Chapter 31
Hindi naging madali ang mga araw pagkatapo non. Ilang beses kong pinagsisihan at iniyakan ang hiwalayan namin. Gusto ko siyang tawagan at pabalikin. Gusto ko siyang puntahan at yakapin.
Pero hindi pwede. Mawawalan lang ng saysay ang lahat kung gagawin ko 'yon. I have to commit in my healing. It is a long process, but I am willing to wait. In time, I will be free again. Naniniwala ako doon.
"How are you the past weeks, Mabel?" tanong sa akin ng therapist pagkaupo namin ni Mickey.
Nginitian ko siya pero bandang huli ay nakagat ko ang labi sa hiya. Naalala ko na naman ang ginawa ko kahapon. Nakakahiya!
"Okay naman po ako ... nung una." Nakita ko siyang ngumiti pero biglang nawala nang idugtong ko ang dulo.
"What happened?" Tumango siya para i-encourage akong magkwento.
Napabuntong hininga ako. "Lately, parang bumabalik po ako dati? Madalas na naman po akong umiyak. Tapos, kahapon po, muntikan po akong pumunta sa bahay ng ... ex ko." Napayuko ako sa hiya.
Ang naaalala ko na lang ay miss na miss ko na siya. Gusto ko siyang makausap ulit at bawiin ang break up. Kaya naman dali-dali akong sumakay ng kotse at nag-drive papunta sa bahay nila. Hindi man ako sigurado kung nandito ba siya sa Cebu, dumeretso pa rin ako. Pero nang nasa tapat na ako ng bahay nila at nakita ko si Tita Risa, biglang bumalik ang senses ko at umatras.
Galita kaya si tita sa akin? For sure. Sinira ko ang pangako ko sa kaniya.
"Okay lang 'yan, Mabel. Just like what I said, there are times talaga na pakiramdam natin maayos na tayo at nakaka-move on na. And then, suddenly, negative thoughts come back and eat us up."
Napabuntong hininga ako. One step forward, two steps back. Makakausad ba ako kung ganito?
"Don't be too hard on yourself, Mabel. Moving on takes time. No shortcuts, remember?" paalala niya.
Tumango ako nang naalala ang sinabi niya noon. Hindi pwedeng madaliin ang moving on at dayain ang sarili. Healing is a process, the result won't come right away. Kaya konting tiyaga lang talaga at push sa sarili.
"Hindi linear ang proseso ng pag-usad, Mabel. Sometimes, it fluctauates. Maraming paikot-ikot, patigil-tigil, taas-baba. Kaya ang gawin mo, magpatuloy ka lang. Pag gano'n ang ginawa mo, one day you'll just find yourself on the destination you aimed to go."
Pagkatapos namin sa counseling, sa mall kami dumeretso para kumain. At dahil ako raw ang nagyaya, sagot ko dapat. Pumayag na lang ako kahit pa siya naman ang nag-volunteer sumama.
"Kailan ka uuwi nyan ng Manila?" tanong ko sa kaniya.
"Parang namang pinapaalis mo na'ko!" Humaba ang nguso niya at napahawak pa sa dibdib na parang aping api!
"Hindi sa ganon, gaga!" Hinampas ko ng malakas ang braso siya. "Nagtatanong lang para maihatid kita sa airport."
"Wow! Puno ang iskedyul mo, girl?" pang-aasar pa niya.
Inirapan ko na lang siya at tinuloy ang pagkain. Medyo na-hurt ako doon pero hindi ko na lang sinabi. Wala pa rin kasi kasi akong trabaho at basically, tambay ako. Dahil bukod sa pagbabantay sa computer shop, wala na akong ibang pinagkakaabalahan.
"Uy, joke lang! Sorry, alam mo naman 'tong bunganga ko! Sorry talaga!" Nataranta siya nang napagtantong hindi ako natuwa sa biro niya. Hindi niya alam kung hahawakan ba niya ako o hahampasin ang sarili niya.
"Okay lang, sanay na ako sa'yo." Pilit na lang akong tumawa para hindi na siya ma-guilty. Nag-sorry naman, okay na 'yon hindi naman ganon kalalim.
"Bakit kasi hindi mo pa tanggapin ang offer ni Sir Len?" pagpupumilit na naman niya.
"Ayaw ko na ngang bumalik don. Okay na sa aking malaman ng lahat na hindi totoo ang paratang sa akin," pagmamatigas ko.
