Chapter 15: Pretty Boy
"Kayo ba ni Kyline?"
Nagsalubong ang kilay ni Calvin sa akin nang corner-in ko siya pagpasok sa unit ko.
"Dude . . ." Sinubukan niya akong itulak palayo pero ilang beses kong sinalag ang kamay niya.
"Tinatanong kita," naiirita nang banta ko.
"Sinong Kyline ba?"
"Huwag kang magmaang-maangan. Kakakita n'yo lang kanina."
Saglit siyang napahinto sa pagtulak sa akin at naningkit pa ang pingkit na niyang mata. "Kyline Chua?" tanong niya.
"Kayo nga?" tanong ko rin.
Natawa siya nang mahina at walang tunog saka umiling. "Dude, nililigawan ko lang."
"Bakit siya?"
Lalo pang natawa ang gagong 'to. "Bakit hindi?" Dumeretso na siya ng tindig saka ako hinamon ng tingin. "Single naman 'yon. Hindi naman siguro masama kung liligawan ko, di ba?"
"Tatlo na girlfriend mo, di ba? Kulang pa sa 'yo?"
Nagkibit-balikat pa siya. "So?"
Gago talaga 'tong Calvin na 'to.
Dinuro ko na agad siya. "Pulis ang nanay n'on."
"I know. Nasa airforce ang tita niya. Problema?"
Gago talaga 'to. Hindi marunong matakot.
"Sabihin mo lang kung type mo, lalayuan ko agad," nakangisi pang buyo niya sa 'kin. "Madali naman akong kausap."
"Isaksak mo sa baga mo kung gusto mo 'yong babaeng 'yon. Pake ko." Saka ako padabog na umalis at lumabas ng bahay para hindi na makita pa ang pagmumukha ng gagong Calvin na 'yon.
Alam pala niyang pulis ang nanay ni Kyline, ipipilit pa. Itong Kyline naman na 'to, isa ring tangang pipili na lang, babaero pa. E, di magsama silang dalawa. Pakialam ko?
Buong araw, hindi ko talaga inabala ang sarili kong sumama sa meeting ng barkada. Ultimo noong gabi, hindi rin ako sumama sa casino o sa Coastal. Si Patrick naman kasi, puro naman practice para sa karera niya kaya wala ako sa mood gumala. Kung tutuusin, nasa dead end na kami. Kahit pa hindi na kami bumalik sa Coastal hanggang sa araw ng karera, ayos lang.
Inisip ko pa naman, baka okay na kami at puwede nang mag-chill. Last week of May na, sumusuko na kami sa kotse ni Pat. Kaso kinabukasan, may bad news agad 'tong gagong Calvin na 'to pagbalik sa unit ko.
"Banned yung kotse ko sa race bukas," bungad niya habang may dala na namang hoodie na hindi niya suot. At ayoko na ring alamin kung sino ang gumamit n'on maliban sa kanya.
"Ha?" tanong ni Clark. "Sabi nino?"
Tumabi si Calvin kay Will na busy sa laro sa PS3.
"Alam yata nila na gagamitin mo yung kotse ko kaya nila ipina-ban," sabi ni Calvin kay Patrick na nakahiga sa isang foldable mattress. "Si Ryker yata ang nagsabing wala naman kayong mga kotseng pangarera. Lagi yata kayong nakikitang sakay ng van ni Early Bird, e."
"Si Rico pa lang kasi ang may nagagamit na sasakyan sa 'min," sagot ko sa kanya saka tiningnan si Patrick. "Yung hindi naipatalo sa pustahan, ha."
"Wala ba kayong ibang mahihiraman ng kotse?" tanong ulit ni Calvin. "Hindi ako puwedeng manghiram sa ibang barkada ko. Iba-ban din sila."
Hindi naman kami manhid para hindi maramdamang binu-bully kami sa Coastal kada gabing naroon kami. Kaya nga ayaw na ayaw naming magpapasok sa grupo. Pakiramdam namin, Trojan Horse lahat ng sasali. Itong Calvin na 'to, masama na nga ang kutob ko rito, magdadagdag pa kami ng iba?
Napatingin tuloy ako kay Rico na busy sa reviewer niya—o ni Clark. Kay Clark yata ang binabasa niya, wala naman siyang ie-exam since wala siyang summer class.
"Huy, Early Bird, plano." Binato ko siya ng unan sa tabi ko.
"Wait, tapusin ko lang 'to." At wala talaga siyang sense of urgency.
