Chapter 20
Nakatulala lang ako buong flight ko pauwing Cebu. Nasa Mt. Purro pa rin kase ang isip ko, paulit-ulit sa utak ko ang itsura ni Venn at ang pag-amin ko sa kaniya. Tandang tanda ko pa rin ang lahat kahit ang bilis ng mga pangyayari. Kahit ang pag-amin ko na hindi ko inaasahan, hindi ko na mabawi.
Pareho kaming napatigil sa biglaang pag-amin ko. At alam ko, na kahit hindi ko diretsong sinabi, naintindihan niya ang ibig kong sabihin sa pamimilog pa lang ng mga mata niya. Bumukas-sara rin ang bibig niya, mukhang may gustong sabihin pero hindi niya matuloy-tuloy. Hanggang sa may mga dumating na staffs na naghahanap pala sa amin.
Dinala ako sa clinic para gamutin. Nasa tabi ko lang si Venn, pero hindi na niya ulit na-mention o klinaro man lang ang pag-amin ko. Nakatingin lang ako sa kaniya, habang siya ay nasa malayo ang mga mata at malalim ang iniisip.
Akala ko noon pino-process niya lang muna ang lahat, at eventually may masasabi siya. Hinanda ko na ang sarili ko sa mga tanong niya. Pero wala akong narinig, hindi na ulit na-bring up pa ang pag-amin ko hanggang sa nakauwi na kami.
At ngayon, hindi matahimik ang utak ko. Dapat pala ako na ang nagbukas ng usapan. Pero kinakabahan din kase ako noon, eh. At some point, nanalangin pa ako na sana kalimutan na lang niya. Pero alam kong mahirap kalimutan ang ganong pangyayari. Kaya binabagabag ako ngayon ng mga thoughts ko, nag-o-overthink na nga ako.
Kaya sige, pagkabalik ko ng Manila kailangan makausap ko siya. Kailangan maklaro at masabi ko ng diretso kung ano ba talaga ang nararamdaman ko. Wala na ring point kahit itago ko pa kase nasabi ko na. Mahihirapan lang kaming pareho kung iiwasan naming pag-usapan at umaktong walang nangyari. At kung itanggi ko pa, lalo ko lang siyang masasaktan. Kaya ngayon, dapat na akong magpakatotoo sa kaniya.
Naputol ang pag-iisip ko nang naka-land na ang eroplano. Nagpasundo ako kay Kuya Mikel, pero hindi hindi na ako nagulat nang si Son ang nakita ko. Siya naman ang binu-bully ni kuya ngayon at kung ano-ano ang inuutos.
"Mabel!" Lumapit siya sa akin at niyakap ako gamit ang isang braso.
"Aba! Tumangkad ka ata, ah?" Iyon agad ang napuna ko. Dahil dati, napapatong ko pa ang baba ko sa balikat niya pag magkayakap kami, ngayon yung noo na lang.
"Ay, maliit na bagay." Kinumpas pa niya ang kamay niya at pa-humble na ngumiti!
Natawa tuloy ako ng malakas at nahampas ko siya sa balikat. Hindi ko alam pero habang tumatagal nagiging siraulo na si Son. Minsan nagugulat pa rin ako kase ibang iba na talaga siya sa pagkakakilala ko noon, lalo na noong college kami. Pero maganda ang change na ito, healthy naman dahil at least mas mukha siyang masaya ngayon. He's more carefree na, kaysa noon na masyado siyang seryoso at pressured to do well.
"Biro lang. Elevator shoes ang suot ko tapos may height increase insoles din para alam mo na..." Tinaas niya ang paa at tinuro ang suot niyang sapatos.
Napa-'oohhh' ako at napatango nang nakita kong mataas-taas nga ang suwelas ang sapatos niya. Hindi ko na siya inasar kahit nate-tempt ako dahil alam kong sensitive siya sa usaping height. Tinapik ko na lang ang balikat niya at niyaya nang umalis.
Habang nasa biyahe, ang computer shop napag-usapan namin dahil kahit kami ang may-ari, siya ang abala sa pag-handle. May stable na trabaho na kase si kuya sa isang BPO company. Nagtayo naman ng maliit na plant shop si Son sa tabi ng computer shop ni kuya kaya siguro pumayag na rin.
