Chapter 26: Exhausted



Gusto kong bumalik sa night club nang mag-isa. Nakaalis na ang barkada ko nang ligtas doon kaya kahit mag-isa kong harapin sina Elton, ayos na.

Gusto kong makasapak, kahit isa lang, kung hindi ko man siya mapatay. Sa isip ko, ilang beses ko nang plinano kung paano ako lalapit, ano ang gagawin ko para lang makontento ako sa ginawa niya sa 'kin, kay Kyline, at sa barkada ko.

Wala na akong pakialam kung makulong man ako. Wala na akong pakialam kung makapatay man ako ng tao. Wala na akong pakialam sa buhay ko sa mga susunod na araw. Basta ang gusto ko lang, makaganti.

Dumeretso kami sa apartment. Halos kaladkarin ako ni Rico dahil makailang beses akong nagtangkang bumalik sa kalsada para lang balikan ang pinanggalingan namin.

Walang ibang laman ang utak ko kundi pagganti . . . at kapag nakaganti na ako . . . oras na para tapusin ang lahat ng paghihirap ko.

Sa unang pagkakataon, lahat ng plinano ko para sa sarili ko, handa na akong itapon, makaganti lang.

Parang sirang plaka sa utak ko ang tawanan ng barkada nina Elton, ang pag-iyak ni Kyline, ang sigaw ni Calvin, ang bawat pag-ubo ni Patrick—na kapag naiisip ko, kumukuyom ang kamao ko nang kusa at nakikita ang sarili kong naglalakad na naman pabalik sa night club na 'yon.

Isang sapak lang kay Elton, kung hindi ko man siya mapatay.

Hindi ko alam kung anong oras na . . . o kung gumalaw nga ba ang oras habang nag-iisip ako. Sumaglit ako sa banyo para sana maghilamos—para lang pababain ang init ng ulo ko—pero pagharap ko sa salamin, gusto kong sapakin ang taong nakikita ko roon.

Gusto kong sisihin ang nasa harap ko at kung bakit naging mahina siya; kung bakit dinamay niya ang barkada niya sa gulong 'yon; kung bakit wala siyang nagawa kundi sumunod sa mga gagong nanutok sa kanya ng baril.

Dumeretso ako sa shower area at napatingin sa tubong nakakonekta sa shower head. Tumingala ako para maghanap ng masasabitan n'on. Patag ang kisame, unless gagamitan ko ng duct tape.

Napatingin ako sa kamay kong nanlalagkit gawa ng pawis at dungis. Ang daming bakas ng ibinaong kuko roon. Magkakatabi, namumula ang bawat kurba at kalmot.

Ang bigat ng buntonghininga ko nang maisip na bakit ako ang mauunang mamatay? Gaganti pa 'ko kay Elton. Hindi ako aalis dito nang hindi ako nakakaganti kahit isang beses lang.

Hinawi ko na ang shower curtain para makaalis.

"Leo—"

Sa isang iglap, bumalik ang lahat ng galit ko pagkakita ko sa kanya.

Lahat . . . lahat ng galit na naipon sa akin mula nang makita ko siya sa casino, bumalik lahat.

Kung ibang bunny girl siguro 'yon, hindi ganito katindi ang galit na mararamdaman ko.

Sa lahat ng warning na ibinigay ko . . . hindi ko na alam kung saan ko pa ilalagay ang disappointment ko.

Dumeretso ako sa sink at naghugas ng kamay. Lahat ng sakit na ibinigay ko kay Kyline kanina, nasa kamay ko ang ilang tanda. Pinunasan ko agad 'yon para matuyo saka ako lumabas ng banyo.

Dumeretso ako sa kuwarto ko sa second floor. Una kong kinuha ang sign pen at notebook ko saka ako nagsulat.

To Mama,

   Sorry if I failed as your son. Mahal pa rin kita kahit hindi ko naintindihan ang lahat ng dahilan kaya ako nagalit sa 'yo. Sana maging masaya ka kahit wala na si Daddy at kahit wala na ako. You deserve nothing but the best.

