Chapter 27: Arrested



Hindi ko alam kung saan kami eksaktong dinala ng mga pulis. Basta may opisina, ang daming naka-uniform, ginawan kami ng strip search, nag-conduct ng medical exam sa malapit na ospital habang guwardiyado kami, kinunan kami ng personal info ng arresting officer, tenprints, at mug shots saka kami pinaghiwa-hiwalay para makausap isa-isa.

Pagod na pagod na ang utak ko, pati katawan ko, hindi man lang kami ipinahinga.

"Ano'ng motibo ng pag-kidnap ninyo kay Kyline Chua?" tanong ng lalaking naka-polo na asul at may kaharap na laptop. Sabi nila, siya raw ang desk officer na kakausap sa amin. Pero hindi naman siya abala sa laptop dahil kausap lang ako. Simpleng opisina lang ang pinasukan namin, hindi gaya sa mga pelikula na may malaking salamin at nag-iisang mesa sa gitna.

Marami ngang file cabinet sa gilid at puro papel kahit saan ako lumingon. Parang hindi interrogation room.

"Uulitin ko ang tanong: ano ang motibo n'yo ng barkada mo at bakit n'yo kinidnap si Kyline Chua?" mariin nang tanong ng kumakausap sa akin.

"Wala kaming kini-kidnap," sagot ko, matalim ang tingin sa kanya.

"Nakita sa security footage ng night club na pinanggalingan n'yo ang pagkuha sa kanya. May ebidensiya kami."

"Ang ebidensiya n'yo, hindi malinaw," depensa ko. "Para lang ho maliwanag tayo, nasa night club kami dahil may sinisingil kami roon. Si Kyline, matagal na naming kakilala na pinag-trip-an ng gagong Elton na 'yon."

Wala siyang isinagot. Nag-type lang siya sa laptop saka ako binalikan.

"Ikaw ang rumerenta sa apartment kung saan ninyo itinago ang biktima. Pero nakapangalan 'yon kay Robert Lauchengco. Kaano-ano mo ang mga Lauchengco?"

Ang bigat ng buntonghininga ko saka tinatamad na sumagot. "Barkada ko si Patrick Lauchengco. Dati akong nagtatrabaho para kay Robert Lauchengco."

"Sino ang nag-utos sa inyo para itago si Kyline Chua?"

"Wala ngang nag-utos itago si Kyline! Nandoon siya sa apartment kasi tumakas nga kami sa grupo nina Elton!"

"Bakit kayo tumakas?"

Lalong pinaiinit ng taong 'to ang ulo ko kada tanong. Ibinagsak ko ang kamao ko sa desk at matalim siyang tiningnan. "Ang usapan namin, sa gym ng Purok Siyete kami magkikita para bayaran niya ang utang niya sa 'kin. Otsenta mil 'yon, pamalit sa scholarship stipend ko na naubos dahil sa kanya. Pero pinapunta niya kami sa Parañaque kahit na nasa Tayuman pa kami dumayo. Pagdating doon sa night club na sinasabi n'yo, hinarang kami ng mga bouncer kahit na gusto na naming lumabas. Dinala nila kami sa stag party ni Duke Gallego. Tinutukan nila kami ng baril, kami ng barkada ko. Kung hindi namin kilala si Kyline, hindi namin siya ilalabas sa club na 'yon. Kahit tanungin n'yo pa siya, wala kaming kini-kidnap!"

Ang dami nilang tanong. Paulit-ulit sila, naririndi ako. Pinagpipilitan nilang kidnap victim si Kyline.

Ayoko sa opisinang 'yon. Bumabalik ang lahat ng anxiety ko noong unang beses akong tinanong kung bakit iba ang apelyido ng nanay ko.

Ang tagal ko sa loob. Kahit gusto kong matulog, hindi ako makatulog. Kada ingay sa labas, nagigising ako.

Ilang oras din bago ako ilabas sa opisinang 'yon, pero sa isang iglap, mas ginusto ko pang manatili na lang sa loob kaysa makita ang lahat ng mga naroon sa labas.

