Chapter 23: Tricked



"Eto na ba 'yon?"

Nakasunod lang ang tingin ko sa gold coin na inabot ko kay Elton. Sabi ni Pat, samahan niya raw ako. Sabi ko naman, huwag na.

Ga-graduate na si Patrick. Third year pa lang ako at may fifth year pa. Ayoko nang mapasama pa siya sa gulo at lalong mapurnada ang graduation niya.

Three months na lang, magkakadiploma na siya saka ang iba kong kabarkada. Naunahan pa ako nina Clark at Will samantalang nag-ipon lang ang dalawang 'yon ng summer class since freshman year.

"Akin na ang pera ko," hingi ko kay Elton.

Natawa lang nang mahina si Elton habang umiiling. "Hindi pa tapos ang usapan. Hangga't hindi ako siguradong jackpot nga ito, wala akong ibibigay." Ipinakita niya sa akin ang gold coin na hawak niya.

Gusto kong manapak pero hindi ako makapalag kay Elton dahil kasama niya sina Duke habang mag-isa lang ako.

Buong barkada ko, busy sa thesis nila habang nandito ako, ginagawa ang nakasanayan namin nang mag-isa.

"Ipalalaro ko 'to kay Dave," sabi niya, taas-taas ang barya. "Kapag hindi 'to ang jackpot chip, ikaw at ang grupo mo, alam mo na ang mangyayari sa inyo."

Hindi ako natatakot kay Elton. Hindi na rin naman ako natatakot sa mga death threat. Siguro kasi pagod na rin ako para matakot pa sa mga gaya ni Elton. Kung matakot man ako, hindi na para sa sarili ko. Para na sa barkada ko.

May pamilyang mag-aalala sa kanila. Umuuwi silang lahat sa mga magulang nila samantalang ako, tatlong taon nang mag-isa sa boarding house o kaya sa apartment.

"Bukas, kukunin ko ang pera ko. Sigurado namang panalo 'yan. Barya lang ang puhunan ko sa gusto mo," sabi ko na lang.

Tinalikuran ko na sina Elton at dumeretso ako sa sakayan pa-Makati mula sa Seaside Boulevard.

Nagla-lie low na kami bilang grupo. Wala na kaming pakay sa Coastal. Tapos na rin ang atraso namin sa Sixty-Niners. Kumbaga, magreretiro na lang.

May mga sari-sarili na kaming pera. Pero madali kasing maubos 'yon. Kaso base sa utak ng barkada ko? Duda akong gagastos lang sila nang gagastos sa walang kabuluhang mga bagay.

Habang nasa jeep at nakatanaw sa kalsada, napapaisip ako. Patapos na kami sa phase na 'to ng buhay namin—o ang barkada ko lang.

Dumaan lang sa amin ang milyon-milyong pera.

Nasa jeep ako habang iniisip na three years ago, nakahawak ako ng solid na three million pesos in cash.

Ngayon, wala akong ibang dala kundi sling bag na ang laman, 'yong phone pang bigay ni Sir Bobby noong nawala ko ang lumang phone ko at wallet na wala pang isanlibo ang laman at puro pa barya.

Hindi ganoon karami ang pasahero ng jeep, malamang kasi alas-diyes na ng gabi at nasa kabilang ruta ang busy road. Patapos na ang January. Dalawang buwan na lang, sa aming barkada, ako na lang ang maiiwang nag-aaral.

Sa aming barkada, kay Rico at sa akin sila umaasa ng magandang future. Si Patrick, hindi na siya kailangang asahan kasi buo na ang future niya bago pa niya tanggapin 'yon. Kumbaga isusubo na lang sa kanya, hindi na kailangang paghirapan.

Si Rico, bata pa lang binigyan na ng responsibility ng parents niya. Ang maganda lang siguro sa posisyon ni Rico, siya ang tipong na-cha-challenge sa responsibilities. Parang nag-aalmusal ng responsabilidad kahit kinse anyos pa lang kaya kung asikasuhin kami, parang extended family kami ng pamilya niya.