Ma-pride na kung ma-pride, pero hindi na ako babalik sa kumpanyang 'yon pagkatapos nila akong paalisin. Lalo na nang napag-alaman kong may kapit pala sa nakakataas si bruhang Cruella. Pamangkin pala siya ng pinsan ng dating classmate ng may-ari ng conglomerate building!
"Bwisit talaga ang Sasha na 'yon! Pag talaga nakatiyempo ako, gagawin ko na talagang bola yung ulo niya!" Halos mayupi na ang hawak niyang kutsara't tinidor sa galit niya.
"Oh, kalma ka lang. Baka ikaw naman ang mawalan ng trabaho," paalala ko.
Inismiran niya ako bago kumagat sa barbecue. Nang ubos na ang laman, bigla niyang tinutok sa akin ang stick! "Isa pa ang Matt na 'yan! Nako! Tutusukin ko talaga 'yon para lumabas ang steroids sa katawan!"
Bahagya tuloy akong napaatras dahil parang ako ang tutusukin niya at hindi si Matt! "Ibaba mo nga 'yan! Baka hipan ka ng demonyo at masaksak mo ako!"
Tinawanan lang ako ng boang at nang-asar na naman. Tumigil lang nang pinagbantaan kong hindi ko babayaran ang mga kinain niya. Ang gaga kasi, lumipad-lipad papuntang Cebu na 500 lang ang dala! Kung hindi ko siya pinatuloy sa amin, saan siya pupulutin ngayon? Sa sementeryo?
"Sementeryo? Bakit tayo nandito?" tanong ko sa kaniya.
Nagpunta lang ba ang babaeng 'to sa Cebu para maghanap ng multo sa sementeryo? Kakaiba rin ang trip niya. Bakit pa nga ba kasi ako sumama rito? Lalo't padilim na! Paano kung may magparamdam sa amin? Wala pa namang katao-tao!
"Pupuntahan natin si daddy," sagot niya, tutok sa pag-da-drive habang lumilinga-linga.
"Nakalibing dito ang tatay mo?!" Cebuano ba tatay niya? Parang hindi naman niya nasabi sa akin 'yon?
"Hindi! Nagtatrabaho siya rito!"
Maniniwala na sana ako nang tumawa siya ng malakas! Hindi ko na talaga alam kung alin sa mga sinasabi niya ang paniniwalaan ko.
"Char lang! Yes, dito siya nakalibing." Tinigil na niya ang pagmamaneho at kinalas ang seatbelt niya.
Sumunod ako sa kaniya pagkababa niya. Naglakad lang kami ng konti papunta sa isang museleo na very modern ang design. Puti ang walls pero marami-rami rin ang glass, pati na ang pinto. At nang buksan na ni Mickey ang ilaw, lalo akong namangha! Pwede nang tirhan 'to, ah! Ang yaman pala nila Mickey?
"Ang yaman mo pala, dapat ikaw ang nanlibre sa akin kanina!" biro ko habang nililibot ang mata ko sa buong museleo.
"Gaga! Hindi ako ang mayaman, yung tatay ko!" Hinampas niya ulit ako braso ko bago naglakad ng diretso papunta sa harap.
Sumunod naman ako papunta sa lugar kung saan nakahimlay ang tatay niya. Sa lapida ay nakaukit ang pangalan niya at ang birthday niya na ngayon pala! Kaya siguro nagpunta ngayon si Mickey?
Sa tabi naman ng lapida niya ay may pangalan ng babae. Asawa niya ata since magka-apelyido sila at magkalapit lang ang edad. So ibig sabihin, patay na rin ang nanay ni Mickey?!
"P-patay na rin ang nanay mo?" tanong ko sabay turo sa kabilang lapida.
"Hindi, asawa 'yan ni daddy."
Medyo naguluhan ako noong una pero bandang huli ay na-gets ko rin. Napatango-tango na lang ako at umupo sa tabi niya. Busy siya paglabas ng mga dala niya sa bag. May isang cupcake, kandila, at picture frame. Lalaking may hawig kay Mickey ang litratong nadoon.
"Happy Birthday, daddy! Sorry kung Choco Topps lang ang dala ko. Alam mo naman, naubos mo sa pagsusugal ang ipapamana mo sana sa'kin!" biro pa niya habang binubuksan ang pakete ng cupcake. Pagkalapag niya, tinarak niya doon ang maliit na kandila at sinindian.
