Chapter 28: Adopted



"Tumawag ang mama mo, ayaw mo pa rin daw umuwi sa inyo."

Nakayuko lang ako sa upuan ko habang nakikinig kay Sir Bobby. Dinala ako ni Kuya Gibo sa bahay nina Patrick. Doon ako ipinaderetso sa gazebo kung nasaan si Sir Bobby nagkakape. Hindi pa siya nakakabihis ng buong office suit niya. Hinubad lang ang blazer mula sa formal attire.

Alas-kuwatro pasado pa lang ng hapon. Tingin ko, inabala namin siya sa problema namin ng buong barkada.

"Hindi pa rin ba kayo maayos ng mama mo?" tanong niya, at tingin ko, hindi ako puwedeng manahimik kasi masyado ko na silang binibigyan ng sakit ng ulo.

"Ayoko lang po sa bahay, sir."

"Wala ka nang trabaho sa 'kin. Huwag mo na 'kong tawaging sir. Sa lahat ng kaibigan ni Patrick, ikaw lang ang tumatawag sa akin nang ganyan."

Napalunok ako. "Sorry po." Sumulyap ako sa kanya. "Hindi naman na po ako galit kay Mama, pero ayoko na sa bahay niya. Masama na po ang loob ko. Ayoko nang pati siya, pinahihirapan ko pa kung magkasama na naman kami."

Kinagat ko ang labi ko para pigilan sa panginginig at badyang pag-iyak.

Pakiramdam ko ngayon, wala akong karamay. Ayoko ring humingi ng pagdamay kung sa huli, itataboy ko rin naman. Ayokong manakit habang nasasaktan ako.

"Disappointed kaming lahat sa inyo," mahinahong sinabi ni Sir Bobby. "Galit kami sa nangyari at sa ginawa nila sa inyong magkakaibigan. Galit ako sa ginawa nila sa anak ko. At mas lalong naiintindihan ko ang galit ni Miss Brias dahil babae ang anak niya."

Nagtaas ako ng mukha para dumepensa.

"Sir Bob—" Natigilan ako sa sinasabi nang tingnan niya ako para pagalitan. "Kung ako lang po ang nandoon, kahit patayin ako ni Elton, wala akong pakialam."

"Hindi makakatulong ang guilt-tripping sa kasong 'to, Leopold. At dapat maaga pa lang, alam mo na 'yon. Kung ako rin ang naroon sa posisyon mo, pareho lang tayo ng mararamdaman. Nandito kayo sa labas, hindi dahil wala kayong kasalanan kundi dahil nagpiyansa kami. Hindi pa tapos ang kaso ninyo."

Lalo akong nanliit sa sinabi ni Sir Bobby.

"Pero alam nating pareho-pareho na hindi naman aabot sa ganoon ang lahat kung umpisa pa lang, hindi na ninyo pinasok ang gulong 'yon."

Sa isip-isip ko, gusto kong sabihing kasalanan naman kasi ni Patrick ang lahat. Pero habang iniisip kong sinalo ko ang problema dapat ni Patrick, kung tutuusin, ako ang nagbigay ng problema sa sarili ko.

Puwedeng hayaan ko na lang si Patrick na harapin si Elton nang mag-isa.

Puwedeng siya ang maglaro nang mag-isa para sa jackpot chip ng poker machine na 'yon.

Puwedeng hindi ko gastusin ang stipend ko at hayaan si Patrick na manghingi nang manghingi kay Sir Bobby ng pamusta niya tutal sa aming dalawa, siya naman ang mayaman.

Pero pinili kong akuin ang lahat.

Pinili kong ilayo si Pat kay Elton.

Pinili kong maglaro para kay Pat.

Pinili kong gumastos para hindi magalaw ni Pat ang allowance niya, na paniguradong tatanungin ni Sir Bobby kung saan napupunta.

Pinili ko ang lahat ng ito.

"Isasara muna ang apartment sa Pembo. Under investigation pa rin ang area kaya bawal kang mag-stay roon."

Para akong inalisan ng buto sa narinig ko. Lalo akong nawalan ng ganang mabuhay.

"Hindi rin kami pinayagang kunin ang mga gamit doon unless may release order na."

Paano na ang mga gamit ko? Paano na ako mabubuhay?

"Paano po ang mga gamit ko sa school?" tanong ko agad.

"Mag-aaral ka pa ba?"

Mabilis akong tumango. "Two months na lang po."

"Kaya mo ba? Hindi madali ang kurso mo at finals na ninyo."