"Nauuto ka talaga ni kuya, no?" asar ko sa kaniya.
Sobra kase ang effort niya mapalago lang ang business namin. Though alam ko namang hilig na talaga niya ang pagnenegosyo, malaki ang porsiyeto na ginagawa niya 'to para kay Sabel. Kaya medyo nag-aalala rin ako at nahihiya dahil baka naabuso na namin ang kabaitan niya. Kahit mukhang ayos lang sa kaniya, nakakahiya pa rin na pinagtrabaho namin siya doon as sort of a manager pero walang sweldo. Siguro kausapin ko si kuya mamaya at sabihing swelduhan naman si Son kahit papaano.
"Grabe, hindi naman! Gusto ko lang taalaga makatulong sainyo," tanggi niya.
"Pag sure! Takot ka lang kay kuya, eh!" Nginisian ko siya para mang-asar.
"Hindi, ah!" Nagsalubong ang mga kilay niya at humaba ang nguso.
"Hindi pala, ah! Sumbong nga kita!" pananakot ko.
"Oy! Joke lang, ito naman!" Mabilis siyang napalingon sa akin kaya nakita ang panlalaki sa mga mata niya.
Natawa ako sa reaksiyon niya kaya lalo ko siyang inasar. Pero nang naging pamilyar na sa akin ang daan, nakaramdam na ako ng kaba dahil alam kong malapit na kami sa bahay. Ibig sabihin makakaharap ko na si Leigh.
Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksiyon niya sa pag-uwi ko. Hindi ko rin alam kung saan mauuwi ang magiging pag-uusap namin. Pero hopeful ako na sana magkaayos kaming dalawa. Ayaw kong masira ang relasyon namin dahil lang sa lalaki, lalo na at misunderstanding lang ang lahat.
"Oh, natahimik ka bigla?" puna ni Son. Mabilis niya ulit akong tinignan tapos binalik din naman niya agad sa daan ang mga mata.
"Naisip ko lang si Leigh," sagot ko.
Nanatili sa labas ang tingin ko, nililibang ang sarili sa mga tao at establishments sa daan para
kumalma. Wala akong dapat ikatakot dahil alam kong wala naman akong ginawang masama. Ang mali ko lang ay hindi ko agad nasabi agad kay Leigh ang panliligaw ni Albie.
"Huwag kang mag-alala, alam kong magkakaayos kayong dalawa," pagpapalakas niya ng loob ko.
Napahinga na lang ako ng malalim at tumango. Dapat kong lakasan ang loob ko at maniwalang maaayos din kami. Alam kong hindi pa rin ganon ka-mature mag-isip si Leigh, pero feeling ko naman maiintindihan niya pag nagpaliwanag ako. Dahil kung hindi, nako baka sabunutan ko talaga si Albie!
"Nandito na tayo," anunsiyo ni Son.
Kahit kabado, binuksan ko ang pinto ng sasakyan at bumaba. Dito pa lang, dinig ko na ang boses ni Mico na nagvi-videoke, hindi ko alam kung kumakanta siya o sumisigaw. Kita ko na rin sa siwang ng gate ang mga lamesa't upuan na nakaayos sa labas ng bahay. Pero konti na lang ang mga tao, past lunch na rin kase at nagsiuwian na siguro ang iba.
Nang pumasok na ako, napatingin ang lahat sa amin. Napatayo agad si Sabel at tumakbo palapit sa'kin para yumakap. Ang higpit ng yakapan naming dalawa, akala mo ilang taon kaming nagkita. Nang kumalas na siya sa yakap, nagpunta naman siya sa jowa niya ngayon kaya iniwan ko na sila doon.
Nang tumingin ulit ako sa harap, saktong palabas na si Leigh. Pareho kaming napatigil at nagtinginan. Pero nang nakabawi ay tinignan niya ako ng masama at inirapan bago bumalik sa loob. Napatahimik ang mga bisita maliban kay Mico na bumibirit pa rin.
