Chapter 18
Pabagsak kong binitawan ang cellphone ko sa harap ni Albie para ipakita ang post niya kagabi sa IG! Tinignan ko siya ng masama. Nagngingitngit pa ang mga ngipin ko at nararamdaman kong humihigpit ang panga ko.
"Bakit mo ba kase pinost 'yan?!" Halos idutdot ko na ang daliri ko sa cellphone.
"E-eh siyempre ... nag-date tayo, kaya naisip kong ... i-post." Nakayuko lang siya habang nakaupo sa harap ko. Hindi makatingin nang nakita kung gaano ako kagalit kanina.
"Eh bakit ganiyan ang caption?! Ang dami tuloy nag-assume na tayo na! Tapos pinusuan mo pa yung mga nag-congratulations!" Dumagundong sa buong kuwarto ang boses ko. Hindi ko alam kung narinig ba sa kabilang kuwarto, pero wala na akong pakielam!
Sino ba naman kase ang hindi maiinis? Okay lang naman sana kung nag-post siya ng pictures namin kagabi. Kaso ang caption ba naman ay 'Wǒ de ài'! Tapos imbis na itama yung mga nag-comment, ni-like at nag-thank you pa ang amaw!
Kaya gusto ko talagang manakit. Gusto kong magmura. Nagpipigil lang talaga ako dahil kaibigan ko siya. Ayaw kong ilabas ang sakit na nararamdaman ko sa ibang tao. Kaya tumalikod muna ako sa kaniya at huminga ng malalim ng ilang beses. Nang medyo kumalma na ang pagtibok ng puso ko, humarap na ulit sa kaniya.
Nakayuko pa rin siya at walang imik. Hindi ko tuloy alam kung ano ang iniisip niya, at kung ano man ang reaksiyon niya dahil nakatayo ako sa harap niya. Kaya medyo na-guilty ako nang may punasan siya sa mukha!
Nang inangat niya ang ulo para tignan ako, nakita ko ang pamumula ng mga mata niya at ang tuloy-tuloy na pagdaloy ng luha. "S-sorry, Akala ko ... a-akala ko okay lang sa'yo kase sabi mo kagabi gusto mo ako. Na-excite lang ako—"
"Teka, teka! Sinabi kong gusto kita?" pagputol ko sa sinasabi niya.
"—kase akala ko tayo na ..." Unti-unting humina ang boses niya at nabitin pa nang narinig ang sinabi ko. Napatigil siya sandali, naiwang nakabukas ang bibig.
"Anong tayo na?" Nagsalubong ang mga kilay ko at pilit inalala ang nangyari kagabi.
Nauntog ba ako at nagkaroon ng amnesia? May sinabi ba ako habang tulog ako sa biyahe? May bumulong ba sa kaniya tapos akala niya ako yung nagsabi? Nanaginip ba siya tapos akala niya totoong nangyari? Anong pumasok sa kukote niya at na-conclude niyang kami na?
"'Di ba, sabi kagabi ni Tessa gusto mo raw ako? So akala ko, ibig sabihin non tayo na." Napanguso siya, para siyang batang nagdadahilan sa nanay dahil nahuling naglalaro sa labas imbis na matulog sa hapon. "M-mali ba ako, Mabel?" nag-aalangan niyang tanong.
Nanghihina akong umupo at napahawak na lang sa ulo. Yawa! Iyon lang pala pinagmulan ng lahat ng gulong 'to? Dapat talaga Maritessa ang ipangalan sa babaeng 'yon! Tapos eto naman assumero ng taon!
"Maling mali, Albie. Maling mali." Umiling-iling ako habang nakapatong ang ulo sa dalawang kamay na nakatukod sa lamesa. "Isang malaking misunderstanding ang lahat, okay?"
"Hindi mo ako ... g-gusto?" tanong niya. Nakakaawa dahil nanunubig ang mga mata at nanginginig ang mga labi niya.
Napaiwas ako ng tingin at huminga ng malalim. Hindi ako pwedeng maawa dahil lalala lang ang misunderstanding. Kaya dahan-dahan akong umiling, pero sa bintana lang nakatingin. Iba kase itong pambabasted ko sa kaniya kaysa noong nauna. Pakiramdam ko, mas masakit itong ngayon kase umasa pa siya at nag-assume na kami na.