To Rico,

   I know you did a lot for us, dude. I couldn't thank you enough for everything you've done para sa buong barkada. Bantayan mong mabuti sina Clark. Sorry kung ikaw na lang ang mag-isang maiiwan para awatin sila tuwing nagkakalat. You will always be the best friend we all have.

To Will,

   You didn't deserve that trauma, dude. Alam kong wala kang kasalanan. Alam naming lahat na wala kang ibang ginawa para sa grupo kundi suportahan kaming lahat sa abot ng makakaya mo. Sorry sa nangyari. Kung puwede ko lang ibalik ang oras, sana pinaiwan na lang kita sa bahay.

To Clark,

   Sana nakinig na lang ako sa 'yo. This is the first time na napaamin akong sana pinakinggan kita sa umpisa pa lang. Sorry, 'tol. Your instincts never fail. I should have listened. Don't worry, huli nang pagkakamali 'yon. Hinding-hindi na 'yon mauulit pa.

To Calvin,

   Alam kong hindi ka nagkulang ng warning sa pinapasok ng barkada. Alam naming lahat kung ilang beses kang nagsabi na huwag na kaming mangialam. Na huwag na kaming pumasok sa gulo. You know those people better than anyone of us. Pero kahit hindi ako komportable sa 'yo, nagpapasalamat pa rin ako na mas pinili mo kaming kampihan kaysa sa mga taong nakasama mo bago kami. Malaking bagay na 'yon para sa barkada.

To Patrick,

   Kahit na galit na galit na galit na galit ako sa nangyari . . . hindi ko magawang sisihin ka. Parang kapatid na kita, Pat. Kahit na anong katangahan pa ang gawin mo, hindi ka naman namin matitiis. Sasaluhin at sasaluhin ka pa rin namin kahit malagay na kami sa alanganin.

To Daddy,

   Dadalhin ko hanggang hukay ang sama ng loob ko sa 'yo. Kahit mamatay ako ngayon, hinding-hindi pa rin kita patatawarin.

To Sir Bobby,

   Sorry, sir. Hindi ko nagawa nang maayos ang trabaho ko. Pero nagpapasalamat pa rin po ako sa chance na ibinigay n'yo. Sa susunod na buhay, sana gaya n'yo ang maging tatay ko.


Buong gabi akong umiiyak habang ginagawan ng sulat ang lahat ng gusto kong bigyan ng paalam.

Walang ibang tumatakbo sa utak ko kundi gumanti, at pagkatapos, tatapusin ko na lahat. Ayoko nang tumagal pa nang maraming araw sa mundo na walang ibang iniisip kundi mga pagsisisi, sama ng loob, galit sa lahat ng dahilan kaya ko nararamdaman ang nararamdaman ko ngayon.

Wala akong tulog, at nalaman ko na lang na umaga na nang katukin ako ni Rico sa kuwarto.

"Leo, may breakfast na sa ibaba."

Kada minutong lumilipas, lalo lang akong binabalot ng galit.

Kung magtatagal ako rito, masasaktan ko lang ang sarili ko.

Pero hindi ko tatapusin ang lahat nang hindi ako lumalaban.

Kailangan kong gumanti. Hindi ako papayag na sirain ni Elton at ng barkada niya ang buhay ko at ng barkada ko habang pinagtatawanan niya kami.

Sa ilalim ng kama, may metal baseball bat doon na naiwan ng dating tenant dito sa apartment. Kinuha ko 'yon at saka ako bumaba ng second floor.

"Dude . . ."

Igaganti ko ang panunutok nila ng baril sa amin.

Nananahimik sina Will. Wala silang kinalaman sa usapan namin, pero dinamay niya ang buong barkada ko.

"Leopold!"

Pati si Kyline na walang ginagawang masama sa kanila, isasama niya sa kahayupan niya, putang ina siya.