"Leigh!" Mabilis ko siyang sinundan sa loob. Pero pagpasok ko, sakto kong narinig ang pagbagsak ng pinto ng kuwarto niya.
Kaya umakyat agad ako at pinuntahan ang kwarto niya. Kinatok ko siya at ilang beses tinawag pero hindi niya binuksan. Umiiyak na ako at nagmamakaawa, pero wala talagang epekto. At nang napagod na ako at masakit na ang buko ng mga daliri ko, napasandal na lang ako sa pinto.
"L-leigh, hayaan mo naman akong magpaliwanag. Pa-pakinggan mo naman a-ako." Napaupo ako sa lapag at doon ako umiyak. Tinupi ko ang mga tuhod ko at pinatong doon ang ulo ko.
"A-ate." Mabilis na lumapit sa akin si Sabel nang nakita ang kalagayan ko.
Pareho kaming napatingin sa may hagdanan nang pumanik si kuya. Napatigil pa siya nang nakita ako pero lumapit din agad nang nakabawi. Lumuhod din siya sa tabi ko at inayos ang buhok ko habang pinupunasan ang luha ko.
"Tahan na, Mabel ... tahan na." Niyakap niya ako at hinagod ang likod.
Pinatong ko ang ulo ko sa balikat niya at doon umiyak. Nang tumahan na ako, inalalayan nila akong tumayo at dinala sa kuwarto ko. Umalis sandali si Sabel at pagbalik niya ay may dala na siyang tubig. Kasabay niyang dumating si Son na may dalang box ng tissue.
"Ano ba talaga yung nangyari, Mabel? Pati ako naguguluhan, eh. Isang gabi, kayo nung animal na Albie na 'yon. Tapos kinabukasan, hindi raw totoo?" Nakapamaywang ang isang kamay ni kuya habang kumukumpas naman yung isa. Wala ng espasyo sa pagitan ng mga kilay niya, litong lito rin sa mga nangyari.
Napahinga ako ng malalim at pumikit ng mariin. Yumuko ako para kolektahin ang sarili ko at mag-isip ng maayos. Sasabihin ko na sa kanila ang totoong nangyari, bakasakaling matulungan nila ako para makausap si Leigh. Ang gusto ko sana talaga ay makausap ko siya ng harapan at masinsinan. Gusto ko, ako ang magsabi sa kaniya para walang labis at walang kulang ang kwentong makakarating sa kaniya. Pero dahil ayaw naman niya akong pakinggan, ito na lang siguro ang paraan.
Sinimulan ko ang kwento mula sa biglaang pagkikita namin ni Albie sa supermarket. Sunod kong sinabi ang paglabas namin tapos nagpaalam—ipinaalam niya sa akin na liligawan niya ulit ako. Kinlaro kong tumanggi ako, pero nagpumilit siya. Tapos, inamin ko ring nagkamali ako at hindi ko agad sinabi kay Leigh, pero dinepensahan ko rin ang sarili ko at sinabing kinuha ang cellphone namin sa team building tapos nagtampo naman siya sa amin pagkauwi ko ng Manila.
"Pagkaraan ng ilang araw, niyaya ulit ako ni Albie na lumabas. At ayon nga, nagpunta kami sa Binondo."
Napatigil ako dahil nagdalawang isip ako kung imemention ko si Maritessa, dahil baka magtanong pa sila at mawalan ako ng choice kung hindi aminin ang nararamdaman ko kay Venn. Kanina ko pa pinipigilan ang sarili kong sabihin ang pangalan niya, kaya mas pinag-isipan ko ng mabuti kung paano ko itutuloy ang kwento.
"At nung kakain na kami, kailangan naming maki-share ng table sa ... kakilala ko sa office dahil okupado na ang lahat. Tapos ..."
Napatigil ulit ako dahil ang hirap hindi i-mention ng nangyari sa parking area. Hindi naman pwedeng sabihin kong pinagkamalan kaming magjowa tapos nag-assume na agad si Albie na kami na. Bukod sa hindi iyon ang nangyari at ayaw kong magsinungaling, lalo lang siyang magmumukhang tanga. Kaya wala akong choice kung hindi sabihin dahil iyon ay mahalagang parte ng nangyari.