"Wala po akong magagawa."

"May magagawa ka. Puwede kang huminto kung hindi kaya."

"Sir—"

May warning na naman sa mga tingin niya. Hindi ko na sigurado kung dahil sa pagtawag ko sana ng Sir Bobby o pagsagot ko.

"Ayoko pong huminto," pagsuko ko. "Ito na lang po ang kaya kong ibigay para sa sarili ko. Ayoko pong pati ito, alisin din sa 'kin."

Nangingilid na ang luha ko habang pinipigilan kong huwag humagulhol sa harap ni Sir Bobby.

Wala na akong bahay. Wala na ang mga gamit ko. Wala na akong ibang dahilan para magtagal. Kahit man lang pag-aaral ko, huwag sanang alisin din sa 'kin.

Sa huli, buntonghininga lang ang naibalik sa akin ni Sir Bobby at pagtango. Nagpagpag na siya ng pantalon at tumayo na. Kinuha ang phone na nasa pabilong na mesang nakapagitan sa amin saka nag-dial doon.

"Inaayos pa ang kuwarto mo sa second floor. Sinabihan ko na si Filomena na dito ka muna sa bahay," sabi niya habang tutok sa phone. "Tinawagan ko na si Al para bilhan ka ng mga gamit."

"Sir Bobby . . ." mahina kong pagtawag at nakatitig sa kanya.

"Nasa custody pa ng mga pulis ang mga na-recover n'yong phone sa night club kaya pinabilhan ko na rin muna kayo ni Patrick ng bago."

"Pero . . . hindi ko naman ho—"

Hindi na ako natapos nang itapat niya ang phone sa tainga.

"Hello, Buddy?" sagot niya sa tawag at biglang lumapad ang ngiti. "Nakauwi na kayo ni Clark?"

Napalunok ako nang maisip na tinatawagan niya yata si Padi.

"Wala na tayong magagawa. Nangyari na ang nangyari. Mga bata pa, e."

Nahihiya ako para sa sarili ko. Ramdam na ramdam kong nagagalit sila pero ayaw lang nilang ipakita sa amin.

"Ay, maiba tayo. Sino ang may hawak ng area ko sa Pembo?"

Sinilip ko si Sir Bobby mula sa pagkakayuko.

"Baka puwede mong bulungan, Bud. May ipakukuha lang ako . . . oo. No, not, of course. Gamit lang sa school. Hindi naman siguro counted as evidence 'yon, ano?"

Seryoso ba si Sir Bobby na ipapapuslit niya kay Padi ang mga gamit ko?

"Oo. Mga gaano katagal? Kaya bang ipaderetso rito sa Dasma? Ikaw na lang? Much better! Wala bang kailangang abutan diyan?"

Abala pa ang utak ko sa kahihiyan ko sa sarili pero napapakunot talaga ang noo ko kay Sir Bobby at sa bilis niyang humugot ng sagot sa bawat problema ko.

"Sige, bukas. Ayos lang ba si Clark?"

For sure, ayos lang si Clark. Sanay namang nakakakita ng baril ang gagong 'yon. Hindi lang ako sigurado kung sanay ba siyang tutukan ng baril sa ulo.

"Si Patrick, may trauma pa, e. Nagpapa-schedule na nga kami ng therapy. Oo . . . walang nabanggit si Enrico pero si Tessa, ayaw matahimik."

Nagulat ako nang biglang humalakhak si Sir Bobby. Halos mapaatras ako sa sandalan ng upuan ko.

"Huwag lang talagang magtulong 'yang si Tessa at 'yong Brias, kilala mo naman si Tessa basta usapang anak niya. Baka siya pa ang sumaksak doon sa nasa selda."

Hindi ko alam kung paano napagtatawanan nina Sir Bobby at Padi ang tungkol sa nangyari kay Rico at sa kayang gawin ni Tita Tess.

Pero sa ugali ni Tita, hindi 'yon matatahimik hangga't humihingi pa sina Elton, lalo pa't tinutukan ng baril si Rico. Ibang klase pa naman si Tita Tess magalit basta usapang unico hijo at unico hija niya.

Nag-uusap pa sina Sir Bobby at Padi nang sunduin ako ng maid nila kasi ayos na raw ang kuwarto ko.

Ayokong tanggapin ang alok ni Sir Bobby na dito ako sa kanila titira, pero ayoko ring makipagmatigasan sa kanya. Pakiramdam ko kasi, kapag tumanggi ako, lalo ko lang dadagdagan ang galit niya sa akin.

