Chapter 2: Misinterpret


"Ma'am! I'm Cadet Private Scott, Leopold V. Permission to enter the platoon, ma'am!"

Noong high school ako, malaking bagay para sa family at sa school ang pagiging anak ni Oswald Scott. Elementary, so-so lang, but high school?

Pressure. Sobrang daming pressure.

Pinipilit ako ng halos lahat na sumali sa basketball team. Ako ang pinakamatangkad sa batch namin—or sa buong high school department, actually.

"Sino? Yung matangkad?"

Automatic na 'yon. Scott agad ang sagot ng mga tinatanong. Pero ang corps commander namin, walang pakialam doon. Kasi, para sa kanya, lahat kami, pantay-pantay.

"Bakit late ka?" tanong sa akin ni Ma'am Shan, harap-harapan.

Matangkad siya, pero mas matangkad pa rin ako. Halos tingalain niya ako pero nakaabot naman siya hanggang sa eye level ko. Pero sobrang intimidating niya to the point na nakatayo lang siya sa hall, parang magdadalawang-isip ka nang dumaan sa harapan niya kahit malaki naman ang daanan. What more kung literal na harap-harapan ka nang kinakausap at kulang na lang ay magtama ang mga mukha ninyo sa sobrang lapit.

Sumulyap muna ako sa mga nakapila sa kanan ko lang. Mga classmate kong deretso ang tayo at nakatingin lang sa harapan.

"Nag-overtime po sa student council . . . ma'am."

"Hindi ako binigyan ng notice."

Napayuko agad ako. "Sorry, ma'am."

Umatras na rin siya at tiningnan ako mula ulo hanggang paa. "Ang payat mo. Kumakain ka pa ba?"

Napalunok ako at nahihiyang yumuko. "Sorry, ma'am." Alam ko namang payat ako. Kumakain din naman ako kaso hindi nga lang sakto sa oras kasi ang daming ginagawa sa school. Hindi naman ako malnourish. Mukha lang akong payat kasi matangkad ako.

"Scott!"

Dumeretso agad ako ng pagkakatayo. "Ma'am, yes, ma'am!"

"Give me ten push-ups, move!"

"Ma'am, yes, ma'am!"

I don't do push-ups. Walang ibang perfect reason kung bakit ayoko kundi "nakakapagod."

Bakit mo papagurin ang sarili mo kung puwede ka namang mag-chill lang at magbasa sa sulok?

I don't do sports kasi . . . nakakapagod.

Tamad na kung tamad, wala akong pakialam.

Kaso, pinili ko nga ang Citizen Army Training (CAT) kasi ayoko sa varsity. May essay club naman akong sinalihan kaso kasi hindi kami masyadong active, at required din sa aming mag-CAT. Hindi rin ako puwedeng i-exempt kasi wala naman akong health issues.

Pagapang akong dumapa sa quadrangle at inilapat ang magkabila kong palad sa mainit na semento.

Naiilang akong gawin ito kasi kitang-kita ng halos lahat ng nasa campus na pinarurusahan ako ng commander namin.

"One, ma'am!" Hirap na hirap akong iangat ang sarili ko sa semento. Sa isang push-up, halos magtagal ako nang kalahating minuto sa pag-ahon at pahinga nang kaunti paglapat ulit sa semento.

"Ayusin mo 'yang braso mo. Mababalian ka niyan." Pinalo-palo ng meter stick ni Ma'am Shan ang braso kong nakatupi sa gilid. "Ganito." Parang walang lakas ang kanang braso ko nang kunin niya at siya pa ang nagposisyon paharap n'on sa tabi ng dibdib ko imbes sa ginawa kong paturo sa gilid at nakatapat ang palad sa ulo. Pinagaya niya sa akin ang kabila at pinabilang ulit ako.

"Two . . ." Nanginginig na agad ang braso ko kasi mas mahirap ang posisyon na pinagawa niya. ". . . ma'am!"

"Huwag mong itataas ang puwit mo! Ipantay mo sa katawan!" Saka niya ako pinalo ng meter stick sa may puwitan, dahilan para ipantay ko agad ang pagkaka-anggulo ng katawan ko.

Nakarinig agad kami ng tawanan sa bandang likod.

"Sino 'yong tumawa?" malakas na tanong ni Ma'am Shan.

Walang sumagot. Nawala rin ang tawanan.

"Sino . . . ang . . . mga . . . tumawa?" paisa-isang banggit ni ma'am. "Walang sasagot?"

"Ma'am, si Chad po!" sigaw sa likod.

"Lahat ng tumawa, pumunta rito sa harap!" galit nang sigaw ni ma'am.

May tatlong pares agad ng combat boots ang nakita ko mula sa ibaba. Pagbalik ko ng tingin sa harapan, tinuktok na agad ni ma'am ang meter stick niya sa likod ng kamay ko.

"Galaw!"

"Sorry po!" Itinaas ko na naman ang katawan ko kahit mahirap. "Three, ma'am!"

