Chapter 8
Grabe! Ang sakit ng ulo ko! Bak—teka! Ano 'to? Wait ... tao?! Sino naman 'to? Hala! Minulat ko agad ang mga mata ko para tignan kung sino ang nasa tabi ko. Kinabahan ako dahil sa pagkakaalala ko, hinawak-hawakan ako ni Tristan! Kaya nakahinga ako ng maluwag nang si Mickey ang nakita ko. Tulog na tulog pa rin siya at medyo nakakanga pa.
Natawa ako sa hitsura niya! Kaso napatigil ako dahil konting galaw lang sumasakit ang ulo ko. Yawa! Ayaw na ayaw ko talaga ang hangover! Noong panahong sobrang brokenhearted pa ako, palagi ako naglalasing. Sina kuya at Son pa noon ang kainuman ko. Tapos magre-reminisce ako ng memories namin ni Luigi. Hanggang sa malasing ako at magngangangawa. Pagkagising ko kinabukasan, tinatawanan nila ako habang kinukwento ang mga kahihiyang ginawa ko!
"Mabel, huwag ka na ulit uminom! Muntikan ka pang kagatin ng aso dahil inaway mo!" sermon sa akin ni kuya habang mukha pa rin akong Sisa sa kama.
"Tapos sinayawan mo pa yung puno at nag-pole dancing!" Wala namang tigil sa pagtawa si Son kaya hinampas siya ni Sabel. Eh 'di ayan, tumigil!
"Basta Mabel, ah! Huli na yung kagabi! Baka hindi lang hangover ang abutin mo sa susunod! Baka rabies na!"
Pero siyempre hindi 'yon ang huli. Tumigil lang ako nang napagtanto kong napaka-unhealthy na at mukha na talaga akong tanga. Muntikan ko pa raw i-drunk call si Luigi tapos inaway ko pa yung lasing na tambay. Muntikan pa raw mapaaway si kuya kung hindi lang kami naawat.
Ngayon na lang ulit ako uminom after months ng tuloy-tuloy kong paglalasing! Hindi na ako sanay kaya hirap na hirap na naman ako. Parang binibiyak ang ulo ko, nubayan! Makainom nga ng gamot!
Pinilit kong bumangon kahit parang bigat na bigat ang katawan ko. Pero pagkalapat ng paa ko sa sahig, may naapakan ako! Nang tingnan ko, tulog pala doon si Lala! So ibig sabihin nag-overnight pala sila rito? Hala! Ano kaya ang kalagayan ko kagabi't kinailangan pa nilang matulog dito? Kaya rin ba iba na ang suot ko ngayon?
Mamaya ko na lang ilang itatanong pagkagising nila. Dahan-dahan na akong tumayo at naglakad palabas ng kuwarto. Nang nasa tapat na ako ng pinto, kinabahan ako nang narinig kong kumakalansing ang mga gamit sa kusina! Hala! May nanloob ata?! Hindi ba na-lock yung pinto kagabi? Lagot!
Kinuha ko ang baseball bat na nakatabi sa ilalim ng kama ko. Doon ko talaga nilagay 'to para handa ako sa mga ganito.
Dahan-dahan kong binuksan ang pinto. Pagapang akong lumapit sa dining table at doon ako nagtago. Huminga muna akong malalim at nagdasal na sana wala siyang baril. Pagka-sign of the cross ko, handa na sana akong sumugod nang ...
"Mabel? A-anong ginagawa mo diyan?"
Napatayo kaagad ako! Kaya ang tanga, nauntog sa lamesa! Araaay! Nadagdagan ang sakit ng ulo ko! Halos maiyak na ako sa sakit!
"Shit! Halika nga rito." Tinulungan akong makalabas doon ni Venn at inalalayang maupo sa dining chair. "Bakit ka ba kase nando'n? Lasing ka pa rin ba?" nag-aalala niuang tanong habang sinusuri ang ulo ko.