Nakangiti pa siya noong una, pero nang humarap na ulit siya sa lapida, nakita ko nanunubig na ang mga mata niya. Sinubukan niyang pigilan 'yon, pero bandang huli ay tumangis din siya habang hawak-hawak ang picture ng tatay niya.
Kaya umusog ako palapit sa kaniya at inalo siya. Habang hinahagod ko ang likod niya, hinayaan ko lang siyang kausapin ang tatay niya. Pabulong lang 'yon at umiiyak pa siya kaya hindi ko maintindihan masyado. At hindi ko na lang din inintindi dahil sa kanilang mag-ama na dapat 'yon.
Pagkatapos non, taimtim siyang nagdasal bago hinipan ang sindi ng kandila. Matagal kaming tahimik. Patuloy lang ako sa paghagod ng likod niya habang siya ay nakatulala lang sa lapida.
"Alam mo ba, dalawang memories lang ang meron ko kasama si daddy. Una ay ang seventh birthday ko, pangalawa ay noong ... m-mamatay na siya," pagkukwento niya habang nakatingin pa rin sa lapida ng tatay niya.
Inabot ko ang kamay niya at pinisil-pisil 'yon. Alam kong sobrang sakit ng nararamdaman niya ngayon. Bilang isang anak na lumaki ring walang ama, naaawa ako sa kaniya.
"Noong bata kasi ako, akala ko nagtatrabaho lang siya sa malayo kaya sa pictures ko lang siya nakikita. Sabik na sabik pa'ko non, palagi nga akong nasa sala para abangan ang pag-uwi niya, eh."
"Kahit pa sabihin sa akin ng mga kapitbahay namin na may pamilya siyang iba, hindi ako nakinig. Hanggang sa nagdalaga ako, nahanap ko ang facebook niya. M-may iba nga siyang pamilya."
Napahagulgol na siya at napatakip na ng mukha. Halos mabasag na ang picture frame sa higpit ng hawak niya.
"S-sobra akong nasaktan noon, Mabel. Galit na galit ako! Sunod-sunod ang naging chat ko sa kaniya at sinumbatan siya. Inaway ko siya at nag-post pa ako sa timeline niya. Pero alam mo kung ano ang mas masakit? Nung hindi man niya ako ni-reply-an at basta na lang akong binlock!"
Nakaramdam ako ng galit sa patay. Anak niya 'to! Kahit pa may asawa siya, kahit pa may nauna siyang pamilya, anak niya pa rin 'to! May pananagutan pa rin siya kaya ang kapal ng mukha niyang i-block na lang si Mickey.
"Simula noon, sabi ko kakalimutan ko na siya. Tinatak ko sa isip ko na wala akong ama. Naging masaya naman kami ni mama kahit mahirap ang buhay. Maayos ang lahat. Hanggang sa nakatanggap ako ng tawag at sinabing na-stroke si papa at gusto niya akong makita."
Ngayon ay humarap na siya sa akin kaya mas nakita ko ang hitsura niya. Lalo akong naawa. Nag-iyakan man sila ni Lala noon sa bar, iba pagkasawi niya ngayon. Kaya lalong nanikip ang dibdib ko dahil ngayon ko lang siya nakitang ganito. Walang saya at kabuhay-buhay ang mga mata niya. Sobrang lungkot, puno ng sakit, makikitaan din ng konting galit.
"Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko noon. Gusto ko siyang makita, pero at the same time, ayaw ko rin. Nalulungkot ako at nasasaktan, pero hindi ko rin maiwasang isipin na dapat wala na akong pakielam. Pinutol namin ang ugnayan namin sa isa't isa kaya bakit pa ako pupunta?"
Napatango ako. Kung ako rin ay hindi ako pupunta. Sa tingin ko ay hindi ko na gugustuhin pang makita si papa. Ni litrato niya nga ay hindi ko matignan ng walang galit na nararamdaman, sa personal pa kaya?
"Pero kinonvince ako ni mama. Sabi niya, ama ko pa rin daw siya. Hindi ako mabubuo ng wala siya. Kaya kahit labag sa loob ko, nagpunta ako. Nagkaharap ulit kami, sa ikalawa at huling pagkakataon."