"Hiram tayo kay Papa ng kotse," suggestion ni Patrick kaya tiningnan ko siya para manermon kasi may kagaguhan na namang naiisip.
"Tsong, ano ba? Nagme-meth ka ba?" tanong ni Will.
"Maraming kotse si Papa," depensa ni Patrick.
"Natural!" sagot ni Will. "Car dealer, walang kotse? Sira ka ba?"
"Wala tayong ibang choice, okay? Wala tayong ibang kakilalang may kotseng for racing. Papa has a lot of cars that I could choose from," paliwanag ni Pat.
"Dude, sino'ng hihiram, ikaw?" sagot ni Clark habang dinadampa ang dibdib ni Pat. "E, di binato ka n'on ng file cabinet kapag nag-attempt ka."
"I'll try," biglang sabi ni Rico. Sa wakas, umimik din. "If I'm not mistaken, open yata si Uncle Bobby sa rental ng car nila sa showroom. Nakahiram sa kanya si Mum before ng car for Sab's birthday celebration. Vintage car naman 'yon, not sure sa race cars. But let's try na rin."
"'Yon ba yun light green na Volkswagen Beetle?" tanong ko. Overdecorated nga 'yon, parang nakakahiyang i-drive.
"Yeah," segunda ni Pat. "Not totally rented 'yon. May favor lang na hiningi si Papa kay Tita Tess."
"So, hindi siya tumatanggap ng cash?" tanong ni Calvin.
"I don't think tatanggap si Papa ng cash," sagot ni Patrick. "Baka kapag binigyan natin siya ng 10k, tapatan pa tayo ng 20, so nah."
Hindi mali si Pat.
"So we need a better deal to have a car," sabi ko sa kanila.
"Anong deal?" tanong ni Clark.
Kahit ako, napaisip din.
Ngayon ko na kaya hingin kay Sir Bobby yung kotseng alok niya? Siya pa naman ang pilit nang pilit sa aking bigyan ako ng sasakyan.
Kaso ang kapal naman ng mukha ko kung ang ire-request ko, race car. Baka kuwestiyunin pa niya ultimo isang sentimo ng lahat ng allowance na ibinigay niya sa akin. Mas malala pa, simple na nga lang ang trabaho kong bantayan si Patrick, hindi ko pa napanindigan.
"I'll talk to Uncle Bobby," sagot ni Rico. "For sure, makakausap ko siya para sa magandang deal."
Stressed na ako sa nangyayari kay Pat at sa paubos na naming oras. Mas lumala pa ang stress ko nang kinabukasan sa karera, no show pa rin si Rico.
Nasa Coastal na kami, at kahit walang magturo, alam na naming nasa area na ang kotse ni Pat.
Sa gitna ng napakaraming sasakyang naroon, namumukod-tangi ang plain yellow Lamborghini sa gitna ng mga kotseng may kanya-kanyang design at stickers.
Sa wakas, inilabas na rin nila ang Spyder ni Pat na halos isang buwan naming inaabangan.
Ang kaso, ito na nga ang problema.
Nasa area ang kotse ni Pat, pero wala siyang kotseng magagamit sa karera. At ang masakit pa roon, wala rin si Rico. Kaya nga maaga pa lang, nagsabi na ako sa barkada.
"Hindi ako pupusta nang wala si Early Bird," sabi ko.
"'Tol." Hinarap na ako ni Clark para magtanong. "Seryoso ka?"
"Dude, alam mo ang setup. Kaya nga dalawa kaming handler ni Early Bird kasi kapag natalo ako, panalo siya."
"May 50 percent chance namang manalo ka."
"Hindi ako pupusta sa 50-50 lang, Clark," katwiran ko. "Kasi kapag inilabas ko ang dalawang milyon natin ngayong gabi at natalo ako, talo na talaga tayo. Hindi 'yon masasalo ni Rico. Wala na yung Lambo, wala pa yung dalawang milyon. Mas okay na yung wala ang Lambo pero atin pa rin ang pera. 'Yan ang 50 percent chance na tatanggapin ko. Hindi ako susugal sa ipapatalo lang."
Hindi kasinlakas ng loob ni Rico ang loob ko pagdating sa pagsugal ng mga bagay-bagay. Maliban sa hindi ko laban 'to, hindi lang ako ang mawawalan. Grupo kami. Ang hirap ko, hirap din ng buong barkada, at hindi ko ipapatalo 'yon dahil lang sa 50 percent chance.
Ang tagal ni Rico. Hindi pa sumasagot sa phone.
