ipinatong ang magkabilang siko sa armrest n'on saka pinagsalikop ang mga daliri. "Ang kaso sa 'yo, rape at illegal detention. Crime scene ang apartment na tinutuluyan mo na property ko."

Napahugot ako ng hininga roon. Hindi pala tungkol kay Daddy ang topic namin.

"Tumawag si Fernando. Absuwelto na kayong barkada sa kasong illegal detention. Malinis na 'yon."

Nakahinga agad ako nang maluwag dahil sa balita ni Tito.

"Pending naman ang rape case na naka-file sa 'yo. Tinutukan kayo ng baril, pero hindi pa rin 'yon tinatanggap ng may hawak sa kaso n'yo. Hindi pa desidido ang mga Brias at Chua kung itutuloy pa 'yon dahil mahina ang laban nila. Kapag dinala nila sa korte 'yon, gagamiting ebidensiya ang medical records at statement ng isa sa mga nasa nightclub laban sa anak ni Miss Brias. Makakasuhan din ang anak niya."

Napapalunok na lang ako sa sinasabi ni Tito Bobby. Parang gusto kong maupo. Pakiramdam ko, babagsak ako anumang oras.

"Leo, matalino kang bata. Alam na alam ko 'yon."

Humigpit ang pagkakakuyom ng kamao ko habang nate-tense sa paunti-unting salita ni Tito Bobby. Para akong binabaon sa kinatatayuan ko.

"Nag-check ang parents mo ng laman ng savings mo. Pina-double check 'yon para i-forward sa NBI dahil hindi kayo mapupunta sa nightclub kung hindi kayo naniningil gaya ng pinipilit ninyo sa mga imbestigador."

Hindi na ako natahimik sa puwesto ko. Napahanap agad ako ng mauupuan. Walang paalam kong tinalikuran si Tito para lang maupo nang bahagya sa arm rest ng malapit na sofa sa harapan niya.

Sa sobrang pagkabigla sa usapan, nakailang suklay ako sa buhok ko habang namamasa na ang noo ko ng malamig na pawis.

Ayokong pag-usapan 'to. Ayokong makalkal 'to. Unang-una, paalis na kami. Huli na 'yong kay Elton.

Huli na.

Pero bakit . . .

"Walang nagagalaw sa savings mo. Mama mo na ang nagsabi. Hindi ka na rin nagtatrabaho sa akin mula pa noong huling sem break ninyo. May kopya na sina Fernando ng financial records mo sa school."

Gusto kong pigilan si Tito sa pagsasalita, pero hindi ko magawa. Nakailang iwas ako para hindi siya matingnan at nagtangkang magsinungaling pero walang lumabas sa bibig ko.

"Bumibili ka ngayon ng bahay. Tatlong milyon din 'yon. Ang ginagamit mong records, lumang record mo pa sa Citilife. Walang problema sa pagiging assistant mo, pero magkano lang ang sinasahod mo roon? Minimum lang. Part-time ka pa. Hindi ka talaga regular na empleyado roon. Saan mo nakukuha ang pera mo?"

Putang ina. Sana pulis na lang ang nagtanong sa akin kaysa si Tito Bobby.

Ayokong magsinungaling. Patong-patong na ang atraso ko kay Tito. Siya na nga halos ang nagpapakain at bumubuhay sa akin, paglilihiman ko pa.

Hindi ako makalunok nang maayos tuwing magtatangka akong magsinungaling.

"Tito . . ." Ang lalim ng paghugot ko ng hininga at pinag-isipang mabuti ang sasabihin. "Nag . . . nagka-casino po ako. Doon ko po nakukuha ang pera."

Pagsulyap ko kay Tito, halatang nagulat siya sa inamin ko. Napaupo siya nang maayos at naibaba ang magkabila niyang kamay sa arm rest. "Casino?"

"O-Opo . . ." Marahan akong tumango. "Pero saglit lang po 'yon. Umalis na po kami. Huli na 'yong kay Elton. Lahat ng pera ko ngayon, ipon ko na lang 'yon sa lahat ng naipanalo nam—ko."

Kahit gusto kong sabihing kasama si Patrick dito, ayokong umamin. Si Rico, puwede ko pang tangayin kasi siguradong proud pa si Tita Tess kapag nalaman niya ang kayang gawin ng anak niya.

"Pati si Patrick, nagka-casino?"

Ano ba 'yan? Ang hirap takasan ni Tito.

"Ako po ang naglaro para kay Elton sa casino kaya siya may utang sa akin," sabi ko na lang. "Kami po ni Rico ang laging magkasama."

Napahimas ng sentido niya si Tito at mariing napapikit, halatang na-frustrate sa usapan namin.

"Savings account at government bank lang ang pumapasok sa record mo. Hinahanap nila kung saan mo nakuha ang ibang pera."

"Sa stipend ko po."