"So sino yung tinutukoy ni Tessa kagabi? Si Venn?" Mas agresibo na siya ngayon at tumaas ng konti ang boses.
Hindi naman ako nakasagot at napatulala lang sa kaniya. Bukod sa ayaw kong sabihin, nagulat ako sa pagbabago ng ekspresyon at naging aksiyon niya. Magkasalubong na ang mga kilay tapos hinampas pa sa lamesa ang palad niya.
"Mabel naman, binalaan na kita tungkol sa kaniya. Kaibigan siya ni Luigi, kasabwat siya sa panloloko sa'yo noon!" pagdidiin pa niya.
Nagpintig ang tenga ko sa sinabi niya. Uminit agad ang ulo ko dahil alam kong totoo, pero mahirap tanggapin sa akin 'yon. Kaya masama ko siyang tinignan at padabog na tumayo kaya natumba ang upuan.
"Ayusin mo na lang ang gulong ginawa mo! Dahil sinasabi ko sa'yo, hangga't hindi ako kinakausap ni Leigh, hindi rin kita kakausapin!"
Dinampot ko ang cellphone ko at binulsa 'yon. Mabilis akong naglakad at umalis doon.
***
Kanina ko pa tine-text si Leigh pero hindi siya nagre-reply. Nang tinawagan ko naman, pinatay niya lang. Tapos nang nakailan na ako, cannot be reached na. Nainis na siguro at pinatay na ang cellphone.
Kaya si Sabel naman ang tinanong ko. Nagkukulong pa rin daw sa kuwarto si Leigh. Ilang beses na raw nilang kinatok, pero ayaw silang pagbuksan. Nung gamitin naman daw ni kuya ang susi, sa banyo naman daw kuwarto siya nagkulong.
Nung tinanong ko naman kay Albie ang tungkol doon sa pinapagawa ko, nakapag-post na rin siya para i-clear ang misunderstanding. Alam ko parang feeling celebrity naman siya doon, pero hindi na sana niya kinailangang gawin kung noong sa comments pa lang nag-correct na siya.
Nang sinabi kong i-chat niya rin si Leigh para i-clear, blocked na raw siya. Pati raw sa contacts. Hindi naman daw siya makagawa ng account kase may feature daw sa Instagram na iba-block pati yung mga accounts na gagawin niya. Kaya bibili na lang daw siya ng bagong sim card.
Napahinga na lang ako ng malalim pagkatapos kong basahin ang text ng lahat ng tinanungan ko tungkol kay Leigh. Hindi ko tuloy maiwasang mag-alala sa kaniya. Baka kase magkasakit pa siya. Tapos masama na rin talaga loob niya noong una dahil hindi namin pinayagan. At ngayong dumagdag pa 'tong kay Albie, hindi ko na alam kung kakausapin niya pa ba ako.
"Hi, Mabel!"
Napaangat ako ng tingin nang may tumawag sa pangalan ko. Hindi ko pa siya agad nakilala at kinailangan ko pang pasingkitin ang mga mata ko. Natawa tuloy siya at tsaka naglakad palapit sa akin. Nanlaki ang mga mata ko at napanganga nang nakilala ko siya.
"Kirk!" Ang laki ng ngiti ko dahil naalala ko ang pangalan niya.
Kaso napatigil naman siya sa paglapit. Yung ngiti niya ay napalitan ng nguso. Humawak pa siya sa dibib niya. "Nasaktan naman ang puso ko doon, Mabel. Hindi ako si Kirk! Kurt ako, Kurt!" turo niya sa sarili.
Nakagat ko na lang ang labi ko at awkward na tumawa. Yawa! Akala ko pa naman tumama ako.
"Ay? Sorry, hehe." Nag-peace sign ako at alanganing ngumiti.
"Ano ka ba, okay lang 'yon! Alam ko namang pareho kaming pogi ng kambal ko." Umupo siya sa tabi ko at mayabang na nagdekwatro. Nag-pogi pose pa siya at kinindatan ako.