Sandali akong napatulala sa kaniya sa sobrang lapit namin sa isa't isa! Nalala ko na naman tuloy ang tagpo namin noong muntikan kaming magkabanggan. Kaya natulak ko siya nang naalala kong galit nga pala ako dapat sa kaniya! Bakit ba kasi nandito—Yawa! Yawaaaaa! Siya nga pala ang nagligtas sa'kin mula sa manyakis na 'yon!
"S-sorry." Naiilang siyang tumayo ng maayos at bahagyang umatras palayo sa'kin. Hindi niya maangat ang ulo niya at ilang beses na nagnakaw lang ng tingin.
Bahagya naman akong na-guilty dahil doon. Ako na nga ang tinulungan niya tapos ako pa ang ganito umasta. Ni hindi man nga ako nagpasalamat! Ilang beses na nga niya akong natulungan pero galit-galitan pa rin ako. Masyado na ba akong nagiging masama?
"Uh ... o-okay ka na ba? May masakit ba sa'yo? May kailangan ka ba?" sunod-sunod niyang tanong pagkatapos ng ilang sandaling katahimikan.
"Uhm ... iinom sana ako ng gamot para sa ... h-hangover ko," nahihiya kong sagot.
"S-sakto! Bumili ako ng gamot." Tatalikuran na sana niya ako nang napatigil siya at humarap ulit sa'kin. "Kain ka pala muna para may laman ang tiyan mo bago ka uminom." At tsaka siya naglakad papunta sa counter.
Nakita kong may kaldero sa kalang! Nang nagsalin siya sa isang mangkok, nakita kong parang sabaw 'yon. Tapos nang inkot ko pa ang paningin sa buong kusina, napansin kong may eco bags sa gilid. At meron ding mga nakalabas na iba't ibang prutas! Pinag-grocery pa ata ako neto?
Lalo tuloy akong nakaramdam ng hiya at guilt sa inasta ko kanina. Kung tutuusin hindi naman niya kailangang gawin 'to. Yung ipagtanggol niya lang ako kagabi at inuwi rito'y napakalaking utang na loob na non.
"H-here, eat this first." Nilapag niya sa'kin ang mangkok na may sabaw. Tapos ay naglapag din siya ng isang pitsel ng tubig at baso.
"A-ano 'to?" tanong ko habang nakatingin sa sabaw.
"Ah ... Chicken Noodle Soup 'yan. Sorry nga pala pinakielaman ko ang kusina mo." Napakamot siya sa batok at nahihiyang ngumiti.
"A-ayos lang! D-dapat nga magpasalamat pa ako sa'yo. Tinulungan mo na nga ako kagabi, inaasikaso mo pa ako ngayon." TAPOS KANINA INAWAY PA KITA! Hay! Hindi tuloy ako makatingin sa kaniya!
"A-ano ka ba! O-okay lang. Mag ... m-magkaibigan naman tayo." Tipid niya akong nginitian. "Kain ka na habang mainit pa. Makakatulong din 'yan sa hangover mo."
"T-thank you." Nahihiya akong nagsimulang kumain.
"Uh ... gusto mo ba ng fruits?" tanong pa rin niya kahit na nakita ko na siyang pumitas ng saging sa counter.
Tumango na lang ako dahil hindi ako makapagsalita. Napaso kase ako sa soup pero hindi ko na pinahalata! Kaya uminom ako ng tubig pero ang hapdi sa dila. Nang tignan ko ulit siya, hinihiwa na niya ang napakalaking pakwan! Tapos ay nanghiwa rin siya ng mga mangga, peras, at orange! At panghuli, hinugasan niya ang isang tangkay ng ubas. Pinagsama-sama niya lahat 'yon sa isang malaking plato at tsaka dinala sa'kin.
"Ayan, kain ka ng marami para umayos ang pakiramdam mo." Nilapag niya ang plato sa table at tsaka umupo sa tabi ko.
Bumalik ako sa pagkain kaso naramdaman ko ang titig niya kaya nakaramdam ako ng konting ilang. Nang inangat ko ang ulo ko para tignan siya, tsaka naman siya napaiwas. Hindi siya mapakali sa upuan niya at patingin-tingin sa'kin.
