Chapter 1


Chapter 1: The town of Abraxas

Ang Abraxas town ay isang tagong lugar na tinitirahan ng mga simpleng mamamayan. Hindi kalakihan ang populasyon sa lugar na ito kaya karamihan ay halos magkakakilala rin.

Malapit lang ang nasabing bayan sa tabing dagat kaya sagana ito sa mga yamang tubig. Actually, ang dagat ang pinaka-unang pinagkukunan ng kabuhayan ng mga Abraxas villagers. Pangalawa na lang ang pagtatanim sa bukid.

Sa isang maliit na burol sa pinakadulo ng bayan nakatayo ang isang magarang mansion. Matatanaw mo ito mula sa bayan hanggang sa pantalan. Ganundin naman kung nasa burol ka o mansion ay kitang-kita mo rin ang kakaibang tanawin ng bayan.

Ang mansion ay pagmamay-ari ng Zoferós Clan na syang namumuno sa buong Abraxas town. Ninuno kasi ng mga Zoferós ang nagtatag sa bayang iyon. Walang iba kundi si Abraxas Zoferós.

Sa tulong ni Abraxas Zoferós ay umasenso ang lugar na iyon at naging maliit na bayan kaya naman isinunod ang pangalan nito sa kanya.

Sa kasalukuyan ang angkan ng mga Zoferós ang tumatayong tagapamahala rito, at hanggang hindi nauubos ang lahi ng Zoferós ay magpapatuloy ang pamamala ng kanilang angkan sa bayan.

---

Takipsilim.

Katatapos lang nina Sandulf remedyuhan ang mga nabulok na pananim para maisalba pa ang mga natira ng makatanggap sya ng masamang balita.

Dahil doon ay napatakbo ang binata pauwi ng bahay. Wala syang pakialam noong mga oras na iyon kahit na matalsikan sya ng putik gawa ng pag-ulan kani-kanina lang.

Ilang beses na syang nadapa pero hindi nya iyon alintana. Halos naghalo na ang amoy ng putik at pawis nya sa damit at katawan pero deretso lang sya sa pagtahak ng daan. Mahalagang sa mga oras na ito ay makauwi sya.

Nangangamuhan si Sandulf sa sakahan na pag-aari rin ng Zoferós para kahit papaano ay makatulong sya sa mga magulang.

Kalimitan ay hindi sya inaabot ng takipsilim dahil maaga syang natatapos at umuuwi. Nasa bahay na sana sya ng mga ganoong oras kung hindi lang nagkaroon ng aberya sa sakahan. Nalanta at nabulok kasi ang halos 3/4 ng mga trigo sa sakahan na malapit na sana nilang anihin.

Sinabayan pa ng ulan kaya pansamantala syang sumilong sa kubo na ginawa nila roon sa gitna ng bukurin kasama ang ilan ring kagaya nya na nangangamuhan sa sakahang iyon.

Makalipas ang ilang minuto, ng masilayan na ng binata ang pintuan ng kanilang bahay ay panandalian syang huminto. Hingal na hingal at nakayuko syang tumigil sa harapan ng kanilang bahay habang nakahawak ang mga kamay sa tuhod.

Pagkalaon ay tumango na sya. Pinunasan nya ang pawis na pawis na mukha gamit ang naputikang damit na halos nabasa narin ng ulan at pawis.

Dahan-dahan syang pumasok sa kanilang bahay. Nakikiramdam sa kung anong kaganapan sa loob. Totoo nga kaya ang binalita sa kanya kanina?

Pagkapasok sa loob ay agad syang tumungo sa silid kung saan nakita nya ang ilang tao na naroon. Pagkadungaw nya sa pintuan ng silid ay nakita agad sya ng nakababata nyang kapatid na si Alissa. Mga nasa labing anim na ito.

Agad tumakbo si Alissa patungo sa kanyang kuya at niyakap ito ng mahigpit saka nagpakawala ng malakas na hagulgol. Sinuklian naman ni Sandulf ng yakap ang nakababatang kapatid habang nakatingin sa dereksyon kung saan naroon ang kama.