Pabiro kong pinagsalubong ang mga kilay ko at umusog palayo sa kaniya. Dinampot ko na lang ang green tea na inorder ko at tsaka ko siya inirapan bago sumimsim. Ang presko kase, kailangan ng pampainit!
"Oy, anong mukha 'yan? Ang dami kayang nagkakandarapang girls sa akin," pagyayabang pa niya.
"Sorry, hindi ako nadadaan sa mga papogi lang," pagtataray ko kunwari. Pero dai, gwapo gyud siya, uy! Kahawig niya si Dylan Wang, yung gumanap na Dao Ming Si.
"Hindi rin naman kita type, hmp!" Humalukipkip siya at OA na umirap, yung kasama pati ang ulo niya.
Natawa tuloy ako at napalo ko siya sa braso. Kahit 'di man gano'n kalakas, umakto pa siyang sobrang sakit. Bandang huli tuloy ay nagtawanan kami doon na parang tanga. Pinagtitinginan tuloy kami ng ibang tao sa cafe kaya napatigil kami.
"Ayan, at least tumawa ka na. Kanina mukha kang problemado diyan," sabi niya.
"May iniisip lang," tanggi ko pa. Dinampot ko tuloy ang tsaa para mabaling ang atensiyon ko doon.
"Nasabi sa akin ni Kirk na kinuwento niya sa inyo ang nangyari sa amin at nagsabi ng problema. Nagpapasalamat ako na natulungan niyo siya—kami—para maliwanagan." Nawala na ang mapagbirong tono niya. Umayos na siya ng upo at seryoso niya akong tinignan.
"Sinabi lang namin ni Venn kung ano ang sa tingin naming tama. Kaya masaya akong nagkaayos kayong magkapatid." Tipid ko siyang nginitian.
Pagkatapos non ay wala na ulit umimik sa amin. Binalik ko sa harap ang tingin ko at sumimsim ng tsaa. Inisip ko ulit ang mga problema ko, lalo na ang kay Leigh. Pakiramdam ko ay urgent ito, kailangan ko siyang makausap sa lalong madaling panahon. Kaso paano ko naman magagawa iyon kung nandito ako? Tapos ayaw pa niya akong replyan, ayaw niya ring sagutin ang mga tawag ko. Napahinga na lang ako ng malalim at binitawan sa lamesa ang tasang walang laman.
"Mabel, halatang may problema ka. Alam mo, ayos lang naman sa akin na mag-share ka. Malay mo, may maitulong pa ako sa'yo, 'di ba?" pag-udyok niya sa akin na magkuwento.
Pero hindi ko alam kung ibabahagi ko ba. Kung mapagkakatiwalaan ko ba siya. Hindi kase ako sigurado, pero mas malakas ang bulong ng isip ko na mag-ingat. Kahit naman kase nakabiruan ko na siya at medyo komportable na ako, iba na ang usapan kapag ganitong matters na. Kaya kahit gusto ko sanang humingi ng payo, lalo na at nagkaayos lang sila ng kapatid niya noong kailan lang, hindi ko magawang ikuwento sa kaniya ang nangyari.
Napahinga na lang ako ng malalim at napasandal. Tinangala ko ang ulo ko at tsaka pumikit. Sa paraang 'to, luminaw ang isip ko at may naisip akong gawin. Parang may isang light bulb ang lumitaw sa taas ng ulo ko!
Napaupo ako ng tuwid at tumingin sa kaniya. Nabigla pa siya sa biglaan kong paggalaw dahil ang tagal kong tahimik.
"Gusto ko sanang bisitahin si Kirk? Kung pwede lang naman, hehe." Nag-aalinlangan kong request, baka kase hindi pwede o kaya ayaw pala ng mga magulang nila ng bisita.
Nagsalubong ang mga kilay niya at napagilid ng konti ang ulo niya. Tinignan niya muna ako ng ilang sandali at tila nag-isip. Kinabahan pa tuloy ako dahil akala ko hindi pwede. Kaya napahinga ako ng maluwag nang ngumiti siya at tumango.