Napabuntonghininga muna ako bago tinuloy ang sinasabi. "Eh yung babaeng kasing iyon, nakita kami ni Mimi na nag-aasaran at pinipilit niya akong paaminin. Kaya umamin akong ... I like someone." Pahina nang pahina ang boses ko dahil natatakot akong marinig nila ang huling part.
"You like someone?!" Napataas ang boses ni kuya. Lalong nagsalubong ang mga kilay niya at napahakbang pa siya ng isang beses palapit sa akin.
"Sino?" tanong ni Sabel.
"Si Albie?!" Napatakip ng bibig si Son nang napagtanto niya ang sinabi.
Lahat kami napatingin sa kaniya. Pinanlakihan ko pa siya ng mata kase kung ano-ano sinasabi niya! Nagpapaliwang nga ako para patunayang walang namamagitan sa amin ni Albie tapos ganiyan ang i-a-assume niya?
"Totoo ba 'yon, Mabel?" pagkumpirma ni kuya, halatang hindi niya nagunstuhan ang pagbanggit ng pangalan ni Albie.
Nagulat tuloy ako at hindi agad makasagot. "H-hin-hindi, no!"
"Eh sino?" Napahakbang ulit si kuya, susugurin pa ata ako pag hindi nagustuhan ang sagot ko.
Napapikit na lang ako ng mariin. Sabi ko na nga ba at gugugulo pag sinabi ko ang nangyari sa parking area. Aalamin at aalamin talaga nila kung sino.
"Hindi yon ang point, okay? Ang point ay in-assume rin nung babae na si Albie ang tinutukoy ko at kinwento niya noong kumain kami. So nag-assume rin si Albie na gusto ko siya, at ang malala pa ay akala niya kami na," pagpapatuloy ko sa kwento.
"Kaya siya nag-post ng ganon at sinabi kay Leigh na kayo na?" pakumpirma ni kuya.
Marahas akong napatingin sa kaniya dahil sa narinig. "Sinabi niya kay Leigh na kami na?!"
Nagulat silang lahat sa naging reaksiyon ko. Nagkatinginan pa sila at nalito na hindi ko alam. Well, ako rin nagulat at nalito! Hindi ko alam na may ganon palang nangyari.
"O-oo, ate. The same night na pinost niya yung picture, tinanong siya ni Leigh kung anong ibig sabihin non. Ayon, sinabi niyang kayo na," pagkukwento niya.
Napatulala na lang ako, hindi ko alam kung ano pa ang sasabihin ko. Kaya ba ganito na lang katindi ang reaksiyon ni Leigh? Kaya ba ayaw niya akong pakinggan? Eh di mas dapat lang na marinig niya ang totoo. Dapat masabi at maipaliwanag ko sa kaniya ang mga nangayari.
Nasa kalagitnaan kami ng katahimikan nang biglang lumabas si kuya. Mabibilis ang mga hakbang niya kaya napatigil pa kaming tatlo at nagkatinginan. Akala ko pa nga ay susugurin niya si Albie kaya sasabihin ko sanang nasa Manila siya. Kaya naalarma ako at napatayo agad nang katukin niya ng malakas si Leigh! Sinundan agad namin siya at nakita naming halos gibain na niya ang pinto.
"LEIGH BELLE! BUKSAN MO 'TONG PINTO!" Pilit niyang pinipihit ang door knob at pwersahang binubuksan ang pinto.
Kinabahan ako nang nakita kong umuuga na ang pinto! Kaya lumapit na kami para patigilin siya. Kaso ayaw talaga niyang paawat at sinipa pa ang pinto. Sa sobrang ingay ay napaakyat na sina Ate Bianca at mga bisitang chismosa.
Naiyak na naman ako dahil ang gulo ng nangyayari. Lalo na nang sumali na rin si ate sa pagpigil sa asawa niya at umiiyak na rin. Tapos naririnig ko pang nakikipigil at nagchichismisan ang mga bisita, may kaniya-kaniya silang opinyon kahit wala silang kaalam-alam sa nangyayari.