"May ... gusto ka bang sabihin?" Alam kong mahiyan siya kailangan muna ng push para magsalita siya.
"Uhm ... bakit ka uminom kagabi? May problema ba?" nag-aalangan niyang tanong.
"Uh ... h-hindi naman. W-wala naman," pagsisinungaling ko ... partly? "Nagpunta kami don para magsaya."
"Aahh ..." Tumango-tango siya at tsaka tumingin sa malayo. "E-eh ... yung lalaki? Kilala mo ba 'yun? Katrabaho?" tukoy niya kay Tristan.
"Actually ... nakasayaw ko lang siya kagabi." Napayuko ako sa sobrang hiya! "K-kakakilala ko lang sa kaniya," dagdag ko nang nakita ko ang pagsalubong ng mga kilay niya.
"Ano?! Nakipagsayaw ka sa hindi naman kilala?!" Tumaas ang boses niya. Napalapit pa siya sa akin kaya kita ko ang panlalaki ng mga mata niya.
Ako naman ay napaitlag sa biglaan niyang pagsigaw. Napatulala ako sa sobrang gulat sa naging rekasiyon niya!
Nang nahimasmasan na siya, napakagat siya ng labi at yumuko. "S-sorry, nagulat lang," paghingi niya ng tawad habang kamot-kamot ang batok niya.
Hindi ko napigilang mapangiti sa hitsura niya. Mukha kasi niyang bata! Gusto ko tuloy kurutin ang pisngi niya sa sobrang cute! Pero tinago ko agad 'yon at nagseryoso nang inangat niya ng ulo.
"P-pero mag-ingat ka na sa susunod. Huwag kang kani-kanio nakikihalubilo. Huwag kang lumayo sa mga kasama mo. Kase paano kung hindi kami dumating? Eh 'di napagsamantalahan ka ng gagong 'yon?" malumanay niyang sermon sa'kin. "H-hindi ... hindi ko matatanggap 'yon. Baka malumpo ko ang lalaking 'yon," pahina nang pahina niyang dagdag.
Napatulala ako sa kaniya. Hindi ko akalaing masasabi niya 'yon! Pero hindi ko rin maipagkakailang natuwa ako at na-touch sa sinabi niya. Naramdaman kong pinapahalagahan niya talaga ako.
Mahalaga ako sa kaniya bilang kaibigan.
"Uuuuuyyy! Nagmo-moment sila!"
Napaitlag ako nang narinig ko ang mapanuksong boses ni Mickey! Lumapit kaagad siya sa'min, malaki ang ngisi habang naniningkit ang mga mata. Tapos nang nasa tabi ko na siya at tsaka niya ako sinundot sa tagiliran. Muntikan pa akong mahulog sa upuan dahil malakas ang kiliti ko don!
"Kayo ha! Sinamantala niyong tulog kami!" patuloy niya sa pang-aasar!
"A-ano namang pinagsasabi mo diyan, Mickey? Kumain ka na lang nga!" Umiwas ako ng tingin at binalik ang pinasin ko sa kinakain.
"Uy! Change topic!" Tumawa pa siya bago nilipat ang tingin kay Venn. "Ikaw naman namumula ka! Kilig yarn?" Tumatawa niyang inasar as if close sila!
"Nahihiya lang 'yan! Kung ano-ano kasi pinagsasabi mo. Kuha ka na lang ng soup doon, nagluto si Venn," pagpigil ko sa kaniya.
Alam kong hindi komportable si Venn na inaasar kami. Lalo na at kaibigan niya si Luigi! Siguradong awkward sa kaniya kagaya lang sa'kin. Kunga ano-ano na ngang pagsusungit at away ginawa ko, hahayaan ko pa siyang mailang? Tsaka baka kung ano pang ideya ang pumasok sa isip niya. Akalain pa niyang gusto ko siya kaya ako inaasar sa kaniya.