"Leo!" Nagmamadaling lumapit sa akin si Mama na umiiyak. Pagyakap niya sa akin, kusa nang umapaw ang luha ko at nayakap ko na lang siya gawa ng takot.

"Ma . . ."

"What happened, anak?" tanong niya habang sapo-sapo ang mukha ko mula sa pagkakatingala. Basang-basa ang mukha niya ng luha at mugtong-mugto ang mga mata niya. "Ano 'yong sinasabi nilang may kinidnap kayo?"

"Sorry, Ma . . ."

Humagulhol ng iyak si Mama at napasapo na lang sa bibig.

Hindi ako nakapalag nang may humatak ng kuwelyo ko at inilapit ako sa kanya.

"Ano'ng ginawa mo sa anak ko?" Saka ko lang nakilala kung sino ang kumukuwelyo sa akin. Walang ibang nakikita ang mata ko kundi ang nanggigigil na mukha ng mama ni Kyline na kulang na lang, patayin ako ng nanlilisik na tingin.

"Ma'am, parang awa n'yo na, mabait na bata ang anak ko . . ."

"Ma!" Kahit hawak ako sa kuwelyo, pinuwersa kong pumaling kay Mama nang lumuhod siya sa tabi ng mama ni Kyline.

"Hindi niya sinasadya ang ginawa niya, please . . . patawarin n'yo na siya . . ."

Mabilis kong itinayo si Mama saka niyakap para pigilan siyang lumuhod sa kung sino-sino sa harap ng maraming tao.

"Ma, tama na . . ."

"Misis, anak ko ho ang dinukot ng anak n'yo. May karapatan akong magalit!"

"Wala akong dinudukot na kahit sino!" sigaw ko rin sa kanya dahil sinisigawan niya ang mama ko. "Anak n'yo ang pumunta sa club na 'yon kahit pinigilan na siya! Huwag n'yong ibibintang sa 'kin ang hindi ko kasalanan dahil kung hindi namin dinala si Kyline, baka pinilahan na 'yan nina Elton sa club na 'yon!"

Ang lakas ng sampal na natamo ko pagkatapos ng ginawa kong pagsigaw, pero hindi ko inalis ang matalim na tingin sa mama ni Kyline.

Lahat ng takot ko sa kanila, nawawala na sa sistema ko. Kung papatayin nila ako ngayon, ipagpapasalamat ko pa.

"Linda, easy ka lang," sabi ng isang naka-uniporme, hinaharangan ang mama ni Kyline.

Dinuro niya ako habang inaawat naman ako ni Mama.

"Ikaw at ang barkada mo . . . humanda kayo sa 'kin."



♥♥♥



Sinamahan ako ni Mama sa loob ng opisina—kaparehong-kapareho ng eksena noong bata pa ako habang hinuhusgahan ng immigration officers ang mali sa akin.

Pagkatapos doon sa opisina, dinala na kami sa mas malaki pang kuwarto, at doon ko naabutan ang barkada ko kasama ang parents nila. Napatingin silang lahat sa amin ni Mama pagpasok namin sa loob.

"Dude."

Unang lumapit sa amin si Tito Ric. Naka-office attire pa siya at may hawak na phone. "We're talking to the officers, Filly. Nagpa-double check kami ng security footage, just in case makatulong." Saglit niyang itinuro si Sir Bobby na nakatingin lang sa amin, parang naghihintay na matapos si Tito Ric. "Coordinating na rin kami ni Bobby kay Fernando. Twenty-four hours na ang mga bata rito, nagkaka-anxiety na rin sila. We're asking kung puwedeng mag-bail for now habang waiting sa medical results."

"I'm really sorry, Enrico," nanghihinang sabi ni Mama.

Nagbuntonghininga lang si Tito Ric at matipid na ngumiti. "This is unexpected, pero wala na tayong magagawa."