At lalong tumaas ang tensiyon nang buksan ni Leigh ang pinto. Napatigil pa kaming lahat dahil hindi namin inaasahang bubuksan niya. Pulang pula ang mukha niya at basang basa ang mukha niya sa pag-iyak. Pero kahit ganon, halatang galit siya sa panlilisik pa lang ng mga mata niya.
"Ano?!" sigaw niya sa amin.
Lumakas ang bulungan ng mga tao sa likod, lalo na nang tinulak ni kuya ang pinto at pumasok sa kuwarto. Nasindak naman si Leigh at napaatras, pero binalik din agad ang tapang at galit sa mukha. Kaya bago pa sila tuluyang magsagutan—na palagi nilang ginagawa—pumagitna na agad kami.
"Ano? Pagtutulungan niyo na naman akong tatlo?" Masama ang tingin niya sa aming tatlo.
"Bat ba parang palagi ka naming kinakawawa eh lahat nga ng pabor nasayo?" Kita ko ang pagpapakalma ni kuya sa sarili niya, huminga muna siya ng malalim at pumikit bago nagsalita.
"Lahat ng pabor? Eh ayaw niyo man ngang i-consider ang nararamdaman ko! Hindi niyo ako pinapakinggan!" sumbat naman ni Leigh.
"Eh ikaw nga yung ayaw makinig, eh!" pambabara naman ni Sabel sa kaniya.
"Leigh, please, hayaan mo naman akong magpaliwanag. Pakinggan mo naman ako." Sinubukan kong lumapit sa kaniya at hawakan ang kamay niya, pero lumayo siya sa akin at winaksi ako palayo.
"Ano pa ba ang dapat kong malaman, eh malinaw na ang lahat? Ano pa ba ang ipapaliwanag mo? Yung panliligaw ni Albie na hindi mo sinabi sa akin?!"
Napatigil ako. Paano niya nalaman ang panliligaw ni Albie?
"Ate, alam mong mahal ko siya! Alam mong ilang taon na akong naghihintay na mahalin din niya. For more than five years, kahit alam kong mahal ka niya umasa pa rin ako kase ang akala ko iba ang nararamdaman mo! Akala you would never betray me!"
Ang mabibigat na paratang at matatalim na salita ay parang mga punyal na sumasaksak sa akin. Wala na akong ibang nagawa kung hindi ang umiyak at subukang lapitan siya. Pero wala, tuwing hahawakan ko siya ay halos itulak niya ako palayo na parang bang may nakakahawa akong sakit.
"Tapos isang gabi malalaman ko na lang na kayo na?! Alam mo ba kung gaano kasakit sa akin 'yon? Ate, hindi lang ako nasaktan dahil may girlfriend na si Albie. Mas nasaktan ako dahil ikaw yung babaeng 'yon!"
Hindi na niya talaga ako hahayaang magpaliwanag kaya naisipan kong sabayan na lang siya.
"Leigh, pakinggan mo muna kase ako. Hindi naman—"
"Kaya tama lang siguro na niloko ka ni Kuya Luigi!"
Napatigil ako sa pagpapaliwanag nang sabihin niya 'yon. Napaisip pa ako kung iyon ba talaga ang sinabi niya? Nagkamali lang ba ako sa pagkakarinig?
"LEIGH!" suway ni kuya nang nakabawi sa pagkakagulat.
Pero mas nabigla kami ng lumapit si Sabel kay Leigh at sinampal niya ng napakalas. Sa sobrang lakas ay lumagutok at tila nag-echo sa buong second floor. Napatigil din tuloy sa chimisan ang mga nasa labas ng kuwarto. Habang si Leigh naman ay halos tumilapon at natumba pa.
"Ang kapal ng mukha mong sabihan si ate niyan! Mula nung bata pa tayo wala ng ibang inisip si ate kundi ang kapakanan na'tin! Tapos ngayon, dahil lang sa lalaking 'yon nagkakaganyan ka?! Mahiya ka naman!" Pulang pula ang mukha ni Sabel. At kahit nanlilisik ang mga mata niya, tuloy-tuloy pa rin ang paglabas ng luha mula roon.