"Nasa bahay na siya ngayon, doon siya nagpapahinga at nagpapagaling," imporma niya sa akin.
Tumango-tango ako at tsaka ngumiti. "Mamayang pauwi, sa inyo na muna ako dederetso."
"Okay! Deal!" Nag-thumbs siya. Tapos tinignan niya ang relo sa kaparehong kamay. "Pero kailangan na nating bumalik sa work. Tara na?" yaya niya sa akin.
Tumango ako at tumayo na. Nakasunod ako sa kaniya palabas ng cafe nang may nakasalubong kami! Nagulat din si Venn nang nakita kami. Naglipat pa ang tingin niya sa amin ni Kurt. Medyo magkasalubong ang mga mata, nagtataka kung bakit magkasama kaming dalawa.
Natapos lang 'yon nang batiin siya ni Kirk na tinugunan naman niya. Kaya nakibati na rin ako kahit na gustong gusto ko nang umalis. Pakiramdam ko kase sasabog ang puso ko sa biglaan na naman niyang pagsulpot! Yung totoo, kabute ba siya o mushroom? Ha?
***
Nakasunod ako sa sasakyan ni Kirk papunta sa bahay nila. Medyo may kaba pa rin kahit pa nasabihan nya raw ang mama niya at pumayag. Nakakahiya kase, bigla na lang akong bumisita doon eh sa totoo lang nung team building ko lang nakausap ang kambal. Kaya minabuti kong bumili ng prutas para naman may iabot ako.
Nang nakarating na kami, lalong bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi tuloy ako makaimik sa pinagdadaldal ni Kurt. Kahit bahay nila hindi ko na napansin kung gaano kaganda. Tutok kase ako sa pagpapakalma sa sarili ko. Parang kaseng akong tanga, feeling ipapakilala ako sa magulang. Paano na lang kaya pag ipapakilala na ako ni Venn sa mama niya, baka himatayin na ako non.
Teka, bat biglang nasali si Venn? Tsaka ano yung papakilala sa mama niya? Hay! Naboboang na ata talaga ako sa dami ng problema.
Tinanggal ko na sa isipan 'yon at nag-focus sa kasalukuyang nangyayari dahil papasok na kami sa mismong bahay. Inikot ko na lang ang paningin ko at nakita ko ang garden sa gilid. Ang ganda, parang kagaya lang sa mga fairytale!
"Ang mama mo ba ang nagpalago ng garden niyo?" tanong ko.
"Ah, oo. 'Yan na ang pinagkaabalahan ni mama nung lumaki na kami ni Kirk," sagot ni Kurt.
Tumango-tango ako at tsaka sumunod na sa pagpasok niya. At nang nasa loob na kami, hindi ko maiwasang mamangha sa ganda ng bahay. Mas malaki lang siya ng konti sa bahay namin pero dahil sa pagkakaayos, nag-ala mansiyon ang itsura niya. Yung mga muwebles at dekorasyon mukhang mamahalin. At ang pinakapumukaw ng atensiyon ko ay ang malaking family picture nila.
"Oh, nandito na pala kayo!"
Napanganga ako nang nakita ko ng harapan ang mama nila. Grabe, parang siyang diwata, lalo na sa suot niyang puting bestida! Mukha pa kase siyang bata, around mid 30s. Parang siyang pinaliguan sa gatas sa ganda ng balat niya.
"Ah, ma, si Mabel nga pala. Kasama namin sa trabaho ni Kirk," pagpapakilala sa akin ni Kurt.
"G-good Evening, po," bati ko.
Nginitian niya lang ako at tsaka niyaya. "Tara, nasa kuwarto ngayon si Kirk."
Sumunod kami ni Kurt sa second floor ng bahay. Hindi ko maiwasang iikot ang paningin ko dahil ang ganda talaga ng pagkakaayos. Parang gusto ko rin tuloy i-rearrange ang pagkakaayos ng bahay namin sa Cebu. Pag-iipunan ko 'yan soon.
Tinanggal ko na ang atensiyon ko doon at umayos ng tayo ng nasa tapat na kami ng kuwarto ni Kirk. Nang buksan na ni tita ang pinto at pumasok, parang akong nasa ospital dahil amoy alcohol.