Hiyang-hiya na ako sa parents ng buong barkada ko. Nanliliit ako, hindi ako makatingin sa kahit sino sa kanila.

Kinakausap ni Tito Ric si Mama na malayo sa akin. Chance na 'yon para lapitan ako ni Sir Bobby sa puwesto ko sa sulok. Lalo akong napayuko dahil kung may ayaw man akong makita at makausap ngayon, si Sir Bobby 'yon.

Hindi sa ayaw ko siyang makausap. Hindi ko lang alam kung anong mukha ang ihaharap ko sa kanya dahil sa nangyari.

"I am disappointed, Leopold."

Nakuyom ko lalo ang kamao ko at hindi ko na alam kung makakaya ko pang itaas ang mukha ko habang nasa harap ko siya.

"Ronerico told me everything. Patrick admitted what he had done. But if my son and your friends didn't blame you for what happened to all of you, I don't see the point of blaming you. But I am still disappointed sa inyong magkakaibigan."

"Sorry, Sir Bobby . . ."

"Nag-usap na tayo noon. Hindi kayo papasok sa gulo. At pinanghawakan ko ang salita mo."

"Sorry, sir."

"Hinihintay pa namin ang statement ng anak ni Ms. Brias, pero desidido si Mr. Chua na kasuhan kayo."

Hindi ako nakasagot. Pero sa loob-loob ko, inaasahan ko na. Hindi ako makaramdam ng takot. Siguro kasi alam kong may kasalanan talaga ako.

"Kino-contact pa namin si Wally, pero ginagawa namin nina Enrico ang makakaya namin para makaalis kayo rito as soon as possible."

Tumango na lang ako habang nakayuko para lang masabing nakikinig ako sa kanya.

"Kinakausap kita ngayon hindi para sisihin ka dahil nandito si Patrick. Pare-parehas kayong napasok sa gulong 'to, pero ikaw at ang lagay mo ang inaalala nila."

Nakagat ko ang labi ko saka nagpunas ng matang inapawan na naman ng luha. Kahit na kasalanan ko kung bakit kami napunta sa gulong 'to, hindi ko man lang narinig sa barkada ko na sinisi nila ako sa nangyari sa kanila.

Tinapik ako ni Sir Bobby sa kaliwang balikat para pakalmahin. "Ginagawa na namin ni Enrico ang makakaya namin para makalabas kayong lahat dito nang maaga. Sana maging leksiyon ito sa inyo."

Pag-alis ni Sir Bobby sa harapan ko, unang lumapit sa akin si Clark saka ako inakbayan at tinapik-tapik ako sa balikat.

"'Tol, kinakausap na ni Dadi ang mama ni Ky," bulong ni Clark at lalo pang lumapit sa akin. "May partial results na raw ng medical. Narinig ko kay Dadi kanina sa labas."

Mabilis akong nagpunas ng mata saka sumulyap kay Clark.

"Negative daw tayong lahat sa drug test. Positive sina Elton. Oks na 'yon. May sure nang kaso sa kanila ng illegal possession," dagdag niya.

Gusto kong makulong sina Elton, pero gusto ko ring gumanti. Sa kabila ng lahat, gusto ko pa ring masapak ang gagong 'yon hanggang makontento ako.

"Pero eto ang isa pang news na mukhang hahatak sa kaso natin," mas mahina niyang bulong.

"Ano?" bulong ko rin.

"Positive din daw sa drug test si Ky. Nakikipag-deal na si Tito Ric sa mama ni Ky na kung puwedeng bawiin ang kaso sa 'tin."

"Pero bawal 'yon, di ba?"

"Hindi ko alam kung ano ang exact na usapan, pero waiting na lang sa statement ni Kyline. For sure, hindi tayo ilalaglag ni Ky."

"Makukulong ba 'ko?" nanghihinang tanong ko.

"Nireremedyuhan na ni Dadi 'yong sa 'yo. Mauuna kaming i-release, ihuhuli kayo ni Patrick para sa usapan ninyo ni Elton. Iba raw ang statement ng gagong 'yon, e."