Ako . . . achiever din kasi ako. Gusto kong maging worthy ang lahat ng effort ko kasi sayang ang time. Ang kaso, ang daming pangarap ng matatanda para sa akin. Karamihan sa kanila, gusto akong maging professional basketball player samantalang ayoko nga.

Twenty years old, parang nilamon ng buhay ang pangarap ko noon. Noong Grade 1 ako, pangarap kong maging doktor. Noong inampon ako ni Mama, ayoko nang maging doktor. Napalitan ang pangarap ko noong Grade 5 ako. Pangarap ko nang maging astronaut tapos pupunta ako sa US para mag-apply sa NASA. Kaso 'tang ina talaga noong humarang sa akin sa immigration, tinatanong si Mama kung bakit hindi nagma-match ang ID ko sa ibang documents. Bakit daw Vergara ako pero sa ibang papeles, Deonida ang nakalagay?

Ten years old, nasa maliit na opisina ka, naghihintay ng sagot kung makakalabas ka ba ng bansa o hindi dahil lang iba ang apelyido mo. Limang oras akong naka-hold, ang daming tinawagan, hindi ko alam ang nangyayari. At kung tingnan ako ng mga tao roon, parang maling-mali ang existence ko sa mundo.

Iba ang trauma na dulot n'on sa 'kin, higit pa sa takot kong makasakay ng eroplano at biglang sumabog ang pakpak sa gitna ng flight.

Nakalabas naman ako ng bansa dahil naibigay ni Mama ang adoption papers ko, nakapunta rin ako ng California para dalawin ang pamilya ni Mama na doon na nakatira, pero sinabi ko sa sarili kong never na ulit akong aalis.

Ayoko sa airport. Ayoko sa eroplano. Ayoko sa kahit saang haharangin ako para tanungin kung sino ba talaga ako.

Binura ko na sa pangarap ko ang makaalis ng bansa kahit may sa impyerno ang Pilipinas.

Ngayong beynte anyos na ako, wala na akong pangarap. Gusto ko na lang maka-graduate. Magkatrabaho. Mamuhay nang mag-isa. Mamatay nang mag-isa.

Pag-uwi ko sa apartment na halos ibigay na nga lang sa akin ni Sir Bobby, parang bumagsak ang lahat ng gana ko sa buhay.

Umakyat ako sa second floor at dumeretso sa kuwarto. Wala halos laman ang kuwarto ko maliban sa isang single bed, study table, computer desk kung nasaan ang laptop ko, isang ergonomic chair, at single couch. Puti ang pintura ng dingding, patay na kulay. Nasa sidetable katabi ng pinto nakalagay ang lahat ng libro ko. Kung may gusto raw akong basahin, sabi ni Sir Bobby, pumunta na lang ako sa Dasma. Naroon ang library ni Patrick, magsawa ako ng pagbabasa roon.

Pero hindi naman kasi ako mahilig sa libro. Nagbabasa lang ako kasi kailangan kong may ilaman sa utak ko na magagamit sa gagawin ko sa school.

Hindi na ako nag-abalang maligo. Humiga na lang ako sa kama at saka pumikit.

Kaunting panahon na lang, mag-isa na lang akong mabubuhay rito.



♥♥♥



"Dude, ang tagal na n'on, wala pa rin?"

"Kaya nga tayo pupunta sa gym, di ba?" sagot ko sa reklamo ni Will.

Kasama ko ang buong barkada papunta sa gym ng Purok Siyete. Covered court 'yon sa malapit na tulay patawid sa bandang San Lazaro.

Si Rico ang nagpresintang samahan ako kasi dalawang linggo ko nang sinisingil si Elton, ayaw magpakita sa akin.

Ang balita namin sa Sixty-Niners, nakuha na raw ang jackpot. Pero walang nagpakilalang winner kaya hindi nila mai-release.

