Chapter 20: Struck
Noong napansin naming lahat na ang laki ng ipinagbago ni Patrick, sinabi ni Rico na ganoon daw talaga ang tao, nagbabago kapag brokenhearted.
Pinagtawanan ko 'yon. I came to that point na in-invalidate ko si Patrick because he was so stupid to risk his luxury car over a date with a girl he barely knew.
Ang dami niyang ginawa for Melanie, yet walang kamalay-malay si Mel sa lahat ng 'yon. 'Yon bang ang sarap manumbat kay Mel at gusto kong sabihin sa kanyang "Hoy, etong barkada ko, willing gawin ang lahat para lang sa 'yo kahit ang tanga-tanga na ng katwiran nito sa amin."
Pero habang iniisip kong manumbat, parang sumasapol sa akin ang iniisip ko. Lalo tuloy akong napipikon.
Noong nilukot ni Kyline ang warning ko sa kanya, nakipag-bargain pa ako sa utak ko na baka ayaw lang niyang makita ng bayawak na 'yon ang letter kaya niya itinapon.
Pero 'yong kinabukasan, pagbalik namin sa casino, parang wala siyang nabasang kahit na ano?
Ang pait ng tawa ko habang nakatingin sa kanila.
Walang ibang laman ang utak ko kundi gumanti.
Paulit-ulit, kada minutong mawawalan ako ng kausap o wala akong ginagawa, ang gusto ko lang, gumanti at makitang umiiyak si Kyline dahil sa katangahan niya habang ipinamumukha sa kanyang mali siya ng pinipiling lalaki.
Pagkatapos ng ipinakita ni Kyline sa akin, ang gusto ko lang, ma-trace ang Joven na 'yon, alamin ang lahat ng meron siya at isasampal ko 'yon kay Kyline nang harap-harapan.
Minsan, iniisip ko ring baka kaya pang daanin sa tulog lang. Baka saglit lang ang galit ko. Pero araw na ang lumilipas, hindi natatahimik ang loob ko hangga't wala akong nakikitang umiiyak sa harapan ko.
Ipinagpatuloy namin ang pag-iimbestiga kay Joven at kay Kyline. Katwiran ko pa rin, para sa safety ni Ky dahil 'yon ang alam nila. Pero sabi ni Rico, may mali raw sa akin at sa mga impormasyong hinihingi ko. Alam ko ring may mali, pero hindi ko ma-pinpoint kung ano at naiinis din ako roon.
"Based sa aking research," sabi ni Clark habang tutok sa phone niya at may binabasa roon, "nasa Sixty-Niners si Kyline as a part-time waitress."
Nakapalibot kami sa tatlong magkakatabing mesa ng 7-Eleven sa isang kanto sa Malate. Nakayuko pa nga para magkarinigan pa rin kahit hindi masyadong malakas ang usapan. Doon kami pansamantalang tumatambay habang naghihintay dumating ang kikitain namin.
"Maykaya naman sina Ky, di ba?" tanong ni Will.
Ayokong magtanong. Nakikinig lang ako habang dumadampot ng piraso ng Chippy na nakalatag sa mesa.
"Dude, that's the shady part," sabi ni Clark. "Nasa boarding house na kasi nakatira si Ky since last year ng second sem. Ang sabi ng ka-dorm niya sa FE, pinilit daw niya ang mama niya dahil nga, malapit na ang practicum nila at malayo ang Alabang. Mahirap mag-commute."
"She has a point, though," sagot ni Rico.
"I know, may point," segunda ni Clark. "Pero ayon sa chika ng isa ko pang nakausap sa boarding house, kasama niya itong ka-batch niyang si Deborah Salem. At alam n'yo ba kung ano ang ginagawa nitong Salem na 'to?"
Binato agad siya ni Rico ng piraso ng chips. "Of course, wala kaming alam. Kaya ka nga pinakukuwento, right?"
"Dude! That's rethorical! Parang gago naman 'to," naiinis na sagot ni Clark at dinampot ang ibinato ni Rico na chips saka kinain kahit pa nasa mesa na iyon bumagsak.
"Bilis na," naiinip na utos ni Calvin na isa ring nakikinig at hindi sumasagot.
"O, eto na nga ang additional chika, mga buddy." Nagpatuloy ulit siya habang tutok sa phone. "Itong Deborah, pusher din 'to. Pero aside sa pusher, mas madalas daw siyang mag-escort. Escort means babayaran for a night. And according to my reliable resource, a.k.a. client nitong Deborah, may price list na ito ng service, at minsan, tinatangay si Kyline sa mga raket."
Mula sa pagkakayuko sa mesa, sabay-sabay na napaupo nang deretso ang buong barkada ko maliban sa akin na prenteng kumakain lang ng chips.
Ayokong magulat. Ayoko mang isiping naging pakawala na rin si Kyline pero hindi ka naman siguro sasama sa drug pusher dahil lang "mahal na mahal" mo "siya."
"So, you mean, si Kyline . . . parang call girl or something?" naguguluhang tanong ni Patrick. "She's sayang naman, if ever."