"Voucher lang 'yon. Saan ka nag-encash?"

Ay, putang ina.

Paano ko sasabihing sa '"illegal-for-now" lending business namin nakuha ang cash para doon?

"Nangutang po ako ng pera sa kaklase ko," pagsisinungaling ko. "Sabi ko, sa stipend ko kukunin ang bayad."

"Walang tumatama sa mga sagot mo, Leopold. Hanggang kailan mo balak magsinungaling?"

Puta talaga . . .

Eto ang isa sa kinatatakutan ko sa lahat na mangyari. Kasi hindi ko pa alam kung paano ito ipaliliwanag nang hindi nagtutunog-guilty.

Ngayon ko lang ginustong tangayin dito si Clark para siya ang magdaldal kay Tito Bobby ng lahat ng gusto niyang malaman. Nade-drain ako sa topic.

"Twenty ka pa lang, bumibili ka na ng bahay worth three million pesos, at ang source of income mo, 150 thousand annually ang pasahod at school stipend na 20 thousand per sem. Twenty years pa ang aabutin bago ka makaipon ng tatlong milyon kung doon ka lang babase ng pagkukunan ng pera. Hindi ginalaw ang savings mo. Hindi na rin kita pinasasahod. Hindi mura ang chips sa casino. 80 thousand ang utang ni Corvito sa 'yo, sabi sa statement ninyo nina Ronie. Pero sa statement nina Corvito, kuwarenta mil lang 'yon at nagkasundo lang kayo na dodoblehin . . . at pumayag siya dahil kilala kayo sa lugar bilang malalakas pumusta."

"Tito, ano . . . komplikado kasi . . ." kinakabahan ko nang sagot.

"Nakakalkal ang mga declared asset na nakapangalan sa 'yo habang undeclared ang source of income mo, Leo. Ako ang humahawak sa inyo ni Patrick ngayon, at ako ang sumasagot sa lahat ng tanong nila na hindi pa ninyo masasagot sa ngayon. Kada tanong nila tungkol sa pinagkukunan mo ng pera, sinasabi kong ako ang nagbibigay. Sa dami ng discrepancies na meron ka, at sa dami ng dinepensahan kong tanong, siguro naman, may karapatan akong malaman ang sagot sa mga tanong nila tungkol sa 'yo."

Putang ina talaga.

Damay ang buong barkada ko kapag umamin ako nito.

Parang gusto kong titigan nang matagal ang CPA, MBA sa dulo ng pangalan ni Tito Bobby at tanungin ang sarili ko kung bakit ang lakas ng loob kong magsinungaling sa marunong mag-audit ng pera.

"Tito . . ." Ang lalim ng buga ko ng hangin at napasuko na lang. "Nakikipagpustahan po kami since summer noong first year college." Napailag ako ng tingin at doon lang sa kanang gilid nakatingin. "Second year ako, third year sina Rico, nag-start kami sa casino. Lahat po ng pera namin, nasa maleta lang. Pinauutang po namin 'yon sa mga kaklase namin tapos papatungan na lang ng interes." Nakutkot ko na ang kuko ko, parang batang hindi mapakali habang umaamin ng kasalanan. "Yung kay Elton, 10k lang ang puhunan ko roon. Umabot lang ng treynta mil kasi isang gabi lang akong naglaro. Habol po kasi niya yung jackpot chip ng poker machine doon. Nakuha po namin ang coin na may chip para doon sa jackpot. Kaso hindi na ako binalikan ni Elton pagkatapos niyang makuha ang chip."

"Tsk, tsk, tsk." Saka lang ako sumulyap kay Tito nang mapailing siya sa inamin ko. "Alam mo bang puwede kang kasuhan ng estafa at tax evasion sa ginagawa mo?"

Pigil na pigil ang ngiwi ko sa sinabi ni Tito. Alam ko kasing posible kaya nga iwas na iwas ako sa mga dokumento.

"Nag-iipon ka ba ng mga ikakaso sa 'yo, Leopold?"

"Huminto naman na po ako—"

"But the point is," mariin niyang putol sa akin, "you did it until you got caught."

"Sorry po," sabi ko at napayuko na lang.

"Hindi ko alam kung bibilib ba ako na sa edad mo, nakakapag-isip ka nang ganyan kapag usapang pera na; o matatakot sa 'yo dahil ganyan kang mag-isip."

Parang mas dapat akong kabahan ngayon na baka palayasin na ako ni Tito Bobby sa mansiyon, hindi dahil sinabi ni Daddy na pabigat ako rito kundi dahil sa kasalanan ko kaya kami nahuli ng barkada ko.