Malaki ang kuwarto ko sa bahay namin dati—sa bahay ni Mama na ayoko nang tirhan ngayon. Kaya siguro hindi na ako nagulat nang makita ko ang magiging kuwarto ko.

Vintage ang tema sa loob. Tingin ko, kuwarto ng matanda at hindi ng gaya sa edad namin ni Patrick. Sa kuwarto kasi ni Pat, abstract minimalist ang interior.

Wooden ang flooring, pero hindi purong kahoy. Design lang ng tiles at may malaking carpet na nakalatag na hindi sakop ang buong kuwarto.

Coffered ceiling ang kisame, naroon nakatago ang lightings na nagre-reflect sa cream paint at may malaking wooden fan with rounded lamps sa gitna.

May Steinway upright piano sa dulo na malapit sa floor-to-ceiling na bintanang katawid ng balcony. May study table din sa hilera ng pintuan katabi ng walk-in closet na see-through glass ang pinto kaya kita ang loob na wala halos laman. Sa gitna at kadikit ng dingding ang malaking kama na mukhang kasya kami ng buong barkada ko at dalawang nightstand sa magkabilang gilid. Sa kanto ng kuwarto na malapit sa kama, may round table pa at dalawang accent chair na kulay royal red ang cushion.

Hindi ganoon kalamig sa loob. At ang amoy, parang gusto akong patulugin at pakalmahin nang sabay. Maginhawa sa lalamunan kapag naaamoy. Amoy mint na medyo matamis kaysa amoy na maanghang.

"Sir, mamaya raw six p.m. ang dating ng mga ilalaman sa closet," sabi ng maid.

Bahagya akong tumango para magpasalamat.

"Six-thirty p.m. ang dinner, sasabay raw po kayo kina Madame."

"Ha?" Saglit akong nagulat sa sinabi niya.

"Naka-ready na rin po ang mga towel sa bathroom kung sakaling gamitin agad," sabi niya, itinuro pa ang pintong nasa dulo sa kanang panig namin. "Naka-ready na rin po ang tubig dito sa ref kung sakaling maghanap kayo."

Nanlaki ang mga mata ko nang buksan ng maid ang maliit na pinto sa tabi ng study table na akala ko, mini bookshelf lang.

Itinuro niya ang labas ng pintuan nang makabalik sa harapan ko. "Itong sa unang liko sa kaliwa, sa dulo po n'on, may elevator, kung nalalayuan kayo sa hagdanan. Doon po ang opisina ni President saka ni Madame, magkaharap lang. May sign naman ang mga pinto, katukin n'yo lang po muna bago pumasok. Nasa ibaba lang din po n'on ang parking lot, sa dulo ang quarters namin."

Gusto ko sanang magsabi na hindi ko naman tinatanong kung nasaan ang parking lot at quarters nila pero sinagot na rin niya ako sa tanong ko sa utak.

"Kung sakali pong may iutos kayo, katok lang po kayo roon sa amin. Sina Madame po kasi, may wireless intercom. Hindi pa po kasi installed ang intercom dito sa kuwarto ninyo kaya katok na lang po muna kayo sa amin habang wala pa. Madalas po sa garden si Madame. Si President po, free lang during dinner at pumapasok sa trabaho before six ng umaga. Si Sir Patrick, dito raw po muna habang naghihintay ng bagong schedule niya. Kung sakali pong may definite schedule din kayo, i-forward n'yo lang po sa akin, ire-record po namin para maisama sa schedule nina Madame. Regulated po ang daily schedule and appointments nina Sir Patrick. Sabihan lang din po kami kung may dadalhing bisita rito maliban sa mga recorded visitor mula sa security para po mabigyan ng gate pass. Kung sakali pong may iuutos kayo, tawagin n'yo lang po ako o kaya si Badeth sa quarters."

Sa dami ng sinabi niya, wala akong matandaan ni isa sa mga 'yon.

"Ano'ng pangalan mo?" tanong ko na lang.

"Maribel, sir."

"Maribel . . . okay." Napatango-tango ako habang nire-recall ang mga sinabi niya.

Elevator.

Opisina.

Dinner mamayang six.

Parking lot.

Ref.

Intercom.

May maid din naman kami sa bahay, pero hindi naman siya tunog sekretarya na nagbibigay ng orientation sa akin tungkol sa pinapasok kong lugar.

"Thank you," pasalamat ko at hinintay siyang lumabas.