Napatigil ako sa mga iniisip at bumalik sa kwento niya ang atensiyon ko. Gusto kong malaman ang susunod ng nangyari. May komprontasyon ba? Nagalit siya? Dahil kung ako 'yon, baka matuluyan si papa.
"Humingi siya ng tawad sa lahat ng kasalanan niya. Akala ko hindi ko siyang kayang patawarin. Pero nung ... p-pero nung nag-aagaw buhay na siya sa mismong harap ko, halos tumawad na ako sa Diyos huwag lang siyang kunin sa a-akin."
Napanganga ako. Ganon din kaya pag ako na ang nasa sitwasyon na 'yon? Ganon rin ba ang mararamdaman ko? Mapapatawad ko ba talaga si papa sa lahat ng kasalanan niya?
Sa tingin ko ay hindi. Gusto kong dalhin niya hanggang sa impyerno ang mga ginawa niya. Kahit kailan ay hindi ko siya mapapatawad. Ayaw ko. Hindi ko kaya. Isang malaking sampal sa akin, kay mama, sa mga kapatid ko lalo na sa nalaglag naming bunso, pag napatawad ang isang amang katulad niya.
"Sobrang sakit, Mabel. Minsan naiisip ko na sana, mas marami kaming oras nagkasama. Sana mas nakilala namin ang isa't isa."
Sa lapida ulit siya nakatingin ngayon. Sobrang lungkot ng mga mata niya, puno ng pangungulila. Kaya mas lumapit ako sa kaniya at niyakap siya ng mahigpit. Alam kong ito ang kailangan niya.
"Pero wala, eh. Kasalanan din naman niya. Char!" biglang biro niya.
Kaya halos itulak ko na siya palayo at pinalo sa braso! Pinaulanan ko siya ng mura kaya tawa lang siya nang tawa. Hanggang sa nahawa na rin ako at nakipag-asaran na.
"Tara na, palalim na ang gabi," yaya niya sa akin.
Tumango ako at tumayo para makaalis na. Hindi namin namalayan ang oras. Tutulungan ko na nga sana siyang magligpit para mapabalis nang nakitang kagatin niya ang cupcake! Ni hindi man niya tinanggal ang kanidla.
"Hoy! 'Di ba para sa tatay mo 'yan? Bakit mo kinakain?" sita ko sa kaniya.
"Hindi naman makakain ni daddy 'to kaya akin na lang. Kesa naman sa masira at amagin dito, sayang," depensa niya.
Tumatawa tuloy kaming lumabas ng museleo. Pagkatapos naming mag-iyakan, ganito naman. Nako, na boang na talaga kami. Mabuti na lang at wala ng tao rito sa sementeryo, kung hindi baka akalain pa nilang sinaniban kami.
Hanggang sa makasakay kami sa kotse ay nagkukwentuhan kami. Ako na ang nag-drive since alam ko naman ang daan pauwi sa amin. At ayaw ko ring papag-drive pa siya pagkatapos niyang umiyak ng sobra. Siguradong pagod siya at drained sa lahat ng emosyong nilabas niya.
Palabas na kami ng sementeryo nang napatigil ako dahil sa mabilis na pagdaan ng ambulansiya. Mabuti na lang at narinig ko ang wang wang, kung hindi nagdire-diretso ako at nabangga pa kami. Makadisgrasya pa ako nag-aagaw buhay, nako!
Pero ewan ko ba at sumama ang pakiramdam ko. May masama akong kutob? Hindi ko alam kung bakit. Mabuti na lang at dinaldalan na ako nang dinaldalan ni Mickey kaya nawala doon ang isip ko.
Kaso, dahil siguro sa pagod, natulog siya! Napansin ko na lang na biglang tumahimik. Pagkatingin ko, tulog na tulog na siya, nakabukas pa ang bunganga. Humihilik pa ng pagkalakas-lakas!
Kinuha ko na lang ang isa kong earphone para sana makinig ng music. Kaso, sakto namang tumawag si Sabel. Ano naman kaya ang nangyari? Hindi naman 'to tumatawag ng biglaan kung walang importanteng kaganapan. Hindi naman siya kagaya nung isa na tatawag para lang magpabili ng kung ano-ano.
"Hello?"
"A-ate ..." Narinig ko siyang suminghot!
"Sabel? Umiiyak ka ba?" Napaupo ako ng maayos at bahagyang binilisan ang pagmamaneho ko. Baka kung ano kasi ang nangyari sa bahay!