"Wala na sya kuya Sandulf." Nakayakap at humahagulgol parin si Alissa.

Tinitigang muli ni Sandulf ang kama at kung sino ang naroon. Doon na nga nagsink-in sa utak nya ang mga nangyayari ng makita ang kanyang Ama na umiiyak habang hawak ang kamay ng isang babae na nakahimlay sa kama at wala ng buhay.

"Patay na si Mama." Si Alissa na lalong humagulgol sa pag-iyak.

Patay na nga ang kanilang ina. Si Aura. Ang pinaka the best na nanay para sa kanilang magkapatid.

Napaatras at napasandal si Sandulf sa gilid ng pintuan. "M-Ma." At nagsimula ng pumatak ang kanyang luha. "Mama!"

Napalingon naman sa binatilyo ang kanyang ama na si Zephyr saka malungkot na umiling sa anak.

Nung gabing iyon ay binalot ng pighati at lungkot ang tahanan ng Vleigen Family dahil sa isang bagay na hindi nila inaasahan.

-----

Ang Vleigin Family ay ilan lang sa mga pamilya sa bayan ng Abraxas na namumuhay ng simple at tahimik. Si Aura Vleigin ay halos dalawampung taon ng nagtatrabaho sa Mansion ng Zoferós bilang tagapagluto. Samantalang si Zephyr Vleigin naman ay hardinero sa Mansion na kasing tagal narin ni Aura.

Matapos magkatuluyan ng dalawa ay nakabuo sila ng pamilya at nanirahan malapit sa sentrong bayan ng Abraxas. Lumaki ang mga anak nilang sina Sandulf at Alissa na hindi nakakatuntong sa mansion dahil sa bilin ng kanilang ina na huwag silang pupunta doon kahit anong mangyari. Kung anong dahilan, walang nakakaalam.

---

Araw ng libing.

Naihatid na sa huling hantungan ang labi ni Aura Vleigin sa kakahuyang bahagi ng bayan kung saan naroon ang nag-iisang sementeryo sa Abraxas.

Gaya ng nakagawian, nakasuot ang lahat ng itim na damit. Ang ilang kababaihan naman ay nakatalukbong ng belong itim tanda ng pagdadalamhati.

Ilang minuto matapos mailibing sa hukay ang labi ay isa-isa ng nag-alisan ang mga tao, padilim narin kasi.

Noong takipsilim na iyon ay naiwan ang magkapatid sa puntod ng kanilang ina matapos itong mailibing. Nauna na ang kanilang ama dahil kailangan pa nitong mag-ayos sa kanilang bahay.

Habang nakatitig ang magkapatid sa lapida ay batid parin ang lungkot sa kanilang mga imahe.

Hindi parin nila mapaniwalaan ang mga nangyari. Sa katunayan, lahat halos ng nakakakilala kay Aura ay nahihiwagaan sa pagkamatay nito.

Dalawang araw kasi ang nakalipas bago ito pumanaw ay malakas na malakas pa ito. Isa pa wala itong sakit na iniinda, wala silang alam na maaring maging sanhi ng kamatayan nito.

Ayon sa nagsuri ng katawan ni Aura, namatay ito dahil sa atake sa puso pero hindi naniniwala si Sandulf sa bagay na iyon. Sigurado syang may kakaibang nangyari sa kanyang ina. At kailangan nyang tuklasin iyon.

Nagbalik tanaw sa binata ang ilang pangyayari dalawang araw ang makalipas bago mamatay ang kanyang ina.

[Pauwi si Sandulf noon galing sa bukid ng maisipan nyang daanan ang kanyang ina sa mansion para sana silipin kung anong ginagawa nito. Malapit lang naman kasi iyon mula roon.

Pagdating sa harap ng mansion ay tinitigan ng binatilyo ang kabuuan ng lugar. May kalumaan na ito pero parang buhay na buhay parin kung titignan ito mula sa malayo. Sa tuwing dadaan sya rito ay hindi nya maiwasang makaramdam ng hindi maganda. Kakaibang prisensya.