Sa parteng 'yon, naintindihan ko si Elton kung ayaw niyang mag-reveal kasi delikado. Hahabulin siya ng lahat ng may atraso siya at ita-track pa siya ng casino mismo. Kaya nga nagtataka ako kung bakit naghahabol 'to ng jackpot chip.

Iyan din ang eksaktong dahilan kaya kahit may gold coin na kami para sa jackpot, hindi namin 'yon ginalaw. Sobrang delikado kasi matagal nang walang nananalo sa poker machine na 'yon.

Kung ihahambing ang mundo nina Rico at Patrick sa lugar kung saan kami dadayo, sobrang layo.

Lumaki si Pat sa pampered na lugar. Hagdanan lang nila ang sukat ng karamihan ng mga bahay na nadaraanan namin. Malaki pa nga ang banyo ng kuwarto niya sa karamihan ng mga nalalampasan naming barong-barong. Hindi naman nandidiri si Patrick sa ganito. Si Rico, oo. Kada tapak namin, may reklamo siya sa sanitation ng lugar. Walang ibang bukambibig kundi, "After this, mag-sanitize kayo, guys. May dala akong alcohol and hand sanitizer sa bag."

Pero sanay naman na kami sa squatter's area. Yung boarding house ko, ang katabi, puro slump din. Iyon lang, hindi kasi kami tagarito sa ganitong lugar.

Pinagtitinginan kami sa daan. Hindi ko alam kung ano ang sisisihin ng mga tingin nila.

First, ang tatangkad namin. Si Will, kahit hanggang ilalim lang ng tainga ko, matangkad pa rin kung tutuusin para sa ibang nakakasalubong namin. Saka ang laki ng katawan ni Will. Inaaway na nga ng biceps niya ang manggas ng T-shirt, kulang na lang mapunit.

Second, may aura talaga sina Rico at Patrick na lilingunin ng kahit na sino. Kung babae, maiintindihan ko agad kung bakit. Kung lalaki naman, malamang kasi magaling magdala ng sarili. Si Rico pa naman, may tindig na para bang siya ang may-ari ng lupa basta natapakan na niya.

Third, kapag naghalo ang pabango ko at pabango ni Calvin, mula sa unang kanto hanggang sa pangatlo, naroon lang ang amoy. Pabango talaga namin ang madalas mapansin sa aming dalawa.

And last, ayoko mang pansinin pero sino ba kasing hindi titingin sa amin, si Clark, mula pa sa Yakal hanggang San Nicolas, nagda-dance number habang naglalakad kami. Pitong kanto na ang nalampasan namin, hindi mapagod-pagod ang gago. Nakasuot lang siya ng headset at sayaw nang sayaw kahit nasa kalsada kami dumadaan. Si Will, sinasabayan siya sa sayaw. Ta-tumbling pa ang mga tarantado. May mga bata pang pinagtatawanan sila at nakiki-tumbling pa sa kanila.

Solve na ako sa takaw-tingin sina Patrick, pero puta kasi, walang-wala ang postura ni Rico sa kapal ng mukha nina Clark.

Buti na lang talaga, hindi kami tagarito. Para kaming may kasamang dalawang unggoy.

Sa gym ng Purok Siyete, katabi ng baranggay outpost, sa labas pa lang, hinanap na namin ang grupo nina Elton. Kaso puro mga lalaking walang pantaas saka mga pawisan lang ang nakita naming naglalaro ng basketball.

Wala sina Elton.

Nasa labas lang kami, nakasandal sa pinakaharang ng gym na semento sa ibaba at bakal na criss-cross fence sa itaas.

"What time ulit kayo magkikita?" tanong ni Rico at tiningnan ang relo niyang mumurahin. Kapag napupunta kami sa ganitong lugar, may mga isinusuot siyang gamit na hindi takaw-gulo. "It's already five, Leo. He's supposed to be here now."