Lumapit kaagad si Son sa kaniya at pilit siyang pinakalma dahil nanginginig na siya sa sobrang galit. Habang si Ate Bianca naman ay dinaluhan si Leigh sa sahig at pinatahan dahil sobra rin ang pag-iyak niya. Habang si kuya naman ay nakaalalay sa akin dahil wala rin akong tigil sa pag-iyak.
Ang marinig pa lang na manggaling ang mga salitang 'yon kay Leigh ay doble-doble ang sakit. Alam niya kung gaano kahirap ang pinagdaanan ko sa mga nagdaang buwan nang maghiwalay kami ni Luigi. Isa siya sa mga kasama ko noon at nagpalakas ng loob sa akin para ituloy ang buhay at lumaban.
Pero ... totoo nga, kahit sino kaya kang saksakin, kahit pa kadugo mo. Akala ko ang pagtraydor na ni Nisha ang pinakamasakit. Hindi ko akalaing si Leigh pala ang dudurog sa puso pagkatapos akong saktan ng lahat ng taong minahal ko ng lubos.
Ayaw ko na. Hindi ko na kaya.
Kinalas ko ang hawak sa akin ni kuya at tumakbo ako palabas. Sinalubong ko ang mga bisitang nakasaksi ng gulo, tila rumami sila at nakinood na rin ang iba para makibalita.
"Mabel, anong nangyayari? Nag-aaway ba kayo?" tanong ni mama na pagkababa ko. Nakaabang siya sa paanan ng hagdanan at hindi naiakyat.
Tinignan ko lang siya sandali bago ako tumuloy sa labas. Noon ko lang napagtanto na padilim na pala. Inikot ko ang buong paningin sa handaang nasira. May ilan pang bisitang hindi umakyat pero nakaabang para makichismis. May ilan pang nagtanong sa akin pero hindi ko na sila pinansin at tumuloy na ako palabas ng gate. Sa labas, nadatnan ko ang iba pang kapitbahay namin.
Pero wala na akong panahon sa kanila at tumakbo na ako palayo. Wala akong ibang hangad kung hindi ang makalayo sa bahay. Hindi ko alam kung saan ako pupunta, pero patuloy lang ako sa pagtakbo. Pinagtitinginan na rin ako ng mga tao sa kalsada, sa mapanghusga pa lang nilang tingin ay alam ko nang nakabuo na agad sila ng kwento sa isip nila.
Hindi ko na inisip pa iyon. Tumakbo lang ako nang tumakbo habang pinupunasan ang luha ko. Hanggang sa nakaramdam na ako ng pagod at unti-unti akong bumagal hanggang sa tumigil na ako. Pinatong ko ang kamay ko sa tuhod at hinabol ang hininga. Nakaramdam ako ng hilo at nasusuka ako. Tapos ang luha ko ay humalo na sa pawis ko.
Kaya hindi na ako nahiya at umupo na sa gilid ng sidewalk. Sinandal ko ang likod ko sa pader at pumikit. Malalalim ang ginawa kong paghinga para umayos ang pakiramdam ko. At saktong pagbukas ng mga mata ko ay ang pagtigil ng isang itim na kotse sa harap ko. Kinabahan pa ako dahil akala ko kidnapper. Pero nang lumabas na ang lulan ng sasakyan, namilog ang mga mata at bibig ko.
"Mabel?"
Napatayo ako dahil hindi ko akalaing makikita ko siya rito. "V-venn?"
"Ayos ka lang—"
Hindi ko na siya pinatapos at tumakbo ako palapit sa kaniya. Niyakap ko siya ng mahigpit at umiyak sa dibdib niya. Hindi pa siya nakapag-react agad at naestatwa. Pero nang nakabawi ay binalot na rin ako ng bisig niya.
At pagkatapos ng lahat ng pagod, nakaramdam ako ng pahinga at ginahawa. Kahit wala man siyang simabi, ang presensiya niya ang nagbigay ng saglit na kapayapaan sa puso't isip ko. At sa lamig na hatid ng hanging gabi, ang yakap ang nagbigay init upang gumaan ang pakiramdam ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top