Dahan-dahan akong lumapit sa kama at ibinagsak doon ang katawan ko habang nakatupi ang mga binti sa edge ng higaan.

Ganitong buhay pala ang kinaiinisan ni Patrick dito sa kanila. Parang nakakatakot nga.



♥♥♥



Parang may déjà vu kami ni Patrick habang nakakulong kami sa kanila for the remaining days of February and whole March.

Not really that kind of prisoner we thought, pero halos hindi kami lumalabas ng bahay nila.

Sabay kaming tine-therapy ni Patrick. Pareho kaming nagte-take ng antidepressants. Pareho kaming umiinom ng sleeping pills kung kinakailangan.

Tumuloy pa rin ako sa pag-aaral, pero may special excuse na ako courtesy of PNP na signed na rin ng dean namin dahil nga hindi pa sarado ang kasong rape at illegal detention na naka-file sa akin.

Subject for expulsion ang ginawa ko sa stipend ko, and I couldn't count how many strings Tito Bobby pulled just for me to finish my third year without any trouble. Hindi ko na alam kung magkano na ang nagagastos niya kababayad sa kung sino-sino para lang mangompromiso dahil lang gusto kong maipagpatuloy ang pag-aaral ko.

Kaya siguro ang lalim ng sama ng loob ko nang magkita ulit kami ni Daddy nang minsang dumalaw siya sa bahay nina Pat.

Akala ko, ako ang dinalaw, pero naroon pala siya dahil pipirma ng kontrata para sa team na iko-coach niya at sponsored ng company ni Tito Bobby. Nakasalubong ko pa siya sa lounge sa right wing ng mansiyon nina Pat kung saan malapit sa parking lot.

Lumingon-lingon pa siya sa magkabilang gilid. At nang walang makitang ibang tao sa hallway kung nasaan kami, kinuha niya ang kuwelyo ng damit ko mula sa batok saka ako kinaladkad papunta sa sulok. Halos ibato pa niya ako sa pader para lang ma-corner doon.

"Ang tigas din ng sikmura mong makitira dito sa mga Lauchengco," pigil na sigaw ang sermon niya habang namamaywang sa akin. "Hindi ka na nahiya!"

Nanlilisik ang mga mata ko at mabigat ang paghinga habang nakatingin sa kanya.

"Ano'ng gusto mong palabasin, ha? Pinamumukha mo kaming iresponsable ng mama mo!"

"Bakit? Hindi ba?" sagot ko rin sa kanya. "Totoo naman, e—" Malakas na suntok ang natamo ko at tumama ang likod ko sa pader saka bumagsak ang katawan ko sa sahig.

"Wala kang utang na loob na bata ka." Dinuro-duro pa niya ang noo ko habang dinidikdik ako ng mga salita niya. "Dapat pinatay ka na lang ng nanay mong makati kung ganito lang din pala ang igaganti mo sa 'min ni Filomena!"

"Sino bang may sabing buhayin mo 'ko? Hindi magpapakamatay ang nanay ko kung hindi mo ginago! At ako pa ang walang utang na loob? Bakit? Ginusto ko bang maging anak mo?"

"Leo."

Ang bigat ng paghinga ko nang lingunin ang dulo palabas ng parking lot.

"Bobby, kung pabigat lang 'to sa 'yo, palayasin mo na 'to rito," sabi ni Daddy, at mas mahinahon na ang boses niya habang kausap si Tito.

"Naka-ready na sina Romy sa labas. May practice na raw kayo ngayon," kaswal na sabi ni Tito Bobby at sumilip sa relo. Napagaya tuloy si Daddy sa kanya.

"Late na nga kami, e."

Tukod-tukod ko ang kamay sa dingding para alalayan ang sariling makatayo.

Nakipagkamay si Daddy kay Tito Bobby at kung umarte siya, parang walang nangyaring sagutan sa pagitan naming dalawa.

"Salamat, pare. Mauna na kami, ha?" paalam ni Daddy. "We'll call you kapag simula na ang Governor's Cup."

"No problem."

Ang talim ng tingin ko kay Daddy nang hindi man lang ako lingunin pag-alis. Kung kumilos siya, para bang tanggap niyang hindi niya ako anak para bigyan ng atensiyon.

Binalikan ako ni Tito Bobby saka nagkrus ng mga braso. Akala ko, pagagalitan ako, pero napailing lang siya.

"Pumunta ka sa kitchen. Ipapatawag ko si Orang, dumudugo na 'yang bibig mo."