"A-ate ... si papa dinala sa ... sa o-ospital."
Napapreno ako bigla sa narinig. Halos tumilapon na kami paharap kung hindi lang kami nakasuot ng seatbelt! Napasigaw tuloy ako at nagising din si Mickey dahil sa nangyari.
"A-ate? Anong nangyari?"
"Mabel?! Anyare?!"
Hindi ko na alam kung sino ang haharapin ko at kakausapin. Kaya mabilisan kong hiningi kay Sabel ang address ng ospital. Pagkatapos ay kaagad kong binaba at sinimulan ulit mag-drive.
"Uy, girl! Anong nangyari?!" tanong ulit ng katabi, nagpa-panic na.
"Si pa—"
Si papa dinala sa ospital. Dinala sa ospital si papa. Si papa. Si papa...
Unti-unting bumagal ang pagmamaneho ko nang tuluyan nang nag-sink in sa akin. Si papa ang dinala sa ospital. Hindi kung sino man, si papa ... lang. Kaya bakit ako nagmamadali? Siya lang 'yon.
"Si pa—ano?! Gusto mo bang sipain kita, ah?!" Mas hysterical pa siya sa akin.
Napairap na lang ako dahil hindi ko alam kung paano ko sasagutin. Parang kanina lang, ang ama niya ang pinag-uusapan namin. Tapos ngayon, biglang dinala sa ospital si papa. Parang bang di ko inisip kanina kung ano ang gagawin ko kung sa akin mangyari ang nangyari sa kaniya. Ngayon biglang nagkatotoo!
"Uy! Ano na?!" Kung hindi lang siguro ako nagmamaneho ay niyugyog na niya ako.
"Dinala raw sa ospital si papa," napipilitan kong sagot.
"H-ha?!"
Napaigtad ako sa reaksiyon niya! Yawa! Mabuti na lang maluwag ang daan at walang masyadong nagmamaneho rito. Paano kung naaksidente kami sa ka-OA-an niya? Baka madala talaga kami sa ospital kahit ayaw ko.
"Girl, nasa ospital pa pala. Bakit kung mag-drive ka parang nasa libing na tayo?!" puna niya sa bagal ng pagmamaneho ko.
Napabuntong hininga ako. "Wala akong balak pumunta."
"H-ha?! Mabel, tatay mo 'yon! Dapat magpunta ka!" pamimilit niya.
Eto na nga ba, kaya ayaw kong sabihin sa kaniya, eh. Malakas ang kutob kong pipilitin niya akong magpunta. Sigurado, ipapasok na niyan ang experience niya para makumbinsi ako. Pero no, ayaw ko talaga. Kahit anong sabihin niya, hindi ako papayag.
"Ilang beses din naman akong na-ospital pero di naman siya nagpunta. So bakit ako pupunta ngayon sa kaniya?" pamimilosopo ko.
"M-malay mo, malala na at naghihinalo na siya! What if ito na ang last day niya sa mundo, 'di ba?" pilit pa rin niya.
Napailing-iling ako at lalong nakaramdam ng galit. "Magiging ama lang siya sa amin pag malapit na siyang mamatay, ganon ba? Para ano? Para mawala yung bigat ng konsensiya niya? Huwag na, oy!"
Ang dami niyang oras noon para magpaka-tatay sa amin. In the first place hindi man dapat kami nawalay sa kaniya kung matino lang siya. Tapos ngayon, kung kailan naghihinalo na siya, at tsaka niya kami ipapatawag? Takot ba siyang hindi makapasok ng langit pag hindi siya nakapag-sorry kaya gagawin niya last minute? Pwes, tumawag na lang siya ng pari para magpa-anointing of the sick.
"Pero Mabel, magkapamilya pa rin kayo."
Nagpintig ang tenga ko sa sinabi niya. Pamilya?! Gusto ko na lang matawa.
"Mickey, more than half of my life wala siya kaya paano ko matatawag na tatay 'yon? Oo, wala ako ngayon kung hindi dahil sa kaniya. Oo, nananalaytay sa akin ang dugo niya. Pero doon lang ba nakabase ang pagiging pamilya, huh?"
Tinigil ko sa gilid ang sasakyan nang nanalabo na ang mga mata ko. Gusto kong magsisigaw at magwala rito. Kaya maghigpit kong hinawakan ang manubela para pakalmahin ang sarili ko.