Umikot sya sa likod para doon silipin ang ina. Doon kasi ang pwesto ng kusina ng mansion. Palihim lang ang ginawa nyang pagpasok dahil gaya ng bilin ni Aura, 'Wag silang papasok sa mansion kahit anong mangyari.

"Sino ka?" Biglang natigilan si Sandulf ng may nagsalita mula sa likuran nya. Napasandal tuloy sya sa pader dahil sa gulat.

Pagkaharap ay nakita nya ang isang matangkad na babaeng nakasuot ng itim na kasuotan na abot hanggang sa sahig. Halos mabalutan ng kasuotan nito ang buo nyang katawan. Gayunpaman ay elegante parin itong pagmasdan.

Mapula ang labi. Nakakaakit pero nakakatakot ang mga titig nito. Pacurly ang buhok nitong may kayumangging kulay na abot sa ilalim ng balikat. Lumitaw pa ang kaputian nito dahil sa suot nya.

Mayroon rin itong itim na necklace na may pendant na gold. Ang itsura ng pendant ay kapareho nung simbolo sa gate ng mansion. Isang punong walang mga dahon na nakapaloob sa bituin na may anim na kanto,

"Sino ka?" Ulit nito. Na may ngiting nakapangingilabot.

"Huh---" Nahirapang mag-isip ang binata. Hindi nya alam kung bakit, para tila bang bumigat ang pakiramdam nya noong mga sandaling iyon.

"Bakit ayaw mong magsalita." Lumapit ito at nakangiting hinaplos ang kanang bahagi ng pisngi ng binatilyo dahilan para lalong bumigat ang pakiramdam ni Sandulf na parang hindi na sya makahinga.

"Señorita!" Biglang nawala ang kakaibang pwersa dahil sa tinig ni Aura.

Agad lumapit si Aura sa kinaroroonan ng dalawa at humarang sa kanyang anak saka hinarap ang tinawag nyang Señorita. "A-anak ko po sya. Ipagpaumanhin nyo po." Bigla itong yumukod at pagkatapos ay bumaling kay Sandulf.

Hinatak nya ang anak patungo sa labas ng gate saka pinagalitan. "Hindi ba't sinabi ko na 'wag kang papasok sa mansion? Anak naman!"

Hindi naman makapagsalita si Sandulf para kasing natulala sya sa mga nangyari kanina. Para syang napasailalim ng isang hipnotismo.

"'Wag mo ng uulitin 'to anak!" Galit man ay may pag-aalala parin sa tono ng boses ng kanyang ina.

Napatango na lang si Sandulf saka bumaling sa ina na patungo na sa kinaroroonan ng Señorita.

Mula sa tapat ng gate ng mansion ay tinanaw nya ang usapan ng kanyang Mama at nung Señorita. Sa pakiwari nya ay parang nagmamakaawa ang kanyang ina dahil sa mga aksyon nito.

Ilang sandali pa lumingon sa kanya ang babaeng kausap ng kanyang ina saka nagpakawala ng nakakasindak na ngiti. Ngiting hindi nya alam kung bakit nagdala ng kilabot sa buo nyang pagkatao.

Napaatras sya saka mabilis na napatakbo pauwi ng bahay. Hindi nya malilimutan ang pangyayaring iyon.

Matapos ang tagpong iyon ay parang naging kakaiba na ang kilos ng kanyang ina hanggang sa mabalitaan na lang nila na wala na itong buhay.]

Muling napatingin si Sandulf sa puntod ng kanyang ina. "Hindi ko alam, pero malakas ang kutob ko na may kinalaman ito sa nangyari nung hapong iyon." Mahina nyang sabi.

"Ano yun kuya?" Nagtatakang tanong ni Alissa.

Umiling lang sya sa kapatid bago nagsalita. "Tara umuwi na tayo."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top