Mula sa loob ng sling bag, doon ko sinilip ang phone ko para i-text si Elton.

Leo: Nasa gym na kami. Reply back ASAP.

"Duda ako diyan kay Elton," sabi ni Clark. "Two weeks na, 'tol. Nakuha na yata nila ang jackpot. Baka ginagastos na nila 'yon ngayon."

"Can I pay you na lang for Elton's debt?" offer ni Patrick na pareho naming hindi sinang-ayunan ni Rico.

"Pat, utang is utang," paliwanag ni Rico. "We know you can pay for it, but that is not your responsibility to provide. Wala sa usapan n'yo ni Elton 'to. And he agreed to pay Leo for all the expenses for that jackpot chip. Millions ang worth n'on. 80k is nothing. Ang point dito, yung obligation na dapat tapusin nila."

"Kahit yung stipend ko na lang ang ibalik niya," sabi ko.

Napakamot na lang ng ulo si Patrick at sinukuan na rin kami.

Ayoko mang maghabol sa pera, pero ayoko rin na ang pinaghirapan namin ni Patrick, mapupunta lang sa wala. Hindi barya para sa akin ang 40k na ginastos ko sumatotal. Kaya na akong buhayin n'on nang isang buong sem bilang estudyante.

Alam kong maibabalik 'yon. Inaasahan kong maibabalik ang pera ko kasi 'yon ang usapan.

Nalubugan na kami ng araw saka lang nag-reply si Elton.

"Guys," tawag ko nang makita ang text. "Nasa Parañaque raw sila."

"Sina Elton?" tanong ni Clark.

"Stag party raw ni Duke."

"Tapos Parañaque?" naiinis nang dagdag ni Will. "'Tang ina ba nila? Nasa pusod tayo ng Maynila tapos nasa Parañaque sila ngayon?"

Tinadtad ko na ng text si Elton. Nakailang mura ako sa kanya habang sinasabing kanina pa kami naghihintay sa Purok Siyete para lang sa kanila.

Ang bigat ng paghinga ko habang nagpipigil ng inis.

"Alam mo, pinagtitripan na lang tayo niyan nina Elton, e," sabi ni Clark habang dinuduro ang bag ko, o ang phone sa loob. "Kasi kung talagang seryoso 'yan, hindi tayo pahahabulin niyan na parang mga tanga."

"Pupunta kang Parañaque?" tanong ni Rico.

"Wala akong choice," dismayado kong sagot. "Kailangan ko ang pera ko. Pre-finals na namin next, next week. Hahanapin ng cashier ang laman ng voucher ko."

Ang bigat ng pakiramdam ko gawa ng inis. Ayoko pa naman sa lahat, 'yong naghahabol. Ayokong isuko ang pera ko kasi kapag isinuko ko 'yon gaya ng gusto ni Patrick, lalo lang mag-aangas sina Elton na kinakayan-kayanan lang kami dahil hindi kami lumalaban.

Kung si Patrick, kaya niyang i-bully, puwes hindi ako.

Walang dalang kotse si Rico. Ayoko ring magdala siya kasi baka pag-initan nina Elton, carnap-in pa. Mahirap ipaliwanag 'yon. Ni wala nga kaming dalang kahit anong pera na lalampas ng dalawang libo.

Mula Oroquieta, sumakay kami ng jeep pa-Baclaran.

Pagsakay namin, pinagtitinginan kaming lahat kasi halos yumuko na kami sa jeep pag-upo. Siksikan pa naman kasi rush hour.

"Dude, can I pay for three seats?" tanong ni Patrick kasi gitgit siya sa gitna nina Clark at Rico. "Or can we book na lang ng other cab?"

"Pat," warning na ni Rico. "Walang cab na dumaan kanina, and we're on a rush."

"Dude, magkaka-claustrophobia ako rito," reklamo ni Patrick habang nakasimangot. "This ain't the fastest route either."