"Huweyt! There's more to it!" awat ni Clark kaya bumalik na naman sila sa pagkakayuko sa mesa para mag-usap nang mahina. "Sa so-called list of escort nila, mataas ang rate ni Kyline. According to her handler—"
"May handler siya?" gulat na tanong ni Rico.
"Yes, sir!" sagot ni Clark at nag-scroll ulit sa phone. "Rare find si Ky at mahal ang rate. May special terms and conditions pa for her. Puwedeng kiss, puwedeng hug, puwedeng maging touchy, pero bawal ang sex. Kasi . . ." Nagtaas pa ng isang daliri si Clark. ". . . mas mahal ang service ng mga virgin. Kapag nalaman ng client na hindi na siya . . . you know . . . bababa ang quality niya. Mahihirapan silang ibenta siya."
"Dude, I don't like this topic," maarteng sinabi ni Patrick habang nakasimangot. "It feels like I wanna throw up."
"Clark, gaano ulit ka-reliable itong source mo?" tanong ni Rico at mukhang duda kay Clark pero dinig ko sa boses niyang mas lamang ang paninigurado ng kutob.
"Dude, sobrang reliable nito."
"Gaano nga ka-reliable?"
"Hmm . . ." Naipaling-paling ni Clark ang ulo sa magkabilang gilid habang nag-iisip. "Lumapit ako sa handler ni Kyline at nagtanong ako kung puwede siyang i-book for a night."
"Puta ka."
Sabay-sabay namin siyang binato ng chips.
"Hoy! 'Tang ina n'yo! Pinahahanap n'yo 'ko ng sagot tapos 'yan igaganti n'yo sa 'kin? Mga walang utang na loob!"
Lalo akong nabuwisit dito kay Clark kaya isang dakot na ang ibinato ko sa kanya para lang makontento ako.
"Hindi pa sure 'yon, mga gago! Puno sched niya hanggang January!"
Saka lang kami napahinto at ang sama na ng tingin namin sa kanya.
Bilib ako kay Clark kasi sampung araw pa lang niyang tinatrabaho 'to pero marami-rami na siyang nakalap na impormasyon. Pero ang gago talaga, e.
"Magkano ang ibabayad mo sana?" tanong ni Calvin.
Nakasimangot lang si Clark na pinagdadampot ang chips na nakakalat sa mesa pagkatapos ay isinubo. "Sabi ko, 10k. Hard pass ang handler. Hindi raw pokpok alaga niya. Binigyan ko ng 100k."
"Gago, saan mo nanakawin yung 100k?" tanong ni Will.
"Try nga lang para sa info, di ba?" Kinatok-katok pa ni Clark ang ulo ni Will. "Dude, ako lang dapat ang bobo rito, masyado mo naman akong idol."
"Gago." Binatukan ni Will si Clark at gumanti naman ito ng batok.
"Hindi pa rin agree sa 100k?" tanong ni Rico.
Nagkibit-balikat si Clark. "Hourly rate lang daw 'yon ni Ky. Kung one hour lang kami, payag. Pero next year pa. Kasi may mga client daw sila ngayon na milyones ang inilalabas para lang sa isang gabi. And . . . kaya siya waitress sa casino, kasi mas expose sila roon sa clients. Kapag natipuhan sila, one call away lang sa manager, puwede nang i-book."
"At hindi ito alam ng mama ni Ky?" tanong ni Rico.
"Dude, hindi na siya namo-monitor ng mama niya," sagot ni Clark habang patuloy sa pagdampot ng chips na nakakalat sa mesa. "Probably because she took a course that needs public exposure. And besides, kino-contact na namin ni Calvin ang mama niya. Plus, kumukuha na rin kami ng evidences para sa case ni Joven. At medyo tricky ang part na 'yon."
"We tried to buy drugs directly kay Joven," sabi ni Calvin sa mahinang boses. "However, we were pointed to someone lower than him. Doon sa downline niya."
"Hindi raw siya tumatanggap ng orders sa pakete," sabi ni Clark, bumubulong na naman. "If we want to buy directly to him, bumili kami ng mas marami pa."
"That's so dangerous, dude," gatong ni Patrick habang umiiling kina Clark.
"Malamang," sagot ni Clark. "Kaya nga isa na namang warning para sa lahat." Itinuro niya ng magkabilang daliri ang mesa. "Hindi na tayo puwedeng mag-keep ng pera. I mean, cash on hand."
"Why?" tanong ni Patrick.
Nagpalingon-lingon pa si Clark sa paligid saka pasimpleng may kinuha sa black sling bag niyang dikit na dikit sa dibdib. May inilabas siya roong maliit na flashlight at isang 500-peso bill. Inilapag niya iyon sa mesa at umilaw ang masakit sa matang blue light doon.
Napahinto ako sa pagsubo nang makitang may nakasulat na serial numbers na kulay asul sa perang kalalapag lang niya.
Kahit tuloy ako, napayuko para matakpan ang side ko sa kabilang dulo ng table.
"This is a mark money," sabi ni Clark habang ipinaliliwanag kung anong meron sa pera. "Itong serial numbers, pinaka-tracker 'to ng mga informant."