Pagtingin namin sa kanan, may akbay-akbay na namang babae 'tong Calvin na 'to.
Pero hindi pala simpleng babae lang. Naka-black na sando saka white shorts. Naka-sandals naman, pero mukhang hindi bagay rito sa lugar.
Kung tutuusin, maganda naman talaga si Melanie. Kahit nga nakatali ang buhok, angat na angat sa ibang babaeng may tattoo rito. Kaso mukhang wild.
Ikaw ba naman ang tumambay sa ganitong lugar kung hindi ka maging wild.
"O, eto na!" bungad ni Calvin at itinuro kami. "Mel, barkada ko." Una niyang itinuro si Clark. "This is our personified headache, Clark."
Pagsulyap ko kay Clark sa kanang dulo ng mata ko, halatang wala siyang gana kausapin itong dahilan kung bakit kami stressed buong May.
"Hi," bati ni Clark, walang kaamor-amor sa binabati.
Sunod si Will na katabi si Clark. "This is William, our macho dancer."
Umismid lang si Will at pumaling pa kay Clark para umiwas. "'Ge."
"Sungit!" sabi ni Melanie, pero natatawa naman, walang paki kay Will.
Ako na ang sunod na itinuro ni Calvin. "This is Leopold. Headmaster namin."
Nag-isang tango lang ako saka tumalikod para lumayo nang kaunti. Ayokong kausapin, baka sisihin ko pa sa nangyari sa aming magbabarkada gawa niya.
"Ang susungit ng bagong barkada mo, ha," sabi pa nitong Melanie, nananadyang magparinig.
"And this is Patrick. Our troublemaker."
"Dude naman," nahihiyang sagot ni Pat.
"Wala pa yung runner namin, e," sabi ni Calvin, si Rico ang tinutukoy.
"Siya ba yung may dala ng car?" excited na tanong ni Melanie. Akala yata, si Rico ang kakarera sa amin.
"Yeah! Kaso na-traffic yata."
"OMG! Sige, wait ko na lang siya. Excited akong makita!"
"Alam n'yo na, guys. Off-limits 'to, ha," paalala ni Calvin. "Walang gagalaw rito. Bubugbugin ko ang magtatangka."
Ang pait ng ngiti ko nang sulyapan ang likod ni Patrick.
Dapat talagang tantanan na ni Patrick 'yan. Kung hindi ba naman saksakan ng kabobohan, ipusta raw ba ang Lamborghini para sa date?
"Walang problema!" sabi agad ni Clark. "Kahit bayaran mo kami ng isang milyon, hindi namin papatulan 'yan! Maganda ba 'yan, ha?"
"Hoy, excuse me!"
Napatingin tuloy ako sa kanila kasi mukhang makikipagsapakan yung Melanie kay Clark.
Ibang klase. Matapang din. Sigurado ba si Patrick na crush niya 'to, e mukhang ibu-bully lang siya nito hanggang lumuhod siya habang umiiyak.
Ilang saglit pa, dumating na ang pag-asa namin.
Parang instant celebrity si Rico pagdating na pagdating ng race car na sakay niya. Halos lahat, nakatitig sa sobrang kintab na three-shaded blue GT car na minamaneho niya.
Pinalibutan agad 'yon ng mga nangangarera. Kahit nga yung Melanie na kasama ni Calvin, amazed na amazed pagbaba ni Rico sa sasakyan. Naka-mask pa naman siya at beanie. Naka-eyeglasses na makapal pa nga. Ibig sabihin, galing talaga siya kay Sir Bobby.
Hindi nagsasalamin si Rico kapag pumupunta rito sa Coastal kasi naka-contacts siyang brown ang kulay para lang hindi siya mapansin sa mata niyang kakaiba. Suot din niya ang letterman jacket niya sa LS na same sa letterman jacket na laging suot ni Pat saka denim jeans.
Kung tutuusin, marami namang nagkakagusto kay Rico pero kaming dalawa ang expert magtaboy ng babae sa barkada. Ang kaibahan lang siguro namin, mabait siyang mag-reject. Ako kasi, kapag ayoko, dapat maramdaman ng babae 'yon kahit wala akong sinasabi. Si Rico nga lang, nanti-trip pa muna siya bago niya i-reject—mali. Gusto niya, siya ang i-reject para walang bigat sa konsiyensiya niya. Either way, pare-parehas lang naman kami ng liko ng bituka. Nasa brighter side slash nasa pahirapang side nga lang siya.