Ayaw kong awayin si Mickey pero piste, hindi naman kase porket nagkaayos sila ng tatay niya ay ganon din dapat kami ni papa. Hindi porket napatawad niya ang tatay niya, ganon na rin ako! Dahil magkaiba kami at hindi niya pwedeng ipilit sa akin dahil lang sa experience niya dahil magkaiba kami!
"M-Mabel—" Sinubukan niya akong abutin pero agad kong winaksi ang kamay niya.
"Huwag mo na akong pilitin dahil ayaw ko! Ayaw ko siyang makita! Ayaw ko siyang makausap! At hinding hindi ko siya mapapatawad!" Hindi ko na napigilan pang ipakita ang galit ko.
Naghalo-halo na ang lahat ng emosyon at punong puno na ako!
"Okay! I'm sorry kung feeling mo pinipilit kita! Pero ayaw ko lang namang magkaroon ka ng regrets pag tuluyan nang nawala ang papa mo! Ayaw kong maramdaman at maranasan mo ang lahat ng dinanas ko! Dahil mahirap, Mabel. Sobrang hirap!" ganti niya sa sigaw ko. Tuloy-tuloy din ang pagbuhos ng luha niya, galing sa nanlilisik niyang mga mata.
Hindi na ako nakasagot pa at tila nagising ako sa pagsigaw niya. Gusto ko mang mangatwiran pero alam kong tama rin naman kasi siya. Paano nga ba kung pagsisihan ko bandang huli? Oo, galit ako. Galit na galit na galit ako! Pero hanggang saan ba aabot 'yon? Hanggang sa kabilang buhay ba?
"Ang sabi mo you want to heal! Pero paano ka gagaling kung hindi mo gustong ipagamot ang mga sugat mo? Ang pinakamalaking sugat sa puso mo?"
Tuluyan na akong humagulgol nang tamaan ako sa mga sinabi niya. Parang akong pinitik sa noo! Ang mga sinabi niya ay tagos sa puso. Parang luminaw ang lahat at nawala ang itim na usok sa utak ko.
Tama siya. Tama si Ate Bianca. Hindi ako lalaya kung mananatili ako sa loob ng hawla. Hindi ako makakausad kung hindi ko tatanggalin ang mga tanikala. Hindi ako gagaling kung ... hindi ako pupunta sa ospital.
"S-sorry, Mickey!" Lumapit ako sa kaniya at niyakap siya ng mahigpit.
"Hindi kita mapapatawad!" biro niya.
Nagtawanan kami sandali at pinakalma ang sarili. Nang maayos na, tinuloy ko na ang pagmamaneho papunta sa ospital. Malapit-lapit lang naman sana siya sa sementeryo kaya kaagad naman kaming nakarating.
Nagtanong kami sa counter, nasa ER pa raw kaya sinamahan niya kami papunta doon. Nahanap namin sila dahil nakita ko agad ang bagong kinakasama ni papa at ang anak niya. Umiiyak sila habang nakatingin kay papa na nag-aagaw buhay.
"Mabel, sama ka sa amin! Maglalaro kami kina Joy-Joy!" yaya sa akin ni Maxine, kaklase ko.
Nakaramdam ako ng tuwa dahil sa wakas niyaya nila ako. Pero naalala kong kailangan ko nga palang alagaan ang mga kapatid ko. Sigurado, kailangan ni mama ang tulong ko lalo na at iyakin si Leigh at sobrang likot naman ni Sabel. Tapos kailangan niya ring maglinis, maglaba, at magluto.
"Pasensiya na, tutulungan ko pa si mama sa bahay, eh," malungkot kong pagtanggi.
Dahil sanay na, tumango na lang sila at nauna nang umalis. Habang ako ay nanghihinayang pa rin na hindi ako nakasama sa laro. Siguradong masaya 'yon lalo na at maraming laruan si Joy-Joy. Pero hindi talaga ako pwede kaya inisip ko na lang na masaya rin namang kalaro si Sabel.
Wala ako sa sarili habang naglalakad. Ayako pang umuwi sa bahay. Mas gusto kong maglaro sa daan kaysa marinig ang sigawan nina mama at papa. Ang lungkot kasi at nakakatakot. Palaging may gulo sa bahay kasi nagliliparan ang mga gamit. Tapos nagsasakitan din sila, kita ko ang panununtok ni papa kay mama. Wala akong ibang magawa kung hindi ang umiyak at samahan sina Sabel at Leigh sa kuwarto.