Marahan kong idinampi ang daliri ko sa kaliwang dulo ng labi at saka ko lang nalaman na may dugo na roon.

Malakas ang suntok ni Daddy. Halos hindi ko nga maramdaman ang pisngi ko habang tumatagal. Parang naninigas na namamaga. Sa sobrang sakit, namanhid na lang.

Dumeretso ako sa kitchen, gaya ng utos ni Tito Bobby. Akala ko, tatantanan na niya ako kasi nakapag-utos na siya kay Ate Orang, kaso nakabuntot pa rin.

Pagdating ko sa kitchen, naabutan namin doon si Patrick na nagkakalkal ng ref.

"Manong," tawag ni Ate Orang kay Tito Bobby. "Itong bunso mo, naghuhukay na naman sa ref, e!"

May kanya-kanya silang tawag sa kanila, depende sa kung paano sila napunta sa mansiyon ng mga Lauchengco. Si Ate Orang, halos kaedad lang niya si Tita Liz. Siya ang pinaka-nanny namin ni Patrick. Manong ang tawag niya kay Tito Bobby, "kuya" ang katumbas sa language nila. Matagal nang maid si Ate Orang sa mansiyon, bata pa lang siya at buhay pa ang nanay niya na dating maid din ng mga Lauchengco mula pa sa lolo ni Patrick. Siya lang ang nagma-manong kay Tito Bobby. Sabay kasi silang lumaki, sabi niya.

Pag-alis ni Patrick sa ref, may kagat-kagat na siyang coconut macaroon at may carton ng gatas na tangay. Magmemeryenda yata.

"Nagtatrabaho sina Orang, nang-iistorbo ka diyan," sermon ni Tito Bobby kay Pat. "Naasikaso mo na ang thesis mo?"

Nguya lang nang nguya si Patrick saka tumango nang walang sinasabi.

"Dalhin mo sa office ko mamaya."

"Pa!" reklamo ni Patrick, halatang ayaw ng ipinagagawa ni Tito. "Okay na 'yon!"

"I don't trust that 'okay' of yours. Bring that to my office before dinner. I-che-check ko."

"You're not my prof, Pa. Come on. It's already perfect. Nakakadalawang revise na 'ko."

"Dalawa pa lang."

"And I don't want to add another," naiiritang sagot ni Patrick. "Pa, please spare me the agony. Burned out na 'ko sa thesis ko."

Lumapit si Tito sa kanya at hinampas siya sa balikat. "Burned out ka samantalang wala ka ngang ginawa maghapon kundi mag-Play Station! Sisimpleng thesis na lang, hindi mo pa maayos-ayos!"

"I can still defend it! Makakapasa pa rin naman ako, it doesn't matter."

"Puro ka ganyan!" Isang hampas na naman kay Patrick. "Ano na lang ang papasok sa utak mo kung puro ka laro! Hindi ka na nga nag-OJT nang maayos, hindi mo pa aayusin ang thesis mo! Sisimpleng procurement process lang, hindi mo pa ma-disseminate nang matino!"

"Fine, fine! I'll revise it na!" naiiritang sagot ni Patrick saka sinimangutan si Tito Bobby. "You should have let me take engineering, Pa."

"Mag-e-engineering ka pa, sisimpleng management lang, hindi mo pa maayos-ayos! Lumayas ka sa harapan ko't tumataas ang presyon ko sa 'yong bata ka. Pumunta ka roon sa mama mo!"

Padabog na nagmartsa si Patrick paalis ng kitchen. Pero bago pa siya makaalis, sinigawan din niya si Tito Bobby. "Wala nang ham sa ref!" Saka lang siya tumakbo paalis bago pa siya mabato ni Tito Bobby ng kung ano.

"Hay, naku. Ang sakit talaga sa ulo ng batang 'yon," naiirita na ring bulong ni Tito Bobby habang himas-himas ang sentido. "Orang, sabihan mo nga si Talia na mag-grocery. Nandiyan naman na si Gibo, ipag-drive na lang siya. Tanungin mo si Patrick kung ano pa'ng ipabibili. Saka pahinging yelo at ice bag."

Natatawa na lang si Ate Orang nang i-page sa quarters sina Ate Talia mula sa telephone na katabi ng pinto sa kitchen.

Sinapak ako ni Daddy nang isang beses. Si Patrick, ilang beses na hinampas ni Tito Bobby.