Nakatuon lang ang tingin ko kay Melanie at that time. Malamang kasi siya ang dahilan kaya nasa ibang kamay ang Lambo ni Pat. Pero ewan ko ba kung matatawa ako o ano. Kulang na lang kuminang ang mata niya kay Rico samantalang katabi ko si Pat na nagpapakabaliw sa kanya.
Don't tell me, crush nitong Melanie na 'to si Rico?
'Kamalas naman ni Patrick, oo.
Matapos magkagulo kay Rico, lumapit na siya sa amin. Naghanda na ang lahat. Kumalat na kami. Inabot ni Rico ang susi kay Patrick paglapit niya rito.
Ipinahiram ni Rico ang beanie niya kay Patrick bilang proteksiyon sa ulo at buhok para hindi lilipad sa mukha at mata ni Patrick. Kahit ang letterman jacket niya, hiram din dahil naka-T-shirt lang si Pat.
Ako na ang sunod na nilapitan ni Rico para kausapin.
"Two million, dude, it's now or never," sabi niya.
"50 thou lang ang ilalabas ko. Pupusta ako sa kalaban," paalala ko agad.
"Mas okay bang ipusta natin lahat kay Patrick?" tanong niya habang seryosong nakatingin sa akin.
"May tiwala ako kay Pat, pero ayoko ng regret pagkatapos nito."
Ayoko ng pagkatapos ng laban, sasabihin kong "Sana pumusta na lang ako sa kalaban para may napala pa rin kami kahit paano."
Malaki ang 50k para ipusta, pero maliit na sakripisyo kung itutumbas sa dalawang milyon, isang bagsak.
At least, kung matalo man si Pat, mababawi namin kahit 1.3 million sa paghahati-hatian namin ng mga mananalo mula sa pot money, labas pa roon ang dalawang milyon namin. Kaya ko nga hinintay si Rico, para buo ang 100 percent namin na may mananalo kahit pa may matalo sa amin.
Kabado kami habang hinahanda na ang mga sasakyang kakarera, at mukhang sasabak na naman ang Lamborghini ni Patrick. Iyon kasi ang gagamitin ng kalaban niya.
Ang lakas na ng dasal namin para lang manalo si Pat.
Make or break situation na namin ito. Kapag natalo kami rito, hindi na kami babalik kahit na kailan.
Kapag natalo si Pat, magsasalita na ako kay Sir Bobby. Wala na kaming magagawa, nagkasundo na kami.
"Dude, bantay na tayo sa dulo," sabi ni Clark at inaya si Will.
Kami ni Rico ang nakatayo sa starting point para magmando ng pusta.
Namamawis ang kamay ko. Sa dami ng maingay, namimingi ako sa kaba.
Ayoko mang ilaglag si Patrick, pero Lamborghini at two million ang kapalit nito. Simple na lang ang gagawin niya. Manalo na lang para sa aming lahat.
Yung dilaw na Lamborghini ni Patrick at asul na Lexus na dala ni Rico ang maglalaban ngayon. 'Tang ina, mapapamura na lang talaga kami sa mahal ng mga kotseng pinasabak nila ngayong gabi. To think na yung dalawang kotse, kapag nagasgasan, iiyak talaga kami ng dugo para lang sa repair.
May babaeng maikli ang suot ang pumagitna sa dalawang kotseng panay ang painit ng makina. Alam naming racer si Patrick, pero hindi pa namin siya nakikitang kumarera.
Pero sabi nga ni Clark, may dahilan kaya natigil si Patrick sa racing, at ayaw niyang sa kanya manggaling ang kuwento. Iyon kasi ang rason kaya niya tinangay si Patrick sa grupo namin. At kung ano man 'yon, ayaw na naming mag-usisa. Kung hindi 'yon masabi ni Clark sa kabila ng kadaldalan niya, ibig sabihin, mabigat 'yon para kay Patrick para pag-usapan pa naming lahat.
Nasa overpass kami ni Rico kasama ng ibang handlers. Nakabantay na sina Calvin sa finish line. Iikot ang mga sasakyan mula sa dulo ng Coastal, hanggang sa paradahan ng mga sirang bus, liliko sa kaliwa ng palabas sa highway ng Parañaque, babalik sa loob ng abandonadong paradahan at eksaktong bababa sa di-kalayuan sa may overpass kung nasaan kaming mga handler.
"Ready!"
Nagbilang na sila sa ibaba. Lalo akong kinabahan.
"Set!"
Napaakbay tuloy ako kay Rico habang naniningkit sa field.
"Go!"