"Don't complain, dude," pakiusap ni Rico. "You made a deal with someone evil . . . again. Ga-graduate ka na lang, Pat, naghanap ka pa ng headache ng barkada."

Rico and Patrick really looked like a father and son arguing about the inconvenience of the situation.

Si Clark ang nagbayad sa jeep. Sa sobrang arte ni Patrick at nasisikipan nga raw sa upuan niya, lumabas pa si Clark at sumabit na lang para hindi na puro reklamo ang katabi. Maluwag naman na sa puwesto nila, pero lumabas na rin si Will at sinamahan siyang sumabit doon. Nakuha na tuloy ni Patrick ang hiling niyang tatlong seats na libre para hindi siya nagrereklamong masikip nga sa puwesto niya.

Hindi ko narinig sina Clark na sisihin si Pat sa kaartehan niya. Malamang kasi sanay na. And besides, aware kaming lahat na kung gugustuhin lang ni Patrick, kaya niyang tumawag sa kanila para bigyan kami ng tig-iisang service papuntang Parañaque. Pero walang may gusto sa amin n'on kaya nga naghihirap kami sa pag-commute.

Alas-otso pasado na nang makarating kami sa location na sinabi ni Elton. Malapit sa airport road, kaunting lakaran lang mula sa community high school ng city.

Magkakatabi ang music o videoke bars, clubs, inns, motel, at iba pang establishments. Pero doon pa talaga nila napili sa medyo madilim at dulo ng kalsada.

Nakasindi naman ang neon sign ng night club, pero parang kulob.

"Parang ayokong pumasok," sabi ni Clark. "Puwede bang bukas na lang natin 'to gawin? Yung may araw sana."

Ayoko rin sanang pumasok pero nandito na rin kasi kami. Kapag pinalampas namin 'to, malamang na maghahabol na naman kami sa gagong 'yon.

"Let's ask the receptionist first. Kahit ipatawag na lang natin si Elton sa lobby," alok ni Rico.

"Better," sabi ni Patrick.

Pumasok na kami sa loob. May ilaw pero parang ang dilim.

Nangangasul ang ilaw sa lobby, parang nasa loob kami ng lugar na may UV light. May mga dumaraan sa gilid naming babae na neon ang lipstick at underwears. Mukhang intentional ang ilaw nila.

Maraming dark-colored sofa sa lobby. Itim o parang dark color ang tiles kaya hindi komportable sa pakiramdam. Pumunta kami sa front desk para magtanong sa lalaking naka-T-shirt doon.

"Excuse me," sabi ko. "Nandito ba si Elton Corvito?"

"Elton?" ulit ng lalaki. "Sino sila?"

"Pakisabi, hinahanap siya ni Leo."

"Leo . . . ?" tanong ng lalaki, hinihintay ang iba pang detalye.

"Leo na inutangan niya ng 80k."

"Oh . . ." Tumango lang ang lalaki at may tiningnan sa ibaba ng desk. Pagsilip namin doon, may tine-text pala ang lalaki.

Ilang sandali pa, may mga lumabas nang bouncer at hinarangan ang pinto ng club.

Paglingon ko roon, bigla nilang pinalitan ang OPEN sign ng CLOSED.

Naramdaman ko ang mahinang tapik ni Rico sa braso ko.

Alam ko. Mukhang hindi maganda ang pinapasok namin.

"Kung wala siya, babalik na lang kami," sabi ko sa lalaki.

"Nasa loob," sagot niya, itinuro ang likod. "Puntahan n'yo na lang."

"Hindi, okay lang. May bukas pa naman," katwiran ko. "Sige, thank you."

Pagtalikod namin, hinaharangan na ng tatlong bouncer ang entrance.

"Doon ang daan, mga ser," sabi ng isa at itinuro ang loob ng club.

Napalunok tuloy ako.

'Tang ina, mukhang gulo 'tong pinasok namin, a.

Ang malas ko talaga.



♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top