Pagkapasok ko, ang ngiti niya ang bumati sa akin. Nakahiga siya sa kama, at balot ng kumot ang buong katawan. Hindi niya suot ang salamin niya ngayon kaya medyo nanibago ako. Pero mas nakita ko ang hawig nilang magkambal ngayong hindi niya suot 'yon at hindi na seryoso ang itsura niya.
"Hi, Mabel! Buti nakadalaw ka," bati niya sa akin, malaki ang ngiti.
"Hello, Kirk." Pinalapit ako ng nanay niya at kinuha ang dala kong prutas. "Kumusta ka na?"
"I'm feeling better na," sagot niya sa akin.
Gusto niyang umupo kaya inalalayan siya ng kuya niya. Nilagyan pa ni Kurt ng unan ang likod niya at doon siya pinsandal. Tapos inayos pa ang kumot at siniguradong komportable siya.
Napangiti ako sa nakita ko. Parang hindi sila ang kambal na napanood kong magsigawan at magsumbatan sa ospital. Hindi na sila ang magkapatid na halos hindi magpansinan. Sana pati kami ni Leigh maging magkaayos din kagaya nila.
"Talagang you'll feel better kase ako nag-aalaga sa'yo," pagyayabang ni Kurt.
Nagsalubong tuloy ang mga kilay ni Kirk at napatingin sa kakambal niya. "Anong nag-alaga? Puro pang-aasar lang naman kaya ang ginawa mo!"
Napahawak sa dibdib si Kurt at napanganga, offended sa sinabi ng kapatid niya. "Pagkatapos kitang tulungang maligo at magbihis, ganiyan ang igaganti mo sa'kin? Napakasakit mong magsalita, kapatid." Dahan-dahan siyang umupo sa kama at umarte pang umiiyak.
"Ang arte mo!" Tinadyakan ni Kirk ang kuya niya kaya nahulog tuloy sa kama.
Natawa na lang ako sa kakulitan nila. Hindi ko akalaing may ganito pala sana silang side kung maayos lang ang relasyon nila dati. Nagtatawanan, nagkukulitan, nag-aasaran, at nagsasakitan din. Pag tinignan mo sila ngayon, masasabi mo na talagang magkapatid sila. Hindi lang dahil sa itsura, kundi dahil sa bond nilang dalawa.
Nagkuwentuhan pa kami ng kung ano-ano. Kadalasan ay puro kalokohan lang dahil kay Kirk. Tawa lang kami nang tawa hanggang naging seryoso ang usapan namin nang napunta sa past issues nilang magkapatid ang usapan.
"Nasaktan talaga ako nang sinabi niya sa'kin 'yon." Namuo ang luha sa mata ni Kurt nang inalala ang tagpo nila sa ospital noon. "P-pakiramdam ko wala lang lahat ng ginawa ko para sa kaniya. Parang bang wala akong kwentang k-kuya, gano'n ba?"
Pare-parehong bumagsak ang mga luha namin. Hindi ko na napigilan ang iyak kong kanina ko pa kino-contain. Tuwing naaalala ko kasi ang nangyaring 'yon sa kanila, hindi ko maiwasang ilagay sa posisyong 'yon ang sarili. Posible rin kasing mangyari 'yon saming magkakapatid. Yung magsakitan kami? Magsumbatan, magmurahan, magsiraan.
Gusto ko mang i-assure ang sarili kong hindi ako mapagsasalitaan ng ganon ni Leigh, ang hirap kumapit. Lalo na at ilang beses na kong ginulat ng mga taong mahal ko sa buhay.
"Nagalit ako noon. Nagtampo ako. Ilang beses akong sinubukang kausapin ni Kirk pero hindi ko siya pinansin," patuloy ni Kurt sa habang pinupunasan ang tuloy-tuloy na pagbuhos ng luha niya.
"Ilang beses akong sumubok no'n. Lalo na at pina-realize niyo sa'kin ni Venn ang mga pagkakamali ko. Na-guilty talaga ako," si Kirk naman. "Kaya kahit nahihiya ako at alam kong hindi niya ako papansinin, sinubukan ko siyang kausapin sa bawat pagkakataong meron."