"'Tang ina niya."

Napatingin ako sa harapan nang pasimpleng lumapit sa amin ang buong barkada.

Naupo sa tabi ko si Rico. Sa sahig naman sina Patrick at Will. Si Calvin, nakatayo lang at paabang-abang ng tingin sa pintuan.

"Sorry, guys," sabi ko.

"Tsong, 'musta pakiramdam mo?" tanong agad ni Will.

"Not good." Napalalim ang buga ko ng hangin. "Galit sa 'kin ang mama ni Ky. Balak pa yata kayong habulin."

"We're afraid," sagot ni Rico saka ginulo ang buhok kong magulo naman na. "But we're not doing anything wrong, so we're not guilty. Dad's taking care of it."

"Pero guilty ako," sabi ko.

"We're working on it, Leo. Everything will be fine soon. Kailangan na lang natin ng statement ni Kyline," dugtong ni Rico.

Ayoko nang umasa pa sa statement ni Kyline. Paikot-ikutin man ang mundo, may kasalanan pa rin ako. Kung makulong man ako ngayon, baka nga iyon talaga ang kapalaran ko.

"Hey!" Sabay-sabay kaming napatingin sa may pintuan. Pumasok doon ang malaking lalaking kahawig na kahawig ni Clark. "Nakausap na ng kumpare ko si Belinda. Gising na ang anak niya, nahingan na ng statement. Forwarded na rin sa ibang humahawak ng kaso. Kaunting oras na lang, makakapag-decide na sila ng gagawin."

Ayoko nang magtagal dito.

Sana lang talaga, maging maayos na ang lahat. Naaawa na ako sa barkada ko.

Nag-usap-usap ang parents namin sa kabilang dulo ng kuwarto—'yong hindi talaga namin maririnig. Pagkatapos n'on, may mga pumasok nang mga naka-polo shirt na naka-tuck in sa black pants saka kinausap ang mga magulang namin. Ilang minuto rin 'yon bago kami isa-isang nilapitan at inayang lumapit na sa kanila.

Hindi ako sigurado kung iuuwi na ba kami o ililipat lang ng custody. Pero base sa usapan nila, pauuwiin na raw muna kami at tatawagan na lang. Hindi pa kami nilalapagan ng kaso pero sigurado na silang ipatatawag ulit kami sa susunod para imbestigahan na naman.

Paglabas namin, unang bumungad sa amin ang mama ni Kyline kasama ang babaeng maikli ang buhok. Ang talim ng tingin niya sa amin ng barkada ko. Mula sa kabilang direksiyon, pasalubong sa amin ang grupo nina Duke na mga nakaposas at natatawa pa nang makita kami.

Habang naglalakad, nakatuon lang ang tingin ko kay Elton na deretso ang tingin sa daan.

Pagtapat na pagtapat niya sa akin, sinapak ko agad siya.

"Leo!"

"'Tol!"

Ang daming kamay na nagtulak sa akin palayo. Nakailang atras si Elton hanggang bumangga siya sa pader kung nasaan kami.

Nanlilisik ang mga mata ko sa kanya habang tatawa-tawa pa siya. Ang bigat ng paghinga ko, at kahit nakuha ko na ang sapak na gusto ko, kulang pa rin 'yon para ilabas ang lahat ng galit na naipon sa akin.

"Ilayo n'yo na! Baka madagdagan pa ang kaso niyan."

Pinalabas na kami ng malaking hall, at saka lang namin nalamang sa kampo pala kami dinala para imbestigahan at hindi lang basta sa maliit na police station.

Nakahanda na ang mga mamahaling sasakyan doon sa labas. May mga pinipigilang media mula sa bakod ng kampo para kunan kami ng retrato.

Si Will at parents niya ang unang sumakay sa nakaparadang pulang Mitsubishi. Sunod sina Calvin sa kasunod na van. Nilakad na lang nina Rico ang nasa likurang Porsche at sa likod n'on ang kotse ni Mama.