"Saan ka na naman galing, ha?! Sa babae mo?!"
Napatigil ako nang narinig ko ang malakas na boses ni mama. Nakita ko rin ang mga kapitbahay namin na nakikiusyoso sa tapat ng bahay namin. Kaniya-kaniya silang pwesto at kachismisan. Ang mga magulang ko na naman ang pinagpipiyestahan.
"Manahimik ka nga, Marina!"
Napatakbo ako nang narinig kong may kumalabog. Pumasok kaagad ako ng bahay at umakyat sa kuwarto nila para awatin sila. Baka sa ospital na naman mauwi si mama pag nagkataon.
Pagkapasok ko, naabutan ko si mama na nakahandusay sa lapag. Habang si papa naman ay nakaamba na siyang sumuntok! Sinubukan ko siyang pigilan pero mabilis ang mga pangyayari at sinuntok na niya si mama sa mukha!
"Pa, tama na! Tama na!" Tinulak ko siya palayo kay mama. Humarang na ako para hindi na siya sumuntok pa ng isa.
"Magsama kayong mag-ina! Mga peste!" Mabibigat ang mga paa niya nang lumabas ng kuwarto. Dahil kahoy ang sahig, kahit nasa labas na siya ay dinig ko pa rin ang mga yabag niya.
Dinaluhan ko si mama at niyakap siya ng mahigpit. Iyak kami nang iyak, ramdam pa rin ang takot kay papa.
"Sabi ko naman kase sa'yo, tigilan mo ang kakatalak sa asawa mo. Tignan mo kami ng Kuya Pedro mo, wala kaming problema dahil hinahayaan ko lang siya!"
Sumama ako sa pamamalengke ngayon at kasabay namin si Tita Maricar. Kanina pa niya pinapangaralan si mama nung nakita niya ang pasa nito si mukha. Napapatango rin tuloy ako dahil mukhang tama naman siya. Nakakarindi rin kasi minsan ang boses ni mama.
"Ang mga lalaki, ayaw na ayaw nila pag pinapakielaman! Lalo na pag pagod galing sa trabaho. Kaya bilang babae, pagsilbihan mo na lang siya ng tahimik para hindi uminit ang ulo," sermon niya habang pumipili ng malalaki at sariwang ampalaya.
"Ate naman, nambababae na nga hahayaan ko pa rin?" katwiran naman ni mama.
"Nako! Kakahinala mo, baka totohanin ni Ridel sa pagkarindi sa paratang mo! Diba, mare?"
Napaisip tuloy ako sa mga sinabi ni tita. Kadalasan nga, nagsisimula ang away nila pag sinigawan na ni mama si papa. Hindi na non sila titigil hangga't walang umaawat. Kaya tama siguro si Tita Maricar? Dapat hayaan na lang ni mama para wala ng away. Nakakarindi na rin, eh.
"Mabel! Sinugod sa ospital ang nanay mo!" balita sa akin ng kapitbahay namin.
Napatigil ako sa gulat! Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Gusto ko sanang magpunta sa ospital at kumustahin ang kalagayan ni mama. Pero naalala ko ang mga kapatid ko kaya dali-dali akong pumasok para puntahan sila.
Sa baba pa lang ay dinig ko na ang iyakan nila. Papanik na sana ako kaso napaatras ako nung nakita ko ang maraming dugo sa sahig. Lalo akong kinabahan para sa lagay ni mama. Kaso mas lumakas ang pagngawa nung dalawa kaya nilagpasan ko na ang dugo doon.
Pagkatapos ng araw na 'yon, masyado na mabilis ang mga pangyayari. Isang iglap, umaalis na kami para iwan si papa. Habang papalabas kami ng bahay, bitbit ang iilang gamit, napalingon ako sa bahay. Sa taas, nakadungaw siya amin sa may bintana. Diretso lang siyang nakatingin, hindi man lang malungkot sa pag-alis namin.
Simula noon, nabuo na ng tuluyan ang galit ko sa kaniya. Pinangako kong hindi ko na ulit siya lilingunin, lalo na pag malayo na ang narating ko. At pag yumaman na ako at naiahon ko na sa hirap ang pamilya namin, hinding hindi ko siya tutulungan pag siya ang nangailangan.