"At siyempre dahil may pusong mamon ako," malokong sabat ni Kurt.
Kaya parang tuloy hinigop mula ng mata ko ang luha. Napatingin ako ng masama sa kaniya. Hindi ako makapaniwalang nasabi niya pa 'yon! Mismong kapatid niya parang nandiri sa sinabi niya.
"Oh bakit? Totoo naman, ah! Hindi ko matiis 'tong bebeboi ko, eh!" Bigla niyang hinigit ang kakambal niya at tsaka pinaghahalikan sa pisngi!
Kaya nagpumiglas naman 'tong isa at diring diri sa ginawa ng kakambal niya. Hindi ko tuloy mapigilang matawa sa kanila. Lalo na nang nagsimula na naman silang mag-asaran.
Ang makita silang ganito kasaya, mas umigting ang kagustuhan kong maayos ang hindi namin pagkakaintindihan ni Leigh. Kaya sa darating niyang birthday sa susunod na linggo, uuwi ako para makausap siya mismo. Personal at harapan para mas magkaintindihan kami.
Ayaw ko nang patagalin pa 'tong misunderstanding namin. Ayaw kong magsayang ng oras dahil baka tuluyang lumayo ang loob namin sa isa't isa. Mahirap nang agapan pag ganon, kaya aayusin ko 'to sa lalong madaling panahon.
***
Pagkatapos naming magkwentuhan, pinakain na kami ng hapunan ng mama nila. Sobrang pasasalamat ko nga dahil ang balak ko na lang ay mag-drive through dahil masyado na 'kong pagod. Nakatipid na 'ko, mas healthy pa since Pinakbet ang ulam. At bukod doon, pinambalot pa ako ni Tita Sharon! Ang bait niya talaga!
Bukod sa mabait, masaya pa silang kasama. Puro lang kami tawanan at asaran habang nasa hapag! Alam ko na tuloy kung kanino nagmana si Kurt.
Hanggang pag-uwi tuloy ay nakangiti ako. Kaso nang naglalakad na ako papuntang elevator, bigla na lang sumulpot si Venn! Pareho pa kaming napaitlag nang nakita ang isa't isa.
Pero kagaya ng mga nakaraang araw, magngingitian kami na parang walang nangyari. Kahit ang awkward, nagawa pa rin naming magsabay. Nakikita ko sa repleksiyon na tumitingin-tingin siya sa'kin. Parang may gustong sabihin? Pero wala namang ni isang salita ang lumabas sa mga bibig namin hanggang sa nakarating sa floor niya ang elevator.
Nakahinga na lang ako ng maluwag nang lumabas na siya. Parang kasing sumisikip talaga ang mundo kapag nakapaligid siya. Hindi ko alam pero kahit ilang linggo na ang lumipas, hindi na talaga nawala ang ilang ko sa kaniya. Siguro dahil umamin siya sa'kin tapos may gusto rin ako sa kaniya.
Matamlay na tuloy ako nang nakarating sa kuwarto ko. Umupo muna ako sa kama para ipagpahinga ko muna ang katawan ko bago maghilamos. Tapos nilabas ko ang cellphone ko para may pagkaabalahan.
Nagtingin-tingin na lang ulit ako sa Instagram. Kaso biglang nag-refresh! At ang unang post pa na tumambad sa akin ay picture ni Venn kasama si Maritessa, magkasabay silang kumakain sa isang restaurant. At tila may sariling buhay ang daliri ko, pinindot ko ang tatlong dot para i-hide ang post.
Pinatay ko ang cellphone ko at walang buhay na tinapon sa kama. Pabagsak akong humiga at tinitigan ang puting kusame.
Anong karapatan kong masaktan? Eh kasalanan ko rin naman. Siya na nga ang umamin, ako pa ang humindi. Siya na nga ang unang nagmahal, pero binalewala ko pa rin.
Natawa na lang ako sa naisip. Ang ironic kase takot akong masaktan kaya ko siya ni-reject. Pero nasasaktan pa rin ako ngayon dahil hindi siya sa akin. Ang tanga ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top