Humarurot agad ang dalawang sasakyan. Saglit lang akong pumikit, pagdilat ko, sobrang layo na sa paningin namin ang dalawang kotse.
Ang lakas ng kalabog ng dibdib ko kasi putang ina! Nakikita pa ba nila ang daan sa ganoon kabilis na pag-andar ng kotse?
"Dude, safe ba si Pat diyan?" tanong ko kay Rico kasi kung yung 100 nga ni Rico sa highway, dinadasalan na namin para sa kaligtasan kasi para kaming naka-warp.
"Praying," sabi na lang ni Rico saka namin hinabol ng tingin ang dalawang kotse na sa sobrang bilis, pihit lang talaga ang ginawa namin pakaliwa para lang panoorin ang dalawang sasakyang maghabulan.
Parang isang mahabang –nnnnngggggg lang ang naririnig namin mula sa kalsada.
Abot-langit ang dasal kong sana hindi bumaligtad ang kotse ni Pat o bumangga sa kung saang matigas na bagay.
At that point, saka ko lang na-digest na hindi lang pala Lamborghini at two million ang mawawala sa amin kapag natalo si Patrick. Pati pala siya, puwedeng mawala kung sakaling maaksidente siya rito. At 'yon ang hindi ko alam kung paano ipaliliwanag kay Sir Bobby.
Mula sa kabilang panig ng overpass, magkakasabay kaming pumaling palikod habang habol ng tingin ang dalawang sasakyan.
Noong sinabi ni Calvin na segundo lang ang ipinatalo ni Patrick, ayoko pang maniwala. Pero wala pang isang minuto, pabalik na sila sa direksiyon namin.
—zzznnngg!
Iyon lang ang narinig namin, malakas na pagdaan ng hangin, at saka malakas na pagpreno ng mga sasakyan.
Pagtingin namin sa dalawang kotse, hinahangin na ang mahabang tela sa hood ng Lexus.
Nanalo si Pat!
Nanalo si Pat.
Tumatakbo na sa ilalim ng overpass sina Clark para habulin ang sasakyan ni Pat na nakabalagbag ng parada sa gilid ng damuhan.
"Dude, come on!" aya ni Rico, kinakalabit ako.
Ang saya-saya nila sa ibaba. Napatakbo agad kami ni Rico pababa ng overpass para lang lapitan si Patrick.
Mula sa damuhan, saglit siyang yumuko roon. Pare-pareho kaming natigilan nang biglang sumuka si Patrick.
"Pat!"
Palapit na sana kami nang senyasan niya kaming huwag lumapit sa kanya.
May asthma si Patrick, pero inuunti-unti namin ang exercise sa tulong ni Will para kahit paano, hindi siya madaling hingalin. Ultimo ako na tamad mag-exercise, napapa-exercise na rin para lang hindi selective ang barkada sa kung sino lang ba ang dapat nahihirapan.
Habang nakatingin ako kay Patrick na inilalabas ang lahat ng kayang ilabas ng sikmura niya, napapaisip agad ako.
Alam ni Patrick na, physically, mahina siya . . .
Alam ni Patrick ang limit niya . . .
Pero pinasok niya 'tong mag-isa. Nilaban niya 'to nang wala kami. Ganito ang pinagdaanan niya bago namin 'to pinasok na magbabarkada.
Ganoon ba katindi ang tama niya sa babaeng 'yon para pahirapan niya ang sarili niya nang ganito?
Hindi ko siguro kahit kailan maiintindihan ang ginawa ni Patrick para kay Melanie.
Siguro nga, ibang mundo ang meron siya kompara sa amin. At never ko yatang mauunawaan 'yon kahit anong isip ko.
♥♥♥
Ang gaan sa feeling ng pagkapanalo ni Patrick.
Nasa unit kami, nagse-celebrate. Nabawasan ang two million namin para sa pot money, but still, 300k lang ang nawala pambayad sa handlers. Three million dapat 'yon.
At putang ina, gusto kong magmura nang unli.
2.5 million ang natira sa budget namin minus all the expenses that night.
Para kaming naka-jackpot!
Eighteen years old, ang cut namin tigkakalahating milyon. Mas malaki ang cut ni Calvin bilang runner kasi siya ang humahawak ng gig namin. Isang summer lang. Bawi pa ang Lamborghini ni Patrick!
Nilapitan ko na agad si Pat para pagsabihan.
"Dude, huwag mo nang uulitin ang ginawa mo, ha?" sabi ko. "Babae lang 'yon. Hindi mo kailangang ibigay lahat. Napapahamak ka, e."