"Ay kasama ba kami sa nilutuan mo? Baka kay Mabel lang 'to, ah? Yiiiii!" Sinundot niya rin ang tagiliran ni Venn! Grabe 'to! Hindi man lang nahiya! "Wow! Tigas ng katawan, ah," bulong pa niya.
"Uh ... kuha ka lang. Para sa inyo talaga 'yan. Alam kong marami-rami rin ang nainom niyo." Naiilang na ngumiti si Venn kay Mickey habang turo-turo yung kaldero.
"Owkaaaay! Thank you, Engineer!" Pumunta siya sa counter at kumuha ng bowl para magsandok.
Hinayaan ko na lang siya at pinagpatuloy ang pagkain. Hindi rin naman na ulit kumibo pa si Venn at pinaglaruan na lang ang mga kamay niya. Hindi ko na lang kinausap dahil baka bigyan pa ng ibang meaning ni Mickey at mang-asar na naman!
"Good Morneeeeng!" Nag-uunat si Lala nang lumabas siya. Hindi pa niya mabuksan ang mga mata niya at gulo-gulo pa rin ang buhok. "Anong pagkain, ghorl?" Lumapit siya agad kay Mickey nang nakita niyang nagsadandok ng soup.
"Chicken Noodle Soup! Luto ni Engineer para sa'tin!" imporma naman ni Mickey. Kakaiba ang tono, halatang nang-aasar na naman!
"Ay wow! Marunong ka palang magluto, Engineer? Pwede ka nang mag-asawa!" gatong pa nitong isa.
Ang tagal nilang nakatayo doon. Kanina pa sumasandok si Mickey! Gaano ba karami ang kakainin nito?
"Girl! Itong ladle kase ang gamitin mo! Kaya pala ang tagal mo diyan, kinutsara mo yung sabaw!" Pinalo niya ang balikan ng kaibigan. " Ay nako! Makapagtimpla nga muna ng kape! Baka next year nang matapos diyan, eh."
"Pagtimpla mo rin ako, girl!" request naman nung hindi pa rin tapos sa pagsandok.
"Ay ano ako? Utusan?! Kaniya-kaniyang timpla 'to!" tanggi ni Lala habang hinahalo ang kape niya. "Ikaw, Engineer? Gusto mo ba ng kape?" baling naman niya kay Venn.
"H-ha? H-hindi na, okay lang. I don't drink coffee," tanggi ni Venn. Nahihiya siyang ngumiti at maliit na umiling.
"Ay ganon? So ano ang madalas mong inumin bukod sa tubig?" tanong na naman ni Lala habang nagtitimpla ng isa pang tasa ng kape. Tignan mo 'to, may nalalaman pang kaniya-kaniyang timpla, igagawa rin naman pala niya si Mickey.
"I prefer tea," sagot ni Venn habang tumatango-tango.
"Ay ganon? Merong tsaa rito, gawa kita?" Kumuha siya ng isang pakete ng tsaa at isa pang tasa at tsaka nagtimpla. Kaya hindi na nakatanggi pa si Venn kahit halatang nahihiya siya.
Nang sa wakas at tapos na ang dalawa sa pagkalikot sa mga gamit ko sa kusina, sinamahan na nila kami sa dining table. Nagkuwentuhan kami ng kung ano-ano. Pero kalaunan ay parang kay Venn na lang sila interesado! Parang may question and answer pa silang nalalaman!
"Ay may girlfriend ka ba?" tanong na lang bigla ni Lala.
Ay meron 'yan. Yung kasama niyang trabaho na parati niyang kasabay. Sino nga kase 'yon? Lisa? Risa? Elsa? Jessa? Basta! Yung kasabay niyang umuwi nung nasiraan ako ng sasakyan! Yung mukhang sasabunutan na ako any moment!
"I don't have," casual niyang sagot!
Napatili naman yung dalawa at tsaka nag-apir. Mapang-asar pa nila akong nginisian! Hindi ko na lang sila pinansin at tsaka napaisip sa naging sagot ni Venn.