Pero siguro, kahit anong tingin ko sa sitwasyon, hindi ko masasabing parang si Daddy si Tito Bobby. Kasapak-sapak naman kasi talaga ang ugali ni Patrick. Kung ako ang tatay ni Pat, baka tinadyakan ko pa siya nang malala.

Si Ate Orang na ang nag-asikaso sa akin, dinadampian ako ng ice bag sa pisngi kong namamaga, habang nakabantay si Tito Bobby sa may island counter at busy sa phone niya.

"Tatay mo ba 'yong matangkad na dumalaw kanina kay Manong?" tanong ni Ate Orang.

Tumango lang ako nang kaunti.

"Manong," tawag niya kay Tito Bobby. Bilib nga ako, hindi siya pinagagalitan. Kada tawag niya, parang magtatawag ng away sa kausap.

"Hmm?" simpleng sagot ni Tito Bobby na tutok sa phone.

"Hulaan ko sinong sumapak dito kay Leo," biro ni Ate Orang na hirap akong tawanan.

"Hayaan mo na 'yang bata," sermon ni Tito Bobby na tinawanan lang ni Ate Orang.

Sa laki kong 'to, nakukuha pa akong tawaging "bata" ni Tito. Hindi ko alam kung mao-offend ba ako o ano.

"Nakakatulog ka pa ba?" tanong ni Ate Orang sa akin. "Mas malaki pa eyebags mo sa amin ni Cherry."

Hindi ako nakasagot, at hindi pa ako nagkakaroon ng interes magsalita, binalingan na naman niya si Tito Bobby sa may counter.

"Kailan daw ang tapos ng therapy?" usisa ni Ate Orang. "Two months na, a."

"Marami pa silang session. Ilang delay na nga since busy rin sa school."

"Ay, kung ako ba naman ang mag-engineer e talagang bibigay ang utak ko," sabi ni Ate Orang sabay tutok na sa pisngi kong ginagamot niya.

Ako lang naman ang estudyanteng engineer dito sa bahay. Nag-take din naman ng engineering si Tito Bobby kaso hindi naman engineering ang trabaho niya kundi executive management pa rin sa kompanya.

"Buti nakakapasa ka, ano?" sabi ni Ate Orang sa akin habang nakangiwi. "Ang talinong bata. Matalino mama mo? Yung papa mo, mukhang hindi, e."

Tell me about it.

"Kailan daw ang graduation ni Pat?" pagpapalit ng topic ni Ate Orang nang hindi ako makasagot.

"Two weeks from now," sagot ni Tito Bobby, na hindi ko rin alam kung bakit nandito pa rin sa kitchen samantalang may trabaho siya sa labas.

"May catering daw sina Tessa sa kanila para sa graduation ni Ronie. Ano'ng plano ni Marita kay Pat?"

Nagbuntonghininga lang si Tito Bobby saka inawat ang sarili sa phone. Napakamot agad siya ng batok habang nag-iisip. "Isasabay na lang yata sa birthday ni Liz ang celebration. Ayaw ni Patrick ng party, e mapilit ang mama niya."

Ga-graduate na rin sa wakas sina Patrick. Ako, struggling pa sa napili kong elective.

"Tapos na ang signing n'yo?" tanong na naman ni Ate Orang. Pero this time, gusto kong matawa sa tono niya. Parang pinalalayas na kasi si Tito Bobby sa kusina.

"Somehow, yes. Wala 'yong head ng committee, mukhang cancelled na today kasi nakaalis na sina Wally," dismayadong sinabi ni Tito at saka sinuri ang maga sa mukha ko. "Masakit pa rin ba?" tanong niya sa akin.

Umiling ako. Hindi dahil hindi na masakit kundi dahil wala na akong maramdamang sakit.

"After dinner, pumunta ka sa opisina ko," utos ni Tito Bobby saka siya umalis ng kitchen.

Hindi ko iginalaw ang ulo ko, mata lang ang sumunod sa kanya. Maliban sa galit, wala na akong ibang emosyong nararamdaman na nagtatagal nang higit limang segundo sa sistema ko.

Wala tuloy akong maramdamang takot sa utos ni Tito kahit pa seryoso ang usapan namin basta sa opisina na ang deretso ko. Kumbaga sa school, guidance office na 'yon ng mansiyon na 'to.

Nagtagpo ang tingin namin ni Ate Orang pag-alis ni Tito.

"Walang iniimik dito sa pasa mo," sabi ni Ate Orang. "Alam mo na ang susunod."



♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top