Ayokong patapusin ang araw na 'to nang hindi ko naririnig na nakikiusap sila sa harapan ko.

"Leo!"

Hindi ako matatahimik hangga't hindi nawawala ang bigat sa dibdib ko. Babasagin ko ang mukha ng Elton na 'yon hanggang magmakaawa siya para sa buhay niya.

Tumalim ang tingin ko nang biglang harangan ni Rico ang gate palabas ng apartment ko.

"Calm the hell down!" sigaw niya habang tinutulak ako.

"Alis!" Itinulak ko rin siya para padaanin ako. "Babalikan ko ang putang inang 'yon!"

"Tingin mo, maaayos mo 'to nang ganito, ha?!" Nakuha niya ang baseball bat na hawak ko at saka niya ibinato palayo sa akin.

"Huwag mo 'kong pipigilan!" Itinulak ko rin siya at sinuntok nang malakas.

"Hoy, Leo!"

Itinulak ako nina Calvin palayo kay Rico habang ang bigat ng paghinga ko. Lahat ng init ng katawan ko, napunta sa ulo habang walang ibang iniisip kundi basagin ang mukha ng Elton na 'yon.

"'Tol, tama na!" awat ni Calvin habang dinadampa ang likod ko.

Gumagapang ang init sa mga mata ko habang nakatingin kay Rico.

Kaming dalawa ang kumokontrol sa grupong 'to pero wala kaming nagawa kagabi—wala akong nagawa kagabi kundi magmaakawa para sa kaligtasan ng buong barkada ko.

"Aayusin natin 'to, naririnig mo?" sabi ni Calvin habang pilit akong pinatitingin sa kanya. Paulit-ulit niyang sinampal ang pisngi ko nang mahina, ginigising ako sa galit na bumabalot sa akin.

"Papatayin ko ang Elton na 'yon," sabi ko, at diin na diin ang mga ngipin ko sa isa't isa habang sinasabi 'yon sa harapan ni Calvin. "Babalikan ko ang gagong 'yon at paluluhurin ko siya sa harapan ko."

"'Tol, hindi ka babalik doon nang mag-isa. Huwag kang gagawa ng ikapapahamak mo." Ang bigat ng kamay ni Calvin nang ilapat sa tuktok ng ulo ko at mariin akong pinayuko. "Tara sa loob. Clark, p're."

"O?"

"Alam mo na."

"Sige."

Hindi ko mabilang kung ilang pakiusap ang ibinilin sa akin ni Calvin bago niya ako tantanan.

"Alam kong mahirap 'to para sa 'yo, dude. Kung gusto mong gumanti, hindi mo 'to gagawing mag-isa."

"Maraming paraan. Huwag kang susugod doon nang basta-basta. Huwag mong papatayin ang sarili mo."

"Kung galit ka, dito ka maglabas ng galit mo, huwag sa kung saan."

Sinusubukan kong pigilan ang galit ko, pero habang tumatagal, lalo lang akong hindi makampante.

Kahit isang sapak lang kay Elton. Hindi ko kayang magtagal nang ako ang lugi sa sitwasyon namin.

Nakatulala lang ako sa bintana. Ilang plano rin ang dumaan sa utak ko para lang makaganti.

Ayoko ng pakiramdam na masyado akong dinidikdik ng pride at galit ko nang sabay. Gusto kong pakawalan ang lahat ng nasa loob ko, pero wala sa loob ng apartment ko ang gusto kong paglabasan ng sama ng loob.

Isang sapak lang.

Kahit isa lang . . .

"Leo . . ."

Malakas ang sigaw ko nang tabigin ko ang kamay ng humawak sa akin pagtayo ko. Sa sobrang gigil, umamba na ako ng sapak sa kung sino mang nasa harapan ko.