"Sabi ko naman kasi sa'yo noon, 'di ba? Huwag kang mag-alsabalutan dahil hindi mo mabubuhay ang mga anak mo! Eh 'di ngayon, sino ang hirap? Kayo!"
Nasa tapat pa lang ng pintuan ay dinig ko na si Tita Maricar. Sa kanila kami nakikituloy ngayon dahil wala kaming matirhan. Tinanggap niya naman kami pero halatang labag naman sa kalooban niya. Kaya nagtutulungan na kami ni kuya sa pagbebenta ng mga basahan sa kalsada para makaipon kami ng pera at bumukod na.
"Kung pinakisamahan mo na lang kasi si Ridel, maayos sana ang buhay niyo ngayon! Nasa bahay ka lang, naglilinis at nagsisilbi. Yung mga anak mo, nag-aaral at naglalaro. Hindi sana kayo kumakayod ngayon, 'di ba?"
Tumagos sa akin 'yon. Hindi nga siguro namin kailangang magpakahirap ngayon kung hindi kami umalis. Regular ang sweldo ni papa bilang isang pulis, hindi namin problema ang pera noon. Pero tuwing naaalala ko ang pananakit niya sa amin, ang mga sigawan at away, at ang naabutan kong dugo sa sahig pagkauwi ko, nagdadalawang isip ko. Hindi ko maiwasang mapatanong kung tama nga bang umalis kami sa bahay o hindi.
"Pabili ng basahan."
Napaangat ako ng tingin sa batang lalaki na bumibili. Tinabi ko agad ang notebook ko dahil gumagawa ako na ako ng assignment habang nagtitinda. Para mabawasan na ang mga gagawin ko at maalagaan ko si Leigh, baka magreklamo na naman si tita na ginagawa raw namin siyang yaya.
"Was that your assignment? Pwede kitang tulungan if you want." Tinuro niya ang notebook ko sa tabi.
Napatigil ako sa paglagay ng mga basahan sa supot. Seryoso ba siya? Mukha naman siyang matalino, at base sa suot niya ay mayaman siya. First time kong makatagpo ng mayamang hindi arogante. Pero ... baka may kapalit? Wala ng libre ngayon, eh.
"H-hindi na po." Umiling ako at nahihiya siyang nginitian.
Tumango-tango lang siya at inabot na ang supot. 500 pesos pa ang bayad niya kaya susuklian ko sana siya nang bigla siyang tumalikod at umalis! Tatawagin ko sana siya para ibigay ang sukli nang nakita ko si papa pagkaangat ko ng tingin.
May kasama siyang babae, malaki-laki na ang tiyan. Hawak-hawak pa niya ang umbok nito at masayang nag-uusap habang palabas ng simbahan. Nanikip ang dibdib ko sa nakita. Masakit sa pakiramdam na nagawa na niyang makausad habang kami ay hirap na hirap. Hindi niya lang kami basta pinutol sa buhay niya, kundi pinalitan pa. Kaya lalong sumiklab ang galit sa puso ko.
At ang makita silang tatlo ay nagpaalala sa akin ng masasakit na alaala. Ang pamilya nila ang simbolo ng pagkakasira ng pamilya namin. Ang babaeng ito ang pinagpalit kay mama, at ang bata naman ang bunga ng isang kataksilan. At sa kama, nakaratay ang ugat ng lahat. Ang makasalanan, masama, at walang kwentang ama.
Pinangako ko noon sa sarili ko na puputulin ko na rin ang ugnayan namin. Hinding hindi ko ipagsisiksikan ang sarili ko sa kaniya, lalong lalo na sa bago niyang pamilya. Kahit kailan ay hindi ko ituturing na pangalawang ina ang bago niyang asawa. At hindi ko rin ituturing na kapatid ang anak niya sa labas, na kasing-edad na sana ng kapatid naming nalaglag.
Kaya imbis na tumuloy, pumihit ako patalikod at lumabas ng ER. Pahid-pahid ang luha, lakad lang ako nang lakad. Hindi ko pa mahanap ang exit at naligaw pa. Hindi ko alam pero bandang huli, nahanap ko ulit ang sarili ko sa loob ng isang public CR. Nakaupo sa toilet at doon nilabas ang lahat ng luha, kasama ang sakit at lungkot. Dahil ang galit ay mananatili, kasama ng poot.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top