Ayokong umuwi sa bahay. Masyado nang mabigat ang pakiramdam ko para magdagdag pa ng sama ng loob.

"Uuwi ako sa apartment," sabi ko na lang kay Mama.

"Anak . . ."

"Ayoko sa bahay n'yo. Pagod na 'ko, Ma. Ayoko nang pagurin pa lalo ang sarili ko."

Nakisakay pa rin ako sa kotse ni Mama dahil ayokong makita pa ng iba naming kasama na hindi kami okay. Sa EDSA na kami lumabas. Sinabi kong ibaba na lang ako sa tapat ng Glorietta o kaya doon na lang sa Magallanes.

Hindi ko alam kung ano ang itatawag sa nararamdaman ko. Mabigat pero parang wala akong laman. Nakatulala lang ako sa labas ng bintana ng sasakyan. Ilang beses na tumunog ang tiyan ko at ilang beses din akong inaya ni Mama para mag-lunch, pero wala akong gana.

Nakakawalang-gana mabuhay.

Sa isang iglap lang, lahat ng plano kong mangyari sa buhay ko, itinapon ko na 'yon at hindi ko na mabalikan pa.

Hindi ko alam kung paano magsisimula o kung dapat pa bang magsimula ulit.

Sirang-sira na ang pamilya ko. Napahamak ang buong barkada ko dahil sa 'kin. Wasak na wasak na ang pagkatao ko. Hindi ko na alam kung paano ako haharap sa lahat nang hindi ako nakararamdam ng galit para sa sarili ko.

Nahirapan si Mama na payagan akong umalis mag-isa mula sa sasakyan niya. Pero wala naman na siyang magagawa. Nasasaktan ko na siya sa ginagawa ko, pero mas lalong ayokong mahirapan pa siya kakaasikaso sa akin.

Umiiyak si Mama nang iwan ko. Iniisip ko na lang na para din sa kanya ang ginagawa ko. Pagod na kaming pareho. Ang selfish ko na kung ide-drain ko pa siya lalo sa bahay habang gini-guilt-trip tungkol sa mga lalaki niya. Wala rin sa plano kong ipamukha sa kanya ang resulta ng bad parenting nila ni Daddy kaya nagkaganito ako dahil hindi na ako bata para sabihing kailangan ko pa ng gabay ng magulang. Beynte anyos na 'ko. May sarili na akong buhay, may sarili na akong isip. Kung may gawin man akong mali, desisyon ko 'yon at dapat handa akong tanggapin ang consequence ng desisyon ko.

Siguro, ito nga talaga ang tinutukoy ni Sir Bobby na hindi ko naiintindihan noon. Na may ginagawa ang tao, na kahit alam na nilang mali, pinipilit pa rin kasi doon sila nakakahanap ng contentment.

Hindi naman ako nakontento, pero wala kasi kaming ibang choice ng barkada ko.

Nilakad ko lang mula Magallanes hanggang Pembo. Kung tutuusin, napakalayo kaya hindi na ako nagtaka nang abutan na ako ng alas-tres.

Ang hindi ko lang inaasahan ay ang naabutan ko roon sa labas ng gate. May van kasi, bigla akong kinabahan.

Pero pagkakita ko sa driver, napatayo agad ako nang deretso kasi si Kuya Gibo pala ang naroon, ang driver ko dati noong sine-service pa ako sa PLM.

"O, Leo! Buti nakarating ka na," sabi niya. Ipinagbukas pa niya ako ng harapang pinto ng van.

"Bakit nandito kayo, Kuya?" tanong ko.

"Pinasusundo ka ni Boss Bobby."

Napatingin ako sa pinto ng van habang nagtataka. "Bakit daw?"

"Sarado raw muna 'tong apartment habang ongoing ang kaso n'yo. Baka kasi balikan ka rito."

Nagsalubong ang mga kilay ko. "T-Teka . . . saan na ako titira?"

"Wala pang sinasabi si boss, kausapin mo na lang muna."


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top