"And for the three of you!" sigaw ni Ma'am Shan na palakad-lakad sa harapan namin. "Give me ten push-ups, move!"

"Ma'am, yes, ma'am!"

At para kaming mga nanlalantang palaka na nagpapakahirap mag-push-up sa gitna ng katirikan ng araw.

Nasa Star Section ako, at ang pamangkin ng corps commander namin, nasa kabilang section. Ewan ko kung trainee rin ba 'yon. Mukha kasing bawal ibilad sa arawan gaya nito.

Every Friday lang ang training namin. Ang daily talaga ay mga nasa Cadet Officer Candidate (COC). Inaya ako last year mag-CO para maging officer na by senior year. Inaasahan nga ng halos lahat na ako ng magiging corps commander ngayong year, malamang kasi stereotyping na dahil malaki akong tao. Pero hindi naman ako nag-COCC kaya babagsak talaga ako sa CAT.

"Seven, ma'am—"

"Ma'am, done na po!"

Napahinto agad ako sa pagbibilang. Napatingin ako kay Toby na katatayo lang at sinisiw ang push-ups niya.

"Who told you to stand up?" biglang tanong ni ma'am. "Give me another ten!"

"Ma'am, yes, ma'am!" Nag-drop na ulit si Toby sa semento at inulit ang sampung push-ups niya.

Wala akong planong mag-military o magpulis o pumasok sa kahit anong field na sigurado akong papagurin ako.

Mabait pa nga raw ang corps commander namin kasi matindi raw talaga siyang magparusa sa mga totoong sundalo. Hindi lang kami "masyadong pinahihirapan" kasi mga estudyante pa lang kami at hindi naman kami mga COC.

May mga lieutenant officer din naman na mga kaklase namin o kaya tagakabilang section.

At walang Brias sa mga officer maliban kay Ma'am Shan.

Pagkatapos ng briefing, nag-notes na kami sa parts ng rifle at ilang armas na ginagamit ng mga sundalo tuwing may encounter.

Hindi ko alam kung bakit namin kailangang alamin ito, pero part din naman ng curriculum namin kaya nandito kami.

Iyon ang unang beses na nakahawak ako ng baril sa tanang buhay ko. May shotgun ang guard ng school, kahit sa guards ng ibang establishments, pero hindi ko naman iyon nahahawakan, nakikita ko lang.

Sa mismong scenario na iyon, hindi lang ako ang nagsabi sa sarili na "ligawan mo na lahat, huwag lang ang isang Brias." Kasi kung si Ma'am Shan ang haharapin namin, mas mabuti nang tumalikod na lang kami para sa ikabubuti namin.

Wala naman akong planong ligawan si Kyline. Ni hindi ko nga makita ang sarili kong magiging boyfriend ng kahit na sinong babae. Naa-attract ako, pero hanggang doon lang. Ayoko nang lumampas pa.

4 PM na ako usually nakakauwi. 2:30 ang uwian, then SSG responsibilities pagkatapos. Along the road lang din naman ang bahay namin pagpasok ng subdivison. At ang bahay namin ay . . .

Hindi ko alam kung ano ba ang tawag sa lugar na inuuwian ko.

"Nakauwi ka na pala!" Nakasalubong ko agad si Mama pagpasok na pagpasok ko sa bahay. May dala siyang Pyrex na may lamang lasagna. Ilalabas yata niya. "Dadalhin ko lang ito kina Perlita. Ate Judith, pahandaan si Leo ng lasagna."

"Sige ho, ma'am."

Filomena Vergara, also known as Doc Filly, is a dermatologist. Ang dami niyang client na artista. Hindi siya ang pinakasikat, pero isa siya sa pinagkakatiwalaan. At karamihan ng bisitang babae sa bahay, siya ang pakay.

40 pa lang si Mama, at sobrang bait niyang tao. Although, physically, hindi ko gusto ang pagpapalagay niya ng botox sa pisngi. Nagpa-enhance din siya ng lips para maging pouty. Hindi matangos ang ilong niya kaya nag-undergo rin siya ng rhinoplasty. Nagpadagdag din ng dibdib saka buttocks. And liposuction every quarter. Maganda naman ang result, pero kitang-kita kasi from old photos to new photos ang kaibahan. Parang 15 percent ng katawan niya, silicone na.

Gusto ko pa rin ng natural beauty, pero hindi ko jina-judge si Mama kung ayaw niya ng dati niyang itsura. After all, kung doon tataas ang self-esteem niya, susuportahan ko na lang siya.

"Umuwi ba last night si Daddy?" tanong ko kay Ate Judith.

"Wala, ser. Three days daw po siya sa Galera. Baka sa makalawa pa po ang balik."

Wala akong isinagot, tumango lang ako.

Si Ate Judith lang ang nag-iisang katiwala sa bahay. Halos kasing-edad lang sila ni Mama. Kulot ang buhok niya na laging naka-hairclip na sobrang laki. Doble ang laki ng katawan niya kaysa kay Mama at laging naka-uniform na dark blue, kaso mukhang pantulog kapag suot niya.