That night, sobrang pasalamat kong tapos na ang paghihirap namin para mabawi ang Lamborghini ni Patrick.
At last! Makakabalik na kami sa normal naming mga buhay bilang estudyante.
Sa wakas! Matatahimik na rin ang mga gabi namin.
Sa wakas!
But nope.
They called Patrick, Apollo. And that was the start of our nightmares as The Gods.
Ang daming gustong gumanti sa amin. Ewan ko kung bakit.
Kung dahil ba kay Patrick o dahil ba sa pagkawala namin sa Coastal o . . . ewan.
May ibang inaabangan kami sa labas ng school. Minamanmanan kami ng ibang grupo. Ilang beses kaming hinamon para lang mabawi ang natalo sa kanila noong nanalo si Patrick.
Hindi kami makahindi. Hindi rin kami makapagsumbong. Pero ang tumapat sa lahat ng threats na 'yon?
Lahat ng may gusto kay Patrick.
Hindi lang basta-basta estudyante si Patrick Lauchengco. Siya ang pinakamayaman sa barkada. Siya ang habulin ng mga babae kung tutuusin. And what was more scary than that?
"Ay, puta!"
Naibato ni Clark sa sahig ang binabasa naming love letters para kay Patrick. Isang buong kahon na 'yon para lang ngayong araw.
"I would die for you, Patrick. Please, choose me."
Naninindig ang balahibo ko habang nakatingin sa sulat. Natuyong dugo kasi sa papel. May naka-stapler pa ngang picture ng nilaslas na pulso.
"Aym skerd," pabiro pang sinabi ni Clark habang binubuhusan ng hand sanitizer ang kamay niya. "Eww!"
Ang hirap mag-focus sa araw-araw. Tinatanong pa ako ni Sir Bobby kung bakit hindi ako sumasagot sa lahat ng text niya kung papasok pa ba ako as intern sa company niya. Kahit nga sa offer niyang bantayan ko ulit si Patrick, tinanggihan ko na.
Ayokong sabihin ang nangyayari sa amin.
Every day, pa-creepy nang pa-creepy ang mga love letter na naiipon sa unit ko. Meron din kami ni Rico, at appreciated namin 'yon. Pero kay Pat?
Para siyang nagtayo ng kulto.
Kapag late nang umuuwi si Patrick, kami ang tumatanggap ng mga love letter saka regalo sa kanya.
May ibang letter na ang content, rag doll at may instructions na himasin daw niya every time especially sa bandang dibdib at pagitan ng legs. Si Clark ang pinakamabilis pumickup sa amin sa mga ganitong usapan. Sabi pa niya, baka may sa mangkukulam ang gumawa ng letter at gustong manyakin ni Patrick.
Pero baby pa si Patrick. Baka nga kahit makahalik ng babae, hindi pa nagagawa n'on. Ni hindi nga n'on alam kung paano lalapit kay Melanie.
Ang ginawa namin, pumunta kami sa dulo ng apartment, sinunog namin ang manika. Sa isip-isip ko naman, wala namang taong masusunog in real life because of that. Wala rin naman kaming nabalitaan.
May ibang nagpapadala ng ginupit na buhok. Yung makapal at mahaba. Regalo raw kay Patrick. May ibang nagreregalo ng bra saka panty. Meron ding nagbibigay ng condom kasama ng VIP pass sa motel.
Sa totoo lang, ang daming condom. Yung iba, dino-donate na namin sa mga kaklaseng naghahanap.
Akala namin, worst na ang nagpadala ng letter na may dugo.
Mid-August, kalagitnaan ng gabi, natutulog ako. 'Tang ina lang talaga ng baliw na gumawa n'on. Naalimpungatan ako sa gulat kasi nabasag ang nag-iisang bintana ng unit ko. Pagbukas na pagbukas ko ng ilaw, may malaking tipak ng hollowblock na sinlaki halos ng isang pocketbook, nasa sahig kasama ng mga bubog. May papel na naka-scotch tape lang doon.
Akala ko, threat sa putang-inang pustahan na naman, pero putang ina talaga noong nabasa ko ang laman.
"Akin ka lang, Patrick Lauchengco."
Kinuha ko agad ang phone ko at buwisit na buwisit na tinawagan si Pat.
"Hmm . . . who's this?" Mukhang natutulog na ang gago.
"Putang ina talaga, Patrick. Mamaya ka na matulog diyan, mag-uusap tayo."
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top