"Where did you get that?" tanong ni Patrick, pero mukhang bilib na bilib siya.
"Uh? Hiniram ko lang 'to kay Daddy?" hindi siguradong sagot ni Clark.
"Is that legal?"
Ngumisi agad si Clark, at base roon, halatang hindi.
"What do you mean first by 'hiniram'?" dudang tanong ni Rico.
Sumimangot si Clark at umiling. "Basta! Anyway," pagbago niya ng topic, "kapag nagkahulihan sa raid, ito ang unang hinahanap sa mga nahuhuling pusher. Meaning, kino-cross-reference ito ng authorities para sa records na meron sila at kung sino ang planado talagang hulihin sa entrapment operations."
"Oooh . . ."
Para kaming mga batang amazed na amazed sa pinagsasasabi ni Clark.
"Nag-check ako ng perang nasa atin, lahat ng cash on hand, 15 paper bills na meron tayo, may serial numbers."
"Oh shit." Sabay-sabay kaming napaupo nang maayos. Mabilis na pinatay ni Clark ang UV light niya at itinago ulit ang pera sa sling bag.
"Can we put that in the bank?" tanong ni Pat.
"Dude. Niyu-UV nila 'yon para makita kung tunay o hindi ang pera," sabi ni Clark.
"Exactly," dagdag ni Rico. "We can't do that. Unless we will spend that money as a petty cash."
"Dude, di ba, may background ka sa loans?" tanong ni Clark sa akin. "Di ba, maraming umuutang sa inyo?"
"Yeah, why?" sabi ko pa.
"Maraming naghahanap sa mga classmate ko na lending company pero goods sana for student loans. Yung cut ko last time sa pustahan natin sa Coastal, ipinautang ko lang din, and credited na sa bank ko as payment receivables, may interes pa. Kung ipauutang natin ang perang meron tayo, at babalik sa atin bilang receivables, dude, malinis na 'yon sa journals. Kahit paimbestigahan 'yon, ang lalabas lang sa records, loans receivables. Hindi pa sa atin babagsak ang mark money na may serial numbers."
Natahimik kami sa mesa habang nakatingin kay Clark.
Aminin man namin o hindi, mautak talaga si Clark kompara sa kahit sino sa aming lahat. Patrick is academically smart. Rico is financially and logically wise. But really, we couldn't survive without Clark's skills. Partidahan na niya ang security agency nina Rico na hindi kami tinimbrehan ng tungkol kay Joven.
Kung ayaw nilang magbanggit ng info tungkol sa pusher na 'yon . . . sorry, but we have Clark.
That night, naglatag na agad kami ng plano after namin sa casino.
Sa bookkeeping si Patrick. Sa programs and dissemination si Clark. Sa handling ng assets and liabilities si Rico kasama ni Patrick. Bagsakan namin ng pera ang account ni Will dahil walang maghihinala sa kanya. Kami ni Calvin ang coordinator sa bawat pustahang pinapasok namin.
Lahat ng pera namin na napapanalunan sa pustahan, automatic na pinaiikot namin iyon. Wala kaming perang puwedeng itago kasi magagamit ang lahat ng paper bills laban sa amin.
Meron lang kaming petty cash at savings account na kilala ng mga magulang namin. Pero wala silang idea na nakapagbukas na kami ng magkakaibang account sa magkakaibang bangko.
Nineteen years old, and we took things as serious as we could. May warning na kami sa mga nakatatanda sa amin na huwag papasok sa anumang gulo.
Nineteen years old—nasa teenage years pa kung tutuusin—but we were already dealing with some serious stuff na hindi magawang harapin ng mga adult na pinagsusumbungan namin.
Hindi naman kami nagkulang. We did our best to tell everyone what was happening from the other side of the town. Yet no one listened.
Halos lahat sila, ang sinasabi sa amin . . . kung nakita naming may maling nangyayari . . . wala kaming nakita. We have to shut our mouth, or else, we will regret opening it.
Nineteen years old . . . tapos makikilala kayo bilang isa sa pinakamalakas kumita kada operations tuwing gabi. Kahit pa ang tanging goal lang namin ay, kung tutuusin, napakawalang kuwenta.
Si Pat? Gusto lang niyang mabawi ang naipatalo niyang Lamborghini kapalit ng isang date sa babaeng gusto niya.
Ako? Gusto ko lang may paiyaking babae habang nagsisisi 'yon sa mga desisyon niya sa buhay.
So, siguro nga, kung hindi ko ginustong gumanti, wala kaming makakalkal na impormasyon tungkol sa mga delikadong taong hindi dapat namin pinakikialaman.
At siguro nga, kung hindi naging petty si Patrick para kay Melanie, wala sana kami rito ngayon sa kung nasaan kami.
Hindi naman kami lumalaban para maging sikat at pagkaguluhan ng mga babae—baka si Calvin, oo. Pero ako? Hindi pa rin nagbabago ang pakay ko kaya ako nagtatagal doon sa casino.
At hindi ako matatahimik hangga't hindi umiiyak ang babaeng 'yon sa harapan ko.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top