"Tumawag ba si Daddy rito sa bahay?" tanong ko bago umupo sa dining table.

"Hindi pa ho, ser. Ewan ko ho kay Ma'am Filly kung natawagan siya."

My dad is Oswald Scott. Coach, head of a sports association, former government secretary, and the top of my list of someone to hate.

This is our house. Hindi ko masasabing maliit. Two floors with five bedrooms, malaki na rin kahit paano pero hindi masasabing magarang mansiyon.

Sobrang rare kong makitang magkasama ang parents ko rito sa bahay na ito. At si Mama? She's not even my real mom.

I really hate my dad. Pinakasalan niya si Mama bago pa ako ipanganak . . . ng ibang babae. Unfortunately, nagpa-ligate si Mama at hindi niya inalam. Sa lahat ng anak sa labas ni Daddy, ako lang ang nilegal ni Mama bilang Vergara. Meron akong dalawang birth certificate na napalitan lang ang una noong six years old ako bilang late registered child at meron isang adoption paper kung sakali mang hanapin pa sa immigration.

Kaya nga never kong pinangarap makaalis ng Pilipinas. Ayoko ng hinaharang ako para lang tanungin kung sino ba talaga ako.

Ayoko sa eroplano. Ayoko sa barko. Ayokong pumunta sa ibang lugar na sigurado akong tatanungin ako kung sino ang mga magulang ko o ano ang mga pangalan nila kasi kahit ako sa sarili ko, hindi ko alam ang isasagot.

Ayokong laging tinatanong sa NSA copy ng birth certificate ko na may isang Leopold Deonida Scott at meron isang Leopold Vergara Scott.

Ang hirap maging anak ng magkaibang magulang. At mas mahirap sumagot kasi ang tatay kong magaling, naroon sa malayo, at paniguradong may binubuntis na namang iba; habang si Mama, nandito sa bahay, nagkukunwaring walang problema sa relasyon nila.

"Anak, kumain ka na!" excited na utos ni Mama. Lumapit pa siya sa akin at hinagod ang buhok ko. "Pagbalik ng daddy mo, lulutuan ko ulit siya ng lasagna. Favorite pa naman niya 'yan."

"Akala ko, maghihiwalay na kayo?" Kahit anong tago ko sa pagkairita ng boses ko, kusa pa ring lumabas.

"Anak . . . mahal na mahal ko ang daddy mo. Saka . . . ayokong maging broken family tayo. I hope you understand that. This is for your own good."

Napangisi na lang ako roon at natawa nang sobrang pait.

Mahal na mahal?

Ayaw ng broken family?

For your own good?

Valid ba ang pagmamahal kung isa lang ang nakakaramdam? Valid pa ba ang pagsasama nila kung wala na ang essence ng "pagsasama"? Sa lagay na 'to, hindi pa pala kami broken family. At kahit anong digest ko, walang good sa situation namin.

Para sa iba, pamilya kami. Pero para sa amin ni Mama, kami na lang dalawa ang meron sa bahay na 'to.

Gusto ko na silang maghiwalay. Tapos kami na lang ni Mama ang mabubuhay nang hindi nasi-stress sa kung nasaang impyerno na ba ang tatay ko naroon. Kung puwede lang harangan ko ang gate ng bahay namin o sabihan ang mga guard na huwag nang pababalikin dito kahit anino ni Oswald Scott, gagawin ko.

Kapag nakikita ko si Mama, gusto ko na lang siyang dalhin sa malayo. Doon sa hindi kami mahahanap ng daddy ko. O kung posible lang, magka-selective amnesia na lang siya at makalimutan niya si Daddy. Iniisip ko ngang baka may gamot para mangyari 'yon. Nasa medical field naman siya, baka meron.

Pero lagi niyang sinasabi na mahal na mahal niya si Daddy. Ayaw niyang maghiwalay sila. Kahit na halos gabi-gabi, kung hindi pa ako papasok sa master's bedroom para i-check siya, hindi ko pa malalamang umiiyak na pala siyang mag-isa.

Legally married sila, and sixteen years na lang silang kasal. Pero siguro, hindi lahat ng ikinakasal, masayang nagsasama sa iisang bubong.

Kasal lang sila sa papel, pero matagal naman na talaga silang hiwalay.

Grade school pa lang, sinabi ko na sa sarili kong ayokong mag-asawa. Ayokong bigla ko na lang maiisip na hindi ko na gustong magtagal sa pamilya ko. Na iiwan ko ang asawa ko . . . iiwan ko ang magiging anak namin . . . tapos magpapakasaya ako sa ibang babae habang alam kong may pamilya akong naghihintay sa bahay.

Mas gusto ko na lang mag-isa. At least, kung pumunta man ako sa kung saan, wala akong alalahanin. Ayoko ng pakiramdam ng may naiiwan ako kasi alam ko ang pakiramdam ng iniiwan.



♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top