So hindi niya pala jowa yung babaeng palagi niyang kasama? Eh bakit kasabay umuwi? Baka ... nasiraan din ng sasakyan? Sabagay, mabait si Venn kaya posible 'yon? Pero bakit ang sama kung makatingin sa'kin? Siguro dahil nainip siya?
Nang ibaling ko kay Venn ang tingin ko ay nakayuko siya at kamot-kamot na naman ang batok. Eto na nga ba sinasabi ko, eh! Pag eto tuluyang na-awkward dahil sa pang-aasar nila.
"Pero nagkaroon ka na ng girlfriend noon?" tanong naman ni Mickey.
"I had three." Tinanguan niya ang dalawa.
Three? Dalawa lang ang nakilala ko. Konti lang naman kasi, hindi kagaya nung mga bigaon niyang kaibigan na bawat pagkikita ata namin ibang babae yung dala. Karamihan naman ay ang aarte at ang tataray! Hindi kagaya ng mga naging girlfriend ni Venn na mababait at simple lang. Kaya nakasundo ko nun ang dalawang 'yun, eh.
"Ooohh!" Sabay na napatango-tango yung dalawa.
"So bakit kayo naghiwalay? Sa tingin mo bakit hindi nag-work out yung relationship niyo?" pa-follow up question ni Mickey.
Ano 'to? Talk show? Tito Boy Abunda lang ang peg, ganon?
"Uhm...the first one was during high school. I think we were still immature then? We weren't able to handle our problems well, and then balancing the studies with lovelife pa, ganon. Kaya after almost one year, we broke up kasi hindi na talaga kinaya."
Aaah! Kaya pala hindi ko kilala kasi nung high school pa. Kaya rin siguro hindi siya nagkaroon ng girlfriend nung college? Siguro ayaw niya ulit pagsabayin ang pag-aaral at lovelife.
"The second and the third one, after college na. May work na'ko that time. So I think, I can say na mature na ako that time? But the reason why they didn't worked out was because ... I think it wasn't love? You know, parang everything was just casual. Our feelings weren't ... deep?" Nahiya ata siya sa naging sagot. Hindi niya pa ako matignan ng diretso! Dahil siguro alam niyang kilala ko ang mga tinukoy niya.
Nang sandali niyang ibaling sa'kin ang tingin niya, napataas ako ng kilay. Napabuntong hininga na lang siya at yumuko, laglag ang mga balikat. Sa tsaa na lang niya tinuon ang pansin niya at hinalo-halo 'yon.
Hindi niya pala minahal yung dalawa, huh? Kaya pala months lang din ang tinagal nila noon. Napabuntong hininga naman siua at yumuko, laglag ang mga balikat.
"So ... yung sa high school minahal mo? Siya ang matatawag mong first love, ganon?" tanong ni Lala bago siya kumagat ng pakwan.
"Uhm ... I thought?" Inangat niya ulit ang ulo niya at diretsong tumngin sa akin. "But when I finally knew how it truly feels to be in love, I realized it wasn't. Napagtanto kong ... sobrang iba pala ng pakiramdam pag mahal mo na ang isang tao."
Tumili na naman tuloy yung dalawa! Habang si Venn naman ay kagat-kagat ang labi niya, pero kitang nakaangat ang dalawang gilid non.
"So ibig sabihin na-inlove ka na?" Napausog palapit sa kaniya si Mickey.
Nahihiya namang tumango si Venn.
Kaya tumili na naman tuloy yung dalawa! At dahil ambang iinom ng tsaa si Venn, napaitlag siya at natapon sa kaniya! Napatayo tuloy siya at mukhang napaso! Dahil malapit lang sa'kin ang paper towel, kumuha kaagad ako non at pinunasan ang basa niyang damit!
Hindi ko na-realize kung ano ang ginagawa ko hanggang sa nakita ko siyang nakatulala sa akin! At parang nakuryente'y napalayo ako sa kaniya sa gulat!
"Uuuuyy! Parang mag-jowa lang, ah?" pang-aasar na naman ni Mickey!