"Alam kong hindi mo sinamantala ang suporta ko sa 'yo. Alam kong kaya mong tumanggi kung hindi ka lang nahihiyang magsabi sa akin. Pero sa pagkakataong 'to . . ." Paulit-ulit niyang dinidikdik ang daliri niya sa glass table. ". . . kinakabahan na ako sa makakalkal pa nila sa 'yo. May naka-hold na ten million plus worth of assets na ang itinuturo, ikaw. Pero wala silang makuhang solid evidence na sa 'yo nga kasi naka-hold unless ide-declare."

Ang galing naman nila, nahanap pa talaga 'yon?

Ang kaso, hindi ko naman kasi assets 'yon. Puhunan ng barkada 'yon para sa lending business namin na ako ang general partner dahil nakapangalan sa akin at kay Clark ang ibang papeles para sa registration.

"Tito, yung ten million na 'yon . . . pera namin ng buong barkada 'yon. Ipon namin 'yon sa lahat ng pustahang napasukan namin. Saka . . ." hindi pa namin nako-convert 'yon para maging receivables. ". . . galing po sa casino ang iba roon," sabi ko na lang. "Three years po naming ipon 'yon."

Napailing na lang si Tito Bobby sa mga sinabi ko, halatang dismayado. "Sumasakit ang ulo ng mga auditor sa inyo, alam mo ba 'yon? Paano n'yo malilinis ang record n'on, ang laking pera n'on? Hindi kayo naglalaro lang dito," mahigpit niyang sinabi.

"Pero . . . hindi naman po sa akin babagsak ang ten million na 'yon, Tito," sabi ko agad. "Nahihirapan silang i-trace kasi dumadaan lang sa 'kin ang pera. Hindi ako ang binabagsakan n'on. Kaya kahit anong hanap nila ng records, wala silang mahahanap kasi literal na tagahawak lang ako. Ipinapasa ko rin 'yon sa iba kapag nakuha ko na ang porsyento ko." Napakamot tuloy ako ng ulo. "Alam ko pong delikado ang ginagawa namin. At hindi na namin 'yon ginagawa kasi huminto na kami. Kung ikukulong po ako, tanggap ko naman kasi may kasalanan talaga ako. Pero wala pang naglalapag ng warrant of arrest maliban sa kaso kong rape at illegal detention."

Habang iniisip ko ang lahat ng problema ko, gusto ko na lang manumbat at sabihin kay Tito Bobby na "Anak mo nga ang nagtangay sa amin sa pustahan, nananahimik kaming lahat. Ultimo itong kaso ni Elton, kasalanan ni Patrick."

Kaso baka sabihin ni Pat, hindi ako tunay na kaibigan kasi nilaglag ko siya samantalang ako naman ang umako ng responsabilidad niya kahit pa wala siyang sinasabing gawin ko 'yon.

Ang komplikado ng buhay ko.

"Hindi ko nagugustuhan ang pinag-uugatan ng kaso ninyo, Leopold," sabi ni Tito, na gusto kong sagutin ng "Mas lalong hindi mo magugustuhan ang totoong ugat kaya kami may kaso ngayon, Tito."

Napabuntonghininga na lang ako.

"Ayokong mangakong mapoprotektahan pa kita kapag may nahanap pa silang hindi maganda sa records mo," sabi ni Tito at tumango na lang ako habang nakikinig at nakayuko. "Kung alam mo ang pinapasok mo, malamang na alam mo rin ang consequence nito."

"Opo. Sorry po sa abala."

"Kakausapin ko ulit si Fernando. Baka magawan niya 'to ng paraan."



♥♥♥



Huling usap namin ni Tito Bobby tungkol sa mga asset na nakapangalan sa akin, may ilang linggo na nga kung tutuusin, pero nagtataka akong wala akong naririnig na emergency meeting galing kay Tito.

Nawirduhan tuloy ako kung bakit samantalang inaasahan ko nang masesermunan na naman ako.

Kaya nga ang lakas ng kaba ko nang ipatawag niya ako sa opisina niya sa mansiyon. Sa isip-isip ko, ito na, delikado na 'ko. Malamang na marami pa silang makakalkal sa records ko kasi hindi pa kasama sa computation ang gastos namin sa lending business naming hindi naka-declare until now dahil nilalakad pa lang ang mga papeles.

Pero pagtapak ko sa loob, parang gusto ko na ulit lumabas kasi likod pa lang ng babaeng kausap ni Tito Bobby sa sofa, alam ko nang ibang problema ang mapag-uusapan namin.

"Leo," pagtawag ni Tito kaya napahigpit ang hawak ko sa door knob, nagdadalawang-isip kung papasok o lalabas dahil bukas pa rin ang pinto.

Nilingon ako ng babaeng 'yon at ng kasama niya.

Sa talim pa lang ng tingin niya, alam ko nang hindi pa rin niya ako napapatawad sa ginawa ko sa anak niya.

"May sasabihin si Miss Brias. Maupo ka rito."

Puta talaga. Sana pala sinabi kong may ginagawa ako. Ang malas.




♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top