"Bakit—" Nanginginig ang kamao ko sa ere, pero hindi ko mapakawalan dahil nakikita ko sa liwanag ng araw ang mukha ni Kyline na umiiyak na naman sa harapan ko.

Bumalik na naman sa utak ko ang lahat ng nangyari kagabi habang nagmamakaawa siya sa harap naming lahat.

Gusto ko siyang tanungin . . . bakit ikaw pa?

Tinutunaw n'on ang lahat ng galit na nararamdaman ko at wala akong ibang maramdaman kundi guilt sa ginawa ko sa kanya—ginusto ko man o hindi.

"Sorry, Ky . . . kasalanan ko lahat . . . sorry."

Lumuhod ako sa harapan niya habang walang ibang sinasabi ang utak ko kundi walang katapusang patawad.

"Leo . . . magiging okay rin tayo."

Ang bigat ng pakiramdam ko. Lahat ng luhang kayang ilabas ng mata ko, hindi ko na pinigilang lumabas kahit nasa harap niya lang ako.

Siguro nga, naging masama ako sa paghiling ko ng hindi maganda para sa kanya. Siguro, ganti ito sa akin dahil doon.

Lumuhod siya sa harapan ko at hinayaan akong umiyak sa balikat niya.

"Dito lang ako, Leo. Sasamahan kita."



♥♥♥



I wanted to end my suffering.

Noong umiiyak ako at niyakap ako ni Kyline, pakiramdam ko, pinatawad niya ako sa lahat ng maling nagawa at naisip ko sa kanya noong hindi pa kami nag-uusap.

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa kanya. At kahit na pakiramdam ko, pinatawad na niya ako, sarili ko naman ang hirap akong patawarin.

Ang daming umiikot sa utak ko. Pagod na pagod ang buong sistema ko. Gusto kong matulog nang sobrang tagal. Pero kapag pumipikit ako, naaalala ko ang lahat ng nangyari nang gabing 'yon.

Parang hindi gumagalaw ang oras. Halos isang buong araw akong walang kinain. Inabutan ako ni Kyline ng tubig pero hindi ko naubos ang isang baso.

Gusto ko siyang tanungin kung bakit hindi siya nagagalit sa akin. Gusto kong malaman kung bakit hindi niya ako sinusumpa dahil pinili kong saktan siya.

May kung ano sa loob ko na napakabigat at hindi ko alam kung paano aalisin.

Napatingin ako sa bintana nang may marinig akong kaluskos mula roon. May narinig din akong mga yabag ng paa kaya tumayo ako para silipin ang labas.

Nasa loob ang barkada ko. Wala namang lumabas sa amin dahil gabing-gabi na.

Napalingon ako sa pinto nang pabagsak 'yong bumukas.

"Dapa! Dumapa kayo, dapa! Kamay sa likod ng ulo!"

Hindi na ako nakakilos pa nang palibutan ang buong sala ng apartment ng mga pulis saka mga nakapansundalong uniform.

"Mami, help!"

Nanigas ako sa kinatatayuan nang makakita na naman ako ng mga lalaking may baril, tinututukan na naman ang buong barkada ko para pigilan silang kumilos.

Sa isang iglap . . . gusto ko na lang mawala sa mundo . . . gusto ko na lang matapos lahat kasi hindi ko na kayang makita ang mga kaibigan kong paulit-ulit na nararanasan 'to.

May naka-uniform na tumulak sa akin sa pader hanggang sa masubsob ako roon.

Sabay-sabay ang sigawan, hindi ko na masabi kung sino-sino ba ang mga sumisigaw.

"Si Leo! Si Leo, saglit lang, mga boss! Yung kaibigan namin, hindi pa okay 'yan!"

"Kunin n'yo 'yong babae sa sofa!"

"Belle!"

"Nakita na namin, Chief."

"Halughugin n'yo sa itaas, baka may nagtatago pa roon."

Ga-graduate na ang buong barkada ko.

Hindi nila deserve 'to.

Hindi namin deserve 'to.



♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top