Kaya sa kaniya ako humarap at binato sa kaniya ang tissue. Mabilis akong bumalik sa upuan ko at tinuloy ang pagkain.
"So going back!" sigaw ni Lala kaya napatigil sa pang-aasar si Mickey at back to interview na naman sila. Mga Marites talaga! "So ang sabi mo, hindi love yung sa pangalawa't pangatlo mong girlfriend. Tapos, na-realize mo ring hindi love yung sa nauna. So ... kanino ka na-inlove? Yiiiiii!" Pareho pang kinilig ang magkaibigan sa tanong niya at nagpaluan pa!
"Uhm ... well ... uh ..." Nahihirapang sumagot si Venn, nag-aalinlangan. Tinawa na lang niya pero halatang na-o-awkwardan na siya at mukhang hindi na komportable. Sasabat na sana ako para hindi siya ma-pressure nang nauna siyang sumagot. "Actually ... hindi man naging kami. Ni hindi ko man nga siya naligawan."
Nanlaki ang mga mata ni Lala at tsaka bumulong kay Mickey. Napanganga naman yung isa at tumango-tango. Na-curious tuloy ako kung ano ang pinagbulungan nila! Gusto ko sanang itanong dahil base sa tinginan nila, mukhang kalokohan na naman 'yon!
"So ... bakit hindi mo niligawan? Na-torpe ka ba?" walang preno namang tanong ni Mickey!
"O-oo, eh." Nahihiyang tumawa si Venn at napakamot na naman sa batok. "And she also likes someone else that time. So ... I was afraid to be rejected. And eventually ... nagging sila din naman, eh." Lumngkot ang mukha at boses niya kahit pilit pa rin siyang nakangiti.
Grabe! Hindi man alam na may pinagdaanang ganito si Venn? Ang tagal pa naman naming magkaibigan noon! Sabagay, hindi naman siya obligadong sabihin ang lahat sa'kin. Sino ba naman ako, 'di ba?
Pero yung tatlong gago alam kaya nila? Hindi man lang ba nila tinulungan at sinuportahan 'tong kaibigan nila? Sa panloloko tulungan sila, pero sa matitinong bagay hindi? Loko talaga mga 'yon!
"Ay! So dapat pala Treat You Better ni Shawn Mendes ang theme song mo! Alam mo ba 'yon?" biro ni Mickey.
"Napakinggan ko na." Natatawa namang tumango si Venn.
"So ni minsan ba naisip mong ... you can treat her better?" pang-iintriga pa ni Mickey! Nakataas ang mga kilay niya at malaki ang ngisi!
Nagulat si Venn sa tanong at nahihiyang tumawa. "Oo," mahina niyang sagot.
Yung dalawa ay tumili na naman!
"Dapat inagaw mo!" komento ni Lala!
Pinanlakihan ko siya ng mga mata dahil kung ano-ano ang sinasabi niya! Mabuti na lang at pinalo siya ni Mickey sa braso. Napalakas ata kaya napaaray si Lala at sinabing charot lang daw. Pero hindi pa rin magandang biro 'yon, ah. Hindi magandang mang-agaw at manira ng relasyon!
"Hindi ako ganon." Tinago ni Venn ang hiya at ilang sa tawa. "Tsaka ... ano kase ..." Napakagat siya ng labi at yumuko. Hindi niya matuloy ang gustong sabihin. Sa ilalim ng lamesa, nakita kong pinaglalarunan niya ang mga kamay niya. "Kaibigan ko yung ... boyfriend niya."
Napatigil ako at napatitig sa kaniya sa sobrang gulat! Kaya naman napaiwas siya ng tingin at napakamot na naman ngayon sa pisngi. Habang sa background naman ay ang malakas na tili nung dalawa. Halos magsabunutan na sila!
Hindi ko pa rin maalis sa kaniya ang mga mata ko. Iniisip ko kung sino ba ang tinutukoy niya. At hindi ko rin alam pero bakit napatanong ako sa sarili ko kung ... ako ba 'yung tinutukoy niya?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top